Mittelbergheim, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Mittelbergheim,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mittelbergheim

Nahihimbing ang alak sa bari-bariles na roble ng Rhine.
Pinukaw ako ng batingaw ng kapilya sa ubasan
Ng Mittelbergheim. Nauulinig ko ang lagitik ng bukál
Na pumapatak sa balón sa bakuran, ang takatak
Ng mga bakya sa lansangan. Nakabilad ang mga tabako
Na nakasabit sa badungan; at ang mga araro’t kariton
At dalisdis ng bundok at taglagas ay nasa aking piling.

Pumikit ako. Huwag mo akong madaliin, o, apoy, lakas,
Gahum, dahil kay-aga pa. Namuhay ako nang maraming
Taon, at sa gaya nitong pananagimpan, ramdam kong
naaabot ang gumagalaw na hanggahan, na nakahihigit
sa kulay at tunog na magiging totoo, at ang mga bagay
sa daigdig na ito ay nagtutugma’t nagkakaisa-isa.
Huwag mo akong piliting buksan ang aking bibig.
Magtiwala at manalig na maisasakatuparan ang gawa.
Hayaan akong magpagala-gala dito sa Mittelbergheim.

Batid kong dapat gawin iyon. Kapiling ko ang taglagas
At mga kariton at ang mga tabako ay pawang nakabitin
Sa bandungan. Dito at saanman lumingon ay bayan ko,
Kahit saan pumihit, at anumang wikang aking naririnig
Ay awit ng paslit at huntahan ng mga magsing-irog.
Higit akong masaya ihambing man sa iba’t nasasagap
Ang sulyap, ang ngiti, ang bituin, ang sutlang kumulot
Sa tuhod. Panatag ako’t nagmamasid habang tinatahak
Ang mga buról na banayad na sinisinagan ng araw
Na nasa ibabaw ng tubigan, lungsod, kalye, kaugalian.

Advertisements

Bayan ko, ni Martin Camaj

Salin ng “Vendit tem,” ni Martin Camaj ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bayan ko

Kapág yumáo akó, akó nawá’y magíng damó
Sa áking mga bundók sa panahón ng tagsiból;
Sa taglagás, magbábanyúhay akóng magíng butó.

Kapág yumáo akó, akó nawá’y magíng túbig,
At ang áking máhalumigmíg na hiningá
Ay papaták na sariwàng ulán sa kaparángan.

Kapág yumáo akó, ako nawá’y magíng bató,
At sa sakláw ng áking minamáhal na lupàin
Ay magíng matatág at wagás na palátandâan.

woman standing beside river

Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Salin ng “Tardiyyah” ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Nalunod sa ulop ang kunehong takot na takot.
Nilapa ito ng mga aso at winarat ang mga buto.
Mangangaso, magkano mo ba ipinagbibili
ang isang katibayan ng pagsilang?
Si Katerina, na bagong panganak pa lamang,
ay yumao, at ang sindak na kuneho’ y naghinaw
sa dugo mula sa mga kalmot ng aso’t talahib.
Ang huklubang lalaking bulag ng al-Ma’arrah
ay tumingala’t binuksan sa tiim na titig ang langit
nang hitik sa pang-uuyam.
Lumipas ang tag-araw, at sa pagsapit ng taglagas
ay nagkumot ng mga tuyong dahon ang gubat.
Ganito ba humahagulgol ang magkasintahan,
ganito ba malunod sa malawak na lawa ang araw
at lumipad papalayo ang mga ibon,
at mamatay ang isang nangangatal na kunehong
niyayapakan ng mangangasong tigmak sa dugo
ang mga paa ng kaniyang magilas na kabayo?
Hinila ba nang patayo si Lorca noong isilang siya?
Kumaripas ng takbo ang mga aso, at nagsisitahol
sa harap ng among berdugo.
Ito ba ang hapdi ng pagdurusa?
“At itong mga bilangguan at tanikala, o Khayyām,
ay katibayan ba ng pagsilang ng aming mga araw?”
Naduwag ako’t umisip ng palusot, at nakita ko
sa espehismo ang mukha ng kamatayan.
Kawawa naman itong palaboy na pitho!
Natutulog siya sa mga tabi ng tarangkahan,
at mula sa dilim ay iniabot niya ang mga kamay
sa akin, at binasa nang pabaligtad ang almanake
sa pabulong, mahinang paraan:
“Ginoo, ipinahiwatig ng mga bituin sa akin,
na mag-ingat, mag-ingat kayo sa paghagibis!
Nasa harapan ninyo ang dagat, at nasa likuran
ang mga kaaway na handang manambang,
at kahit saan ay kubkob kayo ng kamatayan.”
Ngunit ngayong gabi, lumaklak tayo ng alak
hanggang ang may-ari ng taberna ay madupilas
at mahulog sa malamig na sanaw ng panahon.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to foreign invasion. Yes to human rights. Yes to humanity.

Dalamhati ng Tubig, ni Paul Claudel

Salin ng “Tristesse de l’eau,” ni Paul Claudel ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dalamhati ng Tubig

. . . . . . . Sang-ayon akong may bukál ng imbensiyon sa galak, ng bisyon sa halakhak. Ngunit upang maunawaan ang paghahalo ng kabutihan at kapaitan sa sandali ng paglikha, ipapaliwanag ko sa iyo, aking kaibigan, sa yugtong nagsisimula ang malamlam na panahon, ang dalamhati ng tubig.

. . . . . . . Mula sa langit at talukap ng mata ay sumusungaw ang kambal na luha.

. . . . . . . Huwag isiping ipataw ang iyong kalungkutan sa mga ulap o sa talukbong ng makutim na ulan. Pumikit, at makinig! Pumapatak ang ulan.

. . . . . . . At hindi ang monotoníya ng nakapirming ingay ang sapat upang ipaliwanag ito.

. . . . . . . Nasa pagkabato ng pighati na ang sanhi ay mula sa sarili nito, ang saklap ng pag-ibig, ang dibdibang bigat ng págpapagál. Lumuluha sa lupa ang langit upang gawin itong malusog. Higit sa lahat, hindi ang taglagas at ang napipintong pagkapigtal ng bunga na ang buto ay tinitighaw nito ang nakapagsisilang ng mga luha mula sa mga malayelong ulap. Ang kirot ay nasa tag-araw mismo, at ang alimbukad ng kamatayan ay nasa bulaklak ng búhay.

. . . . . . . Kapag malapit nang sumapit sa wakas ang oras bago ang tanghali, habang lumulusong ako sa lambak na hitik sa laguklok ng sari-saring matang-tubig, huminto ako, at nabalani ng pagkayamot sa pagkakamali. Anung dami ng tubigang ito! At kung ang mga luha, gaya ng dugo, ay patuloy na bumabalong sa kalooban natin, anung ginhawang makinig sa likidong koro ng mga tinig na sagana at marupok, at tumbasan ang mga ito ng lahat ng kulay ng ating lungkot! Wala nang iba pang damdamin ang tatangging pahiramin ka ng mga luha nito, o, mga bukál! At bagaman kontento na ako sa bisà ng isang patak sa sanaw at nagmula sa kaitaasan sa hulagway ng buwan, hindi nakapanghihinayang mabatid ang kanlungan mo sa mga hapon, lambak ng pighati.

. . . . . . . Ngayon, narito muli ako sa kapatagan. Sa hanggahan ng kuból na ito na tinatanglawan ng kandila ang panloob na karimlan para sa kung anong rustikong pista, isang lalaki ang nakaupo habang tangan ang maalikabok na pompiyang. Bumubuhos ang ulan; at sa gitna ng tigmak na kapanglawan, ako lámang ang nakaririnig ng palatak ng gansa.

(Pour Bea)

Stop weaponizing the law. No to martial law. No to dictatorship. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing! Uphold human rights at all costs!

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas, ni Edith Södergran

Salin ng “Höstens sista blomma,” ni Edith Södergran ng Finland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Inihele ako sa duyan ng tag-araw,
Itinadhana akong magbantay sa simoy Nórdiko;
sumiklab ang mapulang apoy
sa aking maputing pisngi.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Ako ang pinakabatàng butó ng patay na tagsibol,
At napakadalȋng mamatay bilang pangwakas.
Nakita ko ang lawàng kahanga-hanga’t bughaw,
Narinig ko ang pitlag ng puso ng patay na tag-araw,
Walang ibang butil ang kalis ko kundi kamatayan.

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Nakita ko ang mabituing rurok ng taglagas;
Kimkim ko ang liwanag sa malalayong dapugan,
At napakadaling sundan ang parehong daan.
Ipipinid ko ang mga lagusan hanggang kamatayan.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.

Stop weaponizing the law. Anti-drugs campaign should not be used to trample human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing.

“Awit ng Taglagas sa Tagsibol,” ni Rubén Darío

Awit ng Taglagas sa Tagsibol

salin ng “Cancion de Otoño en Primavera,” ni Rubén Darío.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kabataan, ang dibinong kayamanang
maglalahò at hindi na magbabalik!
Ibig ko mang lumuha pa’y itong taglay
Ng puso ko’y walang lakas na tumangis. .  .

Ang puso ko’y lubhang hitik sa bituing
Marami ang kasaysayang di masabi—
Siya’y paslit sa daigdig na ituring
na pasakit at magdusa’y anong dami!

Purong sinag siyang tuwa sa umaga
at may ngiti ng bulaklak pagkaambon;
Buhok niya’y tila gabing tinamasa
ang karimlan at kalisúd na umahon.

Mahiyain at tahimik, ako’y paslit
na di kayang gawin yaong ibang kási.
Pag-ibig ko sa kaniya’y abot-langit:
Ang tambalang Erodiyas at Salomé. .  .

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayong

Ang kabila’y higit namang sensitibo
mapayapa, mapagmahal, at matatag
Taglay yaong pagnanais na matamo
ang pag-ibig na mahirap nang matuklas.

Sa kabila ng kaniyang kahinhinan
Kung umibig siya’y ano’t isang lihim:
Ang patadyong niyang suot na makulay
ay nagkubli ng babaeng nababaliw. . .

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.

Ang labi ko ay ninasa niyang kunin
At nabuwang naman ako nang tumusok
Sa puso ko ang kaniyang mga pangil—
walang hanggan ang kaniyang halik, yapós.

Libog niya ay tila ba lumalabis;
Puso niya ay lagablab sa buhay ko;
Bawat haplos niyang mula nang magtalik
Ay hanggahang walang tuldok sa espasyo.

Inakala niyang walang pagkaluoy
yaong aming lamán, mula sa Lemlunay;
Di inisip kung maglaho sa tagsibol
ang kay-raming bulaklak na makukulay.

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.

At ang iba! Sa maraming klima mula
Sa malayong mga pook at lupalop
Ay palabas nitong aking mga tugma
Ang pangarap na babaeng niloloob.

Hinanap ko ang prinsesa ngunit bigo,
At naghintay nang naghintay siyang hapis.
Ang tadhana ay malupit, pumapasò.
Di darating ang prinsesang umaawit.

Ngunit kahit makulimlim ang panahon,
Ang pag-ibig sa kaniya’y walang maliw.
Ubanin man ako’y handang makalikom
niyong libong rosas doon sa may hardin.

Kabataan, yamang taglay ng Maylikha,
Naglaho ka sa piling ko mula noon!
Ibig ko mang lumuha pa’y di magawa,
At lumuha’y hindi batid kahit ngayon.

Akin pa rin, gayumpaman, ang Liwayway!

Awit ng Lupang Tinubuan, ni Jaroslav Seifert

salin ng tulang “Song of the Native Land” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Awit ng Lupang Sinilangan

Maganda gaya ng bangang pintado ng bulaklak
ang lupaing nagsilang sa iyo, nagbigay ng buhay,
maganda gaya ng bangang pintado ng bulaklak,
matamis kaysa tinapay mula sa nilamas na mása
na pinagbaunan mo nang malalim ng patalim.

Maraming ulit kang nasiraan ng loob, nabigo,
at madalas sariwang nagbabalik ka rito,
maraming ulit kang nasiraan ng loob, nabigo,
sa lupaing ito na napakayaman at pilî ng araw,
dukha gaya ng taglagas sa hukay na pulos graba.

Maganda gaya ng bangang pintado ng bulaklak,
mabigat ang ating sála na hindi napapawi,
ni ang gunita nito’y hindi maaagnas kailanman.
At sa wakas, sa dulo ng ating pangwakas na oras,
matutulog tayo sa napakapait na sahig ng luad.

Tatlong Tula ni Jaroslav Seifert

salin ng tatlong tula ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Awit sa mga Dalaginding
A song about girls

Palagós sa lungsod ang dakilang ilog,
at taglay ang pitong tulay;
libong dalaginding ang bakás sa baybay
at iba-iba ang hubog.

Maalab ang palad ng dibdib sa dibdib
sa pag-ibig na may apoy;
libong dalaginding ang muling lumusong,
hawig lahat kung tumitig.

Pilosopiya
Philosophy

Tandaan ang winika ng mga pilosopo:
Ang búhay ay kay-bilis lumipas.
Tuwing hinihintay natin ang mga kasintahan
ang kisapmata’y walang hanggan.

Nobyembre 1918
November 1918

                                   Sa alaala ni Guillaume Apollinaire

Taglagas noon. Sinakop ng banyagang hukbo
ang mga dalisdis ng ubasan, ipinuwesto
ang mga riple sa mga baging na tila pugad,
at iniumang sa mga suso ni Giaconda.

Nakita namin ang naghihikahos na lupain,
mga kawal na walang binti o kamay
ngunit hindi nagmamaliw ang pag-asa,
ang pintuan ng moog ay bumubukas-bukas.

Simoy-pabango ang otonyong langit: sa ibaba
ang lungsod na kimkim ang sakiting makata,
ang bintana sa isang panggabing araw.
Heto ang helmet, ang espada, at ang baril.

Totoong sa lungsod na ito ako isinilang,
ang mga ilog nito’y umaagos nang pasuray-suray;
ngunit minsan, sa ilalim ng tulay ako’y napaluha:
ang pipa, panulat, at singsing ang kipkip ko.

Ang mga impakto sa bubungan ng katedral
ay isinusuka ang basura pababa sa mga alulod,
nakatungo sila pausli sa tuktok ng kornisa’t
pinabaho at dinungisan ng dumi ng kalapati.

Tumunog ang kampana, nahulog ang mga notang
bronse, ngunit sa sandaling ito na walang pag-asa
ay dapat tumawid ang korteho ng punerarya
doon sa mga lansangan ng Montparnasse.

Nagwika ang mga kilapsaw ng ilog sa mga ibon,
at ang mga ibon ay lumipad para sabihin sa ulap
at hinimig ang balita tungo sa kaitaasan:
hindi nagpakita ang mga bituin nang gabing iyon.

At ang Paris, na tumindig, ang Lungsod ng Liwanag,
ay nagtalukbong sa kay-lalim, kay-itim na magdamag.

Ulan sa Taglagas, ni Arif Khudairi

salin ng “Autumn Rain” ni Arif Khudairi (Arif Karkhi Abukhudairi Mahmoud) ng Ehipto.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ulan sa Taglagas

Gabi na. Umuulan sa labás, at waring pumapatak ang mga bituin. Tulad ng ulan, ang iyong gunita’y pumapatak sa aking kalooban. Kumusta na, mahal? Matagal nang panahong naghiwalay tayo habang umuulan noong isang gabi ng taglagas. Umuulan ba sa inyong pook, gaya sa amin? Pumapatak ba ang aking gunita sa kalooban mo, gaya ng ulan? Gabi na, at umuulan ngayong taglagas sa labás ng bahay. Pumapatak ang ulan gaya ng mga bituin sa kailaliman ng gabi. At ang iyong gunita’y lumuluha gaya sa tag-ulan.

Oyayi ng Taglagas, ni Jules Laforgue

salin ng “Berceuse d’automne,” ni Jules Laforgue.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Taglagas na, taglagas, at sila’y nasa tabi ng sigâ ng tsimenea. Paalam, makapangyarihang araw, lungting mga dahon, langit na bughaw! Humahampas sa bintana ang ulan, at ang simoy ay tumataghoy nang paos sa monotonong awit.  O bihisan ng Abril, ang kasiyahan ng búhay, paalam! Tanging sa paglapit sa apoy maririnig ang  tikatik ng ulan, at kung minsan sa paghawi ng kortina, upang silipin kung ang langit ay may bahid ng abo, kung ang kalye ay malimit hitik sa mumunting sanaw. At mapapasalampak sila, samantalang unti-unting nababato ang isa sa kanila.  O desperadong hangin sa malawak na kahuyan, na ang dilawang mga dahon ay umaalimpuyo sa makutim na ipuipo habang kapiling ang mga liham ng pag-ibig at layak ng pugad, tangayin ang maririkit na araw sa iyong mahahabang bugso, ang taglamig ay walang hanggan, at ang lahat ng bagay ay nagwakas na, nagwakas.