Ang Salaysay ng Templo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Salaysay ng Templo
 
Roberto T. Añonuevo
 
Kung paano nakapagsasalita ang templo
ay maaaring naitala noon ni Vyasa
at naging talinghaga mula sa lumilipad
na vimana at ugat ng laksang bathala:
Isda na lumalangoy sa kalawakan ng wala,
ang isdang naging huklubang pawikan,
at pawikang naging maliksing daga,
ang matatakuting dagang naging leon
at leon na nagbanyuhay na unggoy,
ang punong unggoy na naging tao,
ang tao na lumaboy na mangangaso,
ang mangangasong naging magsasaka,
ang magsasakang umangat na diktador.
Ang diktador, na kakatwang kahawig mo,
ay naging hunyango ang balát o kapisanan
(dilaw noon at berde mag-isip ngayon)
na tila biro ng masamang panahon.
Dumarami ang kaniyang galamay bawat saglit
at kumukulimbat ng mga planeta at bituin,
ang mga galamay ng tila pugitang dihital
sa loob ng utak na kabesado
ang milyon-milyong kahon at padron
ngunit nakalilimot sa taglay na puso
na wari bang pagbabalik ni Kalki
na lumabas sa antigong batong orasan.
Ang orasan ang huhula ng kalkuladong wakas
ng mga bulok, marahas, at gahaman;
at magsasauli ng katwiran at katarungan
sa paglalakbay tungo sa bagong kalawakan.
Hindi ka man si Darwin ay muling mamamangha
kung paano nakapagsasalita ang templong ito.
Alimbúkad: World-class Filipino poetry. Photo by Navneet Shanu on Pexels.com

Mag-isa, ni Bakhtiyar Vahabzade

Salin ng “Alone,” ni Bakhtiyar Vahabzade ng Azerbaijan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Aynura Huseinova

Mag-isa

Malimit kong madamang mag-isa sa piling ng mga tao,
Humahaba ang mga araw at lumalalim ang mga gabi ko.
Kapag mag-isa akong nagninilay,
Bawat maisip ko’y nagiging matalik na kaibigan.
Maninilaw kahit ang mga dahon ng nag-iisang punò
Kapag pinagkaitan ng kalinga at napabayaan sa malayo.
Huwag nawang mag-isa ang leon kung saan,
Habang ito’y hari o sultan ng kagubatan.
Hindi kukulo ang tubig sa takuri kung walang apoy.
Mabibigong makalipad sa tuktok ng bundok ang ibon
Kung iisa lámang ang angking pakpak.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Casey Horner @unsplash.com

Masamang panahon sa pagtula, ni Bertolt Brecht

Salin ng “Schlechte Zeit fiir Lyrik,” ni Bertolt Brecht ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Masamang Panahon sa Pagtula

Oo, alam ko: tanging ang masayang tao
ang naiibigan. Ang kaniyang tinig
ay masarap pakinggan. Mukha niya’y guwapo.

Ang nalumpong punongkahoy sa bakuran
ay nagpapakitang tigang ang lupa, ngunit
inaabuso ito ng mga nagdaraan dahil lumpo,
at nararapat lamang.

Lingid sa paningin ang mga lungting bangka
at sayaw ng layag na pumapagaspas.
Tanging nakikita ko roon ang mga punit
na lambat ng mga mangingisda.
Bakit itinatala ko lámang
na ang nayon ng babaeng edad apatnapu
ay hukot na naglalakad?
Ang mga súso ng mga dalaginding
ay maligamgam pa rin gaya noon.

Sa aking pagtula, ang isang tugma
ay waring halos nakaiinsulto sa akin.

Nagtatagisan sa kalooban ko
ang galak sa punong mansanas na lumalago
at ang suklam sa mga talumpati ng pintor.
Ngunit tanging ang ikalawa
ang humahatak sa aking nupo sa eskritoryo.

Alimbúkad: Boundless poetry imagination for humanity. Photo by Dariusz Sankowski @ unsplash.com

Isipin ang iba, ni Mahmoud Darwish

Salin ng “Think of Others,” ni Mahmoud Darwish ng Palestine
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isipin ang Iba

Habang naghahanda ng agahan, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang pagkain ng kalapati).
Habang sumasabak sa mga digma, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang nakikibaka sa kapayapaan).
Habang nagbabayad ng singil sa tubig, isipin ang iba
. . . .(sila na malimit kinakandili ng mga ulap).
Habang papauwi sa iyong bahay, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang mga tao sa mga kampo).
Habang nakahiga at nagbibilang ng tala, isipin ang iba
. . . .(sila na walang pook na matutulugan).
Habang nananalinghaga sa sarili, isipin ang iba
. . . .(sila na nawalan ng karapatang makapagsalita).
Habang iniisip ang iba sa malayo, isipin ang sarili
. . . .(sabihin: kung ako lámang ay tanglaw sa karimlan).

