Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Salin ng “Tardiyyah” ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Nalunod sa ulop ang kunehong takot na takot.
Nilapa ito ng mga aso at winarat ang mga buto.
Mangangaso, magkano mo ba ipinagbibili
ang isang katibayan ng pagsilang?
Si Katerina, na bagong panganak pa lamang,
ay yumao, at ang sindak na kuneho’ y naghinaw
sa dugo mula sa mga kalmot ng aso’t talahib.
Ang huklubang lalaking bulag ng al-Ma’arrah
ay tumingala’t binuksan sa tiim na titig ang langit
nang hitik sa pang-uuyam.
Lumipas ang tag-araw, at sa pagsapit ng taglagas
ay nagkumot ng mga tuyong dahon ang gubat.
Ganito ba humahagulgol ang magkasintahan,
ganito ba malunod sa malawak na lawa ang araw
at lumipad papalayo ang mga ibon,
at mamatay ang isang nangangatal na kunehong
niyayapakan ng mangangasong tigmak sa dugo
ang mga paa ng kaniyang magilas na kabayo?
Hinila ba nang patayo si Lorca noong isilang siya?
Kumaripas ng takbo ang mga aso, at nagsisitahol
sa harap ng among berdugo.
Ito ba ang hapdi ng pagdurusa?
“At itong mga bilangguan at tanikala, o Khayyām,
ay katibayan ba ng pagsilang ng aming mga araw?”
Naduwag ako’t umisip ng palusot, at nakita ko
sa espehismo ang mukha ng kamatayan.
Kawawa naman itong palaboy na pitho!
Natutulog siya sa mga tabi ng tarangkahan,
at mula sa dilim ay iniabot niya ang mga kamay
sa akin, at binasa nang pabaligtad ang almanake
sa pabulong, mahinang paraan:
“Ginoo, ipinahiwatig ng mga bituin sa akin,
na mag-ingat, mag-ingat kayo sa paghagibis!
Nasa harapan ninyo ang dagat, at nasa likuran
ang mga kaaway na handang manambang,
at kahit saan ay kubkob kayo ng kamatayan.”
Ngunit ngayong gabi, lumaklak tayo ng alak
hanggang ang may-ari ng taberna ay madupilas
at mahulog sa malamig na sanaw ng panahon.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to foreign invasion. Yes to human rights. Yes to humanity.

Advertisements

Dito sa Tagsibol na Ito, ni Dylan Thomas

Salin ng “Here in this Spring,” ni Dylan Thomas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dito sa Tagsibol na Ito

Dylan Thomas

Dito sa tagsibol na ito, lumulutang ang mga talà sa kawalan;
Dito sa ornamental na taglamig na ito
Ay bumubuhos ang lastag na panahon;
Inililibing ng tag-araw na ito ang ibon ng tagsibol.

Napipilì ang mga simbolo mula sa mga taon
Ng mabagal na inog ng mga baybay ng apat na panahon,
Sa taglagas ay nagtuturo ng tatluhang siklab ng apoy
At mga nota ng apat na ibon.

Nababatid ko ang tag-araw mula sa mga punongkahoy,
At inilalahad ng mga bulate, kung maaari, ang sasapit
Na mga bagyo ng taglamig, o ang paglilibing ng araw;
Dapat natutuhan ko ang tagsibol mula sa mga huni,
At mapiga ang mga aral ng linta ukol sa pagkawasak.

Higit na mahusay sa relo ang uod sa pagtukoy ng tag-araw,
At ang linta’y pumipintig na kalendaryo ng mga araw;
Ano ang pahiwatig sa akin ng eternal na kulisap
Kung sabihin nitong marahang naaagnas ang daigdig?

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Tatlong Tula ni Sagawa Chika

Salin ng mga tula ni Sagawa Chika ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Larawan ko

Nagulantang ang mga taganayon nang kumuliling ang telepono.
Ibig bang sabihin nito’y kailangan nating lumipat ng bahay?
Nataranta ang alkalde at hinubad ang kaniyang asul na diyaket.
Oo, totoo ang nasasaad sa listahan ng pangangailangan ni Ina.
Paalam, asul na nayon! Humahabol sa inyo ang tag-araw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng ilog.
Ang tandang na may pulang sombrero’y bumabâ sa walang
katao-taong estasyon.

Kalawanging patalim

Inakyat ng asul na takipsilim ang bintana.
Nagpatayon-tayon ang lampara, gaya ng leeg ng babae.
Naglagos sa silid ang makutim na simoy; inilatag ang kumot.
Ang mga aklat, tinta, at kalawanging patalim ay unti-unting
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ninanakaw ang buhay mula sa akin.

Habang ang lahat ay nakaismid,
ang magdamag ay ano’t napasakamay ko na.

Kabayong bughaw

. . . . . . .  . Sumapit ang kabayong winawasak ang bundok at nauulol. Mula sa araw na iyon ay lumamon lámang siya ng bughaw na pagkain. Tinina ng tag-araw sa bughaw ang mga mata at manggas ng mga babae, pagdaka’y malugod na nagpaikot-ikot sa plasa.

. . . . . . .  .Ang mga suki sa terasa ay humitit ng napakaraming sigarilyo, na nagbunga para isilang ang mumunting bilog na kahig-manok sa mga buhok ng dalaga.

. . . . . . .  .Dapat itapon gaya ng panyo ang malulungkot na gunita. Kung maiwawaksi ko lámang sa isip ang pag-ibig at ang panghihinayang, at ang makikintab na sapatos!

. . . . . . .  .Iniligtas ako sa paglundag mula sa ikalawang palapag.

. . . . . . .  .Bumangon ang dagat tungo sa kalangitan.

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.

Ibig ko ang katahimikan, ni Pablo Neruda

Salin ng “Pido silencio” ni Pablo Neruda mulang Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ibig ko ang katahimikan

Iwanan ako ngayon nang matiwasay,
at masasanay din sa aking pagkawala.

Ipipinid ko ang aking mga mata.

Ibig ko lamang ang limang bagay,
limang ugat na kinikilingan.

Isa ang walang hanggang pag-ibig.

Ikalawa ang masilayan ang taglagas.
Hindi ako makaiiral nang walang mga dahon
na lumilipad at bumubulusok sa lupa.

Ikatlo ang taimtim na taglamig,
ang itinangi kong ulan, ang haplos
ng apoy sa mabagsik na ginaw.

Ikaapat ang tag-araw,
na bilugan gaya ng makatas na milon.

At ikalima, ang mga mata mo.
Matilde, aking mahal,
mababalisa ako kapag wala ang paningin mo,
mapaparam ako kapag naglaho ang titig mo;
ipapaling ko ang tagsibol
upang ako’y sundan ng iyong mga mata.

Iyan, mga kaibigan, ang tanging nais ko.
Malapit sa wala at matalik sa lahat.

Makaaalis na kayo kung ibig ninyo.

Sukdulan akong namuhay, at balang araw
ay sapilitan ninyo akong lilimutin,
saka buburahin sa pisara:
Walang kapaguran ang aking puso.

Ngunit dahil mithi ko ang katahimikan,
huwag isiping mamamatay na ako.
Ang kabaligtaran ang totoo:
magaganap na ako’y mabubuhay.

Iiral ako’t ako’y patuloy na iiral.

Hindi ako magiging nasa loob ko,
na isang supling na nabigong sumibol
mula sa butil, at bumiyak ng luad
upang makatanaw ng liwanag,
ngunit ang Inang Bayan ay madilim,
at, sa loob ko, ako ang karimlan.
Ako ang batis na ang tubigan sa gabi’y
pinag-iiwanan ng mga bituin
at mag-isang dumadaloy sa mga bukirin.

Palaisipan ang mamuhay nang lubos
kaya nais ko pang lumawig ang buhay.

Hindi ko nadamang napakalinaw ng tinig,
at ni hindi nalunod sa labis-labis na halik.

Ngayon gaya noong dati ay napakaaga pa.
Kasaliw ng sinag ang lipad ng mga bubuyog.

Hayaan akong mag-isa sa ganitong araw.
Pahintulutan ako na muling isilang.

Dada

Nakasakay marahil siya sa simoy, at gaya ng kalapati, ay tumatawid sa malalayong pulo. Nauulinig niya ang sagitsit ng elektrisidad sa alapaap, at pumapasok sa kaniyang likás na radar ang eroplano o barko ng mga guniguning kalakalan. Kumakapit sa kaniyang mga balahibo ang asin at langis, at waring matutunaw siya sa naglalarong init at lamig pagsapit sa ekwador. Nakaipit sa kaniyang tuka ang uhay, at sa tumpak na sandali ay ihuhulog niya sa pipiliing lupain upang maging magkapatid na sibol na magpapatuloy ng salinlahi. Makakasabay niya ang ibang balangkawitan sa mahaba, nakababatong paglalakbay. Magkaiba man ang kani-kaniyang pinagmulan ay hinahatak sila ng elektromagnetikong alon upang tuklasin ang ginhawa na maidudulot ng kaaya-ayang klima. Lumisan siya noon sa pamamagitan ng sagradong bangka na tinitimon ng Kaluluwang Patnubay.  Posibleng kalong ng kaniyang isip ang isang munting anghel, na lilipad din balang araw, at mag-aaral ng sinauna’t orihinal na Tag-araw.

“Dada,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, © 18 Abril 2013.

Pabula sa Tag-araw

Napagawî ang tagák doon sa dalísay na sapà. Naákit siyáng tumítig sa túbig, at nakíta niyá ang saríli bílang nápakágandáng babáe sa daigdíg. “Anung hiwagà!” wikà ng tagák. “Walâ nang hihigít pa sa áking maputîng anyô!”

Mayâ-mayâ’y kumilapsáw ang tubig. At humalakhák ang sapà habang nanánalamín doón ang naligáw na íbon. “Bakit ka túmatáwa, butihing sapà?” usisà ng tagák.

Umismíd ang sapà, hábang hinuhugásan sa saluysóy ang mga paá ng tagák. “Nang tumítig ka sa ákin,” sambít ng sapà, “nakíta ko sa iyó ang áking kapalaran.”

“Ngúnit hindi akó pithó ng daigdíg!” salág na tugón ng tagák. “Walâ akóng kapángyaríhan úpang magbunyág ng hináharáp!”

“Ang nakikíta ko sa mga matá mo’y hindî ang tagák na tinitigháw ang úhaw sa tubigan,” tugón ng sapà. “Kundî ang mahiwagàng babáeng mágsisílang sa tag-aráw!” At mulîng napáhalakák ang sapà, na warìng inuúyam ang íbon.

Nagúlat ang tagák sa winikâ ng túbig. At mayâ-mayâ pa’y pumagaspás ito nang mángalísag ang balahíbo, at lumipád palayô sa sapà, hábang sinisíkap takásan ang bágong kabatíran.

Kinábukásan, natuyô ang sapà sa kung anóng dahilán. Bumángon sa mga bató ang isáng lastág na binibíni, at lumákad nang pasúray-súray hábang bumúbulóng ng “Pedro. . . Pedro!” bago pumaloób nang tahímik sa mga salitâng itó.

“Pabula sa Tag-araw,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo at hinalaw mula sa isang sinaunang kuwentong Tsino.
Tagak, kuha ni Jon Sullivan

Tagak, kuha ni Jon Sullivan at hinango mula sa artsibo ng public domain photos.com

Dalawandaang Araw

Dalawandaang gusali ang nasa loob ng ating noo, at mula roon ay hahanapin ang dalawandaang tao na dalawandaang anyo ang tabas ng anino. Hihihip ang dalawandaang simoy, mamumuo ang dalawandaang ulap, guguhit ang dalawandaang kidlat,  magliliparan ang dalawandaang papel na ang taglay na dalawandaan at dalawang salita ay malalaglag at babagsak sa dalawandaang pulo. Uulan ng dalawandaang milyong talulot at matitigatig ang dalawandaang lupain sa búmabángong dalawandaang kataga. Dalawandaang pangalan, ano ang kahulugan nito sa dalawandaang siglong pagmumukmok sa dalawandaang selda? Dalawandaang pagkain, bakit hindi makabusog sa dalawandaang libong sabik na bibig? Dalawandaang libong taliba, ano ang dapat asahan sa dalawandaang taong bilanggo ng nakaraan? Dalawandaang makina sa dalawandaang tao. Dalawandaang dagat sa dalawandaang planeta. Dalawang tao na magiging dalawandaang salinlahing ang dalawandaang milyong wika ay makapagpupundar ng dalawandaang tore tungo sa dalawandaang laksang kalangitan. Dalawandaang sasakyan ang maghahatid sa atin doon sa dalawandaang simbahan. Dalawandaang milyong diyos sa dalawang kamay. Saka natin mababatid na tayong dalawa ay iisa at magiging sa isa’t isa, habang ang dalawandaang bilyong buhok ay patuloy na pumuputi; at binabagtas natin ang iisang landas ng dalawandaang araw ng tag-araw.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 3 Disyembre 2009.

Tag-araw

Hahanapin mo ang pook na ito kapag lumalabis ang init ng tag-araw. Maglalakad ka nang nakayapak, at ang makukulay na bato sa dalampasigan ang magpapagunita sa iyo ng mga gumuhong bundok at naaagnas mong katauhan. Lalapit ka sa dagat, at ang dagat ay lalayo sa iyo. Mapapaupo ka sa buhanginan, at ipagkakanulo ka ng sariling anino. [Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo]

Hahanapin mo ang pook na ito kapag lumalabis ang init ng tag-araw. Maglalakad ka nang nakayapak, at ang makukulay na bato sa dalampasigan ang magpapagunita sa iyo ng mga gumuhong bundok at naaagnas mong katauhan. Lalapit ka sa dagat, at ang dagat ay lalayo sa iyo. Mapapaupo ka sa buhanginan, at ipagkakanulo ka ng sariling anino. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nangangarap ka rin marahil noon gaya ni Ulysses. Matigas ang buto, malinaw ang paningin, at matatag ang loob. Habang tumatagal, ang tinatanaw mong ibayo ay umiilap, at ang pakikipagsapalaran ay higit na makulay sa iyong lupang niyayapakan. Ano kaya kung may tapayan sa paanan ng bahaghari? Paano kung bumunsod ang bangka at kainin ng laot? Sino ang magsusulsi ng damit at mananatiling tapat sa paghihintay? Marami kang tanong, at marahil magpapanukala ng sagot ang mga alon. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nangangarap ka rin marahil noon gaya ni Ulysses. Matigas ang buto, malinaw ang paningin, at matatag ang loob. Habang tumatagal, ang tinatanaw mong ibayo ay umiilap, at ang pakikipagsapalaran ay higit na makulay sa iyong lupang niyayapakan. Ano kaya kung may tapayan sa paanan ng bahaghari? Paano kung bumunsod ang bangka at kainin ng laot? Sino ang magsusulsi ng damit at mananatiling tapat sa paghihintay? Marami kang tanong, at marahil magpapanukala ng sagot ang mga alon. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nakabantay ang iyong matapat na kaibigan. Magpapauna siya upang hawiin ang panganib, o kaya'y iligtas ka sa sakuna. Tatahulan niya ang malamig na hihip-dayaray, at maya-maya'y aahon sa dalampasigan ang babaeng nakahubad, at lasing na lasing sa pangangarap. Lalapitan mo siya, ngunit mangangatog ang iyong mga tuhod. Hahalakhak ang babae, at ilang sandali pa'y sasalpok ang mga alon, upang burahin ang bakas ng kaniyang pagkakakilanlan. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Nakabantay ang iyong matapat na kaibigan. Magpapauna siya upang hawiin ang panganib, o kaya’y iligtas ka sa sakuna. Tatahulan niya ang malamig na hihip-dayaray, at maya-maya’y aahon sa dalampasigan ang babaeng nakahubad, at lasing na lasing sa pangangarap. Lalapitan mo siya, ngunit mangangatog ang iyong mga tuhod. Hahalakhak ang babae, at ilang sandali pa’y sasalpok ang mga alon, upang burahin ang bakas ng kaniyang pagkakakilanlan. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Magpapantay sa panginorin ang bundok at dagat. Maaaring matakpan ng mga dahon ang bundok, at ang dagat ay maisasalin lahat sa himpapawid. Marami ka pang kabalbalang maiisip, habang umaalunignig ang mga kuliglig at humuhuni ang mga ilahas na ibon. Mahihiga ka sa ilalim ng sinaunang punongkahoy, at ang iyong anino ay maglalaho sa buhangin. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Magpapantay sa panginorin ang bundok at dagat. Maaaring matakpan ng mga dahon ang bundok, at ang dagat ay maisasalin lahat sa himpapawid. Marami ka pang kabalbalang maiisip, habang umaalunignig ang mga kuliglig at humuhuni ang mga ilahas na ibon. Mahihiga ka sa ilalim ng sinaunang punongkahoy, at ang iyong anino ay maglalaho sa buhangin. (Larawan at teksto ni Roberto T. Añonuevo)

Romblon Rehab

Nakakaadik ang kompiyuter, lalo na ang Dota, at kabilang ang mga anak ko na haling na haling sa mabalasik na larong ito. Kung hindi ko susupilin ang dalawa kong anghel ay baka maging ekspertong hacker sila, o kung hindi’y umimbento ng iba pang larong elektroniko na hihigit sa bakbakan ng mga robotikong halimaw at galaktikong imperyo.

Puro Island Resort

Puro Island Resort

Kaya nagpasiya kaming pumunta sa isang liblib na barangay ng Romblon, at iniwan kahit man lang sa mahigit isang linggo ang kompiyuter.

Noon lamang muli natuklasan ng aking mga anak ang dagat, at ang simoy ng dayaray [sea breeze], na banyaga sa mga tagalungsod. Nagpasunog ng balát ang mga bata sa init ng tag-araw, nakinig sa mga huni ng ibon, at nagpakabaliw sa banayad na hampas ng alon sa dalampasigan. Noong una’y parang di-makatatagal ang aking mga anak, at kung baga sa droga, sumailalim din sila sa matinding pagpupurga ng isip at loob.

