Alalay, ni Roberto T. Añonuevo

Alalay

Roberto T. Añonuevo

Nang humangin sa loob ng kaniyang utak, ang ulap ay dumikit sa pader. Pagdaka’y ang pader, na retoke ng mga baság na bote at lastág na tisà, ay naghunos na muralyang iginuhit na banig. Tumitig siya sa hindi ko nakikita, at ang natuklasan ay artsibo ng palasyo at palakol na pawang isinalaysay ng kaniyang mga kamay. Ang mga kamay! Ang kanan ay dumudukal sa hukay; ang kaliwa’y kuyom ang sanlibong panginoon! Pumikit siya, at humiging wari ko sa pandinig ang helikopter at alpabeto ng kalamidad. Ngunit sumisilang siyang tápis ng takúpis, sapagkat hindi man niya aminin, siya ang bahagsúbay ng silakbo at kamalayan. Siya ang akto ng pagguhit ngunit hindi kailanman ipagmamalaking siya ang gumuhit. Siya ang aking binabantayan, ngunit ang tingin marahil niya sa akin ay estatwang kumikinang, parang batong nakausli sa gulod na ang gilid ay tinampukan ng mga asul na baláy, sirkito ng mga lingam, at isang marmol na monasteryong nabubuntis sa mga panikì: pundí ang guniguní. Sumakay siya sa ulap at ito ang aking kutob. Lumulutang siya, at habang umuulan ng mga siyap sa bakuran, bumabahâ sa aking kalooban, waring sinasabing makipaghuntahan sa walang katapusang aklatan, na kinaroroonan ng kaniyang pangalan at kapiling ang mga lihim na salita sa sarkopago—na sikapin man ay tiyak kong tatanggí na maunawàan.

Alimbúkad: Poetry without tags. Photo by Rohan Shahi on Pexels.com

Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig, ni Nâzim Hikmet

Salin ng “Dünyanin en tuhaf mahluku,” ni Nâzim Hikmet ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig

Para kang alakdan, kapatid,
duwag kang namumuhay sa dilim gaya ng alakdan.
Para kang maya, kapatid,
na pumapagaspas gaya ng maya.
Para kang talaba, kapatid,
nakapinid ang takupis at panatag na panatag.
At nakatatakot ka, kapatid,
gaya ng bunganga ng patay na bulkan.

Hindi isa,
. . . . . . . . . hindi lima,
. . . . . . . . . . . .  .  .bagkus milyon-milyon ang bilang mo.

Para kang tupa, kapatid,
kapag itinaas ng nakabalabal na pastol ang patpat,
mabilis kang sumasapi sa kawan
at tumatakbo, halos nagmamalaki, pa-katayan.
Kakatwa kang nilalang sa daigdig
higit na kakatwa sa isda
na hindi makita ang karagatan para sa tubig.

At ang kaapihan sa daigdig na ito
. . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . .ay ipinagpapasalamat mo pa.
At kung tayo man ay nagugutom, pagod, duguan,
at dinudurog na tila mga ubas para maging alak,
kasalanan mo iyan—
. . . . . . . . . .na hindi ko kayang bigkasin—ngunit
ang karamihan ng sala ay dahil sa iyo, kapatid!

Alimbúkad: Uncensored poetry imagination for humanity. Photo by Mita Park.

Palipad-sabi, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Rozmowa płocha,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Palipad-sabi

—Nakalipas ko’y gagong paglalakbay ng paruparo sa ibayong-dagat.
Hinaharap ko’y hardin na ang kusinero’y ginilit ang leeg ng tandang.
Ano’ng taglay ko, sa lahat ng aking pasakit at paghihimagsik?

—Teka, sandali lang, at kapag ang mga pinong takupis nito,
Ang magkahugpong na palma, ay marahang bumukad,
Ano ang iyong nakikita?

—Isang mutya, isang segundo.

—Sa loob ng segundo, ng mutya, sa bituing ligtas mula sa panahon,
Ano ang nakikita mo kapag huminto ang simoy ng pagbabanyuhay?

—Ang lupa, ang langit, at ang dagat, mga barkong kargado,
Umaga ng tagsibol na mahamog, at malalayong prinsipalidad.
Sa kamangha-manghang tanawing panatag ang kadakilaan,
Nagmasid ako, at hindi na muling nagnasa dahil kontento na.

Goszyce, 1944

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity