Banggaan ng mga Pananaw sa nobela ni Liwayway A. Arceo

Nagbabanggaang pananaw ng mga babaeng mula sa magkaibang panahon ang pinapaksa ng nobelang Maling Pook, Maling Panahon. . . Dito Ngayon (1978) ni Liwayway A. Arceo. Unang nalathala at isinerye sa Liwayway ang naturang nobela, at pagkaraan ay inilimbag ng UP Press noong 1998.

Umiinog ang istorya sa buhay ni Katy na mula sa dukhang pamilya at lumaking rebelde sa konserbatibong inang si Taling. Si Taling ang ina nina Katy, Cara, at Rey, at naging matapat na esposa ni Munding hanggang mamatay ito sanhi ng pagkakasakit nang malubha makaraang maaksidente sa pook ng konstruksiyon. Magsisimula ang gusot nang magtrabaho si Katy bilang sekretarya ni Danilo Lizares na nagbalik sa Filipinas mula sa Amerika. Aakitin ni Danilo si Katy, hanggang maging kabit ito, ibabahay nang lingid sa kaalaman ng kaniyang asawang si Nora, hanggang matuklasan nina Don Julio at Nora ang katotohanan sa bandang huli. Si Don Julio ang ama ni Danilo, at siyang isa sa pinakamayayamang negosyanteng may malalaking bahay-kalakal sa Maynila. Samantala, si Nora na bagaman anak-mayaman ay nabigong tulutan ng kaligayahan si Danilo at halos walang kalibog-libog sa kama.

Aatakihin sa puso si Danilo nang matuklasan ni Nora ang ginagawang pambabae ng kaniyang mister. Mababatid naman ni Katy na nabuntis siya ni Danilo, kaya magsisikap siyang magbalik sa dating dukhang tahanan upang makipagbati sa inang si Taling. Magwawakas ang nobela sa pagpapahiwatig ng pagtataguyod nina Katy at Pilar ng bagong negosyo hinggil sa patahian ng mga damit pambata. Si Pilar na kabiyak ni Rey, at mula rin sa mahirap na pamilya, ang gagabay kay Katy mulang panganganak hanggang pagharap sa bagong yugto ng buhay.

Isa sa masisinop na katha ni Arceo ang nobelang ito. Makikita sa nobela kung paano lumikha ng mikrokosmo ng lipunan ang awtor sa pamamagitan ng paglalahad ng mga pangyayari sa loob ng magkakaibang pamilya. Gagamitin sa nobela ang sikolohikong gulo mula sa isip ni Taling na tumayong padre de pamilya at kailangang mangalaga sa tatlong anak, at pagkaraan ay iiwan nina Katy at Rey na pawang bumukod makaraang mailibing si Munding. Magngingitngit si Taling dahil nagpakasal si Rey kay Pilar na matagal nang kasintahan, at sumama si Katy kay Danilo. Ibabaling ni Taling ang kaniyang paghihigpit kay Cara, na bagaman masunurin sa ina’y ibig ding kumawala sa nakasasakal na pagpapalaki ng ina.

Samantala, isusumpa ni Katy ang kahirapan na dinanas niya mula sa pinagmulang pamilya. Gagamitin niya ang kaniyang kariktan upang mahulog ang loob ni Danilo, at si Danilo’y magiging parang asong alipin ng kaniyang makamundong pagnanasa sa babaeng taliwas sa katauhan ng kaniyang kabiyak na si Nora. Nang lumaon, ang paglalaro’y nauwi sa tunay na pagmamahalan nina Danilo at Katy na nagbabalak nang lumayo kay Nora na nahadlangan lamang nang atakihin sa puso si Danilo.

Pambihira ang taktikang ginamit ni Arceo hinggil sa paglalarawan ng guniguni ni Katy na nangangarap kay Danilo at sa malalamuyot nilang pagsasama sa otel, kondominyum, at apartment. Ang guniguni ni Katy ay ipapares sa guniguni ni Danilo, at sa bagabag na isip ni Nora. Maitatambis din ang guniguni ni Katy sa guniguni nina Taling at Cara, at mababatid ng mambabasa kung saang konteksto at panahon nagbubuhat ang naturang mga tauhan. Mabibilis ang pihit ng mga pangyayari, at kumbaga sa pelikula’y malilikot ang anggulo mula sa loob at labas ng isip ng mga tauhan.

Masining ding malilinang ang katauhan ni Danilo bilang esposo, ama, at boss ng kompanya. Gagamitin niya ang salapi para bigyan ng layaw ang kaniyang pamilya, at ang salapi ring iyon ang magiging panilaw niya kay Katy. Gagamitin ni Danilo ang kaniyang posisyon matugunan lamang ang kaniyang libog, at gaya ng kaniyang amang si Don Julio ay magiging sentro ng kapangyarihan sa nobela. Taliwas ito sa asal ni Rey, na magtatrabaho sa ibang bansa upang makaipon, at handang isakripisyo ang sariling kaligayahan mapag-aral lamang ang kaniyang mga kapatid at masustentuhan ang pangangailangan ni Taling. Kasalungat din ng asal ni Danilo ang asal ni Romy, na kasintahan ni Katy at nagsikap makatapos ng pag-aaral at kumayod nang husto, at handang igalang ang babae gaya noong araw.

Ang pagpapahalaga ni Taling sa dangal ang aayawan ni Katy. Para kay Katy, kailangang maging praktikal at kailangang maging tiyak sa mga kinakailangang materyal. Higit na mahalaga naman ang puri at dangal, ayon sa pananaw ni Taling, dahil ang mga halagahang ito, kapag ipinares sa pag-ibig, ay kayang makapagpabago kahit sa pag-inog ng daigdig. Kung si Taling ang tesis, at si Katy ang anti-tesis, ang anak ni Katy na si Carmen Julia ang magiging sintesis ng dalawang panahon. Subalit magaganap lamang ito sa pamamagitan ng tulong ng gaya nina Pilar at Cara, na magiging tulay upang mahimok si Taling na patawarin ang anak, at mapaghunos ang isip ni Katy palayo sa mga pagpapahalagang materyalistiko.

Ipinamamalas din ng nobela na ang konserbatismo ay hindi palaging nagmumula sa pamilyang dukha. Ang konserbatismo ay makikita kahit sa buhay ni Nora na lumaki sa karangyaaan, at kahit sa pananaw ng mag-amang Don Julio at Danilo na pawang kumakatawan sa patriyarkal na pagpapatakbo ng pamilya at negosyo. Ang pagtataglay ng liberal na pananaw ay mahihiwatigan sa mga asal nina Rey at Pilar, samantalang ang pagkaliberal sa negatibong aspekto nito ay ipakikita ni Katy. Gayunman, hindi pulos negatibo ang dapat maging sipat sa asal ni Katy. Ang pagrerebelde ni Katy ay may batayan, at ang pagrerebeldeng ito ay may kinalaman sa labis na kahigpitan ng magulang at sa nakasusuklam na kaligiran ng kahirapan. Ang kahirapan ang sukdulang kasamaan para kay Katy, dahil napupuwersa ng kahirapan ang sinumang tao na gawin ang anumang bagay mairaos lamang ang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang pagbabago ng katauhan ni Katy ay masisilayan sa dulo ng nobela, nang tumanggi itong ipalaglag ang dinadalang sanggol alinsunod sa udyok ng inang ayaw masira ang pangalan sa komunidad.

Kahanga-hanga ang pukol ng mga diyalogo sa nobela, at pangunahin na rito ang usapan nina Katy at Taling, o nina Taling at Rey, o nina Taling at Cara, o kaya’y Katy at Cara. Kuhang-kuha ni Arceo ang paghubog sa katauhan ng babaeng nangangamba at nagdaramdam sa inaasal ng mga anak o sa pagtataksil ng esposo, o kaya’y sa erotikong tagpong naglalaro sa isipan ng magkakapatid. Ang lunan ng mga tauhan ay mas matimbang sa loob ng isipan at kalooban kaysa panlabas na kaligiran, at dito dalubhasang nakalikha si Arceo ng pambihirang daigdig na may tunggalian ng pananaw, kapangyarihan, at halagahan. Ang gayong malikhaing realidad ang kahanga-hanga sa nobela, dahil ang mga tauhan ay kailangang makipagbuno sa kani-kaniyang sarili imbes na sa ibang tao.

Maiisip din na ekstensiyon ang nobela sa maikling kuwentong “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) na ang pagbanggit ni Danilo sa pangalan ng kerida ay maririnig ng asawa niyang si Nora. Ang pait na madarama ni Nora ay higit sa pagtataksil at paglagot sa tiwala, dahil doon niya mababatid na sa kabila ng kaniyang kayamanan ay nabigo siyang bigyan ng kaligayahan ang esposong naghahanap ng kalinga at katwiran ng buhay. Nakuha man ni Nora ang bangkay ng kaniyang asawa’y mahihiwatigang mananatili naman ang makukulay na alaala na iniwan ni Danilo kay Katy: ang sanggol na babae. Ito ang tagumpay ni Katy, at ang tagumpay na ito ay titindi sa pagsisimula ng bagong negosyo. Sa kabilang dako’y walang katiyakan ang kinabukasan ni Nora, dahil pagkamatay ni Danilo ay walang pahiwatig kung sino ang hahawak ng negosyo bukod kay Don Julio.

Ipinakikita lamang sa nobela na ang pag-aaral ng magkasalungat at nagbabanggaang panahon ay hindi laging matatagpuan sa malawak na lipunan. Ang pamilya ang mikrokosmo ng lipunan, kung paniniwalaan ang mga sosyologo, at ang pamilyang ito na binihisan ng malikhaing guniguni ng nobelista ay kayang makayanig sa dating de-kahong pananaw ukol sa kapangyarihan, sex, kayamanan, halagahan, at pagmamahal. Ito ang matagal nang itinuturo sa atin ni Liwayway A. Arceo—na isa sa mga dakilang manunulat na Filipino ng kaniyang panahon—ngunit hindi napapansin kahit ng bagong henerasyon ng kabataang naghahanap ng kabuluhan sa buhay.

Ang Lohika nina Jose Dacudao at Aurelio Agcaoili

Lumikha ng alingasngas ang mga artikulong sinulat ko na sagot sa mga akda nina Dr. Aurelio Agcaoili at Dr. Ricardo Nolasco. Inulan ako ng tawag, text, at email, na ang karamihan ay positibong tugon hinggil sa aking panig na nagpapaliwanag sa wikang Filipino. Ngunit may isang tao na gaya ni Dr. Jose Dacudao, na isa umanong siruhano sa utak, na sumagot sa aking akda at nanggagalaiti nang sukdulan. Ang kaniyang akdang Trolling Añonuevo ay mababasa sa dalawang blog ni Agcaoili.

Isinasaad ni Dacudao na inatake ko nang personal si Agcaoili at hinagip pa si Nolasco. Ngunit kung malinaw ang paningin nitong si Dacudao ay mahihiwatigan niya sa aking mga akda na hindi sina Agcaoili at Nolasco ang pinupunto ko kundi ang mga pagbaluktot nila sa kasaysayan at datos upang pangatwiranan ang dominasyon umano ng Tagalog sa pangkalahatang buhay ng mga Filipino. Kung binasa nang maigi ni Dacudao ang aking mga akda ay mahihiwatigan niya roon kung paanong pinahihina ng dating punong komisyoner Nolasco ang estado ng wikang Filipino upang maisulong ang multilingguwalismo (at palakasin ang paggamit ng Ingles). Mababatid din niya ang kabihasaan sa meme ni Nolasco, mulang pagkasangkapan sa lingguwistika hanggang pagkakaunawa sa kasaysayan at patakarang pangwika ng Filipinas. Ngunit higit pa rito, mauunawaan niya ang saliwang panunuri ni Agcaoili hinggil sa lalawiganing wikang Tagalog at sa ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa. Masyadong nakaiwanan na ng panahon itong si Agcaoili, at ang kaniyang mga banat sa Tagalog at sa Filipino mulang pagbasa ng kasaysayan hanggang paggamit ng lente ng lingguwistika ay napakarupok. Hindi kataka-taka na ang paraan ng pagdestrungka niya sa Tagalog ay maraming sablay, dahil mabuway ang mga ginamit niyang batayan, pagpapakahulugan, at pangangatwiran.

Ang nakatatawa’y dumating itong si Dacudao at inakusahan akong “language killer,” “stupid,” “greatest linguistic idiot,” “Tagalog imperialist,” “racist,” “jingoist,” “ultra-nationalist,” at iba pang makukulay na taguri, saka iminungkahing magtungo na lamang ako sa India o Australia para doon mangaral. Nakisawsaw pa ang kaniyang alipuris na Bikolano, Kapampangan, at Ilokano na pawang nagkukubli sa mga sagisag panulat at kasapi ng DILA (Defenders of the Indigenous Languages of the Archipelago), at binansagan akong “apathetic, selfish person,” “oppressor,” “coward,” at “ethnic racist” [Tagalog Nazi] na ang tanging hangad lamang umano ay panaigin ang Tagalog. Aba’y napakahamak ko para sagutin ang ganitong mga paratang at pang-aasar. Ang paratang ni Dacudao (at ng kaniyang mga kasapakat) na binanatan ko nang personal (at binayagan) sina Agacaoili at Nolasco ay bumabalik na mariing sampal sa kaniya bilang patotoo sa uri ng kaniyang pangangatwirang ad hominem. Sumasalamin din sa uri ng kasapian ng DILA ang maruming propaganda at pamumulitika nito sa ngalan ng pagtatanggol ng mga wikang lalawiganin.

Walang direksiyon ang lohika ng tuligsa ni Dacudao sa aking mga akda. Inakusahan niya ako na ibig ko raw palitan ng Tagalog ang lahat ng mamamayan sa Filipinas. Na para daw maging mahusay na “Filipino” ay dapat maging “nasyonalistang Tagalog.” Ang ganitong haka-haka ay hindi nagmula sa akin. Ito ang propaganda ni Dacudao na ibig niyang ipakalat sa daigdig, at maaaring sinesegundahan ng gaya ni Agcaoili.

Nangangamba si Dacudao na ang wikang Sebwano ay maaaring mamatay sa loob ng tatlong siglo kapag hindi nagbago ang trend batay sa sarbey ng National Statistics Office. Sinabi ko raw na ang preserbasyon ng gayong wika ay mapanganib. Ha? Ano uli? Hindi lamang duling bumasa itong si Dacudao. Binabaluktot pa niya ang aking akda upang ipamalas ang kaniyang intoleransiya sa Tagalog bilang panrehiyong wika, at sa Filipino bilang pambansang wika. Kahit bali-baligtarin ang aking mga artikulo ay wala siyang makikita ni katiting na pahiwatig na ibig kong patayin ang Sebwano o iba pang wikang lalawiganin. Mamamatay ang Sebwano dahil ang mga manunulat, intelektuwal, politiko, at negosyanteng dapat sanang nagbubuhos ng talino at yaman para palawigin ang wikang Sebwano ay nawawala, at karamihan sa kanila ay lumipat na sa paggamit at pagtataguyod ng Ingles. Namamatay ang Sebwano dahil malaganap na ang penomenon ng migrasyon at urbanisasyon, at kung nagbabasa si Dacudao ay mababatid niyang hindi estatiko ang Sebwano na maikakahon at madidiktahan sa pamamagitan ng pamumulitika. Namamatay ang Sebwano, hindi dahil sa paglaganap ng Filipino, kundi sa mismong kapabayaan ng mga Sebwano—mapa-gobyerno man o mapa-pribado—na gamitin sa iba’t ibang larang ang wikang Sebwano. Hindi malulutas ng pagsasabatas na gawing pambansang wika ang Sebwano at ang mahigit 100 wika sa Filipinas para maiahon sa panganib ang mga wika. Kailangang aktibong gamitin iyon ng mga tao araw-araw, may bagyo ma’t may rilim, imbes na palaganapin ang Ingles. Ang pagkilala sa Ingles na ito lamang ang may kakayahang makapag-ugnay sa mga tao sa iba’t ibang lalawigan at diasporang Filipino, at magpapantay sa estado ng mga taal na wika, ay isang mitong alinsunod sa kolonyalistang pananaw.

Ang paggamit ng Filipino ay hindi nangangahulugang pagpatay sa Sebwano, Iluko, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas. Walang patakaran at programa, hayag man o lihim, ang magpapatunay na pinapatay ng Filipino ang Sebwano at iba pang taal na wika. Ang paggamit ng Filipino ay pagbubuo ng tulay sa mga lalawigan, upang magkaunawaan ang mga Filipino anumang taal na wika ang kanilang ginagamit at pinagmumulan. Ang kakatwa’y ibig ni Dacudao at ng mga kasapakat niya sa DILA na gamitin ang Ingles, na wikang banyaga at wika ng kolonisasyon, upang maging wika at diskurso ng mga Filipinong iba ang kultura, kaligiran, at kontekstong pinag-uugatan kaysa mga Amerikano. Titigan ang sumusunod at namnamin ang winika ni Dacudao:

We certainly can communicate with other Philippine ethnic groups in English and we did so during the American colonial period with no trouble at all, the way Indians until today use English to communicate with each other amidst the diversity of their languages. English functions as a socially leveling tongue in the Philippines, the use of which renders all ethnic groups socially equal for there is no ethnic group that claims an identity defined by English, the same way that French is used as a socially leveling tongue in parts of Africa, thus protecting small ethnolinguistic groups from extinction. English is also a necessary language for our overseas workers, and in science and commerce. The imposition of Tagalog among us has resulted only in a feeling of social inferiority among non-Tagalogs, a degradation of our education since our youth now find it harder to comprehend English Science and other educational books, and has also degraded our English language skills, so that our overseas workers find it harder to communicate abroad. These are the very same workers that keep our economy from collapsing. Without our workers’ knowledge of English, our economy would collapse.

Apparently what Anonievo [sic] wants is to idiotize and pauperize us, in his campaign to turn us all into Tagalogs.

Nagmamadali ang lohika ni Dacudao. Para bang ang lahat ng Filipino ay napakagaan umingles, at maipahahayag nila ang kanilang iniisip at niloloob sa pamamagitan ng Ingles. Maaaring ang tinutukoy ni Dacudao ay ang mga Filipinong sinuwerteng makapag-aral at natutong umingles, at sinadya niyang ipinid ang paningin sa kapalaran ng milyon-milyong Filipino na hindi makaunawa sa Ingles. Paano magiging “levelling tongue” ang Ingles sa Filipinas? Ito ang kakatwang panukala ng gaya nina Agcaoili at Nolasco na pawang sinisipat ang Filipino na kalaban ng mga taal na wika sa Filipinas upang mailigtas sa tuligsa ang Ingles. Ang totoo’y ginagamit sa bansa ang Ingles upang patuloy na hamakin, lupigin, at paikutin ang mga Filipino upang mawalan sila ng tiwala sa sariling wika, at sumamba sa ipinangangakong langit ng banyagang wika. Mulang paaralan hanggang hukuman, mulang kalakalan hanggang pamahalaan, ginagamit ang Ingles na lalong nagpapatiwalag sa mga Filipino sa kani-kaniyang sarili at bansa. Ang paghahambing ni Dacudao sa karanasan ng mga katutubong Indian sa Amerika at sa mga mamamayan ng Africa sa karanasan ng mga Filipino ay sablay dahil magkasalungat ang pinagmumulang polo ng mga tinukoy na tao. Hindi binanggit ni Dacudao na kaya nalusaw ang kultura at wikang Indian ay dahil sa Ingles. Hindi rin binanggit niya na kaya nangangamatay ang mga wika sa Afrika ay dahil ipinipilit ipagamit ang Ingles, Pranses, at iba pang banyagang wika, kahit malagay sa alanganin ang mga Afrikano at manatiling nakapailalim sa mga mananakop. Hinggil naman sa mga migranteng manggagawang Filipino, nagkakaroon sila ng trabaho dahil sa taglay nilang kasanayan, talino, at sigasig sa piniling lárang at propesyon, at hindi dahil sa kahusayan sa pagsasalita ng Ingles. Samantala, nababalam ang paglago ng agham at teknolohiya sa bansa dahil ang wika ng pagtuturo ay Ingles, imbes na gamitin ang Filipino at iba pang taal na wika sa Filipinas.

Ang nakapagtataka’y isinisisi ni Dacudao sa Tagalog ang paghina sa Ingles ng mga Filipino. Isinisisi rin ni Dacudao at ng mga kasapakat niya sa DILA na pinahihina ng pambansang wikang Filipino ang paggamit ng Ingles sa mga Filipino. Ito ang mito ng mga tagapamansag ng Ingles na dapat basagin nang ganap. Humihina sa Ingles ang mga Filipino dahil nabigo ang Ingles na hulihin ang guniguni ng mga Filipino. Humihina ang Ingles dahil sadyang mahina ang edukasyong laan sa Ingles para sa mga Filipino. Humihina ang Ingles dahil iba ang uri ng komunikasyon ng mga Filipino kaysa mga Amerikano, at hindi papabor kailanman ang mga Filipino sa banyagang wika maliban sa ilang pagkakataon na pinalad makapag-aral ng Ingles ang isang tao. At lumalakas ang paggamit ng Filipino hindi dahil nagmula ito sa Tagalog, bagkus sa kolektibong paggamit nito at pagtanggap ng mga Filipino para sa kani-kanilang pang-araw-araw na komunikasyon at transaksiyon sa loob at labas ng Filipinas.

Nais ko bang maging Tagalog ang lahat ng Filipino, ayon sa kuro-kuro ni Dacudao? Hindi. Ang hangad ko’y maitaguyod ang solidong pambansang wikang kayang makapagbuklod sa lahat ng Filipino, anuman ang kanilang wika, lalawigan, lipi, relihiyon, at uring pinagmulan. At magagawa ito sa pamamagitan ng Filipino, na sinusuhayan nang matibay ng lahat ng taal na wika sa Filipinas, at masinop na tumatanggap ng mga salita mula sa mga internasyonal na wika. Maraming matututuhan ang mga lalawiganing wika sa Filipinas kung paano palalaguin ang mga ito kung pag-aaralan ang ebolusyon ng Filipino. Ngunit minamasama ng gaya ng DILA ang Filipino—na tumatangging kilalaning pambansang wika ang Filipino at umano’y baryedad lamang ito ng Tagalog—saka igigiit na gawing pambansang wika ang lahat ng taal na wika sa Filipinas, samantalang Ingles ang magiging lingua franca ng mga lalawigan.

Galit na galit si Dacudao sa aking tindig hinggil sa Ingles. Aniya,

Anonuevo glorifies Tagalog and rants against English. He should seriously try unlearning all of whatever English he knows, and see whether or not people will understand him in the internet. The trouble is that he wants all of us to unlearn English too. That would not be advisable. If Anonuevo wants to make an idiot out of himself by unlearning all the English he knows, fine. Hopefully all other Tagalistas would follow suit. We should not.

Ang problema kay Dacudao ay nagpaparatang siya nang wala sa lugar. Nais ko bang hikayatin ang lahat ng Filipino na ibasura kundi man talikuran nang ganap ang Ingles? Hindi. Saliwang opinyon ito ni Dacudao, at alinsunod sa pagsagap niya sa aking akda. Kailangang tanggalin muna ni Dacudao ang lahat ng kaniyang prehuwisyo laban sa Filipino, at ituwid ang kaniyang baluktot na edukasyong batay sa Ingles, para maunawaan niya ang pambihirang pahiwatig ng aking tugon sa mga akda nina Agcaoili at Nolasco. Kailangan nating mag-aral ng Ingles, ngunit hindi dapat limitado ang ating daigdig sa Ingles bagkus maging bukás sa iba pang internasyonal na wika.

Ipinagtatanggol ni Dacudao si Nolasco, at sino ba ako para pigilin ang gayong nais ni Dacudao? Malaya si Dacudao na ipagtanggol si Nolasco—ang dating pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino—na nais patakbuhin ang KWF kahit labag sa batas, at kahit ilegal ang kaniyang panunungkulan. At ang mabigat, isinusulong ni Nolasco ang kaniyang uri ng patakarang multilingguwal nang labag sa Konstitusyon, at pailalim na pinahihina ang estado ng wikang Filipino sa kabuuan. Bakit hindi magtanong si Dacudao sa mga kawani ng KWF? Kailangang mabatid ng taumbayan ang mga ginawang katarantaduhan ni Nolasco sa loob at labas ng KWF, at dapat magsaliksik si Dacudao upang maipagtanggol ang kaniyang manok. Hinahamon ko rin ang mga interesadong mamamahayag sa pahayagan, radyo, at telebisyon na imbestigahan si Nolasco upang mabatid ang katotohanan.

Gaya ng nabanggit ko, napakahina ng sagot ni Dacudao sa aking tugon sa mga akda nina Agcaoili at Nolasco. Parang loro itong si Dacudao na inulit lamang ang opinyon ng kung sinong lingguwista, at naniwala sa baluktot na pagbasa sa kasaysayan, kaya hindi ko na papatulan. Ang kaniyang pagtatanggol sa Ingles ay pambihira—at sintomas ng edukasyong kolonyal—at mahihinuhang nais niyang pangibabawin ang Ingles sa hanay ng mga taal na wika sa Filipinas. Ang masaklap, ginagawa niyang dahilan ang multilingguwalismo at ang paggamit ng Ingles sa Filipinas kaugnay ng pag-enmiyenda sa Konstitusyon at pagtataguyod ng Federalismo.

Ang Federalismo ang mahihinuhang adyenda ng ilang Sebwanong politiko at kasapakat nila sa Batasan upang manatili sa poder at patuloy na maghari sa pamahalaan kahit isinusuka na ng taumbayan. Ito ang dapat mabatid ng mga Filipino. Pangunahing tagagpasulong nito ang SOLFED (Save Our Languages Through Federalism, Inc.) at DILA na ang higit na layon ay ibunsod ang Federalismo sa Filipinas, samantalang ginagamit na kasangkapan ang usapin ng multilingguwalismo para panghimasukan ang Saligang Batas ng 1987. Dapat mag-isip-isip kahit ang mga Sebwano at Butuanon sa pakanang ito ni Dacudao, na kasalukuyang pangulo ng SOLFED, kung karapat-dapat ngang tangkilikin ang kaniyang uri ng bulok na pamumulitika.

Ikinalulungkot ko kung nadawit sa balitaktakan si Rep. Magtanggol Gunigundo na nagsusulong ng kaniyang panukalang batas hinggil sa multilingguwalismo. Ayokong sabihin na nagagamit lamang siya ng gaya ng SOLFED at DILA para sa pampolitikang adyenda nito, dahil naniniwala ako sa angkin niyang talino at bait para timbangin ang lahat, at magpasiya para sa ikakagaling ng bansa.

Magwawakas ang usapan kung patuloy na igigiit ng SOLFED at DILA na hindi pambansang wika ang Filipino, gaya ng kolektibong tindig nina Agcaoili, Nolasco, at Dacudao at kasapakat nila. Ano pa ang dapat pag-usapan kahit ituring yaon na paglapastangan sa Saligang Batas at tandisang pagtataksil sa simulain ng sambayanang Filipino? Ang pag-enmiyenda ng Saligang Batas at gawing multinasyonal na pamayanan ang Filipinas at ipadron sa multinasyonal na pamayanan sa Europa at Afrika? Sa ganitong pangyayari, lumalakas ang Ingles samantalang ang mga lalawiganing wika ay nagagamit na kasangkapan lamang sa pampolitikang adyenda ng ilang pangkat, at malikhaing palusot para sa lalong ikalalakas ng wikang Ingles.

Nakatatawa na ginamit pa ni Agcaoili ang kaniyang dalawang blog para patulan ang gaya ng akda ng kagalang-galang na si Dr. Jose Dacudao. Kakatwa rin ang nagliliyab na forum ng DILA at SOLFED para banatan ako at hanapan ng kung ano-anong taghiyawat. Nagdududa tuloy ako sa husay nitong si Agcaoili na animo’y tagapayo ng SOLFED at DILA—na imbes na makipagtagisan sa pangangatwiran at patunayan ang kaniyang tuligsa sa  “Tagalogization, Tagalism, at Tagalogism” —ay nagiging kasangkapan pa sa pagpapakalat ng kagila-gilalas na basura. Ngunit sino ba ako para pumigil at magbawal? Namumuhay tayo sa demokrasya, at karapatan ng sinumang tao kahit ang pagtataglay ng intoleransiya, prehuwisyo, at katangahan.

Tula, Wika, at Nasyonalismo

Wika ang isa sa mga paksang pinagbuhusan ng pansin ng mga makatang Tagalog noong bungad ng siglo 20. Ito ay dahil tanging Ingles at Espanyol lamang ang mga opisyal na wika sa Filipinas, na isang paraan ng pagsasabing “mga wikang pambansa,” na pawang ginagamit upang paikutin ang pamahalaan, edukasyon, negosyo, hukuman, militar, simbahan, at iba pang kaugnay na sangay, kahit matiwalag ang mga karaniwang mamamayan sa kani-kanilang sarili. Hindi rin totoo na pinangibabawan ng Tagalog ang mga taal na wika sa Filipinas upang pagkaraan ay patayin. Ang totoo, Tagalog ang lantarang lumaban sa kapuwa Ingles at Espanyol—na mga wika ng kolonisasyon—at naging halimbawa ng iba pang taal na wika sa Filipinas hinggil sa produksiyon ng panitikan at iba pang lathalain.

Nililingon ng mga makatang Tagalog ang kanilang pakikihamok sa ginawang halimbawa ng wika, diwain, bisyon, anyo, at kabaguhan ng ginawa ni Francisco Balagtas na ibang-iba ang testura ng wika kung ihahambing sa iba pa niyang kapanahon. Bukod kay Balagtas, kinikilala rin nila ang mga ambag na akda ng gaya nina Andres Bonifacio, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto at iba pang kababayan. Halos lahat yata ng makata ay tumula ukol sa kanilang wika o kaya’y kay Balagtas, at marahil may kaugnayan ito sa iba’t ibang samahang pampanitikan, gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik. Sa mga nobelang Tagalog, maibibilang sa pangunang hanay ang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos na naglantad ng Thomasite na nagtuturo sa mga Tagalog at kung paano ibig palitan ng Ingles ang Espanyol bilang wika ng hukuman. Gumamit din ng mga tauhan si Santos upang lokohin ang usapan sa Ingles, na ngayon ay tatawaging “Taglish.” Ang ganitong taktika ni Santos ay mababasa rin sa kaniyang  tulang gaya ng “Let us go, Teacher” na tungkol sa personang estudyanteng tinuturuan ng gurong Amerikano na pangit ang itsura, ngunit makikilala pagkaraan ang Filipina na maganda na yayaing magtanan sa pamamagitan ng balu-baluktot na Ingles.

Sa tulang “Ang Wikang Tagalog” ni Ruperto S. Cristobal na nalathala noong 2 Abril 1919 sa Ang Mithi, inilahad ng persona ang pangyayaring “parang sinusubok kung aling wika” ng sandaigdigan ang “lalong matamis” at “napakainam.” Nagmayabang ang Kastila, sumunod ang Ingles, humirit ang Pranses, at nakisali pa ang Intsik (Tsino) kung aling wika ang dapat mangibabaw sa Dulong Silangang Asya sa kabuuan, at sa Filipinas sa partikular. Sa ikatlong saknong, inilarawan ang Maynila bilang lunan ng mga wikang dayuhan na ibig akitin ang mga walang kibong mamamayan:

Dito sa Maynilang pook na tagpuan ng lahat ng bayan
mga wikang ito’y siyang laging bigkas ng mga dayuhan,
ibig na akitin ng buong paggiliw
itong walang kibong mamamayan natin;
ang unang tinungo’y ang lalong malaking bahay ng kalakal
na may akala pang ipasok na pati ng mga dayuhan,
pinapamayani ang kanilang diwa sa lahat ng bagay
hanggang mapilitang pati kabataa’y mangagsipag-aral
pagka’t siyang tanging kinakailangan
sa maraming yari ditong pagawaan;
nguni’t ngayon pa ma’y di rin nalilimot ang lalong mainam
na wikang Tagalog na sa ganda’t ganda’y di na uunahan.

Ang kakatwa’y kahit anong pang-aakit ng mga banyagang wika ay hindi pa rin malimot ang Tagalog. Inilahad sa sumunod na saknong kung bakit matamis ang Tagalog na puno ng pag-ibig at pangarap na pawang ipinamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa pangwakas ng saknong, isasaad naman kung bakit nabigo ang pagpapalago ng wikang dayuhan:

Hindi nanagumpay ang pagpapalago ng wikang dayuhan
ang lahat ng wikang dayo sa bayan ko’y hindi kailangan
dito’y may wika ring kabigha-bighani,
dito’y may diwa ring pagkatangi-tangi. . .
Kaya’t nang tangkaing ang wikang Tagalog ay ipagbaunan
sa hukay ng limot, ay nangagsibangon tanang kabataan,
pinigil ang mga masasamang nais at di-wastong pakay
at pinanatiling maglaro sa dila ang wika ng bayan
hanggang kilalanin itong wika natin
na wikang dalisay at lubhang butihin,
kaya ngayon dito’y maraming totoo ang nag-aawita’t
pinupunong lagi ang himpapawirin ng kaligayahan.

Sa naturang saknong, ang wikang Tagalog ay hindi lamang nais patayin bagkus ipagbaunan pa sa limot, at ginagawa ito lalo na ng mga tagapamansag ng Ingles at Espanyol. Ngunit hindi pumayag ang mga kabataan, at sumalungat at lumaban sa nais o patakaran ng mga wikang dayuhan.

Noong 6 Enero 1923, nalathala sa Taliba ang tulang pinamagatang “Imperyalismo” ni Jose Corazon de Jesus. May epigrape ang tula hinggil sa ulat na maraming pahayagan sa Estados Unidos ang nagsasabing hindi dapat palayain ang mga Filipino dahil hindi pa edukado at walang katiyakan ang independensiya hangga’t hindi marunong umingles ang lahat ng Filipino. Heto ang ilang saknong ng tula, at ispesimen kung ano-anong deskriminasyon at pang-aaglahi ang ginawa noon sa mga Filipino upang kaligtaan ang sariling wika:

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng Wikang katutubo’t mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya’y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukasyon tayong parang gagong bata.
Ito’y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami’y mayro’n niyan,
noong araw baga’y may sistemang ganyan?
Iya’y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito’y dumatal!

Maraming hinaing ang persona ng tula. Ngunit nahuhulaan na niya noon pa man na kaya ipinatutupad ng Amerika ang gayong patakaran sa Filipinas ay upang panatilihin ang imperyalistang interes nito sa larangan ng kalakalan. Iniugnay ng persona ang usapin ng wika sa pagsakop sa kamalayan ng mga mamamayan. Magwawakas ang tula sa pagsasabing walang katwiran ang Amerika na sakupin ang Filipinas, at umaasa ang Filipinas na hindi bansang sakim ang Amerika. Ngunit kabulaanan ito, dahil ang Amerika ay nananatiling sakim at patuloy nitong igigiit ang pamamayani ng Ingles sa buong kapuluan.

Wala akong nabasang tula sa Ilokano, Bisaya, Bikol, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas na may lakas ng loob na pumaksa sa imperyalismo at tuligsain ang patakarang panaigin ang banyagang wikang Ingles sa Filipinas bago pa man lumitaw ang tula ni De Jesus. Ang ginawa ni De Jesus ay nakayayanig sa mambabasa, at gumigising sa taumbayan na tuklasin muli nila ang kanilang “Inang Wika.” Noong 29 Marso 1921, inilathala ang tulang “Inang Wika” ni De Jesus. Pumapaksa iyon sa isang inang naghahanap sa nawawalang anak, at ang inang ito ay hindi tumugon sa Espanyol at Ingles na pawang nakasalubong patungong gubat bagkus tumugon lamang sa kaniyang anak na Tagalog. Sa naturang tula, maláy na maláy ang makata sa halaga ng wika na maiuugnay kahit sa pagkamamamayan, at ang pagkamamamayang iyon ay lumalampas sa legalidad at umaabot sa lahi at personal na ugnayan.

Marami pang maihahalimbawa na tula at ibang akda na pumapaksa sa wikang Tagalog, at ang wikang ito ay ilalaban nang patayan ng mga manunulat na Tagalog kahit sa harap ng Ingles, Espanyol, at Nihonggo. Magiging halimbawa noon ang Tagalog sa iba pang wika, dahil pambihira ang sigasig ng mga manunulat na itampok itong maging pambansang wika, may digmaan man o pananakop, at ang paligid ay nababalot ng lagim, ligalig, at tagsalat. Isang masaklap na parikala sa panahong ito na pinararatangan ang Tagalog na pinangingibabawan ang iba pang taal na wika sa Filipinas, at nagpapasimuno ng termino at diwaing “Tagalogization,” Tagalogism,” at “Tagalism” na pawang ibig pausuhin nina Aurelio Agcaoili, Ricardo Nolasco, at Jose Dacudao.  Ang Tagalog na magiging batayan ng pambansang wikang Filipino ay hindi na masisilayan pa ng mga manunulat na Tagalog na isa-isang namatay at nilimot ng panahon. Gayunman, naniniwala akong mananatili ang kanilang pambihirang pamana para sa bagong henerasyon ng mga Filipino ipilit mang ibaon sila sa limot, at limutin ng sambayanang Filipino.

Filipino at ang Kaso ng Multilingguwalismo

Nakakubli sa kalabuan ang ipinakakalat ni Aurelio Solver Agcaoili hinggil sa kaniyang akdang “Countering Tagalism and Tagalogization.” Ayon sa kaniya, ang “Tagalogism is an attitude—a mindset that has trapped us into a belief of a Philippine nation-state as revolving around a center and only this center is important.” Tinatangka niyang destrungkahin ang pananaw na “Tagalog” at yanigin ito sa posisyon bilang batayan ng Filipino na wikang pambansa. Ang ganitong haka-haka ay bulaklak ng dila na nagpapalagay na dominanteng wika ang Tagalog, na nasa Imperyong Maynila, at ang Tagalog na ito ay nakaukit sa kamalayan at kalooban ng bawat Filipino upang kumilos siyang parang robot na sunod-sunuran sa isang makapangyarihang sistema, sa pambihirang gahum na umiiral nang sarili, at nagtatangkang burahin ang iba pang taal na wika sa Filipinas.

Kung ang “Tagalogism” ay isang uri ng saloobin, dapat ilugar ni Agcaoili kung ano ang pinag-ugatan nito. Ngunit mabibigo ang sinuman na pigain sa kaniyang artikulo ang ugat ng “Tagalogism” o “Tagalism” at kung ikokompara sa ibang kinabitan ng hulaping “-ismo,” ay kulang na kulang para tawaging ideolohiya, kung hindi man diwaing gumagabay sa kabuuan ng mga Filipino—nasa loob man o nasa labas sila ng Filipinas. Maiuugnay din ang “Tagalogism” sa “Tagalogization” na aniya’y “…is that long juridical, linguistic, political, economic, and cultural process that has made it certain that this trap, this temptation relative to the entitlement, privileging, and valorization of Tagalog, is going to continue to have its stranglehod over all of us, Tagalog and non-Tagalog peoples alike.” Mapanganib ang ganitong mapanlahat na pahayag dahil ang “Tagalogization” ay ipinakita rito na sumasaklaw hindi lamang sa wika, kundi maging sa iba pang aspekto ng lipunan, at kung hindi susuhayan ng mga patunay ni Agcaoili ay mananatiling mito lamang na kaniyang inimbento para yanigin ang Tagalog na pinagbatayan sa pagbubuo ng isang wikang pambansa. Hindi isinaalang-alang dito ni Agcaoili ang kasaysayan, at tila ba ang Tagalog ay lumitaw na basta-basta lamang. Kinaligtaan niya ang mahabang pakikibaka ng Tagalog hindi lamang bilang wika, at ang paglampas nito sa hanggahan ng pook ng Katagalugan upang magparaya sa buong bansa, at gamitin bilang tulay na kayang makapag-ugnay sa iba-ibang wika sa Filipinas.

Ito ang mito na kathang-isip ni Agcaoili at siyang ibig ihain sa lahat ng Filipino. Ang “Tagalogism” na ginamit dito ni Agcaoili ay dapat ikinabit sa “Inglesismo” na uri ng wikang ibig gamitin bilang tulay ng pagtuturo sa lahat ng antas ng paaralan sa Filipinas. Ingles ang banyagang wika na malaki ang ambag upang makaligtaang linangin hindi lamang ang Filipino, bagkus maging ang mga lalawiganing wika—at kabilang na rito ang Tagalog—sa Filipinas. Ingles at Espanyol ang ipinakalat sa sistema ng edukasyon sa bungad ng siglo 20, at naglagay sa panganib ng pagkabura ng kapuwa wika at kultura ng iba’t ibang lalawigan. Ingles ang humalili sa Espanyol at ang ginamit sa Kataas-taasang Hukuman, na pawang Amerikano ang mga mahistrado maliban sa punong mahistradong Filipino. Ingles ang bumahang teksbuk at aklat na pawang inangkat mula sa Estados Unidos, at kakaunti pa noon ang mga babasahing nasusulat sa mga taal na wika sa Filipinas. Ingles ang ginamit sa Unibersidad ng Pilipinas—na paaralang tinutustusan ng estado—at napailalim ang Tagalog sa larangan ng wika ng pagtuturo. Noong bungad ng siglo 20, ang bakbakan ay mauuwi sa panitikan, at nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga Tagalog kung paano mapananatili ang kanilang wika, at iyon ay sa pamamagitan ng masigasig na pagsusulat at paglikha ng iba pang uri ng sining. Sa ganitong lagay, hindi tumupi ang mga manunulat na Tagalog, at patunay ang kanilang mga akda kung paano lumaban sa gahum ng Ingles. Totoong may iba pang lalawiganing wika, gaya ng Bikol, Ilokano, at Sebwano ang nakibaka laban sa Ingles at nagsikap mangibabaw. Ngunit ang mga dapat sanang tagapagtanggol nito—at kabilang na rito ang mga politiko at manunulat—ay sumanib sa Ingles imbes na pagyamanin ang kani-kanilang taal na wika. Taliwas ito sa Tagalog na hindi lamang ipinagtanggol ng mga Tagalog—bagkus kinakitaan din ng potensiyal ng ibang mamamayan—na may kakayahang maging lunsaran ng pambansang wika na magagamit upang pagbuklurin ang mga lalawigang dating binibigkis nang sapilitan ng Ingles. Ang Tagalog ay hindi dapat minamaliit bagkus dapat pa ngang papurihan, dahil kaugnay nito ang kasaysayan sa pagbubuo ng kabansaan, at paggigiit ng kalayaan, mula sa dikta ng mga pasimuno ng Ingles at banyagang edukasyon na ang tuon ay para sa ikagagaling ng merkado at gahum ng dayuhan.

Hindi ipinaliwanag ni Agcaoili ang pakahulugan niya ng “Tagalog,” bagaman mahihinuha sa tabas ng kaniyang pananalita na ang “Tagalog” ay siya ring “Filipino” na lumalaganap ngayon sa bansa. Ang pagtanaw na “Filipino” bilang baryedad lamang sa “Tagalog” ay pailalim na panunuligsa sa Filipino upang hindi ito makatayo nang bukod sa orihinal na anyo at laman ng Tagalog. Ang linya ng pangangatwiran ni Agcaoili ay nahahawig sa pahayag ng sinibak na pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Ricardo Ma. Duran Nolasco, na ang “Tagalog” at “Filipino” ay iisang uri lamang alinsunod sa mga katangian nitong panggramatika, at kaya lamang nagkaiba ay dahil sa pagpapalit ng pangalan. Isa itong simplistikong pagtanaw, at pagtanaw na nagtataglay ng sadyang pagkaligta sa iba pang aspekto, gaya ng kasaysayan, konteksto, kaligiran, panahon, at siyang maaaring makaaapekto sa ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang taguring “Filipino” ay hindi lamang “Tagalog,” at ang Tagalog ay hindi kayang kumontrol sa magiging anyo at laman ng Filipino. Ang mungkahi ng gaya ni Carl Rubino na “muling pagsasabalangkas” ng Filipino bilang wikang pambansa ay isang magandang proyekto, ngunit ang ganitong mungkahi ay tumatanaw lamang sa wika na tila walang sariling buhay at nakatiwalag sa mga tao na gumagamit ng wika, at ipinapalagay na ang mga gumagamit ng sari-saring wika ay nagkakaisa sa pagsasaayos ng kolektibong wikang mahihinuhang may labo-labong gramatika at palaugnayan, at yamang walang isang wikang gagawing haligi ng pagpupundar, ay malayang isiping pagtatayo ng maalamat na Tore ng Kalabuan.

Ang Filipino ay pagkilala sa kabansaang may iba-iba mang wika ay tinutuhog ng isang malaganap na wikang may sapat na malig na magagamit ng bawat lalawiganing wika at sa komunikasyon ng mga Filipinong maaaring ang kinamulatang wika ay wikang lalawiganin. Ang Filipino ay paraan ng pagtulay at pag-uugnay sa mga taal na wika sa Filipinas upang pagbukluran, habang masinop na nagbubukas ng pinto sa anumang internasyonal na wikang makapagdaragdag sa kaban ng pambansang talasalitaan, pahiwatig, diskurso, pakahulugan, gramatika. at iba pang kaugnay na bagay. Ang Filipino ay isang natatanging paraan ng pagsagap sa daigdig, ngunit paraan din kung paano titingnan ng mamamayang Filipino ang kaniyang sarili at ang kaniyang bansa. Bagaman ang Filipino ay maipapalagay na “ikalawang wika” para sa ibang taga-lalawigan, ang pagiging “ikalawang wika” nito ay malayo sa kapuwa pakahulugan at karanasan ng pagiging “ikalawang wika” ng gaya ng Ingles na banyagang wikang ang Anglo-Amerikanong tradisyon ay kakatwa kung ilalapat sa kaligiran, konteksto, at diskurso ng Filipinas. Bukod pa rito, ang Filipino ay dapat sipatin nang higit sa saklaw ng lingguwistika, bagkus kaugnay ng konsepto ng pakikipagkapuwa, kabansaan, at kasarinlan.

Pinapatay ba ng Filipino bilang pambansang wika ang mga lalawiganing wika? Hindi. Ang palagay na ipinapaibabaw ang “Filipino” para patayin ang mga lalawiganing wika ay walang batayan, at magsisimula ito kahit sa talakayan, saliksik, at pagtatalong naganap nang itatag ang Institute of National Language (INL) noong 1936 para sa planong bumuo ng pambansang wika, at alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1935. Mahalaga noon ang pagtataguyod ng pambansang wika, dahil ang Filipinas ay dumaan sa yugto ng digmaan at kolonisasyon, at tanging Ingles at Espanyol ang umiiral na opisyal na mga wika sa Filipinas. Ang pagpili sa Tagalog noon na magiging batayan ng wikang pambansa ay sumailalim sa pag-aaral, pagsasarbey, pagsusuri, at talakayan, kaya hindi makatwiran ang paratang ni Agcaoili na tila tunggak ang mga kasapi ng INL na madaling nilamon ng administrasyon ni Pang. Manuel Quezon. Nakaligtaang banggitin ni Agcaoili na kaya pinili noon ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa ay dahil ito ang pinakamaunlad na wika nang panahong iyon, mulang estruktura at mekanismo hanggang panitikan at paggamit ng malaking bilang ng mga Filipino, alinsunod sa itinatakda ng Batas Komonwelt Bilang 184. Mula noon, ang Tagalog ay lumampas sa dati nitong hanggahan at gamit, at malayang tumanggap ng iba pang salita, pakahulugan, pahiwatig, at diskursong nagmumula sa lalawiganing wika—sa kabila ng paggigiit na gamitin ang Ingles sa buong Filipinas.

Hindi rin totoong purong Tagalog lamang ang nanaig noon. Kahit sa kautusang ipinakalat ni Celedonio Salvador, na Patnugot ng Edukayon, noong 15 Nobyembre 1940, iminumungkahi ang pagpapalawak ng talasalitaan at wikaing idyomatiko, at ang ganitong kabigat na responsabilidad ay hindi lamang tinatanaw na para lamang sa Tagalog bagkus maging sa ibang taal na wika sa bansa. Kung nagkulang man sa paglinang ng ibang lalawiganing wika ay hindi dapat isisi sa Tagalog, kundi sa baluktot na patakaran at programa ng pamahalaang pumapabor sa paggamit ng Ingles. Nang sakupin ng Hapón ang Filipinas, ayon kay Teodoro Agoncillo, sinikap ng Hapón na palaganapin ang Nihonggo sa buong bansa ngunit nabigo dahil sa kakulangan ng mga guro at pagkatanto na ang banyagang wika ay mahirap palitan ang mga naunang banyagang wika bukod sa mahirap burahin ang mga taal na wika sa Filipinas. Nabatid din ng Hapón na tanging ang pambansang wika lamang ang kayang bumigkis sa kapuluan, at nagkataong nakapag-ambag na naman ang Tagalog. Kahit si Pang. Jose Laurel ay nakita ang kahalagahan ng isang wikang pambansa, lalo sa panahon ng digmaan, ligalig, at karukhaan, at ang wikang ito, aniya, ay magagamit upang magkaintindihan ang mga tao na nagmula sa magkakaibang lalawigan. Muli, hindi arbitraryo ang pagpili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Nagsagawa muli ng sarbey at pag-aaral at talakayan, at napatunayang Tagalog ang may pinakamabisang katangian para maging haligi ng wikang pambansa, na susuhayan ng mga taal na wika sa buong kapuluan.

Binigyan umano ng pitong dekada ang Tagalog, ani Agcaoili, na maging batayan ng pambansang wika ngunit nabigo ito at winasak pa umano ang milyon-milyong Filipino. Marahas ang ganitong paratang, at ang paratang na ito ay hindi isinaalang-alang ang mga panahon, kaligiran, at kontekstong pinagmulan ng Tagalog na dumaan sa mga digmaan at pag-aaklas; sa deskriminasyon ng Ingles, Espanyol, at Hapones; at kahit sa saliwang pagpapahalaga ng mga politiko at akademiko sa Filipinas. Kahit ang Kumbensiyong Pansaligang Batas noong 1971 ay isang madilim na yugto sa Filipino, dahil ang mga kalahok noon ay nais gawing pambansang wika ang Ingles na nabago lamang nang magprotesta ang mga aktibista at tuligsain ang gayong pakana ng mga demagogong politiko. Pambihira ang Filipinas na ang Saligang Batas—na pagbabatayan ng iba pang batas, kautusan, at kaugnay na patakaran—ay isinulat sa Ingles, at hindi nabigyan ng pagkakataon na gamitin ang Filipino na maging pangunahing wika sa gayong kahalagang instrumento. Totoo ngang nakasaad na ang pambansang wika ay kikilalaning “Filipino,” ayon Saligang Batas ng 1972, ngunit ang pagdurugtong ng pariralang “shall be evolved, developed and adopted based on existing native languages and dialects without precluding the assimilation of words from foreign languages” ay pailalim na pinahihina ang estado ng Filipino. Sa pananaw ng mga delegado, walang kakayahan ang “Filipino”—na parang nasa yugto ng pagkasanggol kahit marami nang napatunayan kung pagbabatayan ang mga palimbag na panitikan—at ang pambansang wikang ito ang sinusurot ni Agcaoili na nabigong magsilbi sa buong Filipinas. Ikakatwiran ng mga lingguwista at sosyolingguwista na kailangan ang estandardisasyon ng wika para maitaguyod ang ortograpiya, at makapaglaan ng unipormadong anyo ng mga sangguniang aklat. Ngunit malabo ang ganitong punto kung isasaalang-alang kung gaano kalawak ang nasabing estandardisasyon, na ang paglihis sa pamantayan ay maiisip na kakulungan kung hindi man patunay sa katangahan.

Nilupig ba ng Tagalog ang iba pang wika sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Naging ahente ba ang Tagalog para durugin ang lunggati at simulain ng iba pang taal na wika at kultura sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Ang pagtanaw na nilupig ng Tagalog ang iba pang taal na wika sa Fiipinas ay ibang paraan ng pagsasabing napakahina nga ng mga taal na wika sa buong bansa at kayang diktahan ng isang wika lamang. Walang makinarya, kapangyarihan, at impluwensiya ang mga pasimuno ng Tagalog kung ihahambing sa panig ng mga tagapagsulong ng Ingles, dahil ang Ingles ang nakalusot na maging opisyal na wika at ginagamit sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, batasan, negosyo, at akademya magpahangga ngayon. Humina rin ang mga taal na wika dahil kulang ang mga manunulat at tagapagtaguyod nito, at isang sanhi ang penomenon ng tinaguriang “pagpapalit-wika” at may kinalaman dito ang gahum ng Ingles. Ang Tagalog kung naging batayan man ng Filipino ay isang pangyayaring dapat tingnan sa positibong paraan. Ang Tagalog marahil ang pinakaprogresibong wika na nangunang magbukas ng pinto para tumanggap ng malawakang pagbabago na halos ikalusaw ng sarili nito, ngunit ginawa iyon ng Tagalog hindi para sa mga Tagalog lamang kundi upang isilang muli sa ibang anyo at nilalaman sa pakikipagtulungan sa iba-ibang taal na wika, at maging batayan ng wikang pambansa. Ang tagumpay ng Filipino ay ngayon pa lamang nakikita, hindi lamang sa tradisyonal na mass media, kundi maging sa internet. Malayo na ang iniungos ng Filipino, at nilampasan na nito ang baryotikong komiks, at humahangga sa matatalim na diskurso. Sinusubok na ang Filipino sa iba’t ibang lárang, at hindi ako magtataka kung maging wika rin iyon kahit sa hukuman, negosyo, medisina, at akademya.

Ang nakapagtataka’y ginagamit na dahilan ang multilingguwalismo upang buwagin ang naipundar nang tagumpay ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang bersiyon ng multilingguwalismo na isinusulong ng HB 3719 (2008 Multilingual Education and Literacy Act) ni Rep. Magtanggol Gunigundo ay magpapalakas sa reenkarnasyon ng Ingles, at hindi sa mga lalawiganing wika, dahil wala itong itinatakdang sapat na pondo, impraestruktura, kawani, at iba pang bagay para sa pagbubunsod ng malawakan at sabayang pagpapalago ng mga taal na wika. Ang multilingguwalismo ay mauuwi sa laway, at animo’y nakatuon para sa itatatag na Federalismo—na ang bawat lalawigan ay makapagsasariling estado na bibiyak lalo sa Filipinas—at kaya mahihinuha ang pagpipilit na idikit ang wika sa usapin ukol sa kultura, heograpiya, politika, at ekonomiya. Kakatwa ito dahil ang Filipino, na mula sa Tagalog, ay laging sumusuporta sa pagpapalago ng mga lalawiganing wika at sa pagbibigkis ng mga mamamayan. Kung nabigo man ang gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino noon at magpahangga ngayon ay maibubunton ang sisi sa marurupok nitong patakaran, programa, at pamunuang kulang sa bisyon at sigasig na paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas, at kabilang na rito ang mga punong komisyoner na sina Ponciano Pineda, Nita Buenaobra, at Ricardo Nolasco. Ngunit hindi ito kataka-taka. Ang nasabing Komisyon ay kulang din sa badyet, kulang sa mga dalubhasang kawani, kulang sa mahuhusay na pamunuan, kulang sa kasanayan, kung hindi man sadyang kulang-kulang, kaya ang nagiging silbi magpahangga ngayon ay maging katuwang ng Malacañang sa mga hakbanging pampolitika nito.

Pilit na pag-uuri ang “Tagalogisasyon” at “Tagalogismo,” at ito ang dapat tanggapin ni Agcaoili.

Ang “tiranya ng Tagalogisasyon” at makamandag “na pang-aakit ng Tagalogismo” ay kathang isip lamang ni Agcaoili, at nababahiran ng lihis na pagbasa sa politikang pangkultura, at hinango sa diskurso ng Ingles na pilit iniaangkop bilang paraan ng pagtanaw at pagdestrungka sa Filipino. Na hindi makatwiran. Ang karanasan ng Filipinas ay malayo sa karanasang multilingguwal at multinasyonal na pamayanang nagaganap sa Europa, Afrika, at Amerika, at siyang ibig ipadron sa pagbasa sa karanasan sa buong kapuluan. Wala ring mabalasik na deskriminasyon at prehuwisyo na ipinataw ang Filipino na ikalulusaw ng mga taal na wika sa Filipinas, kompara sa nagaganap sa ibang bansa, kahit pa sabihing ginamit ang Filipino sa pag-aaral ng ilang lárang sa elementarya at hay-iskul. Ang realidad sa Filipinas ay Ingles pa rin ang ibig panaigin bilang wikang opisyal, na mapagbalatkayong taguri sa “wikang pambansa,” at ang pinakabagong halimbawa ay ang patakaran na tanging Ingles lamang ang dapat umiral sa Pamantasan ng Maynila, at gawing midyum sa pagtuturo ang Ingles sa lahat ng antas ng pag-aaral alinsunod sa dikta ng Departamento ng Edukasyon. Hindi rin isinaalang-alang ni Agcaoili na ang migrasyon, urbanisasyon, at pagpapalit-wika ay kaugnay ng pagkamatay ng mga taal na wika, dahil higit na pipiliin na gamitin ang Ingles para mapangalagaan ang ekonomikong interes at seguridad pampolitika, o kaya’y para makaligtas sa deskriminasyon sa larangan ng hanapbuhay, gaya sa pagpasok sa call center at pagtatrabaho sa ibang bansa. Matagal nang pinapatay ang Tagalog noon pa man kahit sa pagbasa ng kasaysayan, at kahit sa loob ng Maynila na ibig ay Ingles ang manaig sa edukasyon, negosyo, batasan, at hukuman; at ngayong narito na ang Filipino na naghahain ng pambihirang posibilidad bilang pambansang wikang makabibigkis sa mga Filipino ay isasalang muli sa marahas na bibitayan ng prehuwisyo at kaululan. Paunlarin natin ang mga taal na wika sa Filipinas; ngunit huwag naman nating patayin ang alimbukad ng isang wikang pambansa. Ang paglingon sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino ay makatutulong sa paglinang at pagpapayabong ng mga taal na wika sa Filipinas, at madudukalan ng aral at karanasan, ngunit hindi ito magaganap hangga’t patuloy na ginagamit na wika, diskurso, at pananaw ang Ingles para paikutin ang kapalaran ng mga Filipino.

Candon: Isang Pagbasa sa Epiko ni Reynaldo A. Duque

Kampanaryo, kuha ni Bobby Añonuevo

Kampanaryo sa Ilokos

Nakasisindak sa unang tingin ang epikong Candon (2000) ni Reynaldo A. Duque na nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak ng Philippine Centennial Commission. Ngunit kapag binasa ang buong akda’y madaling sundan, gaya ng pagsubaybay sa isang nobelang patula. Nakapanghihinayang at hindi pinansin ng mga kritiko ang epiko ni Duque; at kahit sa hanay ng mga Ilokanong manunulat ay walang gumawa ng masusing kritika ukol doon na maituturing na pagkaligta sa pinakamasigasig, at marahil pinakatanyag, na manunulat na Ilokano sa panahong ito.

Binubuo ang Candon ng 8,816 saknong, at bawat saknong ay may tigwawaluhing taludtod na isahan ang dulong tugma. Bawat saknong ay may sukat na 14,14,7,14,14,7,7,14 na magandang pagtatangka dahil lumilihis ito sa nakagawiang lalabindalawahing pantig na awit ni Balagtas at sa mapag-eksperimentong padron ng Ang Pangginggera ni Lope K. Santos na may sukat na 12,12,6,12,6,12 ang bawat saknong. May limang aklat ang epiko, ito ang taguri ni Duque, at bawat aklat ay hinati sa tatlong bahagi, na ang bawat bahagi ay binubuo ng tatlumpung saknong. Ang Candon ay tumatalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ni Isabelo Abaya; at ang maalamat niyang kabayanihan mulang Kailukohan hanggang pakikipag-alyansa sa Katipunan ni Bonifacio ang ilan lamang sa papaksain ng salaysay.

Ilalarawan sa epiko sa pamamagitan ng isang mahihinuhang Ilokanong tagapagsalaysay ang Kailukohan, partikular ang Candon, bilang ideal na pook mulang pagbanggit sa mito nina Angalo at Aran hanggang makasaysayang pakikihamok ng mga bayaning gaya ng mga Abaya, Guirnalda, at Ricarte. Ang pagiging ideal ng pook ay mahihiwatigan sa pagbanggit sa likas na kaligiran—na may magandang klima, mayamang lupain, at mapagpalang tubigan—at itatanghal na “bayan ng mga magbubukid.” Palabis din ang pagpuri sa katangian ng pangkalahatang Ilokano, gaya ng “masikhay,” “relihiyoso,” “matapang,” “marunong makipagkapuwa,” “liping Saluyot,” “marangal,” “sintigas ng batong buháy,” “mapagkumbaba,” at mataas ang pagpapahalaga sa “puri.” Ngunit ang lahat ng ito’y magbabago pagsapit ng mananakop na Espanyol, at ang dating malayang Ilokano ay maghuhunos na busabos, alipin, at masamang loob, alinsunod sa pananaw ng kolonisador.

Kung positibo ang tingin sa Ilokano, kabaligtaran naman ang mga kontrabidang Fray Rafael Redondo at ang mag-amang Nilo at Alvaro de Gracia, na pawang inilarawang mabalasik, malayaw, gahaman, at malibog na ibig kandiin ang sinumang makitang dalaga. Ang paglalarawan ay de-kahon, gaya ng “ulupong” lagi ang kaaway kung hindi man “duwag” na kawangis ni Lusiper, at parang pelikula noong panahon ng kopong-kopong na ang mga kontrabida ang sukdulan ng kasamaan, ang anti-tesis sa katauhan ng mga bidang gaya nina Isabelo Abaya at Salacnib Arquero na pawang may makalangit na kabutihan. Kahit ang deskripsiyon sa mga babaeng sina Imnas at Saniata ay palabís at animo’y pawang diwata o diyosa, reyna ng uniberso, at pinakamagandang hayop, bukod sa nagtataglay ng mga katangiang mayumi, masunurin, matatag, at mapagmahal. Inulit lamang ni Duque ang mga sakit sa pagkatha ng mga Balagtasista noon.

Ilulugar ng tagapagsalaysay ang himagsikan sa Candon sa mahabang kasaysayan ng himagsikan sa Kailukohan, at kabilang dito ang Cagayan, Gran Cordillera, Kalinga, Pangasinan, at Zambales, at babanggitin ang mga pakikibaka ng gaya nina Magalat, Andres Malong, Juan Caragay, at Juan de la Cruz Palaris. Ngunit higit pa rito, pahahalagahan ang himagsikan sa Candon na kaugnay ng pakikibaka ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) ni Andres Bonifacio at lalampas sa maalingasngas na Kasunduan sa Biyak na Bato. Ang tagpo sa labas ng Candon ay pagsasadula sa mga posibleng nasaksihan, nadama, at naisip ni Isabelo Abaya bilang kalahok sa pakikibaka laban sa mananakop hanggang pagsasalong ng sandata makaraan ang Kasunduan sa Biyak na Bato. Mababanggit din sa epiko ang maikling ng lagom ng himagsikan sa gaya ng Bulakan, Maynila, at Cavite, at kung paano napasok sa eksena si Isabelo Abaya at ang Sigaw sa Candon.

Bagaman ang pamagat ng epiko ay “Candon,” hindi naman talaga Candon ang pangunahing tuon ng epiko bagkus si Isabelo Abaya. Animo’y talambuhay ni Belong, ang palayaw ni Abaya, ang isinapelikula, at babanggitin sa salaysay ang ugat niya mula sa katutubo’t maalamat na bayaning Abay-a hanggang sa angkang maykaya sa Candon. Gayunman, hindi naman nalinang nang husto kung paano yumaman ang angkan ng Abaya sa Candon, at kung bakit napabilang agad ito sa uring ilustrado-prinsipal. Ipakikita rin ang pagkamulat ni Belong sa pang-aapi ng mga Espanyol, na pangungunahan ni Fray Rafael Redondo, ng mag-amang Nilo at Alvaro de Gracia, kasama ang mga boluntaryong kawal at guwardiya sibil. Mamumundok si Isabelo makaraang ibilanggo ang kaniyang mga kaanak dahil sa pekeng paratang ni Fray Redondo; magpapakadalubhasa sa paghawak ng armas at sa sining ng pakikihamok, gaya ni Rambo, doon sa liblib na pook; at mangangalap ng mga tauhan sa hanay ng mga pangkat etniko ng Ilokos upang bumuo ng hukbong panlaban sa mananakop. Magbabalik siya sa bayan ng Candon na parang koboy na sakay ng puting kabayo, maghihiganti kina Fray Redondo at Alvaro de Gracia na gumahasa at pumatay sa kasintahang si Imnas. Makikipag-alyansa siya kay Bonifacio, at magwawakas ang nobela sa pagputok ng himagsikan at pagtataguyod ng bagong gobyerno.

Estetika ng Epiko
Ang totoo’y hindi masinop sa tugma at sukat si Duque bilang makata. Sablay ang tugmaan ng awtor lalo sa paggamit ng pandulong tugmang nagwawakas sa patinig, at kahit ang may impit na malumi at maragsa ay itinutugma niya sa pulos malumay o mabilis na bigkas. Maaaring may kinalaman dito na ang bigkas ng mga salita sa Ilokano ay walang malumi o maragsa; gayunman, hindi ito dapat maging dahilan yamang ang ginamit ni Duque ay hindi wikang Iluko bagkus Filipino. Maihahalimbawa ang mga saknong 6-7, Kanto X:

6
Bilang unang hakbang, kinausap ni Don Nilo
Si Don Guillermo Alviar, ang capitan del pueblo.
Isinnunod din dito
Si Abel Aparici, tenyenteng maginoo
Ng mga guwardia civil, at nayag naman ito.
Tatlo silang bumuo
Sa pangkat bilang sugo
Sa pamilya Abaya at makipagkasundo.

7
Kaya nang hapong iyon, sa maluwag na sala
Ng malaking casa ni Don Proceso Abaya,
Umagong nang sagana
Ang mamahaling vino, galing pa sa Espanya.
Noroon sina Don Proceso’t Donya Severa
At gayundi’y kasama
Si Fernando Abaya,
Ang anak ng pari, ngunit si Belong ay wala!

Mapapansin sa saknong 6 na ang may impit na mga salitang “bumuô,” “sugò,” at “makipagkasundò” ay itinugma sa walang impit na “Nilo,” “pueblo,” “dito,” “maginoo,” at “ito.” Sa saknong 7, mauulit ang mali at itutugma ang maragsang “walâ” at maluming “saganà” sa malulumay na “sala,” “Abaya,” “Espanya,” “Severa,” at “kasama.” Hindi gumawa ng ganito si Francisco Balagtas, at kahit ang mga balagtasistang sumunod sa kaniya sa kaniyang bakas.

Bukod sa maraming sablay sa tugmaan, maipupuwing din sa akda ni Duque ang kawalan ng disiplina sa hati (caesura), yamang ang kaniyang mga taludtod ay naglalaro sa lalabing-apating taludtod na napakaluwag, at maaaring hatiin sa 7/7. Sumasablay din siya sa sukat ng mga taludtod, at maihahalimbawa ang mga saknong 20 at 22, Kanto 2, Ikalawang Bahagi. Bagaman mga panlabas na aspekto lamang ito ng tula, ang paglitaw ng nasabing pagkakamali sa sukat at tugma ay makapagpapagaralgal kapag binasa nang malakas ang kaniyang tula, at makapagpapahina sa panloob na aspektong tumutukoy sa nilalaman ng epiko.

Ang totoo’y mahilig maglustay ng salita si Duque sa kaniyang epiko. Maihahalimbawa ang seksiyong “Mutya ng Bagani Ubbog” (Kanto 4, Ikalawang Bahagi), na tumalakay sa katauhan ni Imnas. Paulit-ulit ngunit hindi umaandar ang papuri sa kagandahan ni Imnas, at kahit ako ang kasintahan niya ay mabubuwisit ako sa gayong pasukdol na paglalarawan:

4
Sa Bagani Ubbog, mayroon ngang isang hiyas
Na ang kumandili ay lipaking mga palad
Sa hardin, siya’y rosas
Tampok na mutya’t bighaning wala pang katumbas
Ipinaglihi sa kariktan ng maiilap
Na bulaklak sa gubat
Aliw siyang matimyas
Na dinidilig ng mga hamog ng pagliyag.

5
Sumipot siyang sagpaga sa sakbibi ng gabi
Marahil, upang maitago sa kuko ng imbi
Mabulas siyang binhi
Ng lahi ni Ilokano sna sakdal lunggati
Kutis ay ipinagmamalaking kayumanggi
Patubo ng pagkasi
Isang batubalani
Na ang angking gayuma ay walang maiwawangki.

6
Sa isang maralitang kubong pugad ng tuwa
Isinilang si Imnans, lamina ng pagsinta
Anak man ng dalita
Na sa kanayuna’y lagi nang sumasalanta
Dumating siyang aliw na ang kakambal ay tala
Sa umaga, diwata
Ng bukid at tumana
Sa sakbibi ng nayong kadluan ng ligaya.

Sa ganitong paglalarawan, si Imnas ay waring isinilang na ngunit magbabalik uli sa sinapupunan upang iluwal muli sa iba’t ibang pagkakataon. Hindi lamang dito nagtatapos ang gayong paglalarawan, at sa mga susunod na saknong ay mababanggit ang kaniyang pagdadalaga na iuugnay pa rin sa talulot at sa de-kahong pananaw sa dalagang tagabukid.

Mabuway sa kabuuan ang balangkas ng epiko. Mapaiikli ang epiko sa sangkatlong bahagi nito, at ang ibang salaysay hinggil sa digmaan ay walang nadagdag na kakaiba, na magpapalutang sa malikhaing guniguni na pupuno sa mga puwang sa kasaysayan. Ang transisyon ng mga tagpo, halimbawa sa Kanto I hanggang Kanto 2, ay hindi madulas na naipakita ang pangkalahatang paglalarawan ng Ilokano na tumungo sa tiyak na paglalarawan kay Belong. Sumasablay din si Duque sa paggamit ng paghahambing at pagtatambis sa mga katangian ng tao sa katangian ng insekto, hayop, ibon, halaman, at iba pang bagay, at pangunahin na rito ang paggamit ng hulagway ng alakdan bilang manghihimagsik. Mapupuwing din ang paraan ng pagsasalaysay, na kung minsan ay pabarok at kung minsan ay melodramatikong humahangga sa kakornihan. Ang deksripsiyon halimbawa kay Belong na may kabayong puting tinawag na “Bannawag” (i.e., Liwayway) ay tila hiniram na tagpo sa pelikulang Zorro na kulang na lamang ay magsisirko si Belong at magsuot ng maskara’t kapa ng kabalyero. Biglaan din ang pagsulpot nina Belong at Salacnib tuwing may pagtatangkang lapastanganin ang mga babae, na nakayayamot dahil kumita na ang gayong paraan sa mga pelikula.

Ang pinakamabigat na maipupuna sa epikong Candon ay nabigong linangin kung ano ang gumagabay na ideolohiya kina Isabelo, Salacnib at ng magkapatid na Guirnalda sa kanilang ipinundar na kilusang umanib sa Katipunan. Dito puwedeng maglaro si Duque ngunit nakaligtaan niya habang abala sa pagsasalaysay sa mga sekundaryong tagpo ukol sa pag-iibigan ng magkasintahan o pag-aalala ng magulang sa kinabukasan ng anak. Malabo ang rekonstruksiyon ng ideolohiya at lunggati sa salaysay ni Duque, at mahihinuhang kaya lamang naghimagsik sina Isabelo, Salacnib, at magkapatid na Guirnalda ay dahil inagrabyado ang kani-kaniyang pamilya (at ang kani-kaniyang ekonomikong poder) nina Fray Redondo at mag-amang De Gracia, bukod sa nilaspatangan sina Saniata at Imnas na kasintahan nina Salacnib at Isabelo. Sa ganitong pangyayari, maiisip na ang pag-aaklas ni Isabelo ay higit na pansarili kaysa pambansang pagdulog. Ang papel ng mga pangkat etniko ng Ilokos ay pawang palamuti lamang, at hindi naipakita ang aktibo nilang ambag sa diwain at pangarap na kabansaan. Pasibo ang mga pangkat etniko, at napakadali nilang nahimok ni Belong kahit sabihin pang si Belong ay may dugo umanong katutubo. Mababaw din ang pagkamulat ni Isabelo hinggil sa  kaalipnan at kalayaan at kabansaan, at reaksiyonaryo ang kaniyang tugon sa kolonisasyon, at maraming maipipintas dito ang mga kritiko. Kahit ang konsepto niya ng “Katagalugan” ay limitado at panrehiyon, na taliwas sa konsepto nina Bonifacio at Jacinto na tumutukoy sa “Katagalugan” bilang buong bansa (basahin halimbawa, ang saknong 4, Kanto 5, Ikalawang Bahagi).  Maingat din sina Bonifacio at Jacinto sa paggamit ng salita, at hindi nila gagamitin ang taguring “Filipino” o “Republika Filipina” at pipiliin ang “Tagalog” at “Haring Bayang Katagalugan” na magagamit ng lahat ng taal na mamamayan sa kapuluan. Mahalagang linawin din ni Duque ang konsepto ng kabayanihan sa epiko. Sa Katipunan nina Bonifacio at Jacinto, ang “bayani” ay tumutukoy sa buong bayan, ngunit pagsapit sa epiko ay matatampok ang kabayanihan sa ilang personalidad, at pangunahin na si Belong at ang kaniyang angkan.

Ngunit babawi sa bandang dulo ang epiko. Ang usapan nina Lakay Quired at Salacnib, o nina Apong Simon at mag-anak na Arquero ay kahanga-hanga ang pukol ng mga pahiwatig. Ang paggamit ng mga katutubong tayutay, dalumat, at hulagway kahit sa usapan ng iba’t ibang tauhan ay isang bukal ng yamang muling binuhay ni Duque. Pinayaman din ni Duque ang talasalitaan ng Filipino sa paglalahok ng mga salitang Ilokano na ikakabit hindi lamang sa Tagalog bagkus maging sa ibang wikang lalawiganin. Ang gayong salita, pahiwatig, at dalumat, na batid ng mga tauhang Ilokano, at siyang nalilingid sa mga Espanyol, ang magtatangi sa pambihirang komunikasyon ng mga Ilokanong hawig sa uri ng komunikasyon ng Tagalog , Bikol, Bisaya, at iba pang lalawiganing wika.

Mapalulusot pa rin ang epikong Candon ni Duque kahit maraming kahinaan, ngunit maimumungkahing isalin sa prosa, gaya ng sa nobela. Sa gayon, hindi siya masisiki sa paglalarawan ng kung ano-anong bagay, at mapawawalan niya nang husto ang mga makapigil-hiningang tagpo. Ang maganda kay Duque ay tinangka niyang itanghal ang buong Ilokos sa pananaw ng Ilokano, at lumampas na siya sa hanggahan ng Ilokandiya. Nilampasan na ni Duque nang milya-milya ang mga makatang Ilokano, at waring ayaw magpakahon sa napakatradisyonal na pagkatha at paggamit ng purong Ilokanong salita lamang. Ang akda niya ay nagpapanukala ng muling pagtuklas sa iba pang bayani ng himagsikang hindi binabanggit sa mga aklat ng kasaysayan. Nagbibigay din siya ng halimbawa kung paano gagamitin ang kasaysayan upang lumikha ng kathang isip na pook, tauhan, at panahon na pawang may bukod na realidad na makapagsasarili palayo sa itinala’t kanonigong kasaysayan, at siyang maipagmamalaki, hindi lamang ng mga Ilokano, bagkus ng lahat ng Filipino.

Kritika sa Multilingguwalismo at sa Pahayag ni Ricardo Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino

Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:

(1) Sa maraming Pilipino,  ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika,  at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.  Hindi tama ito.

(2)        May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto.  Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika.  Kapag hindi sila nagkakaunawaan,  nagsasalita sila ng magkaibang wika.  Kapag nagkakaunawaan sila,  nagsasalita sila  ng parehong wika o diyalekto ng isang wika. 

(3)        Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika.  Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika,  magkaibang wika ang mga ito.  Kung magkapareho ang gramatika,  mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2

(4)        Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o  limang tagapagsalita lamang;  kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala;  o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya.    Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.

(5)        Sa mga batayang ito,  ang Ilokano,  Sebwano,  Pangasinan,  Hiligaynon,  Bikol,  Kapampangan,  Butuanon at Meranao,  kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi  ganap na mga wika.   Diyalekto o wikain ang tawag sa  baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.

(6)        Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3   Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto.  Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig.  Nangunguna ang Papua New Guinea.

Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na  “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.

Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.

Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.

Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.

Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.

Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.

Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.

Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:

(8)        Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika?  Hindi.  Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino,  at vice versa.  Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika.  Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa);  mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa);  at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-.   Sa madaling sabi,  walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.

(9)        May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.   Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino.  Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika.  Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring  na magkaibang wika.

Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.

Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”

Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:

Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo.  Halimbawa,  ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”.  Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto,  o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay  (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan),  mamamatay ang lokal na termino.  Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa.  Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4  Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.

Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong  nagluwal ng mga salitang gaya ng  salumpuwit at salipawpaw.  Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,”  at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.”  Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa.  Sapagkat palasak na ang silya at eroplano,  ang ganitong uri ng purismo ay  itinakwil ng ating mamamayan.

Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar, Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,”  at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.

Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:

Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,”  patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?

Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika.  Ang dati rati’y wika lamang ng  Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino.  Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog.  Batay sa sensus ng 2000,  9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog,  magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko.  Salamat sa TV, radyo,  romance novel, komiks,  paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.

Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika.  Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila.  Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog.  Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.  

Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino.  Sa paniwala ng iba,  higit itong prestihiyoso kaysa Filipino.  Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na  Pilipino (75%)  ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles.  Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati  (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.  

Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog.  Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.”  Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap,  tapos you switch to another language sa parehong pangungusap.  “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles. 

Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.

Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.

Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.

Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan. 

Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:

Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa.  Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog.  Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit.  Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8

Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang.  Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.

Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.

Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones  (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.

Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:

Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?

Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito.  Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa.  Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino.  Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español).  Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig.  Sabi nga,  mag-isip nang global at kumilos nang lokal.

Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14  Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at  lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan.  Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan.  Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala.  Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at  abstraktong ideya.

Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran.  Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.

Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).  Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.

Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.

Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.

Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”

Balanse ng Salita sa Salawikain bilang Tula

Isa sa mga katangian ng sinaunang salawikain ay ang masinop at balanseng distribusyon ng mga salita sa isang saknong. Ang salawikain bilang tula ay hindi lamang ginagabayan ng katutubong sukat at tugma, bagkus kaugnay ang mga ito sa bilang ng mga salita sa bawat taludtod. Maihahalimbawa ang sinaunang kawikaang mahuhugot sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar:

1      Ang katakatayak, sukat             (a)
2      makapagkati ng dagat.              (a)

Ang nasabing salawikain ay binubuo lamang ng dalawang taludtod. Ang unang taludtod ay may sukat na walong pantig, at tumitimbang sa walong pantig ng ikalawang taludtod. Nilangkapan naman ng tugmang malakas ang dulong taludtod (“súkat” at “dágat”) na pawang may malumay na bigkas. Ang maganda sa tula’y balanseng-balanse kahit ang bilang ng salita sa dalawang taludtod, na may tigtatatlong salita. Kung bababasahin kung gayon ang naturang tula’y maiaangkop para himigin nang paawit. Hindi gaanong napapansin sa pag-aaral ang naturang pagtitimbang ng mga salita, at inaakala ng iba na pulos pandulong tugma lamang ang alam ng sinaunang Tagalog.

Madali lamang unawain kung ano ang ibig sabihin ng salawikain kapag inurirat kung ano ang mga pakahulugan ng mga salita. Tumutukoy ang “katakatayak” sa “isang patak na alak”; ang “makapagkáti” ay nagsasaad ng kakayahang “makapagtaboy ng alon palayo sa laot” o “magdulot ng pagbaba ng antas-dagat” (i.e., low tide); at ang “súkat” ay idyomatikong pahayag na katumbas ng “sapat na.” Sa unang malas ay magaan ang pahayag ng salawikain, ngunit kung uuriin nang maigi’y malalim. Mapapansin ito kapag pinagdugtong ng guhit ang mga salitang “katakatayak” (na napakaliit) at “dagat” (na napakalaki). May anomalya rin kapag pinagdugtong ng guhit ang “sukat” at “makapagkati” dahil paanong sasapat ang isang patak ng alak para hawiin ang dagat? Magugunita ang Biblikong alusyon ng paghawi ni Moses sa dagat nang patawirin ang kaniyang lipi para takasan ang mga humahabol na kawal Ehipsiyo. Ngunit walang kaugnayan ang naturang salawikain sa Biblikong pangyayari dahil may sariling diskurso ang Tagalog hinggil sa mga katawagan sa alak at dagat bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol.

Ang susi ng salawikain ay sa paghahanap ng pahiwatig hinggil sa “katakatayak.” Ang “katakatayak” ay maaaring isang munting bagay na makapaghahasik ng pagkatuyot, at ang pagkatuyot na ito ay maaaring umaabot sa hanggahan ng himala at di-kapani-paniwala ngunit may posibilidad na maganap. Halimbawa, ang “katakatayak” ay maaaring isang maliit na kasalanan na kaugnay ng bisyo, at ang munting kasalanang ito ay makabibiyak ng masayang pagsasama ng pamilya o pamayanan o bansa. Sa kabilang dako, maaaring sipatin din ang “katakatayak” sa positibong paraan, na ang isang munting mabuting gawa at di-kumbensiyonal ay makalilikha ng daluyong na pagbabago sa hanay ng malaganap at kumbensiyonal na kasamaan. Lalawak pa ang mga pakahulugan ng salawikain kung ilalapat dito ang mga pakahulugan ng bawat komunidad na gumagamit ng nasabing salawikain at iangkop sa silbi nitong pagbuklurin ang mga tao sa antas man ng moral, politika, ekonomiya, ideolohiya, at iba pang bagay.

Ang taktika ng pagtitimbang ng mga salita sa saknong ay hindi lamang magwawakas sa sinaunang salawikain. Maihahalimbawa ang tulang “Pasubali” ni Manuel Principe Bautista, na kisangkapan ang tayutay ng sinaunang Tagalog, at nilangkapan ng siste, upang sumariwa at tumalim sa higit na mabisang paraan:

Pasubali
ni Manuel Principe Bautista

Mamangka man ako sa dalawang ilog,   
              ako ay dadaong                  
Sa dalampasigan ng dibdib mo, Irog.      

Binubuo ang nasabing tula ng tatlong taludtod: Ang una’t ikatlong taludtod ay may tiglalabindalawahing pantig at pawang may tugmang malakas at malumay (“ilog” at “irog”); samantalang ang ikalawang taludtod ay may anim na pantig, at maipapalagay na walang tugma. Gumaganda ang tula dahil sa biswal nitong hugis na bangka, na ang una’t ikatlong taludtod ay nagsisilbing katig at ang ikalawang saknong ang pinakalawas ng bangka.  Ngunit higit pa rito, pansinin na balanse kahit ang distribusyon ng mga salita: Ang unang taludtod ay may anim na salita, at titimbangin ng anim na salita sa ikatlong taludtod. Ang ikalawang taludtod naman ay tatlong salita na kalahati ng una’t ikatlong taludtod.

Ang paglalaro ni Bautista ay makikita kahit sa estratehikong posisyon ng “mamangka” at “dalampasigan”; “dalawa” at “dibdib”; “mo” at “ako”; at “ilog” at “irog.” Ang tula ay humuhugot ng alusyon sa kasabihang “Huwag kang mamangka sa dalawang ilog,” na tumutukoy sa paglalaro ng lalaki sa magkabukod na relasyon nito sa dalawang babae (na maaaring kasintahan o kalaguyo). Gayunman, hindi inuulit lamang ng tula ang de-kahong pagtingin sa gayong relasyon. Ipinahihiwatig ng tula na kahit pa may dalawang babae ang lalaki, uuwi pa rin ang naturang lalaki sa kaniyang orihinal na asawa o tunay na minamahal na kasintahan. Ang susi sa paghihiwatigan ay mahihinuhang nasa “ilog” (babae) na siyang tatawirin ng “bangka” (lalaki). Hindi ganito kadali ang tumbasan dahil may iba pang espesyal na pampang o dalampasigan ang uuwian ng bangkero. Ang “pampang” o “dalampasigan” na ito ay ang matalinghagang “dibdib” na tumutukoy sa “pag-ibig” o kaya’y sa literal na pakahulugang “suso” ng sinisinta. Ipinahihiwatig lamang ng tula ni Bautista na kahit magloko ang lalaki, yaon ay panandalian lamang, at siya ay mananatiling tapat sa kung sino man ang minamahal na asawa o kasintahan. Bolero kung gayon ang persona sa tula. Gayunman, may katapatan ang himig niyon at nagsasaad lamang na sadyang dumaraan ang lalaki sa yugto ng paglalaro, subalit ang wakas ay laging sa piling ng pinakamamahal na asawa.

Ang balanse sa pananaludtod ay hindi tsambahan, gaya ng ipinamalas na mga halimbawa sa itaas. Maláy ang mga batikang makata sa paghahanay ng mga salita, at ang pagtula’y hindi basta pagbubuo ng mga linyang may sukat at tugma, lalo sa daigdig ng Tagalog. Ang kalikutan ng guniguni ng mga makata ay hindi lamang sa pag-uulit ng mga nakikita sa paligid, bagkus sa muling pagpapakahulugan at interpretasyon ng paligid upang lumikha ng sariwang realidad.

Balagtasan para sa Madla

Mababago ang topograpiya ng pag-aaral sa balagtasan nang ilathala ng Ateneo de Manila University Press ang Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya (1999) ni Galileo S. Zafra. Pambihira ang aklat ni Zafra dahil sa angkin nitong mapaghawang saliksik, sariwang pagbasa ng datos, at matalim na pag-urirat sa estetika at ugat ng balagtasan. Bagaman ang mga halimbawang balagtasan sa naturang aklat ay binawasan ng pabliser dahil sa pagsasaalang-alang sa badyet, hindi nagkulang ang aklat sa dapat nitong lamanin. Ang aklat ni Zafra ay inirerekomenda kong ihalili sa mga pag-aaral ng balagtasan, imbes na pagtiyagaan ang mga halimbawang tekstong inilalahok sa mga teksbuk sa matataas na paaralan sa kasalukuyan.

Hari ng Balagtasan

Jose Corazon de Jesus: Hari ng Balagtasan

Bumunsod ang balagtasan mula sa popular noong “duplo,” ayon kay Teodoro E. Gener, at ginamit ang elemento ng pagtatagisan ng dunong at bait sa pamamagitan ng mabubulaklak na pananalita at matatalim na pananalinghaga.  Ang “duplo” ay isang uri ng larong patula tuwing may lamay na laan para aliwin ang mga naulila’t bisita, at karaniwang ginaganap sa loob ng bakuran o kamalig. Ang balagtasan, na ikinabit sa pangalan ni Francisco (Balagtas) Baltazar, ay masasabing isang uri ng pagpaparangal at paggunita sa dakilang makata ng Katagalugan at pagpapahalaga sa pampanulaang pamanang iniwan niya sa sambayanan.

Kung ang duplo ay gumagamit ng mga tauhang gaya ng “Hari” (patnugot ng duplo),  “Manduduplo” (na tinatawag ding “duplero” o “duplera”), “Belyako” (lalaking makikipagduplo), “Belyaka” (babaing makikipagduplo), “Piskal” (tagausig), “embahador” (tao na nananawagan sa dakong labas at ibig lumahok sa laro), ang Balagtasan ay kumasangkapan ng mga salitang gaya ng “Lakan Diwa”, “Lakan Ilaw,” at “Gat Payo” o “Gat-Usig” na pawang pinakalupon ng Katarungan; dalawang makatang magtatagisan; at isang “Paraluman” (ang babaing ipinagsasakdal o ipinagtatanggol ng makata).

Hindi umano sumangguni sa anumang aklat ang Kapulungang Balagtas—na pangkat ng mga makatang Tagalog na unang pinamunuan ni Rosa Sevilla—nang gamitin nito ang salitang “Balagtasan.” Ngunit nakalahok na sa diksiyonaryo ni Don Pedro Serrano Laktaw ang salitang “Balagtasan,” “Balagtasin,” at “Balagtas” noon pa mang 1914, may sampung taon ang tanda bago itanghal ang kauna-unahang balagtasan sa Instituto de Mujeres sa Tayuman, Tundo, Maynila. Ang naturang mga lahok sa diksiyonaryo ay sinipi ni Gener nang buo. Ang “Balagtas” ay dagdag na apelyido (sobrenombre) ni Francisco Baltazar na awtor ng Florante at Laura. Ang “Balagtasin” ay ang pananalinghaga o pahayag na enigmatiko at may kubling pakahulugan. At ang “Balagtasan” ay tumutukoy sa pagkamalinaw, bukod sa singkahulugan ng “agtas,” “bagtas” “balatas,” “tapat,” at “tula.”

Walang sinulat na balagtasan si Balagtas. Kay Patricio A. Dionisio ikinabit ang karangalang sumulat ng kauna-unahang balagtasan sa Filipinas, nang ilathala ng Bagong Lipang Kalabaw noong 5 Abril 1924 ang kaniyang piyesang “Ibig-Sumali-Kung-Maaari.” Inilahok din ang panawagan sa mga makata na lumahok sa balagtasan, at kabilang dito ang pares na sina Rafael Olay at Tomas L. de Jesus; sina Amado V. Hernandez at Guillermo A. Holandez; at sina Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes. Pinakatanyag ang kina De Jesus at Collantes dahil kinakatawan nila ang dalawang samahan ng mga manunulat, ang “Ilaw at Panitik” at ang “Bulalakaw.”  Ang dalawang makatang ito ang kababaliwan ng madla, at hahabulin ng mga dalaga, dahil sa angking kisig, talino, at tinig bilang mambabalagtas.

Magkaibigang matalik sina De Jesus at Collantes, ngunit sa oras na umakyat sila ng entablado upang magbalagtasan ay animo’y mortal na magkaaway. Inilarawan ni Hernandez ang nasabing magkatunggali na tila “dalawang mandirigmang mabalasik at walang habag, na nagbabaka nang totohanan at walang pasintabi. Hindi ang gantimpalang salapi ni ang ngiti ng isang paraluman ang sa kanila’y mahalaga, kundi ang tunog ng palakpak ng kalahatan, ang sama-samang paghanga’t paggiliw ng madlang nanonood, ang matamis na tagumpay na gawad ng bayang tagahatol.” Anuman ang maging hatol sa balagtasan, dagdag ni Hernandez, ang dalawang makisig na makata’y walang imik na bababa sa entablado’t sasakay ng awtomobil nang hindi nag-uusap. Tahimik na tahimik ang paglalakbay. At magwawakas lamang ang gayong pananahimik kapag nagsalo na sa agahan ang mga makata sa Plaza Lunch o El Refugio, o saanmang sikat na restoran sa Escolta.

Magiging maalamat ang pagtatalo nina De Jesus at Collantes, dahil hindi lamang sila magtatagis sa ibabaw ng entablado hinggil sa isang “bulaklak” (babae) o “bituin” (reyna ng pista), bagkus papaksain kahit ang maiinit na usapin sa lipunan, mulang kultura at politika hanggang ekonomiya at kasaysayan. Ang balagtasan ay hindi lamang tagisan ng argumento, bagkus kasangkapan din para aliwin ang madla, at ipagparangal ang wikang umuugat sa ambag ng Tagalog. Hindi lamang sa Tagalog itatanghal ang balagtasan bagkus tatagos kahit sa Iluko (Bukanegan), Kapampangan (Crissotan), Sebwano, Ilonggo, Espanyol, Ingles, at iba pang wika. Pinakasukdulan ang ganapin ang mariringal na balagtasan sa gaya ng Olympic Stadium, Opera House, at Teatro Zorilla na pawang maluluwang na lunsaran ng pagtatanghal at pinupuno ng libo-libong tao mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Hindi maglalaon ay magiging inspirasyon din ang balagtasan para itanghal sa teatro, radyo, telebisyon, at isaplaka sa ilang pagkakataon.

Naging tanyag ang balagtasan dahil sa mga sumusunod na elemento: una, ang pang-aliw sa madla; ikalawa, ang pagpapamalas ng talas ng pangangatwiran; ikatlo, ang pagtatampok ng mga pambihirang kaalaman sa madla;  ikaapat, ang kadalubhasaan sa sining ng tula at pabigkas na pagtula; ikalima, ang pagiging patas sa pagpapasiya kung sino ang magwawagi, alinsunod sa itinakdang patakaran ng tagisan; at ikaanim, ang pagsangkot sa madla bilang kabahagi ng gayong masining na pagtatalo. Sumikat sina De Jesus at Collantes, halimbawa na, dahil bukod sa pagiging guwapo at makisig ay batid nila ang sining ng pagtula. Hindi humaharap sa madla ang dalawa nang walang puspusang paghahanda, at itinuturing ang bawat laban na tila iyon na ang pangwakas nilang paghaharap. Ang gayong mataas na paggalang sa taumbayan ay mahirap nang mapantayan sa ngayon, kahit ng mga politikong nagtatalo-talo sa batasan.

Hindi lahat ng balagtasan ay seryoso ang paksa. Hindi rin lahat ng balagtasan ay sinulat ng dalawa o higit pang tao. Ang mga sikat na mambabalagtas noon, gaya nina De Jesus at Collantes, ay siyang sumusulat ng isang mahabang balagtasan. Sa kasalukuyan, tanging sina Teo T. Antonio, Michael Coroza, Vim Nadera, Raul Funilas, at kung minsan ay si Rio Alma na lamang ang paminsan-minsang nagpapaunlak ng balagtasan. Nagtungo ang pangkat, maliban si Funilas, minsan sa Honolulu, Hawai’i , at doon ipinamalas sa mga manonood kung bakit kahali-halina ang balagtasan.

Sanggunian
1. Collante, Gloria T. “Ang Pagkaunlad ng Balagtasan”. Makinilyado, walang tiyak na petsa, at hango sa koleksiyon ni Florentino T. Collantes na nasa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.
2. Gener, Teodoro E. Duplo’t Balagtasan. Manila: Institute of National Language, 1949.
3. Hernandez, Amado V. “Batute at Collantes: Dalawang Hari”. Mayo 25, 1958. Makinilyado na may lagda ni Hernandez.
4. Zafra, Galileo S. Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1999.

Ang Pormula ng Tanaga at Dalit

Nagsimulang mabuhay muli ang paggamit ng tanaga at dalít nang pausuhin ang mga ito ng gaya nina Ildefonso I. Santos, Alejandro G. Abadilla, at Teodoro A. Agoncillo bago at pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nasabing mga tula—na katutubo sa Filipinas—ay matagal nang binanggit nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, at Julian Cruz Balmaseda sa kanilang mga pag-aaral hinggil sa mga panahon ng paglago ng panulaang Tagalog. Ang paghahanap ng katutubong anyo ng pagtula, na maaaring nakaligtaan nang mauso ang awit at korido, ay magiging malakas noong siglo beynte sa ilalim ng pananakop ng Amerikano sa Filipinas. Pangunahing sanggunian sa pag-aaral ng tanaga at dalit ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang aklat na ito ang gagamitin din sa mga pag-aaral nina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario hinggil sa katutubong pagtula. Mahalaga ang naturang bokabularyo dahil matatagpuan ang mahigit sandaang ispesimen ng mga katutubong tula, bukod sa pakahulugan nito, sa mga lahok.

Sisigla ang pagsulat ng tanaga at dalit noong dekada 1960 at magkakaroon ng bagong hugis noong dekada 1990 hanggang kasalukuyan. Ang tanaga at dalit ay lalabas sa nakagawiang estetikang silbi nito na pang-aliw o pangangaral at iwawasiwas gaya ng sandata bilang protesta sa namamayaning baluktot na kairalan sa lipunan. Pag-eeksperimentuhan ang tanaga at dalit kahit sa mga palihan ng pagsulat na gaya ng sa GAT (Galian sa Arte at Tula) at LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo). Gagamitin din ang tanaga at dalit, sa gaya ng timpalak Dalitext at Textanaga, nang mauso ang selfon at pagpapadala ng text jokes.

Bagaman maiikli ang tanaga at dalit, nagtataglay ang mga ito ng mga kubling panuto na sinusunod ng mga makata noon. Wala namang pagkakaiba sa dalawang anyo ng tula, maliban sa bilang ng pantig bawat taludtod. Kung ang tanaga ay pipituhin ang pantig bawat taludtod at may apat na taludtod ang isang saknong, wawaluhin naman ang pantig bawat taludtod ng dalít at bawat saknong ay apatan ang taludtod na isahan ang tugma.

Maitatanong: May pormula ba ng pagsulat ng tanaga o dalit? Kung pagbabatayan ang dami ng nasulat sa mga anyo ng mga tulang ito, masasabing may pormula nga. At ang pormulang ito ay mababatid hindi lamang sa paggamit ng tugma at sukat, bagkus sa paraan ng pananalinghaga, at pagsisiwalat ng lohika. Heto ang 50 panuto sa pagsulat ng tanaga at dalit, at ibinatay ko sa mga nalalathalang tanaga o dalit, bukod sa naging karanasan ko sa pagsusulat ng tula:

Mga Panuto sa Pagsulat ng Tanaga at Dalit
1. May apat na taludtod bawat saknong ang tanaga at dalit.
2. Sa tanaga, pipituhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
3. Sa dalit, wawaluhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
4. Ang tradisyonal na dulong tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay isahan (aaaa), at maihahalimbawa ang sumusunod:

Tanaga
Ang akala ng langaw                (a)
Nang madapo sa sungay          (a)
Mataas pa sa anwang                (a)
Na kanyang dinapuan.              (a)

Dalit
Di matawag na demonyo           (a)
At di marunong manukso          (a)
Di naman masabing santo’t       (a)
Di maalam magmilagro.             (a)

5. Napasukan ng kabaguhan ang tugma ng kapuwa tanaga at dalit nang ilahok ng mga tinaguriang modernistang makata ang iba’t iba pang paraan ng pandulong tugma, gaya ng salitan (abab), inipitan (abba), at sunuran (aabb). Maihahalimbawa ang sumusunod:

Salitan
Napaiyak ang ulap            (a)
Sa bigat ng pighati           (b)
Ang akasya’t bayabas       (a)
Ay nagpayong ng lunti.    (b)
            —”Unang Ulan,” Rio Alma

Inipitan
Lugod mo ang pagbuntot    (a)
sa akin oras-oras:               (b)
Tila nga mas panatag          (b)
Kaysa laging pagyukod.      (a)
            —”Masunurin,” Lamberto E. Antonio

Sunuran
Nagdurugo ang buwan   (a)
Sa pangil ng karimlan;   (a)
Nilalaslas ng katig         (b)
Ang pagtahip ng tubig.  (b)
            —”Pagtawid sa Lake Caliraya,” Rio Alma

6. Sa mga tradisyonal na anyo ng tanaga at dalit, iniiwasan ang walang dulong tugma, gaya ng abcd. Mahihinuha na ginagawa iyon upang makatulong sa pagbigkas, at maisaulo nang mabilis ang mga salita. Ngunit sa kasalukuyan, ang mga tanaga at dalit na may higit sa isang saknong ay ginagamitan ng tugmang abcd, abcd, efgh, efgh, etc, upang lumihis sa nakagawiang uri ng anyo ng tugma.

7. Sa ibang pagkakataon, ang tradisyonal na pandulong tugma ay tinatanggal at inihahali ang panloob na tugmaan, gaya ng mala-tanaga ni Alejandro G. Abadilla:

Ang aking tugmâ ay      (a)
Aking kinusà, sa           (b)
Loob ng tulâ. Ay,          (a)
sino’ng timawà, ga?       (b)

8. Ang antas ng tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay maaaring karaniwan (na magkahalo ang mga salitang mabilis at malumay ang bigkas; o kaya’y maragsa at malumi ang bigkas). May kakayahan ding itong gumamit ng tugmang tudlikan (na magkakapareho ang bantas o diin ng mga salita); pantigan (na magkapareho na ang bantas o diin ng mga salita’y magkapareho rin ang mga titik na katinig at patinig ng dulong pantig ng salita; at dalisay (na ang patinig bago ang huling pantig ay magkakapareho, bukod sa magkapareho ang katinig o patinig ng dulong pantig ng salita at iisa ang tuldik). Maaaring gumamit din ng tumbalik-tugmaan, na ang dulong salita ng bawat taludtod ay pinagbabaligtad ang ayos ng katinig at patinig upang lumikha ng bagong salita.

9. Maaaring makapagsilid ng 14 pataas na bilang ng salita sa isang saknong ng tanaga o dalit kung gagamitin ang Filipino, o kaya’y ang mga lalawiganing wikang gaya ng Tagalog, Ilokano, at Sebwano. Sa mga tanaga o dalit na may 14 salita, balanse kahit ang paghahati ng mga salita. Karaniwang ang unang dalawang taludtod ay may pitong salita, at ang sumunod na dalawang taludtod ay may pito ring salita.

10. Ang taludtod ng tanaga o dalit ay karaniwang may tatlo pataas na bilang ng salita. Mahaba na ang limang salita sa isang taludtod, at pinakakaraniwan ang tatlong salita sa isang taludtod. Nangyayari ito dahil karaniwang mahaba ang mga salita sa Filipino o sabihin nang Tagalog, at nalulutas lamang ito sa pamamagitan ng pagtitipil (tingnan ang Panuto 14).

11. Maaaring makalikha ng apat na pangungusap sa kapuwa tanaga o dalit. Ang paglampas sa apat na pangungusap ay magagawa rin kung ituturing na ang isang salitang padamdam ay isa nang pangungusap na kumakatawan ng isang diwain.

12. Maituturing na mahina ang tanaga o dalit kung isang pangungusap lamang ang ipinaloob sa isang saknong, bagaman kung minsan ay may ilang matagumpay na tula, gaya ng sinulat ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr. Kung makasusulat ng higit sa isang pangungusap sa loob ng isang saknong ay higit na maganda, at makikita rito ang disiplina ng makata sa pagsisilid ng mga salita sa isang masikip na kahon.

13. Ang apatang taludtod ng tanaga o dalit ay maaaring biyakin sa dalawang bahagi. Ang unang dalawang taludtod ay maaaring katimbang ng susunod na dalawang taludtod. O kaya’y maaaring ang unang dalawang taludtod ang nagsasaad ng pangunahing diwa na susuhayan ng susunod na dalawang taludtod. Maaari rin namang ang unang dalawang taludtod ay magsasaad ng detalye at ang susunod na dalawang taludtod ang magsisilbing sukdulan ng paglalarawan o pagsasalaysay.

14. Maaaring kasangkapanin ang mga paraan ng pagtitipil ng salita, gaya ng pagpungos ng salita o pagdirikit ng dalawang kataga, upang maisilid sa padron ang nais ihayag. Halimbawa, magagamit ang “meron” imbes na “mayroon,” “hamo” imbes na “hayaan mo,” at “nuha” imbes na “kinuha.”

15. Maging konsistent sa lohika. Gamitin ang pasuhay (deductive), pasuysoy (inductive), at patimbang (comparative) na paraan ng pangangatwiran nang angkop sa paksa. Halimbawa, karaniwang ginagamit sa paglalarawan ang pasuhay na paraan ng pananalinghaga, samantalang ginagamit sa pagsasalaysay ang pasuysoy. Ang ganitong obserbasyon ay ipinaliwanag nang maigi ni V.S. Almario sa kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984).

16. Bagaman ginagamit sa pangangaral noon ang tanaga o dalit, hindi lamang sa layong moralistiko iyon magagamit sa kasalukuyan. Magagamit din ang mga ito sa pagpapatawa, pang-uuyam, panunuligsa, panunuos, pananambitan, pagbubulay, at iba pang paraan.

17. Karaniwang may apat na salita ang matingkad sa tanaga o dalit. Ang apat na salitang ito ay maaaring gamitin bilang pandulong tugma, at siyang paglulunduan ng diwain ng tula.

18. Kung sisipatin bilang krokis na ekis o parisukat ang tanaga o dalit, ang apat na salitang mahalaga ay matatagpuan sa unang salita at dulong salita na pawang nasa unang taludtod at ikaapat na taludtod. (Ipinapalagay dito na hindi kasama ang “nang,” “at,” “sa” at iba pang kataga o pangatnig.)  Ang mga salita sa ikalawa at ikatlong taludtod ang magsisilbi namang panuhay sa nabanggit.

19. Mahalaga sa tanaga o dalit ang pagpili ng mga pandiwa (verb), o kaya’y pangngalang (noun) ginagawang pandiwa, upang ang mga salitang pinaghahambing at pinagtatambis ay lumutang; o kaya’y maitanghal nang marikit ang paglalarawan o pagsasalaysay ng isang tagpo. Posibleng magkaroon ng apat na pandiwa na kaugnay ng apat na pangngalan sa isang saknong.

20. Gumamit ng mga pandiwang aktibo at umaangkop sa mga pangngalan. Ang mga pandiwa ang naghahatid ng pagkilos sa loob ng tula, kaya dapat ding isaisip ang antas ng pandiwa (mulang mahina hanggang pasukdol o pabaligtad) sa pagkakatalogo ng mga pangyayari.

21. Kaugnay ng binanggit sa Panuto 20, ang paghahanay ng mga pangngalan o pandiwa o pang-uri (adjective) ay dapat may kaayusan. At ang kaayusang ito ay maaaring may antas, gaya lamang ng iba’t ibang sinonimong may partikular na pahiwatig sa isang wika, gaya ng Tagalog, Bisaya, at Ilokano.

22. Sa tradisyonal na paraan, walang hati (caesura) ang tanaga. Ngunit nang lumaon, ang tanaga ay napasukan na rin ng kabaguhan, at ginagamitan minsan ng hating 4/3 o kaya’y 3/4 sa bawat taludtod.

23. Gayundin, ang dalit ay karaniwang walang hati. Ngunit ngayon, kahit ang dalit ay ginagamitan ng estriktong hati na 4/4, at nilalapatan ng panloob ng tugma.

24. Magagamit sa tanaga o dalit ang iba’t ibang uri ng pag-uulit ng mga salita o diwain Ang naturang repetisyon ay maaaring nasa una, gitna, o dulong salita ng bawat taludtod. Maaaring ulitin ang mga salita, gaya sa anapora, ngunit dapat isaalang-alang ang antas ng pandiwa o pangngalan o pang-uri sa bawat taludtod.

25. Malimit gamitin sa tanaga o dalit ang pag-aambil, na ang katangian ng tao ay tinutumbasan ng katangian ng hayop, isda, ibon, halaman, o bagay. Mag-ingat sa paggamit ng ambil, at sikaping umaangkop ang katangian o asal ng tao sa anumang nais ipares dito.

26. Ang dalumat na ginagamit sa tanaga o dalit ay karaniwang hinuhugot sa dalumatang-bayan, at hindi lamang sa isang tiyak na sub-kultura ng lipunan. Kung gagamit man ng mga dalumat mula sa isang sub-kultura, gaya sa mga bakla at blogista, kailangang maisaalang-alang kung kaya ng salitang umangat sa pangmalawakan o pambansang antas o pandaigdigang larang.

27. Makabubuting piliin ang maiikling salita sa pagsulat ng tanaga o dalit. Ang “maiikling salita” ay dapat may dalawang pantig lamang, at mahaba na ang tatlong pantig sa bawat salita. Maiiba ang testura ng tanaga o dalit kung Ingles ang gagamiting midyum, dahil higit na maiikli ang mga salita sa Ingles kompara sa Filipino, at siyang angkop sa makikitid na saknong. Sa kasalukuyan, may iisahing pantig na salita, gaya ng “bus,” “dyip,” at “geyt” na pawang hiniram sa Ingles ang magagamit na makatutulong sa pagsusulat sa masikip na padron.

28. Sa pagpili ng mga salita, gamitin hangga’t maaari ang mga mapaglarawang salita o yaong salitang tinatawag na may kongkretong imahen. Huwag sabihing “galaw” kung magagamit ang “hipo,” “kislot,” “pintig,” “kaway,” “kaluskos,” at iba pang salitang may natatanging pakahulugan at pahiwatig.

29. Maaaring gamitin sa tanaga o dalit ang mga salitang sinauna o ngangayunin. Puwedeng pormal ang pagkakasulat, ngunit malaya ring gamitin ang pabalbal. Nagkakatalo lamang sa husay ng kombinasyon ng mga salita, na ang pagtatambal ng dalawang salita ay lumilikha ng pambihirang kabatiran at pahiwatig na lalampas sa de-kahong pananaw.

30. Kaugnay ng binanggit sa itaas, dapat isaalang-alang ang pagpapami-pamilya ng mga salita nang maiwasang maging kakatwa ang kombinasyon ng mga salita o imahen. Halimbawa, kung nais maging lalawiganin ang himig, pumili ng mga salitang lalawiganin; at kung nais namang maging kosmopolitano ang himig ay gumamit ng mga salitang hango mula sa banyagang wika.

31. Kailangang may isang diwain lamang ang dapat itampok sa tanaga o dalit. Gumamit man ng paghahambing o pagtatambis ng mga katangian, kinakailangang nakatuon pa rin sa pangunahing diwain.

32. Mahalaga sa tanaga o dalit ang paggamit ng talinghaga. Kung walang talinghaga ay maituturing iyong mahina, bagaman makakikiliti kung minsan ng guniguni.

33. Ang talinghaga ng tanaga o dalit ay dapat ikinukubli o inililihis ang nais sabihin sa tula o ang ibig ipahayag ng makata sa pamamagitan ng pahiwatig. Habang lumalawak ang pahiwatig, lalong rumirikit ang tanaga o dalit.

34. Iwasan ang mga de-kahong tayutay o bulaklak ng dila. Kung gagamitin iyon ay dapat lumitaw ang pambihirang kabatiran nang higit sa nakagawiang pagsagap sa gayong tayutay o idyoma.

35. Maaaring lapatan ng musika ang tanaga o dalit. Ang tanaga o dalit ay dapat magtaglay ng mga salitang maiindayog ang tunog, at makatutulong dito ang masinop na kombinasyon ng haba at ikli ng mga salitang maragsa, malumi, malumay, at mabilis.

36. Maaaring palamutian ng akrostik ang mga una’t dulong salita ng tanaga o dalit.

37. Maaaring magsimula sa retorikang tanong o kaya’y magwakas sa tanong.

38. Gamitin hangga’t maaari ang tandang pandamdam sa dulong salita ng pangwakas na taludtod; at sakali’t gamitin iyon saanmang bahagi ng saknong ay dapat mapangatwiranan. Mahalaga ito upang maiwasan ang walang taros na pagbulalas o pasigaw na paraan ng pagtula.

39. Sa tradisyonal na tula, ang unang titik lamang ng unang salita sa pangungusap ang malaki (capitalize). Nang lumaon, ang unang titik ng bawat taludtod ay ginagawa nang pawang malalaki.

40. Ang ibang eksperimentasyon sa tanaga o dalit ay ginagamitan ng maliliit na titik kahit sa unang titik ng unang salita ng unang taludtod, ala-e.e. cummings o kaya’y ala-Ophelia Alcantara Dimalanta. Malayang gawin ito, ngunit dapat alam ng gumagamit kung bakit hindi siya gumagamit ng maliliit o malalaking titik.

41. Mahalaga sa tanaga at dalit ang paggamit ng mga katutubong dalumat (konsepto) na pawang matatagpuan sa kaligiran, at kinikilala sa isang pamayanan. Ang konseptong ito ay hindi lamang pansarili ng makata, bagkus dapat angkinin din ng buong pamayanan.

42. Maaaring walang pamagat ang tanaga o dalit.

43. Kung may pamagat, ang nasabing pamagat ay hindi na dapat pang ulitin sa loob ng tula.

44. Ang pamagat ay maaaring isang salita, parirala, o ang unang taludtod ng tanaga o dalit.

45. Ang pamagat ay dapat kargado ng mayamang pahiwatig, upang matagumpay nitong katawanin ang isinasaad ng tula.

46. Sa tradisyonal na paraan ng pagtula, gumagamit ng mga bantas. Ginagamit ang tuldok o tuldok-kuwit tuwing magwawakas ang ikalawang taludtod.

47. Sa makabagong paraan ng pagtula, hindi na minsan ginagamitan ng bantas ngunit nagbubunga naman ito ng pagkabarok dahil ikalilito ang tumpak na paghinto o pagputol ng mga salita.

48. Kung nais mag-eksperimento, gumamit ng pulos mabibilis o mararagsang salita sa buong saknong, maliban sa mga katagang gaya ng “ang,” “ng,” “nang,” “sa,” at “at.” Sa ganitong paraan, lapatan man ng musika ang tula’y madaling makakanta.

49. Dapat umayon ang pandulong tugma sa nais ihayag ng tula. Halimbawa, kung ang tanaga o tula’y nananambitan o tila nanghihimok ng isang tao, maaaring gamitin ang mabibilis o malulumay na salita, o ang mahihinang tugmang katinig na nagwawakas sa l, m, n, ng, r, w, at y . Kung napopoot naman ang himig ng persona, maiaangkop ang mararagsa o malulumi, at kaya’y malalakas na tugmang nagwawakas sa katinig na b, c, k, d, g, k, p, s, t, v, x, at z.

50. Nagbabago ang estetikang silbi ng tanaga at dalit, ngunit mahalaga pa ring gamitin ang mga ito upang makiugnay sa pamayanan, dahil ang naturang mga anyo ng tula ay nakaayon para sa kaluguran, kabatiran, at kung minsan, sa kapakinabangan ng madla, at hindi pansarili lamang.

Isang malaking pagkakamali kung sabihing “Pinoy Haiku” ang “tanaga” o “dalit”. May sariling diskurso ang tanaga at dalit na pawang angkop lamang sa Filipino, gaya lamang na may sariling diskurso ang haiku ng Hapones. Ang paggamit ng “Pinoy haiku” na taguri sa “tanaga” o “dalit” ay tila pagsasabing walang kaakuhan ang tanaga o dalit, at nakapailalim sa banyagang pagtula, at nanggagagad lamang sa banyagang anyo ng tula. Na hindi naman totoo, at isang kabulaanan. Ang pagkakahawig sa bilang ng pantig ng haiku at tanaga ay maaaring nagkataon lamang, alinsunod sa paglago ng kani-kaniyang wika at diskurso, at walang matibay na patunay na nanggaya lamang ang mga Filipino sa Hapones.

Hindi ito ang pangwakas na panuto hinggil sa pagsulat ng tanaga at dalit, bagaman maisasaalang-alang ng sinumang nagsisimulang sumulat ng tula. Maaari ninyong bawasan, dagdagan, susugan, o ituwid ang ilang punto para sa ikalilinaw ng lahat. Ipinakikita lamang dito na malayo na ang narating ng nasabing mga anyo ng katutubong tula, na kinakailangan lamang nating lingunin, at ipagmalaki na sadyang sariling atin.

Ang Editoryal bilang Lunsaran ng Panunuri

Ang karanasan ng pagsulat ng editoryal sa wikang Filipino ay mauugat sa pagkakalathala ng unang pahayagan sa Filipinas. Itinuturing na unang pahayagan sa Filipinas ang Del Superior Govierno na lumitaw noong 8 Agosto 1811, may 197 taon na ang nakararaan mula ngayong araw. Ngunit anim na buwan lamang ang itatagal ng nasabing pahagayang nasa wikang Espanyol at mamamaalam. Susundan ito ng Diario de Manila na ilalabas noong 1848; isisilang ang La Ilustración Filipina noong 1859 ngunit magsasara makaraan ang isang taon at siyam na buwan. Susunod ang El Catolico Filipino na inilathala ni Padre Pedro Pelaez noong 1862; at lilitaw ang Diariong Tagalog na ipinundar ni Marcelo H. del Pilar sa tulong ni Francisco Calvo y Muñoz. Ang Diariong Tagalog ang kauna-unahang bilingguwal na pahayagan noong 1882, at nabuhay sa loob ng limang buwan. Marami pang pahayagan ang lilitaw, subalit nais kong itampok ang Diariong Tagalog dahil ginamit doon ang wikang Tagalog para sa Katagalugan, at tinangka nang simulan ang diskurso ng mga Tagalog alinsunod sa wika nito.

Libangan ang pagbabasa ng tabloyd.

Libangan ang pagbabasa ng tabloyd.

Kung pagbabatayan naman ang saliksik ni Iñigo Ed. Regalado, ang kauna-unahang pahayagang Tagalog—na kinabasahan ng mga mapaghimagsik na lathala na lumabas noong panahon ng kalayaan sa Pananakop ng Espanyol—ay Ang Kapatid ng Bayan na pinamatnugutan ni Pascual H. Poblete. Ang nasabing pahayagan ay ang dahong Tagalog ng El Grito del Pueblo na si Poblete rin ang editor. Hindi magtatagal at lilitaw ang Muling Pagsilang na tumuligsa sa mga patakaran ng rehimeng Amerikano hanggang inusig at tuluyang ipasara ng pamahalaang kolonyal ng Amerikano.

Ang paglitaw ng mga pahayagang Tagalog noong bungad ng siglo 20 ang simula ng masasabing malaking pagbabago sa pagsulat ng editoryal o higit na kilala noong pangulong tudling. Tumutukoy ang “tudling” sa kolum o pitak sa pahayagan, at kapag ikinabit ito sa “pangulo” (i.e., pang + ulo) ay nangangahulugang tampok na kolum na walang nakasaad na pangalan ng may-akda. Ang editoryal ay kumakatawan noon sa mga pananaw ng pangkat ng editor na maaaring lumilihis sa itinakdang pananaw at patakaran ng pamahalaan, at hinahatak ang malawak na lipunan na makisangkot sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga opinyon at pagpapasiya hinggil sa naturang pananaw at patakaran. Kung minsan, ang editoryal ay hindi lamang tinig na mula sa mga editor at kasama nitong peryodista, kundi ang mismong paninindigan ng publikasyon hinggil sa iba’t ibang usaping lumalaganap sa bansa. Kung babalikan ang sinulat ni Iñigo Ed. Regalado, na pangunahing peryodista at editor sa Tagalog noong bago at makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang editoryal at ang malalayang pitak

“ay siyang tagapaghudyat sa nagsisibasa ng mga suliraning may-kinalaman sa iba’t ibang sangay ng kabuhayan, sa katayuan ng mga lipunan, at sa kalagayan ng bayan. Ang pangulong tudling ay siyang nagbubukas ng landas sa isipan ng mga mambabasa sa pagbuo ng sariling palagay at kuro sa alinmang suliranin, at sa ikapagkakaroon ng matibay na batayan sa paninindigang sasagisagin o ipakikitungo sa kaninuman.”[1] (Sa akin ang diin).

Sa kasalukuyan, ang editoryal ay hindi lamang kinakasangkapan upang hatakin ang mambabasa na pumaling sa isang panig ng pananaw o paniniwala, bagkus upang kumbinsihin—kung hindi man tahasang pilitin—ang sinumang awtoridad o pinatutungkulan na pumanig at gawin kung kinakailangan ang mungkahi ng isang publikasyon. Malayo na ang kasalukuyang editoryal sa mga ninuno nito dahil ang mga editoryal ngayon, lalo sa mga tabloyd, ay tila alingawngaw lamang ng malaganap na opinyong maaaring nagmumula rin sa taumbayan.

Mapanganib ang pagsulat ng editoryal, dahil kung minsan ito ang nagiging sanhi upang sindakin o patayin o kung hindi’y sampahan ng libelo ang lupon ng mga editor at ang pabliser. Maihahalimbawa ang editoryal na “Aves de Rapiña” (Mga Ibong Mandaragit) na sinulat ni Fidel Reyes at nalathala noong 1908 sa El Renacimiento. Ang nasabing editoryal ay naging sanhi upang magsampa ng kaso sa hukuman si Dean C. Worcester laban kina Martin Ocampo at Teodoro M. Kalaw na kapuwa may-ari ng El Renacimiento at Muling Pagsilang. Sa pananaw ng korteng nasa ilalim ng gobyernong kolonyal ng Amerikano, nagkasala ang dalawa at marapat lamang na pagmultahin ng halagang 70 libong piso at ibilanggo. Ipinasubasta ang magkapatid na publikasyon kaya nagsara, at nakulong si Kalaw. Ngunit di-maglalaon ay mapapalaya si Kalaw alinsunod sa kapatawarang iginawad ni Gobernador Heneral Francis Harrison.

Ang makasaysayang editoryal ng El Renacimiento ay gagawing inmortal ni Amado V. Hernandez sa kaniyang nobelang Mga Ibong Mandaragit (1969), at tinumbasan ng salin sa Filipino. Heto ang bahagi ng editoryal na inilahok sa nobela:

Mga Ibong Mandaragit
Sa ibabaw ng daigdig ay may isinilang upang kumain at lumaklak, ang iba’y upang siyang kanin at lulunin. . . Ang pagsasamahan ng isa’t isa’y naaayon sa katakawan at lakás ng una hanggang sa mabigyan ito ng kasiyahan sa kapinsalaan ng kapwa.

May mga taong bukod sa hangad na tularan ang lalong walang habas na ibon: ang Agila, ay may mga palatandaan pa rin ng buwitre, ng kuwago, at ng malaking bayakang (vampira) sumisipsip ng dugo ng tao.

Umakyat sa mga kabundukan ng Bengget upang uriin at at sukatin ang mga bungo ng Igurot nang sa gayo’y mapag-aralan at maimulat umano ang liping ito, samantala’y taglay ang paningin ng mga ibong mandaragit, ay kasabay na tinitiktikan kung saan naroon ang malalaking deposito ng ginto na iniingatan ng Igurot sa liblib ng mga ulilang bundok, upang maangkin yaon pagkatapos, salamat sa mga pamamaraang legal na binago nang paulit-ulit, ngunit lagi nang ukol sa kanyang sariling kagalingan.

Magpahintulot sa kabila ng mga batas at kautusan, ng labag na pagkatay ng bakang may sakit upang pakinabangan ang sirang karne na siya na rin ang nagbawal sa bisa ng kanyang katungkulan.

Ipakilala ang kanyang sarili sa lahat ng pagkakataon bilang isang siyentipikong may mga guhit sa noo, at nag-ukol ng buo niyang buhay sa mga hiwaga ng laboratoryo ng siyensiya, gayong ang tanging gawaing siyentipiko na kanyang kinaaabalahan ay ang pagsusuri sa mga insekto at pag-angkat ng itlog ng isda, na para bang ang isda sa bansang ito’y kulang sa sustansiya at sa lasa, kaya kailangang palitan [yaon] ng isdang nanggaling sa ibang lugar. . . .[2]

Iba ang datíng ng editoryal kapag naisalin na sa Filipino o Tagalog, dahil sumasapol ito sa pandama ng mambabasang Filipino kumpara sa orihinal na Espanyol. Patunay ito na ginagamit noon pa man ang editoryal hindi lamang para magbunyag ng impormasyon, bagkus umusig sa awtoridad hinggil ipinapatupad nitong mapanakop na patakaran sa buong bayan.

Anyo ng Editoryal
Nagbabago ang anyo ng editoryal sa paglipas ng panahon, at kung pagbabatayan ang mga pahayagang nalalathala sa kasalukuyan, iba’t iba rin ang pagdulog sa pagsulat ng editoryal alinsunod sa pahayagang pinagmumulan nito. Kung pagbabatayan ang mga nalalathalang editoryal sa mga pahayagan o magasin, mapapansin ang apat na layon ng editoryal: una, ipaalam sa mambabasa ang ilang mahahalagang impormasyong sa tingin ng mga editor ay mahalaga para sa madla; ikalawa, himukin ang mambabasa na maniwala sa isang diwain o kaisipang isinulat sa editoryal; ikatlo, aliwin ang mambabasa at purihin kung hindi man tuligsain ang sinumang tao o sektor na dapat purihin o tuligsain; at ikaapat, ipaalam ang nilalaman ng publikasyon. Ang ikaapat na layon ay bihira nang gawin sa ngayon, ngunit matatagpuan pa rin panaka-naka sa mga magasing de-kolor na may tema ang bawat labas.

Ang ilang editoryal na lumalabas sa mga pahayagang gaya ng Philippine Daily Inquirer, Philippine Star, Manila Bulletin,  at Philippine Standard Today ay maituturing na isa nang ganap na sanaysay na mahaba kaysa editoryal ng mga pangunahing tabloyd sa bansa na gaya ng Abante, Balita, Bulgar, at Tanod. Gayunman, ang mga editoryal sa tabloyd ay maituturing na makabagong bersiyon ng “dagli”[3] na nagtutuon sa isang isyu, at maikli kung ikokompara sa editoryal ng malalaking pahayagan. At dahil maikli ang naturang editoryal—na karaniwang binubuo ng 200 salita o higit pa—kailangang pagtuunan nito ang isang paksa lamang at gumamit ng pagdulog na payak na makaaabot sa hinagap ng masa upang maisilid ang lahat ng opinyon, puna, mungkahi, at kuro-kuro sa gaya ng politika, ekonomiya, kultura, isports, at kaugnay na lárang.

Sa mga pahayagan sa Amerika, ang mga editoryal ay karaniwang binubuo ng 400-700 salita o higit pa, at siyang ginagaya rin ng ilang pahayagan dito sa Filipinas. Nakatampok ang editoryal sa mga pahinang laan sa opinyon, at karaniwang binabalanse o sinasalungat o sinusuhayan ng iba pang pitak ng mga kolumnistang may sariling pananaw o pagkiling sa isang isyu. Sinusulat ang editoryal makaraang talakayin ng pangkat ng editor ang makabuluhang paksang marapat itampok, at ito ang nagiging nagkakaisang pananaw o paninindigan ng lupon ng mga editor kung hindi man ng publikasyon.

Dahil naglaho na ang malalaking pahayagang gumagamit ng wikang Filipino, gaya ng Diyaryo Filipino at Silangan Shimbun, kinakailangang titigan ang anyo ng editoryal na lumalabas sa mga tabloyd. Ang ilang editoryal mula sa pili’t pangunahing tabloyd ang gagamitin sa pagtalakay dito, at aalamin ang mga pagdulog na ginagawa nito hinggil sa pagbibigay ng opinyon na kaugnay ng isang paksa. Samantala, sisikaping iugnay ang mga pag-aaral dito sa paksang editoryal na ginagamit sa mga  teksbuk sa hay-iskul.

Dapat ipagpaunang nagbabago-bago ang wika alinsunod sa tabloyd at sa mga editor na bumubuo nito. Kung ihahambing sa mga pahayagan sa Ingles, ang mga tabloyd sa Filipino ay nangangailangan pa ng estandardisasyon ng ispeling o pagbabaybay, at marahil may kaugnayan ito sa pangyayaring ang wikang Filipino ay dumaraan sa yugto ng matinding pagdalisay mulang midya hanggang akademya hanggang malawak na madlang mambabasa. Nasa wikang Filipino man o Ingles ang editoryal, hindi nagkakalayo ang mga pinapaksa, at nagkakaiba lamang sa paraan ng pangangatwiran at sa paraan ng pagtanaw hinggil sa kung ano ang karapat-dapat itampok.

Lohika ng Editoryal
Mahalagang bahagi ng tabloyd ang editoryal nito. May editoryal, gaya ng sa Balita, na halatang salin o halaw sa Ingles, at ang naturang salin o halaw ay tila Ingles na Tinagalog ng editoryal ng Manila Bulletin. Ngunit may editoryal na sadyang isinulat sa Filipino na hinaluan ng Ingles at kaya nagmumukhang Taglish. May editoryal na halos sumigaw o manumbat o mang-usig, samantalang gamit ang halos balbal na pananalita, at natatabunan ang esensiya ng paghahayag ng mga diwain sa makatwiran at lohikong pamamaraan. Binanggit dito ang wika dahil wika ang nagsasakay ng kaisipan at lohika ng mga editoryal na kumakalat araw-araw sa buong bansa.

Isa sa mga halimbawa ng halaw o salin mula sa Ingles na editoryal ay mababasa sa Balita na nagpapaliwanag ng isang ulat.

Potensiyal ng maralita sa paggamit, produksiyon, pagbabago, at aktibidad sa negosyo
(1) Sa isang ulat kamakailan, hinimok ng United Nations Development Programme (UNDP) ang mga kompanya na magpalawak nang higit pa sa tradisyunal na pamamaraan ng negosyo at inalok ang mga ito ng mga estratehiya at mga kasangkapan upang maihatid sa maralita ng daigdig bilang kaagapay sa paglago ng ekonomiya. Bilang bahagi ng Growing Inclusive Market’s initiative ng UNDP, ang ulat na pinamagatang “Creating Value for All: Strategies for Doing Business with the Poor” ay nakatuon sa extensive case studies at nagpapakita ng pagiging epektibo ng mas inclusive business models.

(2) Tampok sa naturang ulat ang hindi pa nagagamit na potensiyal ng maralita para sa paggamit o consumption, produksiyon, pagbabago o innovation, at aktibidad sa negosyo. Ayon dito, kapag maraming kompanya ang kumuha ng maralita, hindi lamang nila maisusulong ang kaunlaran kundi makaaambag pa sila sa pagtamo ng Millennium Development Goals (MDGs)-ang pandaigdigang anti-poverty targets na dapat matamo sa 2015. Binigyang-diin ng UNDP Administrator ang kapangyarihan ng maralitang mamamayan na makinabang sa aktibidad ng merkado, sampu ng kanilang abilidad na makilahok sa mga pamilihan at makamit ang oportunidad sa merkado.

(3) Ang ulat ay kaakibat na mga estratehiya na matagumpay na ginamit ng mga pribadong negosyo upang mapangasiwaan ang mga karaniwang hadlang sa pagnenegosyong kasama ang maralita. Kasama rito ang mga produkto at serbisyo, ang pamumuhunan sa impra(e)struktura o pagsasanay upang maalis ang mga pahirap, at paggamit ng lakas ng maralita upang maparami ang labor at management pool at mapalawak ang kaalaman. Sapagkat may puwang pa para sa maraming inclusive business models, sinasabi ng ulat na maaari pang magkaroon ng mas maraming inlusive markets at para sa mas malaking value creation.

(4) Sa harap ng maraming ehemplo sa kasalukuyan sa Pilipinas, ang ulat ng United Nations Development Programme ay dapat magbigay ng isang gabay upang himukin ang mga pribadong negosyo na kumuha ng mga maralita; na ang abilidad na makadagdag ng kahalagahan sa mga produkto at serbisyo ay kinilala rin sa naturang ulat.[4]

Binubuo ng 319 salita ang editoryal at hinati sa apat na talata, at bawat talata’y binubuo ng isa hanggang tatlong pangungusap. Pinakamahabang pangungusap ang nasa talata 4, na binubuo ng 51 salita. Sinundan iyon ng unang pangungusap sa talata 1, na may 48 salita. Binanggit ang anyo ng pagkakasulat ng editoryal dahil dito matitingnan kung gaano kahusay maipaaabot ang mensahe. Ang dalawang binanggit na mahabang pangungusap ay maaaring biyakin sa dalawa o tatlong pangungusap upang mapagaan; o dili kaya’y mapaiikli, nang maiwasan ang tonong animo’y literal na salin ng orihinal na akdang Ingles. Maaaring isaayos ang talata 1 sa ganitong paraan:

Hinimok kamakailan ng United Nations Development Programme (UNDP) ang mga kompanya na higtan ang nakagawiang pamamaraan ng pagnenegosyo, at gamitin ang lakas-paggawa ng mga maralita. Nakasaad sa ulat ng UNDP ang malawak na kaso ng mga pag-aaral at ang mga modelo ng negosyong bukás sa mga dukha.

Maisasaayos naman ang talata 4 sa ganitong hagod:

Isang gabay ang ulat ng UNDP na makahihimok sa mga pribadong kompanya na kunin ang serbisyo ng mga maralitang may kakayahang magpataas sa kalidad ng produkto at serbisyo.

Mapapansin na mapaiikli ang mga pangungusap at talata kung iiwas sa paglikha ng mga editoryal na halos literal ang salin. Nakabibigat sa mambabasa ang jargon, bukod sa pambihirang palaugnayan (i.e., sintaks) ng magkakatanikalang salita. Kapag dumako naman sa nilalaman, masasabing payak lámang ang ibig ipaabot ng editoryal. May ulat ang UNDP na nagsasabing gamitin ang nakakaligtaang lakas-paggawa ng dukha. Ito ang dapat gawin umano ng mga pribadong kompanya upang lumago ang kanilang negosyo dahil ang mga dukha ay hindi lamang konsumidor bagkus maaasahang trabahador. Ang totoo’y tinanggap lamang ng editoryal kung ano ang iniulat ng UNDP at hindi na ito sinuri. Ang pangwakas na talata nitong nagmumungkahi na “dapat magbigay ng isang gabay” ang ulat ay maaaring tumukoy sa mungkahi o kaya’y sa mga hakbanging dapat gawin. Ngunit kung para kanino ang gabay ay malabo dahil hindi nailugar ang papel ng kapuwa gobyerno at pribadong sektor sa paggamit ng lakas-paggawa ng dukha.

Maihahalimbawa ang sumusunod na editoryal na nalathala sa Abante Tonite na nagtatangka namang manghimok, bukod sa bumabanat sa awtoridad.

‘Wag pagkakitaan
(1) Nag-isyu na ng bagong fare matrix o taripa sa mga pampasaherong bus ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maipatupad na ang dagdag na singil sa pasahe.

(2) Ang fare hike ay iimplementa bunsod ng walang tigil na pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

(3) Dahil ipatutupad ang dagdag-pasahe, malinaw na ibig sabihin nito ay tutulungan ng gobyerno ang sektor ng transportasyon na makaahon mula sa matinding sakripisyong dinaranas dala ng sobrang taas ng presyo ng langis.

(4) Pero hindi ba’t panibagong pagpapahirap sa mga tsuper at operators ang planong paniningil ng LTFRB sa ipapalabas na fare matrix gayundin ang add-on sticker?

(5) Walang isyu kung kasing halaga [sic] lamang ng gagastusing materyales sa pag-imrenta ng fare matrix at stickers ang sisingil [sic] ng LTFRB pero ang P50 hanggang P300 na singil sa bawat sasakyang kakabitan ng taripa ay masyadong malaki.

(6) Anong klaseng tulong itong gustong gawin ng LTFRB kung hindi pa nakakaramdam ng ginhawa ang mga tsuper at operator ay pasakit agad ang ipapalasap?

(7) Kung sinsero ang LTFRB at ang gobyerno sa kabuuan na matulungan ang sektor ng transportasyon, hindi tamang maningil ng napakalaking halaga sa fare matrix at stickers.

(8)  Huwag naman sanang pagkakitaan ang ating mga kababayang hirap sa buhay![5]

Eksaktong 200 salita ang editoryal na sinipi sa itaas. Nilagyan ng numero ang simula ng bawat talata upang madaling masuri. Pamagat pa lamang ay pagtataasan na ito ng kilay ng mga akademiko at pantas wika dahil ang katagang ‘wag na mula sa tinipil na “huwag” ay iniiwasan hangga’t maaari sa Tagalog o Filipino, lalo kung pormal ang anyo ng prosa. Dalawang pantig lamang ang “huwag” (hu·wág) kaya hindi na ito tinitipil. Sa panutong ginawa ni Regalado, ang mga salitang tinitipil ay karaniwang may tatlong pantig pataas, o kaya’y dalawang salitang pinagdikit. Maihahalimbawa ang tinipil na bituin na naging bitwin; kanya na mula sa kaniya; nuha mula sa kinuha; nikat mula sa sumikat; hamo na mula sa hayaan mo; ngunit mula sa nguni at. Mahabang usapan ang pagtitipil ng salita, at marahil kinakailangan ng ibang talakayan upang maipaliwanag ang lahat ng ito.

Balikan natin ang editoryal ng Abante Tonite. Mahahalatang magkaugnay ang mga talata 1-2, na hinggil sa paglalabas ng taripa sa mga publikong sasakyan nang maitaas ang pasahe. Ngunit ang talata 3 ay malabo hindi lamang ang palaugnayan kundi ang kaugnayan nito sa mga naunang talata. Dahil kahit itaas ng gobyerno ang pasahe ng publikong sasakyan ay hindi nangangahulugang katumbas iyon ng pagtulong ng gobyerno sa mga tsuper at operator. Trabaho ng LTFRB na subaybayan at itakda ang angkop na pasahe na makatwiran sa kapuwa tsuper at pasahero. Ang talata 4-5 ay hinggil sa mataas na singil ng LTFRB sa ipinalalabas nitong taripa at istiker, at ang talata 6 ay umuusig sa gayong gawain ng LTFRB dahil dagdag na pasanin umano iyon sa mga tsuper na nahihirapan sa mataas na presyo ng krudo. Biglaan ang pagpapasok ng salitang “add-on sticker” sa talata 4 at ipinapalagay dito na alam na iyon ng mambabasa kahit hindi nakasaad sa bukanang talata ng editoryal.  Magkaugnay naman ang mga talata 7-8, na nagpapasaring sa motibo ng LTFRB ukol sa taripa at istiker, ngunit kung bakit napakataas ng singil sa nasabing taripa at istiker—kung mataas ngang maituturing kompara sa ordinaryong istiker na ginagamit halimbawa sa subdibisyon—ay hindi napalawig at nasuhayan nang matatag. Delikado ang talata 8, dahil kahit hindi nito tahasang pinararatangan ang LTFRB na pinagkakakitaan nito ang mga dukhang tsuper ay gayon ang lumalabas dahil sa pahiwatig na hindi makatwiran ang presyo ng taripa at istiker.

May editoryal naman na hindi basta nanunuligsa, bagkus idinaraan ang panunuligsa sa pamamagitan ng pagsipi sa isang grupo o awtoridad, at nagwawakas sa pahayag hinggil sa silbi o katwiran ng isang panig. Maihahalimbawa rito ang nalathala sa Bulgar:

Student power vs. Meralco
(1) Nakisali na rin ang mga estudyante sa isyu ng over-charge sa electricity bill.

(2) Pinutakte na rin ng mga estudyante ang internet blogs at chat rooms upang ireklamo ang hindi makatarungang paniningil ng Meralco gamit ang system loss at iba pang diskarte.

(3) Kamakailan lamang ay tinalakay sa Energy and Consumer Rights forum ng mga lider ng Union of Catholic Student Councils (UCSC) sa San Beda College ang isyu sa illegal charge sa electricity bill.

(4) Ipinakikita rin dito ang paghuhunos ng pagkamulat ng mga kabataan mula sa dati-rating radikal na pananaw-pampulitika patungo sa mas napapanahong isyu sa ekonomiya at SIKMURA.

(5) Kasi naman, apektado ng mataas na singil sa elektrisidad ang mga estudyante na umuupa sa mga dormitoryo kung saan nababawasan nang malaki ang kanilang allowances na dapat ay napupunta sa pangmatrikula, pambili ng aklat at mga gamit sa eskuwelahan.

(6) Sakaling nagbabayad ang mga estudyante ng P5,000 o P3,000 sa electricity bill, nagogoyo sila ng P900 hanggang P1,500 sa overcharged dahil sa ikinakatwirang system loss.

(7) Kinukuwestiyon din ng mga estudyante kung bakit nananatiling kontrolado ng pamilya Lopez ang Meralco, gayung hawak lamang nito ang minoryang sosyo na 33.4 porsiyento kumpara sa pinagsanib na 35.7 porsiyentong sosyo ng mga government corporation.

(8)  Nagtataka ang mga estudyante kung anong klase ng matematika ang ginamit na pormula o MAHIKA ng MINORYA upang makontrol ang operasyon ng isang malaking korporasyong may sagradong tungkulin paglingkuran ang mga maliliit na mamamayan sa serbisyo ng elektrisidad.

(9) Anu’t anuman, ang pakikilahok na ito ng mga estudyante sa isyu ng ekonomiya ay tanda ng isang malaking pagbabago sa pamamaraan ng kanilang PAKIKIBAKA sa makabagong henerasyon gamit ang cyberspace.[6]

May 265 salita ang siniping editoryal sa itaas. Nilagyan ng numero ang simula ng bawat talata upang madaling masuri ang daloy. Mapapansin sa naturang akda na ang bawat talata ay binubuo ng isang pangungusap lamang na ang pinakamahaba ay matatagpuan sa talata 5 (39 salita), at susundan ng mga talata 8 (38 salita) at talata 7 (35 salita). Pinakamaikli ang talata 1 (13 salita) na nagsisilbing pangkalahatang paksang susuhayan ng mga talata 2-3. Ang paksa ng editoryal ay may kaugnayan sa pakikilahok ng mga estudyante sa isyu ng labis na paniningil sa kuryente ng Meralco. Ang ingay mula sa hanay ng mga estudyante ay matatagpuan umano mulang internet chat room hanggang akademikong forum. Pagsapit sa talata 4, lilihis ang talakay at pagtutuunan ang pagbabago ng kaisipan o estratehiya, kung hindi man priyoridad, ng mga pangkat na kabataang dati’y pulos pampolitikang pagkilos ang inaatupag.

Sa ganitong paraan ng lohika, ang mga estudyanteng tinutukoy sa talata 1 ay maipapalagay na siya ring mga aktibistang estudyante sa talata 4. Kung ganito nga, mapanlagom ang talata 1 dahil aakalain ng mga mambabasa na ang mga tinutukoy na “estudyante” roon ay kumakatawan sa malawak at sari-saring kapisanan ng mga estudyante sa buong Filipinas at nagtataglay ng iba’t ibang programa, simulain, at ideolohiya. Kung ang tinutukoy ay ang mga estudyanteng kabilang sa Union of Catholic Student Councils (UCSC), at isama na ang mga blogista, hindi pa rin masasabing kumakatawan ang mga ito sa pangkabuuang lunggati ng mga estudyante sa buong Filipinas. Dagdag pa’y maingay man ang mga blogista sa cyberspace, hindi rin matitiyak na pawang mga estudyante ang hanay nito at aakalain pang karamihan sa kanila’y propesyonal kung hindi man nagtapos sa kolehiyo o sadyang walang magawa sa buhay kundi makipagkudkuran (i.e., chatting).

Ang mga talata 5-8 ay waring litanya ng mga aktibistang maririnig sa rali. Tumutukoy ang mga talata 5-8 sa mga estudyanteng nangungupahan sa dormitoryo, ngunit nagbabayad man sila ng mataas na singil sa kuryente ay hindi maipapalagay na sa sariling bulsa nila kinukuha ang bayad bagkus mula sa suweldo o kita ng kani-kanilang magulang. Ang paratang hinggil sa “labis na singil,” “system loss,” “kontrol ng pamilya Lopez sa Meralco,” at pahiwatig ng “panloloko ng Meralco sa taumbayan” ay mga paratang na hindi naipaliwanag nang maigi at nasuhayan ng mga patunay sa editoryal. Ipinapalagay samakatwid sa naturang editoryal na ang gayong mga termino ay maliwanag na sa isipan ng madla, kahit ang totoo’y hindi pa.

Samantala, ang talata 9 ay pagpansin ng editoryal sa pagbabago ng estratehiya ng mga estudyanteng aktibista. Ngunit kung babalikan ang mga pagkilos ng mga aktibistang estudyante, gaya ng mga kasapi ng League of Filipino Students (LFS), ang kanilang pagkilos noon pa man ay laging kaugnay ng pag-urirat sa ekonomiya ng bansa dahil nakasalalay sa ekonomiya ng bansa ang buhay ng mayhawak ng produksiyon at ang buhay ng mga manggagawang sumasandig sa produksiyon para mabuhay at pawang mauugat sa Marxistang pananaw. Kung labis mang naging politisado ang mga estudyanteng aktibista at nakalimutang paksain ang hinggil sa pangkabuhayang usapin ay maipipintas marahil iyon sa kanilang sinaunang anyo ng pakikibaka at sa laos na programa ng kanilang kilusan. Nagbago lamang ng arena ang pakikibaka ng mga estudyante, na kung dati’y laging laman ng kalye ay malimit ngayong nakikipagdebate sa cyberspace.

Marupok ang ganitong uri ng editoryal, dahil ang pamumuna ay ipinapalaman sa mga bibig ng mga estudyante upang ikubli ang tunay na paninindigan at opinyon ng lupon ng mga editor ng Bulgar. Animo’y balita ang editoryal, at ang dapat sanang pagtalakay sa kapangyarihan ng mga estudyante sa loob man ng paaralan o sa malawak na cyberspace ay hindi napanindigan sa talakay. Baluktot ang lohika ng editoryal, at lalo lamang makapagpapalakas sa gaya ng Meralco sa paninindigan nitong itaas ang singil ng kuryente dahil kinakailangan upang manatili itong humihinga.

Nagmumungkahi rin ang ilang editoryal, at maihahalimbawa ang mababasa sa PM Pang-Masa:

Huwag turuang umasa sa limos ang mahihirap
(1) May second round pa raw ang subsidies na ibibigay sa mga mahihirap. Iyan ang magandang balita ng pamahalaan kaugnay sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin at ang patuloy na krisis sa pagkain. Kukunin ang ipagkakaloob na subsidies sa malaking excess collection ng value added tax (VAT) sa oil products. Tinatayang nasa P4 bilyon ang excess collections ng VAT. Sabi pa ng gobyerno, malaki ang pagtataas ng presyo ng petroleum products. Aabot daw sa P70 bilyon ang revenue ng bansa sa loob lamang ng ilang buwan.

(2) Unang nagbigay ng subsidies ang pamahalaan noong nakaraang buwan. Nagbigay ng P500 sa mga mahihirap para may maipambayad sa kuryente. Nagbigay ng tulong sa mga mahihirap na estudyante at ganundin [sic] sa mga jeepney drivers at operators. Ang pagbibigay daw ng subsidies ay para mapagaan ang pasanin ng mahihirap sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang bigas.

(3) Nang magsalita si President Arroyo kamakalawa sa Angeles City, Pampanga para sa inagurasyon ng medical building na dedicated sa kanyang inang si Doña Evangeline Macapagal, sinabi ng Presidente na dadagdagan ang subsidies para sa mga mahihirap. Depende raw kung magkano ang idadagdag sa subsidies at nakabatay sa laki ng excess ng koleksiyon sa VAT ng langis. Agad namang nagpalabas ng P4 billion si Mrs. Arroyo para sa subsidies. Para na naman ito sa mga small electricity consumers at mga mahihirap na estudyante.

(4) Maganda ang nagbibigay [sic] ng subsidies sapagkat makatutulong sa mga nagdarahop sa buhay. Subalit kung pawang pagbibigay o paglilimos ang gagawin ng gobyerno sa mga kawawang mamamayan, ay baka hindi na matutong gumawa ang mga ito at umasa na lamang. Lagi na lamang silang aasa sa limos ng pamahalaan at hindi na pauunlarin ang sarili.

(5) Mas makabubuti kung trabaho o mapagkakakitaan ang ipagkaloob ng pamahalaan sa mahihirap kaysa pagkalooban ng barya-baryang pambayad sa kuryente. Saan aabot ang limos na P500. [sic, ?] Pantapal lamang ito at hindi lubusang makagagamot sa sugat nang umaantak na kahirapan. Turuang magbanat ng buto para kumita at hindi para umasa sa limos. Kailangang matuto ang mahihirap na gumawa para umunlad ang buhay.[7]

Binubuo ng 347 ang kabuuang editoryal. Taliwas sa editoryal ng Abante Tonite, ang editoryal ng PM Pang-Masa ay may mga talatang naglalaro sa tatlo o higit pang pangungusap at nagtatangkang bumuo ng isang diwa. Ang daloy ng pangangatwiran ay pasuysoy (i.e., inductive) na ang maliliit na detalye ay tumutumbok sa pangkalahatang diwa sa pangwakas na talata.

Simple lamang ang nais ipaabot ng editoryal. Dalawang beses nagbigay ng subsidyo ang pamahalaan sa ilang dukhang sektor, gaya ng estudyante, manggagawa, at motorista. Hindi dapat umano paasahin ang mga dukha sa subsidyo mula sa gobyerno dahil baka maging tamad lalo sila. Bigyan daw sila ng trabaho. Ang problema sa editoryal ay kinokontra nito ang sarili dahil sa talata 5 ay isinaad na napakaliit ng subsidyong mula sa gobyerno. Kung hindi sapat ang subsidyo para buhayin ang isang maralitang tagalungsod, paanong magiging lalong tamad ito at hindi na magtatrabaho? Magkasiya na lamang sa subsidyo? Mahihinuha rito na gaano man kalaki ng subsidyo ay walang kaugnayan sa katamaran, bagkus sa iba pang panloob at panlabas na aspekto sa buhay ng tao na nakaaapekto sa mismong tao. Samantala’y mahahalata na ang salitang “tamad” o “katamaran” ay kargado ng pahiwatig sa editoryal dahil kahit ang prehuwisyo laban sa sinumang dukha at kulang-palad ay maiuugnay sa naturang salita. Ang pagiging “tamad” ay hindi lamang kawalan ng sigasig at pagsisikap sa buhay, ngunit maaaring maikabit din sa paglayo at pagbalikwas, o kaya’y panlulumo at kawalang pag-asa sa buhay, kung sisipatin sa anggulo ng sosyolohiya at sikolohiya.

Ang mungkahi sa gobyernong bigyan ng trabaho ang dukha ang maganda sanang punto, ngunit kung paano isasagawa iyon ay nabigong mapalawig sa akda. Paano makalilikha ng trabaho ang gobyerno, o paano ito makikipagtulungan sa pribadong sektor upang bigyan ng trabaho ang walang trabaho? Hindi nasuhayan ang pamagat ng editoryal, bukod sa baluktot ang pangangatwiran nito, kaya hindi kapani-paniwala ang mala-bibliko nitong alusyon. Ang masaklap, hindi nabigyan ng konteksto ang ekonomikong kahirapang dinaranas ng mababang uri kaya pumapabor sa kaisipan ng naghaharing uri.

Isa pang editoryal na pumapaksa sa subsidyo ng pamahalaan ang tinalakay sa Tanod:

Malikhaing pamamaraan
(1) Bakit sinasabi ng mga eksperto na maaari lamang mas magpalala sa nararanasang mga problemang ekonomiko ng Pilipinas ang mga subsidyo sa maralitang sektor para sa pagbili ng pagkain at panggatong? Nagkamali ba ang gobyerno sa pagtugon sa mga mungkahi ng mga institusyong multilateral tulad ng World Bank na ang pagkakaloob ng subsidies sa mahihirap ay kapaki-pakinabang dahil makababawas sa pagligwak ng salapi kapag inililipat mga [sic] nakaluluwag sa kabuhayan?

(2) Bagaman mahalaga para sa gobyerno, na gipit sa pananalapi, ang maglaan ng mga limitadong rekurso sa mga mamamayang talagang nangangailangan sa mga ito, mahalaga ring kilalanin ang “lohika ng pag-uukol ng sudsidyo,” na nakabatay sa maraming pamamalagay, ayon sa mga eksperto mismo. Kabilang sa tinukoy nila ang kawalan ng sirkumstansiyang makapagpapahupa sa masulak na paglobo ng presyo, mahinang revenue collection, kakapusan ng alokasyon para sa imprastrukturang pampubliko na sadyang kailangang maitayo, at lumalaking depisit pangkalakal.

(3) Napagtuunang-pansin ang mga bagay na iyan kasunod ng mga komentaryong ang paghahatid ng subsidies ay makahihikayat lamang sa mga tao para lalong kumonsumo ng panggatong at pagkaing sobra ang taas ng presyo. Sapagkat limitado nga ang mga rekurso ng pamahalaan, ang pagdaragdag ng subsidyo ay may katumbas na pangangailangang magbawas ng gastos sa ibang uri ng guguling pambayan o mangutang, at mas masama, magkasabay na gawin ito, anang mga kritiko.

(4) Lilitaw sa pagbubuod ang ganitong takbo ng pagkukuro: may mga hangganan [sic], na itinatakda ng pangyayari at panahon, sa pagkakaloob ng subsidies, lalo na sa yugtong itinatakda ng pangyayari at panahon, sa pagkakaloob ng subsidies, lalo na sa yugtong nararamdaman ang malawig ng [sic] epektong mataas na antas ng implasyon.

(5) Tinatanggap naman ng mga eksperto, o ng mga sektor na may bukás at malayang pananaw, ang matataguriang pinakaangkop na hakbangin: gumastos para sa subsidyo at para sa imprastruktura, sa patas na pagtuturing at pagsasakatuparan, upang mabigyan ng daan ang pagbubuo ng mga hakbangin din mula sa pribadong sektor. Kung may pagtaliwas, hindi maiiwasang makita ang paglaki ng depisit sa larangan ng kalakalan-o ang mas pag-import ng bansa ng paninda at serbisyo kaysa pagbebenta nito sa ibayong-dagat. Kaakibat niyan ang panganib na maubos ang nakareserbang foreign exchange.

(6) Bagaman tinitiyak ng mga dalubhasa na malayo pang mangyari ang naturang kalagayang magbabadya ng pagkabahura ng ekonomiya, ipinagugunita nila ang mga senyal niyon, na narito na sa ating pamumuhay.

(7) Malaking bahagi ng kalutasan ang nakasalalay sa pgabubuo [sic, pagbubuo] at pagpapatupad ng malikhaing mga hakbanging tutugma sa sitwasyon, sabi nga ng mga manunuri. Kabilang diyan ang pagkonsumong mas matutustusan sa abot ng kakayahan. Kasabay ng ipinapanukalang maging matimpi sa pagtugon sa pangangailangang lubhang napakagastos para matamasa, kinakailangan ding pairalin at panatilihin talaga ang pagtitipid at sa bagay na ito, ang pambansang liderato at mga tagapanday ng patakaran ang unang-unang dapat magpakita ng magandang halimbawa.[8]

Binubuo ng 453 salita ang siniping editoryal, at maituturing na mahaba-haba kompara sa editoryal ng ibang tabloyd. Bagaman maipipintas ang di-konsistent na paggamit ng “subsidyo” at ng panghaliling salitang Ingles na “subsidies,” mahihinuhang ginawa iyon upang hindi maging paulit-ulit ang gamit ng salita. Maingat din sa wika ang editoryal, bagaman nakalusot ang dalawa o tatlong tipograpikong mali. Tantiyado ng sumulat ang pagbabaha-bahagi ng mga talata, at ang daloy ng lohika ay pasuysoy. Ang tesis ng editoryal ay nasa pangwakas na talata, na nagsasaad na bagaman kailangan ang subsidyo para tulungan ang mga dukha, kailangan ng pamahalaang magtipid, at gumawa ng mga programang angkop at tutugon sa kahirapan.

Binubuksan ng talata 1 ang argumento sa tanong kung nagkamali ba ang pamahalaan sa pagbibigay ng subsidyo sa maralitang sektor, alinsunod sa opinyon ng “mga eksperto.” Ang tinutukoy na “mga eksperto” sa talata 1 ay maaaring ang parehong hanay din ng “mga eksperto” sa talata 2 at talata 5. Maaari ding isiping ang “mga eksperto” sa talata 5 ay iba sa binanggit sa talata 1, ngunit kabalahibo ng binanggit sa talata 2. Binanggit ito dahil ang editoryal ay nagtatangkang maghambing at magtambis (i.e., compare and contrast) ng dalawang magkasalungat na pananaw mula sa iba’t ibang eksperto. Hindi lamang malinaw kung ang naturang mga eksperto ay mula sa larang ng ekonomiya, politika, o iba pang kaugnay na larang. Maaaring ang mga eksperto at manunuri ay pawang mga manunulat ng opinyon din sa mga pahayagan, magasin, at internet, subalit walang makatitiyak.

Nakatuon ang talata 2 sa halaga ng subsidyong dulot ng pamahalaan para sa maralitang sektor. Sumasalungat naman na argumento ang talata 3 dahil ang pagbibigay ng subsidyo ay makababawas sa ibang pondong gugugulin sa iba pang programa, at sanhi para muling mangutang ang pamahalaan sa ibang bansa. Samantala, ang talata 4 ay maikling lagom at sintesis hinggil sa kakayahan ng subsidyo bilang tulong sa mahihirap. Kaugnay ng talata 4, ang talata 5 ay nagsasaad ng kahalagahan ng subsidyo ngunit dapat iagapay ito sa iba pang makatwitrang programa ng pamahalaan mulang kalakalan hanggang pangangalaga ng reserbang dolyar. Mapapansin lamang ang pagkiling laban sa pagbibigay ng subsidyo pagsapit sa talata 7, dahil higit na mahalaga umano ayon sa mga kritiko ang “pagbubuo at pagpapatupad ng mga malikhaing hakbang” na mahihinuhang ewfemismo sa “makabuluhang programa” para sa mga maralita. At maisasagawa iyon sa pag-iwas sa maluhong paggastos bukod sa seryosong pagtitipid na dapat gawin ng pambansang liderato at tagalikha ng mga patakaran.

Mabisang paglalarawan naman ang tangka ng editoryal ng Pilipino Star Ngayon na ang pamagat ay gumamit ng idyomang hiram sa Ingles:

Malambot ang ngipin laban sa Sulpicio
(1) Labintatlong araw makaraang lumubog ang MV Princess of the Stars na pag-aari ng Sulpicio Lines, balik na naman sa laot ang mga cargo vessel ng nasabing shipping lines. Parang nagpahinga lamang ang mga kapitan at crew ng mga barko at balik na naman sa operasyon. Ang pahintulot na muling makapaglayag ang mga cargo vessels ng Sulpicio ay inaprubahan ng Malacañang. Katwiran ng Malacañang apektado ang ekonomiya kapag pinahinto ang mga cargo vessels ng Sulpicio. Maraming kargamento raw na dapat maihatid sa maraming lugar sa bansa ang Sulpicio kaya dapat nang payagang makapaglayag. Ayon sa Malacañang, makapaglalayag ang cargo vessels ng Sulpicio kung mayroong mga kasamang “safety marshals” na magmumula sa Coast Guard at mga opisyal ng Maritime Industry Authority (Marina). Kahapon ay tumulak na ang ilang cargo vessels ng Sulpicio patungong Cebu at iba pang lungsod.

(2) Ang pagbibigay ng pahintulot sa Sulpicio para makapaglayag ang mga cargo vessels nila ay nagpapakita lamang na malambot ang ngipin ng gobyerno. Walang isang matibay na salita o utos para ang isang kompanyang marami nang nagawang pinsala sa taumbayan ay maparusahan at magkaroon ng aral. Nang araw na lumubog ang MV Princess of the Stars at tawagan ni President Arroyo ang hepe ng Coast Guard ay umuusok ang ilong niya sa galit. Walang tigil siya sa pagmumura sa hepe ng coast guard. Sa himig ng kaniyang pagsasalita, lahat nang mga [sic] nagkasala sa paglubog ng barko ay dapat maparusahan. Kaya ang pagmumurang iyon ng Presidente ay nagbigay ng liwanag na ang sangkot na shipping company ay hindi na muling makapaglalayag pang muli [sic]. Lalo pa nga’t marami nang paglubg ang kinasangkutan ng mga barko ng Sulpicio.

(3) Pero makaraan nga ang 13 araw at ni hindi pa man halos nagagampanan ng Sulpicio ang kanilang [sic] tungkulin sa mga kamag-anak ng mga nabiktima nang [sic] paglubog ay eto at nasa lalot na muli sila [sic]. At ang mabigat pa, lumabag pa ang Sulpicio sa pagkakarga ng kemikal sa MV Princess. Ang kemikal na endosulfan ay nananatili pa sa loob nang [sic] na barko at nagbabantang kumalat ang lason. Sira ang karagatan at ang kabuhayan ng mga taga-San Fernando, Romblon, kung saan lumubog ang barko.

(4) Malambot ang ngipin ng gobyerno at hindi na nakapagtataka kung sa mga susunod na araw ay baka makapagbiyahe nang lahat ang mga barko ng Sulpicio. Ganyan naman ang karaniwang nangyayari sa bansang ito. At wala nang magtataka kung ang paglubog ng barko ay masundan na naman.[9]

Binubuo ng 404 salita ang editoryal. Hindi konsistent ang ispeling ng akda, at mapapansin ang sablay sa gamit ng pangmaramihang pangngalan, sa gamit ng “nang”, at sa gamit panghalip panao. Masatsat ang editoryal bagaman payak lamang ang ibig sabihin. Nakapaglayag muli ang mga barkong pangkargamento ng Sulpicio Lines makaraang suspidihin ng gobyerno dahil kailangan daw ng ekonomiya. Lahat ng barko ng Sulpicio ay hinulaang makapagbibiyahe muli sa darating na araw, dahil “malambot ang ngipin” ng gobyerno laban sa Sulpicio. Ano ang maaaring ibig sabihin nito? Na parang tratong pambata ang patakaran ng gobyerno sa nagkasalang dambuhalang negosyo. Nakalulusot ang salarin dahil sadyang pinalulusot ito ng maykapangyarihan.

Kakatwa ang pamagat ng editoryal dahil halatang hango iyon sa ewfemismong Ingles na “To go at it with tooth and nail” o kaya’y “To go at it with tooth and claw” na literal na pakikipagtalo at mabangis na pakikipaglaban sa ibang tao. Ang pamagat ng editoryal ay maaaring ipakahulugan din sa mahinang gulugod o kapasiyang pampolitika (i.e.,  political will) ng gobyerno na ipatupad ang nararapat alinsunod sa batas at alang-alang sa kapakapan ng mga pasahero at apektadong tao o sektor. Humihina ang pamagat, dahil inakala ng nagsulat ng editoryal na mauunawaan ang “malambot na ngipin.” Ang gayong ligoy ay maaaring sinadya upang pagaanin ang banat sa gobyerno, habang ikinukubli sa kalabuan ang dapat sanang maging tugon nito sa Sulpicio. Maiisip na kung may “malambot na ngipin,” marahil ay may “matigas na ngipin o pangil” para magbayad sa kasalanan ang Sulpicio. Ngunit hindi ginagamit na mabisang ambil ang “matigas na ngipin” o “matalas na pangil” sa panig ng gobyerno dahil baka akalaing bampira ito kung hindi man makamandag na ulupong.

Panukalang Panunuri
Hinggil pa rin sa sakuna ng lumubog na barko ang editoryal ng Abante, ngunit inilarawan naman nito ang panloloko ng taong nagpapapirma ng waiver sa mga naulilang pamilya:

Ano ang laban nila?
(1) Nakapangingilabot ang mga panaghoy noon ng mga kaanak ng mga biktima ng paglubog ng MV Princess of the Stars. Doble ang lungkot na kanilang nadarama dahil marami sa mga biktima ang hindi na nakabalik sa kanilang piling kahit na malamig na bangkay nito.

(2) Ngunit tila hindi pa sapat ang sinapit na dagok ng mga naulilang pamilya, ngayon ay nagagawa pa silang biktimahin ng mga walang pusong ‘fixer.’

(3) Kamakalawa ay inilutang ng Public Attorneys [sic] Office (PAO) na mayroong mga lalaking umikot noon sa pamilya ng mga biktima sa mismong opisina ng Sulpicio Lines Inc., sa North Harbor at nagpapirma raw ng blangkong ‘waiver’ sa mga naulila.

(4) Lumalabas ngayon na nakasaad sa ‘waiver’ na binibigyan ng pahintulot ng pamilya ang taong may hawak ng dokumento na siya nang mag-asikaso sa lahat ng proseso ng kanilang ‘claim’ at nag-o-awtorisa rin sa may hawak ng ‘waiver’ para kumuha ng anumang suportang pinansyal na ibibigay ng Sulpicio Lines, ang may-ari ng barko.

(5) Sabi raw ng mga lalaki ay kailangang pirmahan ang kapirasong papel na ito para mapadali ang pagpapalabas ng perang makukuha ng pamilya ng mga biktima.

(6) Ang malaking problema ngayon ay hindi naman nakilala ng mga naulila ang nagpapirma sa kanila ng ‘waiver.’ Ano nga ba naman ang kanilang laban sa mapagsamantalang buwitreng it gayong gulung-gulong ang isip nila noong mga panahong iyon at ang nais lang nila ay makita ang kanilang mahal sa buhay na sakay ng barko?

(7) Isa pa, marami rin sa mga biktima ang walang sapat na kaalaman sa tunay na pakahulugan ng ‘waiver.’

(8)  Itong mga ganitong klase ng tao ang talaga namang nakakapagpasulak ng ating dugo. Sa halip na tulungan at damayan sa pagdadalamhati ang mga naulila ay biniktima pa ang mga ito.

(9) Sana naman, patunayan ng Sulpicio Lines na hindi nila ‘pakawala’ ang mga taong ito at hindi nila alam ang ganitong aktibidad sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa anumang waiver na ipiprisenta sa kanilang tanggapan.

(10) Dapat ay masuring mabuti na tunay talagang kadugo ng nasawi ang ‘claimant’ o kukuha ng P200,000 death claim. At ang mapatutunayang ‘pekeng claimant’ ay dapat na kasuhan at ipakulong.

(11) Tunay na nakapanlulumo na mayroon tayong mga kababayang magsamantala [sic] sa pagdadalamhati ng iba.[10]

Maaaring suriin ang siniping editoryal sa dalawang antas. Una, tingnan ang anyo ng pagkakasulat. Ikalawa, tingnan ang nilalaman, at alamin kung epektibo ang ginawang pagbubunyag hinggil sa naganap na panloloko sa mga pamilya ng nasawi o nakaligtas sa trahedya.

Makapagsisimula sa pag-alam sa kaugnayan ng pamagat sa kabuuan ng teksto. Ang tinutukoy sa panghalip panaong “nila” sa pamagat ay mahihinuhang tumutukoy sa mga pamilyang nalagasan ng kaanak nang lumubog ang barko. Ang buong akda ay binubuo ng 11 talata na bawat isa’y naglalaro mulang isa hanggang dalawang pangungusap. Pinakamahabang pangungusap ang talata 4 na may 52 salita, samantalang pinakamaikli ang talata 11 na may isang pangungusap na 13 ang salita. Sa kabuuan, ang editoryal ay may 360 salita, na mahaba-haba na kompara sa ilang siniping editoryal kanina.

Ang siniping editoryal sa itaas ay nagtatangkang magsalaysay kung paano ginagawa ang panloloko sa mga pamilyang ang mga kaanak ay naging biktima ng sakuna. Ang mga talata 3-7 ay nagsasaad ng proseso ng panloloko. Kabilang dito ang pagbubunyag sa mga di-kilalang tao na umiikot umano sa tanggapan ng Sulpicio Lines, ang paglalabas ng kahina-hinalang waiver, ang pangungumbinsi sa mga pamilya, at ang kawalang-muwang ng mga pamilya na pumirma sa waiver. Ngunit ang problema sa ganitong editoryal ay walang matibay na batayan sa paglitaw ng mga pinaghihinalaang manloloko. Walang detalye hinggil sa nilalaman ng waiver, at hindi mababatid kung ano ang anyo o laman nito, alinsunod sa masusing imbestigasyon. Malawak ang banggit, at kung ito man ay may kinalaman o kagagawan ng mga tauhan ng Sulpicio ay walang makaaalam. Kung nasa korte ang kaso, mabilis bansagan iyon na “haka-haka” o “tsismis” lamang. Ang mga talata 9-10, bagaman kapuri-puri, ay maiisip na walang kaugnayan sa pamagat, dahil patungkol ang gayong mungkahi sa pamunuan ng Sulpicio. Magiging walang laban lamang sa maykapangrihang manloloko ang mga pamilyang namatayan ng kaanak kung ang hukuman, ang pulisya, ang gobyerno, at ang Sulpicio Lines ay walang kakayahang protektahan ang karapatan ng agrabyado at kumikiling sa pangangalaga ng sari-sariling interes. O kaya’y hindi papalag at tatanggapin na lamang ng mga pamilya ang kanilang masaklap na tadhana. Maimumungkahi kung gayon na baguhin ang pamagat, at ipatungkol ito sa pamunuan ng Sulpicio at PAO na pawang susuri kung talagang karapat-dapat tumanggap ng benepisyo ang mga sinasabing pamilya ng mga biktima.

Ginagamit din ang editoryal bilang kritika sa mga patakarang pinaiiral ng gobyerno o pribadong korporasyon, at maihahalimbawa ang lumabas sa Remate:

Oil Price Hike Dapat Itigil Na
(1) Bumabagsak ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado mula sa $147 bariles sa nagdaang mga araw sa nasa $125 sa mga araw na ito.

(2) Sinasabing malaking dahilan ang pag-atras sa negosyo ng maraming ispekulador o tagasulsol ng mataas na presyo para lang kumita nang kumita ang mga ito kahit maghirap ang mundo.

(3) Ang mga ispekulador ang pangunahing itinuturo maging ng Organization of Petroleum Exporting Countries na responsable sa mahal na langis at malaki ang paniniwalang may kaugnayan ang mga ito sa mga kompanyang langis o may puhunan sa negosyong langis.

(4) Dahil na rin sa nasabing pagbaba ng presyo ng langis, hindi masamang itigil muna ng mga kompanyang langis ang kanilang lingguhang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

(5) Isa pa, dapat isipin ng mga kompanya na hindi na tumutugma ang kanilang sinasabi na nalulugi sila sa gitna ng krisis sa langis sa sarili nilang mga deklarasyon na kumikita sila sa mga panahong ito ng malalaki.

(6) Dagdag pa, inaamin mismo ng isang kompanya ng langis na bumabagsak na sa 10% ang benta ng lahat ng mga kompanyang langis dahil sa napakamahal nilang benta ng mga produktong petrolyo.

(7) Sa kabuuan, napeperhuwisyo na ang lahat, maging ang mga kompanyang langis, at ito ang dapat isaalang-alang.

(8)  Hindi pupuwedeng magsawalang kibo na lamang din ang pamahalaan lalo pa’t tungkuling protektahan ang mamamayan sa pagmamalabis ng anomang kompanya.[11]

Masusuri ang siniping editoryal mulang anyo hanggang nilalaman. Sa anyo, maaaring usisain ang gramatika at palaugnayan at maging ang gamit ng salita. Halimbawa, ang talata 1 ay maisasayos sa ganitong paraan:

Bumagsak mulang $147 kada bariles ang presyo ng langis noong isang linggo tungong $125 kada bariles ngayong araw.

May problema rin sa palaugnayan ang talata 5, at maisasaayos nang ganito:

Taliwas sa pahayag na pagkalugi ang pahayag ng mga kompanya na kumikita ang mga ito nang malaki sa kabila ng krisis.

Ang ispeling ng “ispekulador” ay maimumungkahing palitan ng “espekulador” dahil ang pinagmulan nito ay salitang Espanyol na “especulador.” Samantala, ang “tagasulsol” sa talata 2 ay mahihinuhang hindi angkop bilang sinonimo, kung hindi man kapantay ng “espekulador” dahil ang pinatutungkulan dito ay ang mga namumuhunan sa merkado ng petrolyo at hindi ang puwersang nagdidikta sa pandaigdigang presyo ng petrolyo.

Pagkaraang matalakay ang anyo ay maaaring dumako sa nilalaman. Maaaring simulan ang pagtalakay sa nilalaman sa pamamagitan ng pagbusisi sa balangkas ng editoryal. Una, binubuo ng 221 salita ang editoryal na ikinalat sa walong talata, at bawat talata ay binubuo lamang ng isang pangungusap. Ikalawa, ang akda ay gumagamit ng paraan ng pagsusuri sa pagtaas ng petrolyo at kung bakit dapat ibaba ang presyo nito sa kasalukuyan. Ikatlo, ang paraan ng lohika ng akda ay pasuysoy, na ang pangwakas na talata ang sukdulan ng mga pahayag.

Pinakamahalagang alamin kung ano ang tesis ng editoryal. Ano ito? Bumaba umano ang presyo ng petrolyo sa merkado sa buong daigdig, kaya dapat ibaba rin ang presyo ng petrolyo sa Filipinas. Ang tesis na ito ang dapat alamin kung nasuportahan nang maigi sa akda. Ang mga talata 2-3 ay inuurirat ang papel ng mga espekulador na kumokontrol sa presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado. Ngunit pagsapit sa talata 4  ay lumihis ang talakay sa mungkahing “ibaba” ng mga kompanya ng langis ang presyo ng petrolyo sa bansa. May kaugnayan ang mga talata 5-7 sa talata 4 na pawang nagtutuon sa deklarasyon, patakaran, at kita ng mga kompanya ng langis. Samantala, ang talata 8 ay nagsasaad na dapat kumilos ang pamahalaan upang masugpo ang “pagmamalabis” ng anumang kompanya.

Mahihinuha sa daloy ng pahayag na walang kaugnayan sa tesis ang pangwakas na talata na nagpapahiwatig sa mungkahing pagkilos ng pamahalaan. Kung ang mga espekulador ang may kagagawan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, ang dapat sanang talakay ay kung paano lulutasin ng pamahalaan ang problema sa masamang espekulasyon at espekulador na kumokontrol sa presyo ng petrolyo. Maiisip tuloy na ang mga kompanya ng langis ay bahagi rin ng sindikato ng mga espekulador, at siyang bumubuo ng kartel. Ngunit mapagmalabis ang ganitong hinuha. Lumilitaw lamang ang ganitong hinuha dahil malabo ang daloy ng lohika at pahayag ng editoryal. Ikalilito ng pamahalaan kung sino ang dapat papanagutin sa batas. Magkasalungat din ang talata 5 at talata 6, at hindi malaman kung sinong kompanya ng langis ang nagsasabi ng totoo. Kung labas sa kapangyarihan ng pamahalaan na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo—dahil nasa pandaigdigang antas ito—maiisip na walang kakayahan ang pamahalaan sa isinasaad ng pangwakas na talata.

Editoryal bilang papuri
Hindi lamang sa panunuligsa ginagamit ang editoryal bagkus maging sa pagpuri sa magagandang halimbawang patakaran o gawain ng ilang sangay ng pamahalaan. Maihahalimbawa ang nalathala sa Taliba:

‘Justice on wheels’
(1) Isang napakagandang proyekto itong naisipan ni Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na ‘Increase Access to Justice Program’ na sa kaunaunahang [sic, kauna-unahang] pagkakataon ay matutugunan ang mga preso sa legal nilang pangangailangan sa loob ng kanilang selda.

(2) Sinimulan kamakalawa ang naturang programa nang magpadala ang Korte Suprema ng kanilang ‘mobile court rooms’ sa Makati City Jail para dinggin ang mga nakabinbin na kaso ng mga preso.

(3) Sa pamamagitan ng ‘mobile court rooms’ ay mababawasan ang paghihirap ng mga preso tuwing dadalo sa pagdinig ng kanilang mga kaso sa korte.

(4) Di lamang ang mga preso ang makikinabang sa naturang programa kundi pati iyong mga jail guard ay [sic, na] hindi na ring [sic, rin] kailangang magbiyahe pa para samahan ang mga preso sa kanilang pagdinig sa korte.

(5) Sa naturang programa ay inaasahang mabilis na malulutas ang mga kaso na kung ilan taon nang nakabinbin at mapaluluwag din ang nagsisikip na mga kulungan sa Metro Manila.

(6) Dapat noon pa ginawa ni Puno ang naturang programa. Kaugnay nito, inatasan ng Chief Justice ang lahat ng municipal at regional trial court judges na bilisan ang mga pagdinig sa lahat ng mga kasong kriminal na nasa kanilang sala upang luminis ang mga ‘dockets’ at maiwasan din ang matagal na pagkabilanggo ng taong may maliliit lang na kaso.

(7) Tiyak na marami ang mapapalayang preso sa programang ito tulad ng tatlong preso na may kasong panghoholdap at iba pang maliliit na kasong kriminal. Ang tatlong preso ay pinalaya pagkatapos na di sumipot ang mga nagreklamo sa kanilang mga hearing.

(8)  Ang naturang programa ay di lamang sa Metro Manila dapat pairalin kundi sa buong bansa. Kudos kay Chief Justice Puno.

May kabuuang 269 salita ang editoryal na sinipi, at ikinalat sa walong talata. Ang paraan ng lohika ng akda ay pasuhay (i.e., deductive), na ang unang talata ang nagtataglay ng pangunahing diwain at siyang susuportahan ng mga sumunod na talata. Payak lamang ang tesis ng akda: maganda ang programang ginawa ang Korte Suprema dahil malulutas nang mabilis ang mga kaso ng mga preso. Ang mga talata 2-3 ay sumusuhay sa talata 1 at nagpapaliwanag hinggil sa mga mobile court room. Nagsasaad naman ng benepisyo ang nasabing programa pagsapit sa mga talata 4-5. Ngunit pagsapit sa talata 6 ay papaling ang talakay sa atas ng punong hukom na bilisan ang pagdinig, at walang kaugnayan sa naunang pangungusap na “Dapat noon pa ginawa ni Puno ang naturang programa.” Ang talata 6 ay mahihinuhang kaugnay ng mga talata 2-3 ngunit tila biniyak at nagmukhang ordinaryong ulat lamang sa pahayagan. Mapanlagom naman ang talata 7, dahil ipinapalagay nito na maraming mapapalayang preso ngunit hindi naman tinalakay kung ang pagpapalaya ay kaugnay ba ng paglilitis sa mabibigat o magagaang na kaso, o kaya’y sa pagkakaroon  ng abogadong magtatanggol sa preso. Ang talata 8 ay mungkahi na palawakin pa ang naturang programa sa buong bansa.

Masatsat at mababaw ang editoryal ngunit sadyang wala nang mapipiga pa sa akda kundi ang purihin lamang si Punong Hukom Reynato Puno. Kung ang nasabing programa ay likha ng Korte Suprema, ang dapat purihin ay ang mga tao na nagpakana ng gayong programa at hindi lamang si Puno ang dapat purihin.

Pang-uuyam at Satira
Ginagamit sa ibang pagkakataon ang editoryal upang uyamin ang mga politiko, at maihahalimbawa ang nalathala sa Bagong Tiktik:

Premyo sa basura
(1) Naging kalakaran na sa gobyerno na ang mga kandidato ng administrasyon para sa Kongreso na hindi nahahalal ay binibigyan ng magagandang puwesto isang taon makaraan ang eleksyon.

(2) Tapos na ang isang taon na iyon at nagsisimula na ang Pangulong Arroyo na ipagpupuwesto ang mga kandidato ng administrasyon na ibinasura noon ng mga botante.

(3) Unang talunang ipinuwesto ng Pangulong Arroyo sa mataas na tungkulin si dating Senador Vicente Sotto III, bilang hepe ng Dangerous Drug Board na may ranggong Gabinete.

(4) Nakatakda namang ipagpupuwesto rin ng Pangulo sa Gabinete sina Michael Defensor, Prospero Pichay, Ralph Recto, at Tessie Oreta, na pawang ipinagbabasura ng mga botante nang tumakbo sila para sa Senado nong nagdaang eleksyon.

(5) Ang limang iyan ay basura ngang maituturing pagkat ibinasura sila ng mga botante-hindi inakala ng mga mamamayan na karapat-dapat maging mga senador. Ngunit eto ngayon at ipagsasaksakan sila ng administrasyon sa lalamunan ng bayan bilang mga miyembro ng Gabinete.

(6) At bakit sa Gabinete na ang trabaho ay napakalaki ng konksyon sa mismong mga mamamayang nagbasura sa kanila? Bakit hindi sa mga tungkuling halos walang kaugnayan sa madla? Halimbawa, puwede silang gawing mga embahador sa iba’t ibang bansa, o kaya ay mga direktor ng mga tanggapang walang koneksyon sa kapakanan ng bayan.

(7) Si Sotto, halimbawa, ay puwedeng maging direktor ng upisinang-gobyerno na mamamahala sa mga komedyante, at si Oreta ay doon naman sa mamamahala sa mga dancer? Diyan sa mga iyan sila eksperto, hindi ba?[12]

Gumugol ng 258 salita ang editoryal na may walong talatang naglalarawan sa ginagawa ng pamahalaan hinggil sa mga kakamping politikong nabigong mahalal bilang senador. Ang bawat talata ay isa o dalawang pangungusap lamang at iniayon sa masikip na disenyo ng pahayagan. Payak lamang ang tesis ng editoryal: Ginantimpalaan ng posisyon sa gabinete ng pamahalaan ang mga politikong natalo sa halalan noong nakaraang taon. Ang nasabing gantimpala ay mahahalagang posisyon umano sa pamahalaan. Ang tesis na nasa mga talata 1-2 ay susuhayan ng mga talata 3-4 na bumabanggit kina Vicente Sotto III, Michael Defensor, Prospero Pichay, Ralph Recto, at Tessie Oreta. Ngunit ang talata 5 ay lilihis at susurutin ang pamahalaan dahil tinanggihan na ng taumbayan ang naturang mga politiko at ngayon ay ibinabalik na naman sa puwesto. Ang talata 6 ay mungkahi kung ano ang marapat gawin sa limang politiko: Ilagay sila sa mga tungkuling “walang kaugnayan sa madla” na inihalimbawa ang pagiging embahador. Subalit kalokohan ang gayong pahayag, dahil wala namang posisyong “walang kaugnayan sa madla.” Ang pagiging embahador ay sangkot pa rin ang pakikiharap sa madla, lalo na sa mga nandarayuhang Filipino, at sa malawak na komunidad ng daigdig. Lumalabis ang pang-uuyam ng talata 7, at suntok sa bayag kumbaga sa boksing. Na walang alam si Sotto kundi magpatawa, at walang alam si Oreta kundi magsayaw. Argumentum ad hominem. Ang pamagat na “Premyo sa basura” ay nagdudulot ng kalabuan, dahil ang “basura” ay maaaring magbigay ng “premyo” para sa kapuwa pamahalaan at publiko; o kaya’y ang “basura” ay ang premyo mismo, tulad ng isinusulong ng editoryal. Ang pahayag na pasuhay mulang talata 1 ay hindi naipagpatuloy, dahil ipinapalagay dito na “kalakaran” nga sa gobyerno ang paghirang sa mga talunang politiko. At kung kalakaran ay dapat binanggit hindi lamang ang administrasyon ni Pang. Arroyo bagkus maging ang iba pang nakaraang administrasyon.

Pagharap sa hinaharap
Ipinakikita lamang sa papel na ito na may mga halimbawang matatagpuan kahit sa mga tabloyd at siyang masusuri nang masinop upang tumalim ang isip ng mambabasa. Ang mga itinuturo sa retorika, gaya ng paglalahad, paglalarawan, pagsasalaysay, proseso, panunuri, paghahambing at pagtatambis, at iba pang kaugnay na teknik, ay magagamit sa pagsusuri ng mga akda. Ngunit dapat ding idiin na iba ang Filipino kaysa Ingles, at ang diskurso ng Ingles ay hindi maisisilid basta-basta sa diskurso ng Filipino.

Matindi ang hamon sa mga pahayagan, lalo sa hanay ng mga tabloyd, na sumulat ng mahuhusay na editoryal. Ang mga editoryal sa tabloyd ang natitirang halimbawa sa pagsulat sa Filipino, at kung hindi iyon pagbubutihin ay walang makikitang mabubuting halimbawa ang mga estudyante, kung hindi man ang malawak na mambabasang Filipino.

Kinakailangan din ng mga editor sa iba’t ibang pahayagang gumagamit ng wikang Filipino na magkaisa sa estandardisadong pagbaybay ng mga salita, at pag-iwas sa balu-baluktot na gramatika at palaugnayang ikahihilo ng mambabasa. Yamang wika ang lunsaran ng kaisipan, at ang wikang ito ang kasangkapan sa pagsulat at pamamahayag, kinakailangan ng mga manunulat na maging maingat. Dapat din maging mahigpit na tagapagbantay na kritiko ang mga guro at estudyante. Sa ganitong paraan, mapatataas ang uri ng pagsulat ng editoryal dahil ang mga mambabasa ay hindi lamang konsumidor bagkus isa ring kritiko. Mapatatalim din ang mga manunulat dahil sa masasagap nilang puna at mungkahi mula sa publiko.

Panimulang pag-aaral pa lamang ito hinggil sa paksang pagsulat ng editoryal, na maaari ninyong dagdagan, ituwid, o susugan para sa ikagagaling ng buong bayan.

Dulong Tala

[1] Hango sa makinilyadong manuskrito ni Iñigo Ed. Regalado, na may paksang “Pamamahayag.” Walang tiyak na petsa ang aklat na pinaglathalaan, at mahihinuhang ginagamit na sanggunian sa kurso sa kolehiyo. Matatagpuan ang siping ito sa Iñigo Ed. Regalado Collection ng pangunahing aklatan ng Ateneo de Manila University.

[2] Hango mula sa nobelang Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez. Inilathala ng M & L Licudine Enterprises, Las Piñs, 1969, mp. 179-180.

[3] Tumutukoy ang “dagli” sa maikling salaysay na nasa anyong prosa, na sinulat nang mabilisan, at karaniwang naglalarawan at nagpapaliwanag ng isang bagay. Kung minsan, nilalahukan ito ng pagpapatawa, panunuligsa, at pangangaral na pawang madaling maarok ng mambabasa. Kung babalikan naman ang kasaysayan ng nobela at maikling kuwentong Tagalog noong bungad ng siglo 20, ang “dagli” ay masasabing nagpasupling sa mga uri ng katha sa Tagalog.  Para sa karagdagang pag-aaral ng dagli, basahin ang koleksiyon ng mga dagling tinipon nina Rolando Tolentino at Monico Atienza at inilathala ng UP Press.

[4] Hango sa editoryal ng Balita, Taon XXXVI, Bilang 239, 26 Hulyo 28, p. 6.

[5] Hango sa editoryal ng Abante Tonite, Tomo XX, Bilang 161, 11 Hulyo 2008, p. 4.

[6] Hango sa editoryal ng Bulgar, Taon 16, Bilang 219, 11 Hulyo 2008, p. 3

[7] Hango sa editoryal ng PM Pang-Masa, Taon V, Bilang 172, 11 Hulyo 2008, p. 4.

[8] Hango sa editoryal ng Tanod, Tomo 5, Bilang 224, 26 Hulyo 2008, p. 4.

[9] Hango sa editoryal ng Pilipino Star Ngayon, Taon XXIII, Bilang 17, 4 Hulyo 2008, p. 4.

[10] Hango sa editoryal ng Abante, Tomo XXI, Bilang 64, 4 Hulyo 2008, p. 4.

[11] Hango sa editoryal ng Remate, Taon 17, Isyu 140 26 Hulyo 2008, p. 4.

[12] Hango sa editoryal ng Bagong Tiktik, Taon 11, Bilang 191, 11 Hulyo 2008, p. 3.