Hinayaan ko silang mamulot ng batotoy sa dalampasigan ng Libungan, habang kumakati ang dagat tuwing hapon. (Ang batotoy ay isang uri ng shell na ginagamit sa larong sungka, na kauri ng kuhol.) Namulot din sila ng makukulay na bato, at kung minsan ay nakatatagpo ng mga tuyong isdang-bituin [starfish]. Namangha sila sa mga batuhan na lumilitaw kapag lumalayo ang mga alon, at ikinukubli ng tubig tuwing sumasapit ang taog.

Pumunta rin kami sa Puro Island Beach Resort, na napakamura ng cottage (P700-P800 isang gabi!) at inikot ang pulo nang walang pangamba sa mga pirata o bandido. Walang kuryente sa Puro, kundi ilawang de-gaas, at parang bumalik ang orasan sa Panahon ng Kopong-Kopong. Ngunit hindi naman nagsisi ang aking mga anak, kahit walang telebisyon. Sapat na ang mga bituin tuwing gabi at ang kabilugan ng buwan upang mapanumbalik ang guniguni sa mga diwang sariwa at mistikal.

Kapag maganda pala ang lugar ay lalong masarap tumoma. Masarap ang mga inihaw o ginataang isda, at kung hindi kami aalis ay tiyak kong bari-bariles ang aking matutungga. Ang inisip kong Romblon Rehab para sa aking mga anak ay bumalikwas sa akin, dahil mahirap magpigil sa alkohol sa gabing malamig, at pulos huni ng kuliglig, o sigaw ng tuko ang maririnig.

Maganda ang Romblon ngunit nagkukubli rin ito ng kahirapan. Ang mga isda, halimbawa, na dating inihahatid ng mga mangingisda sa Santa Fe, ay dinadala ngayon sa Boracay upang kumita nang malaki ang mga mangingisda. Ang resulta’y nagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng isda sa Santa Fe, lalo kung tag-araw. Ang nakapagtataka’y parang bulag ang mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Romblon at hindi malutas ang ganitong problema. Ang mungkahi ko’y dapat tumulong din ang Boracay sa mga barangay ng Romblon, dahil ang mga isdang dapat na pinakikinabangan ng mga Rombloanon ay siyang pinagpipistahan ng mga turista ng Boracay.

Nabubuwisit din ako tuwing daraanan ang mga lubak-lubak na daan mulang Odiongan hanggang Guinbirayan. Halos kalahating siglo na yata ang proyektong ito ngunit hindi matapos-tapos dahil sa kung ano-anong dahilan, at isa na marahil ang korupsiyon sa pagawaing-bayan. May ilang bahaging sementado, ngunit ilang metro lamang ang layo ay lubak-lubak na. Ganiyan ba talaga gumawa ng daan ang DPWH sa Romblon? Napakayaman ng kongresman ng Romblon, at kung maaanggihan ng kaniyang yaman ang pagawaing-bayan ay malaking ginhawa hindi lamang sa mga Rombloanon kundi maging sa mga posibleng turista nito sa hinaharap.

Nababanggit ko ito dahil sa rehab ng aking mga anghel. Ngunit kailangan din ng Romblon ang matinding rehabilitasyon, at dapat tulungan ng pamahalaang pambansa ang buong Romblon. Sumisikat lamang ang Romblon kapag may lumubog na barko o tumagas na langis sa dagat, ngunit hindi nabubunyag ang kahirapan ng mga tao. Nalilingid kahit ang kapabayaan ng DepEd sa matatapat, masisikhay na gurong walang sawang nagtuturo sa mga batang dukha, kahit gigiray-giray ang mga paaralan o kulang sa mga aklat at kasangkapan ang mga bata. Nalilihim kahit ang korupsiyon sa mga pamahalaang lokal na dapat sanang nagbibigay ng libreng butil, binhi, at pataba (bukod sa kaalamang teknikal) sa mga magsasakang nais pagyamanin ang lupa. Nakakaligtaan ang mga mangingisda na naghihirap sa tumitinding pagkaubos ng mga isda at pag-init ng daigdig.

Ang Romblon Rehab ay hindi lamang para sa aking mga anak. Ang Romblon Rehab ay kailangan ng buong Romblon na dapat tinutulungan ng buong Filipinas upang makalaya na ito sa walang katapusang kahirapan at pagkainutil ng opisyales ng pamahalaan. Kaya kung magagawi kayo sa Romblon, huwag lamang ninyong isipin na magliwaliw at magpakasaya. Isipin din ninyo kung paano tutulungan ang mga Rombloanon, na isa ring Filipino na kailangan ang ating kalinga at pagmamahal.