Katà

Katà

Roberto T. Añonuevo

Magaling, datapuwa hindi tula.

Mahabang pila ng mga bus at trak sa aming balikat,
at ngayon, litanya ng ngitngit ng mga pasahero
na pawang nagbabasá ng tone-toneladang basura:

Hahangaan ka sa isinusukang wika at salamangka,
parang nagmula sa malayong Amerika o Alemanya,
ngunit ang totoo’y sumasakit ang iyong ulo kalalakad.

Naglalakad kang malagihay, kung hindi man sa gutom
ay lungkot, at absurdo ang pumupuwing na kulisap
sa iyong salamin. Masasalubong mo ang iba mo pang

kamukha, na hindi malayo sa pumapakyung Tediboy,
may etiketa ang diplomasya gayong ang anyo’y libagin.
At minsan, may magtatanong kung ikaw ba ay Laláng.

Ang Laláng—sopistikadong Asiong Aksaya—kay pogi
sa antolohiya ng gas ngunit paurong ang ortograpiya
para sa gramatika ng mga turistang sabit sa dyip.

At ano ang ganting sagot mo? Ang kotse mo ba’y
nakukumpuni ng miron? Napagagaling ng pasyente
ang kaniyang sarili, at walang hiwaga sa sakit!

Bakit ka sisisihin, kung ang bathala mo’y pugad
ng mga gastado at gasgas, at ang iyong kasariwaan
ay halaw sa sinasambang bilis at posmoderno?

Gagayahin ka dahil suportado ng bakya o sapatos,
o sapagkat kumikitid ang kalye na bawat kanto
ay may ilaw-trapiko at pulis na iyong sinusunod.

Habang tumatagal, lumalaki ang mundo sa ilalim
ng iyong talampakan. Hahakbang ka nang maliksi
na pagsisinungaling sa harap ng libo-libong tsuper.

Walang lohika ang talinghaga, ang paniwala mo,
tulad ng mga bilbord sa batok ng populasyong
pinarurusahan mo. Itim na usok ang iyong realidad,

at igigiit na ito ang iyong mensaheng sobrenatural.

Pagtitika sa anumang pagyao, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Remordimiento por cualquier defuncion,” ni Jorge Luis Borges ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Pagtitika sa anumang pagyao

Malaya sa ating taglay na gunita at sa pag-asa—
walang hanggan, abstrakto, halos hinaharap—
ang patay ay hindi patay: ito ay ang kamatayan.
Gaya ng Bathala ng mga mistiko,
na anila’y kabaligtaran ang mga ipinapahayag,
ang patay saanman ay wala kundi pagkawasak
at kawalan ng mundo. Ninakawan natin ito ng lahat,
at ni hindi nag-iwan ng isang kulay o isang pantig:
heto ang bakurang tinanggihang pukulin ng tanaw,
ang landas na inililigaw ang taglay na pag-asa.
Kahit ang iniisip natin ay maaaring iniisip din nito;
pinagsasaluhan natin, gaya ng mga magnanakaw,
ang kagila-gilalas na yaman ng mga gabi at araw.

Sayaw ko, ni Blaise Cendrars

Salin ng “Ma danse,” ni Blaise Cendrars (Frederick Louis Sauser)                   ng Switzerland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sayaw ko

Kay Platon, walang karapatan sa lungsod ang makata
Hudyong palaboy
Metapisikong Don Juan
Mga kaibigan, matatalik sa loob
Wala ka nang kaugalian at wala nang bagong gawi
Dapat nang lumaya sa tiranya ng mga magasin
Panitikan
Abang pamumuhay
Lisyang kayabangan
Maskara
Babae, ang sayaw na ibig ipasayaw sa atin ni Nietzsche
Babae
Ngunit parikala?
Tuloy-tuloy na pagpasok at paglabas
Pamimilí sa lansangan
Lahat ng tao, lahat ng bansa
At ikaw ay hindi na pasanin pa
Tila ba hindi ka na naroroon .  .  .
Ginoo akong nasa kagila-gilalas na treng tumatawid sa parehong lumang Ewropa
. . . . . . . at nakatitig nang malamlam mula sa pasilyo
Hindi na makapukaw sa aking interes ang tanawin
Ngunit ang sayaw ng tanawin
Ang sayaw ng tanawin
Sayaw-tanawin
Paritatitata
Ang aking paiikutin

Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Parabula ni Juan Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Parabula ni Juan Wika

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Wika ang limitasyon ng ating guniguni, kaisipan, lunggati. Nililinang natin ang wika, aminin man natin o hindi, sapagkat dumadako tayo sa dulo ng ating lansangan, ang lansangang inaakala nating magbubunyag ng daigdig, ngunit ang totoo’y putol na riles, o bangkay na naglalakad ngunit pipi, ang sumasalubong sa atin. Nananaginip tayo sa wika, at ngayon, sumasarap ang pagkain dahil sa wika, tumatangkad tayo sa wika, kumikinis ang kutis sa wika, bumabango ang ating hininga sa wika, at naiiwan ang halimuyak sa ating mga damit at singit dahil sa wika. Sumisikat tayo dahil sa wika, lumalakas tayo dahil sa wika, at yumayaman tayo sa utang o pautang dahil sa wika. Makasasakay tayo sa motorsiklo o submarino dahil sa wika, at makalilipad gaya ni Darna dahil sa wika. Subalit sa oras na masalubong natin ang ibang nilalang na bigo tayong maunawaan, at tumatangging umunawa sa atin, at nagggigiit na sila lámang ang may monopolyo ng alpabeto at alpabeto ng kasarian, umuuwi tayong dungo at tulala sapagkat minsan pa’y nalinlang sa kontrata, ninakawan ng titulo ng lupa at titulo sa propesyon, o kaya’y hinahagad ng batas sa ngalan ng seguridad at kaunlaran. Sapagkat ang wika ay hindi na atin; ang wika ay nagmumula sa apat na panig at hatid ng mga banyagang simoy. Nasisinghot natin ang simoy na ito na taglay ang awiwit ng mga barkong sakay ang tone-toneladang produkto at serbisyo, armado ng tratado at negosyanteng politiko, at kung ang mga ito rin ang alagad ng wika, ang wikang ito—na kinakanaw sa ating gunam at isinusuka ng ating puso—ang magpapahiwatig ng limitasyon sa pagbubuo ng sarili at milyon-milyong sarili, tawagin man itong katutubo, tawagin man itong Filipino.

Sa Tiendesitas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Tiendesitas

Roberto T. Añonuevo

Kung ako ang ama ng daigdig na ito, ikaw pa rin ba ang anak ko sakali’t magunaw ang kinatatayuan mo? Sasagutin mo ako ng ngiti, na waring ang ngiti ay pagsasabi na hindi kailanman magaganap iyon, na katumbalik ng alak na nasa hapag.

“Iba ang planeta ko,” isisingit mo, at tayo’y malalasing sa espiritu at salita. “Bakit mo inakalang ikaw ama ng daigdig na ito kung ang realidad na ito ay nasa loob lámang ng iyong guniguni? Paano kung ang daigdig na ito ay sirang plaka na paulit-ulit umiikot, at nagsasabing ang Ama ay hindi ang lumikha ng lahat, bagkus ang laláng ng Salita para lapatan ng katwiran ang adelantado at alibugha?”

“Anak ka talaga ng putang ama!” sambit ko sabay yugyog sa balikat mo, habang isa-isang humihiga ang mga bote ng wiski.

Stop weaponizing the law. Yes to humanity. Yes to human rights!

Mga Siraulo, ni Rainer Maria Rilke

Salin ng “Die Irren,” ni Rainer Maria Rilke ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Siraulo

Tahimik sila dahil ang moog na humihiwà
doon sa utak ay nagsiguho at nangawasak;
ang mga oras na dapat silang nauunawà
ay nagsimula, at ngayo’y muling nagsisitakas.

Panatag sila kapag dumungaw sa may bintanà
sa gabing natal, at wala namang kakatwang asal:
Ang bawat bagay ay nadarama ng mga palad,
tibok ng puso’y bukás at handang muling magdasal,
naipapakò ang mga matang kalmanteng ganap

sa mga bagay na labis-labis sa aasahang
hardin sa plasang ano’t tahimik na umiinog;
at bawat pitlag nitong banyagang mundong sumilay
ay sumusukdol upang hindi na muling maupos.

Alimbukad: Rebolusyonaryong pagsasalin para sa lahat ng Filipino saanmang dako ng mundo!

Album ng Pamilya, ni Najwan Darwish

Salin ng tulang tuluyan mula sa wikang Arabe ni Najwan Darwish.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Kareem James Abu-Zeid.

Album ng Pamilya

Pinigil niya ako nang magkita kami sa piging at winika, “Mabuti pang bitayin ako kasama si Omar al-Mukhtar kaysa makihalubilo sa mga espiya na nagsasalita sa ngalan namin.

Pinigil niya ako at nagtanong sa pangalan ng kapitbahay kong tindero noong ako’y bata pa. Pagkaraan ay binunot niya ang isang munting album mula sa bulsa ng kaniyang abrigo at ipinakita ang mga larawan ng mga batang takot na takot, saka sinabing iyon ay pag-aari ko lahat.

Winika niyang nagbalik dapat ako ilang taon na ang nakalilipas, at ang aking kabiyak (na tinawag niyang anak) ay matapang na pinalaki ang mga bata noong ako’y nawawala.

(Sinabi rin niyang siya ang kapitbahay na tindero, at isa sa mga takot na takot na bata ang humahaliling magtinda habang nagsisiyesta siya.)

Hiyang-hiya akong itanong sa kaniya ang mga pangalan ng aking mga anak. Hiyang-hiya din akong itanong ang pangalan ng kanilang ina. Kumilos lamang ako na parang umalis ng bahay nang umagang iyon.

Bumuntong-hininga siya at tumitig sa malayo, gaya ng aktor sa dulang pantelebisyon, at sinabi sa akin na huwag ibunyag sa sinuman kung anuman ang naganap habang magkapiling kami, o kaya’y na siya ang pasimuno ng piging na ito—pinili niyang gumanap sa papel ng isang kapitbahay na tindero.

“Pipiliin kong mabitay kasáma si Omar al-Mukhtar kaysa manatili rito,” sambit niya nang sumusungaw ang mga luha sa kaniyang paningin. Bigla siyang humangos palabas ng pinto at iniwan ako sa piging.

Habang nag-iisa, binuklat ko ang kaniyang album, at tinitigan ang mga mukha ng aking mga anak.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights, specially of the poor and powerless! Where are you, o my people?

Ang Bata na may Retrato, ni Kyriakos Charalambides

Salin ng tula ni Kyriakos Charalambides ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bata na may Retrato

Ang bata na may hawak ng retrato,
ang retratong may lalim ng paningin niya
at nakabaligtad, ay nakatitig.

Pinaligiran siya ng madla; at nakatimo
sa mga mata niya ang munting retrato,
na malaking pasanin o ang kabaligtaran,
malaking pasanin sa tingin ngunit kayliit
kung isasabalikat, at higit na maliit
kapag nasa kaniyang kamay.

Nasa gitna siya ng madlang humihiyaw
nang pahimig, at tangan niya ang retrato
nang pabaligtad; bumagabag sa akin ito.

Nilapitan ko siya’t sumenyas ng mga kaanak
niya, o ng mga arko at tinig na pumirmi
sa panahon at lubos na walang tinag.

Ang retrato ay kahawig ng kaniyang ama.
Iniunat ko iyon nang patuwid, ngunit nakita
kong nakatiwarik pa rin ang lalaki.

Gaya ng hari, ng sota, at ng reyna,
na kapag binaligtad at tinanaw, ay tuwid
pa rin ang itsura, ang lalaking ito,
kapag tiningnan nang tuwid, ay ano’t
nakatiwarik at matiim na nakatitig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs.