Nakatimo nang mariin sa panitikang-bayan ng Filipinas ang hulagway at anino ng ibon noong una pa man. Ayon sa mga alamat, nalikha umano ang kapuluan natin dahil sa isang ibong nagngangalang Manaul, na pinag-away at pagkaraan ay pinagbati muli ang langit at tubigan upang mailatag ang kalupaan. Ibon ang sanhi kung bakit iniluwal ng buhô ang unang babae (Sibabay) at lalaki (Silalak) sa daigdig. Ibon ang magtatakda ng kaayusang pampolitika at panlipunan dulot ng pananakop at kontra-pananakop na tunggalian sa panig ng mga tagalupa (Raha Manok) at tagahimpapawid (Raha Lawin). Ibon ang maghuhudyat ng pagbabago ng simoy, gaya ng nakasaad sa pamahiing “Paghumuni ang pakiskis, ang tag-ulan ay malapit nang sumapit.” Nagbababala naman ng kamatayan o sakuna ang gaya ng tigmamanukin at tiktik, gaya sa epikong Tulalang. O kung hindi’y sinasangguni ng mga mandirigma upang mabatid nila ang kahihinatnan ng napipintong pakikidigma, gaya sa epikong Hudhud hi Aliguyon. Ibon din ang maghahatid ng resureksiyon sa gaya ng nagdalamhating inang nawalan ng anak ngunit pinagmulan naman ng ibong kuhaw. At ang gaya ng kuhaw ang magiging talinghaga ng Filipinas bilang Inang Bayan na paulit-ulit magbabalik sa ating ulirat sa iba’t ibang panahon.1
Masisilayan sa mga kagila-gilalas na tala ni Ignacio Francisco Alcina, S.J. ang yaman at varyedad ng mga ibon, manok, bibe, at kauri na pawang matatagpuan sa sinaunang mga islang bumubuo sa Visayas. Sa kaniyang Historia de las islas e indios de Bisayas…1668, apat na kapitulo ang inilaan upang maipaliwanag, halimbawa, ang pagkakatangi ng mga ibong taal sa bansa at doon sa Espanya; ang anyo ng mga uring antutubig, limbas, at panggabing ibon, bukod pa ang kaibhan ng mga paniki at bayakan. Upang maipamalas ang anyo ng nabanggit na nilalang, iginuhit ang ilang halimbawa ng tabon (agila?), tamantaman (bibe), banog (bakaw), tarintin (kuwago), talabong (tagak), at kabog (paniki) nang kahit paano’y makilala ng sinumang ibig makabatid niyon.2
Hindi kataka-takang makapagluwal ng paghanga at pagkilala ang mga ibon sa Filipinas. Batay sa samotsaring saliksik hinggil sa mga ibon ng Filipinas, tinatayang aabot sa 940-975 ang kabuuang bilang ng naitalang sari (species) at hinsari (subspecies) ng mga ibon sa bansa.3 Nakilala ang bansa “dahil sa pambihirang mga ibon nito, na sa kasamaang-palad ay nanganib nang pumasok sa atin ang mga banyaga at lumaganap ang mga armas na laan sa pangangaso.”4 Pagsapit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naglaho lahat ang anumang pagtatangkang mapangalagaan ang likas-yaman dahil kailangang manghuli ng mga ilahás na hayop o ibon o anumang lamandagat ang mga tao para mabuhay at makaraos sa tagsalat. Pinagtibay ang kauna-unahang batas na tinaguriang “Game and Fish Protection Act” (Act 2590) noong 4 Pebrero 1916, at nakasaad doon ang pagbabawal sa panghuhuli, pananakit, pagkuha, o pagpatay… ng anumang ibon o mammal o pagsira ng pugad o itlog ng anumang pinangangalagaang ibon…5
Noong pananakop ng Espanyol, malimit kasangkapanin ng mga fraile ang talinghagang matatagpuan sa kalikasan, gaya ng isang pahambing na paglalarawan sa asal ng ibon at ni Hesukristo sa pangaral ni Fray Juan de Oliver:
Ang [Panginoong Hesukristo] pala, ualang pinagcacaybhan niyong ybong ang pangalan sa Castilla,i, Pelicano; yaon conong ybon, cun naghihirap ang caniyang anac, cun mamamatay na, tinotoca nang Yna ang caniyang dibdib at ypinalalabas ang caniyang dugo, nang mauisican niya ang caniyang anac, at siyang yquinabubuhay nila yaong dugo nang Yna.6
Hindi banyaga sa Filipinas ang “pelikano,” at katunayan ay tinatawag itong “pagalà” (Pelecanus philippensis) ng mga katutubo.7 Isang pruweba ang nakapaloob sa lahok na “ave” sa Vocabulario delengua Tagala (1613) ni Fray Pedro de SanBuenaVentura ang ganito: “(A)ng pagala,y, malacquing ibon, gra(n)de ave ca el alcatraz.” Kung nabatid marahil ng mga katutubo na “pagalà” ang ipinangangaral ng Oliver, malamang na maghagalpakan sa katatawa ang mga nakikinig. Huwad ang paglalarawan sa págsasákit ng ibon para sa mga inakay nito (ang pagpapakamatay para mabuhay ang supling), at hindi angkop bilang talinghaga ng dakilang sakripisyo ni Kristo para sa kaniyang mga mananampalataya.8
Inihambing din ni Oliver ang tao sa ilahás na ibon. Pipilitin, aniya, ng ibong kumawala sa hawla nito, kahit naroong patukain nang sagana, at pilit magbabalik sa gubat na pinagmulan. Taliwas yaon, dagdag niya, sa tao na nawiwili pang manatili dito sa lupa (i.e., pisikal na lawas) kahit dumanas ng sakit ng loob, imbes na hangarin ang kalangitang (i.e., espiritwal na lawas) laan para sa kaniya:
Di baquin ang Ybon na quinocolong, magaling man ang pagpapakain sa caniya, pono man nang palay ang cacanan niya, patoc(a)in man nang dilan magaling, ysa man (h)indi nauiuili sa colongan, ysinosoot din maghahapon ang caniyang olo, sa dilan siuang nang Colongan, sa paghanap nang lalabasan, at ang ybig din nga niyang macauala siya at magsaoli sa Gubat na caniyang pinamamayana(n)g dati; bago ang tauo, baquit saquit nang loob ang dilan anyo natin dito sa lupa, nauiuili pa dini.9
Salungat marahil ang pagtingin ng mga Katutubo sa kalangitang nakikita ni Oliver, dahil maaaring ang kalangitan para sa mga Katutubo ay naririto sa lupa at hindi sa kung saang kaitaasan. Mahahalatang ginamit ni Oliver ang talinghaga ng ibon na batid ng mga katutubo at ang taglay nitong sagisag hinggil sa mithing paglaya sakali’t binihag ng kung anong puwersa. Ano’t anuman, naisakatutubo ni Oliver ang konsepto niya ng kalangitan, at sa pamamagitan ng paggamit ng talinghaga ng ibon ay naangkin niya ang dalumat hinggil sa ibon ng mga Tagalog.
Mababatid din ang kahawig nitong talinghaga sa mga sinaunang kawikaang gaya ng,
Ibong nakapiit sa hawla mang ginto,
Pilit mag-aalpas sa pagkabilanggo.10
O dili kaya’y kahawig nitong paalala kapag ibinilanggo ang isang ibon ng parang:
Iyang ibong lumilipad
Sa gubat at kaparangan,
Mamamatay kung ikulong
Kahit sa gintong kulungan.11
Sakali’t hindi mamatay o magpakamatay ang ibon, at makulong sa hawla nang matagal, ay magbabalik pa umano sa dating gawi:
Ang ibon kulungin mo nang ilang taon,
Pagkalabas sa kulungan, pasasadating galaw.12
May 78 lahok hinggil sa mga kawikaang may kaugnayan sa ibon ang kabilang sa aklat ni Damiana L. Eugenio. Hinugot mula sa sari-saring wika ng Filipinas yaon, at mapapansin ang matalik na pagkakahawig ng mga kawikaan kahit magkakalayo ang mga lalawigan. Mahihinuha rin sa nasabing kawikaan ang lalim at lawak ng pananalinghaga hinggil sa ibon at kung bakit ginamit yaon ng mga fraileng Espanyol sa kanilang pangangaral sa katutubo, gaya ng matatagpuan sa isang sipi sa Sermones ni Fray Francisco Blancas de San José (+1614):
14. Ay baquin di cayo natatacot mañga tauong macasalanan, di baquin ang ybon, ay con may natatanaw na tauong nagdarala nang bosog, at nahahalata nang ybon na siya ang sinosoboc, at papanain, ay capag coua,y, lumipad na, cahimat dating quinauiuilihan niya yaong caniyang dinarapoan, at marami man ang caniyang totoc(a)in doon. At con baga marami ang mañga ybong nagcacasama, at yaong ysa ay natamaan, ay yaong lahat, ay manilambo nang lumipad, at nagiyaciyac nang malacquing pagcatacot. Gayon pala ang ybon nang yñgat nila, at nang tacot maholi sila, bago ang mañga tauo,y, ang ualan yñgat yñgat, at ualan tacot tacot panain nang P. D(io)s., ay ano dili paran namamana ang ating P. Dios con balang ybig niyang parusahan dito sa lupa,y, pinarurusahan din, at balang ybig niyang patayin; at yholog sa Ynfierno; ay pinapatay din, at yhihoholog na ualan bahala sa Ynfierno?13
Iwinangis ni Fray San José ang mga Indio sa mga ibon na dumarapo sa “punongkahoy ng kasalanan,” at si Kristo naman ay isang mamamana na magpaparusa sa sinumang hindi lalayo doon sa sangang dinarapuan. Bakit nga raw ba hindi nagbabago ng masasamang asal ang mga Katutubo? Ito at ang iba pang tanong ang palalawigin ni San José upang maisulong ang aral ng kaniyang relihiyon.
Makapangyarihan ang hulagway ng ibon at mababatid yaon kapag tinitigang maigi ang mga anting-anting at tatak ng Katipunan.14 Pansin nga ni Zeus A. Salasar sa isang antigong anting-anting, “(pinakaubod) ang ibon sa bilog na lumaki nang lumaki hanggang maging santinakpan.” Ibon din ang sagisag ng “Langit” o “Ibong Araw,” aniya, at maging ni Bathala na inilarawang “matang-may-pakpak,” gaya ng matatagpuan sa ilang sinaunang watawat na ginamit ng Katipunan. Hindi kaya ibinatay ang nasabing mga hulagway sa isinaad sa Mateo 3:16?
“…Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos, bumababa sa kaniya, gaya ng isang kalapati.”15
Kung babalikan ang ilang teksto ng gaya ni Fray San José at ni Fray Oliver, masisilip kahit paano ang taktika ng mga Espanyol na gamitin ang talinghaga ng katutubo upang maitampok ang kani-kanilang kaisipan; at sa kabilang dako’y mahihinuha rin kung paanong tinanggap, kung hindi man tandisang sinalungat at angkinin muli ng Katagalugan ang gayon pagsapit o pagkalipas ng himagsikang pinagyaman ng Katipunan ni Andres Bonifacio at ng mga kapanalig na anakpawis.
Ibong malaya bilang bansa
Ang binanggit ni Oliver at ang dalawang siniping mga kawikaan hinggil sa ibon ay mananalaytay nang matagal sa nagkaugat na tulang Tagalog. Pinakapopular sa lahat ang tulang “Bayan Ko” (1929?) ni José Corazon de Jesús, na nilapatan ng musika at ginamit ng mga manghihimagsik at aktibista mulang Pananakop ng Amerikano hanggang rurok ng Pag-aaklas sa EDSA Uno. Nakasaad sa ikatlo’t ikaapat na mga saknong ang hulagway ng ibong iniugnay sa bayang bihag at kailangang kumawala sa hawla ng paniniil:
Ibong mang may layang lumipad,
Kulungin mo at umiiyak;
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas…
Pilipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko’t dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!16
Mahihiwatigang ang “Bayan” ni J.C.de Jesus ay hindi karaniwang “bayan” kundi ang buong Katagalugan na nilunggati nina Bonifacio at Jacinto. Yaon ang bayan ng “ginto’t bulaklak” na magpapahiwatig ng yaman at rikit at ginhawang tinatamasa ng sinumang naninirahan doon. Ngunit nang dumating ang mananakop na banyaga, naghunos ang pook at naging “pugad ng dalita.” Kaya ang “paglaya” ang adhikang nanaisin ng tao, na siyang likás kahit sa isang ilahás na ibon. Tanggalin ang kalayaan, at maitutumbas iyon sa kamatayan. Ito ang matagal nang napagdilian ni Jacinto.
Maraming hayup lalu na sa ibon ang namamatay kung kulungin sa pagdaramdam ng pagkawala sa kanilang Kalayaan. Diyata’t ikaw na itinanging may bait sa Sandaigdigan ay daig pa ng hayup?17
Ang ibon bilang “inakay” at sagisag na “bayan” ay lilitaw sa mga tula ni Amado V. Hernandez at ng mga kaibigang makata. Maihahalimbawa ang isang saknong sa kaniyang “Ang Tula” (1924):
Iniluha na rin
ng aking panitik ang napakasaklap
ay binalian na ng dalawang pakpak
saka nang pamuling nakalipad-lipad,
sa gintong piitan
ay binilanggo ng isa pang Lakas
na nagpanggap munang kaibigang tapat.18
na palad ng ating lupang nililiyag.
Ibong inakay pa
Ang “inakay” na ibon ay mahihiwatigang tumutukoy sa Filipinas na lumaya sa pananakop ng Espanya, ngunit minalas na sinakop ng isa pang “Lakas” na tumutukoy sa Estados Unidos. Karaniwang talinghaga naman ang “gintong piitan” na mahahalatang hinugot mula sa mga kawikaan, gaya sa kasabihang “Ikulung me ing malayang pati-pati, Magnasa yang mabulus parati.” Samantala’y nakasaad sa tulang “Ibong Lagalag” (1931) ni Hernandez ang halaga ng pagkamalaya, at hindi maitutumbas ang ligaya sa pagkakamit lamang ng “pugad” i.e., pansarili o panlipunang seguridad. Kasanga naman ng “Ibong Lagalag” ang “Langkay ng mga Ibon…” (1931) na tila muslak na pagtanaw sa “malalayang ibong” ibig habulin ng persona sa tula patungo sa ideál na pook, “sa lupang ang tuwa’y walang pagkaputol.”
Higit namang mahaba at pagpapatuloy ng salaysay ng Noli me tangere at El filibusterismo ni José Rizal ang tulang “Ibong walang pugad” (1941) ni Iñigo Ed. Regalado. Konsistent si Regalado hinggil sa pagkasangkapan sa hulagway ng ibon: una, ang ibon bilang bayang naghahanap ng kalayaan; ikalawa, ang ibong mandaragit na sagisag ng imperyalismo; at ikatlo, ang ibon bilang sagisag ng pag-ibig sa kapuwa at kaligiran. Ang mga tulang “Leon at Agila” (1909), “Ibong nagtampo” (1912), at “Dagim” (1945) ni Regalado ay ilan lamang sa magpapatunay ng pabago-bagong pagkasangkapan niya sa talinghaga ng ibon.
Sa tulang “Hibik ng Pilipinas” (1932) ni Leonardo A. Dianzon, ipinagpatuloy wari ang magkakatanikalang tulang “Hibik ng Inang Filipinas sa Inang Espanya” ni Hermenegildo Flores, “Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas” ni Marcelo H. del Pilar, at “Katapusang Hibik ng Filipinas” ni Andres Bonifacio. Hindi pa tapos ang tula ni Bonifacio, at mahihiwatigan ito sa pambungad na saknong ni Dianzon na may pagwawangis sa “Inang Bayan” at “ibon.”
Kung tawagin ako’y Perlas ng dagat ng Silanganan,
ngunit ako’y parang ibong nakapiit sa kulungan;
kung sabihin ay sagana sa lahat ng kailangan
nguni’t salat sa paglayang pangarap ko habang araw;
ang lupain ko’y malawak, sagana sa kayamanan,
nguni’t ako’y suno lamang sa sarili kong tahanan.19
Ang ibon bilang talinghaga ng paglaya ay katatakutan maging ng mga galamay ng Hapones na sumakop sa Filipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang bigkasin ng anak ni F.T. Collantes ang tulang “Awit ng mga Ibon” (1944) at isahimpapawid sa radyo, dinakip ang makata ng mga kawal na Hapones at tinanong kundi man inurirat nang matagal ng autoridad hinggil sa kaniyang tulang tila nanghihimok na magpasiklab ng himagsikan. Muntik nang makulong noon si Collantes, ayon sa kaniyang anak na si Loreto Collantes-Cotongco.20 Payak, at masasabing pangmasa, ang tula ni F.T.Collantes. Inilarawan ang tagpo ng masaya’t masaganang mag-anak na ibon. Tahimik silang namumuhay, hanggang isang araw ay dumating ang batang nanilo sa amang-ibon. Ikinulong sa hawlang ginto ang ibon, binigyan ng mga patuka, ngunit nanatiling malungkot hanggang humina’t mamatay ito. At sa pangwakas na saknong, inilatag ni Collantes ang talinghaga ng ibong matalik sa puso ng mga Tagalog:
Kahit ginto ang hawla’t tanikala’y sutlang rosas
dalhin mo man sa palasyo’t patukain mo sa palad,
ibig pa ng isang ibon sa maliit niyang pugad
langit niya’t paraiso ang laya sa kanyang gubat.
Ang awit ng mga ibo’y di ginto ang tinatawag.
Ang awit ng mga ibo’y paglaya ang hinahanap.21
Mababakas din ang talinghaga ng ibon bilang sagisag ng kalayaan sa tula ni Ildefonso Santos, na pinamagatang “Tatlong Inakay” (1944?). Isinalaysay sa tula ang kalagayan ng tatlong inakay na naulila dahil ang kanilang inang ibon ay sinaklot ng bagyo’t namatay. Gutom na gutom ang mga inakay, at inasam nila ang pagbabalik ng kanilang inang ibon. Paliwanag nga ni I.Santos sa isang gurong nagngangalang Ginoong Sebastian mula sa National Teachers’ College hinggil sa layon ng tula:
I wrote “Tatlong Inakay” during the Jap(anese) occupation. Through a simple symbolism, I depicted in it the worries and miseries of Luzon, Visayas, and Mindanao while waiting for the return of the Americans. In this poem, the words are so arranged as to make the reader almost feel the rhythmic flapping of the birdies’ wings as well as the opening and closing of their bills. The symbolism may be disregarded and still the poem will remain an appropriate action poem for children.22
May iba pang makatang Tagalog ang gumamit ng hulagway ng mga ibon, lalo na ng sisiw nito. Kaya hindi kataka-taka kung gamitin din yaon ni Levi Celerio sa kaniyang popular na awiting-bayan, o ipamagat sa mga pelikula nina Rogelio dela Rosa, Fernando Poe Jr., at Dolphy, o itaguri sa naggagandahang binibini. Noong dekada 1980, maya ang sagisag ng makakaliwang armadong samahang tinaguriang “Sparrow Unit,” at naghari sa mga lansangan ng kalungsuran nang isa-isang patayin ang mga di-umano’y tiwaling pulis, militar, negosyante, at ahente ng sandatahang lakas ng Filipinas. Tinugon naman ito ng militar sa paggamit ng “lawin,” gaya sa “Task Force Lawin” at “OPLAN Lambat-Bitag,” upang supilin ang lumalaganap na armadong rebolusyon sa kapuwa lungsod at nayon.
Aves de Rapiña
Sinisipat din ang ibon bilang “marahas,” “mapagbalatkayo,” at “mapanakop” kung babalikan ang nakaraang panitikang Tagalog. Ang talinghaga ng “ibong mandaragit” ay magiging bangungot sa gaya ni Dean C. Worcester na naghabla sa korte’t nagwagi sa kasong libelo laban kina Martin Ocampo at Teodoro M. Kalaw na kapuwa may-ari ng El Renacimiento at Muling Pagsilang. Nasaling si Worcester, na noon ay kalihim na panloob sa gobyerno, at dinamdam ang pasaring na siya ang tinutukoy sa editoryal na “Aves de Rapiña” na sinulat ni Fidel Reyes para sa pahayagang El Renacimiento. Pinagbayad ng korte sina Ocampo at Kalaw kay Worcester ng halagang pitumpung libong piso, kaya nagbunga yaon upang ipasubasta ng mga peryodistang may-ari ang magkapatid na publikasyon. Ipinakulong si Kalaw, ngunit pinatawad pagkaraan ni Gobernador-Heneral Francis Harrison.23
Nabasa marahil ni Worcester ang Twelfth-Night ni William Shakespeare. Sino nga ba ang makalilimot sa paalalang,
We must not make a scarecrow of the law,
Setting it up to fear the birds of prey,
And let it keep one shape, till custom make it
Their perch and not their terror.
Ano’t anuman, malapit sa puso ng mga Filipino ang talinghaga ng “ibong mandaragit.” Kung babalikan ang Vocabulario de la Lengua Bicol (1865), nakalista ang apat na lahok hinggil sa “ave de rapina”: mananaguit (mananagit), uicuic (wikwik), banúg, at gnacgnac (ngakngák). Ang kapuwa mananagit at wikwik ay uri ng “ibong mandaragit” at wala nang iba pang kahulugan (“Un genero de ave de rapiña”). Na maaaring tumutukoy sa lawin o uwak. Samantalang ang kapuwa “banug” at “ngakngak” ay malalaking ibon (“Un género de ave de rapiña grande”). Bilang patunay na “banug” ang katutubong tawag sa “agila” ( “aguila,” mula sa Espanyol), itinala ni Fray Marcos de Lisboa ang ganito sa kaniyang Vocabulario:
Banug. pc. Un pajaro de rapiña como aguila. Nabanug, I, nag, volar cualquier pajaro alto, y sin menear las alas al modo del banug, o aguila. Y por metafora dicen: Garona yng minanog na nahog si coyan, cuando alguno cau de alto de bruzes.24
Balikan ang epiko ng Ilianen Monobo at mababakas ang bangis ng banug. Si Tulalang, na tinaguriang “Tagak ng Ilog Kulaman,” ay kinakailangang gapiin ang dambuhalang banug upang mailigtas ang kaniyang mga kababayan sa tiyak na kapahamakan. Tinalo ni Tulalang ang banug, at sumuko at humalik sa kaniyang kamay, saka nagpaalipin at naging tagapagbantay ng kaniyang tirahan. Bukod sa “banug,” may tinatawag ding “sicap” (sikap) na isa ring uri ng mandaragit na ayon kay Fray SanBuenaVentura ay:
Ave) Sicap (pc) de rapiña, otros dicen q es el milano, o un genero de aguiluchos medio paroos.25
Sa mga mito ng Bagobo, halimbawa, inilarawan ang nakasisindak na dambuhalang ibong tinawag na “Minokawa.” Si Minokawa ang pinaniniwalaang kumakain ng buwan at nagdudulot ng eklipse; at magagapi lamang umano ito kapag nag-ingay, nambulahaw nang sabay-sabay at ubos-lakas ang buong pamayanan.26 Sa Prosang Itim (1996) ni Mike L. Bigornia, lilitaw isang araw si Minokawa at magagapi ng ingay na mungkahi ng batang si Siday; ngunit may matandang nainggit sa bata, at humulang sa resureksiyon ng dambuhalang halimaw ay magiging Bakunawa yaon upang lupigin ang sambayanan.
Ang “Minokawa” noon ay magiging “agila”27 o “lawin” na daragit sa Filipinas noong panahon ng Amerikanisasyon at ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halos walang pagtatangi sa dalawang limbas kung gamitin sa panulaang Tagalog noon, at mahihinuhang iisa ang ibig tukuyin: ang Amerika. Ang kakatwa’y ang agila, puna ni Benjamin Franklin, ay masukal ang loob at hindi dapat naging sagisag ng Amerika:
I wish the bald eagle had not been chosen as the representative of our country (USA); he is a bird of bad moral character… like those among men who live by sharping and robbing, he is generally poor, and often very lousy….28
Nabasa man o hindi ng mga manunulat na Tagalog ang sulat ni Franklin ay hindi mahalaga. Pinangatawanan ng Estados Unidos ang pagiging limbas nito—na magiging dahilan ng pagsiklab ng digmaang Filipino-Amerikano—bukod pa ang sapilitang pagpapalaganap ng banyagang edukasyon at kulturang maka-Ingles para sa mga Filipino. Ang nasabing tadhana ang magbubukas ng paningin ng maraming Filipinong manunulat, na magsisingit ng mapanghimagsik, kahit pa halos de-kahon, na mga taludtod na pawang pasaring sa maykapangyarihan.
Ang kakatwa’y mananatiling hulagway at anino ng imperyalismo ang “agila” hanggang panahon ng aktibismo noong dekada 1960-1980. Maihahalimbawa ang paglalarawan ng limbas na tumatakip ang mga bagwis sa sinag ng araw sa “The Woman and the Strange Eagle” ni José Ma. Sison:
Yet a strange eagle shuts out the sun.
Its talons of steel drip with blood;
Its wings stir the wind and darken the skies;
It has diamantine devouring eyes;
Shreds of flesh are in its razor bite.29
Na lumilinang ng isang larawang halos ipaskel sa gunam ng partisano; gayunman ay may tinig na nanghihimok sa mga mambabasang panain at pabagsakin ang mandaragit, at umasa sa tatamuhing maluwalhating tagumpay “ng pakikibaka.” Ang paglalarawan ni Sison sa banug—na masasabing laos at kumita na noong panahong iyon—ay maitatambis sa isang saknong ni David T. Mamaril na nagpapahiwatig din ng kakatwa’t halos tagaibang planetang halimaw:
Anong hayop itong lihi kay Satanas
Patalim ang tuka, ang buntot ay sibat;
Ang sungay na kanyon pag ipinapalag,
Ang baril na kuko ay nag-angat-angat;
Pangamba ang bagwis, ligalig ang pakpak
Kaya may ligamgam kung pumapagaspas;
Magdamag-maghapong anino ng sindak,
Kamandag ng lupit maghapo’t magdamag.30
Nakasisindak ang paglalarawan sa dalawang siniping saknong, at may kani-kaniyang lakas at halina. Samantala’y kung tila patuos at padamdamin ang gererong persona sa tula ni Sison, inilalarawan naman ng “Aves de Rapiña” ni Eric Gamalinda sa patanghal na tinig ang hulagway ng mapagbalatkayong buwitreng mananakop:
When the trumpets shattered the walls of our own
Jericho, the avenging angel drove
the Spaniards out, but in their place there stood
the American vulture, disguised as dove,
a swastika with white and lyrical wings.31
Pangmaramihan ang pangngalang “aves” ngunit iisa ang tinutukoy sa tula: ang buwitre (Estados Unidos) na nakabalatkayong “kalapati-ng-kapayapaan.” Sa unang saray ng pakahulugan, pulos bangkay at walang búhay na hayop ang kinakain ng buwitre at ni hindi nandaragit, kung ihahambing sa “agila” (banúg) o lawin (bánoy) na nandaragit ng buháy na ahas, manok, at unggoy. Kaya kung tutuon sa ikalawang saray ng pakahulugan, ang Amerikanong buwitre na karyon ay hindi basta buwitre bagkus naging mala-agila! Isang pangyayari iyong ikagugulat sa ornitolohiya.
Malaki na ang nabago sa pagsipat sa agila sa panulaang Filipino habang tumatagal. Kung babalikan ang koridong Ibong Adarna, may isang dambuhalang agila—na inutusan ng ermitanyo—ang naghatid kay Don Juan tungong Reynos de los Cristal upang makapiling niya si Donya Maria. Masunurin ang agila sa kaniyang panginoon, ngunit labis din ang pangangailangan nitong kumain ng ibon para mabuhay. Isang buwan ang naturang paglalakbay nang tuloy-tuloy at walang pahinga, at kinakailangang pabaunan ang agila ng 300 duruan na may tig-5,000 maliliit na ibon ang bawat isang tuhog upang maging pagkain nito. Kung susumahin, aabot sa 1.5 milyon ibon ang naubos ng agila bago sumapit sa kaharian ni Donya Maria. Kagila-gilalas, at halos makaubos ng isang sari ng ibon!
Pagliligtas naman sa sari ng agila ang pinaksa ng mang-aawit at kompositor na si Joey Ayala.32 Itinangis sa awit ang kabiguan ng personang makalipad gaya ng agila dahil “ang kagubatan ay unti-unting nawawala.” Kaya hangad ng personang tumulong na pasiglahin muli ang lungtiang kaligiran. Paano? Walang nakasaad. Kung paano tutulong ang persona na mabuhay ang kaharian ng “haring ibon” ay nananatiling posibilidad lamang, lalo sa persona. Kabalintunaan ang pagsasaad ng “haring ibong” walang kaharian at nasasakupan kundi ang persona. Ibong mandaragit kaya ang ibig ni Ayala na gayahin? Marahil. Gayunman, napakabuway ng liriks kung ihahambing sa indayog ng musika.
