Prowa at Kapanatagan, ni Tomas Tranströmer

Salin ng dalawang tula ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May Kapanatagan sa Prówang Pasuwag

(There Is Peace in the Surging Prow)

Mararamdaman sa umaga ng taglamig kung paano bumunsod ang mundo.
. . . . . . . . . . . . . .Sumasalpok sa dingding ang agos-hanging
lumalabas sa pinagtataguan.

Pinaliligiran ng paggalaw: ang tent ng kapanatagan.
At ang lihim na manibela sa migrasyon ng kung anong kawan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Mga Kapritso

(Caprichos)

Dumidilim na sa Huelva: sumisipol ang maalikabok na palma at tren
sa nagkukumahog na paniking abuhing-puti.

Napuno sa mga tao ang mga kalye.
At ang babaeng nagmamadali sa lipon ng mga tao’y sinubok ang huling
. . . . . . . . . . . . . .  .liwanag sa timbangan ng mga mata niya.

Bukás ang mga bintana ng opisina: bughaw iyon. Maririnig ang yabag ng
. . . . . . . . . . . . . .  .kabayo sa loob.
Ang matandang kabayong may estampilyang mga paa.

Nahuhungkag ang mga kalye pagsapit ng hatinggabi.
Sa lahat ng opisina, madaranas sa wakas: bughaw yaon.
Doon sa itaas na espasyo:
Pakandi-kandirit nang tahimik, kumikislap at itim,
hindi nakikita at walang renda,
at itinilapon ang sarili nitong hinete:
Ang konstelasyon na tinagurian kong “Ang Kabayo.”

Alimbukad: World Poetry as hot as Philippine Coffee

 

Sa Gabi, ni Bert Meyers

Salin ng “At Night,” ni Bert Meyers ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Gabi

Sa gabi, kapag ang daga
ay pinaslang ng keso,
kapag tumalikod ang mga pagod na dingding,
kapag sumusuko na ang katawan,
sakâ hahawiin ng kamatayan ang aking buhok
at ayaw ko nang mamatay.

Ayaw ko nang mamatay!
Mapapaluhâ ang hikà.
Ang hikà’y masusunog sa mga dahon nito.
Magkokonsulta ang mga gamot,
maláy sa mga tatak nito,
sa tabi ng kama.

Ngunit sumasapit ang kamatayan:
mula sa mga gripo, sa mga sahig,
mula sa malaking orasang nagdurugo
at humihina sa mga ispring nitong taglay,
dumarating na humuhukay sa aking dibdib.
At hindi ko alam kung bakit
ngunit alam kong pumipintig ang puso
at ginagapi ang tao hanggang kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Pasiyok, ni Oktay Rifat

Salin ng “Kaval,” ni Oktay Rifat ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Ruth Christie

Pasiyók

Ang araw na inihambing niya ang libingan sa kawan ng tupa
Ang araw na nabatid niyang “pagsapi sa kawan ang mamatay,”
Isinulat niya ito. Ngunit ang pangungusap na ito’y taliwas
Sa puntod, walang himig sa pasiyok ng pastol, wala ni pastol.
Nagmula kung saan ang himig-pasiyók, magaan at mapaglaro.
“Narito ang mga pastol,” wika nito, napukaw ang mga tupa,
Ngunit nang mayamot ang mga ito’y tumahimik ang pasiyók.
Mabuti nang ilibing ang lahat ng di-nasusulat na bagay
Sa isang taludtod: “Ang mamatay ay pagsapi sa kawan.”
Ngayon, muling tumugtog ang pasiyók, para sa kaniya lamang,
Subalit maaasahang biglang hihinto ito sa piniling sandali.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig