Ang Paniki, ni Theodore Roethke

Salin ng “The Bat,” ni Theodore Roethke
Salin sa pandaigdigang Filipno ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paniki

Ang paniki kapag umaga’y pinsan ng daga,
Sa átiko ng matandang bahay nagkukuta.

Mga daliri niya ay panakip sa ulo.
Mabagal ang pulso niya’t animo’y yumao.

Paikot kung gumuhit ng pigura sa gabi
Sa mga punongkahoy na may sinag sa tabi.

Ngunit kapag siya’y bumangga sa ating iskrin,
Takót tayo sakali’t mabatid ng paningin:

Dahil may kung anong mali o wala sa puwesto,
Kapag ang daga na may pakpak ay mukhang tao.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Advertisements

“Isang Tula ng Pag-ibig,” ni Etheridge Knight

Salin ng “A Love Poem,” mula sa koleksiyong Born of a Woman (1980) ni Etheridge Knight.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Isang Tula ng Pag-ibig

Hindi ko inaasahang ang kaluluwa ni Penelope
Ay pumasok sa dibdib mo, dahil di ako makapangyarihan
O walang takot. (Tanging ang pag-ibig ang matapang,
Ang batuhán laban sa hangin.) Umiyak at humalukipkip
Ako nang sumilip ang mga síklope sa aking yungib.

Hindi ko inaasahang mahahaba ang iyong liham
At ukol sa pag-ibig, mabulaklak at pilosopiko,
Dahil ang mga salita ay hindi ang nagbibigkis sa atin.
Tanging kailangan ko’y ang matibay na patunay
Ng iyong pag-iral para ako’y magpatuloy na mabuhay.
Ang ating pag-ibig ay batuháng sumalunga sa simoy,
At hindi malambot, gaya ng seda at puntilya.

“Pangarap sa loob ng isang pangarap,” ni Edgar Allan Poe

Salin ng “A Dream within a Dream” (1850), ni Edgar Allan Poe ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pangarap sa Loob ng Isang Pangarap

Idampi sa kilay ang halik na ito!
Sa aking paglayo ngayon sa piling mo,
Ay hayaan akong mangako sa iyo—
Di ka nagkamali, ikaw na nagsabing
Pangarap ang aking araw sa pagkasi;
Kung ang pag-asa’y ganap na nalusaw
Sa isang magdamag o sa isang araw
May pangitain man o kahit na wala
Katumbas na nga ba ng walang bahagya?
Lahat na ng ating makita’t matatap
Ay pangarap lámang sa ubod pangarap.

Nakatindig ako dito sa pasigan
Ang atungal alon ay tagos sa lamán
At kuyom ng palad ang gintong buhangin
Na kahit kaunti’y may kung anong lagim
Sa aking daliri na nasok sa lalim
Habang lumbay ako at natak ang luha.
Diyos ko,  ano ba’t hindi maunawa
Ang aking kinuyom at taglay ng palad?
Di ba masasagip ang butil sa dagat?
Ang lahat bang ito’y sadyang malikmata,
Pangarap sa loob ng pangarap, sinta?

Edgar Allan Poe

Edgar Allan Poe

“Ang Aso,” ni Ivan Turgenev

Salin ng “The Dog” ni Ivan Turgenev ng Russian Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas, batay sa salin sa Ingles ni  Constance Garnett.

Ang Áso

Dalawa lámang kami sa silid; ako at ang aking áso. . . . Sa labás ng bahay ay humahalihaw ang nakasisindak na bagyó.

Umupo sa harapan ko ang áso, at tumingin nang tuwid sa mukha ko.

At ako rin ay tumingin sa kaniyang mukha.

Waring may ibig siyáng sabihin sa akin. Siyá ay mangmang, at hindi makapagsalita, at hindi maunawaan ang sarili, ngunit nauunawaan ko siya.

Nauunawaan kong sa sandaling ito ay pumipintig sa kaniya at sa akin ang parehong pakiramdam, at walang pagkakaiba ang namamagitan sa amin. Pareho kami; bawat isa sa amin ay lumiliyab at kumikislap ng parehong nangangatal na siklab.

Dumaragit ang kamatayan, taglay ang alon ng lamig ng malalapad na bagwis. . . .

At ang wakas!

Sino ang makatutukoy kung anong siklab ang nagpapaningning sa bawat isa sa amin?

Hindi! Hindi kami kami hayop at tao na sumulyap sa isa’t isa. . . .

Sila ang mga mata ng magkapantay, ang mga matang nakapakò sa isa’t isa.

Sa bawat isa sa mga ito, sa hayop at sa tao, ang parehong búhay ay magkapiling nang matalik dahil sa tákot.