Ulo ni Shakespeare, ni Stephen-Paul Martin

Salin ng kathang “Shakespeare’s Head,” ni Stephen-Paul Martin                ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulo ni Shakespeare

. . . . . . .Naipit siya sa maipapalagay na malawakang pagbabago, ang transpormasyong labis na malaganap na mahirap maunawaan. Nawika marahil niya na ang tunggalian ng tradisyon at inobasyon, ang prinsipyo ng panlipunang pagbabago, ay mangyayari lámang kapag namayani ang inobasyon. Gayunman, ang pangkulturang inobasyon ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng istorikong proseso, isang kilusan, na kapag nagsimulang maging maláy sa kabuuan nito, ay makiling na sasapawan ang mga presuposisyon na bumubuo rito, saka sisikaping saklawin ang lahat ng transpormasyong sosyokultural.

. . . . . . .Sa ganitong laro ng mga tensiyon nabubuo ng mga indibidwal ang mga identidad, na mailalarawan bilang mga relatibong awtonomong totalidad, ang mga sona ng organisasyong nahuhubog bilang padron ng mga tinig, na kilala ang ilan at ang ilan ay naghahayag mula sa pangkulturang matrix, ang kabuuang istorikong kilusan na binubuo nila at tinataglay. Batid niyang ang gayong mga pagtatatag ay nalalahukan ng pasakit, mga pansamantalang dislokasyong ginagawa ang kasalukuyan na waring retroaktibo. Ang mga salitang nabubuo upang gabayan ang kaniyang mga pagsagap ay maaaring munti lámang ang kinalaman sa kaniyang hinahanap, at baká naging bahagi ng nakalipas na hindi naman talaga naganap, isang nakaraan na naganap noon at waring nagbabalik sa kasalukuyan. Ang tinig na ibig pukawin ang kaniyang pansin ay tila mula kay Shakespeare. Ngunit ang totoo’y wala siyang pakialam, makirot ang ulo niya dahil sa lagnat, at sumalpok ang maragsang simoy ng Nobyembre sa kaniyang mga ngipin, sa kaniyang lalamunan, hiniklat ang kaniyang balbas, pinatindig ang kaniyang mga buhok bago binunot, binaklas ang kaniyang ilong, sinungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, sakâ tinagpas ang kaniyang ulo, na tumalbog-talbog pababa sa kalye—hanggang huminto ito sa gilid ng istroler ng sanggol na malapit sa kabina ng telepono. Iniunat niya ang kaniyang mga kamay upang abutin ang kaniyang mukha, kinapâ ang espasyo na dáting kinalalagyan ng ulo, pasuray na naglakad pababa sa biyak at mabantot na bangketa, at natalisod sa may kanto nang sumulpot bigla sa kalye si Jill.

. . . . . . .Hindi malaman ni Jill kung ano ang kaniyang nakita—isang lalaking pugot ang ulo—ngunit nang matanaw niya ang duguang mukha sa istroler na gulilat wari at sabóg, alam niyang ang pagkawala ng ulo ay higit sa maipapahiwatig ng tayutay, at namuo sa kaniyang isip ang puwang imbes na diwain o malinaw na persepsiyon. Walang iniwang tatak ang duguang mukha, at naglakad siya sa lansangan nang di-nababagabag, pumasok sa kabina ng telepono, tinawagan ang kaniyang boss at nagbitiw sa trabaho, pagdaka’y nakaramdam ng ginhawa gaya ng bagong silang na sanggol, pumasok sa bar na malapit sa Pook Astor, at naghanap ng mga lalaking makakausap.

. . . . . . .Natalisod si Jack pagkaraan ng tatlumpu’t walong segundo, umupo sa bar at tumabi sa babae, saka sinimulang basahin ang Ang Salarin sa Loob Ko.

. . . . . . .Sabi ni Jill: Natapos ko nang basahin iyan noong isang linggo! Hindi ba maganda?

. . . . . . .Sabi ni Jack: Oo, maganda. At sinagot niya ang tatlong Dos Ekis para sa babae.

. . . . . . .Hindi naglaon at nagbalik sila sa silid ni Jack upang makilala ang isa’t isa sa kama, ngunit biglang namula si Jill, hinawakan ang kaniyang ulo, at nagunita ang mukha sa istroler.

. . . . . . .Diyos ko, aniya, hindi ka maniniwala sa nasaksihan ko noong hápon! Nakita ko ang lalaking pugot na naglalakad sa kalye, at nakita ko ang sa wari ko’y ulo niya na nasa istroler ng sanggol.

. . . . . . .Nayamot si Jack sa pagkabalam. Aniya: Paano mong nalaman na ang ulo ay mula sa nasabing katawan? Baká nagkataon lámang iyon! Bumangon siya sa kama at nagsindi ng tabako, nagbalik sa kaniyang desk at tumitig palabas ng bintana. Bakit ang bawat babaeng makilala niya ay mabibigat ang dinaramdam? Bakit malimit silang nakatuon sa pagdurusang pisikal? At bakit ang pangkulturang inobasyon ay naging isa pang kalakal? Bakit ang pakikibaka ng tao ay nakapailalim sa diskurso ng mga imahen, hanggang sa puntong ang pakikibaka mismo ay kailangang muling ipakahulugan, na higit ngayong nauunawaan sa politika ng persepsiyon, ang pakikibakang hindi dapat ganap na ipailalim sa laro ng mga kalakal?

. . . . . . .Nang umalis si Jill ay nagbalik si Jack sa bar at sinikap na magmukhang tae. Pambihira ang musika at nagsasayaw ang mga tao. Nasa sulok ang isang matangkad, matabang rubya na umiindak-indak hanggang malaglag ang ulo. Tumayo si Jack at nagsayaw at hindi nagtagal ay natagpuan ang sariling katabi ng babae.

. . . . . . .Nang huminto ang musika, sinabi ni Jack: Tipo mo ba si Jim Morrison? At tumugon ang babae: Oo, pero mas gusto ko si Van Morrison.

. . . . . . .Nabatid ni Jack na ang pangalan ng babae’y Maureen, at sinabi niyang kung magkakaanak siya’y pangangalanan ng Maureen, ang paborito niyang pangalan. Sinabi naman ng babaeng hindi niya kailanman nagustuhan ang kaniyang pangalan, at pinaplanong baguhin iyon, marahil tawagin ang kaniyang sarili na Marguerrite, o Mary Beth, o Melinda. Naisip ni Jack na maganda lahat ang pangalan, ngunit higit niyang naibigan ang Maureen. Sinabi ni Maureen na pagod na siyang makilala ang mga lalaking mabigat ang dinaramdam, mga lalaking malimit nagbabasá ng mga aklat na pantulong-sa-sarili at ukol sa terapya, mga lalaking hindi matanggap ang kanilang mga lalaking identidad. Itinanong ni Jack kung ano ang ibig sabihin ng “mga lalaking identidad.” Ipinaliwanag iyon sa kaniya ni Maureen, nagsaad ng mga metikulosong detalye, bukod sa malilinaw na halimbawa, at ipinaliwanag ang lahat ng kaniyang termino. Ngunit naisip ni Jack na ang lahat ng iyon ay kagaguhan. Aniya’y kailangan muna niyang magtungo sa kubetang panlalaki.

. . . . . . .Nang patungo na siya sa kubeta’y nasalubong niya ang kaniyang terapewta, si Bert, at ang kaniyang Boss, si Bart, na magkahawak kamay at nakatitig sa isa’t isa at humahalakhak. Hindi niya natunugang bakla ang isa, at kapuwa sila napahiya, bumulong-bulong ng mga walang saysay na palusot at lumabas pagkaraan, lumakad nang mabilis tungo sa kalye, at nadamang lulutang wari ang kanilang mga ulo hanggang kalawakan.

. . . . . . .Mapayat si Bart, ang poging lalaki mula sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1969, sa hangaring makakuha ng doktorado sa sikolohiya mula sa Columbia, ngunit hindi naglaon ay napatalsik siya sa kurso sanhi ng malaganap na dislokasyon, na sa totoo’y hindi niya maitatwa o malinaw na mailarawan. Ang mga mosyon na ang mga pangmasang kalakal ay pinararami nang kung ilang ulit sa mga publikong espasyo ay lumampas na sa hanggahan ng pagkasagana nito, at yamang ang wakas ng di-mapipigil na reproduksiyon ay malabo pa, ang sitwasyon ay maipapalagay na isang uri ng pribasyon. Sa sandali ng ekonomikong labis-na-produksiyon, ang namuong resulta ng panlipunang kontrol ay nagiging matingkad, sinasaklaw ang pisikal na espasyo sa laro ng mga imahen, na ang interaksiyon nito ay lumilikha ng ilusyon ng isang kultura. Nahulog ang mga salita sa mga mata ni Bart at sumaboy sa tumapong serbesa sa sahig. Ngunit walang pakialam si Bert dahil si Bert ay mapayat, guwapong lalaki na mula rin sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1972 upang maging mananayaw. Subalit mahigpit ang kompetisyon, kaya lumipat siya sa sikoterapya, ang hakbang na itinuturing niya ngayong malaking pagkakamali, dahil napuwersa siyang harapin ang lahat ng makikirot na bagay na hindi niya malutas, gaya ng katotohanang kinapopootan niya ang matatagumpay na tao, na wala siyang panahon para sa kaniyang mga pagkakamali, walang panahon para sa mga problema ng ibang tao, na hindi siya tinitigasan kapag pinahahalagahan niya ang mga tao na kinakatalik, na napupuyat siya sa gabi sa takot na makatanggap ng malalaswang tawag sa telepono, na ang mga ulap sa timog ay tiyak na pahiwatig ng kamatayan ng isang minamahal, na ang marurubdob na pakikipagtalo ay tila nakapagpapaliit sa mundo, na si Lot ay nakipagtalik sa kaniyang mga anak na babae makaraang masawi ang kaniyang kabiyak, na minsang tinangka ng kaniyang amang patayin ang lalaki na nag-aari ng baboy na ikatlo sa pinakamalalaki sa buong mundo, na ang kaniyang ulo’y gaya ng lobo na puputok sa isang pagdiriwang ng kaarawan.

. . . . . . .Romantiko ang buwan, nakaporma sa mga anino ng mga gusali, habang sina Bart at Bert ay naglakad nang magkahawak kamay sa Broadway tungo sa Kalye Canal. Ngunit nawasak ang tagpo sanhi ng tunog ng sigaw ng babaeng minumura ang kaniyang asawa mula sa ikaanim na palapag sa paupahang malapit sa Chinatown, at lalong naulol ang bana niya, at sumigaw nang may panlalait pababa sa hagdang patumbok sa kalye, binantaan na iitakin ang babae, at pinaratangang taksil ito at nilibak sa kung ano-anong bastos na pangalan, ngunit nagdilim ang paningin ng babae at inagaw ang itak at pinatumba ang lalaki sa isang kaliweteng bigwas, samantalang walang kamalay-malay na naging gastado ang buong kapitbahayan, na pinalitan ng sunod-sunod na imaheng umiiral sa itaas at lampas doon, at sa parehong panahon ay pinilit ang sarili sa kamalayan ng kultura, na inihahain na tila ba mababang uri ito ng nasasalat na anyo ng mga pangyayari sa espasyo, na biglang naging kapuwa kasalukuyan at absent, gaya ng aklat sa TV wrestling na pinagpupuyatan niyang matapos, na sinulat ng lalaking malinaw na sabik sa dominasyon, na ang bawat salita at parirala ay may masokistang implikasyon, o kahit paano’y gayon ang naiisip ng babae, ngunit alam niyang labis ang kaniyang pagpapalagay, at labis ang pagbasa sa aklat na hindi laan sa masinop na pagsusuri.

. . . . . . .Gayunman, hindi lubos maisip ng babae na ang lahat ng bagay ay dapat matalas na sinusuri, na maraming walang saysay na nagaganap sa mundo ang sa unang malas ay hindi nakapipinsala, ngunit pagkaraan ay nagiging nakamamatay, na dapat suriin nang maigi, tingnan kung para saan talaga iyon at hindi dahil sa kung ano ang ipinagmamagara nito, ngunit pagkaraan, winika niya sa sarili, na malimit siyang seryoso nang labis, na nagpapahiwatig na marahil, ang kaniyang sariling mga kontradiksiyon ay mumunting pagninilay sa mga pakikibaka ng mga makapangyarihang konglomerado, na ang mga minapakturang tunggalian ay sadyang mga estratehiya ng pagkontrol sa pananalapi, isang paraan ng pagpapalihis ng pansin tungo sa mga madulaing representasyon, palayo sa mga kaguluhan at guho na bumilanggo sa kaniya, at biglang pinagsisihan niya kung bakit iniwan ang kaniyang bana na lugmok sa kalye. Sinabi niyang hindi kasalanan iyon ng kaniyang bana. Pagkaraan, sinabi niya sa kaniyang sarili na kasalanan nga ng lalaki. Muli niyang ibinulong iyon sa sarili. Paulit-ulit. Nagsimula siyang paniwalaan yaon. Walang karapatan ang kaniyang bana na tawagin siyang puta, kahit gayon ang ibig niyang sabihin, kahit bulaklak ng dila lámang iyon, dahil ang totoo’y samot ang kapangyarihan ng mga tayutay, na naging sanhi ng mga digmaan at pambihirang imbensiyon, na sa yugtong iyon ng kagila-gilalas na pagtatanghal, labindalawang bloke ang layo sa pusod ng lungsod patugpa sa Kalye Walker, Unang Yugto ng Hamlet, ang yugtong pinagsasabihan ni Polonius ang kaniyang anak na pigilin ang dila na isakataga ang lamán ng diwa, at si Bill ay inaantok sa unang hanay ng upuan, na mukhang gago dahil dinapuan ng matinding sipon at lagnat. Kailangan niyang kumapit nang mahigpit sa kinauupuan upang maiwasang umubo nang masasál, at pumigil iyon sa kaniya na ganap na maarok ang dula, na naging sanhi para lalo siyang magmukhang gago. Gayunman, ang pangunahing dahilan kung bakit siya lumabas ay hindi dahil gusto niya si Shakespeare, bagkus dahil kailangan niyang basahin ang Hamlet para sa English 101 sa NYU, at yámang hindi niya masakyan ang wika ni Shakespeare, naisip niyang makabubuti kung panonoorin niya ang pagtatanghal ng dula. Walang sinuman sa kaniyang klase ang káyang pagtiyagaang basahin si Shakespeare. Lahat sila’y dama na ang wika ay masalimuot at labis na sinauna. Subalit may nakatakda silang pagsusulit—at kailangan nilang maintindihan ang Hamlet. May naisip na plano si Bill. Lahat sila’y maglalakad sa Kalye Walker nang tangan ang mga VCR at notbuk. At ngayon, doon siya sinipon. Sinikap niya ngunit wala siyang maunawaan, at humapay siyang hilong-hilo sa kinauupuan, nadamang ang kaniyang lagnat ay tumataas, natutunaw sa espektakulo ng mga mapandahas, huwad-na-aliwan, kinalakal na representasyon ng mga tao na inupahan bilang mga pangkulturang ikon, balighong gantimpagal, pekeng kaluguran, na pawang nakapailalim lahat sa pangmalawakan at nakasasagad na kisapmatang kuwantipikasyon. Malabo niyang nasagap na ang ibang manonood ay isinantabi iyon at itinuring na walang saysay, na ang panahon ay naging kalakal, mala-siklikong padron na ginagaya ang mismong pagbabago na pinipigil nito, na lumalaganap dahil sa lumalalang kahirapan na sinisikap nitong ikubli, ang kahirapang nililikha nito at pinalalaganap. Tradisyon at inobasyon ang muling ipinakakahulugan bilang mga simulasyon, kategoriya na waring tumutukoy sa istorikong proseso, nililikha sa pamamagitan ng teknolohikong puwersa na kahit ang malakas ay hindi makaliligtas, ginagawa ang hinaharap na magmukhang isang tao na nagbitiw sa kaniyang trabaho nang wala man lang babala. Nakaramdam siya ng malakas na bugso ng simoy sa kaniyang katawan, at natunugang baká lumakas pa ang hangin at umangat at hiklatin ang kaniyang ulo.

Ngunit ang gayong pagpapalagay ay tila paglikha ng hangin na katumbas ng bulaklak ng dila, na sa katotohanan ay naroon iyon at bumubuga mula sa iba’t ibang panig, hinahatak pabalik ang kaniyang balbas, sinusungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, pinipigtas ang kaniyang ulo, at hinihipan palayo ang ilong tungo sa kalye. Naupo siya roon na waring gulilat at batong-bato, gaya ng lumamig na pagkain sa piging doon sa kasalan, o kaya’y sanggol na iniwan sa labas ng bahay at nakasakay sa istroler at kumakagat ang lamig ng Nobyembre, pinanonood ang mundo na umandar nang hindi nauunawaan.

Takipsilim, ni Jules Laforge

Salin ng “Crepuscule,” ni Jules Laforgue ng Uruguay/France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Takipsilim

Takipsilim.  .  .  Mula sa mga bahay na dinaraanan ay nalalanghap ko ang inilulutong pagkain at nauulinig ang kalantog ng mga pinggan. Naghahanda ang mga tao na maghapunan at pagdaka’y matulog o tumungo sa teatro.  .  .  Ay, matagal ko nang ginawang bato ang búhay laban sa mga luha; káya kong maging kapuri-puring duwag ngayon sa harap ng mga bituin!

At lahat ng ito’y walang katapusan, walang wakas.

Ang mga pagál na kabayo’y hinihila ang mabibigat na kariton sa kahabaan ng mga kalye—gumagala ang mga babae—binabati ng ngiti ng mga lalaki ang isa’t isa.  .  . at umiinog ang mundo.

Hápon.

Kalahati ng mundo’y sinisinagan ng araw, at ang kalahati’y maitim at may batik ng apoy, gas, resina, o alab ng kandila.  .  .  Sa isang pook, nagbabakbakan ang mga tao, at may mga masaker; sa kabilang panig, may pagbitay, at sa isa pa, nakawán.  .  .  Sa ibaba, natutulog ang mga tao, namamatáy.  .  .  ang mga itim na láso ng paghahatid sa paglilibing ay nagwawakas sa mga punong teho. . . walang hanggan. At sa lahat ng itong pasan-pasan, paanong nakaiinog pa na simbilis ng lintik ang dambuhalang mundo sa eternal na espasyo?

Sa tahimik na gubat, ni Max Jacob

salin ng mga tulang tuluyan ni Max Jacob mula sa koleksiyong Le cornet à dés (1917).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

1889-1916

Noong 1889, maihuhubog sa salamin at allid ang mga trinsera. Dalawang libong metro paibaba, dalawang libong Polish na nakakadena ang hindi nakababatid kung ano ang ginagawa nila roon. Sa kanugnog na pook ay natuklasan ng mga Pranses ang kalasag na Ehipsiyo. Ipinakita nila ito sa pinakamahusay na doktor ng daigdig, siya na nakaimbento ng obaryotonomiya. Ang pinakamagaling na tenor ng daigdig ay umawit ng dalawang libong nota sa teatro na dalawang libong metro ang sukat paikot. Natamo niya ang dalawang libong dolyar at ibinigay sa Kawaniwahan ng Pasteur. Nasa loob ng salamin ang mga Pranses.

Sa Tahimik na Gubat

Sa tahimik na gubat, hindi lumalatag ang takipsilim at ang bagyo ng kalungkutan ay hindi pa sinasalanta ang mga dahon. Sa tahimik na gubat na tinahak ng mga Diwata, ang mga Diwata ay hindi na magbabalik.

Sa tahimik na gubat, napawi ang saluysoy ng mga batis, dahil ang agos ay halos walang tubig at lumilihis. Sa tahimik na gubat, may punongkahoy na kasingtingkad ng itim, at sa likod ng punongkahoy ay may palumpong na hugis-ulo at nagliliyab, at naglalagablab sa ningas ng dugo at ginto.

Sa tahimik na gubat na hindi na muling babalikan ng mga Diwata, may tatlong itim na kabayo, ang tatlong itim na kabayo ng mga Mago, at ang mga Mago ay hindi na nakasakay sa mga kabayo o nananahan kung saan at ang mga kabayo’y nagwiwika gaya ng mga tao.

Libak at iba pa

Tumungo sa pantalan ng ilog ang gansang mula sa alamat ni Andersen. Ang ating limahan ay ganap ang nobilidad, at sa lilim ng malagong bundok ang mga manggagawa’y nananahan sa kanilang lumang bahayan. Ang aking kaibigang Romantiko at ako, na nasa baybay kapiling ang mga babaeng naglalaba, ay naghahagis ng tinapay sa gansang mula sa alamat ni Andersen. Hindi napansin ng mapanlibak na gansa ang tinapay, ngunit hindi rin iyon binawi ng ingay ng mga pumapalo sa labada; ay, mga labandera, o malalayong ingay ng inyong pag-aaway, kayong mga manggagawa sa trangkahan makalipas ang hapunan.

Buhay ko

Nasa silid ang lungsod. Ang pandarambong ng kaaway ay hindi malubha at ang kaaway ay hindi tatangayin ang lahat dahil hindi niya kailangan ang salapi yamang ito’y kuwento at kuwento lamang. Ang lungsod ay may tanggulang yari sa pintadong mga kahoy: bibiyakin natin iyon upang maidikit sa ating mga aklat. May dalawang kabanata o bahagi. Narito ang pulang hari na may ginintuang korona na nakasakay sa lagari: iyan ang ikalawang kabanata. Hindi ko na matandaan pa ang unang kabanata.

Pornograpiya, Kahalayan, at Panitikan

Iginagalang ko si Sen. Manny Villar bilang patron ng sining, ngunit sa pagkakataong ito ay nagdududa ako kung ano talaga ang pagpapahalaga niya sa sining at panitikan. Sa kaniyang Panukalang Batas bilang 2464, ang pornograpiya at kahalayan ay ituturing na kasong kriminal at may katumbas na mabigat na parusa sa sinumang mapapatunayang nagkasala.

Mahaba ang pamagat ng kaniyang panukala: “An Act prohibiting and penalizing the production, printing, publication, importation, sale, distribution and exhibition of obscene and pornographic materials and the exhibition of live sexual acts, amending for the purpose Article 201 of the Revised Penal Code, as amended.”  Sa unang malas ay waring nakabubuti ito sa pagpapanatili ng moralidad sa lipunan. Ngunit kapag inusisa na ang mga salita at pakahulugang isinaad sa panukalang batas, manggagalaiti ang sinumang nagmamahal sa sining dahil binubura ng panukala ang hanggahang nagbubukod sa “pornograpiya” at “sining.”

Maganda ang layon ng panukala: ang “pahalagahan ang dangal ng bawat tao at pangalagaan ang integridad at ang katauhang moral, espiritwal, at panlipunan ng mamamayan, lalo na ang kabataan at kababaihan” laban sa mga epekto ng obsenidad at pornograpiya. Ito ang patakaran ng estado, at upang maisagawa ito ay kinakailangan umanong maghasik ang pamahalaan ng walang humpay na kampanya laban sa kahalayan at pornograpiya, at tiyakin na ang mga institusyong pang-edukasyon ay sumusunod sa atas na ito ng konstitusyon.

Mga pakahulugan
Ang paglinang sa kabutihang asal at pansariling disiplina ay dapat suriin nang maigi sa panukalang batas ni Sen. Villar. At maaaring magsimula sa pag-urirat sa mga pakahulugan. Heto ang sipi sa panukalang batas:

(a) “Obscene” refers to anything that is indecent or offensive or contrary to good customs or religious beliefs, principles or doctrines, or tends to corrupt or deprave the human mind, or is calculated to excite impure thoughts or arouse prurient interest, or violates the proprieties of language and human behavior, regardless of the motive of the producer, printer, publisher, writer, importer, seller, distributor or exhibitor such as, but not limited to:
(1) showing, depicting or describing sexual acts;
(2) showing, depicting or describing human sexual organs or the female breasts;
(3) showing, depicting or describing completely nude human bodies;
(4) describing erotic reactions, feelings or experiences on sexual acts; or
(5) performing live sexual acts of whatever form.

Sa Filipino, ang “obscene” ay maitutumbas sa “mahalay.” Sa pakahulugan ni Villar, ang mahalay ay maaaring malaswa o nakasasakit o salungat sa mabubuting kaugalian o paniniwalang relihiyoso, prinsipyo o doktrina, at siyang bumubulok sa isip ng tao. Ang “mahalay” ay nagpapasiklab ng maruruming pag-iisip, na mahihinuhang ang ibig sabihin ay “kalibugan.” Ngunit kung ano ang hanggahan ng kabutihang-asal ay isang palaisipan. Ang pagpapasulak ng libog ay sasaklaw din sa anumang motibo ng prodyuser hanggang manunulat hanggang tagapagtanghal.

Sa ganitong pakahulugan, kahit ang mga seryosong panitikero at artista ay masasabit. Mangunguna na marahil sa listahan si Pambansang Alagad ng Sining F. Sionil Jose, na ang ilang nobela’y nabubudbudran ng makukulay na kandian, laplapan, at bosohan. Manganganib din ang mga teatro, na dapat ituring ang kanilang mga manonood na parang batang walang sapat na kapasiyahan at dapat pangalagaan ang moralidad. Delikado kahit ang mga independiyenteng pelikula, na nagtatanghal ng mga erotikong obrang lumilihis sa kumbensiyon at nangingibabaw na pananaw. Pinakikitid ng “mahalay” ang dating pakahulugan nito, at inilalatag ang konsepto ng itim at puti na parang nasa panahong midyibal.

Nakatatakot kahit ang mga pakahulugan sa “pornograpiya,” “mass media,” “materials,” “sex,” at “sexual act.” Heto ang sipi:

(b) “Pornographic or pornography” refers to objects or subjects of film, television shows, photography, illustrations, music, games, paintings, drawings, illustrations, advertisements, writings, literature or narratives, contained in any format, whether audio or visual, still or moving pictures, in all forms of film, print, electronic, outdoor or broadcast mass media, or whatever future technologies to be developed, which are calculated to excite, stimulate or arouse impure thoughts and prurient interest, regardless of the motive of the author thereof.

(c) “Mass media” refers to film, print, broadcast, electronic and outdoor media including, but not limited to, internet, newspapers, tabloids, magazines, newsletters, books, comic books, billboards, calendars, posters, optical discs, magnetic media, future technologies, and the like.

(d) “Materials” refers to all movies, films, television shows, photographs, music, games, paintings, drawings, illustrations, advertisements, writings, literature or narratives, whether produced in the Philippines or abroad.

(e) “Sex” refers to the area of human behavior concerning sexual activity, sexual desires and instinct, and their expressions.

(g) “Sexual act” refers to having sex or the act of satisfying one’s sexual instinct.

Sa naturang pakahulugan, kahit ang matataas na uri ng panitikan ay kasama. Gayundin ang matitinong potograpiya, pintura, musika, pelikula, at makabagong teknolohiya. Napakalawak ng “impure thoughts” (maruming isip) at “prurient interests” (kalandian o kalibugan) at kapag inilapat ang mga konseptong ito sa panitikan ay dapat husgahan ang akda batay sa husay ng imahinasyon at hindi sa kung ano-anong taguri. Maiisip tuloy na kinokontrol ng pamahalaan kung paano dapat mag-isip at magpasiya ang mga mamamayang ipinapalagay na pawang  gago at bobo na hindi kayang unawain ang nagbabagong daigdig. Ang pakahulugan ng “mabuti” ay nakasalalay lamang sa kamay ng pamahalaan, o sa galamay nitong relihiyoso. Mapanganib ang nasabing pakahulugan dahil ang pagpapasiya kung ano ang “pornograpiya” ay mahihinuhang nakabatay sa halagahang moral ng mga relihiyon, kahit ang mismong mga relihiyong ito ang nagpapakalat din ng mga dogmatiko, basura’t kolonyal na paniniwalang pikit-matang sinusunod ng kani-kanilang mananampalataya.

Mapanganib ang pagtatanghal ng mga pelikulang may kaugnayan sa sex at paghuhubad. Lalo na ang pagsusulat, pagbubuo, paglilimbag, at pagpapalaganap ng mga ito sa mass media o kaya’y sa tanghalan. Nakikini-kinita kong kahit ang mga blog at websayt ay delikado rito, dahil mapipilitan ang pamahalaan na gumanap bilang Dakilang Kuya na magmamanman sa bawat kilos ng mga mamamayan, at itatakda ang “mabuti” at ang “masama” alinsunod sa nais nitong palaganapin nang mapanatili ang panlipunang kaayusan.

Mga Parusa
Mabigat ang mga parusa, at kabilang dito ang sumusunod:

Una, ang pagkakakulong nang anim hanggang labindalawang taon, at multang mulang 500 milyong piso hanggang 1 milyong piso sa sinumang lumilikha, naglilimbag, nagtatanghal, nagbebenta, at napapakalat ng pornograpikong materyales.

Ikalawa, pagkakakulong nang tatlo hanggang anim na taon at multang mulang 200 libong piso hanggang 500 libong piso sa sinumang magpapalabas ng mga “pornograpikong pelikula” sa loob man o labas ng Filipinas, o sa mga publikong tanghalang, gaya sa restoran  o klub, o kaya’y sa bahay na ang mga nanonood ay hindi lamang ang mga residente roon.

Ikatlo, pagkakakulong nang tatlo hanggang anim na taon at pagmumulta ng 200 hanggang 500 libong piso sa sinumang magsusulat ng mahalay o pornograpikong akda mapa-elektroniko man o mapalimbag sa papel.

Ikapat, pagkakakulong nang isang taon hanggang tatlong taon at pagmumulta ng 100 hanggang 300 libong piso sa sinumang magtatanghal o gaganap nang malaswa o pornograpiko sa anumang anyo ng mass media.

Nagtataka lang ako kung bakit walang umaangal sa panukalang batas na ito ni Sen. Villar. Nananahimik ako dahil iniisip ko noon na may mga tao na mag-iingay hinggil dito. Ngunit dahil wala namang pumipiyok, nais ko nang pumalag. Dapat ibasura na ang Panukalang Batas bilang 2464. Ang nasabing panukala ay mapanlahat, at napakakitid ng pananaw hinggil sa sining at pagtatanghal. Sinumang sumulat o nagpakana nito ay dapat ibitin nang patiwarik, nang umagos at lumabas ang lahat ng kaniyang dugo sa ilong, mata, tainga, at bibig na maituturing na isang uri ng pornograpikong tagpo sa sinumang ang pamantayan ay “Matapat, Mabuti, Maganda.”

Hinilawod at Resureksiyon

May 35 taon na ang nakalilipas, itinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ang operang Hinilawod na batay sa epikong Panay. Ang nasabing epiko ay matapat na itinala ni F. Landa Jocano, na isang antropologo; isinadula at hinalaw ng batikang manunulat na si Iñigo Ed. Regalado; nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura; at idinirek sa entablado ni Jaime V. Asencio. Bagaman si Jocano ang nagpatanyag ng Hinilawod, at gagawan ng lagom ni E. Arsenio Manuel, mauuna kay Jocano si Eugenio Ealdama na sumulat ng artikulo ukol doon sa Philippine Magazine noong 1938.

Pinakabagong saliksik naman ang inihain ni Gina V. Barte, na lumagom sa ikalawang siklo ng Hinilawod, na ang ilang bahagi ay sinipi ni Corazon D. Villareal sa kaniyang aklat na Siday: Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997). May lagom din ng Hinilawod na mula sa tala ni Alejo Zata, at mababasa sa internet. Magandang balikan sa aking palagay ang nasabing epiko dahil maaaring ang transpormasyon niyon ay tumagos hindi lamang mulang dula at opera bagkus hanggang pelikula at telenobela tungong komiks at larong video.

Hango umano ang “Hinilawod” sa dalawang salita: ang “hini” na ang ibig sabihin ay “tunog” o “himig”; at “lawod” na ang ibig sabihin ay “dagat.” Ang “Hinilawod” kung gayon ay maaaring mangahulugan na “Himig ng Dagat” o sa matalinghagang salin ay katumbas ng “Himig mula sa tabing-dagat.” Ang ganitong palagay ay unang binanggit ni Villareal, at inugat sa haka ni Jocano na dating naninirahan sa baybayin ang mga tagabundok ngayong Panayon. Posibleng naganap umano ang isang malawakang migrasyon, at ang mga tao ay lumipat tungong iraya at doon nagsimula ang paglilipat ng epiko.

Sari-sari ang bersiyon at kapana-panabik ang mga tagpo ng Hinilawod, ngunit ang isa sa mahahalagang aspekto nito ay ang resureksiyon at pagbabagong-anyo ng pagmamahal.

Sa opera ni Regalado, ipinakilala ang marikit na si Malintang, na nagtataglay ng mga katangian ng kapuwa mortal at sobrenatural. Lumitaw siya isang gabi sa panaginip ng mandirigmang si Humadapnon, at hinimok ng naturang dilag na hanapin siya ng binata. Nabulabog ang pandama ni Humadapnon, at nabatubalani sa dalaga, at nagsimulang hanapin si Malintang sa tulong ng kaniyang mga kawal.

Pumalaot si Humadapnon sakay ng kaniyang barangay, at napagawi sa isang yungib ng pulong tahanan ni Guinmayan at ng kaniyang mga binibining tagasunod. Taglay ni Guinmayan ang kapangyarihan ng kapuwa mangkukulam at diwata, at inakit si Humadapnon na doon tumira sa pulo at nangakong ibibigay sa kaniya ang walang hanggang pagmamahal. Pinaglaho din ni Guinmayan ang mga kawal ni Humadapnon sa pamamagitan ng kaniyang itim na kapangyarihan, at ibinilanggo ang lalaki sa pulo upang maangkin nang lubos.

Darating isang araw si Malintang, na nakabalatkayong lalaki at tangan ang tabak, upang saklolohan si Humadapnon. Nailigtas nga si lalaki; ngunit hindi magtatagal ang masayang pagsasama nina Malintang at Humadapnon dahil kailangang umalis muli si Humadapnon at tupdin ang tungkulin para sa lipi. Nangako si Humadapnon na magbabalik sa piling ni Malintang, at mamahalin ang dalaga hanggang wakas. Subalit nang malayo na si Humadapnon, sapilitang ipinakasal si Malintang ng kaniyang ina kay Sumagulong, alinsunod sa kasunduang pinagtibay ng dalawang mag-anak simula nang ipanganak sina Malintang at Sumagulong. Hahabol sa kasalan si Humadapnon, at papatayin si Malintang sa pag-aakalang nagtaksil ito sa kaniya.

Yayao si Malintang sa paanan ni Humadapnon, lilitaw naman ang mga anito o diwata, at isasaysay nila ang wagas na pag-ibig ng dilag kay Humadapnon. Papayuhan din ng naturang mga sobrenatural na maykapal si Humadapnon na dalhin ang bangkay ng dalaga doon sa Hinilawod, at mag-alay ng panahon at bantayan siya. Tinupad ni Humadapnon ang bilin sa kaniya, at sumilang ang araw na muling nabuhay si Malintang. Nagwakas ang opera sa pag-asang magsasama nang masaya at walang katapusan ang dalawang nilalang.

Marami pang hiyas na mahuhugot mula sa iba’t ibang epikong bayan ng Filipinas. Kailangan lamang natin itong halungkatin, pag-aralan muli, at sipatin sa pambihirang anggulong mula sa pananaw nating mga Filipino.