Ang Aklat at ang Panahon

Ang Aklat at ang Panahon

Roberto T. Añonuevo

Mga minamahal kong administrador, guro, alumni, at estudyante ng EARIST, magandang umaga sa inyong lahat.

Nagulat ako sa inyong imbitasyon sa akin, at sa pamamagitan ng Facebook ay nakuha ninyo akong mapadalo sa inyong pagtitipon. Ang totoo’y marami akong tinanggihang pagtitipon na gaya nito, at masuwerte kayo sapagkat dito ko pinuputol ang aking pananahimik. Tinanong ko si Bb. Baby Lyn Conti kung ano ang tema, at mabilis naman niyang tinugon na “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan.”

Bago ako dumako sa inyong tema, hayaan ninyong sipiin ko ang salin ng tula mula sa Sanskrit ng dakilang makatang Magha ng India:

Pinakakain ba ng gramatika ang nagugutom?
Tinitighaw ba ng nektar ng tula ang nauuhaw?
Hindi makabubuhay ng pamilya ang pagsisid
sa mga lihim na karunungan ng mga aklat.
Magpakayaman ka’t ang sining ay iyong iwan.

Ang mapanudyong payo ni Magha sa sinumang ibig pumalaot sa panitikan at pagsusulat ay umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon. Bakit nga ba naman magpapakamatay sa sining, gayong hindi naman lahat ng tao ay binubuwenas na kumita mula sa gayong propesyon? Ang nasabing payo ay waring narinig ng CHED, at hindi ako nagtataka kung bakit nakapaling sa pagkita ng pera ang edukasyon kaysa pagpapalawig ng panitikan at wika. Ngunit ang nasabing tula ay balintunang paalala rin na ang sinumang seryoso sa pagsusulat, at ibig magtagumpay, ay hindi mahahadlangan kahit ng sanlibong halimaw, sapagkat ang sining ng pagsusulat ay higit sa maibibigay ng salapi o panandaliang kaluguran, at ito ay may kaugnayan sa ating kamalayan, guniguni, at gunita. Si Magha ang makatang sumulat ng inmortal na epikong Shishupala Vadha, na hango ang banghay sa Mahabharata, at pambihira ang laro ng mga salita.

Ang pagsusulat ng panitikan ay laan sa elitista, at kung naririto si Magha, bibiruin niya kayo na magtinda na lamang kayo sa Divisoria o magtrabaho sa Ayala. Hindi sapat ang mag-aral ng bokabularyo, gramatika, at retorika; o magsaulo ng mga detalyeng pangkasaysayan, bagkus kailangan ang pambihirang imahinasyon sa pagkatha at pagsusulat. Magagawa ito sa tumpak na pagsasanay, at pagbabasa ng iba’t ibang aklat.

Ang inyong tema ay may apat na salita na marapat titigan: aklat, karanasan, sandata, at kinabukasan. Nakasisindak sa unang malas ang ganitong tema, lalo kung ipagpapalagay na may kaugnayan sa panitikan ang aklat; na ang karanasan ay tumatawid mulang realidad tungong guniguni; na ang sandata ay nagbabadya ng pakikihamok kung hindi man pagtatanggol sa sarili; na ang kinabukasan ay maaaring ang kahahantungan ng awtor o mambabasa o aklat, na sa bandang huli ay kayo ang mamimili kung karapat-dapat sa basurahan o kaya’y aklatan ang lahat ng pagpapagal.

Maiisip na ang “aklat ng karanasan” ay isang direktoryo ng nakalipas na buhay, at kung sinuman ang nakagawa nito ay maipagmamalaking nakaraos sa mga sigwa ng buhay. Ngunit ang panitikan—gaya sa tula, katha, dula, at sanaysay—ay maipapalagay na kapuwa paningin at pananaw, at kung gayon ay nalalangkapan ng pagsisinungaling, na metapora sa kabaligtaran ng basta pangangopya sa realidad. Ang paningin ay kasangkapan upang unti-unting mabuksan ang pinto tungo sa pook na kagila-gilalas, kahindik-hindik, o karima-rimarim, bagaman ang paningin ay maaaring magkaroon ng limitadong saklaw, o sabihin nang pinsala, alinsunod sa maibubuga ng awtor at sanhi ng ideolohiyang kaniyang tinataglay. Samantala, ang pagtanaw ay hindi newtral na pagdulog; ito, gaya ng pagsilip sa teleskopyo, ay maláy na pagdulog, at sinasadya ng awtor upang ang kaniyang mga mambabasa ay maipaling sa mga pangyayaring minabuti niyang mapagnilayan.

Kung ang panitikan ay may sariling mata at lente na pawang nakalilikha ng mahika, alinsunod sa punto de bista ng awtor, ito rin ay maaaring magkaroon ng katumbas na mata at lente sa panig ng mga mambabasa, alinsunod sa abilidad at karanasan nila sa pagsagap at pagbabasa. Maraming pagkakataon na nagtutugma ang paningin at pagtanaw ng awtor sa paningin at pagtanaw ng mambabasa. Ngunit sa ilang pagkakataon, nakalilikha ng salamangka ang awtor at ang kaniyang mga mambabasa ay nagkakaroon ng sari-saring interpretasyon—na magbubunga para lumago ang mito ng awtor bilang manlilikha. Samantala, ang panitikan ay tututol na maikahon o maiseroks, at higit na pipiliing maging lihis, kakatwa, naiiba.

Napakahalagang pagtuonan ng awtor ang kaniyang ilalapat na paningin at pagtanaw sa kaniyang akda, sa pamamagitan ng kaniyang tauhan, na pagkaraan ay mahuhubog sa isang pook at panahon, at marahil ay magluluwal ng kakaibang pagsagap, na maghahatid sa pagpapasiya kung paano titimbangin ang iba’t ibang karanasan. Ang tula, halimbawa, ay karaniwang may isang persona, na malalapatan ng natatanging tinig at himig, at napapaloob sa isang lunan at panahon, ngunit ang personang ito ay hindi palagi ang maituturing na bida. Maaaring kinasangkapan lamang siya ng awtor upang ang daigdig ay matunghayan ng mga mambabasa.

Sa ibang pagkakataon, ang isang mahabang tula ay maaaring magkaroon ng dalawa o higit pang persona (na may pangunahin at mga sekundaryo), at natural, ang mga persona ay di-maiiwasang sipatin na may gradasyon, o kung hindi man, ay nagsusuhayan sa isa’t isa, upang mapalitaw ang karupukan at kalakasan ng bawat persona, at maitanghal ang komplementaryong ugnayan ng mga ito. Ganito ang taktikang ginawa ni Rio Alma sa kaniyang Huling Hudhud. Ang kakatwa, ang Hudhud ay walang katapusang salaysay, at marahil magwawakas lamang kung magugunaw ang isang komunidad na pinag-ugatan nito.

Ang pagsusuri sa sariling akda ay hindi magtatapos sa mga tauhan o banghay o lunan o gusot; karaniwan ang mga katangiang ito ay naglalaro sa kapangyarihan, at hindi ako nagtataka kung bakit ginamit ninyo ang salitang “sandata” sa inyong tema. Ang laro ng kapangyarihan ay hindi maikakahon sa banggaan ng mga uri o nasyon; bagkus maaaring maglagos ito kahit sa paraan ng pagtunghay sa kultura, sa pagbasa sa baluktot na kasaysayan, sa pagtitig sa mga kontradiksiyon sa identidad at kamalayan, sa pagdestrungka sa sentro na kung hindi kabulaanan ay sadyang parang sibuyas na walang lamán ngunit nag-iiwan ng anghit na hindi man makita ay nadarama.

Ang nakapagtataka’y habang humahaba ang tula o akda, lalong nawawalan ng lakas kung hindi man toleransiya ang mambabasa na tapusin ang pagbabasa, kahit sabihing primera klase ang isang akda. Ito ay kung wala siyang kasanayan, tatag, tiyaga, at panahon para magbasa nang matagal, at mag-isip nang malalim. Hindi kataka-taka na ang magagandang nobela o epiko’y higit na pipiliing maisalin sa teatro, pelikula, at komiks, at kung matapos mang basahin ang mga ito’y dahil sapilitang asignatura sa paaralan. Ang ganitong intersemiyotikong pagsasalin ay makapagpapabago sa nilalaman at anyo ng akda, at ang napangingibabaw ay ang paghahatid ng mensahe sa mga konsumidor, alinsunod sa skopos ng naturang pagsasalin.

Ngunit ang sining ay hindi simpleng paghahatid ng mensahe, gaya ng kahig-manok na sulat sa pader ng mga aktibista. Ang sining ay nakatuon sa panghihimasok sa pagsagap, bukod sa pagtatakda at paglampas, sa pamantayang naitakda sa isang panahon o kumbensiyon, at sa pagyanig sa ating guniguni para makaigpaw sa pagiging karaniwan. Ang graffiti ng mga aktibista, gaya ng matutunghayan sa Maynila, ay naging de-kahon sa paglipas ng panahon at nanatiling pambangketa lamang; at sa gayong pangyayari ay ni walang ambag para magtulak sa taumbayan na maghimagsik sa pamahalaan. Tandaan nating ang paghihimagsik ay hindi lamang silakbo ng damdamin, kundi nasa antas ng kritikal na pag-iisip at pag-agaw ng kapangyarihan. Ang kakatwa, ang mga aktibista pa ngayon ang binabanatan, sapagkat ang pagdungis nila sa pader na sinikap linisin at pagandahin ng pamahalaang lokal ay tinatanaw na kontra-rebolusyon— mula sa rebolusyong sinimulan ni Meyor Isko Moreno Domagoso laban sa pamamahalang marumi, masikip, magulo—at sa maikling salita’y walang direksiyon kaya walang maaasahang mabuting patutunguhan.

Isang rebolusyon ang ginawa ni Yorme, kung isasaalang-alang na halos kalahating siglong napabayaan ang Maynila, na ang naging persepsiyon ng mga tao ay kubeta kung hindi man imburnal ng Filipinas, at pugad ng mga pokpok, maton, adik, at lumpen, na kinakatawan ng ikonikong Asiong Salonga, at pinaghaharian ng mga malikhaing propitaryo at organisador mula sa mga sindikato, at naging gatasan ng mga politiko at kasapakat nila sa paglipas ng panahon. Ang taguring “Imperyalistang Maynila” ay isang kabulaanan, at totoo lamang noong panahon ng kolonisasyon at kung isasaalang-alang na ang Malacañang ay nasa Maynila; ngunit ang Maynila kahit noong panahon ng Batas Militar ay nagkukubli ng pagkaagnas sa kabila ng magagarang impraestruktura ng pamahalaan dulot ng migrasyon at paglaki ng populasyon. Ang pagpapalinis ng Maynila, gaya sa Liwasang Balagtas o Liwasang Bonifacio, ay pagkambiyo kung hindi man pagpihit sa paningin at pananaw tungo sa dakilang nakalipas; at ang pook ay muling hinahango ang lakas nito sa mahabang kasaysayan ng pagpupunyagi ng mga dakilang tao na nagsilbing inspirasyon ng mga mamamayan sa mahabang panahon.

Ang isang manunulat na hindi lumilingon sa kaniyang pinanggalingan ay hindi kailanman matutuklasan o maipagmamalaki ang henyo ng kaniyang wika at panitikan.

Kung ituturing na kayo ay mga anak ng Maynila, dahil nag-aral o lumaki kayo sa Maynila, ang paglingon sa nakaraan ay isang hakbang pasulong, sapagkat ang nakaraan ang magtutulak sa inyo na lumikha ng isang kathang-isip na Canal de la Reina, gaya sa nobela ni Liwayway A. Arceo, o kaya’y laberinto ng dilim sa realistang nobela ni Edgardo M. Reyes at isinapelikula ni Lino Brocka; ng buhay-Maynila, gaya sa mga tula ni Anastasio Salagubang na alyas ni Jose Corazon de Jesus at ni Kuntil Butil na alyas ni Florentino T. Collantes; ng isang Tundong katumbas ng langit ni Andres Cristobal Cruz; ng mga mapanudyong sarsuwela at dula ni Severino Reyes at ni Patricio Mariano; o kaya’y lumikha ng adaptasyon ng impiyerno ni Dante Alighieri na pumaloob sa Smokey Mountain, gaya sa mahabang tula ni Rio Alma (kahit sabihing anakroniko sa panahong ito ang nasabing tula sapagkat burado na ang dating imahen ng Smokey Mountain); at balikan ang pambihirang kultura at kasaysayan sa gaya ng mga sanaysay nina Teodoro A. Agoncillo, Nick Joaquin, F. Sionil Jose, Carmen Guerrero Nakpil, Ricky Lee, at sangkaterbang manunulat na kung hindi lamán ng Ermita at Escolta ay naroon sa ipodromo o kabaret ng Santa Ana. Maynila ang pugad noon ng mga dakilang manunulat na Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na kabilang sa gaya ng organisasyong Aklatang Bayan.

Kung maibabalik ang ganitong tagpo sa ngayon, ang mga manunulat na Filipino ay makapag-aambag ng mga primera klaseng akda na maipagmamalaki hindi lamang sa Filipinas bagkus sa buong daigdig.

Manunulat ang nagtatakda ng testura ng wika mula sa kaniyang isinaharayang pook, panahon, at tauhan. At ang wikang ito ang magdaragdag ng mga konsepto at diskurso na marahil ay may kapasidad na lumampas, kung papalarin, sa hanggahan ng karagatan ng Filipinas. Isang dating konsehal ng Maynila at propesor sa mga unibersidad sa Maynila, ang dakilang Iñigo Ed. Regalado, ay nag-ambag sa pamamagitan ng pagbuo ng malawakang sarbey at kritika ng mga tula, at kuwentong nalathala bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kung hindi kay Regalado ay hindi mababatid ng henerasyong ito ang ginawa ng mga manunulat na Tagalog na paunlarin ang panitikang pasulat na pagkaraan ay magiging batayan sa pagsusuri sa pag-unlad ng Tagalog na siya namang magiging haligi para sa isang pambansang wika. Ang hámon sa atin ay ipagpatuloy ang nasimulang pagsisikap ng gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda na kung hindi ninyo alam, ay naging mga opisyal ng Surian ng Wikang Pambansa na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino.

Napapanahong himukin muli ang madla na magbasa. Hindi lamang mga estudyante at akademiko ang dapat nagbabasa. Ang pagbabasa ay dapat umabot hanggang pinakamababang saray ng lipunan, at maging kaugalian at paraan ng pamumuhay, sapagkat tanging edukasyon ang makapagpapabago sa ating sarili tungo sa maláy na antas. Sa maniwala kayo’t sa hindi, ang problema sa kritikal na pagbabasa ay hindi lamang matutunghayan sa mga maralitang pook o bilangguan o palengke, bagkus kahit sa loob ng mga kolehiyo at unibersidad, na napipilitang tumanggap ng mga estudyanteng ang antas ng kritikal na pagbabasa at pagsusulat ay waring nasa antas ng Grade 6. Kung ako si Yorme, maglalaan ako ng pondo para sa mga aklatan ng Maynila, at iaatas kong palawigin ang koleksiyon ng mga aklat na sinulat ng mga manunulat na taga-Maynila o ng sinumang tumalakay hinggil sa kalagayan ng Maynila. Iaatas ko rin sa mga kabataan na tangkilikin ang pagbabasa ng mga aklat, at kung may sapat na pondo ay tutumbasan ng pabuya ang sinumang makapagsusulat at makapagpapalathala ng mga de-kalidad na aklat na pampanitikan at iba pang larang.

Upang makahimok tayo ng maraming mambabasa, inaasahan naman sa atin ang paglikha ng matitinong aklat (at hindi basta masabing aklat), na hindi nakalaan para kumita at pagkakitahan lamang ng mga patakbuhing pabliser at akademikong palimbagan, bagkus sadyang nakatuon sa pagpapanibago ng kamalayan ng mga mambabasa. Ang ilalabas nating aklat ay dapat magkaroon ng mataas na pamantayan sa kasiningan at nilalaman, masinop sa wika at diskurso, at may pagpapahalaga, kahit paano sa saliksik, kasaysayan, at kultura. Kailangang marunong sumugal ang ating mga akda sa mga usaping tumutulay sa panganib at pangangahas. Ganito ang ginawa ni Jorge Luis Borges sa kaniyang mga prosa at tula, na pawang nagtataglay ng mga sariwang idea, sapagkat para kay Borges ay hindi sapat na maging intelektuwal na malalim ang erudisyon sa isang larang (na parang Artificial Intelligence), bagkus kinakailangan ang mga intelektuwal na magtaglay ng sariwang idea hinggil sa pagtanaw sa daigdig. Kung hindi’y nakatakda tayo na pumaloob sa mga guhong paikid, at matutuklasan natin ang sariling nabalahò sa sumpa ng pag-uulit at kamangmangan, at likha ng higit na nauna sa atin.

Makatutulong sa atin na bumuo ng mga grupong magsusulong ng mga palihan [workshop] sa pagsusulat. Mahigit tatlumpung taon na ang nakaraan, dumaan din ako sa mga palihan na dinaluhan ng mga bigating kritiko sa panitikan. Ang naging epekto nito sa akin ay lalo akong nauhaw sa karunungan, at natuklasan ko ang aking kahinaan at katangahan, na pagkaraan ay magtutulak sa akin upang higit na paghusayin ang sining sa pagtula, pagkatha, pagsasalin, panunuri, pagpapalathala, at iba pang gawain. Ang aming pag-aaral noon ay umaabot hanggang sa inuman sa IBP (Ihaw Balot Plaza) at iba pang birhaws sa Quezon City, kaya lahat kami’y nasaniban ng espiritu ng aming musa na binabantayan ni San Miguel. Sa maniwala kayo’t sa hindi, higit na marami akong natutuhan sa inuman kaysa loob ng paaralan, sapagkat tunay na panitikan at kasaysayang pampanitikan at teorya at kritikang pampanitikan ang aming pinag-uusapan at hindi pulos kalibugan o kabalbalan.

Marami ang umaangal na kesyo kulang na kulang ang mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika na maaaring basahin ng ating mga estudyante. Gaano karami ba ang titulong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika kada taon? Walang makukuhang malinaw na datos, sapagkat ang mga institusyong dapat nagsasaliksik nito, gaya ng National Book Development Board, ay bigong likumin ang impormasyon. Umaasa lamang tayo sa bilang ng mga titulong humingi ng ISBN at ISSN doon sa National Library, ngunit kung ilan ang nasa Ingles at ilan ang nasa Filipino at/o katutubong wika ay walang matutunghayan. Ang pagpaplano, kung gayon, kahit sa pagpapalathala ng mga aklat na nasusulat sa Filipino ay apektado, sapagkat waring pangangapa ito sa dilim.

Kung may nailathala man hinggil sa mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at/o katutubong wika ay nagkakasiya ang karamihan sa mga pabliser na maglimbag ng tigsasanlibong sipi bawat tituto. Ano ang mararating nito? Wala, kung isasaalang-alang na ang populasyon ng Filipinas ay lumampas na sa 100 milyong tao. Ang isang opsiyon ay gamitin ang elektronikong publikasyon at maglabas ng maraming ebook para madaling ma-download ng mga guro at estudyante, bagaman napakaliit ng bilang sa sarbey ng NBDB hinggil sa mga gumagamit ng ebook. Samantala, sa 200 sangay ng National Bookstore sa buong bansa, masuwerte nang magkaroon ng titulo ritong nasusulat sa Filipino, sapagkat ang promosyon ng mga aklat na ibinebenta rito ay pulos hango sa New Times Bestseller List, at sa ganitong pangyayari, ang pananaw at panlasa ng mga Filipino hinggil sa panitikan ay naididikta ng malalaking publikasyon mula sa New York. Ang Book Sale, na may 91 sangay sa buong kapuluan, ay pulos Ingles ang titulong ibinebenta at maituturing na ukay-ukay ng mga aklat na halos ibinabasura ng ibang bansa. At ang Pandayan Bookshop, na may 90 sangay, ang tanging nagbibigay-pag-asa sa mga lokal na awtor para maitanghal ang kani-kaniyang aklat at mabili.

Panahon na ngayon para ipaling ng EARIST ang seryosong tangkilik sa mga manunulat na naging bahagi nito. Kung nais nating makapagparami ng mga manunulat, kailangang magsimula ito sa EARIST na handang maglaan ng pondo, oras, tauhan, at pasilidad. Huwag kayong umasa sa mga manunulat na mula sa UP, AdMU, DLSU, at UST, sapagkat ang pagpapalago ng panitikang Filipino at wikang Filipino ay tungkulin ng bawat mamamayan, at hindi ng isang institusyon o organisasyon lámang. Ang pagpapalathala ng mga aklat (lalo na yaong nasusulat sa Filipino) ay dapat nasa target ng EARIST taon-taon, bukod sa pagbubukas ng pinto sa promosyon at distribusyon ng mga aklat tungo sa publiko. Ipupusta ko sa inyo na kung gagawin ito ng EARIST taon-taon, mapatataob nito—sa loob ng isa o dalawang dekada—ang ibang malalaking kolehiyo at unibersidad na walang tangkilik sa mga manunulat at sa publikasyon ng mga aklat pampanitikan, lalo yaong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika. Simula rin ito para makilala ang EARIST bilang Sentro ng Kahusayan sa Filipino at Edukasyon.

Maniwala tayo sa kapangyarihan ng panulat kahit maraming pinapaslang na manunulat sa ating panahon, at gaya sa maparikalang tulang tuluyan ng bantog na manunulat na si Augusto Monterroso ay maging Zorro nawa tayo sa hinaharap—na marangal, matapat sa sining na pinagsisilbihan. xxx

(Binasa sa pagdiriwang ng EARIST na may temang “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan,” na ginanap sa Manila Grand Opera Hotel noong 23 Nobyembre 2019.)

“Pangwakas na Talumpati ng Dakilang Diktador,” ni Charlie Chaplin

Salin ng talumpati mula sa pelikulang The Great Dictator (1940) ni Charlie Chaplin
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Pangwakas na Talumpati ng Dakilang Diktador

Paumanhin, ngunit hindi ko ibig maging emperador. Hindi ko gawain iyan. Hindi ko ibig mamunò o manakop ng sinuman. Dapat kong tulungan ang lahat hangga’t maaari—siya man ay Hudyo, Hentil, Itim o Puting lahi.

Nais nating tulungan ang bawat isa. Ang mga tao ay ganiyan. Nais nating mamúhay sa piling ng kaligayahan ng iba, imbes na sa pagdurusa nila. Ayaw nating mapoot at libakin ang ibang tao. Sa daigdig na ito, may puwang para sa sinumang nilalang at ang mabuting mundo ay mayaman at káyang magbigay nang sapat para sa sinuman. Ang paraan ng pamumuhay ay maaaring maging malaya at marikit, ngunit napalihis tayo ng landas.

Nilason ng kasakiman ang mga kaluluwa ng mga tao, at hinadlangan ng poot ang daigdig, at niyurakan tayo tungo sa paghihirap at pagpaslang. Napaunlad natin ang pagkamabilis, ngunit kusa nating ipininid ang sarili. Ang makinaryang naghatid sa atin ng kasagaaan ay lalong nagpasabik sa ating maghangad. Ang ating karunungan ay hinubog tayo upang maging siniko; ang ating katusuhan ay matigas at malupit. Labis tayong mag-isip ngunit salát sa pagdamá. Higit sa katusuhan ay kailangan nating maging mabuti at banayad. Kapag wala ang ganitong mga kalidad, ang búhay ay magiging marahas at maglalaho ang lahat.

Naging matalik tayo dahil sa eroplano at radyo. Ang ganitong uri ng mga imbensiyon ay humihimok para sa kabutihan sa tao, humihimok para sa unibersal na kapatiran, para sa pagkakaisa nating lahat. Kahit ngayon, ang aking tinig ay umaabot sa milyon-milyong tao sa buong daigdig—milyon-milyong nagdurusang lalaki, babae, at bata—mga biktima ng sistema na lumilikha sa mga tao na pahirapan at ibilanggo ang mga inosenteng tao.

Sa mga nakaririnig sa akin, ito ang masasabi ko: Huwag mawalan ng loob. Ang kahirapan na nasa atin ngayon ay sanhi ng nagdaraang kasakiman, ang kapaitan ng mga tao na nangatatakot sa paraan ng progreso ng tao. Ang poot ng mga tao ay lilipas, at mamamatay ang mga diktador, at ang kapangyarihang inagaw nila sa mga tao ay magbabalik sa mga tao. Hangga’t may nangamamatay na tao, ang kalayaan ay hindi mapapawi.

Mga kawal, huwag ninyong isuko ang inyong mga sarili sa mga hayop, sa mga tao na nililibak at inaalipin kayo, sa mga komontrol sa inyong mga búhay, at nagsasabi kung ano ang dapat ninyong gawin, kung ano ang dapat isipin, at kung ano ang dapat madama! Huwag ninyong isuko ang sarili sa mga dumidikdik sa inyo, sa mga nagpapakain sa inyo, at itinuturing kayong mga báka, at ginagamit kayong bála sa kanyon. Huwag ninyong isuko ang inyong mga sarili sa mga ganitong di-likas na tao—silang mga makinang tao na may makinang isip at makinang puso! Hindi kayo mga makina! Hindi kayo mga báka! Nasa inyong mga puso ang pag-ibig sa sangkatauhan. Hindi kayo napopoot, tanging ang hindi minahal ang napopoot, ang hindi minahal at ang hindi natural!

Mga kawal, huwag labanan ang kaalipnan! Labanan ang kalayaan!

Sa ikalabimpitong kabanata ng ebanghelyo ni San Lukas, nakasaad doon na ang kaharian ng Diyos ay nasa kalooban ng tao, hindi ng isang tao ni isang grupo ng mga tao, bagkus sa lahat ng tao! Nasa inyo! Kayong mga tao ang may kapangyarihan, ang kapangyarihang lumikha ng mga makina. Nasa inyo ang kapangrihang lumikha ng kaligayahan! Kayong mga tao ang may kapangyarihang gawing malaya at maganda ang búhay na ito, at gawin ang búhay na isang kagila-gilalas na paglalakbay.

Sa ngalan ng demokrasya, gamitin natin ang nasabing kapangyarihan, at magkaisa tayong lahat. Sabay-sabay tayong lumaban para sa bagong daigdig—isang disenteng daigdig na magbibigay ng pagkakataon sa mga tao na magtrabaho, at magbibigay ng kinabukasan sa mga kabataan at seguridad sa matatanda.

Sa pangangako sa ganitong mga bagay, ang mga hayop ay naluklok sa kapangyarihan. Ngunit nagsisinungaling sila! Hindi nila tinutupad ang kanilang pangako. At hindi tutuparin kailanman! Pinalalaya ng mga diktador ang kanilang mga sarili ngunit inaalipin ang mga tao. Makibaka tayo para matupad ang gayong pangako! Makibaka tayo para palayain ang daigdig—at buwagin ang mga pambansang hadlang—at talikdan ang kasakiman, at poot at intoleransiya. Makihamok tayo para makamit ng daigdig ang pagkamatwid—ang daigdig na ang agham at progreso ay magbubunga ng kasiyahan ng lahat ng tao.

Mga kawal, sa ngalan ng demokrasya, halina’t magkaisa!

Hannah, naririnig mo ba ako? Nasaan ka man, tumingala ka o Hannah. Naglalaho na ang mga ulap! Papasikat na ang araw! Sumisilang tayo mulang karimlan tungo sa kaliwanagan. Sumasapit tayo sa bagong daigdig—isang mabuting daigdig, na ang mga tao ay lalampasan ang kanilang poot, kasakiman, at karahasan. Tumingin ka, Hannah! Ang kaluluwa ng tao ay nagkabagwis, at sa wakas, siya ay nagsisimulang lumipad. Lumilipad siya tungo sa bahaghari, paloob sa liwanag ng pag-asa, paloob sa hinaharap, sa maningning na hinaharap na para sa iyo, para sa akin, at para sa ating lahat! Tumingin ka, Hannah. . . tumingin ka!

Wika ng Ekonomika

Wika ng Negosyo at Ekonomika

Ibig kong ipagpauna ang mataos na pasasalamat sa Bangko Sentral ng Pilipinas, at sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng matalik na kolaborasyon ito sa Komisyon sa Wikang Filipino para pag-usapan ang pananalapi at ekonomika sa pamamagitan ng wikang Filipino. Kung hindi marahil kina BSP Pangalawang Gobernador Diwa C. Guinigundo at PDIC Pangulo Cristina Q. Orbeta ay mabibigong maisulong ang forum na ito sa maringal na silid-pulungan ng BSP.

Ang teritoryo ng negosyo, kapag sinangguni ang mga pahayagan at magasin, ay banyaga sa mga karaniwang Filipino. Nasabi ko ito sapagkat ang mga awtoridad sa nasabing lárang ay tila kinakausap lámang ang mga tao sa kanilang sirkulo. Maihahalimbawa ang mga ulat sa Manila Bulletin (13 Nobyembre 2015), na matutunghayan ang mga salitang gaya ng “Financial Infrastructure Development Network” (FIDN), “Micro, Small and Medium Enterprise,” (MSME), “Inclusive Business Model,” “hard and soft infrastructure,” “Asian Infrastructure Investment Bank” (AIIB), “township and office space developer,” “Multilateral Development Bank,” “outsourced payroll services,” “Investment Priorities Plan, atbp. Bukod sa nabanggit, mababása sa Philippine Daily Inquirer (13 Nobyembre 2015), ang gaya ng “economic reforms,” “inclusive businesses,” “Return on Assets,” “core businesses,” atbp.

Nagiging banyaga, kung hindi man nakababato [i.e., boring], ang ganitong talakay sapagkat hindi naman talaga naipararating sa mayorya ng Filipino ang importansiya ng mga ito sa kanilang búhay. Maihahalimbawa ang winika ni Eriko Ishikawa ng International Finance Corporation ng World Bank, nang ipakahulugan niya ang salitang “inclusive business.” Aniya, “Inclusive Business [is] a private approach to providing goods, services, and livelihoods at a commercially viable basis that is scalable to people at the base of the pyramid by making them part of the value chain of companies or business as suppliers, distributors, retailers, or customers.” Hindi ko alam kung paano naunawaan ito ng kaniyang mga tagapakinig. Simple lamang naman ang kaniyang ibig ipahayag. Ang pribadong sektor ay maghahatid ng produkto, serbisyo, at kabuhayan sa abot-kayang halaga ng mga dukha, at para maganap ito ay dapat kasangkapanin sila bilang tagapagbenta kung hindi man mamimíli. Ang jargon ng WB kapag isinalin sa Filipino ay dapat magpalinaw kung anong mga patakarang pambansa ang marapat baguhin para sa kapakinabangan ng mga Filipino. Hindi matatagpuan ito sa mga pahayagan, at waring tagaibang planeta ang paliwanag ng Department of Trade and Industry.

May mga termino rin na kung ipapaliwanag sa Filipino ay higit na magiging makabuluhan. Halimbawa, ang “FIDN” na isang uri ng plataporma na pinagsasanib ang pribado at publikong sektor ay laan upang tulungan ang mga ekonomiya sa APEC. Layunin nito, saad ng PDI, na palawakin ang pagpapautang sa maliliit o katamtamang laki na kompanya “dahil nagmumula rito ang 60 porsiyento ng kabuuang empleo sa bansa.” Kung ang sinasabing maliliit o katamtamang laki na kompanya ang tumutulong nang malaki sa ating ekonomiya, bakit hindi maipaliwanag sa maraming Filipino ang FIDN sa wikang mauunawaan ng lahat? Mahihinuha rin dito na ang malalaking kompanya ay dambuhala lámang sa pangalan, ngunit sisiw pagsapit sa totoong búhay sapagkat kakaunti ang naitutulong nito sa ekonomiya sa kabuuan.

Sayang at hindi naaarok ng karaniwang mamamayan kung bakit may Multilateral Development Bank, na nilikha ng isang grupo ng mga bansa para magpautang at magbigay ng payo sa alinmang kliyente nito na ibig umunlad. Halimbawa, ano ba ang kaugnayan ng MDB sa ating mga impraestruktura, gaya ng tulay, kalsada, dam, paliparan, internet, satelayt, atbp? Sa ganitong konteksto, ang pahayagan ay hindi naman talaga nagpapaliwanag, bagkus nagbibigay lámang ng press release para sa isang negosyante o politiko. Maitatanong din kung ano ang naitutulong ng MDB upang maging matamo ng Filipinas ang likás-kayang pag-unlad [sustainable development].

Bakit ko binanggit ang mga ito? Ang pagtuturo ng pananalapi at ekonomika ay hindi nangangahulugang dapat manatili na lámang tayo sa dilim, at umasa sa alinmang boses na maririnig mula sa mga eksperto sa ekonomiya, ekonomika, at pinansiya. Kung ganito nang ganito ang magaganap, tinatanggalan natin ang sarili ng kakayahang makapag-isip sa sariling wika, at itinutulak ang mga mamamayan na maging pasibo dahil sa katangahan. Ang mga eksperto sa ekonomiya, ekonomika, at pinansiya ay malaki ang responsabilidad na makipag-ugnayan sa malawak na populasyon, sapagkat ang kanilang kliyente ay hindi lamang mayayaman, bagkus ang buong bayan.

Nabubuhay ang ekonomiya ng Filipinas dahil sa aktibong pakikilahok ng sektor ng serbisyo, ayon sa pinakabagong ulat ng Philippine Statistics Commission. At sa sektor na ito ay matatagpuan ang mga institusyon at indibidwal na handang umisip at kumilos sa malikhaing paraan upang umangat ang kabuhayan. Upang malikom ang puwersa ng sektor na ito, maimumungkahi ang paggamit ng Filipino bilang lingguwa prangka ng buong bansa. Ang gaya ng BSP at PDIC ay makikinabang nang malaki kung makikipag-ugnayan sa mga institusyong gaya ng KWF at iba pang organisasyong pangwika, sapagkat habang may nag-iisip sa panig ng ekonomiya, may isa pang panig na nag-iisip kung paano isasalin sa wika ng taumbayan ang mga saliksik o tuklas.

Nawa ang forum na ito ay simula lamang ng iba pang maiinit na talakayan ukol sa pananalapi at ekonomika sa pamamagitan ng wikang Filipino. Kung mailalahok natin ang malaking porsiyento ng populasyon hinggil sa usaping ekonomiko, naniniwala ako na magkakaroon muli ng bagong anyo ng EDSA People Power [Aklasang Bayan sa EDSA] sa hinaharap. Hindi na mangingiming makipagbayanihan ang bawat Filipino, dahil alam nito kung paano tumakbo ang isip ng mga eksperto, kung paano makikilahok ang isang tao o ahensiya, bukod sa batid at naisasaalang-alang ang pangangailangan ng mga Filipino.

Maraming salamat sa inyong pagdalo, at tangkilikin natin ang Filipino para sa kapakinabangan ng lahat ng Filipino saanmang panig ng mundo. [Talumpating binása ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa forum ukol sa Pananalapi at Ekonomika sa Wikang Filipino na ginanap sa silid-sanayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong nakaraang linggo.]

Pagpapanumbalik ng Demokrasya sa Pamamaraan ng Demokrasya

[Talumpati sa Ingles ni Pang. Corazón C. Aquino sa Pinagsanib na Sesyon ng Kapulungan ng Estados Unidos, Washington, D.C. Setyembre 18, 1986. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.]

TATLONG TAON NA ang nakararaan, nagdadalamhati akong lumisan sa Amerika upang ilibing ang aking kabiyak, si Ninoy Aquino. Akala ko’y umalis ako doon upang ilibing din nang ganap ang kaniyang di-makaling pangarap na kalayaan ng Filipinas. Ngayon, nagbabalik ako bilang pangulo ng malayang sambayanan.

Sa paglilibing kay Ninoy, dinarakila siya ng buong bansa. Sa magiting at mapagpaubayang pakikibakang magbigay ng karangalan, ang buong bansa ay nakabangon nang mag-isa. Ang bansang nawalan ng pananalig sa kinabukasan ay natagpuan yaon sa marahas at lantarang pagpaslang. Kaya sa pagbibigay ay nakatatanggap tayo; sa pagkawala ay nakatatagpo tayo; at mula sa pagkabigo ay nahablot natin ang tagumpay.

Para sa bansa, si Ninoy ang kaaya-ayang sakripisyo na tumugon sa mga panalangin nito hinggil sa kalayaan. Para sa akin at sa aking mga anak, si Ninoy ang mapagmahal na esposo at ama. Ang kaniyang pagkawala, nang tatlong ulit sa aming buhay, ay palaging malalim at makirot.

Ikalabing-apat na apat na taon ngayong buwan ang unang pagkakataon na nawala siya sa amin. Ang pangulong naghunos diktador, at nagtaksil sa kaniyang sinumpaang tungkulin, ay sinuspinde ang Saligang Batas at isinara ang Konggreso na parang gaya nito na isang karangalan ang magsalita. Ibinilanggo niya ang aking asawa kapiling ang ilang libo pang tao—mga senador, pabliser, at sinumang nagsalita para sa demokrasya—habang papalapit na ang wakas ng kaniyang pamamahala. Ngunit nakalaan para kay Ninoy ang mahaba at malupit na pagsubok. Batid ng diktador na si Ninoy ay hindi lamang katawan na makukulong bagkus diwaing dapat wasakin. Dahil kahit gibain nang isa-isa ng diktadura ang mga institusyon ng demokrasya—gaya ng press, Konggreso, independensiya ng hukuman, ang proteksiyon ng Talaan ng Karapatan—pinanatiling buháy ni Ninoy ang alab ng diwain nito.

Sinikap ng gobyerno na durugin si Ninoy sa pamamagitan ng panghihiya at paninindak. Ibinilibid siya sa maliit, halos walang hanging selda sa kampo militar sa hilaga. Hinubdan siya at binantaang ipabibitay pagsapit ng kalagitnaan ng gabi.  Pinanindigan lahat iyon ni Ninoy. At gayon din halos ang ginawa ko. Inilihim sa akin ng mga awtoridad kung ano ang nangyari sa kaniya sa loob ng apatnapu’t tatlong araw. Ito ang unang pagkakataon na nadama ko at ng aking mga anak na naglaho na siya.

Nang hindi nagtagumpay ang gayong paraan, nilitis siya sa salang subersiyon, pagpatay, at iba pang krimen sa harap ng komisyong militar. Hinamon ni Ninoy ang awtoridad nito at siya’y nag-ayuno. Kung makaliligtas siya doon, pakiwari niya, ang Diyos ay may nakalaang ibang tadhana sa kaniya. Muling nawala si Ninoy sa amin. Dahil walang makapipigil sa kaniyang sigasig na mag-ayuno hanggang wakas, huminto lamang siya nang mabatid na pananatilihin ng gobyerno ang kaniyang katawan makalipas na sirain ng pag-aayuno ang utak. Lupaypay ang katawan na halos walang búhay, winakasan ni Ninoy ang kaniyang pag-aayuno sa ikaapatnapung araw. May inilaan ang Diyos sa kaniya na ibang bagay, ramdam ni Ninoy. Hindi niya alam na ang maagang kamatayan ay siya ring magiging tadhana niya, dangan lamang at hindi pa panahon.

Sa alinmang sandali ng kaniyang mahabang pagsubok, maaari na sanang makipagkasundo si Ninoy sa diktadura, gaya ng ginawa ng marami niyang kababayan. Ngunit ang diwa ng demokrasya na nananalaytay sa aming lahi at nagpapasigla ng kamarang ito ay hindi mahahayaang maupos. Pinanindigan niya, sa kabila ng galimgím ng kaniyang selda at kabiguan ng destiyero, ang demokratikong alternatibo sa hindi mapigil na kasakiman at salát-sa-katwirang kalupitan ng kanan at sa mala-holokawstong pagpupurga ng kaliwa.

Pagkaraan, naglaho siya sa amin nang ganap at higit na masakit kaysa noon. Sumapit sa amin sa Boston ang balita. Iyon ay pagkaraan ng tatlong masasayang taon ng aming pagsasama. Ngunit ang kaniyang kamatayan ay resureksiyon ng tapang at pananampalatayang magpapalaya sa aming bayan. Itinuring na walang kuwenta ng diktador si Ninoy. Dalawang milyong tao ang bumasag ng kanilang pananahimik at nagmartsa tungo sa libingan niya. At doon nagsimula ang rebolusyon na naghatid sa akin sa pinakatanyag na tahanan ng demokrasya, ang Konggreso ng Estados Unidos.

Nakasalalay sa aking mga balikat ngayon ang tungkuling ipagpatuloy ang paghahain ng demokratikong alternatibo sa aming sambayanan.

Winika ni Archibald Macleish na dapat ipagtanggol ang demokrasya sa pamamagitan ng sandata kapag tinapatan ng sandata, at sa pamamagitan ng katotohanan kapag  tinapatan ng kasinungalingan. Nabigo niyang banggitin kung paano iyon ipapanalo.

Naniniwala ako sa ipinaglalaban ni Ninoy na dapat ipanalo iyon sa mga pamamaraan ng demokrasya. Naghintay akong makalahok noong halalan 1984 na inihayag ng diktadura, kahit alam kong dadayain iyon. Nagbabala sa akin ang mga abogado ng oposisyon sa panganib na maging lehitimo ang resulta ng halalang malinaw na dadayain. Ngunit hindi ako nakikipaglaban para sa mga abogado bagkus para sa mga mamamayang ang talino’y pinanaligan ko. Sa pagsasagawa ng demokrasya kahit nasa ilalim ng diktadura’y maihahanda sila sa demokrasya kapag sumapit ito. Ito rin ang tanging paraan na alam kong masusukat namin ang kapangyarihan kahit sa mga bagay na idinidikta ng diktadura.

Itinaguyod ako ng mga tao sa halalang hitik sa karahasan at pandaraya ng gobyerno. Nagwagi ang oposisyon sa mga halalan, lumikom ng malinaw na mayorya ng mga boto, bagaman ang natamo nila—salamat na lamang sa tiwaling Komisyon sa Halalan—ay halos sangkatlo lamang ng mga puwesto sa batasan. Ngayon, alam ko na ang aming kapangyarihan.

Noong nakaraang taon, nanawagan ng biglaang halalan ang diktadura bilang pagpapamalas ng labis na kapaluan. Tumangô ang bayan. Sa bisa ng mahigit isang milyong lagda, iniluklok nila ako na hamunin ang diktadura. At sinunod ko ang mithi nila. Ang sumunod ay kasaysayang nabuksan nang dramatiko sa inyong telebisyon at sa mga pambungad na pahina ng inyong mga pahayagan.

Nakita ninyo ang bansa, na armado ng giting at integridad, na mariing nanindigan sa demokrasya laban sa mga bantâ at korupsiyon. Nasaksihan ninyo ang mga babaeng tagapagbantay ng halalan na nagsitangis nang manloob ang mga armadong maton upang hablutin ang mga balota, ngunit itinali ng mga babae ang kanilang mga kamay sa mga kahon ng balota. Namalas ninyo ang mga tao na nagtaya sa mga pamamaraan ng demokrasya at handa nilang ihandog ang buhay para sa mababa nitong katumbas. Sa pagwawakas ng araw, bago pa sumapit ang bagong agos ng pandaraya na makapagpapabaligtad ng mga resulta, inihayag ko ang tagumpay ng bayan.

Inilarawan ng iginagalang na kawaksing pinuno ng pangkat tagapagsubaybay ng Estados Unidos sa kaniyang ulat sa inyong Pangulo ang nasabing tagumpay:

“Saksi ako sa pambihirang pagpapamalas ng demokrasya sa panig ng sambayanang Filipino. Ang ultimong resulta ay ang pagkakahalal kay Gng. Corazon C. Aquino bilang Pangulo at kay G. Salvador Laurel bilang Ikalawang Pangulo ng Republika ng Filipinas.”

Marami sa inyo na narito ngayon ang gumanap ng papel sa pagpapanibago ng patakaran ng inyong bansa hinggil sa aming bansa. Kami, ang mga Filipino, ay nagpapasalamat sa inyo sa ginawa ninyo: na sa pagtitimbang ng estratehikong interes ng Amerika laban sa mga usaping pantao ay maliliwanagan ang Amerikanong bisyon sa daigdig.

Nang ihayag ng sunod-sunurang batasan ang tagumpay ng aking kalaban, nagsilabasan sa mga kalye ang mga tao at inihayag na ako ang Pangulo nila. At tapat sa kanilang winika, nang ang iilang pinuno ng militar ay naghayag ng pagsalungat sa diktadura, ang mga tao’y nagbayanihan upang pangalagaan sila. Totoong kinakalinga ng mga tao ang kaisa nila. Sa gayong pananalig at pananagutang taglay nito nanungkulan ako bilang pangulo.

Isinantabi ng nauna sa akin ang demokrasya upang iligtas umano ito sa komunistang pag-aaklas na hindi lalabis sa 500 tao. Masigasig niyang nilabag ang mga karapatang pantao at ni hindi inalintana ang paggalang dito. Nang tumakas ang diktador palayo, ang armadong pakikibaka ay lumago sa 16,000. Wari ko’y may leksiyon dito na dapat matutuhan hinggil sa pagsisikap na supilin ang isang bagay sa pamamagitan ng mga pamamaraang magpapalago rito.

Walang tao sa aking palagay, sa loob man o labas ng bansa, na may malasakit sa demokratiko at bukás na Filipinas, ang magdududa sa mga dapat isagawa. Sa pamamagitan ng mga pagkukusang pampolitika at lokal na programang pagtanggap ng mga tao mula sa armadong pakikibaka, kailangan nating pababain ang mga maghihimagsik pababa sa mga buról at, sa bisa ng pangkabuhayang progreso at katarungan, ay maipakita sa kanila ang lantay na layuning ipinaglalaban nila.

Bilang Pangulo, hindi ako magtataksil sa simulain ng kapayapaang nagluklok sa akin sa kapangyarihan. Gayundin, at walang sinumang kapanalig ng demokrasyang Filipino ang mapasusubalian ito, hindi ko palalampasin at pababayaan ang pamunuan ng maghihimagsik na talikdan ang aming handog na kapayapaan at paslangin ang aming kabataang kawal, at magbanta sa aming bagong kalayaan.

Kailangan ko pa ring maghanap ng landas ng kapayapaan sa sukdulang paraan dahil ang wakas nito, anuman ang kabiguang masalubong, ang magiging batayang moral para sa pagpapalaganap ng kapayapaan at pagsusulong ng digmaan. At kung sumapit sa gayong yugto, hindi ako matatakot sa landas na iginiit ng inyong dakilang tagapagpalaya: “Walang malisya sa sinuman, may pagkalinga para sa lahat, at may katatagan sa mga karapatan, gaya ng mga ibinigay na karapatan ng Maykapal, tapusin natin ang trabahong nasa atin, bendahan ang mga sugat ng bansa, kalingain ang sinumang sumabak sa digmaan, at para sa kaniyang balo at mga ulila, ay gawin ang lahat ng matatamo at pahalagahan ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa atin at sa lahat ng bansa.”

Gaya ni Lincoln, nauunawaan kong kinakailangan ang puwersa bago ang kapatawaran. Gaya ni Lincoln, hindi ko iyon gusto. Gayunman ay gagawin ko ang dapat gawin upang ipagtanggol ang integridad at kalayaan ng aking bansa.

At pangwakas, hayaang dumako ako sa iba pang kaalipnan: ang aming $26 bilyong utang panlabas. Sinabi ko noon na kikilalanin namin ito. Ngunit ang mga pamamaraan ba para magawa iyon ay ipagkakait sa amin? Maraming kondisyon na ipinataw sa nakaraang gobyerno na nagnakaw ng inutang ang patuloy na ipinapataw sa aming hindi nakinabang dito. At walang tulong o liberalidad na katumbas ng kalamidad na ibinigay sa amin ang pinalawig. Gayunman, ang amin ang pinakamatipid na rebolusyon marahil.  Kaming mga Filipino, na kakaunti ang tulong na nasagap sa ibang bansa, ang tumupad ng una at pinakamahirap na kondisyon  sa negosasyon ng utang: ang pagpapanumbalik ng demokrasya at responsableng gobyerno. Sa ibang pook, at sa ibang panahon na higit na mahigpit ang mga pandaigdigang ekonomikong kondisyon, ang mga planong Marshall at kauri nito ang naisip na mahalagang kasama sa pagpapanumbalik ng demokrasya.

Nang makaharap ko si Pang. Reagan kahapon, nagsimula kami ng mahalagang diyalogo hinggil sa kooperasyon at pagpapalakas ng pagkakaibigan sa panig ng dalawang bansa. Ang naturang pulong ang kapuwa kumpirmasyon at bagong simula, at dapat mauwi sa mga positibong resulta sa lahat ng panig ng pangkalahatang usapin.

Hinaharap namin ngayon ang mithi ng sambayanang dumanas ng labis na kahirapan at matinding kawalan ng trabaho sa loob ng labing-apat na taon, ngunit inialay pa rin ang kani-kanilang buhay para sa malabong demokrasya. Tuwing nangangampanya ako sa mga pook maralita o liblib na nayon, lumalapit ang mga tao sa akin at sumisigaw ng demokrasya. Hindi trabaho, bagaman tiyak na nais nila iyon, bagkus demokrasya. Hindi salapi, dahil ibinigay nila sa akin ang anumang munti nilang naipon para sa kampanya. Hindi nila ako inasahang magbibigay ng himala na magpapalitaw ng pagkain, damit, edukasyon sa kanilang mga anak, at trabahong maglalaan ng dignidad sa kanilang buhay. Subalit nararamdaman ko ang pananagutang kumilos nang mabilis bilang pinuno ng mga tao na karapat-dapat matamo ang mga bagay na ito.

Hinaharap namin ang armadong pakikibaka ng komunista na lumulusog sa pagguho ng kabuhayan, kahit nakikibahagi kami sa mga tanggulan ng malalayang daigdig sa Pasipiko. Ito ang tanging dalawang pasaning dinadala ng aking mga kababayan habang sinisikap nilang magtatag ng karapat-dapat at matibay na tahanan para sa kanilang bagong demokrasya, na makapagsisilbi ring tanggulan para sa kalayaan ng Asya. Gayunman, hindi pa natatapos maglatag ng bato ay dalawa naman ang tinatangay palayo. Kalahati ng aming kita sa pagluluwas, na tinatayang $2 sa $4 bilyong dolyar, ang tanging naiipon namin sa labis na mahigpit na merkado ng daigdig, at ibinabalik pa upang bayaran ang interes ng utang na ang benepisyo ay hindi natatanggap ng mga tao.

Lumaban kami nang matamo ang dangal, at kahit man lang sa dangal, handa kaming magbayad. Ngunit dapat pa ba nating pigain ang pambayad mula sa pawis sa mukha ng aming kababayan at ilubog ang lahat ng kayamanang natipon ng tagapanagot na dalawang daan at limampung taon kumayod nang dibdiban?

Sa lahat ng Amerikano, bilang pinuno ng marangal at malayang bansa, ipinupukol ko ang tanong na ito: Mayroon bang hihigit sa pagsubok ng pambansang pagtataya sa mga mithi na inyong pinahahalagahan kaysa sa dinanas ng aking mga kababayan? Gumugol kayo ng maraming buhay at maraming yaman upang maghatid ng kalayaan sa maraming lupain na pawang bantulot tanggapin yaon. At dito ay may sambayanang nagwagi nang mag-isa at kailangan lamang ang tulong upang mapanatili ang natamo.

Tatlong taon na ang nakalilipas ay sinabi kong Salamat, Amerika, para sa kanlungan ng inaapi, at sa tahanang ibinigay mo kay Ninoy, sa akin at sa aking mga anak, at para sa tatlong masayang taon naming pinagsamahan. Ngayon, sinasabi kong, samahan ninyo kami, Amerika, habang itinitindig namin ang bagong tahanan para sa demokrasya, ang bagong kanlungan para sa inaapi, upang makatindig ito bilang kumikinang na testamento ng ating dalawang bansang nagtataya sa kalayaan.

Mensahe sa Ika-75 Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino

Kahanga-hanga ang makaabot sa ikapitumpu’t limang taon, at ang Komisyon sa Wikang Filipino ay masasabing nasa edad na tigulang na. Kapag sinabing “tigulang,” inaasahan na ang nabanggit na institusyon ay nasa yugto ng abanseng pagtanaw, pagganap, at pag-iral na sapat para makapag-ambag ng makabuluhang bagay sa lipunan.

Ngunit ang edad ay hindi magtitiyak na ang lahat ng ginagawa ng KWF ay ayon sa inaasahan ng lahat, o kaya’y batay sa orihinal na simulain ng mga pundador nito. May tumatanda nang paurong. May nagmumurang kamatis. At may bumabalik sa edad ng kamusmusan. Ang edad at ang pagganap ng tungkol ay magkaibang teritoryo, at maraming salik ang makaaapekto sa pagganap na maaaring mabigong makahabol o makaangkop sa panahon na nagpapahiwatig ng paglawak ng karanasan at karunungan.

Hinuhubog tayo ng ating kultura kung paano tatanawin ang pagtanda. Tinatakot tayo kung minsan ng midya laban sa uban, bilbil, at rayuma para maging katwiran si Dr. Vicky Belo at maniwala sa biro ni Dolphy. Ang KWF, halimbawa, ay inaasahan na higit na abanse sa larangan ng wika at pananaliksik; ngunit paano kung sa pagtanda ay magbawa ang apoy ng sigasig sa pananaliksik? Kung nagkulang, kung hindi man nabigo, ang KWF sa dapat sanang tungkulin nito, may magagawa pa ba tayo upang ito’y maituwid?

Mayrooon. Ngunit gaya ng dapat asahan, ang pagtutuwid ay dumaraan sa yugto ng pagbibinyag sa apoy at simbolikong paghuhunos ng sarili. Hindi malulutas ang mga kakulangan kung mananahimik ang bawat isa, kung pababayaan ang mga pagmamalabis ng ilang kawani o opisyal sa ilang pagkakataon at magkikibit-balikat lamang para iligtas ang sarili. Kinakailangan ang magsalita at magtaya, at ang magsalita ay dapat isagawa dahil karapatang pantao ito na hindi kailanman masasagkaan.

Ang pagdiriwang ng anumang okasyon ay naghahatid sa atin na balikan ang nakaraan, gaano man kapait o katamis, upang mapahusay ang estado ng kasalukuyan at maihanda ang kinabukasan. Sa pagbabalik sa nakaraan, kinakailangan ang mga aklat at iba pang lathalain, bukod sa abanseng aklatan at matalinong pagbasa ng kasaysayan; subalit higit pa rito, kailangang ingatan natin at itala ang mga personal na karanasan na kayang lumampas sa hanggahan ng personal para umabot sa saklaw na panlipunan. Bakit? Sapagkat malaki ang maitutulong nito upang maitumpak ang kinathang katotohanan ng nakalipas na panahon.

Mula sa araw na ito’y may isang pangyayari ang inaasahan kong babago sa dating nakagawian sa KWF. Nagkaroon sa unang pagkakataon ang KWF ng isang diksiyonaryong computer database na nasa wikang Filipino. Dapat itong ipagmalaki ninuman, dahil tinalo natin, sa kabila ng limitadong badyet, ang ibang pambansa o pribadong institusyon, at lumikha tayo ng isang imbakang elektroniko na kung ipagpapatuloy na pagyamanin ay pagkakakitahan nang malaki ng buong tanggapan. Ngunit higit pa sa salapi, ang database ay nagsusulong ng modernisasyon ng KWF. Hinahamon tayo nito na pumaloob sa makabagong daigdig ng teknolohiya, na maiuugnay sa wika at literatura at iba pang larang, para sa ganap na paglago ng Filipino at iba pang wikang lalawiganin.

Ngayong araw na ito’y huwag nating kalilimutan ang bisyon ng KWF: na kasangkapanin ang Filipino para sa pambansang kaunlaran habang isinasaalang-alang ang matatatag na mamamayan. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino para isahan, lokohin o kutyain ang kapuwa Filipino. Huwag nating gamitin ang Filipino para magpalaganap ng kabalbalan, katangahan, at baluktot na impormasyon. Gamitin natin nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki ang Filipino nang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan,gaya ng winika noonnina Dr. Bonifacio Sibayan, Bro. Andrew Gonzalez, at Sen. Blas F. Ople.

Pasalamatan natin ang mga organisador ng pagtitipong ito sa pangunguna ng itinatangi kong si Dr. Leticia Macaraeg (na dapat pagpugayan sa laki ng ambag sa KWF), kapiling ang kaniyang buong sangay. Ngunit dapat kong banggitin ang lahat ng kawani ng KWF, mula sa pinakamababa hanggang pinakamataas, dahil kung hindi dahil sa kanila ay walang aandar na makinarya na sinusuhayan ng kolektibong isip para sa wika. Mabuhay ang Komisyon sa Wikang Filipino, at isang karangalan ang makapagsalita sa piling ninyo.

[Binasa ng Direktor Heneral sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino na ginanap sa City State Hotel, Ermita, Maynila.]

ABAKADA at Sining

Lumalawak ang pagtanaw sa sining, kahit malimit nagiging esklusibo ito sa malalamig na silid. Gaya ng matutunghayan ngayon, ang mga obra maestra ay lumalapit sa publiko imbes na kabaligtaran ang maganap. Humahabol ang sining sa mga tao, na parang ang sining ay bukod na diskursong abanse sa diskursong dating batid ng publiko. Ang naturang sining, itanghal man sa orihinal o reproduksiyon, at gamitan ng samot-saring midyum at pamamaraan, ay naitatakda ang pamantayan ng estetikang kaugnay ng pambihirang kaisipan at sensibilidad sa isang tiyak na panahon—na pagkaraan ay magiging kumbensiyon ng pagkaunawa sa “totoo, mabuti, maganda.”

Kapag sumapit at lumaganap ang kumbensiyon ng paglikha, ang mga alagad ng sining ay maaaring mabagabag kung hindi man mayamot, hanggang madama nila ang paghihimagsik, sa walang kalatoy-latoy na kaligiran. Kailangan nilang isapuso ang mga mata ng pinya, at tumanaw sa anggulong magsisilang ng kahanga-hangang larawan ang sinag, dilim, kislot, at kurap. Muli silang magpapanukala ng bagong pamantayan, gagambalain ang estado at galeríya, at kumbaga sa kusinero’y mag-iisip ng kakatwa kung hindi man sariwang panlasa na makagigitla sa publiko’t patrong nagsawa na sa resiping mabilisan at komersiyal.

Lumalampas sa sinaunang alpabetong Tagalog ang sining, sapagkat ang dakilang akda o obra ay tumatangging maikahon sa kategoríya. Bagaman sa unang malas ay maiisip na katumbas ng A ang dibuho ng pintor, at katumbas ng B ang ukit sa kahoy ng eskultor, o katumbas ng S ang indak ng mananayaw at katha ng manunulat, ang sining ay hindi magwawakas sa Y dahil ang sining, kapag natunton ang sukdulan nito, ay likás na tumatalam at kumbaga sa agimat ay nagbabalik sa pagiging karaniwan. Ang sining ay posibleng magpanukala ng titik O na walang simula o wakas, o kaya’y Z na sumusuway sa tuwid na landas at katwiran.

Ang alpabetong Filipino, o ang pinagbatayan nito, ang Tagalog, ay maituturing din na sining ng kapuluan na sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng natatanging dalumat, gamit, at rikit na maipagmamalaki nating mga Filipino. Sinabi kong sining dahil malikhaing ginagamit ito mulang pagpapangalan ng bagyo at sanggol hanggang pagtatakda ng direktoryo ng telepono at indeks ng mga paksa. Ngunit higit pa rito, ang alpabeto ay bumubuo sa kasaysayan ng ating karanasan at guniguni, at nagiging epektibo hangga’t walang sawa tayo sa pag-imbento ng mga salita, pahiwatig, at pakahulugan. Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na itinatag sa bisa ng Saligang Batas 1987 at Batas Republika Blg. 7104, ay nagsisikap ngayong likumin ang mga taal na salita sa iba’t ibang rehiyon at nang maitala ang mga ito para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon. Sinisikap ding paunlarin ng KWF ang ortograpiyang Filipino, at ortograpiya ng iba pang wikang panrehiyon, na pawang magiging gabay ng mga Filipino sa pagsulat at pagkatha.

Mayaman ang imbakan ng mga salita ng Filipino, at patutunayan ito ng iba’t ibang diksiyonaryo, tumbasan, at tesawro na pawang nalikha at patuloy na nililikha magpahangga ngayon. Mula sa mga salita ay naitataguyod ang pamayanan at merkado; natatawid ang mga sagabal sa dagat at bundok; natutuklas ang mga gamot sa sakit at ugat ng langis; naitatatag ang nasyon at napaguguho ang imperyo; at nasisilayan ang galaktikong kural ng mga hayop sa himpapawid. Nasa ating wika ang sining, ngunit dahil madalas tayong nakikinig sa tibok ng banyaga ay natitiwalag tayo kahit sa sariling konsepto ng ating paglikha sa diyos bilang tao at Filipino.

Tangkilikin natin ang sining na likha ng mga Filipino, na ngayon ay itinatanghal ng Metropolitan Museum of Manila sa SM Megamall, at magsimula tayo sa pagbasa ng ABAKADA ng Sining. Tiyak kong masasanay tayo at masasabik habang lumalaon sa pagtunghay, at ang kasabikang ito ay inaasahan kong magdudulot ng ibayong hámon at sigasig sa ating lahat upang lumikha ng kagila-gilalas na epiko ng pambansang sining—na maipagmamalaki saanmang dako ng mundo.

(Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa pagbubukas ng “ABAKADA ng Sining: The Alphabet of Art in the MET Collection,” noong 21 Setyembre 2011, sa Atrium, SM Megamall, Mandaluyong City.)

Plahiyo at Mukha

May leksiyong mahuhugot sa nakaraang alingasngas na kinasangkutan ng bilyonaryong si Manuel V. Pangilinan, na may kaugnayan sa plahiyo. At ito ang pagiging matapat sa sinasabi, at ang pagsipi nang maayos sa diwain ng iba, at ang pagtataglay ng mukha na inihaharap sa madla. Ang kakatwa, may bahagi ng talumpati si MVP hinggil sa kaniyang karanasan sa pangongopya sa pagsusulit doon sa San Beda, na pinilit siya ng awtoridad na banggitin ang kaniyang mga kakutsaba ngunit tumanggi, at binawi sa kaniya ang karangalang dapat tamuhin ng estudyanteng masikap sa pag-aaral. Parang napanood ko na ito sa pelikula, bagaman naiba nang kaunti sa tunay na buhay.

Kahanga-hanga ang pagpapakumbaba ni MVP, na umako ng kasalanan at hindi na idinamay pa ang dalawang estudyanteng katuwang niya sa pagsulat ng talumpati. “Wala talaga akong ihaharap na mukha pagkatapos,” ang nawika niya sa sulat kay Fr. Bienvenido Nebres.

Mahalaga ang “mukha” para sa mga Filipino. Ang “mukha” ay kaugnay ng dangal, tiwala, at kalooban. May “mukha” na inihaharap sa matatalik na kaanak o kaibigan, at iba ang “mukha” na inihaharap sa publiko. Kapag ang mukha ay nadungisan, para nang winasak ang pagkatao at puri ng sinumang tao. Sa ibang pagkakataon, ang pagkawala ng mukha ay katumbas ng pagpapatiwakal; at sa iba, maihahalintulad sa habambuhay na batik na malilinis lamang sa paggawa ng pambihirang kabutihan sa bayan. Samantala, may ibang “makakapal” ang mukha, na ang ibig sabihin ay gagawin ang lahat makaungos lamang sa kapuwa.

Kung babalikan ang talumpati ni MVP, maiikling sipi lamang naman ang hinugot sa mga talumpati nina Barack Obama, Oprah Winfrey, Conan O’Brien, at J.K. Rowling. Maiikli ngunit sapat na ang mga ito para maibunyag ang pagmamalabis at katamaran, at pag-angkin ng mga diwain at salita ng iba. Kung napaghandaan ang talumpati, higit na makulay ang sariling karanasan ni MVP bilang negosyante at pilantropo na kinakailangan lamang lapatan ng katumbas na mga salitang kaugnay ng katapatan. De-kahon ang pag-uulit hinggil sa kabiguang pinaghunos na tagumpay; higit na magiging kapana-panabik, halimbawa, kung paano maaabot ang tagumpay sa pagtapak sa balikat ng iba o pagsuot sa shortcut para makaharurot nang mabilis.

Natural na malungkot si MVP dahil nagkataong binigyan siya ng doktorado ng Pamantasang Ateneo de Manila na maituturing na kagalang-galang na institusyon sa larangan ng edukasyon. At ang masaklap, ang dalawang estudyanteng naging katuwang niya ang pataksil na gumawa ng pangongopya para mapadali ang asignatura. Mapalulusot na bata pa sila; ngunit kung gayong kabata’y palulusutin na, ano pa ang magiging kinabukasan ng bansang pinababayaan ang katiwalian?

Sa aking palagay ay hindi madali ang paghahanap ng mga manunulat na bumubuo ng talumpati at nasa likod ng isang personalidad. Hindi lamang talino at kadalubhasaan ang kailangan, bagkus tiwala at malasakit para sa tao na kanilang pinagsisilbihan. Ang pangulo, halimbawa, ay maaaring magkaroon ng anim o sampung manunulat, bukod sa mga mananaliksik, at ang mga sinulat nila ay masinop na paglalangkapin ng isa o dalawang editor. Mapapansin ito tuwing magtatalumpati ang pangulo sa pagbubukas ng batasan, at ang kaniyang wika ay nabubudburan ng elegante at balbal, ng Ingles at Filipino, at kung minsan ay mga siping sinadya para hingin ang palakpak ng taumbayan. Maiiba nang kaunti si Pang. Ferdinand Marcos, dahil kahit mahuhusay ang kaniyang lihim na manunulat ay iginigiit niya ang pananaw na parang isa ring propesyonal na manunulat.

Panahon ngayon ng mga makinang panghanap [seach engines], kaya napakabilis mapasakamay ang samot-saring impormasyon. Gayunman, kaugnay niyon ang pagmamadali, at maraming manunulat ang pinalalampas ang tumpak na pagsipi para makaraos agad sa dedlayn, at magmukhang kahanga-hanga sa madlang haharapin nila. Ang ginawang pagsipi ng mga manunulat ni MVP ay kalakaran ng maraming estudyante at di-iilang guro, at masakit mang sabihin ay umiiral magpahangga ngayon. Bumuklat ng teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, at mapapansin ang mga kinopyang bahagi ng akda.

Kung nais ni MVP na maibalik ang kaniyang mukha, maimumungkahi kong magbigay siya ng pondo na laan sa pagpapahusay sa pagsusulat, pananaliksik, panitikan, at paglinang ng mga wika. Hindi lamang pagkakamal ng salapi ang ikabubuhay ng tao, bagkus pagkakamal din ng karunungang may dangal at may kaugnayan sa pagsasatitik ng isip at kalooban. Kailangang maturuan muli ang mga kabataan ng tamang pagkatha, at paglikha ng mga orihinal na diwaing maipagmamalaki hindi lamang ng Ateneo bagkus ng lahat ng mamamayang Filipino.

Ang Talumpati ni Sen. Panfilo M. Lacson

Isa sa mga pribilehiyo ng pagiging senador ay ang pagkakaroon ng pagkakataong makapagtalumpati na maaaring may kaugnayan sa pagpapasa ng batas, pagmumungkahing hakbang sa mga panukala o imbestigasyon, at sa mga sukdulang sandali, ay tuligsain ang sinumang tao o institusyong ipinapalagay na baluktot ang pagkilos alinsunod sa itinatadhana ng batas at moralidad.

Binasa ko nang maigi ang talumpati ni Sen. Panfilo M. Lacson laban kay dating Pang. Joseph Ejercito Estrada, at napangiwi ako sa inasal ng butihing senador. Pinamagatang “Dalawang Mukha ng Sining” (Setyembre 14, 2009), ang talumpati ay gumamit ng pahiwatig ng “sining” sa negatibo nitong pagpapakahulugan, at humahangga sa pag-uyam kay Estrada bilang pinakamasamang pangulo ng bansa. Mailalatag sa sumusunod ang ilang katangian ng naturang talumpati:

Una, magandang halimbawa ang talumpati ni Lacson kung paano pumukol ng putik sa kalaban, kahit walang matibay na ebidensiya, samantalang pailalim na pinupuri ang sarili sa kabutihang ginawa bilang alagad ng batas.

Ikalawa, mabuting halimbawa ang talumpati ni Lacson kung paano gumamit ng lihis na lohika sa pagpapalusot, gaya ng pagkasangkapan sa pagsira ng puri at pangalan ng pangulo, upang mapalitaw ang sarili na malinis at katanggap-tanggap sa harap ng taumbayan.

Ikatlo, natatanging halimbawa ang talumpati ni Lacson kung paano maging bulagsak sa pagsulat, at kabilang na rito ang pagbanggit nang pahapyaw ng kung ano-anong isyu na parang ang kaniyang salita lamang ang dapat paniwalaan at siyang dapat pakinggan ng taumbayan.

Ikaapat, mahaba ang introduksiyon ng talumpati, at ang pagsipi sa sinulat ni Elbert Green Hubbard ay mahihinuhang pangangatwiran at palusot ni Lacson sa pagsunod bilang kawal at opisyal ng pulisya sa kaniyang pangulo. Ginagamit ng mga sundalo ang naturang berso, at ipinasasaulo sa kanila ng awtoridad, karaniwan sa mga pagsasanay-militar. Ngunit kung ang gayong karupok na berso lamang ang gagamiting palusot ni Lacson, mahihinuhang de-kahong mag-isip ang senador, dahil handa siyang manahimik para isalba ang posisyon at walang kapasidad na yanigin ang establisimyento.

Ikalima, maitatangi naman ang pagwawakas ng talumpati, dahil naglista lamang ng mga tanong ang butihing senador, ngunit ang mga tanong na ito ay hindi humihingi ng mga sagot bagkus nagpapahiwatig ng “kasalanan” umano ng pangulo niyang si Estrada. Kung ang mga tanong ay sisipating paraan ng paglalagom, masaklap na paglalagom iyon na hindi dapat ulitin ng mga estudyante ng kasalukuyang panahon.

Payak lamang naman ang nilalaman ni Lacson. Kabilang dito ang pagbanggit sa huweteng, kidnaping, ismagling, panghihimasok kay Alfonso Yuchengco, pamomolitika sa paghirang ng mga heneral, at tandisang pakikialam sa “mga antas ng buong burukrasya ng pamahalaan, kabilang na ang PNP at PAOCTF” sa pamamagitan ng direktang pag-uutos at instruksiyon.

Kung paniniwalaan si Lacson, ang ginagawa umano ni Estrada ay paimbabaw lamang, lalo sa usapin ng huweteng. Nilabanan umano ni Lacson ang huweteng na naging sanhi para magalit umano sa kaniya ang mga lokal na opisyal, ngunit tinanggalan naman siya ng awtoridad ni Estrada na patawan ng parusa ang sinumang pulis na sangkot sa huweteng. Sinuhulan umano si Lacson noong hepe siya ng pulisya ngunit tumangging tumanggap ng suhol at sa halip ay napunta umano ang suhol kay Estrada. Ang problema, ang tagapagpatunay ng pahayag ni Lacson ay si Chavit Singson, na bantog na sugarol at dating umaming promotor ng huweteng sa kaniyang lalawigan. Ang nakapagtataka ay kung bakit hindi nagbitiw si Lacson sa tungkulin. Kung alam niya pala na ganito ang pamamahala ng pangulo, si Lacson ay maituturing na kakutsaba sa maiitim na pakana.

Nilutas umano nang mabilis ni Lacson ang kidnap for ransom na naging zero noong hepe siya ng PACC (Presidential Anti-Crime Commission), at kung aarukin ang kaniyang pahiwatig ay utang ni Estrada kay Lacson ang kaniyang pangkapangulo. Ito ay dahil napigil daw ang malawakang pandaraya sa eleksiyon noong 1998. Sa gayong tindig, parang ang kasikatan ni Estrada ay nakasalalay kay Lacson, at walang identidad si Estrada (i.e., na walang inatupag kundi maghintay sa pagkapangulo) para hulihin ang guniguni ng taumbayan. Mapanlahat ito, at hindi naisaalang-alang ang buong karera ni Estrada bilang opisyal ng pamahalaan. Hinggil naman sa pandaraya sa eleksiyon, hindi ipinaliwanag ni Lacson ang paraang ginawa nila upang pigilan ang pandaraya, gaya sa “dagdag-bawas,” at maituturing lamang iyon na pagpuri sa sarili sa ginawang paglilibot sa buong Filipinas upang kausapin ang mga pinuno ng pulisya at sandatahang lakas.

Nasabat daw ng tropa ni Lacson sa adwana ang mga ipinuslit na bigas at binalatang manok, ngunit iniutos umano ni Estrada na palusutin ang mga ito. Sa puntong ito, wala namang inilabas na patunay (i.e., papeles, testigo, rekording) si Lacson na direktang nag-utos si Estrada sa mga tauhan ng adwana. Ang paglalarawan ni Lacson ay parang mafioso si Estrada na bilang ninong ay dapat sundin ng lahat ng kaniyang tauhan. (Sa pinakabagong pahayag ni Lacson, sinabi daw ni Glenn Dumlao na inutusan siya ni Estrada na palusutin ang mga puslit na bigas. Gayunman, maituturing muli itong tsismis hangga’t hindi naisasapapel bilang patunay sa pahayag ni Lacson).

Dinahas umano ni Estrada si Yuchengco sa pamamagitan ni Lacson, dahil masasangkot daw sa droga ang anak ni Yuchengco kung hindi pipirma ng waiver na may kaugnayan sa pagbibili ng sapi sa PTIC (Philippine Telecommunications Investment Corporation). Mabigat itong paratang, at napakatanga naman ni Yuchengco na isasakripisyo niya ang negosyo o yaman sa ngalan ng pagmamahal sa anak. Ang dapat imbestigahan ay kung paano nasangkot si Lacson sa kaso ng anak ni Yuchengco, at kung may naganap mang “pamimilit” si Lacson sa pamilya Yuchengco. Kung may pamimilit man sa pamilya Yuchengco ay dapat mapatunayan, at hindi sapat ang sabi-sabi lamang na nasagap ni Lacson sa midya o kung saan. May problema pala si Yuchengco ay bakit hindi siya pumiyok gayong limpak-limpak ang kaniyang salapi?

Ngunit ang pinakamabigat na paratang ni Lacson kay Estrada ay tandisang panghihimasok umano nito sa lahat ng antas ng burukrasya, kabilang na ang PNP at PAOCTF. Ngayon lamang ako nakarinig ng ganito, at parang napakasipag talaga ni Estrada bilang pangulo. Kung susuriin nang maigi, mahirap patunayan ang ganitong “panghihimasok” ng pangulo sa lahat ng antas ng burukrasya dahil lalampasan niya ang pagiging diktador ni Pang. Ferdinand E. Marcos. Sa himig ni Lacson, si Estrada ang ultimong diktador, ang diktador ng mga diktador, ang de-kalibreng diktador, at ang lahat ng kaniyang tauhang opisyal ay pawang mga tuta lamang na tagasunod sa dikta at layaw ng pangulo.

Nakikini-kinita ko ang pag-angal ng ibang opisyal hinggil dito. Bakit? Dahil ipinahihiwatig niyon na pulos tanga at marupok ang mga opisyal noong kapanahunan ng administrasyon ni Estrada at tanging ang pangulo lamang ang makapagsasabi kung ano ang marapat manaig. Sa kabilang dako, mahihinuhang palusot ni Lacson ang mapanlahat na pahayag upang pangatwiranan ang kasong pagpaslang kina Salvador “Bubby” Dacer at Emmanuel Corbito, dahil ang sangkot ay pangulo mismo dahil sa “direktang panghihimasok at pag-uutos” sa mga tauhan ng PNP at PAOCTF. Napakatanga ni Estrada kung totoong ibig nitong manghimasok sa lahat ng antas ng burukrasya. Subalit hindi. Ang paratang ay nagmula kay Lacson na siyang dating may direktang kapangyarihan sa gaya nina Michael Ray Aquino, Glenn Dumlao,  at Cesar Mancao II. Ang lohika ni Lacson ay palihis na pagsapol, tumutumbok sa bayag, upang mailihis ang sisi at paratang sa kaniya sa pagkakapaslang kina Dacer at Corbito.

Kung pribilehiyo ng senador ang magtalumpati, karapatan naman ng taumbayan na makasagap ng mahusay na talumpati mula sa mga mambabatas nitong inihalal. Sa kaso ni Lacson, ang kaniyang talumpati ay salát sa sining sa sukdulang pakahulugan; at kung hindi susuhayan ng mga ebidensiya ay mananatiling paraan ng pamomolitika upang dungisan lalo ang kaniyang dating pangulong pinagsilbihan. Subalit sa mga mapanuri, ang talumpati ni Lacson ay halimbawang dapat iwasan ng sinumang ibig sumulat at magpahayag—sa masining na pamamaraan—ng lastag na katotohanan.

Halimbawa ng Talumpati

Magandang halimbawa ang pangwakas na State of the Nation Address (SONA) ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo kung paano sumulat ng masamang talumpati. Ang kaniyang talumpati ay gumamit ng mga pamamaraan para makaakit ng mga tagapakinig mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, na maaaring sagapin ang kaniyang pananalita bilang kahanga-hanga at pambihira sa isang panig, samantalang bahaw at alingawngaw lamang sa kabilang panig. Nilagom ng pangulo sa limang bahagi ang kaniyang talumpati. Una, matatag umano ang ekonomiya ng Filipinas na kayang harapin ang krisis pandaigdigan. Ikalawa, naitayo ang mga impraestruktura at ganap na natapos ang iba pa. Ikatlo, mas patas umano ang ekonomiya sa mahihirap kaysa noong dati. Ikaapat, naipundar umano ang matibay na base o salalayan para sa susunod na henerasyon. At ikalima, napansin umano ng mga internasyonal na awtoridad na mas ligtas ang mga Filipino mula sa pagkawasak ng kaligiran at sakunang likha ng tao.

Marupok ang pangangawitran ng pangulo hinggil sa pagiging matatag ng ekonomiya ng bansa. Inaakala niya na ang ating ekonomiya ay gaya ng sa Estados Unidos, na nabubuhay ang mga mamamayan sa pamamagitan ng utang, kung hindi man sa digmaan. Nasa yugto pa rin ang gaya ni Gng. Arroyo sa paghahambing ng ekonomiya ng Filipinas sa ekonomiya ng Amerika, o sa mayayamang bansa ng Ewropa. Hindi nasisipat ang ekonomiya ng Filipinas alinsunod sa dapat nitong paglago, pangangailangan, at pagtanaw, kaya ang anumang modernisasyon nito ay sumasabay lamang sa kumbensiyon ng mga dayuhan.

Nakaligtaang banggitin ng pangulo na kaya lumakas ang estado ng pananalapi ng pamahalaan ay dahil ibinenta nito ang mga dating ari-arian, korporasyon, at negosyong dating kontrolado ng pamahalaan, at ang kitang ito ang nagpapalutang sa ekonomiya ng bansa. Naghasik din ng matataas na buwis ang pamahalaan, at ang buwis na ito ay higit na nagpahirap sa dati nang mahihirap imbes na kaltasan sa makatwirang paraan ang mga maykaya sa lipunan. Bagaman tumaas ang Internal Revenue Allotment (IRA) o ang pondong inilalaan para sa mga pamahalaang lokal, hindi madama ng mga karaniwang mamamayan ang ganitong badyet na tutugon sa kanilang batayang pangangailangan. Sadyang kailangan ang IRA at hindi dapat itong ipagpasalamat sa pamahalaan, dahil tungkulin ng pambansang pamahalaan na tustusan ang mga programa o proyekto sa antas ng pamahalaang lokal dahil hindi kayang mag-isa ng pamahalaang lokal na gastusan ang pangangailangan nito, maliban sa ilang pagkakataong nakaririwasa ito, gaya ng mga lungsod ng Makati, Quezon, at Pasig.

Naisalba ng mga migranteng manggagawa, sa pamamagitan ng kanilang padalang salapi, ang ekonomiya ng bansa. Maganda ito sa unang malas, ngunit kung wawariin nang maigi ay panandalian lamang, dahil ang suweldo ng naturang mga manggagawa ay sasalalay din sa pagdagsa ng iba pang propesyonal na mula sa iba’t ibang lahi na handang tumanggap ng mababang sahod na maglalagay sa alanganin sa mga manggagawang Filipino. Ang bansang umaasa sa lakas-paggawa ng mga mamamayan nitong ipinadadala sa ibayong-dagat ay lumilikha ng mga propesyon na umaayon sa pangangailangan at layaw ng pandaigdigang merkado imbes na tugunan ang panloob o pambansang pangangailangan ng mga mamamayan nito. Imbes na humanap ng malikhaing paraan ang pamahalaan upang lumikha ng trabaho rito sa loob ng bansa na pakikinabangan ng laksa-laksang mamamayan ay laging nakatingin ito sa labas upang maipukol kung saan ang mga propesyonal na arkitekto, doktor, guro, inhinyero,marino, nars, at kahit ang mga bihasa nitong pintor, piyon, at tagapangalaga. Hindi rin binanggit ni Gng. Arroyo ang panlipunang dagok na dulot ng pangingibang-bayan: ang pagkatiwalag sa sarili, ang pagkawasak ng pamilya, ang pandarahas at pang-aaglahi sa mga migrante, at iba pa. Maaaring ang kolektibong epekto nito ay hindi nararanasan sa ngayon, ngunit maaaring mahinuha ang bagsik nito sa darating na panahon.

Gumulong din ang ekonomiya ng bansa dahil sa mga gastusin nito sa mga pagawaing-bayan at impraestruktura. Dahil nakaiwas na kapusin sa badyet ang pamahalaan sa tulong ng mga ibinentang ari-arian at negosyo, naiwasan nitong manghiram sa mga lokal na bangko at makipag-agawan sa publiko sa pangungutang. Sa ganitong paraan, nailalabas ang salapi mula sa kabang-yaman ng bansa, napaiikot ang salapi sa mga tao, at ang mga tao na ito na gumagastos ng salapi ang nagpapasigla ng negosyo. Maaaring tingnan din na ang pagsusulong ng mga pagawaing-bayan at impraestruktura ay nakatali sa usaping pampolitika, dahil ang mga mambabatas at opisyal na pamahalaang malapit kay Gng. Arroyo ang nakikinabang ng mga programa at proyekto sa pamamagitan ng mga malikhaing paraang tinatawag na “korupsiyon.” Wala nang bago rito.

Hindi binanggit ni Pang. Arroyo na ang plano sa mga pagawaing-bayan ay matagal na, marahil ay mauugat noon pa mang administrasyon ni Pang. Ferdinand E. Marcos, at maaaring nagkataon lamang na sa panunungkulan ni Gng. Arroyo naisakatuparan ang gayong proyekto. Ang mga pagawaing-bayan at impraestrukturang ito ay nakasalalay sa pambansang badyet, na karaniwang awtomatiko kung hindi tuloy-tuloy ang paglalaan ng salapi alinsunod sa panukalang badyet na pagtitibayin ng magkasanib na lupon ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso bago lagdaan ng pangulo para maging ganap na batas. Ang kakatwa, may mga rehiyon lamang na pinaboran ang pambansang pamahalaan, ngunit nakaligtaan ang iba pa.

Mahirap maunawaan ang “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” na binanggit ni Gng. Arroyo. Halimbawa, totoong may mga patakaran ang pamahalaan hinggil sa pabahay para sa mga maralita. Ngunit mabagal ang pagsasakatuparan ng gayong mga patakaran. Kakaunti ang nakikinabang sa panlipunang pabahay ng pamahalaan, at kung pagbabatayan ang target sa pabahay ng pamahalaan alinsunod sa Medium Term Philippine Development Plan, ang kakulangan sa pabahay ay aabot sa halos 3.75 milyong yunit mulang 2005–2010, samantalang 1.2 milyong yunit lamang ang target ng pamahalaan alinsunod sa taunang paglalaan ng pambansang badyet. Malaking kalokohan ito sa panig ng pamahalaan, at aakalain ng iba na binobola ni Gng. Arroyo ang taumbayan hinggil sa mga “tagumpay” nitong natamo sa pagpapalaganap ng pabahay para sa maralita. Ang sinasabing “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” ay mahihinuhang hanggang pamumudmod lamang ng salapi o regalo, at gagamitin ang mga ahensiya ng pamahalaan upang mapatahimik ang mga tao at supilin sa banayad na pamamaraan ang paghihimagsik ng ilang sektor.

Marupok ang patakaran, programa, at pamamalakad kahit sa sektor ng pagsasaka. Nakaligtaang banggitin ni Gng. Arroyo na lumikha ng di-sinasadyang krisis sa suplay ng bigas ang pagsandig ng Filipinas sa mga suplayer ng bigas na mula sa gaya ng Thailand at Vietnam. Ang dapat inihahayag ng pangulo ay kung may kakayahan nang tumayo sa sariling paa ang Filipinas, at makalikha ito ng mga ani na hindi lamang tutugon sa pangangailangan ng mga Filipino, bagkus makapagluluwas pa ito ng labis-labis na suplay doon sa ibayong dagat. Sa ganitong pagkakataon, bagsak ang grado ng pamahalaan. Wala pa ring malinaw na pambansang koordinasyon hinggil sa paghahatid ng mga ani mulang bukirin tungong pamilihan. Hindi kayang makipagtagisan ng mga magsasakang Filipino doon sa mga magsasaka sa ibayong dagat dahil kulang na kulang ang suportang pananalapi, serbisyo, at impraestrukturang dapat nagmumula sa pamahalaan.

Kung ipagpapalagay na ang edukasyon ang pinakasalalayan ng mga susunod na henerasyon, ang edukasyong ito ay naghahanap ng radikal na pagbabago. Ang edukasyon sa Filipinas ay dapat iniaayon sa pangangailangan ng mga Filipino, at kung paano magagamit ang kanilang talino, lakas, at sigasig upang mapaunlad ang bansang ito. Ayaw mang aminin ni Gng. Arroyo, ang bansang ito ay lumilikha ng edukasyon para suplayan ng mga tao ang pangangailangan ng mga dayong negosyo at interes, at hindi sa ikagagaling ng mga Filipino. Halimbawa, malaking negosyo ang pagmimina ng mga mineral sa bansa, ngunit kulang ang mga eksperto na magtitiyak ng kaligtasan ng mga mamamayan laban sa anumang di-inaasahang sakuna o panganib. Ang pagmimina sa ating bansa ay nakatali sa pangangailangan ng gaya ng Tsina, South Korea, Japan, Estados Unidos, at iba pang bansa sa Ewropa, imbes na ginagamit sana ng Filipinas ang pagmimina na kaugnay ng industriyalisasyon. Ang pagmimina sa ating bansa ay nauuwi sa pagkatigang ng mga lupain, pagkatuyot ng mga tubigan, pagkasira ng mga kultura ng pamayanan, at pagkatiwalag sa sarili mismo ng mga manggagawa. Nagkaroon ng malulubhang sakuna sa mga minahan ngunit ni isang dayuhang opisyal ay walang binitay o naipakulong man lamang.

Ipinamumukha ni Gng. Arroyo sa kaniyang mga kababayan na ang tagumpay ng Filipinas ay alinsunod sa pagsang-ayon ng mga dayuhang awtoridad. Kahit pa sabihing ito ay may kaugnayan sa likas na kaligiran, negosyo, kalusugan, isports, edukasyon, at ugnayang panlabas, ang mga awtoridad na banyaga ang magtatakda ng tagumpay at pagsulong ng bansa. Isang kabulaanan ito na dapat nang iwaksi sa ating bokabularyo, at dapat ginagawa mismo ng ating pangulo. Ngunit pinapalakpakan ang ganito ng mga mambabatas na waring lasing sa kapangyarihan. Salamat na lamang kay Pang. Gloria Macapagal Arroyo at naipamukha sa taumbayan ang talumpating hitik sa guniguni, na magbibigay ng halimbawa at gabay sa mga estudyante kung paano sumulat at magpahayag na ikagigitla, kung hindi man isusumpa, ng mga nagpipigil na madla.

Kung ang wika ng pangulo ay nakaayon para sa buong bansa, ang wikang ito ay dapat nasa wika ng mga Filipino. Ang pag-iingles ng pangulo ay paraan ng komunikasyon sa mga kapuwa niya nakauunawa ng Ingles, gaya ng mga mambabatas na pulpol din umingles, at hindi para sa karaniwang mamamayang maaapektuhan ng mga programa at proyekto ng pamahalaan. Maipapanukala ang pagbabago kahit sa wika ng pangulo, sa opisyal na komunikasyon gaya ng pag-uulat sa taumbayan. Ngunit kung gagawin ito ng pangulo, maaaring mabunyag ang kaniyang pagbilog sa ulo ng taumbayan—kung hindi man tandisang pagsisinungaling— at lalong maglalagay sa kaniya sa alanganin. Kaya hayaan natin siyang magsalita sa mabulaklak na salita, at nang di-maunawaan ang kaniyang inililihim sa paningin ng mga mamamayan.

Talumpati

Lilisan kayo sa pook na ito tulad ng aklat na nagkabagwis, at lumipad nang balisa kung saan-saan upang dumapo sa palad ng mapagsapalaran. Ngunit taliwas sa aklat na laging naghihintay ng magbubuklat, ang inyong mga katauhan ay higit na aktibo, at maragsa, dahil kayo ang maghahatid ng karunungan sa daigdig. Inaasahan ninyo ang mga manunulat na aakda sa bawat pahina, at magdidisenyo o magbabalangkas ng kahanga-hangang likot ng isip at guniguni. At ngayong sandali, ang mga manunulat ay aalis at iiwan kayong mag-isa, hanggang matuklasan ninyong kaiga-igaya ang pagtayo sa sariling mga paa.

Mapipili ba ng bawat aklat kung sino ang ibig nitong maging awtor? Maaaring oo ang sagot, dahil hindi isisilang ang aklat nang walang kahandaan sa panig ng awtor, at ang awtor ay sasabihing aakitin ng bato-balaning taglay ng mahiwaga’t dibinong diwain. Ngunit kung dibino ang akda, imposibleng ito’y magkamali, at ang pagkakamali o pagkukulang, ay banyaga sa hinagap ng Maykapal. Ang pagkakamali ay maisisisi sa may-akda, at kung ang may-akda ang nagtataglay ng anumang pingas sa dapat sanang sukdulang kaganapan, maglalaho ang kaniyang pag-angkin ng karapatang tanghalíng makalangit magpakailanman. Tanggapin ang pagiging mortal ng awtor.

Kung mapipili naman ng aklat ang karapat-dapat nitong maging awtor, ang akda ay masasabing higit na makapangyarihan kaysa maylikha nito. Iyon ay sa pagkakataong umiiral ang aklat sa kalawakan ng guniguni, at ang papel, tinta, kulay, balát, pagkit, at pisi ay pawang sangay at manipestasyon ng isipan. Bago maging aklat ang aklat ay diwa. At ang diwang ito ay marahang gumagapang sa malalawak na kalye o masisikip na silid, upang hanapin ang karapat-dapat na tao na kayang isatitik ang hinihingi ng mga tanong, haka-haka, at panukala. Magkukutsaba ang simoy at bituin, wika nga, at ang naganap noon ay muling magaganap ngayon na parang dalagang bagong paligo at bagong bihis sa paningin ng kaniyang matapat, pawisang manliligaw.

Sabihin nang hindi mapipili ng aklat ang awtor nito. Isang dahilan ang pagkakataong laksa-laksang aklat ang isinisilang bawat araw, at parang ang awtor ay naghuhunos na dambuhala’t mekanikal na palahian ng tupa o kambing. Ang aklat sa simula pa lamang ay masasabing nakatakdang maging aliwan o palaisipan, alinsunod sa mga manlilikha nito, at habang lumalaon ay sasailalim ang aklat sa mapanuring pagkilatis, kaya ang orihinal nitong pakahulugan, pahiwatig, at pagkakagamit ay maiiba alinsunod sa madlang magbabasa. Ang aklat ay walang magagawa kundi lumayo sa awtor nito, at pagkaraan ay muling magbalik sa takdang panahon, upang surutin, sampalin, at hiyain ang kaniyang Maylikha kapag natuklasan ng mga sungayang kritiko ang anumang kagila-gilalas na katangahan.

Humayo kayo, mga kapatid. Lumingon kung kinakailangan, ngunit higit na mahalaga ang pagtuklas sa pasikot-sikot na yungib ng hinaharap. Ilan sa inyo ay maliligaw. Ilan ay mamamatay sa uhaw. At ilan ang papalaring makatagpo ng liwanag na naglalagos sa kisame ng karimlan. May ilan sa inyo ang magtatangkang bumuo ng aklat, ngunit ipagpapauna ko nang hindi lahat ay isinisilang na manunulat. Ang iba ay isinilang upang gumuhit at magdisenyo, samantalang ang iba ay nakatakdang maging artesano ng palimbagan, estante, at sasakyan. Ang iba ay nakatadhanang maging mangangalakal o mamimili, upang ang bawat aklat ay makarating sa palad ng milyon-milyong daliri at paningin.

Huwag mainip kung matagal man matuklasan ang inyong katangian. Kung ang Maykapal ay nakapaghintay ng kung ilang libong taon para sa tao na susulat ng kaniyang kadakilaan, sino kayo para magtampo? Magpaalam, at lumisan kayo sa pook na ito. Manalig sa sarili, sa kapuwa, sa lipunan, at sa kani-kaniyang Maykapal. Bagwisan ninyo ang isip at pangarap, at lumikha ng mga titik na ikararangal ng ating daigdig.