Ang Sabi ng Epal

Ang Sabi ng Epal

Nasasabik ka rito para sa pagmamahal
sa katwirang mahal ang bayan,
ngunit ang mga tao’y nalilipol
gaya ng libo-libong anay at langgam
nang walang kamuwang-muwang
nang walang kalaban-laban
nang walang taros, walang patawad
kapag sumasalakay ang mga alagad
ng kawalang-batas
at lumulubha ang pulmonya ng bansa.
Lumusog ba ang ekonomiya sa digma
laban sa taumbayan?
Kung bagong lipunan ang pagdurog
sa oligarkiya,
bakit dumarami yata ang iyong kakosa?
tanong ng rumarapidong komentarista.
Ikaw na may karapatan para sa buhay
ay napaglalaho ang mga karapatan
ng lahat ng sumasalungat sa iyo.
Ubusin ang adik at ubusin ang tulak
ay pag-ubos din sa abogado at aktibista,
sa guro at trabahador,
sa alkalde at negosyante,
sa pahayagan at network ng telebisyon,
sa lahat ng kritiko at reklamador,
at kung ang mga ito’y guniguni,
ano’t nasasaksihan namin
sa mga sumisikip na bilangguan
at sa mga katawang tinatakpan
ng mga peryodiko
ang espektakulo ng kabangisan?
Umuurong ang bayag ng mga politiko
sa pambihira mong paninindak,
kaya dumarami ang mga tuta mo’t kuting.
Digma ka nang digma
at nakaiinis na ang talumpati sa mga dukha.
Naubos na ang aming mga luha.
Naubos na ang aming pagtitimpi.
At kung ubos na rin ang pagtitiwala,
bakit magtataka kung ibig ka naming
bumaba mula sa iyong paniniwala
na ikaw ang trono, at sandatahang lakas
ang magtatakda ng iyong pananatili
sa puwesto at singil gaya sa impuwesto?
Mahal mo ang bayan; at ikaw, wika mo,
ang bahala sa iyong masunuring tropa.
Tinuruan mo sila sa yaman ng estadistika
ng mga bangkay, hindi alintana
ang mga naulila at nawasak ang dangal.
Pinalusog mo sila sa mga pangako
ng ayuda at sandata
upang ibalik sa amin ang pagwawakas.
At kapag nagsalita ang batas,
hindi ba ang hukom ay maaaring matodas?
Ikaw na aming tinitingala
ang sapatos na yuyurak sa aming mukha.
Ngunit dahil isa ka ring inutil
sa harap ng barkong Intsik at diplomasya
ng suhol at kawanggawa,
tutulungan ka namin sakali’t magkasakit.
Nararapat sa iyo ang regalong himagsik—
sa anyo man ng karikatura at gusgusing
karatula at pagtiktok kahit sa kubeta,
sa anyo ng apoy at ulan ng mga salita
na gaya nito’y nagtatangkang maging tula.

Alimbúkad: Poetry voice matters. Photo by Chris Curry @ unsplash.com.

Tula at Komentaryong Panlipunan ni Anastasio Salagubang

Sumikat ang talipanpan [pen name] na “Anastasio Salagubang” sa pitak na Buhay Maynila ng diyaryong Taliba noong mga taon 1927-1928 dahil sa pambihirang komentaryo nito sa lipunan. Araw-araw, binubulabog ng nasabing kolumnista ang bayan at pinupuna sa pamamagitan ng masisisteng tula ang baluktot na pamamahala ng awtoridad, itinutuwid ang magagaspang na asal o sinaunang kaugalian ng mga mamamayan, ipinagtatanggol ang mga api, at ibinubunyag ang masasamang loob. Dahil dito’y dinudulugan ng mga tagasubaybay si Anastasio Salagubang, hinihingan ng payo na para bang si Dr. Love o Dr. Margie Holmes ng modernong panahon,  at siyang pagsusumundan ng gaya nina Mon Tulfo at Mike Enriquez sa patumbalik na pamamaraan, bagaman ang dalawang komentarista ay walang maipagmamalaki sa panitikan.

Si Anastasio Salagubang ay makikilala pagkaraan sa katauhan ni José Corazón de Jesús, na kilala rin sa taguring “Huseng Batute,” ang makisig na makatang may tinig ni Frank Sinatra at titig ni Dingdong Dantes, habang taglay ang tikas o tigas ng pangangatawan ni Manny Pacquiao. Si De Jesus ang tanyag na mambabalagtas noong mga taon 1924-1932, at ang orihinal na makatang tsikboy ng Filipinas, at mahigpit na katunggali ni Florentino T. Collantes na may boses na tumataginting at hindi malalayo sa kabataang John Lennon kung  hindi man Harry Potter.

Isa sa mga katangian ni Anastasio Salagubang ang pagtataglay ng mabisang pagpapatawa, at ang kaniyang mga banat ay nag-iiwi ng kabihasaan sa wikang Tagalog, Espanyol, at Ingles upang laruin at paglaruan ang kaniyang pinapaksa. Maihahalimbawa ang “Biba Panyaaaaaaaa!” na nalathala sa Taliba noong 25 Hulyo 1927:

Biba Panyaaaaaaaaaa!

Ngayon ay araw ng mga Kastila:
Biba Panya!

Agora el piesta de San Tiago Galis,
el mana sebolyas ya pistang alegres,
. . . . . . banderas de sabit
. . . . . . kolgao na kamatis
el mana kastila ta pirot pigotes
biba Panyaaa, biba, el mana Kihotes.

El niña de Sulot ya biste de borlas
manton de Manila de gualda bulaklak
. . . . . . pula’t dilaw lahat
. . . . . . hasta na sebolyas
un poco de asiete un poko lechugas
biba Panyaaa, biba Pelipenas.

El mana torero na kalye Surbaran,
ya luci montilya ta embisti carabaw,
. . . . . . at kabayo mamaw
. . . . . . Lopez Nieto sakay
que kon un kornaso bariles ilandang
torero baliento nabali ang tadyang.

Mana pandereta y los castañuelas,
repiki kampana sabog ang patatas
. . . . . . kastila nang lahat
. . . . . . este Pelipenas
ya muri de negro el mejilla y balbas,
ya llama español negro pa el balát.

Biba, Panyaaa, biba, oh madre imortal
kunin mo po rito ang ilang animal. . .
. . . . . . pag ito’y nagtagal
. . . . . . no puedo soportar,
mas kastila pa po “papa” kung tawagan
pero mas maitim sa isang kalabaw.

Isang taktika na ginagamit ni Anastasio Salagubang ang pagkasangkasapan sa epigrape, at mula rito ay mabubuksan ang usapin na maaaring salungatin, purihin, o asarin niya para sa kagalakan at kabatiran ng mga mambabasa. Ang maikling siping epigrape ay karaniwang mula sa mga pahayagan kung hindi man sa balita na lumalaganap noon sa radyo at nasasagap ng mga komentarista.

Sa tulang “Biba, Panyaaaaaaaaaa,” prominente ang pagtatanghal ng tinig, at mauunawaan lamang ang tinig kung iisipin kung anong tauhan ang umiiral. Ang tinig ay magiging makapangyarihan dahil nakatutulong ito sa pagsasaharaya ng katauhan ng personang lumpeng intelektuwal, at handang magkomentaryo sa lipunan. Ang tauhan sa loob ng tula ay mahihinuhang may alam sa Espanyol, sabihin nang nagdudunong-dunungan ngunit nang-uulol, at ang kolonyal na mentalidad ay nilalaro sa pagkasangkapan mismo sa Kastag (Kinastilang Tagalog) na sa panahon ngayon ay katumbas ng Taglish (Tagalog English).

Nilalaro rin sa tula kahit ang sigaw na “¡Viva, España, Viva!” ngunit hinihimok ang Inang Sukaban [madre imortal], ayon sa termino ng Katipunan, na kunin ang ilang animal na maipagpapalagay na makapangyarihang opisyales ng Filipinas at alta-sosyedad na pawang utak-kolonyal na ibig maging puti bagaman ang tunay na kulay ay itim na itim.

Ang higit na mahalaga sa tula ay kung paano ginawang kakatwa ng persona ang paglalarawan sa kaniyang paligid: ang pista ng San Tiago Galis (na mahihinuhang hinugot ang alusyon sa tauhang Kapitan Tiyago ng  Noli me tangere ni Jose Rizal, o kaya’y tumutukoy sa Santiago, Chile na pinakamalaking lungsod sa Chile). Ang naturang pagdiriwang ay karnabal ng mga kakatwang imahen, mulang banderas at pasabit hanggang prusisyon ng mga kabayo at kalabaw hanggang pagpapatunog ng pandereta [tamborin], kastanuwela [kastanet], at kampana. Sa wakas, ang tunay na Espanyol ay may kayumangging balát, at kung umasta’y higit pa sa tunay na banyagang mananakop.

Mababatid na ang mala-karnabal na presentasyon ni Anastasio Salagubang ay pagyanig sa poder ng kapangyarihang Espanyol, saka iniinis ito para mapawi ang taglay na tiwala ng madla. Sa gayong paraan, mapaglalaho ang kontrol ng kolonyal na awtoridad sa publikong Filipino upang mapanumbalik ang mataas na pagpapahalaga sa pagka-Filipino. Samantala, ang wikang Kastag na dating sinisipat na mababang uri ng wika—gaya lamang ng jejemon at bekimon—ay napaghunos na midyum ng himagsikan upang uyamin ang mga tao na may baluktot na halagahan hinggil sa kanilang lahi.

Konsistent si Anastasio Salagubang sa paninindigang kontra-imperyalista, at mababatid ito sa isa pang halimbawang tulang pinamagatang “Ang Sasabitan ng ating Bandera” na lumabas sa Taliba noong 30 Hulyo 1927.

Ang Sasabitan ng ating Bandera

“Ako’y naiinis, kung makita kong magkapiling ang bandilang amerikano at pilipino. Dapat hulihin ng mga sundalo at ipagbawal sa mga paaralang nayon, ang ginagawang pagsisiping ng bandilang amerikano at pilipino.”
—Senador Bingham

Altura: 6 piyes, 4 pulgada
Poso: 198 libras
Edad: 58 anyos

Mahal na Senador na kagalang-galang,
kung ang salitaan nati’y pataasan,
kung itong medida ay sa patangkaran,
. . . . . . puede ka pong tagdan
. . . . . . sais talampatakan,
isasasabit namin sa tenga mong mahal,
ang aming bandilang karangal-rangalan,
at ikaw ang siyang puno ng kawayan.

Kung ang taas naman nitong isip natin,
ang pagtatangkaan na iyong sukatin,
ma malaking kahoy, nguni’t walang lilim,
. . . . . . dapat mong basahin
. . . . . . iyang good manner,
maliit mang bayan, ang amin ay amin,
at imbesilidad na iyong nasain,
ang di ninyo lupa’y piliting sakupin.

At naiinis ka tuwing makikita
dalawang bandera ay nagkakasama
ang sa pilipino’t sa amerikana?
. . . . . . alisin ang isa
. . . . . . isa ang itira. . .
Lupang hindi iyo’y huwag kang manguha,
tanggalin sa amin ang p’ranha’t estrelya,
bayaang ang aming bandila’y mag-isa.

Ang bandila namin kahi’t na nga ganyan,
iyan ay dakila, iyan ay marangal,
dito kailan man ay hindi sumilang,
. . . . . . iyang mangangamkam,
. . . . . . iyang salanggapang,
at kung mayro’n dapat alisi’t ilagay,
ilagay sa amin ang sa aming bayan,
at alisin dito ang mga militar.

Tahas na pinupuna at sinasalungat ng tulang ito kung bakit tutol si Sen. Hiram Bingham na pagsipingin ang bandilang Filipino at Amerikano. Tinututulan ng tula ang pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas, at ipinagmamalaking may madugong kasaysayan ang pagkakabuo ng bandilang Filipinas. Ang pagbanat sa Amerikano ay kaagapay ng paggigiit ng kasarinlan, at ang sukdulan ay pagpapatalsik sa mga sundalong militar na Amerikano.

Ang maganda sa tula’y maging ang anyo ng saknong ay waring anyo ng magkatabing bandila na ang unang tatlong taludtod na lalabingdalawahing pantig ay ibinukod ng dalawang taludtod na tig-aaniming pantig, at siyang sinundan naman ng tatlong taludtod na lalabingdalawahin ang panting. Isahan lamang ang tugma, ngunit naiiba ang indayog dahil sa pag-iiba ng bilang ng mga taludtod.

Walang sinasanto si Anastasio Salagubang na kahit ang mga Tsino ay pinupuwing dahil sa pamamaraan nito ng rebolusyon, na tumatakbo sa bundok tuwing may putukan, at kung may pusong mamon ang pinatutungkulan ay baka ipagkamaling duwag nga ang mga taal na Tsino [Huwakyaw] sa Filipinas. Ngunit ang totoo’y inihahayag lamang niya ang taktikang gerilyang digmaan, at ang pag-urong nito sa labanan ang nakatutulong sa pananagumpay. Pansinin ang tulang “Ang Komperensia [Kumperensiya] ni Quezon” na nalathala sa Taliba noong 12 Agosto 1927.

Si Quezon ay gagawa ng panayam bukas ng ukol sa pagkakasulong ng mga intsik, at ang mga intsik dito sa Maynila ay nagkakagulo sa pagnanasang marinig si Quezon.

Ako palon Sanghay, akyen bago damit,
ako alam nayon sabi ngawa intsik,
akyen kita doon intsik nagagalit
sa pareho insiak nguni anak ahit.

Akyen kita loon laban araw-araw,
putukan ng bomba wala namamatay. . .
Pa’no intsik sungsong sila tapang-tapang,
isang putok takbo, tago sa kalaban.

Intsiak isang daang taong nagigiela,
wala lin paktelo, wala lin lisgrasya,
matapang ang instsiak, sa putok sa bomba
takbo na sa bundok tago pa. . . wapea. . .

Intsiak na batalya giera sa bunganga,
away intsik beho malami salita. . .
Pundia sa bahay, patago sa lungga
putukan-putukan wala isa tama.

Akyen napupuli instsik rebolusiong
parang pansit longlog may mike at  may bihon,
isang putol lamang takbuhan sa Sungsong,
wala napapatay, sampu libo taon.

Manuel Ele Kezzon
Anak lin sa Sungsong

Hindi ko alam kung matutuwa nito si Pang. Manuel L. Quezon, dahil ang persona sa tula ay ginagagad ang kaniyang pananalumpati at pagsasalita na parang Sanglay [Tsino]. Si Kezzon ay nagagalit umano sa Intsik na nagagalit sa kapuwa Intsik, lalo umano sa pagnenegosyo. Ngunit ang matindi rito’y matagal nang nakikihamok ang mga Intsik at maraming digmaan, at para magtagumpay ay pinipiling tumakbo sa bundok at lumitaw pagkaraan kapag wala nang sigalot. Ang pagpuri kung gayon sa rebolusyong Tsino ay pabalintuwad, at mahihinuha rito na inuuna ng mga lahing Tsino ang sarili kaysa pambansang kapakanan ng mga Filipino. Higit na lalawak ang pagbasa kapag isasaalang-alang ang pahiwatig ng “sungsong.” Sinaunang Tagalog ang “sungsong” na nangangahulugang “hilaga ng bugso ng habagat,” at kaya itinutumbas ito sa paraan ng paglalayag nang pasalungat sa hangin o alon. Kung si Kezzon ay anak ng Sungsong, mahihinuhang sinasalungat din niya ang mga Intsik kahit sabihin pang may dugo siyang Intsik.

Isang paraan pa lamang ito ng pagsipat, at maaaring matingnan sa iba pang anggulo ang pamumuna ni Anastasio Salagubang. Halimbawa, mauurirat ang kumbensiyong naitakda ng limitadong espasyo ng kaniyang kolum sa balita; ang lohika ng paglalahad at argumentasyon; ang eksperimentasyon sa pananaludtod at paglalaro ng salita; ang lawak ng bokabularyo at pintungan ng mga dalumat; ang mga paksang tinatalakay mulang politika hanggang kultura hanggang isports at aliwan; at ang pagpapatawang nakakikiliti sa guniguni ng taumbayan. Ang ganitong pag-aaral ay sapat nang disertasyong doktorado, at hinuhulaan kong malaki ang magiging ambag para lalong maunawaan ang pambihirang panulaang Tagalog noong nakaraang siglo.

Kasaysayan, ni Donald Hall

Salin ng tulang “History” ng makatang lawreado Donald Hall.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

KASAYSAYAN

Kapag dumulas ang patalim at humiwa nang malalim sa sangkalan,
habang kinakayas ang panundot o binabawasan ng litid ang buto,
wala siyang nadama nang umpisa, maláy lamang sa halos manhid
na guhit sa balát. Lagi niyang isinasaisip na sa isang tibok ng puso
ay maitutuwid niya ang mali at maiiwasan ang pagsambulat
ng kasunod na dugo: Ganiyan ang ugali ni Juvenis,
na malimit tandaan ang isinumpang mga hukbong nagmamartsa
habang papalayo sa lungsod, umiimbay ang malalaking bisig,
nananaginip na hihinto ang eroplano nang ilang pulgada sa batuhan,

gaya sa retrato ng isang eroplano. Sa aking tanging pangitain,
Ako, si Senex, ay panatag na hinihintay ang pamumuong lumilitaw
nang pabilog sa dulo ng daliri: —makinang, tiyak na tiyak, sagana.
Ngayon, habang inihahanda ang mga moog ko para sa mga taliba,
nasaksihan ko kung paano sunugin ng mga terorista ang mga atleta;
pinasabog ng mga terorista ang dating embahador ng pinatay
na punong ministro; sinentensiyahan ng mga terorista ang dinakip
na pangulo para sa mga krimen laban sa mga bata na hindi nila
gagawing ama o ina: Babarilin nila siya sa ulo at isisilid ang katawan
sa likod ng Hapones na sedan sa isang kalye ng gilid ng kalungsuran,
na ang mga makinang tiwali ng rehimen ay mang-uutas ng hininga.

May ilang bangkay na nakasilid sa hukay. Ito ang Pransiya.
Nakalabas ang mga sakong ng isa sa maruming dingding na hukay,
at litaw ang anit ng isa pa. Ang pinakanakahihindik naming nakita’y
ang abuhin, putol na bisig na may kamay, puting-puti at may suot
ng singsing na may tatak, na nakalabas mula sa dingding ng gago.
Saanman kami humukay para sa kaligtasan, nahuhukay namin
ang mga bangkay na higit sa amin kaysa Pranses. Kapag sumabog
ang mina, humahalo ang bulalo ng lamán sa ulop at usok para tandaan
ang aming mga puwesto. Mga piraso ng Pranses na napasabit
sa sanga ng punong mansanas. Mayo noon. Ito ang Vauquois.

Sa loob ng apat na dantaon at labing-anim na salinlahi, pinanatili ko
ang aking kastilyo habang ang mga tauhan ko’y naghuhurno ng tinapay.
Binantayan ng aking kawal ang salupungan ng mga ilog. Kapag lumatag
ang salot sa mga lansangan, o kapag ang lakas ng Aleman ay tumawid
ng ilog upang tigpasin ang mga kawal at kabayo, ang mga magsasaka
at baboy ay naghuhunos na ilahas sa mga dalisdis. Magugutom
ang tagtuyot, malulunod ang baha: Saka aahon muli ang tarik sa lambak.
Mag-iiwan ng mga kalansay ang mga mamamanà at mamamaril
sa Mababang Kanayunan. Pitong salinlahi ang nagtayo ng pader.
Sa sansiglo, mga pulahang buhok ang lalakad sa puwang ng dingding;

ngunit ang Danegeld ay mag-iipon ng mga suhol at ng mga moog.
Itatago ang mga repolyo kapag taglamig. Pahihinugin ang mga ubas
para sa alak. Mag-iimpok ng mga itlog ng ibon ang mga bata sa hapon
ng Hunyo. Ang mga pinutol na ensina para sa bubungan ng katedral
ay mag-iiwan ng mga buto para sa mga baboy ng gubat ng diyosesis;
saka tatayog ang mga ensina sa loob ng tatlong dantaon sa pag-aaruga
ng mga manggugubat, ama at anak, upang palitan ang mga poste
ng katedral na pawang inuk-ok ng mga bukbok. Ngayon, kapag lumipad
ang aking mga tagapangasiwa sa Chicago sa Martes at maghiwalay
sa Santo Domingo sa Miyerkoles at sunugin ang mga anak sa Huwebes

nang hindi inaalam na ang pangalan ng kanilang mga lola sa Biyernes
ay isinilang—tatangis sila, tutunggain ang Manhattan sa isang lagukan,
mangangatal silang nakabigkis sa mga kawad ng elektrod sa hapag.
Nang umupo siya sa trono, nagbuhos ng tuon si Juvenis sa mahuhusay
na pamamaraan ng pagsupil sa mga barbaro sa bisa ng mga ilusyon
ng paslit na maaaring maitatag niya ang mga permanenteng hanggahan.
Nang wakasan ng kaniyang Reichmarschall Hanno ang Rhine, inatasan
siya ni Juvenis na hanapin ang maipagtatanggol, matatag, subok na daan
mula sa Cornwall hanggang Cathay: Mga latang kahon na nagsisilid

ng halimuyak ng tsaang Lapsang Souchong. Binuo nina John Hall
at Spartacus ang plutonium dahil sa pag-ibig, at lumikha ng aparato
upang pabalikin ang kasaysayan ng ilog. Hinagupit ni Titus Manlius
at pinugutan ng ulo ang sariling anak para sa suwail na kabayanihan.
Pinasan namin si Bhutto patungo sa bibitayan nang sakay ng istretser.
Tumitimbang siya ng walumpu’t pitong libra, na sapat na timbang;
tinanong niya ang berdugo kung puwedeng pabilisin ang pangyayari.
Payak lamang ang aming layong imperyal at payak ang mga motto:
Kapayapaan para sa Eternidad, Di Kalayaan bagkus Kaayusan.
Samantala, bilang pangulo-emperador, ako, si Senex, ay gagamit

ng mga angkop na pagpapabalam at pamimili para maisakatuparan
ang pamamahala: Ito ang mga alituntunin ng alituntunin.
Kung ano ang itinuturing na sagot noon ng ating kabataan, kung ano
ang tawag ng ating mga tagapag-ugnay sa publiko na “Tagumpay
ng Demokrasya,” o “Katalinuhan ng mga Pinunong Militar,”
ay pangharang lamang. Kapag inihinto natin ang suplay sa ating kampo
na kubkob doon sa Bughaw na Nilo, makakamit ang petrolyo at trigo
para sa kampanya sa Manchuria; hindi naging hadlang ang Masada
o ang Moog. Binigti natin ang Vercingetorix para bilhin sa kalahating
taon. Kung ang laksang pamumugot ng ulo ay makapagdudulot sa atin

ng dantaong tagsibol ng mga butil, ng masaganang daloy ng tubig
sa mga akwedukto, at ng paglusog ng mga baka sa bawat tagsibol,
sino ang hindi magluluwag ng pamalo at maghahasa ng palakol?
Sinunog ng Griyegong apoy ang mga Saracen sa kastilyo ng Byzantium
at sa mga latian sa parehong panahon ng pagsalakay at pag-urong—
gaya ngayon sa maasim na sanaw na bumilaok sa biya; gaya ngayon
na namatay ang panggabing ibon na hindi nabuo sa manipis na itlog.
Tuwing nag-aaklas ang taumbayan laban sa mga tagapagpahirap
at salarin, ang mga tagapagpahirap at salarin ay tumatayo para angkinin
ang kanilang puwesto, at minamasaker ng mga Bughaw ang Lungti.

Inaalipin muli ng mga lalaki ang mga babae at pinuputol ang kamay
ng pulubi at itinatali ang pulsuhan ng bakla sa isang poste at papaslangin
siya sa piling ng mga puta at propitaryo. Ang aming dating punong ministro
ay pinatay ng isang hurista na minasinggan nang lubos ang sikmura.
Nagpahatid ng pabatid ang aming pinuno sa Arbiter, ang kaniyang tapat
na tagapayo, na hiniwa ang kaniyang pulso noong naliligo at habang
kausap nang may katusuhan ang kaniyang mga kawani. Yumao
rin siya nang mabilis: Binendahan ng mga alipin ang kaniyang pulsuhan.
Nagunita ang layon pagsapit ng liwayway, tinanggal niya ang gasa.
Pinapugutan ni Tiberius ang anim na Hudyong Doktor.

Sa Palmer Canyon, ang mga limon sa mga pinatubigang bukirin
ay paliit nang paliit ang paglaki. Heto ang libingan ng Republika,
ang himlayan nina Erasmus at Hume, ang Florentinong ginto at asul,
ang katawang marmol ni Donatello, ang mga libingan ng mga salapi
at kalayaan. Umaangat ang matatangkad na barbaro, ang hukbong musmos
ng pasibong katangahan. Ako, si Senex, pangulo at emperador, sumisipat
nang may katarata, ay nabatid na ang apoy na Griyego ay pansamantalang
napigil lamang ang pagsalakay ng mga Vikingo at Turko at Bolshevik,
na pawang inaakyat ang mga moog nang may masisidhing pagkapoot
at humihiyaw para mandambong papasok sa mumunting dahon ng bintana.

Aklasang Bayan sa EDSA

May ilang mito na marapat ituwid sa Aklasang Bayan sa EDSA (EDSA People Power). At kabilang dito ang paniniwalang hanggang pag-aaklas ng mga armadong kawal lamang ng pamahalaan ang magpapakiling ng timbangan sa panig ng nag-aaklas. Noong 1986, makikita sa mga mata ni Kalihim ng Tanggulang Pambansa Juan Ponce Enrile ang sindak at pagkabalisa habang katabi ang armadong si Col. Gringo Honasan, samantalang magaling magkubli sa pamamagitan ng tabako at propaganda si Hen. Fidel Ramos. Marahil batid ng dalawang lider na mapupulbos sila sakali’t sumalakay sa magkabilang kampo sa EDSA ang tropa ng pamahalaan, at kung hindi dahil sa maagap na panawagan sa radyo ni Jaime Cardinal Sin, at pagpipigil ni Pang. Ferdinand Marcos kay Hen. Fabian Ver, ay magwawakas sa madugong bakbakan ang lahat.

Pambihira ang sindak ni Enrile, at mahahalata iyon kahit sa mga alalay at kaway ni Corazon Aquino. Si Cory ay alanganing tagapagbuklod ng oposisyon, hilaw kumbaga sa sinaing, na higit na deboto kaysa pinunong aakay sa kaniyang tagasunod, at hindi siya makatatakas sa kaniyang uring panlipunang pinagmulan na muling magpapasigla sa oligarkiya. Ang pakikialam ng Estados Unidos ang isa pang nagpabilis ng pagbaba ni Marcos sa poder, at sapilitang itatakas siya at ang kaniyang pamilya upang idestiyero sa Hawai’i.

Maraming nasayang sa kauna-unahang Aklasang Bayan sa EDSA, at ang manipestasyon ay mababanaagan kahit sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo. Ang tunay na suporta ng taumbayan sa pamahalaan ay napabawa ng pagbabawal na magkatipon-tipon at magprotesta sa mga inaakalang maling patakaran ng pamahalaan. Ang pag-aaklas ay makukulayan ng mga bayarang tagasigaw at hakot. Nahigop ng pamahalaan ang halina ng mga dating organisadong pangkat na nakikipaglaban alinsunod sa prinsipyo, ideolohiya, at lunggati para sa makabagong Filipinas. Nabibili kahit ang pabor, tangkilik, o promosyon sa sandatahang lakas at iba pang sangay ng pamahalaan. Matutumbasan ng halaga kahit ang opinyon ng mga komentarista at mamamahayag. Magagamit ang puwersa ng negosyo upang ibagsak ang kalaban. At sa kawalan ng pag-asa ay nanaisin ng iba na mangibang-bayan upang doon magtrabaho at mamuhay nang malayo sa alaala ng pagtataksil.

Ang aklasang bayan ay dapat gunitain nang may pagtutuwid sa mali, at pagpapanumbalik sa ginhawang marapat matamo ng lahat.

Ang pagdiriwang ng Aklasang Bayan sa EDSA ay dapat wakasan ang pagbubunyi sa mga personalidad, mulang Enrile at Ramos hanggang Aquino at Sin hanggang kawal at madreng pamposter. Ang aklasan ay hindi magaganap kung wala ang sakripisyo ng taumbayan, na nagmula sa kung saan-saang uri o pook at nagsikap na magtungo sa EDSA upang pigilin ang madugong digmaang sibil. Ang aklasan ay may kaugnayan sa sama-samang bayanihan, na handang magtindig ng bagong pamunuan at palitan ang bulok na pamahalaan. Umiinog ito sa matapat at bukas-loob na pakikipagkapuwa, na idaraan ang lahat sa pakikipag-usap na magiging alternatibo sa dahas at pagpatay. Ang aklasang bayan ay pagbubuo ng lunggati para sa bayan, at upang maisakatuparan ang gayong lunggati ay kakailanganin ang bagong sibol na pamunuan na may bisyon at handang sumangguni at pumailalim sa taumbayan para sa ikagagaling ng Filipinas nating mahal.

Pag-ibig sa Tinubuang Bayan

Ano ang katangiang taglay nina Andres Bonifacio, Osama Bin Laden, Ho Chi Minh, at Mao Zedong? Lahat sila ay marunong tumula, at ginamit ang tula bilang kasangkapan sa paghahasik ng himagsikan.  Sa kanilang mga kamay, ang tula ay hindi lamang nakalaan para kaluguran ng makata o kritiko, bagkus nakatuon para sa malawak na mambabasa na kayang umarok sa mga lantad na pahiwatig ng akda.

Ipinapalagay dito na isinasaalang-alang ng makata ang kaniyang mga mambabasa; at bilang tagapaghatid ng mensahe’y batid ang antas ng diskurso at konsepto ng kaniyang lipunan. Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang makata ay susunod lamang sa agos ng lipunan o isusulat ang nais marinig ng taumbayan. Ang makata ay maaaring pagsimulan ng siklab ng diwa, at ang siklab na ito ay maaaring lumaking lagablab na makagigising sa madla upang baguhin ang nakagawian nitong pananaw ukol sa buhay, kaligiran, at pakikipagkapuwa. Masasabing rebelde ang makata, at ang rebeldeng ito, na humawak man ng armas, ay higit na magiging makapangyarihan kung matalas at masinop gumamit ng salita.

Mahalaga sa makata ang pag-alam sa mga dalumat [i.e., konsepto] ng kaniyang lipunan. Ang mga dalumat na ito, gaya ng “kalayaan,” “pag-ibig,” “alipin,” at “puri,” ay maipapaloob niya sa kaniyang mga akda sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan, usapan, tauhan, at salaysay. Mahirap ang gayon lalo kung hindi maalam sa tula o katha ang manunulat. Ngunit sa oras na makamit niya ang kadalubhasaan sa wika, ang anumang malalalim na diwain ay mapagagaan, at maihahatid niya sa madla sa pinakapayak na paraan ang anumang mabigat na paksa. Maihahalimbawa ang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio na mahahalatang naanggihan ng pagtula ni Francisco Balagtas Baltazar.

Pag-ibig sa Tinubuang Bayan
ni Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa sariling[*] lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng sangkatauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpupuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat;
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pagkasi?
na sa lalong mahal nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi?

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbigay-init sa lunong[†] katawan.

Sa kanila’y utang ang unang pagtanggap
ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawa’y mapasa-libingan.

Ang nangakaraang panahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin,
liban pa sa bayan, saan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
ng parang [at][‡] gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t isaalaala
ang ina’t ang giliw lumipas na saya.

Tubig [na] malinaw sa anaki’y bubog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaaaliw sa pusong may lungkot.

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati ng magdusa’t sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap. O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasasapanganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Dapwat kung ang bayan ng Katagaluga’y
nilalapastangan at niyuyurakan
katuwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong tagaibang bayan.

Di gaano kaya ang paghihinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait?
Aling kalooban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang panghihinayang[§]
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa kaalipinan?

Kung ang pagkabaon [at] pagkabusabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng panghampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaaagos?

Sa kaniyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
ang hindi gumugol ng dugo at buhay.

Mangyayari kaya na ito’y malangap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Kastilang hamak?

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos?
at natitilihang ito’y mapanood!

Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naabang bayan.

Kayong natuyan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
muling pabalungi’t tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy yaring buhay na nilanta’t sukat
ng bala-balaki’t makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang [niyurakan][**]
ng daya at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itangkakal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging [hikap][††]
kundi ang [matubos] sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo’y ubusing itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay [mapatid]
ito’y kapalaran at tunay na langit!

Sa tulang ito ni Bonifacio, ang konsepto ng “pag-ibig” ay hindi lamang nakapokus sa magkaibigan, magkasintahan, mag-asawa, at mag-anak. Ang sukdulang pag-ibig ay nasa pagmamahal sa “Tinubuang Bayan” [i.e., bansa]. Walang kahalintulad ang pag-ibig sa bayan, dahil kaakibat nito ang pambihirang pagsasakripisyo, at humahangga sa “kabayanihan” kung hindi man “kamartiran” gaya ng isinusulong ng Al Qaeda. Ang “kabayanihan” ay hindi esklusibo sa isa o dalawang personalidad, bagkus sangkot ang lahat ng mamamayan. Ito’y dahil walang may monopolyo ng pagmamahal sa bayan, ani Bonifacio, at makakikita ng halimbawa sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Ang “pag-ibig sa tinubuang bayan” ay nagtataglay ng mga pambihirang katangian, gaya ng “banal,” “makatarungan,” “matapat,” “dakila,” at “ginugulan ng buhay.” Ang gayong mga katangian ay mahihinuhang hinihingi sa bawat Katipunero na sasabak sa himagsikan, at handang harapin ang banyagang mananakop na Espanya. Samantala, ang “tinubuang bayan” ay hindi malamig na entidad, bagkus inihalintulad ni Bonifacio sa isang “mapagkalingang ina”  na nagbibigay ng “ginhawa” sa kaniyang mga anak mulang duyan hanggang libingan. Ang inang ito ay nagbibigay ng masasayang gunita sa kaniyang mga anak, ngunit nang sumapit ang kolonisasyon ay napalitan ng malulungkot na alaala.

Simple lamang ang nais ipahatid ni Bonifacio. Kung ang iyong Ina ay nasa panganib, nilapastangan, dinungisan ang puri at dangal  [i.e., ginahasa at hiniya], wala nang iba pang dapat gawin kundi maghimagsik. Mapanunumbalik lamang ang dating kaginhawahan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng kaniyang mga anak. Hinihimok ng tula na muling palitawin ang tunay na pag-ibig mula sa kalooban, kahit mangahulugan iyon ng pagbubuwis ng buhay.

Ang tagumpay ng himagsikan ay pagkakamit ng “ginhawa,” at ang ginhawang ito ay mahihinuhang dating tinatamasa ng mga anak ng bayan bago pa sumapit ang kolonisasyong dulot ng “Inang Sukaban” [Espanya]. Ang ginhawa ay hindi lamang katumbas ng materyal na bagay, bagkus paghihilom ng sugat ng isip, loob, at katawan ng buong bansa. Para kay Bonifacio, ang tunay na langit ay pagtatanggol sa Inang Bayan kahit ikamatay ng maghihimagsik. At siyang nauulit lamang ngayon sa Iraq, Afghanistan, Somalia, at iba pang panig ng daigdig.

TALABABA


[*] Sa ibang teksto, ang “sarili” ay naging “tinubuan” o “tinub’an.” Kung “tinubuan” ang gagamitin, lalabis ang sukat ng tula. Kung gagamitin naman ang tinipil na “tinub’an” ay posible ngunit magiging kakatwa sa pagbigkas. Batay ang “sarili” sa teksto mula kay Julian Cruz Balmaseda.

[†] Sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda at itinala ni Teodoro T. Agoncillo, ang “lunóng” (luno+na) ay naging “buong” (buo+na). Sinundan ko rito ang teksto na ginamit ni Virgilio S. Almario. Tumutukoy ang “lunó” sa paghuhunos ng balát, gaya ng makikita sa pagpapalit ng balát ng ahas, o kaya’y pagpapalit ng balahibo ng tandang o aso.

[‡] Sa teksto nina Julian Cruz Balmaseda at Virgilio S. Almario, ang kataga ay tinipil na “niya’ ngunit hindi tinitipil ang dalawang pantig na salita sa Tagalog, at maaaring tumutukoy lamang ito sa “at.”

[§] Sa ibang teksto, gaya ng kay Virgilio S. Almario, ang “panghihinayang” ay naging “paghinay-hinay.” Sinundan ko ang teksto ng kay Balmaseda dahil ang “panghihinayang” ay higit na malapit na salita.

[**] Sa teksto ni Teodoro A. Agoncillo, ang “niyurakan” ay naging “inuusal.” Ginamit ko ang “niyurakan” na mula sa teksto ni Virgilio S. Almario na higit na angkop na salita kaysa “inuusal” na waring pabigkas lamang. Ang “pagyurak” ay napakabigat, na parang pagtapak at pagdurog sa dangal ng tao.

[††]Batay ito sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda, ang saknong ay “Kayong mga dukhang walang tanging hikap/ kundi ang matubos sa dalita’t hirap/ ampunin ang bayan kung nasa ay lunas/ pagka’t ang ginhawa niya ay sa lahat.// Tumutukoy ang “hikap” sa pangangapa sa dilim, at ang ganitong tayutay ay bumabagay sa pagnanais na makaahon sa hirap.

Paghahari ng Batas

Pinatunayan muli ng Kongreso na pinaghahari nito ang batas. At ang batas na ito ay batas na kilala lamang ng mayorya ng mambabatas, at salungat sa esensiya ng batas alinsunod sa panlipunang kasunduan. Ang pagboto ng mga mambabatas kung sapat ang nilalaman ng sakdal sa pagpapatalsik sa pangulo ay naninimbang sa atas ng partido, ayon sa oposisyon na may katwiran, imbes na timbangin ang buto’t laman ng mga paratang.

Dapat pa bang pagtakhan ang magiging resulta ng pagdinig sa kongreso? Ang pahayag halimbawa ni Deputy Speaker Pablo Garcia na inihahalintulad ang hinaing laban sa pangulo sa gaya ng sandwits o pagkakapako kay Hesus ay hindi lamang sablay sa lohika bagkus nagtataglay ng pahiwatig kung ano ang magaganap sa isinampang kaso ng oposisyon. Ngunit palulusutin ng mga kapuwa niya mambabatas ang gayong pahayag, at marahil may kaugnayan dito ang posisyon ni Garcia sa batasan.

Kasumpa-sumpa ang pahayag ni Garcia bilang mambabatas, at halimbawa ng sukdulang kasalatan sa bait.

Naghahanap naman ng mga pruweba si Rep. Eduardo Zialcita hinggil sa mga paratang. Nagmamadali si Zialcita, at animo’y nasa yugto na sila ng pagdinig ng mga kaso laban sa pangulo. Hindi pa ba sapat ang pagpapalabas ng mga kautusan ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo na labag sa Konstitusyon at siyang pinagpasiyahan ng Korte Suprema? Hindi ba kaduda-duda ang pagtatagpo ng mga personalidad ng pamahalaan sa Tsina, at ang kontratang naglaho kung saan hinggil sa ZTE-NBN? Hindi ba karapat-dapat imbestigahan ang panghihimasok ng pangulo sa halalan, at paghingi ng paumanhin sa taumbayan dahil sa kaniyang “pagkakamali”, at iba pang kaso?

Binanggit ni Rep. Nograles na ang pagsasampa ng kaso na patalsikin ang pangulo ay isang pampolitikang proseso at hindi lamang panghukuman. Na hindi umano napapanahon ang impeachment o pagpapatalsik sa pangulo dahil sa kinakaharap na pandaigdigang krisis ngayon ng bansa. Hindi sapat ang ganitong pahayag ni Rep. Nograles, dahil inililihis nito sa tunay na usapin ang pagdinig ng kaso, at kahit may sapat na laman at anyo ang hinaing ay nababalewala. Ang pagiging pampolitikang proseso ng impeachment ay hindi maiiwasan ngunit dapat harapin dahil mabibigat ang sakdal na makapagpapaguho sa tiwala at awtoridad ng pamahalaan.

Kailangang mabatid ng taumbayan kung tunay ngang nagkasala ang pangulo at ang kaniyang mga kasapakat na politiko o kaanak, halimbawa sa suhulan. Sa ganitong paraan, malilinis ang pangalan nila sa harap ng madla, at mabubunyag kung sino-sino ang gumagawa ng katarantaduhan. Sabihin nang magastos ang gayong proseso. Gayunman, mabuti nang gumastos kaysa panatilihin sa poder ang pangulo na walang karapatang mamuno dahil sa korupsiyon at katiwalian at maling pamamahala, alinsunod sa paratang ni Rep. Jose de Venecia. Kung ginawa ang impeachment kay Pang. Joseph Estrada ay dapat din itong subukin kay Pang. Arroyo dahil nakasalalay dito ang integridad hindi lamang ng pangulo kundi ng lahat ng tao na bumoto sa kaniya noong nakalipas na halalan. Ngunit kung hindi natapos ang kay Pang. Estrada dahil sa tantiyadong pag-aaklas, kailangan namang tapusin ang kay Pang. Arroyo upang patunayan na makaiiral pa rin sa bansa ang tunay na katarungan.

Sabihin nang bulok ding politiko itong si Rep. De Venecia. Ngunit ang kaniyang personalidad ay bukod sa taglay ng kaso, at hindi komo’t kabilang siya sa nag-endoso ng impeachment ay wala nang kabuluhan ang naturang hinaing.

Marahil ay sarado na ang impeachment. Ngunit hindi ito sapat para manatiling tahimik ang taumbayan. Kinakailangang makialam ang taumbayan sa kani-kanilang inihalal sa pamahalaan mulang pangulo hanggang mambabatas hanggang barangay kapitan at konsehal dahil ang susunod na bakbakan ay magaganap sa pagpapalit ng Konstitusyon, at sa pagtatatag ng bagong sistema ng pamahalaang lalong magpapataba sa puso ng mga mambabatas na kakampi ng kaitaasan.

Kung ang batasan ay umaabot na sa yugtong hindi na makapagsisilbi pa sa taumbayan, may karapatan ang taumbayan na ipawalang-bisa ito alinsunod sa pananaw ni John Locke. Kung may karapatan ang taumbayan na ihalal ang mga mambabatas sa pamahalaan, may karapatan din itong patalsikin sa puwesto ang nasabing mga mambabatas kung nagiging panggulo lamang sa layong manatili sa kapangyarihan imbes na maging tagapagbuklod ng sambayanan, alinsunod sa pananaw ni Thomas Hobbes. Ngunit maaaring hindi maganap ito sa pamamagitan ng pagkukusang popular (popular initiative). Ang pagpapalit ng sistema sa mapayapang paraan ay maaaring sumasapit na sa sukdulan, at marahil nag-iisip na rin ang ibang sektor ng lipunan kung ano ang higit na mabilis, makabuluhan, at makabayang hakbang, alinsunod sa pananaw nina Karl Marx at Friedrich Engels, dahil ang batasan ay lumilihis sa papel na tagapamagitan bagkus nagiging tagapagtanggol pa ng naghaharing uri sa lipunan. Kung si Jean Jacques Rousseu ay makapagmumungkahi ng karahasan sa sinumang lalabag sa panlipunang kasunduan, at siyang waring ginagawa ngayon ng mayorya sa kongreso, sino ang hihindi sa ganitong panukala?

Naniniwala akong may tinig ang karaniwang Filipino, at ang tinig na ito na kung magiging tinig ng organisadong mga mamamayan at pangkat, ay kayang lumampas sa usapin ng heograpiya, wika, relihiyon, lipi, at ideolohiya. Panahon na marahil upang magkaroon ito ng gulugod, at nang makalakad papaloob ng batasan o kahit sa Malacañang. Hinihintay ko ang unang sisigaw.

Epiko at Radyo

Isa ako sa mga paslit noong dekada 70 na lumaki sa halina ng radyo. Hindi pa uso noon ang ipod, kompiyuter, selfon, at internet, dahil noong 1981 lamang ilulunsad ng IBM ang PC (Personal Computer) nito. Dekada 70 ang magluluwal ng mabibilis na pangyayari sa paglalakbay sa kalawakang pangungunahan ng Skylab; ang maghahatid ng pagkakatuklas sa subatomikong partikulo; ang magtatampok ng pagpapagalingan sa mga sasakyang panghihimpapawid; at ang magbubunsod ng iba pang pagsasanay gaya ng pagpapasabog ng bombang neutron at ganap na pagtukoy sa henetikong estruktura ng organismo.

Sa Filipinas, ang telebisyon noon ay hindi masasabing napakalakas ng saklaw, at iilan lamang ang estasyon sa pihitan. Mapagpipilian ang komiks, magasin, at pahayagan sa pagsagap ng kaalaman at impormasyon. Ngunit mananaig ang radyo sa lahat, dahil nasa radyo ang dinamikong dula, kuwento, balita, at tsismis na pawang aaliw at magtuturo sa mga tagapakinig. Tinig ng radyo ang papasok sa mga tahanan, at anumang alon nito ay magsasakay ng mga kagila-gilalas na pagsulong ng bagong sibilisasyon.

Isisilang ng dekada 70 ang makabagong pagdulog sa teatro, at ilan dito ang pagtatanghal ng gaya ng Mariang Makiling at Prinsesa Urduja na ang mga libreto’y isinulat ni Iñigo Ed. Regalado at nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura. Lilitaw din ang mga dula nina Rolando S. Tinio, Onofre Pagsanghan, at Bienvenido Lumbera habang mamumukod ang PETA (Philippine Educational Theater Association).

Ngunit panandalian ang gayong tagumpay. Igigiit ng radyo ang kapangyarihan nito at magiging mahigpit ang kompetisyon. At ang mga dating dulang ipinalalabas sa entablado ay naisalin sa radyo, gaya ng ipinamalas ng Broadcast Media Council. Ang BMC, na nilikha sa bisa ng Pampanguluhang Dekreto Blg. 576, ay nagtatanghal ng mga dulang panradyo. Ang nasabing mga dula’y hindi karaniwang soap opera na pulos iyakan o bakbakan, bagkus naglalahad ng mga epiko’t mitong gaya ng Hudhud, Indarapatra at Sulaiman, Biag ti Lam-ang, Humadapnon, at Ibalon.

Si Liwayway A. Arceo—na batikang mangangathang Tagalog at Filipino—ang sumulat ng naturang mga dula. Kalahating oras lamang ang laan sa pagtatanghal, kaya hinahati sa yugto-yugto ang kuwento. Piling-pili ang yugtong itatanghal, at may mga tagapagsalaysay na gaya ng mag-lolo ang sumusuhay sa kuwento upang maiugnay ang mga pangyayari sa kontemporaneong tagapakinig. Tinawag na “Kasaysayan ng Lahi” ang programa sa radyo, at isinahimpapawid sa DZBB-Channel 7. Mulang alas-seis ng gabi hanggang alas-diyes ng gabi, maririnig sa iba’t ibang oras sa sari-saring himpilan ng radyo sa buong kapuluan ang nasabing mga dula.

Si Lydia Collantes-Villegas, ang anak ng dakilang makatang si Florentino T. Collantes, ang naging tagapamagitan sa mga manunulat.

Nanghihinayang ako at wala na ang mga dulang panradyong naglalaan ng espasyo para sa ating mga epikong bayan. Inilapit ng gaya ni Arceo ang epiko sa karaniwang mamamayang salat sa oportunidad na makapagbasa ng aklat at makapasaliksik sa mga aklatan, at ang dating lalawaganing Hudhud o Darangen ay lumampas na sa hanggahang teritoryo nito at pumaloob sa pambansang antas. Naibalik din sa gunita ng taumbayan ang mga katutubong epiko kahit sa munting paraan.

Mapusyaw, wika nga, kung ikokompara ang Joaquin Bordado o Dyesebel o Kamandag o Lastikman sa mga pakikipagsapalaran nina Agyu, Aliguyon, Baltog, Lam-ang, at maraming iba pa. Ito ang nakakaligtaan ng mga manunulat sa telebisyon. Mayamang bukál ng kuwento ang mga epikong bayan at ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, titigang muli, isalaysay, at kung kinakailangan ay muling itanghal sa bagong anggulo, para sa kaluguran ng bagong manonood o tagapakinig.

Matatagpuan sa Ateneo de Manila University ang mga kuwento, tula, at epikong pabigkas, at kabilang dito ang Darangen, Hudhud, Ulaging, Ullalim, Hagawhaw, at Tultul. Sa aking palagay ay mabubulok lamang iyon sa imbakan ng Ateneo hangga’t walang tao na magsisikap na pag-aralan iyon. Makabubuti pang ipasok ang gayong datos sa isang malawakang websayt na Filipino nang madaling maabot ng karaniwang Filipino.

Hinuhulaan kong malapit nang mamatay ang radyo, at isa sa mga papatay dito ang cyberspace. Napakabilis ng pagbabago sa himpapawid, at kung mananatiling baryotiko ang pagdulog sa radyo, nakatakdang sapitin niyon ang masaklap na karanasang dinaanan ng pagsasara ng mga entablado sa iba’t ibang kapuluan. Haka-haka ko lamang ito, na maaari ninyong pabulaanan, susugan, o dagdagan para sa ikalilinaw ng taumbayan.

Sulyap sa mga lathalaing Tagalog noong 1946

Masigla ang paglalathala ng mga pahayagan, magasin, at ibang babasahin sa wikang Tagalog noong 1946, isang taon makaraang mapinid ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ilan sa mga popular na arawang pahayagan noon ang Balita, Ang Bayan, Bagong Buhay, Malaya, Sinag-Tala, at ang mga magasing gaya ng Ang Mutya, Daigdig (Ang dating Hiwaga), Ilang-ilang, Movie Cavalcade, Literary Song-Movie Monthly, Cinema English-Tagalog Monthly, The Parent-Teacher’s Magazine, at Kayumanggi. Tanyag din noon ang mga babasahin sa Ingles, gaya ng Manila Daily News at ang Manila Daily News Sunday Magazine; ang The Manila Chronicle; at ang Filipino Youth na nagtataguyod ng Ingles.  

Napakamura ng bilihin noon. Ang Mutya ay nagkakahalaga lamang ng kinse sentimos bawat sipi. Ang Ang Bayan ay nagsimula sa diyes sentimos ngunit magtataas din ng presyo at magiging kinse sentimos. Ang Malaya at Sinag-Tala ay treinta sentimos ang halaga kada sipi; samantalang ang Daigdig ay beinte sentimos lamang kada sipi. Mataas pa noon ang halaga ng piso. Ang treinta sentimos noon ay kaya nang makabili ng sapat na ulam, kanin, at kape, at kung papalarin ay makaiisa pa ng istik ng sigarilyo.

Bawat babasahin ay sumasandig sa mga manunulat at editor na makukuha nito. Halimbawa, ipagmamalaki ng Ang Bayan si Aniceto F. Silvestre na punong patnugot nito, at ang tagapangasiwang panlahat na si Servando de Los Angeles. Si Silvestre rin ang punong patnugot ng Ang Mutya, at katulong na patnugot si Ruperto S. Cristobal.

Ibabantayog naman ng magasing Ilang-ilang si Iñigo Ed. Regalado na punong patnugot nito, at ang tagapamahalang si Mariano Jacinto. Sa kabilang dako, punong patnugot ng Kayumanggi si Alejandro G. Abadilla na katuwang ang mga makatang sina Manuel Car. Santiago at Manuel Principe Bautista. Punong patnugot ng magasing Pag-asa si Jacinto R. de Leon, na hahakot ng mga manunulat na gaya nina Leonardo Dianzon, Hilaria Labog, Liwayway A. Arceo, Pedro Reyes Villanueva, Jose Flores Sibal, at Cirilo Bognot.

Ang Ang Bayan ay may hinpamagat na “Pahayagang Ganap na Filipino.” Ang Ilang-ilang naman ay “Ligaya’t Aliw ng Bawat Tahanan.” Ang Pag-asa ay “Sulo ng Pag-unlad”; ang Pawis ay “Magasin ng mga Manggagawa”; ang Bisig ay “Babasahin ng mga Manggagawang Pilipino”; at ang Bagong Buhay ay “Malayang Pahayagang Pang-araw-araw.”

Pinakamaangas noon ang Kayumanggi, na tinawag ang publikasyon na “Ang Babasahin ng mga Babasahin.” Makapagyayabang noon si Abadilla dahil ang Kayumanggi ay de-kolor ang pabalat, at nagkakahalaga ng singkuwenta sentimos! Ngunit hindi magtatagal ang nasabing babasahin dahil napakamahal noong panahong iyon, at may halagang katumbas ng pagkain sa agahan at tanghalian, bukod sa tabako o sigarilyo.

Samantala’y nakahahatak ang Ilang-ilang, at ang mga tagapag-ambag na manunulat nito ay kinabibilangan ng mga batikang sina Lope K. Santos, Jose Domingo Karasig, M.P. Bautista, Teofilo E. Sauco, Gregorio F. Cainglet, Susana de Guzman, Luis M. Trinidad, Gemiliano Pineda, at Claro M. Recto. Si Recto, na hirap sa wikang Tagalog ngunit bihasa sa Espanyol, ay tinutulungan ni Regalado noon na maisalin ang kaniyang akda sa Tagalog upang maunawaan ng madla. Naisip marahil ni Recto na walang silbi ang kaniyang mga akda kung ang makaiintindi lamang niyon ay ang mga edukado sa Espanyol imbes na mga kapuwa Filipino.

Nakipagtagisan sa merkado ang Ang Mutya, at nakuha ang mga serbisyo ng gaya ng mga kuwentistang sina Jesus S. Esguerra, Brigido C. Batungbakal, Celso A. Molina, at Cirio Galvez Almario, at Miguel M. Cristobal; ang nobelistang si Ruperto S. Cristobal; ang kritiko at sanaysayistang sina Lope K. Santos, Leonardo A. Dianzon, at Felipe Padilla de Leon; at ang mga makatang sina M.P. Bautista at Mario Mijares Lopez, at iba pa. Sa mga pahina ng Sinag-Tala mababasa ang kombinasyon ng matatanda at kabataang manunulat, gaya nina L.K. Santos, Liwayway A. Arceo, Genoveva Edroza-Matute, Apolonio C. Arriola, Andrea Amor Tablan, Alberto S. Medina, Susana de Guzman, Rufino Alejandro, at iba pa. Pinamatnugutan ni Mar S. Torres, na isa ring mangangatha at sanaysayista, ang Sinag-Tala. 

Halos umiikot ang mahuhusay na manunulat sa iba’t ibang publikasyon, at malimit mag-ambag ng mga maikling katha, tula, nobela, at sanaysay, bukod sa pagsusulat ng balita o piling artikulo. Ang ilang akda sa mga pangunahing magasin at pahayagan noon ay magiging bahagi ng sangguniang aklat na Diwang Kayumanggi, Ikatlong Aklat, na antolohiyang binuo ni Juan C. Laya para sa mga estudyante, at maituturing nang klasiko sa panahong ito.

Ano ang makukuhang aral noong 1946? Na maisasalba ng sining at panulat ang mga mamamayan at ang mga manunulat. Na madilim man ang dinaanang yugto ng mga manunulat ay may mapipiga pa rin doong kahanga-hangang bagay. At iyon ay walang iba kundi ang makulay na guniguni at sigasig, bukod sa pananalig na ang panitikan at ang sariling wikang matalik sa taumbayan ang makapagbibigay ng pag-asa sa bawat tao para mabuhay at manaig.  

Lilipas pa ang 40 taon at magaganap ang di-inaasahang Aklasang Bayan sa EDSA.. Mauulit ang gayong tangkilik sa pamamahayag at panitikan, at mangangarap muli ang ilan na ililigtas sila ng panulat. May 22 taon na ang nakararaan mula nang sumiklab ang Aklasang Bayan sa EDSA ngunit ngayon pa lamang unti-unting nabubunyag na hindi dapat umasa sa ilang personalidad, gaya nina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Juan Ponce Enrile, at Jaime Cardinal Sin. Ang tagumpay ng bayan ay wala sa simbahan o negosyo o militar o kilusan. Nasa hanay ng maláy, radikal, at organisadong taumbayan ang tagumpay, at ito ang ipinagugunita sa atin ng panitikan—na malimit nating ayaw paniwalaan, kung hindi man pilit iniiwasan.