Bakas ng Takas, ni Roberto T. Añonuevo

Bakás ng Tákas

Roberto T. Añonuevo

Dumarating na bagong bagyó ang Kuríta
at magpapantay sa daluyong ang mga bundok.

Napanaginip marahil iyon ni Indarapatra,
at isinakay ng simoy na hatid ang galura.

Sino kayang pinuno ang hindi mababahalà
kapag yumayanig ang ibayo palapit sa iyo?

Marahil, narinig niya ang mga tumatákas
na lipì, ang naghihingalong iligan sa gutom,

at ang bantâ ng lason mula sa tuka ng Páha.
(May ugong ng paglusob ang mga Tarabusaw.)

At kung ikaw si Sulayman, magwiwika muli
ang kampilan upang tigpasin ang galamáy

ng tákaw na umuubos sa sasá’t lamandagat,
putulin ang mga paa ng dambulang kaaway,

o kaya’y itiklop ang mga pakpak ng lagim.
Ngunit yayao ka rin tulad ng ibang bagani,

at kailangan ang tubig ng bukál nang mabuhay
muli, magsuot ng singsing, humawak ng bárong,

sakâ abangán ang kinasisindakang kaaway—
na may pitong ulo’t anyo ngunit walang tatak

ang kabangisan, at isang nagbabantâ sa supling
ng punòng naghihintay sa aming durungawan.

Lilipad sa ulap ang kumikinang na kulintang,
habang nakatitig si Indirapatra doon sa laot:

“Lumundag nang buong tatag, o ito’y pangarap!”