Mensahe mula sa Martir, ni Mbarka Mint al-Barra’

Salin ng “رسالة من شهيد” ni Mbarka Mint al-Barra’ ng Mauritania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni John Mitchell

Mensahe mula sa Martir

Mamaríl ka, matagal nang nagliliyab ang aming puso
Sa lupaing ito, at umaapaw ang lungkot sa pagdurusa.
Mamaríl ka, o buhóng, dahil hindi na ako natatakot
Palampasin ang pamamaslang mo, ni tatakbo palayo.
Pinalulusog ng dugo ko at pinananariwa ang lupaing
Ito, nagtatanim ng salinlahing maláy at may pag-asa.
Lumalago ang bisig at paa mula sa butil ng shrapnel;
Nabubuo ang mga kamay na makapagpuputong sa bukál
Na nananalig na ang lupaing ito ang laging tahanan:
Matapang nilang igigiit ang karapatan sa bawat sulok.
Nasaan man ako, ang lupaing ito ang aking rubdob;
Makikisanib ang galimgim sa eternal na pag-ibig.
Wala akong pakialam kung marami man ang pagsabog.
Hindi ako nasisindak sa mapamuksang kidlat at kulog.
Alimbúkad: Poetry solidarity against slavery and intolerance. Photo by Tomu00e1u0161 Malu00edk on Pexels.com

Sagot ng Batikán sa isang Huntahan, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Der Erfahrene Antworten bel einem gesellschaftlichen Fragespiel,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sagot ng Batikán sa isang Huntahan

Makipagkita sa mga babaeng malamyos ang asal
At pupusta ako’t tiyak maaangkin mo silang lahat;
At ang mabilis kumilos na lalaking buô ang tapang
Ay marahil makagagawa nang higit sa nararapat;
Ngunit ang lalaking tila suplado’t walang pakialam
Ay anuman ang piliing tugon na kaniyang bigkasin
Ay makapagpapainit, kayâ may balanì ang datíng.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Image courtesy of Birmingham Museums Trust, “Phyllis and Demophoon,” 1870. Artist: Sir Edward Burne-Jones

Ang Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Panauhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Namamalirong ang tulay sa mga sasakyan; at ang bus na sinasakyan mo patungo sa aking guniguni ay nagkukubli ng mga pakò tinik niknik. Magtitinikling ang iyong tinig palabas, ala-Amy Winehouse, at ang ilaw ng paningin mo’y nakaligta ng pasintabi kung magsiyasat sa dalom ng mga budhi. Kanan, wala. Gitna, wala. Kaliwa, wala. Wala o Itim. Pakiramdam mo’y may talulot ng yelo ang pagkainip, at simbigat ng adwana ang maletang hila-hila. Bakit ibig mong marating ang karimlan, gayong makaiindak o makalalakad sa liwanag? Hindi lahat ay makapapasok dito, lalo kung ang haraya mo’y hindi kayang tumbasan ang kombinasyon ng mga titik sa makinilya. Nangangarap ka ng kakatwang abentura, subalit mahuhubad mo ba ang anino sa hulagway upang humarap sa akin nang buong tapang kahit nangangatal sa lamig? Kumain, sumiping, humimbing sapagkat búkas ay laós na ang palaisipan!  Wala ritong purgatoryo para sa mga kaluluwang ligaw: mga kulang-palad na naghihintay ng regalong putomaya at salubong ng bandang kawayan. Ang mga linnawa sa lansangan ang lumilikha ng kani-kanilang sariling kadungayan. At ang kadungayan ay laberinto na ang bawat síko ay may sanlibong halimaw, at ang tatluhang sihà ng pagbagtas ay mapa tungo sa pulút o kalansay. Tandaan mo iyan, bago ka pumasok sa akin. Kung isa ka sa mga paslit na ang estetikong panlasa ay búl-ul na tumagay ng tapëy at pumulá ang labì sa sintetikong ngangà, hindi ka para sa akin. Humayo ka, at walang trubador na maghahatid sa iyo tungong Paraiso! Gayunman ay papalarin kang sambahin nang paiwaráng ng mga banyaga—na ang turing sa daigdig ay eksotiko peligroso sentimental—sakali’t makumbinsi mo sila na palakpakan ang mga salita.

“Hindi kita gusto, Kamatayan!”

Salin ng tula ni Samih al-Qasim ng Estadong Palestina.
Salin sa eleganteng Filipno ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hindi kita gusto, Kamatayan!

Hindi kita gusto, Kamatayan,
Ngunit hindi ako takót sa iyo
Batid kong ang lawas ko’y higàan mo’t
Kobre-kama mo ang aking kaluluwa
Alam kong ang pasigan mo’y makitid
Para sa akin
Hindi kita mahal, Kamatayan,
Ngunit hindi ako nasisindak sa iyo.

“Isang Tula ng Pag-ibig,” ni Etheridge Knight

Salin ng “A Love Poem,” mula sa koleksiyong Born of a Woman (1980) ni Etheridge Knight.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Isang Tula ng Pag-ibig

Hindi ko inaasahang ang kaluluwa ni Penelope
Ay pumasok sa dibdib mo, dahil di ako makapangyarihan
O walang takot. (Tanging ang pag-ibig ang matapang,
Ang batuhán laban sa hangin.) Umiyak at humalukipkip
Ako nang sumilip ang mga síklope sa aking yungib.

Hindi ko inaasahang mahahaba ang iyong liham
At ukol sa pag-ibig, mabulaklak at pilosopiko,
Dahil ang mga salita ay hindi ang nagbibigkis sa atin.
Tanging kailangan ko’y ang matibay na patunay
Ng iyong pag-iral para ako’y magpatuloy na mabuhay.
Ang ating pag-ibig ay batuháng sumalunga sa simoy,
At hindi malambot, gaya ng seda at puntilya.

“Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon,” ni William Shakespeare

Salin ng Soneto 12 “When I do count the clock that tells the time” ni William Shakespeare ng England, United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon

Kapag tináya ko ang orasang batid ang tamang panahon
At nagwakas naman ang tapang ng araw sa sindak ng gabi;
Kapag nakita kong pumusyaw ang lila paglampas sa sukdol
Naghari ang itim imbes pinilakang may puti ang tabi;
Kapag nangalagas, naluoy ang dahon ng punong malabay
Na dáting lumilim sa kawan ng hayop at ibon sa gubat;
At tiklis na lámang ang dating halamang lungti noong araw
At naging pabigat sa suhay kabaong  na uban ang balbas;
Saka ang ganda mo ay nasok sa isip na baka maglahò
At ikaw ay ganap mabulok paglipas ng mga sandalî;
Dahil kahit yaong mahal at marikit ay kusang guguhô;
Kaybilis mamatay, at kaybilis naman ang iba’y magharì.
At wala ni isang hahadlang sa karit nitong kamatayan
Maliban sa supling na sa iyong puso ay alab ng tápang.