Matatagpuan din sa Filipinas ang iba pang alamat, at isa na rito ang pagtutunggali ng manok at ng lawin. Sa tulang “Ang Lawin at ang Sisiw” (1930) ni A.V.Hernandez, ang kapalaluan ng lawin ay inilarawan nang malinaw mulang hubog ng mga taludtod na tila ibong bukad ang mga bagwis hanggang sa ugnayan ng lawin sa kapuwa ibon o hayop. Bagaman makapangyarihan ang lawin kaysa sisiw, nanaig din ang maliit sa bandang huli dulot ng isang puwersang hindi inaasahan:
Nguni’t isang araw ay may ilang sisiw
na nagkakatuwa sa panginginain,
pinagsasaluhan
sa isang bakuran
ang wala nang buhay na bangkay ng lawing
natudla ng isang piling mamamaril.33
Ang siste na nakapalaman sa tula ay kahawig ng isa pang tula ni A.V. Hernandez na pinamagatang “Ang Tuka ng Lawin”34 (1931). Napulot ng persona ang isang munting ibon at kaniyang inalagaan, pinakain, pinagyaman. Ngunit dumating ang sandaling bumulas na malaking lawin ang sisiw, kumawala sa hawla, at tinuka pa ang persona nang walang habas. “Talaga nga namang ang lawin ay lawin,” ang naibulalas na lamang ng persona. Na kung tutuusin ay alingawngaw ng kawikaang, “Ang ibon ay hindi sasama kundi sa kapwa ibon.” Kaugnay iyon ng isa pang kawikaang nagsasaad ng pag-iingat sa pag-aalaga: “Ang ibong hawak na’y/ Pigiling magaling,/ Kapag nakawala’y/ Mahirap nang dakpin.//35 May iba pang tula si A.V.Hernandez na may hulagway ng ibon, ngunit ang pinakarurok marahil ay matatagpuan sa kaniyang nobelang Ibong Mandaragit (1969).36
Ang halina ng hulagway at anino ng lawin ay magpapatuloy sa paglipas ng panahon, at sa isang tula ni Rio Alma’y nagtunggali ang kapuwa lawin at bayawak na pawang nagtatangkang maangkin ang isang sisiw na minalas nang maligaw ito sa gilid ng sapa. Ayaw magbigayan ang dalawang gutóm, at nauwi ang lahat sa maghapong pagtutunggali. Kumambiyo ang salaysay sa dulong bahagi, at sa paggamit ng tila lente ng kamera’y ikinuwadro ang madilim, malagim na siste:
Samantala, limbas, aso, at alamid
Ay nalimi at matamang nakamasid…
Bawat isa’y may pakanang sadya’t lihim
Na maagaw niyang buo itong sisiw.37
Hindi naman lahat ng tulang may hibong “ibong mandaragit” ay katulad, o maitutulad lagi, sa mga likha ni A.V. Hernandez. Sa tulang “Tahimik” (1944) ni Gonzalo K. Flores ay mahihiwatigan ang lagim na sinasagisag ng kuwago para sa anumang daragitin nitong ulam, gaya ng daga o ahas:
tinitigan
ng palabang buwan
ang kuwago
sa kalansay na kamay
ng punong kapok.38
Tanging buwan lamang ang kayang “sumaksi” sa panganib na hatid ng kuwago. Ang punong kapok, na may hulagway ng kalansay na kamay, ay maaaring sumagisag sa tatamuhing kapalaran ng anumang mumunting hayop o ibong sasaklutin ng kuwago. Taglay ng kuwago ang lagim at panganib ng kamatayan, at nagiging salamin lamang nang sandaling yaon ang buwang kumakawala sa paglukob ng karimlan. Kung babalikan ang The Golden Bough,39 binanggit ni James Frazer ang kaugalian ng Malay na may konsepto umano ng kaluluwang gaya ng ibong handang lumipad at magtungo kung saan. Kung ilalapat yaon sa tula ni Flores, ang kuwago ang kaluluwa; ang punong kapok ang pahiwatig ng kamatayan; at ang buwan ang magdaragdag ng sagisag ng lagim na palalaganapin ng multo ng namatay. Taliwas ang tula ni Flores sa mga tula nina NVM Gonzalez (“Sun Bird,” 1933) at Maximo Ramos (“Oriole,” 1946) na pawang pagpapahiwatig lamang ng paglipas ng sandali.
Samantala, masasabing hindi lahat ay pabor sa pagsasarili ng “sisiw,” i.e., Filipinas. Pinuwing ng kritikong si Virgilio S. Almario ang tulang sa “Sa iyo, sisiw ng tumana” (1967) ni Teo S. Baylen dahil sa sablay nitong pagbasa ng kasaysayang ikinarga sa gaya ng hulagway ng “sisiw” na walang pasubaling tumutukoy sa Filipinas. Pansin nga ni Almario:
…Bago nagtapos ang dekada 60, inilathala ang isang tulang umuusig sa isang sisiw na ngayo’y nagpapalayas sa dating mapagpalang inahin. Hindi mahirap basahin na ang “sisiw” ay kumakatawan sa Pilipinas samantalang ang “mapagpalang pakpak” sa tula ay simbolo ng Estados Unidos.
Sa interpretasyon ni Baylen ng kasaysayan, ang “mapagpalang pakpak” ng Estados Unidos ay di-mandaragit at sa halip pa nga’y lumulukob sa mahina tulad ng Pilipinas nang ito’y “sisiw” pa lamang. Kaya naman isang malaking kapalaluan para kay Baylen ang pagpapalayas sa “inahin” na kaya naman ayaw umalis ay dahil may natatanaw na ibang “maninilang-bagwis” sa karatig-pook (ang mga Komunista sa Vietnam at Tsina?)40
Hindi masisisi ang puna ni Almario. Sa unang malas ay karaniwang paglalarawan ang nasabing tula hinggil sa sisiw na ibig kumawala sa tagapag-alaga nito (“Sisiw sa tumanang nalantad sa araw,/ Sa katasang itong bagong katutudling;/ Ano’t isa ka pang ngayo’y bumubugaw/ Sa pakpak na noo’y para mong inahin?/) Ang mga salitang “sisiw,” “inahin,” at “mandaragit” na pawang ipinasok ni Baylen sa kaniyang sumunod na mga saknong ay kargado ng mga pahiwatig na tumutuon noong nakalipas na panahon at nagtatangkang lumampas sa literal na pakahulugan. Ang sisiw sa tula ay hindi basta sisiw, dahil sinong sisiw ang ayaw bumuntot sa inahin nito? Hindi nalalayo ang “sisiw” ni Baylen sa “sisiw” na ginamit noon ni A.V. Hernandez. At ang “mga pakpak” na lumulukob sa sisiw ay halos alingawngaw ng “mapagkandiling asimilasyon” na inihayag ni Presidente William McKinley noong 21 Disyembre 1898.
Higit na pulido ang disenyo, indayog, at nilalaman ng “Uwak sa aking ulunan” ni Baylen. Ang “uwak” bilang ibong mandaragit ay nagsupling ng iba pang pakahulugang metapisikal na umaali-aligid sa ulunan ng persona:
Uwak, Uwak, Uwak!
Nagpaimbulog ka, at sa himpapawid,
Sa aking uluna’y umaali-aligid.
Ibig mong lumangkap
Sa kapayakan ko at dine sa tuktok
Nais mong magpugad sa puti kong buhok.41
Nagbabadya ng lagim ang uwak, na ang hulagway ay pinaiigting ng pambihirang gamit ng epizeuxis sa unang taludtod ng bawat saknong. Ang diyabolikong sagisag ng uwak ay tila nagpapaalunignig ng kawikaang,
Manaronka si gayang
A manuttut si matam.42
Binubulag ng uwak ang tagapag-alaga nito, ayon sa naturang kawikaan. Kaya ang uwak na magpupugad sa ulo’y tiyak na wawasakin ang anumang gunita’t tagumpay na nakamit ng persona. Na hindi dapat maganap, at pilit nilalabanan sa isip ng personang bagabag ng kung anumang puwersa. Siksik sa pahiwatig ang uwak, naisip marahil ni Baylen, at hindi naging mabait ang mga kuwentong-bayan at alamat para sa naturang nilalang.
Maiilap na ibon
Sa malig ng Filipinas, karaniwang maipapangkat ang mga ibon bilang pang-umaga o panggabi; migratoryo o mapaghimpil; mapanlikha o mapangwasak; marikit o mapangit; humuhuni o umaatungal; dambuhala o maliit; makalangit o makalupa; walang kamatayan o madaling mamatay; at matakaw o mapagbigay. May tiyak na pag-uuri ang mga ornitologo, na taliwas sa binanggit sa itaas, ngunit hindi iyon ang pakay ng pag-aaral na ito.
Sa laksa-laksang tula ng mga makatang Tagalog noong bago at makalipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, karaniwan nang ipinapalaman ang talinghaga ng ibon sa mga taludtod na may kaugnayan sa pag-ibig sa anak, babae, magulang, o kaligiran. Maihahalimbawa ang mga tula nina Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Emilio E. Bunag, José Corazón de Jesús, Florentino T. Collantes, Amado V. Hernandez, Leonardo A. Dianzon, Ildefonso Santos, José Esperanza Cruz, Manuel Principe Bautista, Emilio Mar. Antonio, Crecensio C. Marquez, at Bienvenido Ramos. Isang matandang awiting-bayan ang gumamit ng talinghaga ng ibong kulyawan (i.e., kilyawan) para maipahatid ang tugon ng dalaga sa masugid niyang binatang manliligaw:
May isang ibong kulyawan
Nasa dulo ng kawayan
Barilin mo’t patamaan
Huwag lamang masasaktan.43
Ang sumunod na mga saknong ay nagsasaad ng hiling ng dalagang halos imposibleng matupad ng kung sinong binatang manliligaw. Ngunit, ani babae, kapag nagawa iyon ng binata’y matamis na pagsinta ang kaniyang tatanggapin. Sa kabilang dako’y may awiting-bayan naman na nang-iinis sa babaeng kung umasta’y tila lalaki.
Sitsiritsit, alibangbang
Salaginto, salagubang
ang babae sa lansangan,
kung gumiri’y parang tandang.
Pumapalo na parang labuyo ang puna laban sa animo’y tibô (lesbian). Sino nga ba naman ang maaakit sa babaeng “may mahabang tahid, kundi man tarian?” Ang pagwawangis sa “babae” bilang “tandang” (na nanliligaw ng inahin?) ay mabulaklak na pananalitang batid ng mga Tagalog na may mahabang tradisyon hinggil sa sabong at pagpapalahi ng manok.
Ano’t anuman, kapag ginunita ang tula ni I.E. Regalado na nagpatibok sa puso ni Lina Flor (alyas ni Carolina Flores-Trinidad) ay mababatid kahit paano ang niloloob ng “Ang ibong nagtampo” (1912) sa kaniyang mangingibig:
Ang ibong nagtampo sa kasuyong ibon,
Muling magbabalik pagdating ng hapon,
Ang puso pa kayang sa tampo naluoy
Ang di pagbalikan ng dating yamungmong?44
Hinggil sa babaeng nagtampo sa kaniyang kasintahang lalaki ang tula, at batay umano sa karanasan ng makata. Ipinapahiwatig lamang sa tula na may sumapit mang masaklap na pangyayari sa dalawang nagmamahalan, “kamatayan lamang ang makapapaknit” sa kanilang pagtitinginan. Ang ganitong uri ng pagtula’y magiging halos palasak sa ibang makatang Tagalog, upang pagkaraan ay taguriang tila kumakatas sa sentimyento ang mga talinghaga nang panahong yaon.
May ibang makatang gaya ni Manuel Aguinaldo na isinalin sa Tagalog ang tulang Ingles ni Eugene Field, at pinamagatan yaong “Munting kalapating bughaw,” na nalatlaha sa Renacimiento Filipino noong 28 Enero 1911:
Kalapating munti na may matang bughaw
bagwis mo’y tiklupin at ikaw’y humimlay
sa piling ng inang ang inaawita’y
ang anak na irog sa kanyang tulugan.45
Ang “munting kalapating bughaw” ay hihigitan ni J.C.de Jesus nang sulatin niya ang “Ibong Asul” na inialay niya para sa minamahal niyang si Sion (Asuncion Lacdan). Magkaiba ang dalawang tula. Hinggil sa relasyong ina-anak ang kay Field, samantalang hinggil sa relasyong mag-asawa o babae-lalaki naman ang kay J.C.de Jesus. Kung may “kalapating bughaw,” hindi malalayo ang “kalapating puti,” na gaya sa tula ni Alberto Segismundo Cruz, ay sasagisag sa kapayapaang lunggati ng “lugaming bayan.”46 Ang mga puting kalapati—na atraksiyon sa kasalan—ay halos de-kahon na pagsapit ng EDSA Uno hanggang EDSA Dos sa kabutihang-palad ni dating Pangulo Corazón C. Aquino at Jaime Cardinal Sin, at paliliparin na lamang bilang ritwal ni Mike Velarde at ng mga kapanalig sa El Shaddai doon sa Luneta sa ilang pagkakataon.
Samantala, ang “kalapati” ay makakargahan ng isa pang pakahulugan sa paglipas ng panahon: puta o sex worker. Malalaos ang taguring “dama de noche” o “kulasisi ng hari,” at papalit ang “punay.” Noong bungad ng siglo 20, ang talinghaga ng “kalapati” bilang puta o baylarina ay mababanaagan sa mga nobelang gaya ng Ang Mananayaw (1910) ni Rosauro Almario; Ulilang Kalapati (1914) ni Maximo B. Sevilla, at Sampaguitang walang bango (1918) ni I.E. Regalado. Ang nobelang Sa Gitna ng Lusak (1915), halaw ni Gerardo R. Chanco sa La Dame aux Camélias ni Alexandre Dumas (anak), ay isang ispesimen ng matalinghagang pagtalakay sa buhay ng nasabing “kalapati,” at sa usaping prostitusyon sa kabuuan. Lilitaw hindi lamang sa mga tulang Tagalog ang talakay hinggil sa “kalapating-mababa-ang-lipad” kundi maging sa mga dula noong dekada sitenta. Mababanggit ang mga dula ni Jose Y. Dalisay Jr. na kabilang sa kaniyang aklat na Madilim ang gabi sa laot at iba pang dula ng ligaw na pag-ibig (1993). Ngunit ang “kalapating-dagat” ni Dalisay ay hindi matatagpuan sa madilim na salon na pulos belyas, bagkus inilugar sa loob ng bumibiyaheng barko.
Noon pa mang 1876-1896, ani Greg Bankoff, marami sa mga dalagang-bukid (i.e, babae sa kanayunan) ang naging puta dahil sa matinding pangangailangang kumita at mabuhay sa gitna ng karukhaan. Binondo ang sentro ng prostitusyon, at pumapangalawa lamang ang Ermita, dahil sa pagtataglay nito ng mga hotel, teatro, at makapal na populasyon ng mga Tsino.47 Gaya ng dati, ibinubugaw ang mga dalagang edad 20-pababa at malimit hinuhuli ng mga autoridad upang ibilanggo. Sa mga tula ng mga makatang Tagalog noong bago magkadigma, ang pagsipat sa babae’y napakataas, at kahit maging baylarina—gaya sa tula ni F.T.Collantes—ay may kakayahang magpanatili o ipagtanggol ang puri. Ang naturang paggalang sa babae ay tila alingawngaw ng ipinapayo ni Emilio Jacinto: ang pagkakapantay-pantay ng mga tao, anuman ang kulay ng balat, anuman ang taglay na paniniwala.
Mahihinuha ang pagtatangka ni J.C. de Jesus na itambis ang “kalapating- mababa- ang- lipad”—na halos palasak na noong panahon niya—sa hulagway ng “tagak.” Para sa makata, busilak ang ganda ng dalaga sa Filipinas gaya ng tagak, at kahit
Putik, burak, dumi ay tinutuntungan,
ang kataka-taka’y hindi narurumhan;
dalagang kahit mo pugayan ang dangal
ang kanyang kalulwa’y hindi mo masalang!48
Ang kabuuang tula’y pumupuri sa kariktan ng loob at labas ng babaeng Filipina. Taliwas na taliwas ito sa mapang-aglahing taguri sa dalagang tagabukid na sinamang-palad at ikinulong sa siyudad upang piliting maging “kalapating” halos di-makalipad ang pangangarap. Hindi kaya ang parehong tagak na ito ang nasa isip ni Rio Alma nang kaniyang sulatin ang:
Ngayon, aking nakita
Ang palayong tagak
At aking naalala
Ang esterong maburak.49
Maiuugnay pa ang nasabing tula ni Rio Alma sa dalawa pa niyang tulang nagsasanga ng hulagway at hiwaga ng tagak: “Pagbabalik ng mga tagak” (1982) at “Ang alamat ng pugad ng tagak” (1985). Malayang taludturan ang ginamit sa unang tula na mapagbulay, samantalang may tugma’t sukat ang ikalawa na mas mahaba at iniayon sa mahiligin sa kuwentong-bayan. Kung titimbangin ang tatlong tula ni Rio Alma, lilitaw na lampas na ang kaniyang mga tula sa nakagawiang pagsipat sa “tagak” na pinauso ni J.C. de Jesus at magsisilbing tulay yaon sa nakalipas at sa ngayon o hinaharap.
Para sa atin, ang tagak ay hindi tagak.
Ang kalabaw ay hindi rin kalabaw lamang
At ang romansa ng tagak at kalabaw
Ay higit sa pagtatalik ng bagwis at sungay.
Higit ito sa isang katutubong tanawin
Na maaaring ibenta sa mga banyaga’t bakasyonista
At paghihirapang unawain ng mga akademista.
Tinatawag natin itong pagsamba, tungkulin.
Sapagkat sa oras na ito
Sa pagbabalik ng mga birheng anak ng ulap
At sa pagdapo ng mga bagwis sa putikang likod,
Bawat isa sa atin ay tigib sa bagong usbong
Ng minanang sinaunang panaginip.50
Kahanga-hanga ang tagak, at gaya ng binanggit kanina, tagak din ang itataguri kay Tulalang na gumapi ng dambuhalang banug upang mapangalagaan ang kaniyang nasasakupan. Samantala’y ibon (kalapati?) din ang maghahatid ng tukso, tulad ng nakasaad sa halos pagaralgal na tanaga ni Alfrredo Navarro Salanga:
Pag lilipad ay tukso
Sa taong tagalupa
Ang ulap at ang langit
Di nila maaabot.51
At ang magpapagunita ng lagim, gaya sa “Ibon sa kawad ng koryente” ni Rio Alma:
Kahapon, may nasilip
Akong ibong nasaklit;
At ako’y nanaginip
Kagabi ng talahib.52
O dili kaya’y magiging makabagong bugtong na kayang magpahagikgik sa maruruming mag-isip:
Ako’y may isang ibong
Galing pa sa Malabon;
Nabubuhay sa tubig,
Namamatay sa lamig.53
Noon pa mang dekada 1940, itinuring na ni Alejandro G. Abadilla ang ibon bilang isa “sa mga kawal ng kalikasan” at kaugnay ng “umaga,” “batis,” “dampa,” “kawayan,” “kidlat, “baha,” “buwan,” “alitaptap,” at iba pa. Pawang isinangkap niya ang mga ito sa kaniyang tulang “Banyuhay” upang aniya’y “maitayo… ang kasaysayang ginagalawan ng buhay ng isang pangaraping sa palagay niya’y maaaring mangyari ngayon sapagka’t nangyari na noong araw sa katauhan ni Noé.”54 Si Abadilla ang nagpauso ng “banyuhay” na mula sa pinagdikit na mga salitang “bagong anyo ng buhay” na itinumbas naman sa “metamorphosis” sa Ingles. Saad nga niya:
2. IBON
Ang buong dalata’y
Nanawit na naman ng kaligayahan:
At ang mga ibon sa may kabukira’y
Nangasisiyahan
Sa nikat na bagong araw ng Silangan.
Kahawig ng dalumat ni Abadilla ang dalumat na nakapaloob sa “Silang namamaril ng mga ibon” (2003) ni Teo T. Antonio. Ayon sa tula, lumaki ang persona na taglay ang mayamang gunita ng samotsaring ibon mula sa kaniyang nayon. Ngunit
Ngayo’y naglaho na ang mga ibong
piskador, kilyawan, kalaw
na nakilala sa paninirador sa tabing ilog.
Kahit ang tikling, bakaw, at tagak sa bukid
ay alaala na lamang ng dumadapong kamusmusan.55
May iniiwang tanong ang persona sa kaniyang kaligiran—hinggil sa paglalaho ng sari ng ibon—na maaaring mahirap sagutin o sadyang walang sagot. Gayunman ay hindi iyon mahalaga. Ang pag-asam sa mga ilahás na ibon ay malilihis sa pagmamasid sa mga paruparo at tutubi upang matighaw, kahit paano, ang “uhaw na pananabik” sa nakalipas na hitik sa karanasan hinggil sa makukulay na ibon. At ang karanasang iyon ang mag-iiwan ng bait at dunong sa persona. Magandang itambis sa nasabing tula ang isang pang tula ni Antonio, pinamagatang “Pag-alulong ng mga Kalaw” (24 Marso 1995), na kumasangkapan naman sa hulagway ng punong lawan. Habang itinutumba ng magtotroso ang lawan, ayon sa tula, umaalulong ang mga kalaw bilang pahiwatig ng kanilang pagdadalamhati sa pagkawak ng kagubatan. May iba pang tula si Antonio na kaugnay sa ibon, gaya “Pakpak ng Pabo” at “Sako ng Patuka,” na pawang pasalaysay at halos tumutulay sa pagbabalik-tanaw.
Bukod kina J.C. de Jesús, I.E. Regalado, at A.V. Hernandez, si Rio Alma lamang marahil ang masasabing masigasig at malawak gumamit ng talinghaga ng ibon sa panulaang Filipino sa yugto ngayon ng ating panitikan. Mulang “Buwitre” (1964), “Ako’y isang Fenix” (1964), at “Peregrinasyon” na pawang nagtatangkang kumawala sa nakalipas na paraan ng pagtulang Tagalog, maghuhunos ang tinig, tindig, at bait ng mga tula ni Rio Alma mulang nangungulila (“Sa isang munting ibon,” 1983; “Isang mayang pula ang pangungulila, 1976), nagmamatwid (“Bagwis,” 1983) hanggang nagpapagunita (“Pangangarap-ulap,” 1986), nagpaparikit (“Maryakapra,” 1978; “Kuwago, 1998), at nagpapaalab (“Pagbabalik ng Tagak,” 1982). Sa kabila ng lahat ng ibon ng makata, maitatambis din ang hulagway ng paniki na kaniyang kinasangkapan sa pagsipat sa anggulo ng malungkuting lupaing nakapaloob sa mala-epikong “Oriental” (1987). Nilampasan na ni Rio Alma ang kaniyang kapanahon habang taglay ang pambihirang poetikang malalim, malawak, makabuluhan para sa mga mambabasa ngayon. At ang magiging tugon ng ilang kabataang makata’y lumikha ng hulagway ng ibong halos paloob at paliit ang pagpapamalay, upang kahit paano’y lumihis sa ibinaong muhon ng kanilang tinitingalang makata.
Pagbabalik ng Ibong Adarna
Bago pa man dumating ang isang Rio Alma’y may isa nang José de la Cruz (Huseng Sisiw) na, at ayon kay Jose Maria Rivera, ang siyang may-akda ng Ibong Adarna.
Ang totoo’y nakaaaliw ang pagbabalik sa nasabing korido. Marami doong kagila-gilalas na tagpo, gaya sa pagpapamalas sa mala-alahas na anyo ng Piedras Platas at sa pagbabagong-kulay at anyo ng Ibong Adarna. Kahindik-hindik ang tunggalian ng tao laban sa halimaw o dili kaya’y ng taong mortal at ng kaligirang sobrenatural. Maihahalimbawa rito ang pakikipagsapalaran ni Don Juan sa higante o sa serpiyenteng may pitong ulo, at ang paghuhunos ng prinsesang naging isda. Kaiga-igaya ang kapuwa damdamin at diwain ng buong salaysay, at maituturing na pinakatampok dito ang pilosopiya hinggil sa kawanggawa (na tila alingawngaw ng aral sa Budismo) na isinaad ng ermitanyong tumulong kay Don Juan. Kumbaga’y isang mahabang pelikula na nasa anyong patula ang Ibong Adarna.
Lahat ng tauhan—mulang Haring Fernando hanggang Prinsesa Maria Blanca—ay may angking kahinaan at lakas. Halimbawa’y sakitin si Haring Fernando gayong taglay niya ang kapangyarihan ng buong kaharian ng Berbanya. Pinakamabait si Don Juan ngunit lagi siyang napaglalalangan at pinagtataksilan ng kaniyang mga kapatid na sina Don Pedro at Don Diego. Nakagagamot ang marikit na huni ng Ibong Adarna ngunit may mahiwagang ipot itong kayang gawing bato ang sinumang makakatulog sa paghihintay. Mapagmahal si Prinsesa Maria kay Don Juan subalit marunong din siyang manibugho at magalit.
Samantala’y ang kaligiran ng Ibong Adarna ay tila nagsasalimbayang realidad at panaginip, gaya ng pagbanggit sa “Berbanya,” “Bundok Tabor,” “Armenya,” “Inglatera,” “Ilog Herdan,” “Kaharian ng De los Cristal,” “Haring Salermo,” at “Adarna.” Ang Berbanya ay posibleng alusyon sa pook ng Verbania na matatagpuan sa rehiyon ng Piemonte ng Italy o dili kaya’y sa Verbany na matatagpuan sa Ukraine. Ang Bundok Tabor ay alusyon sa Mt. Thabor (Jebel et Tur, para sa mga Arabe) na matatagpuan sa Israel at pinaniniwalaang isa sa mga sagradong pook ng mga Kristiyano at Ebreo. Ang Armenya ay walang pasubaling tumutukoy sa Armenia na isang rehiyon sa sinaunang Turkey. Ang Ilog Herdan ay tila paglalaro sa salitang Ilog Jordan sa Jordan. Ang Inglatera ay tumutukoy sa England. Ang Reynos de los Cristal ay may pinakalapit na alusyon sa Cyprus—na dating tinawag na Alasya, ayon kay Ahmet Goksan—dahil sa angkin nitong pinakamagandang klima, kabundukan, at baybayin, bukod pa sa estratehikong posisyon nito sa Mediterraneo. Ang Haring Salermo ay mahihinuhang inugat mula sa lalawigan ng Salermo, Italy. Saksi ang Salermo sa pananakop ni Favius Maximus noong 307 AD at ni Hannibal noong 215 AD; at nagpamukadkad ng mga parokya, monasteryo, at kumbento sa mga bayan nito noong siglo 1900. Ang Adarna ay malakas ang alusyon sa isang bayan ng Ada(r)na sa rehiyong Cilicia ng Turkey. Naging makasaysayang pook ang Adana na pinagtapunan ng magkapatid na tagasunod ni Ali Muhammad Bab at pinagmulan ng dalawang relihiyong kilusan na tinaguriang Babis (Sobh Azal) at Baha’is (Baha’ullah) noong panahon ng Imperyong Ottoman.
Sa isang talumpati ni Ayatollah Khomeini noong 2 Mayo 1963, tinukoy niya ang Adarna (tipograpikong mali?) bilang bahagi ng dating Asia Minor noong panahon ng Imperyong Ottoman. Ayon sa mga antigong mapa ng Asia Minor, ang “Adana” o “Adarna” (na nasusulat na “Adana” sa ngayon) ay matatagpuan sa Turkey. Ang mga sinaunang rehiyon ng Turkey ay kinabibilangan ng Aeolis, Armenia, Cappadocia, Caria, Cilicia, Galatia, Ionia, Lycia, Lydia, Pamphylia, Paphlagonia, Pisidia, Pontus, Phrygia, Thrace, at Troas. Matatagpuan ang Adana sa rehiyon ng Cilicia, na malapit sa Dagat Mediterraneo. Ang Ibong Adarna ay mahihinuhang hinugot sa malig ng Turkey at karatig-bansa nitong Iran, Iraq, Syria, Cyprus, Jordan, Israel, Lebanon, Saudi Arabia, Bulgaria, Greece, at Italy. Sa mitolohiyang Iranian, may binanggit hinggil sa Vispobish (Punongkahoy ng Gamot), at doon dumarapo ang Ibong Saena na may ulo ng leon at katawan ng ibon. Ang Vispobish ay may pagkakahawig sa Piedras Platas, samantalang ang Ibong Adarna ay hindi nalalayo sa fenix ng mitolohiyang Arabe, Griyego, at Tsino. Katunayan tinawag ang fenix na Feng-Huang, Ho-oo, Benu, Yel, firebird, at iba pa, bagaman hindi nagkakalayo ang mga paglalarawan ng kani-kaniyang katangian.
Mababanggit din ang alusyon hinggil sa Kristiyanismo at Islam, o hinggil sa mga mitong Griyego, Tsino, at Europeo. Pawang matatagpuan yaon sa binanggit na mga pangalang gaya ng agila, alitaptap, Bernardo Carpio, Birheng Maria, Cristalino, fenix, hardin, Hesukristo, kastilyo, lobo, isda, maya, olikorniyo, serpiyente, trigo, at Venus. Kung pagbabatayan ang pinaghalo-halong alusyon sa Ibong Adarna, masasabing hindi purong metriko romanse mulang Espanya, Gresya, at Inglatera ang naturang korido. Taliwas sa Florante at Laura ni Francisco Balagtas, ang Ibong Adarna ay hindi nakatuon sa pulos alusyong Griyego-Romano. Nagamit sa Ibong Adarna ang mga banyagang pangalan ng pook, hayop, ibon, at tao subalit halos nananatili lamang ang mga pahiwatig sa pagsasaad ng mga pangalan at natatanging paglalarawan ng ilang katangian ng tinutukoy. Ginamit ng makata ang mga pangalan sa iba’t ibang larang, ngunit nananatiling Tagalog ang kabuuan o ang esensiya ng tula.
Ang nasabing korido’y maituturing na bahagi ng pandaigdigang hulagway at hindi malalayo sa mito at alamat na lumaganap sa sari-saring kultura. Halimbawa, ang fenix na itinala ng dramatistang si Ezekiel noong ikalawang siglo ay may napakarikit na awit at siyang itinuturing na “Hari ng mga Ibon.” Mababanggit ang alusyon sa napakulay na ibong nakuhanan ng balahibo ni Tsarevich Ivan. Ang balahibo’y pinaniniwalaang nakagagamot ng anumang sakit. Kahawig niyon ang Simurg o Senmurv mula sa sinaunang Persia, at sinasabing ang mga balahibo’y nagtataglay ng pambihirang gamot. Ang Ba sa sinaunang Ehipto, ayon sa mga guhit sa papyrus ng Ani, ay may ulo ng tao ngunit may katawan ng agila at pinaniniwalaang taglay ng sinumang tao. Nakapagsasalita ang maalamat na falkong tinatawag na Karshipta mula sa sinaunang Persiya, at maihahambing sa Ibong Adarna ni Don Juan at sa alagang ibon ni Bantugan. Sagisag ng resureksiyon ang Bennu ng sinaunang Ehipto, at maitatambis sa katyaw ni Lam-ang. Samantala’y ang Pheng o feng sa Tsino ay malayo sa Ibong Adarna ngunit napakalapit sa Bakunawa na ayon sa alamat ay kayang kumait ng araw. Kabaligtaran naman ng “agila” sa Ibong Adarna ang Ziz, na ayon sa Aklat ng mga Awit, ay isang dambuhalang ibong nangangalaga sa maliliit na ibon.
Kung sino man ang autor ng Ibong Adarna ay maihahakang mahusay siyang makatang Tagalog, bagaman hindi kasimpulido ni Francisco Balagtas. May ilang sablay sa sukat, at may ilang saknong na ipinandudulong tugma ang pulos pang-abay na “na” bilang epistrophe, sa Ibong Adarna.56 Ang naturang karupukan ng korido ay pakikialaman ng maraming editor sa textbuk upang ituwid umano ang pagkakamali sa tula. Gayunman, mahahalatang batid ng may-akda ng korido ang wikang Tagalog. Halos dalawang porsiyento lamang ang mga salitang Espanyol at iba pang banyagang kataga na pawang pumasok sa Ibong Adarna; at ang 98 porsiyento ng wika ay Tagalog ang ginamit.57 At bagaman may binanggit hinggil sa “kaharian,” “kastilyo,” “hari,” “reyna,” “prinsipe,” at “prinsesa,” walang detalyadong paglalarawang nakatuon hinggil sa anyo, silbi, at pagkilos nito bilang mga buháy na larawan sa tula. Walang makikitang direktang tumbasan, halimbawa ng tauhan at pahiwatig, ng mga lunang maharlika at ng mga tunay o maalamat na pangyayari na pinag-ugatan nito.
