Paaralan
Roberto T. Añonuevo
Ikaw ang aking bahay
kubo at bahay na bato—
na hindi ako kilala—
ngunit taon-taong
nagpapakilala
ng libong magulang
at milyong kapatid
na nagsusunog ng kilay
at nagsusunog ng salapi;
ang aking tinitingala
at inaakyat
na mga baitang
subalit mapagkumbaba
gaya sa mga pangaral
ng timawa
at itatayong kabihasnan.
Ikaw ang paboritong
tambayan
sa pagbulas at dunong,
ang tambalan
ng sinaunang kamalig
ng salita at lihim
na laboratoryo
ng mga mithi at gamot
nang maimapa
ang likaw o sangandaan
ng intoleransiya
at balón ng katangahan.
Ikaw ang realidad:
ang simulakro ng opisina
at tungkulin,
ang anino ng burukrasya
at bagong terminal
sa tren ng mga panaginip,
ang nagturo sa akin
ng halaga ng koliseo
para sa basketbol at pista,
at pana-panahong
entablado
sa paggunita at politika.
Ikaw ang iglap na takbuhan
ng mga bakwet
kapag hinahagad ng bagyo
at pinalalayas ng sunog,
kapag sumusugod ang baha
o sumasalakay ang hukbo
na nagsasabong sa dahas.
Tunay kang mapagkalinga:
ang talyer ng pagtitiis
at hardin ng mga balak
na malupit kung tawaging
bilangguan,
gayong napagiging ospital,
at kung minsan,
nagsasalit-salit na artsibo
at punerarya
ng mga agaw-buhay
na pinagkakaitan ng dalaw.
Durupok ang mga haligi mo
at mapupundi ang ilaw
sanhi man ng kapabayaan
at kawalan ng pondo
ngunit mananatili kang
inaaring tunay na tahanan—
may pagkain para sa lahat,
may bubong na masisilungan,
at may subók na kubeta
sa malilibag na noo at paa.
Ipinid ka’y pilit na magbubukás
gaya ng kalsadang walang wakas.
Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity