Ang Matalino, ni Roberto T. Añonuevo

Sa kinatátayûan mo, naroroón ang lahát ng impórmasyón na hinahámig, nílulunók, tinutúnaw, úpang mulîng ihasík, palúsugín, palawígin sa anyô ng mga aníno at alíngawngáw, ngunit huwág ipagkamalîng yaón ang talíno. Ang talíno ay hindî pagságap, pagwásak, pagkamkám, ni panggagagád, gáya ng ináakalà ng mga hukbông mándirigmâ, sa báwat lupálop na pinilì nitong salakáyin, gapîin, arìin. Ang talíno ay nása hanggáhan ng bató at símoy; at dáhil nasa hanggáhan ng náriritó-at-walâ, ang hanggáhang itó ay maglilíhim ng mga guníguníng pintô na hindî kusàng magbubukás, bagkús mabubúksan lámang sa pamámagítan ng susì ng kawalán at pagkilála sa angkíng katangahán kundî man kabalbalán. Malayàng isíping uminóm ka ng túbig subálit walâng pagkátigháw ang úhaw. Noon, tinurùan kang mag-ípon ng mga aklát at magpaláwak ng aklátan, ngúnit sa óras ng poót, yábang, at láyaw, ang mga pahína na nagtatalâ ng kasaysáyan mo’t kaugalìan, ang mga pahína na sinusúnod ng mga deboto mo’t alagad, ang mga pahína na nagpapáningníng sa sagísag mo’t pangálan, ay nakátakdâng magíng mabangóng panggátong sa págpapaliyáb ng mga kusinà at pabríka ng mga kaáway. Kapág narínig mong hinahámak ng bánug ang mga buláte o uód, sapagkat ináakalà nitóng ang talíno ay nása pakpák at pág-imbulóg, mágwawakás síyang masagánang pigíng kapág lumagpák sa lupà. Gayunmán, hindî magdidíwang ang mga suplíng ng lupà sapagkát alám nito na kahit ang hambóg at dakilà ay pawàng bútil ng hinágap lámang sa dilím ng kamalayán.

Alimbúkad: Poetry without labels and borders. Photo by Magda Ehlers on Pexels.com

Deepfake, ni Roberto T. Añonuevo

Deepfake

Roberto T. Añonuevo

Tinanggap niyang mangmang siya noong una pa man, at nangibang-bayan isang araw, saka nagsikap ipaloob sa mga kuwaderno ang kakambal na hulagwáy ng mga numero at simbolo. At doon, may súkat, disenyo, at repetisyon ang lahat, at ang espasyo ay pormula na párang paglalakad sa pasikot-sikot na gubat, hanggang sumapit sa bangin na ang anino’y lulukob sa isang mundo. Ang mga numero at simbolo, na waring hukbong sandatahan, ay ginagaya rin ang mga titik at bantas, na sa tumpak na kombinasyon, ay makabubuô ng tunog at indayog, makabubuô ng mga salita at palugit, makabubuô ng mga parirala at sanga-sangang pahiwatig, na may kakayahang lumusob o umurong sa larangan, at pawang malayang gamitin ninuman sapagkat walang taglay na moralidad. Tinitingalâ niya ang langit ngunit ang simetriya ng mga bituin ay nasa dingding ng kaniyang gunita at guniguni—nanghihimasok at nangungulit para isulat pagkaraan sa duguang sahig o papel—at isang katwiran si Namagiri sa paglundag sa hanggahang nagbubukod sa pagbibiláng at pagkagutom.  Ang súpot ng karimlan, na lumulunok sa mga bulalakaw at planeta, ang nakalululà, nakatatastás sa kaniyang baít; gayunman, ito rin ang palaisipan na hindi nagpapatulog sa sinumang nabighani sa naturang diwain, hindi man siya si Ramanujan, na nagbabalik sa sariling bayan upang isadula ang paulit-ulit na pagkamatay, kahit siya ay isa nang inmortal.

Alimbúkad: Fearless poetry without peer. Photo by Julia M Cameron on Pexels.com

Sandata, ni Roberto T. Añonuevo

Sandata

Roberto T. Añonuevo
  
 Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
 at ginagamit ka
 laban sa lahat ng hindi namin
 gusto.
 Kasangkapan upang patumbahin
 ang katunggali,
 ikaw din ang laging instrumento 
 sa pagsupil ng salot o sakít.
 Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
 at sinuman o alinmang salungat
 ang agos
 ay kaaway at kaaway na tunay
 at kailangan ka upang ipagtanggol
 ang puwesto at pangalan.
 Ikaw ang malinaw na linya at kulay
 sa bakbakan ng lakas at kasarian.
 Ikaw ang timbang at sustansiya
 sa taggutom at walang habas
 na kasakiman ng iilan.
 Ikaw ang agimat laban sa kulam,
 at ang sumusuway sa pangaral
 ng diyos ay may katumbas
 na parusa at kapahamakan.
 Hindi ba ikaw ang nakalakip
 at isinasaulo sa aming mga dasal?
 Parang sumpa, ikaw ang panagot
 sa aming katangahan——
 ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
 isinasaliw tuwing may kampanya
 sa darating na halalan——
 at kapag angkin ka ninuman
 ay pupurihin kahit ng madlang
 walang kamuwang-muwang,
 walang malasakit o pakialam
 sa puwang o karunungan.
 Naririnig ka namin sa brodkaster
 at parang dapat ipagmalaki pa
 kung nagkulang ang diksiyonaryo
 para sa mga konseptong
 ikakabit sa mga dapat tapatan
 ng salita at gawa.
 Hinahamak kami kapag lumitaw
 ka sa mga banta at paninindak,
 gaya sa talumpati ng pangulo,
 at sinumang may kapangyarihan
 ay mababaligtad ang kahulugan
 ng batas.
 Kung umibig ba kami’y dapat kang
 hasain at laging sukbit saanman?
 Sawâ na kami sa rido at patayan.
 Nagbibiruan tuloy kaming huwag 
 nawa kaming maging makata
 na maláy ang guniguni’t napopoot.
 Baká ang bawat ipukol naming salita
 ay magpaluhod 
 sa nang-aapi at bumubusabos
 sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
 kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
 Ngunit hindi kami makata,
 at hindi ka rin namin kaaway,
 o mahal na kataga. 
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com

Ang Tahanan ng Hilakbot, ni Leonora Carrington

Salin ng “La Maison de la peur,” ni Leonora Carrington ng United Kingdom at Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Tahanan ng Hilakbot

Noong isang hapon, habang naglalakad ako sa isang kapitbahayan, nasalubong ko ang kabayong nagpahinto sa akin.
. . . . . . “Sumáma ka sa akin,” aniya, at yumukod paroon sa kalyeng madilim at makitid. “May ipakikita ako sa iyo.”
. . . . . . “Wala akong panahon,” tugon ko, gayunman ay bumuntot pa rin sa kaniya. Sumapit kami sa pinto na kinatok niya sa pamamagitan kaliwang pesunya. Bumukas ang pinto. Pumasok kami, at naisip kong hulí na kami sa tanghalian.
. . . . . . Maraming nilalang ang nakasuot ng eklesiyastikong damit. “Huwag umakyat sa itaas,” anila. “Makikita mo roon ang aming magandang pintong inkrustado. Yari iyon sa turkesa, at ang mga asuleho’y pinagdirikit ng ginto.”
. . . . . . Nagulat ako sa gayong pagtanggap, at napatangô ako at sumenyas sa kabayo na ipakita sa akin ang kayamanan. Matataas ang baitang ng hagdan, ngunit nakaakyat kami—ang kabayo at ako—nang madali.
. . . . . . “Alam mo, hindi naman gayon kaganda gaya niyang lahat,” aniya sa akin sa mahinang tinig. “Ngunit kailangang kumita ng ikabubuhay, hindi ba?”
. . . . . . Maya-maya’y nakita namin ang turkesang sahig ng maluwag, hungkag na silid. Ang mga asuleho’y lapát na lapát sa ginto, at kagila-gilalas ang asul. Magalang kong tinitigan iyon, at winika ng kabayo:
. . . . . . “Ang totoo’y batong-bato ako sa trabahong ito. Ginagawa ko lang ito para sa salapi. Hindi ako angkop sa ganitong kaligiran. Ipakikita ko sa iyo na sa susunod, magkakaroon dito ng pagtitipon.”
. . . . . . Makaraang makapagnilay, nasabi ko sa sariling madaling mabatid na ang kabayong ito ay pambihirang kabayo. Sa gayong konklusyon, nadama kong dapat ko pa siyang higit na makilala.
. . . . . . “Darating ako sa inyong pagtitipon. Wari ko’y naiibigan na kita.”
“Nakaaangat ka sa mga karaniwang bisita,” tugon ng kabayo. “Mahusay akong ibukod ang kaibhan ng karaniwang tao at ng tao na may pang-unawa. Magaling ako sa pag-arok sa kaluluwa ng tao.”
. . . . . . Napangiti ako nang sabik. “At kailan ang pagtitipon?”
. . . . . . “Mamayang gabi. Magsuot ka ng makakapal na damit.”
. . . . . . Kakatwa iyon, dahil nakasisilaw ang sikat ng araw sa labas.
. . . . . . Nang pababa na ako sa hagdan sa dulo ng silid, napansin ko nang may pagkagulat na higit na magaling sa akin ang kabayo. Naglaho ang mga eklesiyastiko, at umalis ako nang walang nakakikita sa aking pag-uwi.
. . . . . . “Alas-nuwebe,” sabi ng kabayo. “Tatawagan kita nang alas-nuwebe. Tiyaking ipabatid iyon sa kónserhe.”
. . . . . . Nang pauwi na ako’y sakâ ko naisip na inanyayahan ko sanang maghapunan ang kabayo.
. . . . . . Di na mahalaga pa, naisip ko. Bumili ako ng letsugas at ilang patatas para panghapunan. Nang makauwi na ako’y nagsiga ako para makapagluto. Uminom ako ng isang tasang tsaa, pinagnilayan ang naganap sa buong araw, at lalo na ang kabayo, at gaano man kaikli ang panahon ng aming pagkakakilala ay itinuring kong kaibigan. Kakaunti ang aking mga kaibigan, at masaya na akong may kabayo na naging kaibigan ko. Matapos kumain ay nanigarilyo ako at inisip ang kasiyahang maidudulot ng pag-alis, imbes na kausapin ang sarili at mabato hanggang yumao sa pare-parehong kuwento na paulit-ulit kong isinasalaysay sa sarili. Nakababato akong tao, kahit na labis na matalino at pambihira ang anyo, at walang iba pang nakababatid nito kundi ako. Malimit kong sinasabi sa sarili na kung mabibigyan ako ng pagkakataon, ako sana ang naging sentro ng intelektuwal na kapisanan. Dahil nasanay na akong kausapin ang sarili, parati na lang inuulit-ulit ko ang pare-parehong bagay. Ano pa ang dapat asahan? Namumuhay akong gaya ng ermitanyo.
. . . . . . Nasa yugto ako ng pagninilay nang kumatok nang malakas sa pinto ang kaibigan kong kabayo, at kinabahan ako na baká ireklamo ng mga kapitbahay ko.
. . . . . . “Lalabas na ako!” sigaw ko.
. . . . . . Sa karimlan ay hindi ko alam kung aling direksiyon ang aming tinatahak. Tumakbo ako nang katabi siya, at kumapit sa kaniyang buhok para makaagapay. Pagdaka’y napansin kong naroon sa harapan at likuran namin, at sa lahat ng panig ng malawak na nayon, ang mga kabayong parami nang parami. Tuwid na nakapako ang tingin nila sa malayo, at bawat isa’y may kagat-kagat na kung anong lungting bagay. Kumakaripas sila, at ang lagabog ng kanilang mga yabag ay yumanig sa lupa. Lalong tumindi ang lamig.
. . . . . . “Nagaganap ang pagtitipong ito isang beses kada taon,” sambit ng kabayo.
. . . . . . “Mukhang hindi ito kaaya-aya para sa kanila,” sabi ko.
. . . . . . “Dadalawin natin ang Kastilyo ng Hilakbot. Siya ang maybahay.”
. . . . . . Naroon sa malayo ang kastilyo, at ipinaliwanag ng kabayong yari iyon sa mga bato na pananggalang sa matinding taglamig.
. . . . . . “Higit na malamig sa loob,” aniya, at nang sumapit kami sa bakuran, nabatid kong totoo ang kaniyang sinasabi. Nangatog ang lahat ng kabayo, at nangatal ang kanilang mga ngipin na parang kastanyetas. Wari ko’y lahat ng kabayo sa mundo ay dumalo sa pagtitipong ito. Bawat isa’y namimilog ang mga mata, tuwid ang tingin, at may mga bulâng tumigas sa palibot ng bibig. Nanigas ako sa sindak, at ni hindi makapagsalita.
Sinundan namin ang pila hanggang sumapit sa malaking bulwagang napalalamutian ng mga kabute at sari-saring prutas ng gabi. Naupo ang mga kabayo, at nanganigas ang harapang binti. Tumingin sila nang hindi gumagalaw ang mga ulo, at pulos puti ang mga mata. Takot na takot ako. Sa harapan namin, nakahilig sa anyong Romano doon sa malaking kama ang maybahay—ang Hilakbot. Mukha siyang kabayo, ngunit higit na pangit. Ang kaniyang bestido’y yari sa mga buháy na paniking tinahi-tahi ang mga pakpak: kung paano kumampay ang mga ito’y maiisip na hindi nito gusto ang gayon.
“Mga kaibigan,” aniya, nang maluha-luha at nanginginig. “Sa loob ng tatlong daan at animnapu’t limang araw ay pinag-isipan ko kung ano ang pinakamahusay na paraan para kayo aliwin sa gabing ito. Ang hapunan ay gaya noong nakagawian, at bawat isa’y makakukuha ng tatlong bahagi. Ngunit bukod pa riyan, naisip ko ang bagong palaro na sa aking palagay ay naiiba, dahil gumugol ako ng panahon para maperpekto ito. Matiim kong ninanasa na maranasan ninyo ang parehong galak sa paglahok sa palarong ito, gaya ng naranasan ko habang iniimbento ito.”
. . . . . . Lumaganap ang katahimikan pagkaraan niyang magsalita. At nagpatuloy siya.
. . . . . . “Heto ang lahat ng detalye. Pangangasiwaan ko mismo ang palaro, at ako rin ang magiging tagahatol at magpapasiya kung sino ang mananalo.
. . . . . . “Kailangan ninyong magbilang nang pabalik mulang sandaan at sampu hanggang lima hangga’t maaari habang iniisip ang inyong kapalaran at itinatangis ang mga yumaong nauna sa inyo. Kailangan ninyong umindak sa himig ng ‘Mga Bangkero ng Volga’ nang gamit ang kaliwang unahang paa, ‘Ang Marseyasa’ nang gamit ang kanang unahang paa, at ‘Saan ka nagpunta, Aking Pangwakas na Rosas ng Tag-araw?’ sa pamamagitan ng dalawang paa sa likuran. May iba pa akong detalye ngunit hindi na isinali iyon upang padaliin ang laro. Magsimula na tayo. At tandaan, na hindi ko man makita agad ang buong bulwagan, nakikita ng Mabuting Panginoon ang lahat!”
. . . . . . Hindi ko alam kung ang teribleng lamig ang nakapukaw ng sigla; ang totoo’y nagsimulang umindak sa sahig ang mga kabayo at pinalagatok ang kanilang mga pesunya na tila ba papasok sila sa kailaliman ng lupa. Nanatili ako sa kinatatayuan ko, at inisip na hindi nawa niya ako makita, ngunit nakukutuban kong malinaw niyang nakikita ako sa pamamagitan ng taglay na napakalaking mata (isa lamang ang kaniyang mata, ngunit dalawampu’t anim ang laki kung ihahambing sa karaniwang mata). Ganito ang nangyari sa loob ng dalawampu’t limang minuto, ngunit. . . .

Mga Buhay, ni Arthur Rimbaud

Salin ng “Vies,” ni Arthur Rimbaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Búhay

I
. . . . . . . O, mga dambuhalang abenida ng sagradong lupain, mga terasa ng templo! Ano ang nangyari sa Brahmin na minsang nagturo ng Kawikaan? Ngayon, doon sa ibaba, nakakikita pa rin ako ng matatandang babae! Natatandaan ko ang mga pinilakang oras, at ang araw sa gilid ng mga ilog, at ang kamay ng aking sinta sa aking balikat, at ang aming mga haplos habang nakatindig sa palumpungang tigmak sa ambon. Umalingawngaw sa aking utak ang lipad ng mga eskarlatang kalapati. —Dinestiyero dito, mayroon akong entablado na pinagtatanghalan ng mga obra maestrang panitikan ng buong mundo. Maituturo ko sa iyo ang mga kahanga-hangang yaman. Sinusundan ko ang kasaysayan ng mga yaman na maaari mong matuklasan—at alam mo na ang kasunod! Binalewala ang aking dunong bilang kaguluhan. Ano ang aking kahungkagan kung ihahambing sa sorpresang naghihintay sa iyo?

II
. . . . . . . Ako ang imbentor na karapat-dapat pag-ukulan ng pansin ng lahat ng nauna sa akin; isang musiko na nakatuklas ng kung anong bagay na gaya ng teklado ng pag-ibig. Ngayong eskudero sa nayon na may tigang na lupain sa lilim ng panatag na langit, ako’y magsisikap na palisin ang katamaran sa pamamagitan ng paggunita sa pagkapulubi noong kabataan ko, ang ilang taon ng pag-aaral o ang pagdating ko nang suot ang sapatos na kahoy, ang aking polemika, ang lima o anim na pagkabalo, at ang ilang pagkakataon ng paglalasing kapag ang katinuan ko’y pumipigil sa aking tularan ang kagaguhan ng mga kasama. Hindi ko hinahanap ang dáting pakikibahagi sa dibinong kasiyahan. Ang katahimikan ng malupit na nayong ito ang nagpapalusog nang labis sa aking nakahihindik na pagdududa. Ngunit dahil hindi ko na magagamit ang pagdududa, bukod sa ipinako ang pansin sa bagong alalahanin, paniwala ko’y magwawakas ako bilang peligrosong siraulo.

III
. . . . . . . Natuklasan ko ang mundo sa loob ng átiko na pinagkulungan sa akin noong edad dose pa lamang ako. Natutuhan ko ang kasaysayan sa pabrika ng hinebra. At sa ilang kasiyahan kapag gabi, doon sa hilagang lungsod, nakatagpo ko ang lahat ng babae ng Matatandang Maestro. Sa sinaunang arkada ng Paris ay natutuhan ko ang mga klasikong agham. Sa kagila-gilalas na mansiyon, na may halimuyak ng ringal ng silangan, natapos ko ang nakapapagod na mga gawain at ginugol doon ang maluhong pamamahinga. Sinaid ko ang lakas. Tinumbasan ang aking pagpapagal at nakamit ko ang gantimpala. Ngunit ang gayong pangangailangan ay hindi na mahalaga sa atin. Lumalampas ako sa maitatakda ng libingan, at hindi na muling tatanggap pa ng mga kompromiso.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ang Henyo, ni Eugenio Montale

Salin ng “Il genio,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Henyo

Hindi nagwiwika, sa kasamaang-palad,
sa sarili nitong bibig ang henyo.

Nag-iiwan ng kaunting bákas ng hakbang
ang henyo, gaya ng kuneho sa niyebe.

Ang kalikasan ng henyo’y kapag huminto
ito sa paglakad, nagiging paralisado
ang lahat ng kasangkapan.

At hihinto ang mundo, maghihintay
ng kunehong makatatawid
sa malabong pagbuhos ng niyebe.

Matatag at maliksi sa angking sayaw,
hindi nito nababása ang mga markang
malaon nang naabó,
napakalalim.

Mga Pating ng Greenland, ni Torkilk Morch

Salin ng “Greenland Sharks,” ni Torkilk Mørch ng Greenland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pating ng Greenland

Mababagal ang mga ito, at sumisisid nang napakalalim,
saka inaabatan nang mahúli nang lubos ang ibig. Ang karne
ng pating na ito ay lason. Oo, lason. Ngunit ano ang nagtulak
sa desperadong mangingisda o sa kaniyang kabiyak, na kahit
nasaksihang masawi ang mga kapitbahay, ay nagpatuloy,
at naisip na kung inilaga lámang ang lamán nang ilang ulit,
o marahil kung idinaing yaon at iniluto pagkaraan para kainin
ay makaiiwas sa peligro? Totoo: naisasagawa ang kapuwa
metodo, ngunit ano-ano ang matitinding pangangailangan
para mapilitang gawin ang mapanganib na eksperimento,
tulad ng pagkakamit ng kung anong pambihirang talino?

Aklat, ni Roberto T. Añonuevo

Aklat

Roberto T. Añonuevo

Kinasisindakan itong buksan at gaya ng kahon
Ay makapáglalamán ng sumpâ, sálot, sakít ng ulo.

Higit nilang pipiliin ang kanilang bagong selfon,
Sapagkat ang daigdig ay nasa dulo ng daliri.

Idadahilan nilang lumalabò ang kanilang mata
Sa mga titik, at inaantok sa oras na maglandas

Sa mga pangungusap at salitang nangungusap
Sa kanilang mag-isip at gamitin ang guniguni.

Napakabigat ng bawat pahina, katumbas wari
Ng isang tonelada na tatabon sa katamaran.

Maikli ang kanilang pasensiya para mag-aksaya
Ng oras sa kung sinong klasikong gagong awtor.

Ngunit gising sila sa buong magdamag, katabi’t
Kuyom ang midyum ng banidad at impormasyon.

Hindi ba nakapagbabasá rin sila sa munting iskrin
At ang salamin ay kulay at tunog at salát ng sarili?

Hindi nila pipiliing magpatumba ng punongkahoy
Para sa papel ng aklat na kung hindi nakababato’y

Nakapagpapasikip ng aklatan para sa mga kulisap
At alabok na pumapasok sa kanilang puso o utak.

Pumipikit sila kapag nakaharap ang tunay na aklat.
At magbabasá lámang para sabihing intelektuwal

Na nakaupo sa inidoro, at letrado ng mga negosyo.
Balewala sa kanila ang henyo ng nauupos na wika.

Ano kung laos si Gutenberg at pumalit si Zuckerberg?
Ang aklat ng karunungan ay aklat din ng katangahan

Na ikakatwiran nilang malinaw na pagsisinungaling,
dahil sila ang maiiwan sa isang kahon ng pag-asa.

Mangmáng, ni Claire Lejeune

Salin ng “Illettrée,” ni Claire Lejeune ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mangmáng

. . . . . ..Mangmáng. Hindi ako makabása maliban kung iyon ay pahiwatig. Wala nang iba pang matatagpuan saan man . Maliban sa mga buto, sa kulungan. Kapag nilamon ko ang mga lamanloob at ininom ang dugo, kailangan kong sunggaban ang bangkay .  .  . At doon, sa lihim na paaralan ng gulugod ay natutuhan ko ang lahat ng bagay, ang pag-iral ng kawalan. Natagpuan ko ang sariling mag-isa sa napakalawak na landas. Ni wala akong sandata.

. . . . . ..Dahil ako ikaw, giginhawa ang loob ko mula sa orihinal na pagdurusang ang pag-iral mo ay kumakatas sa akin. Ang lapástangánin: wala nang iba pang remedyo para sa pagkakapaslang ng ating pagkakamali.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Higit na Mautak si Zorro

Higit na Mautak si Zorro

( “El Zorro en más sabio” ni Augusto Monterroso
Salin mula sa orihinal na Espanyol ni Roberto T. Añonuevo)

Naaburido isang araw si Zorro dahil sa hirap at lungkot, kaya nagpasiya siyang maghunos na manunulat, na pinagbuhusan niya ng loob kaagad, dahil nayayamot siya sa tao na magsasabi ng isang bagay ngunit salungat ang gagawin.

Magaling ang una niyang aklat, at matagumpay; umani yaon ng palakpak sa sangkalupaan, at mabilis isinalin (bagaman sablay kung minsan) sa iba’t ibang wika.

Hinigtan ng kaniyang ikalawang aklat ang una, at ang ilang propesor mulang Hilagang Amerika na pawang bigatin sa akademya ay masiglang pumuna at sumulat ng mga aklat hinggil sa mga aklat ni Zorro.

Nalugod nang sandaling yaon si Zorro, at pinalipas ang mga taon nang walang inilalathalang akda.

Ngunit pabulong na umangal ang ibang tao, at inulit: “Ano ba ang pasanin ni Zorro?” At kapag nagkita sila sa mga pagdiriwang na may inuman ay paliligiran nila si Zorro para tanungin kung bakit tinalikdan nito ang pagpapalathala.

“Pero nakapagpalathala na ako ng dalawang libro,” tugon niya nang may pagkainis.

“Mabuti iyan,” ang sagot nila, “kaya dapat ka ngang magpalathala pa ng maraming akda.” Hindi umimik si Zorro, ngunit nawika niya sa sarili: “Ang totoo’y ibig nila akong maglabas ng masamang aklat; ngunit dahil ako si Zorro, hindi ko gagawin iyon.”