May ilang katangian ng ibon at ang kaanak nitong manok, sa mga epikong bayan ng Filipinas ang masasabing kahawig sa mga binanggit na pangyayari sa Ibong Adarna. Halimbawa, may dambuhalang banúg sa epikong Tulalang, bagaman tinagalog na “agila” iyon sa naturang korido. Sa Kudaman ng Palawan naman ay may binanggit na Linggisan, ang alaga ni Kudaman na naglilipad sa kaniya sa anumang pook, at maihahambing ito sa agila na naging tagapaghatid ni Don Juan. (Isa pang motif na kahawig sa Kudaman at matatagpuan sa Ibong Adarna ang pagbanggit ng numerong “pito” bilang mahiwagang pahiwatig. Lumilitaw na 27 ulit binanggit ang salitang “pito” sa Ibong Adarna, at maihahalimbawa ang “pitong bundok,” “pitong pagsubok,” “pitong kulay,” at “pitong awit.”) Maihahambing din ang pambihirang pagwawangis ng katangian ng kalapati sa dilag na kapatid ni Tuwaang, na hindi malalayo sa paglalarawan sa Adarna bilang dilag na nagpapalit ng balahibong damit. Kung nakapagsasalita ang Adarna gaya ng tao, nakapagsasalita rin ang abukay ni Bantugan. Ang ibon ni Bantugan ang tumukoy sa namatay na prinsipe at kaniyang amo. Kung babalikan ang korido, ibinunyag naman ng Adarna kay Haring Fernando ang kataksilan ng magkapatid na Don Diego at Don Pedro kay Don Juan, at ang balak na pagpatay sa nakababata nilang kapatid. Binanggit sa epikong Gaddang na Lumalindaw ang paghahain ng sangkaterbang manok, kalabaw, baboy, at iba pang hayop nang magdiwang ng pista sa kasalan. Nakahihigit sa lahat ang katyaw sa Biag ti Lam-ang, at siyang naging katuwang ng aso upang mapanumbalik ang buhay ni Lam-ang na kinain ng berkakan.
Umagaw ng pansin ang Ibong Adarna at makikita ang bisa nito kahit sa mga kuwento ng katutubong Bukidnon.58 Maihahalimbawa ang “Pagpagayuk daw su Hari” (“Ang ibon at ang hari”), bagaman ang dumi ng ibon ang nakapagpagaling sa hari at hindi ang huni ng ibon. Ilang ulit nang isinapelikula ang korido, na ang pinakabago ay ang Ang TV: The Adarna Adventure (1987) ni Johnny Manahan; at nilapatan ng musika para awitin nina Regine Velasquez at Martin Nievera. Idinibuho noon ang korido sa komiks, gaya ng rendisyon ni Dionisio J. Roque at isinalaysay ni M. Franco; at isinadula, at maihahalimbawa ang “Pagkaawit ng Adarna” na sinulat ni Paul Dumol at idinerek ni Donato Karingal. Ngayong taon, itatanghal ang magkahiwalay na adaptasyon ng Ibong Adarna batay sa iskrip ni Rene O. Villanueva at ng pambansang alagad ng sining Nick Joaquin. Adarna rin ang ipinangalan sa isang publikasyong tanyag ngayon sa hanay ng mga kabataan. Hahaba pa ang talaan kung babanggitin lahat ang mga likhang-sining na pinagdapuan—gaya sa eskultura, pintura, sayaw, at dramang panradyo—kundi man sinamang-palad na gawing bato ng Adarna. Pinakamasaklap marahil ang mga teksbuk sa Mataas na Paaralan. Ang halos lahat ng teksbuk hinggil sa Ibong Adarna—maliban sa pinamatnugutan nina Rogelio G. Mangahas at Mike L. Bigornia—ay pawang alingawngaw lamang sa isa’t isa at napakahilig magkopyahan ng mga araling ipapasa sa mga mag-aaral. Dinaraan na lamang sa grafiks at ilustrasyon ang lahat upang mapunuan ang mga kagila-gilalas na pagkukulang sa salisik at pagsusuri ng akda. Ang nakapagtataka’y napalalampas ng Kagawaran ng Edukasyon ang nasabing mga pagkukulang, mga pagkukulang na pagdurusahan din ng mga guro, at siyang magpapabato sa mga mag-aaral upang kayamutan ang pag-aaral.
Ang talinghaga ng Ibong Adarna ay mananatili marahil sa ating piling nang mahabang panahon. Kayang makapagdulot ng gamot ang Adarna hindi lamang sa pisikal na pangangatawan kundi maging sa kaluluwa. Adarna ang magtitipon ng gunita, gaya sa tagpong ilahad ng naturang ibon ang buong naganap sa kalunos-lunos na yugto ni Don Juan na dumanas ng pagtataksil mula sa kaniyang dalawang kapatid. Adarna ang makahuhugot ng pinakamabangis at pinakamabait sa tao na kailangang sumailalim sa mga pagsubok. Ngunit Adarna rin ang maghahain ng mga patibong—ng nakabubulag na mga kulay at nakapagpapahimbing na huni—para sa sinumang tao na nakatakdang ipiit ang gunita sa loob ng bato. Panahon na upang lumaya ang Ibong Adarna mula sa ating kapabayaan kundi man kubling katangahan. Kaya kailangan ang matitinik na manunulat at mananaliksik, bukod sa matatalisik at pasensiyosang guro at kritiko, upang lubos nating maangkin ang hiwaga ng ating panitikan.
Ang panayam na ito hinggil sa dalumat ng ibon ay simula lamang. Marami pang dapat tuklasin sa ating bansa, at nangangailangan ng iba pang higit na matalisik na mananaliksik kung ihahambing sa inyong abang lingkod.
(Unang binasa ni Roberto T. Añonuevo sa ICW Huntahan Series, UP, Diliman noong 30 Enero 2003.)
Mga Tala
1 Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang The Myth na tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio, Quezon City: University of the Philippines Press, 1993. Ang siniping pamahiin ay matatagpuan Mga Pamahiing Pilipino, ni Sotero B. Peji, Bulacan: Pejirez Publishing Company, Inc. Walang petsa.
2 Inilathala ng UST ang unang tomo ng Historia de las islas e indios de Bisayas… 1668 na isinalin sa Ingles, inedit, at ipinaliwag nina Cantius J. Kobak, O.F.M. at Lucio Gutierrez, O.P. Nasa ikalawang tomo ang hinggil sa mga ibon, manok, bibe, at kauri; at inaasahang ilalathala yaon ng UST sa madaling panahon.
3 Basahin ang aklat ni Dioscoro S. Rabor, na pinamagatang Guide to Philippine Flora and Fauna, Philippine Birds, Volume XI, na inilathala ng Natural Resources Management Center, Ministry of Natural Resources, at Unibersidad ng Pilipinas, 1986. Inuri niya sa aklat ang sari-saring ibon na matatagpuan sa Filipinas, at iniayon ang talakay para sa karaniwang tao.
4 Mula sa artikulong sinulat ni Walfrido E. Gloria, na pinamagatang “Parks and Wildlife Legislation” na kabilang sa aklat na Environmental Laws in the Philippines, Quezon City: Institute of International Legal Studies, 1992.
6 Mula sa Declaración de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog ni Juan de Oliver OFM (+1599), inedit ni Jose M. Cruz, SJ at inilathala ng Pulong: Sources for Philippine Studies, Ateneo de Manila University, Quezon City: 1995. Bilang karagdagang paliwanag basahin ang mapanuring sanaysay ni Jose Mario C. Francisco, S.J. na pinamagatang “Oliver’s Reading of Nature” sa dulong bahagi ng naturang aklat.
7 Kabilang ang “pagalà” sa pamilyang Pelecanidae, at higit na kilala bilang “Philippine Pelican” sa Ingles. Taal ito sa Filipinas, at matatagpuan sa Luzon at Mindanao. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang website ng Protected Areas and Wildlife Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, na <http:/www.denr.gov.ph>.
8 Unang pinansin ito ni Mario C. Francisco, S.J. sa kaniyang sanaysay, at isinaad pang hindi talaga gayon ang nagaganap kung sisipatin sa larang ng zoolohiya at antropolohiya.
10 Mula sa The Proverbs, tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio, Quezon City: UP Press, 2002. Sinipi ni Eugenio mula sa tala ni Elena de Rosas, na pinamagatang “Mga Salawikain, Sawikain, at Kawikaan” na binubuo ng 326 na lahok na pawang hango sa mga bayan ng Laguna.
11 Ibid, p. 43. Kahawig ito ng kay E.d. Rosas.
12 Ibid, p. 42. Hango naman ang nasabing kasabihan, na sinipi ni D.L. Eugenio, sa Coleccion de Refranes, Frases y Modismos Tagalos. Traducidos y explicados en Castellano. Guadalupe: Pequeña Imprenta del Asilo de Huerfanos, 1890. Taglay niyon ang 876 katutubong salawikain.
13 Mula sa Sermones ni Francisco Blancas de San José OP (+1614), inedit ni José Mario C. Francisco SJ. Quezon City: PULONG Sources for Philippine Studies, Ateneo de Manila University, p. 67-68.
14 Basahin ang sinulat ni Zeus A. Salazar, na pinamagatang Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan, lathalain bilang 6 ng Bagong Kasaysayan, na inilathala ng Palimbagan ng Lahi noong 1999. Nakasaad sa sari-saring mga anting-anting at tatak ng Katipunan ang hulagway ng ibon, bathala, at araw na pawang may kaugnayan sa himagsikan.
15 Matatagpuan sa aklat ni San Mateo, Magandang Balita Biblia (salin sa wikang Tagalog), Manila: Philippine Bible Society, 1980.
16 Mula sa José Corazon de Jesús, Mga Piling Tula inedit ni Virgilio S. Almario, Lungsod Quezon: Aklat Balagtasyana, 1984.
17 Mula sa Kartilya ni Emilio Jacinto, sa ilalim ng pamagat na “Kalayaan.” Sinipi sa Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan ni Zeus A. Salazar. Quezon City: BAKAS, 1999, p. 93.
18 Gamit ang sagisag-panulat na “Mapangarapin,” si Amado V. Hernandez ay nagwagi sa timpalak ng Liwayway at ginantimpalaan noong 19 Setyembre 1924. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, na inedit ni Rosario Torres-Yu at inilathala ng UP Press noong 1984.
19 Mula sa koleksiyon ni Teodoro A. Agoncillo, at hindi pa nalalathala.
20 Naging dekana sa Far Eastern University nang matagal si Loreto Collantes-Cotongco bago binawian ng buhay noong 1999. Ang kaniyang disertasyon sa M.A. doon sa Manuel L. Quezon University ay tumalakay sa naging buhay at mga akda ng kaniyang pamosong amang makata.
21 Mula sa Ang Tulisan at iba pang talinghaga ni Florentino T. Collantes, inedit ni Roberto T. Añonuevo. Inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 1999.
22 Mula ito sa isang sulat ni Ildefonso Santos sa isang nagngangalang Ginoong Sebastian, at may petsang 10 Hulyo 1950.
23 Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang Balagtasismo versus Modernismo ni Virgilio S. Almario, inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 1984. Binanggit din ni Teodoro A. Agoncillo ang kasong Aves de Rapiña sa kaniyang aklat na History of the Filipino People, ikawalong edisyon, at inilathala ng Garotech Publishing.
24 Mula sa Vocabulario de la Lengua Bicol ni Fray Marcos de Lisboa, Manila: Establecimiento Tipografico del Colegio de Santo Tomas, 1865, p. 56.
25 Mula sa Vocabulario Delengua Tagala ni Fray Pedro de SanBuenaVentura, inilathala ng Villa de Pila, Por Thomas Pinpin, y Domingo Long, noong 1613, p. 95. Ang iba pang binanggit ni SanBuenaVentura na pawang uri ng mga ibon ay “pagala” (pelikano); “tigmamanucqin” (tigmamanunukin) na kapag humuni ng labay—maalamat at nagbabalang tinig—ay may masamang magaganap sa makarinig niyon; at “salacsac” (salaksak) na kauri ng tagak at bakaw.
26 Nakapaloob ang kuwentong ito ng mga Bagobo sa The Myth, na tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio. Inilathala ng UP Press ang aklat noong 1994. Samantala, mahusay ang rendisyon ng tulang pasalaysay ni Mike L. Bigornia sa kaniyang “Minokawa” na pinagsumundan at hinubugan ng isa pang tulang pasalaysay ni Roberto T. Añonuevo sa pamagat na “Ang halimaw na kumain ng buwan” (1998). Naghunos si Minokawa na bakunawa at higanteng gagamba, at pinangangambahang naging duguang buwan na kinatatakutan ng sambayanan.
27 Tumutukoy ito sa “bald eagle” (Haliaeetus leucocephalus) na sagisag ng Estados Unidos, at nakapahiyas sa eskudo ng Amerika. “Banóy,” banúg,” o “manaul” ang katutubong tawag sa “agila,” samantalang “banog” (Samar-Leyte), “bulawe” (Kapampangan), at “dapay” (Hiligaynon) naman ang “lawin.” Ayon naman sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “lawin” ay mula sa salitang Tsino, na sinasang-ayunan ni Dr. Mario I. Miclat na eksperto sa wikang Tsino; ngunit kapag binuklat ang Vocabulario de la Lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar, ang “lauin” (lawin) ay Tagalog at isang uri ng ibong mandaragit.
28 Sulat ni Benjamin Franklin para kay Sarah Bache, at may petsang 26 Enero 1784. Hinango ang sipi sa Bartlett’s Familiar Quotations, inedit nina John Bartlett at Justin Kaplan, ika-16 edisyon, Toronto: 1992.
29 Sinipi mula sa Kamao, Tula ng Protesta 1970-1986, inedit ni Alfrredo Navarro-Salanga at iba pa, Manila: Cultural Center of the Philippines, 1987, mp. 234-235.
30 Mula sa tulang “Anong hayop ito?” ni David Mamaril, at kabilang sa Talulot ng Umaga na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 1999.
31 Mula sa Kamao, Tula ng Protesta 1970-1986, p. 319.
32 Basahin ang “Agila (Haring Ibon)” ni Joey Ayala at ng Bagong Lumad, mula sa Universal Records. Hango sa Rock ‘N’ Roll, No.3, at inilathala noong 1994.
33 Ang buong teksto nito ay mababasa sa Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling na pinamatnugutan ni Rose Torres-Yu, at inilathala ng UP Press noong 1986.
34 Dalawa ang bersiyon nito sa antolohiyang binuo ni Rose Torres-Yu. Ang unang bersiyon na nalathala noong 1930 ay tig-aapat ang taludtod sa bawat saknong at bawat taludtod ay lalabindalawahin ang sukat na may isahang tugmaan. Samantalang ang ikalawang bersiyon na matatagpuan sa seksiyong “Sa gilid ng doktrina at katotohanan” ay tinilad ang unang saknong at hinati sa dalawa. Kaya lumabas na 6,6,12,12,12 ang bilang ng pantig sa isang saknong. Sa ikalawang bersiyon, muling inianyong tila tuka ng ibon ang bawat taludtod.
35 Mula kay Eugenio, p. 44.
36 Inilathala ito ng M & L Licudine Enterprises, na may paunang salita ni Heneral Carlos P. Romulo at epilogo ni E. San Juan, Jr.
37 Mula sa tulang “Duwelo ng lawin at bayawak” ni Rio Alma, unang nalathala sa Doktrinang Anakpawis noong 29 Mayo 1973, at muling inilathala sa Una kong milenyum 1963-1981 na inilathala ng UP Press noong 1998, p. 139.
38 Nalathala ang tula sa Liwayway noong 22 Enero 1944, sa ilalim ng sagisag-panulat na Severino Gerundio ni Gonzalo K. Flores. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang Balagtasismo versus Modernismo ni Virgilio S. Almario.
39 Basahin ang Kabanata XVIII ng The Golden Bough ni Sir James Frazer, Finland: Wordsworth Editions, 1993. May 12 tomo ang naturang akda (1890-1915), ngunit may pinaikling bersiyon ang autor na inilathala noong 1922.
40 Almario, Virgilio S. Balagtasismo versus Modernismo, Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1984, mp. 260-61. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang Tinig ng Darating at iba pang tula ni Teo S. Baylen, pinili at binigyang introduksiyon ni Jimmuel C. Naval, Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2001. Malaking tulong ang pag-aaral ni Naval hinggil sa poetika ni Baylen at sa mga kapanahon nito.
41 Baylen, ibid., p. __. Basahin din ang “Ang pangitain ng darating sa mga tula ni Teo S. Baylen” sa Ang makata sa panahon ng makina ni Virgilio S. Almario. Pilipinas: University of the Philippines Press, 1972, mp 101-115.
42 Mula sa The Proverbs ni Damiana L. Eugenio, Quezon City: UP Press, 2002, p 118.
43 Sinipi mula sa artikulong sinulat ni Flora A. Ylagan, pinamagatang “Ang Awiting Bayan,” sa Diwang Ginto. Manila: Philippine Book Company, 1949, p.70. May dagdag na pag-aaral sa naturang tula si Virgilio S. Almario at matatagpuan yaon sa Taludtod at Talinghaga, 1985.
44 Ayon kay Lina Flor, ang tula ni I.E. Regalado’y unang nalathala sa Ang Mithi noong 1912. Inilathala naman sa Diwang Kayumanggi ang ilang saknong ng tula, kasama ng munting sanaysay, bilang paggunita ni Lina Flor sa manunulat na nagpatibok ng kaniyang puso.
45 Mula sa hindi pa nalalathalang antolohiya ni Teodoro A. Agoncillo, pinamagatang Mga Tulang Tagalog, Unang Bahagi, p. 29.
46 Basahin ang tulang “Kapayapaan: Kalapating Puti, Kay Ilap-ilap Mo!” ni Alberto Segismundo Cruz, nalathala sa Sariling Parnaso 1972, Maynila, 1972.
47 Mula sa Crime, Society, and the State in the Nineteenth-Century Philippines ni Greg Bankoff. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1996.
48 Mula sa tulang “Tagak” ni José Corazon de Jesús, at kabilang sa Mga Piling Tula ni José Corazon de Jesus, inedit ni Virgilio S. Almario. Maynila: Aklat Balagtasyana, 1984, mp. 246-247.
49 Pinamagatang “Paglayo ng Tagak” (1 Hulyo 1977), mula sa Doktrinang Anakpawis ni Rio Alma, at muling inilathala sa Una kong milenyum, 1963-1981.
50 Mula sa “Pagbabalik ng mga Tagak” (1982) ni Rio Alma, hinugot sa Retrato at Rekwerdo at muling inilathala sa Una kong milenyum 1982-1993.
51 May pamagat na “Ibon” mula sa koleksiyong Buena Vista Ventures, tinipon at inedit ni Danton Remoto. Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1998, p. 59.
52 Mula sa Doktrinang Anakpawis ni Rio Alma. Parañaque: Aklat Peskador, 1969. Muling inilathala sa Una kong Milenyum 1963-1981. Quezon City: UP Press, p. 138.
53 “Isang bugtong sa ating panahon” ni Rio Alma. Ibid., p. 70.
54 Mula kay Alejandro G. Abadilla, paliwanag niya sa kaniyang tulang “Banyuhay” na sinipi sa Diwang Kayumanggi, p. 162.
55 Mula sa tulang “Silang namamaril ng mga ibon” (27 Oktubre 1994) at matatagpuan sa pinakabagong koleksiyong Pagsunog ng Dayami ni Teo T. Antonio, at nakatakdang ilathala ngayong 2003.
56 Pinuna ni Pura Santillan-Castrence ang ilang pumupuri nang labis sa akdang Ibong Adarna, at may katotohanan ang ilan niyang punto. Basahin ang kaniyang sanaysay na pinamagatang “Ibong Adarna,” na inilathala ng Diwang Kayumanggi (di-tiyak ang petsa).
57 Ginamit ko rito ang Simple Concordance Program, Version 4.0.4 na likha ni Allan Reed. Mabibilang ng nasabing program kung ilang ulit lumitaw sa teksto ang isang salita, at kung saang taludtod makikita yaon. Bagaman may kakulangan ang computer program ni Reed, malaki pa rin ang naitulong niyon upang mabatid at maibukod ang mga salitang Espanyol at ang mga salitang Tagalog sa korido. Kay-sarap paghambingin ang Ibong Adarna at ang Florante at Laura hinggil sa pagpasok ng Espanyol sa Tagalog. Ngunit marahil sa bukod na sanaysay ko na ito tatalakayin.
58 Basahin ang Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon, tinipon at may introduksiyon ni Carmen C. Unabia, Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1996.