Bigo akong nangingibang-bayan, ni Abdellatif Laâbi

Salin ng “En vain j’émigre,” ni Abdellatif Laâbi ng Morocco
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bigo akong nangingibang-bayan

Bigo akong nangingibang-bayan
umiinom ako ng kape sa bawat lungsod
at nilulunok ang nababatong mukha ng weyter
Ang halakhak sa kabilang mga mesa
ay binubulabog ang musika ng gabi
Isang babae ang naglakad sa huling pagkakataon
Bigo akong nangingibang-bayan
at tinitiyak ang sariling alyenasyon
Tanaw ko ang parehong gasuklay na buwan
pagtingala sa kung saang langit
at ang mapaggiit na pananahimik ng mga bituin
Nagsasalita ako sa sari-saring wika at panawagan
ng iba’t ibang hayop kahit pa natutulog
Ang silid kung saan ako nagigising
ay ang parehong silid noong ako’y isinilang
Bigo akong nangingibang-bayan
Umiilap sa akin ang lihim ng mga ibon
gaya ng pagkamagneto ng aking maleta
na kusang nagbubukas nang bigla
sa bawat antas ng mga paglalakbay

Advertisements

In extremis

Sumasapit tayo sa hanggahan, at ang ating mga paa ay nakausli sa tungki ng bangin. Sa ganitong sukdol, may puwang pa ba ang kaba at pagbabantulot sa lawak ng tangway at matarik na batuhang dalampasigan? Tinatanaw natin ang malayong daigdig, tulad ng pagsipat ng kongkistador kung hindi man palaboy, kahit ang kamatayan ay nasa ilalim ng talampakan. Sinasamyo natin ang dayaray, gayong ang mismong simoy ay inaasahang magtutulak sa atin sa kapahamakan. Nagbibilad tayo nang nakatingala sa init ng araw o dumidipa sa gitna ng ulan, kahit ang ating pandama ay hindi matandaan ang init o lamig ng pag-iral. Nasanay tayo sa di-maliparang uwak na espasyo, at sa sandaling ito, ang pagtindig nang walang tinag ay ehersisyong mabibigong ulitin ng tadhana. Isang hakbang pasulong at lalamunin tayo ng alimpuyo ng mga dahon. Isang hakbang paurong, at mananatili tayo sa katatagan ng mga tanong—na maaaring sagutin ng mahigpit na yakap habang humahagulgol ang mga alon.

“In extremis,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. © 19 Hulyo 2011.
Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.

Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.

Sa Bibliya, lumilipas ang mga salinlahi . . .

salin ng tulang tuluyan ni Leonard Cohen
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SA BIBLIYA, LUMILIPAS ANG MGA SALINLAHI . . .

Sa Bibliya, lumilipas ang mga salinlahi sa isang talata, nawawakasan sa parirala ang pagtataksil, at lumulustay ng isang pahina ang paglikha ng daigdig. Hindi ko mapipili ang mahalagang dinastiya sa karamihan, kailangang kumikislap ang noo mo para magawa iyan, o pumili ng mga pagtatatwa at katapatan mula sa magulong network ng arawang ebidensiya. Sino nga ba ang makapipili kung anong punong olibo ang kailangan ng kuwento upang liliman ang magkasintahan, anong punongkahoy mula sa malawak na taniman ang makapagbibigay ng tiyak na sipat ng mga sanga at kalangitan na magpapalaya sa kanilang mga halik. Tanging ang dalawang tao ang makababatid, tahasang magtutungo sila sa mga ugat na nakahimlay sa kanilang pagitan. Sa panig ko naman ay ilalarawan ko lamang ang buong taniman.

Mga Ugat, kuha ni Jon Sullivan. Mula sa www.public-domain-photos.com

Mga Ugat, kuha ni Jon Sullivan. Mula sa http://www.public-domain-photos.com