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Sujeeth Potla

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Líbas, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Ива,” ni Anna Akhmatova ng Ukraine at Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Líbas

At lumaki ako sa nakapadrong kapayapaan
Sa malamig na silid ng mga bata nang nasok ang siglo.
At hindi ko ikinalugod ang mga tinig ng tao,
Bagkus ang tinig ng hangin na aking nauunawaan.
At minahal ko ang mga amorseko at lipang-aso
Ngunit higit sa lahat, itinangi ko ang pinilakang líbas.
At nagpapasalamat na nabuhay ito nang lubos
Sa piling ko, nang tumatangis ang mga sanga
Na pinapaypayan ng aking di-makaling panagimpan.
Nakakaasiwa! Nahigitan ko ang buhay nito.
Naroon ang tuod, at ang banyagang mga tinig
Ng iba pang líbas na nagsasalita nang ganito o ganoon
Sa lilim ng ating matandang kalangitan.
Ngunit napatatahimik ako kapag yumao ang kapatid.

Líbas [Willow]. Retrato ni Francisco Delgado @ Unsplash.com

Mga Tinig, ni C.P. Cavafy

Salin ng “φΩΝΕΣ,” ni C.P. Cavafy (Constantine Peter Cavafy) ng Egypt
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tinig

Ang mga huwarang tinig at labis na minamahal
Mula sa mga namatay, o galing sa mga tao
Na nawala sa ating piling, ay nais pa ang patay.

Minsan, nagsasalita sila sa ating panaginip;
Minsan, sa ating pagmumuni’y maririnig ng isip.

At sa tunog nila para iglap magbalik nang lubos
Ay mauulinig sa mga unang tula ng búhay—
Gaya ng musika sa gabi, kay layo’t papaupos.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

 

Bagong Taon, ni Nazik al-Mala’ika

Salin ng tulang Arabe ni Nazik al-Mala’ika ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Taon

Bagong Taon, huwag dumako sa aming tahanan dahil
mga palaboy kami sa kadungayan, at pinagkaitan ng tao.
Tumatakas sa amin ang gabi; iniwan kami ng tadhana.
Namumuhay kami gaya ng mga gumagalang kaluluwa
na walang alaala,
walang pangarap, walang inaasam, walang pag-asa.
Ang panganorin ng aming mga mata’y naging abuhin,
at ang abong-agos ng kalmanteng lawa’y
kawangis ng aming di-makapangusap na mga kilay:
Walang kislot, walang puso,
at hinubdan ng anumang anyo ng tula.
Nabubuhay kami nang mangmang hinggil sa búhay.

Bagong Taon, lumarga! Mayroong landas
na magpapasimuno sa iyong mga hakbang.
Taglay namin ang mga ugat ng matitigas na tambô,
at walang kaalam-alam hinggil sa kalungkutan.
Ibig naming mamatay ngunit tumatanggi ang hukay.
Ibig naming sulatin ang kasaysayan ng mga taon
kung batid lang sana naming maipirmi sa isang pook,
at alam na makapagdudulot ng taglamig ang niyebe
upang takpan ng karimlan ang aming mga mukha.
Kung nagawa lang sana ng gunita, pag-asa, pagsisisi
na hadlangan ang bansa namin sa tinatahak nito;
kung kinasindakan lang sana namin ang kabaliwan;
kung nabulabog lang sana ang aming búhay
sanhi man ng paglalakbay o pagkagulantang
o kaya’y pamimighati sa imposibleng pagmamahal.
Kung makayayao lang sana kami, gaya ng ibang tao.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye, ni Georges Rodenbach

Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.

Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .

Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?

Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.

O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!

Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .

Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .

Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!

Ang Kuwento ng Lalaki at Asong Uhaw, ni Sheikh Mosleh al-Din Saadi Shirazi

Salin ng klasikong tula mula sa “The Bostan of Saadi,” ni Sheikh Mosleh al-Din Saadi Shirazi ng Iran
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kuwento ng Lalaki at Asong Uhaw

Natagpuan ng isang lalaki sa disyerto ang aso na halos mamatay sa uhaw. Ginamit niya ang kaniyang sombrero sa pagsalok ng tubig mula sa balón, at ipinainom iyon pagkaraan sa nanlulupaypay na hayop. Inihayag ng propeta ng panahong iyon na pinatawad ng Maykapal ang lalaki sa kaniyang mga kasalanan dahil sa kaniyang mabuting gawa.

Magnilay, kung ikaw ang tirano, at panaigin ang kabutihan sa pamamahala.

Sinumang nagpamalas ng kabutihan sa isang aso ay makagagawa ng higit pang kabutihan sa kaniyang mga kapuwa tao.

Maging mapagbigay alinsunod sa saklaw ng iyong kapangyarihan. Kung hindi mo man káyang humukay ng balón sa disyerto, magsindi ng kahit lampara sa dambana.

Ang kawanggawang ibinahagi na mula sa sisidlang balát ng báka na siksik sa mamahaling hiyas ay hindi makahihigit sa isang dinar na iniambag na bunga ng matinding pagpapagal.

Ang pasanin ng bawat tao ay angkop sa kaniyang lakas—gaya ng mabigat para sa langgam ang isang paa ng balang.

Gumawa ng kabutihan, upang sa hinaharap ay hindi maging mabagsik ang trato sa iyo ng Maykapal.

Maging maluwag sa iyong alipin, dahil baká isang araw ay maging hari siya, gaya ng peón na naging reyna nang lumaon.