“Ang Kaliwanagan,” ni Drukpa Kunley

Salin ng tula ni Drukpa Kunley ng Tibet, at hango sa The Divine Madman: The Sublime Life and Songs of Drukpa Kunley, na salin at may komentaryo sa Ingles ni Keith Dowman.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Kaliwanagan

Ano ang silbi ng mahigpit na pagsunod sa kautusan
Kung hindi mababatid ang tunay na diwa ng mga Buda?
Ano ang silbi ng dakilang talento at karunungan
Kung wala namang patnubay ng mahusay na Maestro?
Ano ang silbi ng taimtim na pagdarasal at ritwal
Kung hindi mamahalin ang lahat ng nilalang gaya ng anak mo?
Ano ang matatamo kung suwayin man ang mga panuto
Kung mangmang naman sa isinasaad ng Tatlong Pangako?
Ano ang realidad na matatagpuan sa labas
Kung hindi mababatid na si Buda ay nasa ating loob?
Ano ang matatamo kung suwayin man ang kaniyang diwain
Kung hindi naman kaya ang likas na daloy ng pagmumuni?
Sino ka kundi magulo at walang bait na hunghang
Kung mabibigong isaayos ang buhay ayon sa panahon at araw?
Ano ang matatamo sa sistematikong paghahanap
Kung ang sumilay na pananaw ay hindi maarok ng kutob?
Sino ang magbabayad sa iyong inutang sa hinaharap
gayong umiiral sa hiram na oras at lakas, at naglulustay ng buhay?
Ano ang matatamo ng aséta ngayon sa pagtitiis ng matinding lamig
Habang suot ang magaspang, munting saplot na di-nakagiginhawa?
Ang aspiranteng nagsisikap nang walang tiyak na instruksiyon,
Gaya ng langgam na umakyat sa umbok ng lupa’y walang mararating.
Ang paglikom ng mga aral, ngunit salat sa meditasyon ng isip,
Ay gaya ng kusang paggutom sa sarili kahit sagana ang kamalig.
Ang paham na tumatangging magturo o magsulat
Ay walang silbi gaya ng hiyas sa ulo ng Haring Ulupong.
Ang hunghang na walang alam kundi malimit makipaghuntahan
Ay nagpapahayag lámang ng kaniyang kamangmangan sa lahat.
Kapag naunawaan ang diwa ng Mabuting Aral, isabuhay ito!

Isterya, ni T.S. Eliot

salin ng tulang tuluyang “Hysteria” ni T.S. Eliot.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ISTERYA

Habang tumatawa siya, namamalayan kong nahahawa ako sa kaniyang halakhak at sumasanib doon, hanggang ang mga ngipin niya ang maging tanging di-sinasadyang mga bituing may talento para sa pagsasanay-tilap. Nahatak ako ng maiikling paghinga, sumamyo sa bawat pansamantalang pagbawi, ganap na naglaho sa madilim na yungib ng kaniyang lalamunan, at nagalusan sa kilapsaw ng di-nakikitang kalamnan. May isang nakatatandang serbidor, na may nanginginig na mga kamay ang mabilis na naglatag ng pink at puting telang guhitan sa lungting mesang kalawangin, ang nagsabing: “Baka gustong dalhin, baka gustong dalhin ng binibini at ginoo ang kanilang mga tsaa sa hardin . . .”  Nagpasiya ako na upang maihinto ang pag-alog ng kaniyang mga suso, kailangang tipunin ang ilang piraso ng hápon, at ibinuhos ko ang tuon nang may maingat na pagdulog sa mithing ito.

Lambat at Magdamag ni Rabindranath Tagore

Mga tulang tuluyan ni Rabindranath Tagore
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

INIHAGIS KO ANG AKING LAMBAT SA DAGAT

Inihagis ko kinaumagahan ang aking lambat sa dagat.

Hinila ko mula sa maitim na kailaliman ang mga bagay na kakatwa at kakatwang kariktan—kumislap ang ilan gaya ng ngiti, kuminang ang iba gaya ng luha, at ang ilan ay namula na parang pisngi ng babaeng bagong kasal.

Nang iuwi ko sa bahay ang bigat ng buong araw na pagsisikap, ang sinta ko’y nakaupo sa hardin at pinipitas ang mga dahon ng bulaklak.

Pansamantala akong nagbantulot, at sa harap ng kaniyang paanan ay inilagay ang lahat ng aking huli, at tahimik na tumayo.

Sinulyapan niya iyon, at winika, “Ano ba ang mga bagay na ito? Hindi ko alam kung ano ang silbi ng mga ito!”

Napatungo ako sa hiya at naisip, “Hindi ko ipinaglaban ang mga ito, ni hindi binili sa palengke. Hindi angkop na handog ang mga ito para sa kaniya.”

At sa buong magdamag, inihagis kong isa-isa sa lansangan ang mga nalambat.

Dumating kinaumagahan ang mga manlalakbay; pinulot nila iyon, saka tinangay doon sa malalayong bansa.

KAPAG MAG-ISA AKONG LUMABAS NG BAHAY SA GABI

Kapag mag-isa akong lumabas sa gabi tungo sa aking katipan, hindi umaawit ang mga ibon, walang sipol ang hangin, at tahimik na tahimik ang mga bahay sa magkabilang panig ng daan.

Tanging ang aking mga sengkil ang umaalunignig sa bawat hakbang, at ako’y nahihiya.

Kapag umupo ako sa balkonahe at pinakinggan ang kaniyang mga yabag, hindi lumalawiswis ang mga punongkahoy, at tubig ay nananatiling nasa ilog, gaya ng tabak sa kandungan ng talibang nakatulog.

Tanging ang aking puso ang tumitibok nang malakas—at hindi ko alam kung paano iyon patatahimikin.

Kapag ang irog ko ang dumating at umupo sa aking tabi, kapag nangatal ang aking katawan at bumigat ang talukap, dumidilim ang magdamag, hinihipan ng simoy ang apoy sa lampara, at tinatakpan ng mga ulap ang mga bituin.

Tanging ang mga hiyas sa aking dibdib ang kumikislap at nagbibigay ng liwanag. Hindi ko alam kung paano iyon ikukubli nang ganap.

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010