Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Pulo ng mga Tainga, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Taingá

Roberto T. Añonuevo

Sa óras na sumakáy ka sa tunóg, asáhang makáraratíng ka sa Pulô ng mga Taingá. Kung ikáw ang tulâ, sasáilálim ka sa multíplikasyón, na ang kaluskós ay nagbábanyúhay na kalantóg na nagbábanyúhay lagabóg na nagbábanyúhay na dagudóg na paúlit-úlit na sumasábog sa loób ng útak at guníguní. Ang sitsít ay lálawiswís, sásagisít, hihíging, hahagunót, huhúgong na walâng pagkapágod ngúnit walâng pasúbalìng nághahanáp ng gatláng o tuldók. Ang bulóng ay lálaguklók, lálagunlóng, at gugúlong nang gugúlong na dumádagundóng hanggang magíng fluwídong tínig na warìng mulâ sa pistá o rámbol ng mga kalátong. Sa Pulô ng mga Taingá, ang alúnigníg ay máririníg ng mga paá at sasapól sa dibdíb; at anumáng pagyaníg ay masaságap tatlóng áraw bágo iyón maganáp káhit pa mílya-mílya mulâ sa iyó ang dístansíya. Kapág sumápit kang masamâng balità, ikálulugód iyán ng buông báyan sapagkát ináasáhan. Kapág sumápit kang mabúting balità, kákabahán ang buông báyan—sapagkat maáarìng magtagláy ka ng simetríya ng mga áyaw pakinggáng pahiwátig noóng úna pa man. Anó’t anumán, isasálin ka sa sarì-sarìng wikà, na maáarìng nása anyô ng oyáyi o dung-áw o pamatbát o tagumpáy, babalángkasín sa pámbihiràng gramatíka, pálalawígin sa mga pakáhulugán, at págtutuónan ng pansín na párang pagkalág sa paláisipán ng orakúlo at súbterráneong kodígo. Pag-íral mo’y isá nang katótohánan, sabíhin mang itó’y kabúlaánan. Pipikít ang mga táo ngúnit papások ka pa rin sa kaniláng pandiníg káhit sa óras ng panánagínip. Ipipínid ang mga labì, at isisilíd ka sa papél, at lalòng mabábagábag silá sa malamyós mong hímig. At sa bandáng hulí, kapág hindî na nilá káyang tiisíng mágtaingáng-kawalì sa iyóng áwit, kapág hindî na nilá káyang ipágpalíban pa ang tindíg mong bumábatingáw, kailángan niláng harapín ang iyóng pagdatíng. Pápaloób sa kaniláng kanáng taingá ang iyóng aníno at lalabás sa kaliwâng taingá ang iyóng hulagwáy—na isinísigáw nang buông lakás ang ngálan na iyóng hinahánap, pinánanábikán. Mábibingí sa katáhimíkan ang Pulô ng mga Taingá, at isúsukò nitó ang líhim sa ipinágkakaít na kalingà’t págmamahál.

Alimbúkad: Poetry Filipinas shattering global silence. Photo by Misha Voguel on Pexels.com

Henealohiya ng mga Bomba, ni Ektor Kaknavatos

 Salin ng “Genealogy of Bombshells,” ni Ektor Kaknavatos 
 [alyas ni Yorgοs Kontoyorgis] ng Greece
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Henealohiya ng mga Bomba
  
          (para kay G. Savvas Michail)
  
 Hindi ako ang dahilan kayâ sinalakay
 ng apoy ang punong pino
 at pinigtal ang mga tainga
    ng araw.
  
 Hayaang magyabang ang mga bomba
      kung bumuhos man tulad ng ulan
             at mapawi nang ganap
      ang kabunyian ng mga punong dayap
 yamang taglagas ng Oktubre
 ang tanging nakikinig: ang mga bomba
        ay hinango mula sa panganib
        at kalabog ng rebolusyon,
             at hinagad ang alpabeto. 
Alimbúkad: Online poetry translation eruption for humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Magnanakaw, ni Miyazawa Kenji

Salin ng tula sa Hapones ni Miyazawa Kenji ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Magnanakaw
 
Papusyaw pa lámang noon sa madaling araw
         ang mga bituin ng Kalansay:
Habang binabagtas ang nabibiyak na ningning
         ——ang nagsayelong putik——
ang magnanakaw na kumuha ng plorerang
        porselana mula sa tindahan
ay biglang inihinto sa paghakbang ang mahahaba, 
itim na binti, nagtukop ng kaniyang mga tainga,
at pinakinggan ang hugong sa kaniyang isipan.
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Pixabay on Pexels.com