Konserbatismo at Patriyotismo sa 2010 Talaang Ginto

(Ang sumusunod ay kritika ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario sa nakaraang timpalak pampanitikan ng Talaang Ginto, at maaaring makatulong sa mga guro at estudyante na pawang nag-aaral ng tugma at sukat sa katutubong tula, bukod sa pagbubuo ng balangkas at talinghaga. )

KONSERBATISMO AT PATRIYOTISMO SA 2010 TALAANG  GINTO

ni Virgilio S. Almario

MAY DALAWANG TAHAS NA konserbatibo sa magkaugnay na pinalaganap na mga  tuntunin para sa “Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo 2010” at mga memorandum pangkagawaran para sa 2010 Pagdiriwang sa Araw ni Balagtas. Una, ang atas sa tuntunin blg. 3 (na nakalimbag pa nang bold) na “Tanging ang mga tulang may súkat at tugma lámang ang maaaring ilahok.” Ikalawa, ang paksa ng pagdiriwang sa nagkakaisang memorandum ng DepEd, CHED, at CSC na “Diwa ni Balagtas: Karunungan at Katarungan sa Matatag na Republika.”

Sa buong kasaysayan ng Talaang Ginto, ngayon lámang iniatas na kailangang may tugma’t súkat ang mga lahok na tula. Na kung tutuusin ay isang paghihigpit laban sa mga makatang higit na mahilig tumula sa malayang taludturan. Gayunman, layunin ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang tagapangasiwa ng timpalak at pagdiriwang, na ipagunita ang ating tradisyonal na pagtula, na palagay ko’y isang magandang adhikang konserbatibo sa panahon ngayong marami sa mga makata ang ni hindi marunong gumamit ng wastong tugma’t súkat at nakahahambal ang mga kamaliang ikinakalat sa pagtuturo ng tugma’t súkat sa mga teksbuk

Sa kabilâng dako, ang paksa ng pagdiriwang ay lagi nang konserbatibo dahil may adhikang iugnay sa diwa ni Balagtas. Maganda ang diin ngayon sa karunungan at katarungang madudukal sa pagtula ng Sisne ng Panginay. Gayunman, lumagpas ito ngayon sa taunang layuning konserbatibo dahil sa tahasang pagpupugay sa “Matatag na Republika”—isang gawaing reaksiyonaryo at higit na nagsisiwalat sa mentalidad sipsip ng tagapangasiwang ahensiya o ng kasalukuyang pamunuan nitó. Nakatakda itong mabigo sa ipinahayag na patriyotismo ng mga nagwaging tula na pawang nagsasakdal sa malubhang korupsiyon at kawalan ng katarungan sa rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.

Magandang pagkakataon ang pagsuri sa mga nagwagi sa 2010 Talaang Ginto upang tukuyin ang estado ng paggamit sa tugma’t súkat sa kasalukuyang pagtula. May inihahandog ding pagkakataon ang paksa ng pagdiriwang upang siyasatin ang antas at paraan ng pagpapahayag ng damdaming makabayan ng ating mga makata.

Kodigo ng Tradisyonal na Anyo

Tungkol sa tugma’t súkat, dapat linawin na isa itong napakahalagang sangkap ng katutubong poetika sa Filipinas. May tugma’t sukat ang karamihan sa mga sinaunang tula/awit sa iba’t ibang wika ng kapuluan at may nagkakatulad na pangkalahatang batas na sinusunod mulang hilaga ng Luzon hanggang katimugan ng Mindanao. Sa Tagalog, isinagawa ang kodipikasyon ng mga batas sa tugma’t súkat sa panahon ng kolonyalismong Espanyol at ipinagpatuloy sa panahon ng Amerikano. Pangunahing pag-aaral sa bagay na ito ang Compendio de la lengua tagala (1703) ni Fray Gaspar de San Agustin, Arte poetico tagalo (sirka 1778) ni Fray Francisco Bencuchillo, Arte metrica del tagalog (1887) ni Jose Rizal, at Peculiaridades de la poesia tagala (1929) ni Lope K. Santos. Noong 1991, kinatas ko mula sa mga dakila bagaman panimulang pagsisiyasat na ito ang aking Taludtod at Talinghaga bukod sa ipinasalin ko ang mga ito para sa koleksiyong Poetikang Tagalog (UP Sentro ng Wikang Filipino, 1996).

(Kailangan kong idulot ang naturang impormasyon upang ihimaton sa mga nais bumalik sa tradisyon ng tugma’t súkat ang mga pangunahin at orihinal na sanggunian sa bagay na ito. Isang paraan din ito ng pagsawata sa mapagpalalo at hunghang na upasala ng mga naggagalíng-galíngang makata, kritiko, at guro na “inimbento” ko lámang diumano ang mga tuntuning isinasaloob ng mga makatang nagdaraan sa workshop ng LIRA. Maraming lisya sa mga haka ngayong pinalalaganap ng mga teksbuk dahil hindi nakabatay sa saliksik bukod sa hindi binabásang mabuti ang mga dakilang tulang may tugma’t súkat mula kay Balagtas hanggang kina Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, at napakarami pa.)

Matagumpay na naisakodigo nina San Agustin, Bencuchillo, at Rizal ang mga batayan at katutubong tuntunin sa tugma’t súkat. Ito ang maituturing na kodigo ng katutubong tradisyon at naglalatag ng mga kumbensiyong sinusunod hanggang ngayon. Gayunman, sa pagitan nina San Agustin at Rizal ay may naganap nang pagbabago sa katutubo. Ayon kay San Agustin, pipituhin at wawaluhin ang karaniwang súkat ng katutubong taludtod. Ngunit sa ika-19 na siglo ay naging popular ang lalabindalawahin, lalo na nang gamitin ni Balagtas sa kaniyang awit. Isang hiram at naturalisadong súkat mulang Europa ang lalabindalawahin ngunit bahagi na ito ngayon ng tradisyon. Sa panahon ng Amerikano at dahil sa repormasyong isinagawa ng mga makatang Balagtasista ay higit na sumalimuot ang tradisyon. Mararamdaman ito sa mga dagdag na tuntuning ipinasok ni Lope K. Santos noong 1929 at sa mga halimbawa ng reporma sa tugma’t súkat ng mga kapanahong makata. Hanggang ngayon, napapasukan ng pagbabago ang tradisyon ng tugma’t súkat, gaya halimbawa ng tugmang pantigan, at bahagi lámang ito ng pangyayaring aktibo at dumadaloy ang tradisyonal na batis nitó.

Kung ang tuntunin blg 3 ang bibigyang-diin, nakalulungkot ang anyo ng mga nagwaging tula sa 2010 Talaang Ginto. Ang unang gantimpala, ang “Ang Tutulain Kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ni David Michael M. San Juan ay isang napakahabàng halimbawa ng pagsuway sa kodigo ng tugma’t súkat. Mahahalatang may natural siyang wido sa paglikha ng ritmang pantaludturan, ngunit nakahihinayang ang gamit niya ng naturang wido sa ala-berdeng pagtutugma at pinagtalì-talìng mga pariralang oksimoroniko.

Isang malaking problema ng mga nagwaging makata ang pagdevelop ng tinatawag na padron ng tugma’t súkat sa kanilang mga saknong. Problema ito ni San Juan at maging ng pangatlong gantimpalang “Pintado: Inuukit sa Kulay ang Hibla ng Hininga” ni Leodivico C. Lacsamana at pangatlong karangalang-banggit na “Panawagan sa mga Bayani ng Panitikang Pilipino” ni Joel C. Malabanan. Malaking problema naman ng unang karangalang-banggit na “Kimay” ni Reynaldo A. Duque ang waring kawalan niya ng tainga sa pagkakaiba ng salitâng nagtatapos sa patinig na  walang impit (malumay at mabilis) at ng salitâng nagtatapos sa patinig na may impit (malumi at maragsa). Kahit ang inaasahan kong higit na bihasang manunugma, si J.C. Malabanan, ay nasisilat sa pagtutugma ng “gintô” sa “gobyérno” at “demónyo” at ng “paglayà” sa “pakikibáka” at “pag-ása.” Malaking kasalanan ang mga ito sa kodigo ng tugma, at higit kong pinapansin sapagkat nangangailangan ng malaking rebisyon kapag iwinasto kompara sa problema sa súkat na madalîng nareretoke sa pamamagitan ng dagdag o bawas na pantig lámang.

Sa ganitong paraan maituturing na higit na maingat at makinis ang paggamit ng tugma’t súkat sa pangalawang gantimpalang “Mga Elemental na Pag-ibig” ni Enrico C. Torralba at sa pangalawang karangalang-banggit na “Kung Kailan Kailangan” ni Joselito D. delos Reyes. Sa mabilisang pagbása ay kapansin-pansin lámang ang kumabyos na lalabing-apatin ng isang linya (“takot na reberendong nagkukubli sa dilim”) sa saknungang lalabing-animin ni J.D. delos Reyes at sumablay na sesura ng lalabindalawahin ng isang taludtod (“naisip niyang ginawan s’ya ng tula”) at pilít na pagtitipil sa pangalawa bago ang hulíng taludtod ni E.C. Torralba.

Katangi-tangi din sa lahat ang matalino’t eksperimental na asamblea ng tugma’t súkat ni E.C. Torralba. Binubuo ng pitong yugto, iniwasan niya ang hulmahang awit ni Balagtas. Sa halip, lumikha siya ng mga padron ng taludturan na kumakasangkapan sa katutubo’t banyaga o Asyano’t Europeo. Nagsimula siya sa padrong may dalawang taludtod, tugmang isahan, at súkat na isahan sa lalabing-animin. Sinundan ito ng padrong may apat na taludtod at súkat na lalabindalawahin, na halos may anino ng taludturan sa Florante at Laura kung hindi pinasukan ni E.C. Torralba ng tugmang dalawahan sa sunuran (aabb). Ang ikatlong bahagi ay binubuo ng tatlong tanaga ngunit modernisado sa paggamit ng tugmang salitan (abab) at dahil sa dagdag na kopla ay naghunos sa isang sonetong Ingles. Ang ikaapat ay dalawang haiku at katangi-tangi ang pagsisikap na lumikha ng tugmang isahan sa loob ng napakakipot na anyong Japanese. Sinusugan pa niya ang paglalaro sa anyong Japanese sa pamamagitan ng limang tanka sa ikalimang yugto na may tugmang sunuran (axabb). Pansinin ang pagbibiro sa lima—may limang taludtod ang tanka at lima ang hinubog ni E.C. Torralba sa ikalimang yugto. Ang ikaanim na bahagi’y isang villanelle. Sa ikapitong bahagi ay bumalik sa mahabàng súkat si E.C. Torralba—ang lalabing-apatin na nilagyan pa niya ng sesurang 7/7—sa loob ng kuwarteto na may tugmang sunuran (aabb). Sa ganitong paraan nagsisilbing parentesis ang anyo ng una’t ikapitong bahagi sa mahabàng tula. Bílang pangwakas na sagisag ng tugma’t súkat, tinapos niya sa isang kodang dalawang taludtod ang limang taludtod ng ikapitong bahagi at ang buong tula.

May pangahas ding eksperimento ang súkat ni L.C. Lacsamana. Sinikap niyang itaguyod ang sukat na dadalawampu’t apatin sa loob ng 20 kuwarteto at isang kopla, isang gawaing sinimulan na noon nina Pedro Gatmaitan at Benigno Ramos ngunit inihinto dahil lubhang mahabà para sa limbagang pahina ng libro. Dahil sa habà, malimit na lumabis sa takdang espasyo ang ganitong linya kayâ’t pinuputol, na hindi naman magandang tingnan. Sinikap din ng mga Balagtasista na lagyan ng sesura ang ganito kahabàng taludtod, halimbawa’y 12/12, o 6/6/6/6 upang mapasikdo ang isang ritmo at maiwasang maging kabagot-bagot ang kanilang tula. Sa kasamaang-palad, hindi naisaalang-alang ni L.C. Lacsamana ang pagdudulot ng ritmo kayâ mistulang monotonong mga taludtod ang kaniyang dadalawampu’t apatin at mapaghihinalaang humabà dahil hindi inedit ang hindi kailangang mga salita.

Sa kabilâng dako, nais kong idagdag na ang disiplina sa tugma’t súkat ay dapat tumbasan ng dobleng ingat sa panig ng tagapaglathala. Kapansin-pansin ang mga malîng ispeling at nagkakadikit o nagkakahiwalay na mga taludtod at saknong sa limbag na programa sa pagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ipinalalagay kong bunga ng ganitong kaburaraan ng proofreading kahit ang sobrang “ang” sa villanelle ni E.C. Torralba at ang nawawalang kudlit (‘) sa “(i)ginupo” ni D.M.M. San Juan.

Bagong Nasyonalismo

Samantala, nais ko ring pag-ukulan ng puna ang talakay sa paksa ng mga nagwaging makata. Sa isang bandá, kapuri-puri ang nagkakaisa niláng hagkis laban sa (nais sanang ipagmalaki ng KWF na tagumpay ng) Matatag na Republika. Tahasang isinawalat ng mga nagwaging tula ang kawalan ng katarungan at maruming pamamahala sa kasalukuyan at pawang nangangarap ng pagbabago para sa bansa. Pinatotohanan ng mga tula ang diwang patriyotiko mula kina Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Benigno Ramos, Teo S. Baylen, at Amado V. Hernandez, at hanggang kina Rogelio G. Mangahas, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Elynia Ruth Mabanglo, Michael Bigornia, Fidel Rillo, at Jesus Manuel Santiago.

Subalit nása nabanggit kong hulíng pangyayari ang problema at hamon sa pagpapahayag ng damdaming makabayan ngayon. Unang-una, hindi kayâ inuulit lámang ng mga nagwaging makata ang sinabi na noon ng mga binanggit kong makata ng ika-20 siglo? May bago ba sa itinanghal na kabalighuang panlipunan at pampolitika ni D.M.M. San Juan sa hibik noon ni Florante sa gubat ng Albanya? Ang tagulaylay ba ni R.A. Duque para kay Kemberly Jul Luna ay naiiba sa balangkas ng himutok sa mga biktima ng karahasan noong Martial Law nina T.T. Antonio, F. Rillo, at J.M. Santiago?

Ang unang ibig kong sabihin, hindi masamâ ang mag-ulit (lalo’t importanteng ulit-ulitin). Ngunit kailangan ang bagong treatment sa inuulit, ang bagong pasok sa paksa, ang kahit dagdag lámang na detalye, o kahit bagong himig. Kapuwa halimbawa nagmula sa Fili sina D.M.M. San Juan at J.D. delos Reyes, ngunit naiiba ang epekto ng siste ni J.D. delos Reyes kaysa litanya ng gasgas na mga balintuna ni D.M.M. San Juan. May magandang panukala ang paghalungkat ni J.C. Malabanan sa mga bayani ng epikong-bayan. Ngunit bukod sa nabanggit na silbi nitóng pampaaralan, hindi ba’t iniaatas lámang din ng panawagan niya ang panawagan noon kina Rizal at Bonifacio nina Cecilio Apostol at Iñigo Ed. Regalado? Humabà rin ang panawagan ni J.C. Malabanan dahil sa listahan ng mga bayani sa epikong-bayan, na kung tutuusin ay naipahayag na ang diwa sa unang saknong kay Lam-ang. Higit din sanang naging makabuluhan ang paglilista kung sadyang itinapat sa katangian ng bawat bayani ang nilulunggating bago’t tanging tungkulin nitó sa kasalukuyan.

Ikalawang ibig kong sabihin, nangangailangan ng bagong pagsisiyasat ang pag-ibig sa bayan. Nása isip ko ang malikhaing pagsasaloob nina Rizal at Bonifacio sa diwa ng nasyonalismo noon mula sa Europa na nagpasiklab sa isang pambansang rebolusyon laban sa kolonyalismong Europeo. Nása isip ko rin ang mataimtim na paggamit ni Recto sa nasyonalismo upang ilantad ang balakyot na hangarin at makinasyon ng imperyalismong Amerikano, gayundin ang nasyonalismong ipinambigkis sa EDSA People Power upang ibagsak ang diktadurang Marcos. Itinatanghal sa atin ng kasaysayan ang naging awtentikong diwa para sa atin ng nasyonalismo upang isagot sa nagbabagong kondisyon at pangangailangan ng sambayanan. Nakatanghal din ang sumusulong at malikhaing espiritu ng nasyonalismo sa mga tulang kinakatawan nina Rizal, Bonifacio, Benigno Ramos, Amado V. Hernandez, at Teo T. Antonio.

Ngayon, nagkaroon na ng bagong salimuot ang nasyonalismo alinsunod sa nagbagong mga isyu’t usapin sa Filipinas nitóng nakaraang dalawampung taon. Ano ba talaga ang papel ng nasyonalismo laban sa globalisasyon? Laban sa droga at sobrang paglobo ng populasyon? Laban sa kultura ng korupsiyon? Kailangan samakatwid ang masusing paggagap sa problema ng ating panahon at malikhaing pagsasatula ng ating patriyotismo upang higit na mabisàng magampanan ng makata ang adhika niyang tungkuling politikal. Hindi na niya maisasagot sa problema ngayon ang tinatawag na nasyonalismong barong tagalog. Kailangang maingat siya sa pagsipi ng “malansang isda.” Sino pa ba ang maniniwala sa kaniya na “perlas ng silangan” ang Filipinas na kalbo ang mga bundok at nagpuputik ang tubigan? Kailangan niyang humúli ng bagong talinghaga. Kailangan niyang maghandog ng bagong balintuna’t parikala, ng bagong kislap-diwa o insight, upang makatulong sa paglilinaw ng kasalukuyang krisis pantao’t panlipunan. At isang higit na malaking trabaho ito ng makata. Higit na makabuluhan kaysa pagbuo ng napakahahabàng tula at taludtod. Higit ding nangangahulugan ito ng paggamit ng tradisyonal na anyo at payak na wika upang mabilis na tumimo sa puso ng madla. Sa gayon, iminumungkahi rin ng ganitong mithiin ang pag-iwas sa nakapanggigilalas na salita’t parirala na gaya ng “hegemonya”—na maaaring madalîng makaduling sa antikwadong hurado ngunit (tila siyokoy pa yata?) isang malaking palaisipan sa bayan kung hindi lalakipan ng kongkretong karanasang pambansa—at mahiwagang paglalaro sa tradisyonal na tugma’t súkat.

Bago ang pagtula, nagsisimula ang trabaho ng makata sa taimtim na pag-aaral at saliksik—pag-aaral ng wika’t tradisyon, saliksik sa puso’t bituka ng tao. Sa ganito higit na nagkakaroon ng kabuluhan kahit ang timpalak na konserbatibo at mapangaraping taludturang patriyotiko.

Ferndale Homes

16 Hunyo 2010

Talaang Tanso at Makata ng Taon

Maringal ang pagpaparangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga nagwagi ng Talaang Ginto sa Tula ngayong taon, na ginanap kahapon (13 Abril 2010), ngunit ang makulay na pagdiriwang sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) ay hindi naikubli ang kasalatan sa kasiningan ng tula ng Makata ng Taon na si David Michael M. San Juan.

Ang kaniyang piyesang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ay mala-epiko ang haba ngunit hindi tula; at maipupuwing na inaantok marahil ang mga hurado nang piliin nila ito at gawaran ng unang gantimpala.

Binuksan ng epigrape mula winika ni Simoun sa El filibusterismo ni Jose Rizal ang sabihin nang tula ni San Juan. Ngunit ang epigrape ay pagmamalabis, dahil ni hindi nagsilbing bintana iyon sa buong tula. Salat sa pagpapahiwatig ito sa konteksto o paglulugar doon sa posibleng maging daloy ng tula; at ang tinig sa tula—na mahihinuhang mula sa makata at hindi sa katulad ni Simoun—ay paglulustay ng winika ng mapaghimagsik na tauhan ni Rizal.

Heto ang prologo ng “Ang Tutulain kong Harana. . . “ ni San Juan:

Pitong libong pulo sa dakong silangan
Bughaw, malumbaying mga katubigan
Bundok, kagubatang sa sigwa’y tanggulan
Hiyas ng balangaw, hinagkan ng araw.

Sinisid sa lalim, hinila ng talim
Sa apoy sinugba, kataga’y hininga
Niyapos ng lumbay, mahikang laragway
Tumawid ng dagat, umahon sa tangway

Isanlibo’t isang limot na gunita
Nalimbag sa papel, nanilaw na pahina
Itinabi, tinago winalambahala
Sa alaala’y naglahong parang bula

Inanod ng batis, tuwa’t pagtititiis
Memoryang niligis, panlunas na langis
Sugat ng kahapon, tumanglaw sa layon
Historya’t istorya, katang maglimayon

Piling-piling bayan, gintong kabukiran
Tubuhang tumatangis, dugo ang panlinis
Busilak na handog, sariwang alindog
Gunitang kapilas, ngayo’y namamalas

Baybayin ang noon, linawin ang ngayon
Hiwaga’y ungkatin, pangamba’y supilin
Dalit ko’y pakinggan, ‘sang haranang bayan
Liwanag, karimlan, tulang kasaysayan.

May pagtatangkang gamitin sa tula ni San Juan ang padron ng awit ni Balagtas na lalabindalawahin ang pantig ngunit sablay sa tugma at sukat. Sa unang saknong pa lamang ay isahan ang tugma (aaaa), na susundan ng sunuran (bbaa), at pagsapit sa ikatlong saknong ay magiging isahan muli (cxcc) bagaman sablay. Ang ikatlong taludtod ng ikatlong saknong ay labis sa sukat. Samantala, mahahalata ang kahinaan sa tugmaan ng tula kapag dumako sa Ikalawang Yugto sa ilalim ng pamagat na “Henesis” na magkasunod ang mga saknong na isahan ang tugma (aaaa/aaaa) na kahit si Balagtas ay hindi ginawa sa kaniyang pamosong Florante at Laura. Walang mahigpit na hati o sesura ang tula, gaya ng 6/6 o 4/4/4, bagaman napakadaling gawin iyon.

Kung sa tugma at sukat pa lamang ay bagsak na si San Juan, lalong mamamalî siya sa paggamit ng ilang salita, gaya ng “dalít” na wawaluhin ang pantig. Hindi “dalít” ang kaniyang tula bagkus “awit” gaya ng kay Balagtas. Hindi rin harana ang kaniyang tula, bagaman may pagtatangkang manambitan at sukdulang magsumamo para makuha ang pansin ng mga mambabasa.

Kasumpa-sumpa ang kinathang Filipinas ni San Juan.

Hindi nailarawan nang maigi ang lugar na tinutukoy ng makata. Paanong magiging tulang kasaysayan ito, kung ni walang mahugot na matinong pahiwatig mula sa mga gasgas na hulagway na gaya ng “pitong libong pulo,” “malumbaying baybayin,” “kagubatang tanggulan sa sigwa,” na pawang inuugnay sa pasulat na tradisyon ng pagsusulat o panitikan? Sanlibo’t isang gunita umano ang nalimbag sa papel, ngunit hindi nilinaw ng persona sa tula kung mapagtitiwalaan ang naturang gunita—na maaaring nauulapan ng prehuwisyo, katangahan, o panunupil ng mga dayuhang interes.

Naglustay ng mga salita ang Prologo na maaaring tanggalin ng awtor, at magiging labag sa kabutihang-asal kung pupunahin ko pa ang marupok na balangkas nito, ang kababawan ng diwain, ang kabulagsakan ng paggamit ng mga salita, ang kahinaan ng pagsasalansan ng mga hulagway at pahiwatig, at iba pang kuntil-butil.

Ginamit din sa obra ni San Juan ang mga himpamagat [subtitle] na gaya ng “Henesis,” “Inkarnasyon,” “Hegemonya,” “Kontra-Hegemonya,” at “Nekropolis” ngunit ang simula at transpormasyon ng pagkakabuo ng kabansaan ay ipinaloob sa tersera klaseng berso na hindi malaman kung saan susuot at hanggang pandulong tugmaan lamang ang halina. Problematiko ang personang nagsasalita sa tula, dahil ang kaniyang mala-bathalang pananaw ay nakaligtaan ang mahahalagang pangyayari na humubog at patuloy na humuhubog sa paglikha ng lunggating kabansaan. Ang tunggalian ng mga puwersa ay hindi nilinaw sa tula, dahil halos walang hanggahan ang nagbubukod sa magkatunggaling panig, kaya ang diyalektikong ugnayan ng “banyaga” at “katutubo” ay nabigong maipamalas nang matuwid.

Mahihinuhang pinahuhulaan ng awtor sa mga mambabasa ang lalim ng kaniyang “talinghaga,” na isang paraan ng pagpapalabo ng tula para ikubli ang katangahan ng nilalaman ng nagsasalitang persona. Walang hiblang nag-uugnay sa “Henesis” sa “Inkarnasyon” (at sa mga kasunod nitong yugto) na kahit pinakamaikling yugto ay hitik sa malikhaing kaululan sa larangan ng pagsulat ng tula.

Aatakihin ako sa puso kung ipagpapatuloy ang pagbusisi sa tulang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda.”

Hindi karapat-dapat, sa aking palagay, na magwagi ng titulong Makata ng Taon, 2010 si David Michael M. San Juan, lalo kung ang gagamiting lente ng pagbasa ang pakasaysayang pagdulog, bukod sa Bagong Formalismong Filipino ng kritikong Virgilio S. Almario. Isang malungkot na pangyayari ito na ikayayanig ni San Juan, at maaaring magpatiwakal siya kung gagawing masusi ang pag-urirat sa kaniyang tula. Masakit mang sabihin, ang kaniyang tula ay hindi tula kahit sa pinakamababang antas na pamantayan ng sining ng pagtula sa Filipino. At kung ang kaniyang obra ang gagawing halimbawang piyesa sa mga teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, may katwiran ang mga kabataan at magulang na maghimagsik, dahil bumabagsak ang estado ng panulaang itinatampok ng kapita-pitagang Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang Halaga ng Timpalak Pampanitikan

Mainit ang panahon ngayon, gaya lamang ng deliberasyon sa mga timpalak pampanitikang Palanca at UP Sentenyal, na sa aking palagay ay makatutulong nang malaki upang maitala ang mahuhusay na ani sa mga lárang na gaya ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, at dula. Ang ganitong kainit na panahon ay bagay na bagay para sa pagbubukas ng pinto sa mga “bagong dugo” ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Liwayway A. Arceo, at sa pagpapahalaga sa mga timpalak na laan sa mga manunulat.

Mahalaga ang timpalak pampanitikan, dahil nagiging barometro ito ng mga manunulat, gusto man nila o hindi. Matatagpuan sa timpalak ang mga kabaguhan sa gaya ng tula at katha, o kaya’y ang pagkabalaho ng isang panahon sa isang yugto ng kumbensiyong dapat itakwil at iwasan ng susunod na henerasyon. Timpalak ang nagbubukas ng pinto upang makilala ng madla ang kabataang makata o ang ubaning kuwentistang muling nagbabalik sa panitikan, at ang naturang pagkilala ang magiging simbolikong kapangyarihan ng nasabing makata o kuwentista tungo sa pagtanggap ng pabliser, pamantasan, at kapuwa manunulat.

Hindi lahat ng timpalak pampanitikan ay makapagpapayaman sa isang manunulat, maliban sa ilang pagkakataon na gaya ng timpalak sentenyal ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) na nagbigay ng tig-iisang milyon sa bawat kategorya mulang sanaysay hanggang epiko. Ang totoo’y maliliit ang premyo sa mga timpalak, at masuwerte na kung makasungkit ng 200 libong piso na minsanan kung dumating gaya ng natatanging patimpalak ng UP Institute of Creative Writing. Ang karaniwang timpalak, gaya ng Palanca, ay malaki na ang 12 libong piso bilang unang gantimpala, na susundan ng gaya ng Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ngunit wala sa halaga ng gantimpala ang susi ng lahat. Ang pagkilala ng mga manunulat at kritikong hurado ay sapat na upang mabasbasan ang isang manunulat at maiangat mula sa abang hanay ng mga mortal.

May mga timpalak na makapagbibigay ng pambihirang paghanga mula sa publiko, lalo kung ang mga hurado ay batikan sa kani-kaniyang larang at itinuturing nang institusyon ang nagpapatimpalak, gaya ng Palanca Foundation. Ngunit may mga timpalak na makasisira din ng pangalan ng tanyag na manunulat, lalo kung ang timpalak ay hindi mo malaman ang pamantayan ng pamimili ng magwawagi, at laging nalulukuban ng kontrobersiya ang mga pili ng hurado. Sa ganitong yugto, marapat nang mag-isip-isip ang isang isponsor kung ang timpalak ay nakapagsisilbi pa ba sa panitikan o kung ito ay nagsisilbing raket na lamang ng sinumang nagpapatakbo ng timpalak.

Hindi lahat ng nagwawagi sa timpalak ay magaling. May ilang natatalo sa timpalak ang higit na mahusay kaysa sa mga nagwagi ng unang gantimpala, at ang ganitong pangyayari ay maaaring kakulangan na ng mga hurado na nakaligtaan ang isang lahok o hindi napansin iyon sa kung anong dahilan. Ngunit para sa akin, mabuti pa ring sumali at matalo, kaysa matalo nang hindi sumasali sa anumang timpalak. Isang uri ng tunggalian ang timpalak, at ang sinumang lalahok sa gayong tunggalian ay dapat batid ang mga batas ng bakbakan upang maging katanggap-tanggap ang pagwawagi o pagkabigo.

Sa oras na pumaloob ang sinumang manunulat sa timpalak, ipinauubaya niya ang kaniyang akda sa pagtatasa at pagbasa ng mga hurado, at ipinapalagay na sinasang-ayunan din niya ang mga patakaran ng organisador ng timpalak. Ang naturang pagtitiwala ay dapat tumbasan ng pagpapahalaga ng institusyong nagpatimpalak, upang tumingkad ang ugnayan ng dalawang panig. Naghahangad ang manunulat na lumahok na makakuha ng pagkilala mula sa institusyon at kapuwa manunulat, samantalang ang institusyong nagpatimpalak ay nangangarap na madagdagan ang taglay na simbolikong kapangyarihan dahil sa mga manunulat na tanyag o tumanyag dahil sa timpalak.

Kaya hindi iisang agos lamang ang resulta ng timpalak. May nakukuha ang mga nagwaging kalahok sa timpalak, at may naaani rin ang institusyong nagpatimpalak (bukod pa ang insentibo sa buwis).

Ang anumang timpalak pampanitikan ay dumaraan sa yugto ng pagtuklas, ng pagpapalaganap ng kumbensiyon, at sa ilang pagkakataon, ng pagpapakilala ng mga pambihirang akdang hahangaan sa paglipas ng mga taon. Ihalimbawa na ang aklat na Talaang Ginto, Gawad Surian sa Tula, Gantimpalang Collantes 1980-1991 (1991). Testamento ang nasabing aklat sa pagpapakilala sa 64 makata, bagaman sa ilang pagkakataon ay pagdududahan ang nasabing taguri. Ilan sa namumukod na makata ng naturang dekada ay sina Rio Alma, Romulo A. Sandoval, Mike L. Bigornia, Fidel Rillo, Ariel Dim. Borlongan, Lamberto E. Antonio, Victor Emmanuel D. Nadera Jr., Dong A. de los Reyes, at Ronaldo L. Carcamo. Sa aking palagay, ang siyam na ito lamang ang maitatangi sa nasabing dekada, bagaman ang ilan sa kanila’y hindi sumungkit ng unang gantimpala.

At kung pipiliin sa siyam na ito ang sumulat ng pinakamahusay na tula, iyon ay walang iba kundi si Rio Alma. Ang kaniyang piyesang “Sa Iba’t ibang Panahon” ang maituturing na tula ng dekada 1980, dahil sa pambihirang disenyo, nilalaman, at diwaing magmumula lamang sa tarikan. Tatlong makata lamang, sa aking palagay, ang maibibilang sa hanay ni Rio Alma at kasama rito sina Bigornia (“Pinto”), Sandoval (“Tumatayog, Lumalawak ang Gusali, Resort, Plantasyon”), at Rillo (“Bag-iw”). Ang mga tulang ito ang dapat inilalahok sa mga teksbuk upang mapag-aralan ng mga estudyante. Magtataka kayo bakit wala rito ang iba pang makata. Wala sila dahil nagkataong ang inilahok nilang tula sa timpalak ng Talaang Ginto ay hindi makayayanig ng daigdig.

Ang karanasan ng Talaang Ginto ay karanasang dapat mabatid ng sinumang kabataang ibig pumaloob sa panulaan, o sa panitikang Filipinas sa kabuuan. Bagaman masasabing mas maraming ipa kaysa palay ang ani ng Talaang Ginto, naging mabuting halimbawa naman ito kung paano dapat tumula ang susunod na henerasyon ng mga makata. Lumago ang panulaan, lumago ang panitikan, at iyon ay dahil may mga pagsisikap na itaguyod ang mga timpalak pampanitikan.

Walang masama kung magwagi o matalo sa timpalak (malalagasan ka nga lamang ng ilang daang piso at magagasgas ang ego). Ang higit na mahalaga’y nasusubaybayan mula sa hanay ng mga lahok ang magiging landas ng panitikan, natutuklas ang mga sungayang talento, at nahihimok tayo kung paano pag-iibayuhin ang paglilinang. Habang lumalaon, ang tagumpay ay hindi na lamang angkin ng makata o mangangatha, bagkus angkin ng buong bansa.