Ikalabinlimang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabínlimáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Sakalì’t isakáy ka sa BRP Ang Pangúlo at tíla humintô ang óras ng daigdíg, matátagtág ang iyóng loób, magtátangkâng limútin ang kinágisnáng lugód, at mabigô man sa gayóng pagdulóg ay babasáhin ang mga talampád at bulalákaw sa mga gabí ng paglalayág. Pagtingalâ’y pagkilála sa saríli, dáhil isá ka ring paralúman. Tuwîng nagtátaksíl sa mga salitâ ang makatà, maráhil ay úpang makáligtás pang mag-isíp nang malálim, pumánig sa pinakámadalî pinakámagaán pinakámabilís máunawàan; at ikáw bílang tulâ na ginagád kung saán ay párang napakahírap nang ngumitî, matiím tumítig na ánimo’y galít sa kabarò, sisisíhin nang taás-kamaó at taás-kílay ang lahát ng ugát sa mekánikong paraán, málagáy man sa péligro ang pagkatáo mo’t sángkataúhan. Ang katátawanán sa iyóng katawán ay ni hindî mabábakás sa alinsángan at asín at mabilís tangayín ng hángin; at kung umárte mang payáso ang taúhan mo sa panahón ng paglálakbáy ay sapagkát nangangárap din itó na bálang áraw ay mailúluklók na presidénte o representánte ng isáng báyan, handâng ipaglában ang kásarinlán sa pananákop ng dáyo, húhubarín ang bárbarong bíhis at magíging séryoso at híhimúkin ang mga táo at nasyón na makílahók sa sukdúlang pakikibáka túngo sa kalayàan. Bísyo ang katátawanán, pansín ngâ ni Platon, káhit itanóng mo pa kiná Kúntil Bútil at Anastasio Salagúbang. Gagamítin kang áparáto, na tíla ikáw ay sadyâng ipináglihî sa kubéta at lumakí sa bangkéta, nakádísenyo halímbawà sa pasawáy na método úpang pahagíngan ang isáng polítiko na ang kakatwâ’y galák na galák pa turíngan mang bóbo, tamád, at lutáng dáhil nagúguníguní niyáng siyá ang mataás mapalad makapangyarihan kompará sa milyón-milyóng sawîmpálad. Sa panahón mo, ang katátawanán ay nádupílas na paslít na ang katigásan ng úlo’y sinaló ng timbâ na umaápaw sa tsókoláte o táe. O isáng matabâ, hubád na dilág na íbig daigín ang timbáng ng dágat, sikát na sikát sa mabilís manudyô at bumilíb sa isinásahímpapawíd, at humáhagikgík kung bákit ang katabí’y patáy-gútom at payát na payát. Anó ang katátawanán díto kung itó ang nagkátaóng nórmatíbo at isá kang sirâúlo? Ang nakapágpapángitî o nakapágpapátawá ba ay nása hulagwáy o dî-ináasáhang píhit ng pangyayári? Kapág ang pagbíbirô, ang katawá-tawá, ang katátawanán ay nawalán ng hanggáhan, ang panlaláit kung hindî man panlílibák ay hulagwáy ng lángit na nabatíkan ng tínta o pútik. Ang ábstrakto ay kailángang magíng kóngkreto na síngkapál ng mukhâ pára sampalín o dunggulín malayò man sa tradisyón nina Pugò at Tugò, at kiníkilála ng ákadémyang pámpelíkula makáraáng mágtalumpatì ng ápolohíya. “Háy, kaawà-awàng áso,” súlat ngâ ni Charles Baudelaire, “kung binigyán kitá ng táe’y lugód na lugód na sininghót-singhót mo na iyón, at kináin pa maráhil. Sa gayóng paraán ay kawángis mo ang madlâ, na hindî dápat handugán ng pabangóng ikayáyamót nitó, bagkús pilîng basúra lamang.” Ang ábstrakto ay masíning na pukól sa matimtíman o marahás na paraán, hináhagíp ang mukhâ ng pinúpuntiryá sakâ sásapáwan, dinúdumihán nang padaplís ang isáng bahagì ng pagkatáo nitó úpang maípamálas ang kabulukán at kahayúpan sa sandalíng magálit at gumantí itó. Sapagkát ang kómiko, wikà ngâ ni Henri Bergson, ay isáng buháy na nilaláng, lumálagô o tumátangkád ngúnit sumásalungát sa iisáng pákahulugán, at káhit ikáw ay gagawíng éksperiménto pára sa kalugúran ng públiko. Walâng pusò ang katátawanán ngúnit may útak. Paúlit-úlit ang dápithápon, at walâng katawá-tawá sa paglubóg ng áraw; walâng katawá-tawá sa rítmikong pagsalpók ng álon sa pásigan; walâng katawá-tawá sa pagkátigáng ng lupàín sa dáting maláwak na kagubátan, malíban na lámang kung sadyâng sádista ang tumítingín. May lóhika ng éksentrísidád ang kómiko, sambít ni Bergson, at itó ang dápat tuklasín sa gáya mong may pinsalà na ang kaligayáhan ay matátagpûán lámang sa kaloób-loóban. “Ang katákatáyak, súkat/ makápagkáti ng dágat.”// Katumbás ng dágat ang isáng paták ng álak, at kung hindî itó makapágpangitî sa iyó ay sapagkát walâ kang pakíalám sa lipúnan, kóntento sa saríli at ni hindî nalasíng sa ilahás na kandúngan—isáng érmitanyong tinálikdán ang kaniyáng sánlibután.

Alimbúkad: Epic poetry tsunami challenging the world. Photo by Riccardo on Pexels.com

Ikaapat na Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikaápat na Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Túlad ng ibáng abâng nilaláng, itátanóng mo sa saríli bílang paláboy o manlálakbáy kung isá ka ring tulâ, na nagíging madulás ang pakáhulugán sa paglípas ng panahón, at may katangìang higít sa pagtátagpô ng damít at ng katawán, na ang suót ay lumalápat sa katawán úpang magíng ékstensiyón nitó, kung hindî man balátkayô túngo sa ibáng kataúhan o kayâ’y sa pagbúbunyág ng payák na kátotohánan. Sapagkát anumáng bágay o kaísipáng pumások sa iyó ay hindî manánatíli sa órihinál nitóng  anyô, bagkús maísasálin bílang ibáng táo, háyop, íbon, isdâ, o ibáng bagay o ibáng kaísipán, o kung mínsan, basúra o láson, túngo sa sariwàng kabatíran. Kung paáno nagáganáp itó ang tútuklasín o súsubúking “talinghagà,” na palálawákin ni Lope K. Santos ang pakáhulugán nang lampás sa “místeryo” kumbagá sa kaísipán at “metápora” kumbagá sa tayútay o sayúsay. Sapagkát ang “talinghagà” ay kumakáwalâ sa parámetro ng ésklusíbong pakáhulugán ng “sinékdoke, metápora, at metonímya,” úpang lumundág hanggáng “sa Retórika at Poétika” nang maítanghál sa bágong liwánag “[ang] mga kaísipán at [ang] sarì-sarìng pamámaraán ng pamámahayág nitó.” Kung súsundán ang paliwánag ni Santos, ang salitâng “talinghagà” ang ambág ng Tagálog sa kórpus ng mga términong pampánulâán ng daigdíg, kung mayroón man nitó, dáhil sa maluwág na pakáhulugán ng nasábing salitâ at bumabágay sa krítika at teoríyang pampánitikán saanmáng pánig ng kontinénte. Mabábatíd mo na ang talinghagà ay tíla pagtawíd sa kabilâng pampáng—maáarìng sa pamámagítan ng tuláy o lúbid o bangkâ o hélikópter—na ang kasangkápan mo sa pagtawíd ay isá nang talinghagà, na bukód sa matútuklasáng kabatíran doón sa kabilâng pampáng. Ang talinghagà ay isáng paglálakbáy, na maáarìng mágsimulâ sa Púnto 1 túngo sa Púnto 2 ngúnit bágo makáratíng sa Púnto 2 ay maáarìng maligáw, humimpíl, o magpálakás múna sa mga Púnto 3, 4, 5 bágo tumbukín ang láyon. Pinakámadalî ang tahás at tuwíd na pagtawíd, ngúnit itó’y karaníwan, ni walâng kalatóy-latóy. Pipilìin mong makáratíng sa pamámagítan ng malígoy, pasíkot-síkot na pagdulóg, may enerhíya ng dóbladong mosyón, humíhigít sa tiyagâ at baít, tumátanggíng magpákahón sa isáng liksiyón o iisáng pagtanáw, kayâ ang paglálakbáy sa pinilìng mosyón nitó ang mísmong talinghagà at warìng karagdágan na lámang, halimbawà, ang pagpúpurgá ng awà at hilakbót sa bandáng hulí, kung hindî man pagtátamó ng nakalíliyóng ginháwa at lugód, sa pánig ng taúhan o mga taúhan. Ang ebolusyón ng pakáhulugán ng talinghagà ay matútunghayán din sa paraán ng pagsasákatagâ, na ang inimbéntong taúhan o kaligirán ay makágagámit ng buông málig ng ártipisyál na karunúngan, párang nagyáyabáng ngúnit hindî, sapagkát ginágawâ lámang ang pósibilidád ng pagigíng polígloto at leksikógrapo na nagtapós sa Unibérsidád ng Pakikipágsapálarán. Ang kombinasyón at ang timplá ng mga salitâ ay hindî bastá árbitráryong pakanâ ng makatà kung kailán niyá naísin at gawín nang walâng tarós, bagkús nagáganáp ang mga itó nang maláy—warìng prósang itím at tagâ sa bató—úpang íwan ng natúrang mga salitâ ang dáting mga pakáhulugán nitó, sakâ magbíhis kung hindî man lumikhâ ng bágong páhiwátig at pakáhulugán. Sa ganitóng pangyayári, ang talinghagà ay “túlak ng bibíg, kábig ng dibdíb.” May sinasábi ngúnit párang walâng sinasábi, na párang walâng alamís at panís ang ménsahe, na gáya nitó’y italì man ay káyang pumalág, kumalág, at tumákas kung saán.

Alimbúkad: Epic raging poetry walking the talk. Photo by Quang Nguyen Vinh on Pexels.com

Ikatlong Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikatlóng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Ang tulâ, ang tulâ mulâ sa báyan, sabíhin mang nilikhâ ng anónimong makatà, ay maítutúring na ipinálagánap sa báyan pára págsilbihán ang báyan, at pára angkinín ng báyan sa bandáng hulí. “Lundáy kong aánod-ánod,/ piniháw ng bálakláot/ kayâ lámang napanólot/ nang humíhip yaríng tímog.// Hindî maísusúlat ang ganitóng katalísik at sopístikádong dalít kung hindî lagalág at mapágmasíd ang nagsásalitâ sa loób ng tulâ, na marúnong ilugár ng taúhan ang kaniyáng saríli sa isáng ánggulo, kung saán nadáramá niyá ang hilagà-kanlúrang símoy na maáarìng bumúbugá gáya sa Zambales, La Union, Pangasinan, Ilocos Norte at Sur, at siyáng maitátangì sa hilagà-silángang símoy na higít na kilalá bílang “amíhan.” Ang tímog ay hindî lámang katumbás ng “south” sa Inglés, bagkús tumutúkoy din sa “habágat” na humihíhip sa tímog-kanlúrang bahagì ng Filipínas—na simulâ ng tag-ulán. Samantála, ang bálakláot ay mahíhinuhàng nása mga buwán kung kailán patapós ang tag-aráw, ang malakás na hánging nagpapasúlak ng álon at panakâ-nakâng ulán, bumúbugsô pasulóng ng tímog-kanlúran ng kapulûán, at lumálampás pagkáraán sa teritóryo ng Filipínas. Ang pérsona ng tulâ ay warìng tumítindíg bílang meteorólogo, batíd ang padrón ng ágos-hángin sa buông Tímog Ásya, ang halúmigmíg ng lupâíng nakapágdudúlot ng ulán, na nakaáapékto sa ágrikúltura, at kábesádo ang mápa ng paglálakbáy sa tubigán. Ang tinutúkoy na lundáy, na isáng urì ng maliít na sasakyáng pandágat, ay maiísip na séntro ng tunggalîán, dáhil bagamán bumunsód o tinangáy itó ng kung anóng púwersa noóng panahón ng amíhan ay nakádaóng lámang noóng panahón ng habágat, at pósibleng may bagyó pa! Ang pérsonang nagsásalitâ, kung gayón, ay hindî órdináryong mamámayán. Pára siyáng kapitán ng barkó o manduyápit ng balangáy, maláon nang nakapáglayág mulâng tímog hanggáng hilagà ng kapulûán at pabalík, nakátawíd sa mga karágatán, at dúlot nitó’y nakahúbog sa kaniyáng pananáw nang máunawàan ang klíma, ang tubigán, ang hángin, at ang talampád ng mga bituín. Ang kawalán ng direksiyón ng mátalinghagàng lundáy ay tútumbasán ng patnúbay ng mátalinghagàng unós, úpang sa wakás ay mápadpád ang magdáragát at makálunsád sa kung saáng ligtás, místeryóso, o mápayapàng pampáng. Sapagkát ang tulâ, noóng úna pa man, ay tagláy ang kaísipán ng báyan. Giít ngâ sa tulâ ni Jesus Manuel Santiago: “Kung ang tulâ ay ísa lámang/ pumpón ng mga salitâ,/ nanaísin ko pang akó’y bigyán/ ng isáng talìng kangkóng/ dilî kayâ’y isáng bungkós/ ng mga talbós ng kamóte/ na pinupól sa kung alíng pusalìán/ o inumít sa biláo/ ng kung sínong maggugúlay,/ pagkát akó’y nagugútom/ at ang bitúka’y walâng ilóng,/ walâng matá/. . . .” Sapagkát nagmulâ sa báyan, ang tulâ ay kailángang magsilbí sa báyan, sa ibá’t ibáng anyô at ibá’t ibáng paraán, hindî lámang pára sa layúning pámpolítika o pangkúltura, bagkús káhit sa paghúbog ng kamalayán na makapágpapálayà ng ísip ng mga mamámayán. Ang ídyoma ng pérsona sa tulâ ay lumálampás sa písiko at mekánikong pagdulóg sa “tulâ” bílang síning, at kung gayón ay dápat itóng pakínabángan ng nakárarámi. Sa kabilâng dáko, maitátanóng: Dápat bang magsilbí ang báyan pára sa kápakinábangán ng tulâ? May katwíran ang ganitóng tanóng, sa pánig ng usapíng estétika at panlásang pansíning, at naturál na isípin ang akdâ bílang akdâ lámang na bukód sa makatà at hindî dápat sangkután ng anumáng bágay na labás sa éspero nitó. Ngúnit kung isásaálang-álang na káhit noóng panahón ng díktadúrang Marcos, ang mga épiko niná Cesar T. Mella at Guillermo C. de Vega ay nagsilbí pára sa banidád at kalugúran ng mag-asáwang Marcos, na káhit saáng ánggulo sipátin ay hindî makáiíwas ni makálulusót sa parátang na nakisíping sa grándeng lunggatî ng pásistang rehimén. Ang madlâ, bílang áktibo o kayâ’y pásibong mámbabása na pápaloób sa guníguníng daigdíg ng mga nasábing makatá, ay masisípat na kailángang magsilbí sa tulâ, sa paraáng sa maníwalà’t sa hindî maníwalà sa gayóng kátotohánan ay kailángang magíng matatág kung hindî man magíng másokísta sa ibinábandilàng kaísipán ng Bágong Lipúnan. Ang mga tulâ nina Mella at de Vega ay másisípat na hindî makáiíwas na isangkót ang báyan (lalò’t isinálin sa pámbansâng wikà) bagamán nagsisíkap na panátilíhin ang ánggulong “pérsonal” ng mga tulâ, dáhil humuhúgot ng mga pahiwátig sa mga imahén ng mag-asáwa at kaniláng kalígirán at pananáw—na may tahásan o dî-tahásang láyong ipálunók sa báyan. Kapág sumápit sa ganitóng yugtô, ang tulâ ay umíigkás bílang pérsonal at dumadáko sa lokál at globál na mga antás, at kung gayón ang dískurso at ideólohíya ay maúurì hindî lámang bílang pánsaríling estétika bagkús pambáyan, kung hindî man pantáyong pananáw. Kung noóng sinaúnang panahón, ang tulâ ay ginagámit na kasangkápan pára iangát ang kamalayán ng báyan, ngayón namán ay sumásalungá ang tulâ na magíng kasangkápan ng sinumáng makapángyaríhang magtátaksíl sa gunitâ at haráya ng báyan. Ang tulâ, sa dákong hulí, ay hindî pásibong tagásunód sa anumáng náis ng makatà at ng kaniyáng mga patrón sa óras na mág-usisà ang báyan. Nagkakároón ng saríling búhay ang tulâ úpang tumákas palayô sa mga kamáy ng makatà, at mághimagsík. Ang diyaléktikong ágos ng silbí at pagsísilbí sa pánig ng tulâ pára sa báyan at pára sa saríli ay pósibleng urìin pa kung hanggáng saán nagsísimulâ at nagwáwakás. Ngúnit trabáho na itó ng mga mínero ng kasaysáyan at panitikán pára sa bágong digmâng pámpanítikán.

Alimbúkad: Epic poetry rampage beyond Filipinas. Photo by Du01b0u01a1ng Nhu00e2n on Pexels.com

Pag-iral ng Panauhin sa Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Pag-íral ng Panaúhin sa Pulô

Roberto T. Añonuevo

Ang pag-íral ay tunggalîan, at párang págpaloób sa pambansâng múseo, na másalimuót ang ugnáyan ng síning at ídeolohíya. Hindî makapágbibigáy sa iyó ng kálkuládong karunúngan, gáya sa ísports o písika o polítika, ang Spoliarium ni Juan Luna, bagkús máhihindík sa mga gládyador na kinákaladkád ng mga Rómanong káwal, mápopoót sa mga mánonoód na warì’y taksíl o bantáy-salákay, at madudúrog ang loób sa babáe at matandâng naulilà na pawàng pinipígil ng hikbî at dalámhatì samantálang umáalíngawngáw sa palígid ang nághihiyáwan sa gálak at pánlilibák. Anó ang pakialám mo sa árkitektúra ng kóliseo o sa móda ng pananamít ng mga Rómano? Walâ. Anó sa iyó ang kímikong komposisyón ng óleo at óptikong ilusyón ng mga kúlay at aníno na biníhag ng kámbas na may Éwropeong himaymáy? Walâ. Gayunmán, ang kukurót sa damdámin ay nagpápanatilì ng ugnáyan sa kaaláman hinggíl sa nakáririndí at karimá-rimárim na bakbákan, o sa halagá ng búhay na maiklî ngúnit kapaná-panabík, anumán ang urì at lahì. Ang kakatwâ sa síning, kumbagá, ay ibukás ang iyong matá sa gitnâ ng noó o bátok o pálad, sagápin ang anumáng nabigông maitalâ sa kasaysáyan ng ímperyo pagkaraán ng pagtatágis ng mga éspada at balutì, at damhín ang kung anóng pahiwátig sa réalidad ng mga bilanggông sinawîng pálad na may alusyón sa iyóng daigdíg. Samantála, ang ídeolohíya ay malímit nághahayág ng mga posisyón at dibisyón ng mga urì ng kawaní at opisyál sa ópisina na tumátanáw kay Luna at sa Spoliarium, na ipágpalagáy nang “répresentasyón ng guníguníng relasyón ng mga índibidwál sa kaniláng túnay na kondisyón ng pag-íral” sa loób at labás ng múseo. May sáhod mulâ sa bádyet ng pámahalàan ang mga kawaní at itó ang nagtitiyák sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa buông múseo at sa relasyón sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa loób at labás ng múseo. May sáhod ang kalupunán at itó ang nágtitiyák sa pag-andár ng ídeolohíkong áparáto ng éstado, hábang nangángalagà sa dambuhalàng óbra máestra na púwedeng magíng ópyo ng madlâ. Sa Marxistang tradisyón, wikà nga ni Althusser, ang éstado ay tinatanáw na mapanúpil na áparáto. Kailángang manúpil ng éstado úpang makaíral itó, at kailángan nitó ang pagpápalagánap ng ídeolohíya úpang magíng katanggáp-tanggáp sa paningín ng públiko. Ang pagpások mo sa múseo ay párang móro-móro sa pulô, na ang mga ídeolohíkong áparáto ng éstado ang nágtatanghál sa síning ng mga lamánlupà: Kailángan ang tunggalîan úpang patúloy siláng makaíral, at manaíg ang sinásambá niláng Aníto, tawágin man itóng Tagápangúlo.

Alimbúkad: Epic raging poetry in search of humanity. Photo by Una Laurencic on Pexels.com

Pananaliksik at Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino

Maitutumbas sa nakasisindak na nilalang ang salitang “saliksik” [research] dahil hindi ito maihuhugis sa guniguni nang napakadali, at maraming pagdulog ang maisasagawa upang maunawaan ito alinsunod sa pangangailangan at hinihingi ng panahon. Nag-iiwan ng pangamba sa mananaliksik ang anyo ng saliksik hindi lamang dahil masalimuot ang daan tungo rito, bagkus kinakailangan ng mananaliksik ang sapat na karanasan, karunungan, lakas, at pasensiya upang matuklas at maunawaan ang hinahanap. Para mapawi ang pangamba sa pananaliksik, kinakailangang alamin kung anong uri ng hayop ito, wika nga. Kinakailangang matutuhan ninuman ang paraan kung paano mag-isip at kung paano tatanawin ang kaligiran kung hindi man daigdig, nang sa gayon ay mabatid kung paano makapaghahawan ng landas at makapaglalagay ng muhon para pagsumundan ng mga darating pang mananaliksik.

Isang katangian ng saliksik ang pagdaan sa proseso, at maaaring simulan sa pagtatanong at pag-uusisa. Ngunit ano ang itatanong, lalo kung may kaugnayan sa wika at panitikang Filipino? Makabubuting simulan ang pambungad na pagbabasa hinggil sa mga akda ng isang manunulat, halimbawa, at mula rito ay matatantiya kung dapat ipagpatuloy ang pananaliksik. Kinakailangang pag-isipan ang tanong—na batay sa umiiral na datos—at kung paano ito isasakataga, nang sa gayon ay maitakda ang saklaw at lalim ng saliksik, at haba ng panahong ilalaan doon. Sa pagbuo ng tanong, kinakailangan ng mananaliksik na timbangin ang pagiging patas [obhetibo] at ang pagtanaw sa kung saang panig [subhetibo], ayon sa kayang mailahad ng datos. Dapat ding magpasiya siya kung kalitatibo (mapaglarawan) o kantitatibo (mapagbilang) ang pag-aaral, bagaman sa ilang pagkakataon ay pinagsasanib ang dalawa nang matimbang ang isang anyo kaysa isa pa. Hahaba pa ang pagsisiyasat kung idurugtong dito ang papel ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino—na mahalagang sangay ng Komisyon sa Wikang Filipino—upang matupad ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 na gawing makatotohanan ang Filipino bilang wikang pambansa at Batas Republika 7104 na lumilikha sa KWF para sa gayong layunin.

Dapat taglayin ng mananaliksik ang iba pang katangian, gaya ng kasanayan sa pagtatala o pagsusulat at matalas na pang-unawa sa bagay na binabása o pangyayaring pinag-aaralan. Ang ganitong mga katangian ay hindi likás, bagkus napag-aaralan sa paglipas ng panahon, hanggang ang mananaliksik ay makadiskarte alinsunod sa pangangailangan ng saliksik. Yamang kalitatibo ang karaniwang uri ng pananaliksik na ginagamit sa panitikan, kinakailangang lisâin ang listahan ng mga literatura. Makabubuti kung gayon na sa talaksan ng mga aklat ay makabuo ng mga haliging pagsisimulan, at maaaring ito’y aklat hinggil sa kasaysayang pampanitikan, antolohiya ng tula o katha, mga teorya o pagdulog sa pagbasa, salungatang kritika ng mga dalubhasa, at katalogo ng mga pangalan at akda sa isang larang. Sa panig ng mga wika, ginagamit ang paraang kantitatibo, halimbawa na ang pag-eeksperimento sa isang buong klase na binubuo ng 50 katao, na bibigyan ng kaalaman at kasanayan upang pagkaraan ng takdang panahon ay tasahin ang resulta ng kanilang mga pagsusulit batay sa kanilang dinaanang leksiyon. Sa ganitong kalagayan, makabubuting mag-aral ang mananaliksik hinggil sa estadistika, paglikom ng datos sa paraang patas at walang manipulasyon, pagtitiyak na ang kinuhang bilang ng kalahok ay representante sa buong populasyon, at iba pa. Higit sa lahat, kinakailangan ang konsultant sa interpretasyon ng resulta ng pananaliksik nang sa gayon ay magabayan ang mananaliksik sa kaniyang ginagawa.

Mangangapa ang sinuman sa pagtatanong kung hindi niya alam ang teritoryo na kaniyang hinahanap. Sa panig ng panitikan, kinakailangang balikan ang mahabang kasaysayan ng panitikang palimbag, halimbawa sa Tagalog o Iluko, at mula rito ay maaaring pag-aralan ang kasaysayan ng katutubong panitikan sa isang takdang panahon, na lumikha ng angking kumbensiyon at pamantayan, at nakapag-ambag sa pagpapalago ng wika, guniguni, at pagkatha, na hindi maitutulad noong panahong nasa dahon, buho, palayok, at batuhan ang mga titik at larawang nagtatala ng kasaysayan. May mga deskriptibong pag-aaral naman, halimbawa sa mga epikong bayan, na inuugat ang mga dalumat at pananaw sa daigdig ng mga tauhan, at pinag-aaralan kung paanong ang mga penomenon o pangyayari ay humuhubog sa katauhan ng persona at sa kaniyang pagpapasiya. Hinuhugot din sa mga epikong bayan ang mga arketipong hulagway, halimbawa, na ang “bayani,” “asawa,” “anak,” “bayan,” “tubig,” “lupa,” “hangin,” “simoy,” “bathala,” “gamot,” at “kamatayan,” at sa pamamagitan nito’y naipapaliwanag ang mga sagisag at pahiwatig na pawang nabuo ng lipi na may kolektibong kubling-malay, kung hihiramin ang dila ni Carl Jung. Sa pag-aaral ng arketipo’y hindi kinakailangang limitado sa sinabi lamang ni Sir James Frazer, bagkus magagamit kahit ang mga akda nina Isabelo de los Reyes, Honorio Lopez, at E. Arsenio Manuel, at ang pagdalumat ng gaya nina Ernesto Cubar, Reynaldo Ileto, at Florentino Hornedo. Samantala, ang pag-aaral sa panig ng wika ay nakasalalay sa mga pagbabalik sa mga limbag na panitikan, diksiyonaryo, tesawro, sanaysay, kasaysayan, at iba pa. Ang paglago ng korpus ng wika ay maisasailalim sa pag-aaral na purong lingguwistika (papaloob), o kaya’y sosyolingguwistika (papalabas).

Ang mahirap sa panitikan ay hindi maitutumbas ito nang isa-sa-isa sa mga pangyayari sa kasaysayan, dahil may bukod itong kasaysayan sa kanonigong kasaysayan ng bansa. Bagaman ang panitikan ay posibleng maapektuhan ng ilang matingkad na pangyayari sa lipunan, gaya ng digmaan, salot, kalamidad, at tagsalat, at mula rito’y gagamit ng mga hulagway o tauhang nagmula sa naturang pangyayari ang mangangatha o makata, ang panitikan ay hindi direktang salamin ng realidad. Dahil kung gayon, inuulit lamang nito na parang sirang plaka ang realidad at hindi na pinanghihimasukan pa ng guniguni. Lumilikha ng sariling realidad ang panitikan; at ang pagtatakda ng panahon ng pagkauso ng isang estilo o paksa o teorya ay hindi maikakahon sa isang takdang panahon; at mahirap masukat kung gaano kadominante ito maliban kung maisasagawa ang malawakang imbentaryo ng panitikang nailimbag sa nasabing panahon. Maaaring magpabalik-balik ang uso o estilo alinsunod sa nais ng mangangatha o makata, at sa hinihingi ng madlang mambabasa. Ang maisasaad lamang ay ang paglitaw ng ilang matingkad na akdang maaaring sumasalungat sa kumbensiyon, at nagtatakda ng muhon ng pagbabago, at ito ang pagsisimulan ng modernisasyon na pinalalawig ng mahuhusay na manunulat.

Habang pinag-aaralan ang peryodisasyon ng panitikan, mapapansin na lumilikha ang mga teoriko ng mga haka-haka, pagdulog, at teorya kung paano babasahin ang gayong panitikan. Ang peryodisasyon ay posibleng kumiling sa kanonigong kasaysayan ng lipunan na bukod sa kasaysayang pampanitikan; o kaya’y bumatay sa binuong kasaysayang pampanitikang tumanyag ang mga manunulat o akda sa isang takdang panahon. Makabubuting maláy ang mananaliksik hinggil sa ganitong pangyayari, at nang sa gayon ay magawa niya ang nararapat para makamit ang layunin ng pananaliksik.

Mahaba ang panahon ng pananaliksik na iniuukol sa pag-alam ng kasaysayan ng panitikan sa lokal o pambansang antas, at karaniwang nagpapasiya na lamang huminto ang mananaliksik kapag napiga na niya ang halos lahat ng posibleng literatura na maaaring balikan, at mistulang kumbensiyon na lamang ang natitira. Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi kronika ng mga pangyayari; bagkus pag-aaral sa mga importanteng sibol na lumikha ng kilapsaw na pagkaraan ay naging daluyong sa pana-panahon at siyang magtatakda ng pagkabukod ng isang anyo ng panitikan sa iba pang anyo ng panitikan. Sa madali’t salita, lumilikha ang teoriko ng isang lente, at ang lenteng ito ay hindi pangwakas, dahil maaaring lumabo o mabasag o baguhin o ipawalang-bisa, at palitan ng higit na modernong lente ng pag-arok at pagpapaliwanag ng panitikan. Dapat banggitin na sa pag-aaral ng kasaysayan ng panitikan ay hindi nangangahulugan ng paglikha ng teorya o pagdulog ang laging pangwakas na resulta. Pinag-aaralan ang kasaysayan ng panitikan, at ang peryodisasyon nito, para mailugar nang tumpak ang mga akdang pampanitikan at hindi basta mabansagan o matatakan ng mga taguring inangkat sa kung saang lugar.

Panitikang palimbag

Kapag sinabing panitikang palimbag, tinutukoy dito ang lahat ng posibleng teksto na matatagpuan sa loob at labas ng aklatan, at dito maaaring magsimula. Makagagamit ng mga elektronikong aklatan, ngunit ang pinakamahalaga ay matukoy ang lahat ng publiko at pribadong aklatan at puntahan iyon at doon magsaliksik. Kaya maisasaalang-alang sa puntong ito ang mga pangunahin at sekundaryong sanggunian, at sa panitikan, ang pangunahing sanggunian ay ang orihinal na teksto at ang awtor (kung buháy pa siya) na maaaring pagbunsuran ng multi-disiplinaryong pag-aaral kung ituturing na ang panitikan ay kaugnay ng lipunan kahit pa sabihing may sariling realidad ang panitikan na bukod sa realidad ng lipunan. Mahirap pag-aralan ang isang kalipunan ng mga tula ng isang makatang Tagalog, halimbawa, at upang magkaroon ng idea kung ano ang testura niyon ay kinakailangang balikan ang ilang opinyon ng mga kritiko at istoryador na sumuri sa mga tulang naroroon, at pag-aralan ang konteksto ng mga dalumat [konsepto] na inilahok ng makata sa kaniyang tula.

Masasabing limitado pa ang pag-aaral sa panitikang Filipinas, partikular sa tula at katha, kung isasaalang-alang ang mga kasaysayang pampanitikang sinulat halimbawa nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Clodualdo del Mundo, Teodoro A. Agoncillo, Ildefonso I. Santos, Bienvenido Lumbera, Resil Mojares, Virgilio S. Almario, Damiana I. Eugenio, Gemino H. Abad, Soledad S. Reyes, Isagani R. Cruz, Andres Cristobal Cruz, Rolando B. Tolentino, at Galileo S. Zafra. Sa pag-aaral ng panitikan at wikang Tagalog, magiging bunsuran ang mga sinaunang tula, gaya ng salawikain at bugtong, at maaaring idugtong sa pagbabalik sa mga sinaunang alamat at mito na nakapahiyas sa mga epikong bayang pahimig na isinasalaysay ng isang makata. Kailangang pag-aralan din ang mga sinaunang salin sa Tagalog, ang mga katon (na panimulang pagsasabatas ng ortograpiyang Tagalog batay sa panuto ng Espanyol), at ang mga sinaunang diksiyonaryo at tesawrong nalathala na pawang may mga lahok na patungkol sa tula at katha. Maibibilang dito ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Jose de Noceda at Pedro Sanlucar. Pagsapit ng siglo 20, hindi matatakasan ang paglaganap ng Ingles, ang paghina ng Espanyol, at ang paglakas ng Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lumalago o nabubura ang wika habang lumalaon, at mababatid ito sa mga publikasyong nalalathala sa pana-panahon.

Ang ganap na paglisa sa mga panitikan, halimbawa sa Tagalog, ay makatutulong sa pagbuo ng isang teorya ng pagbasa. Halimbawa, nabuo lamang ni Almario ang konsepto ng “balagtasismo” at “modernismo” matapos pag-aralan ang mga bokabularyo at diksiyonaryong gawa ng mga Espanyol, at ang antolohiya at indibidwal na koleksiyon ng mga tula ng mga makatang Tagalog bago at pagsapit ng siglo 20. Sa panig naman ni Zeus Salazar, nabuo niya ang teorya ng Pantayong Pananaw matapos pag-aralan ang iba’t ibang daloy ng kasaysayan sa loob at labas ng Filipinas, at tuklasin sa pambihirang interpresyon ang kasaysayan alinsunod sa punto de bista ng Filipino. Sa pananaw nina Anselm L. Strauss at Juliet M. Corbin, ito ang grounded theory, ang teoryang nakatindig sa pundasyon ng datos at impormasyon. Sa kasalukuyang panahon, maaaring balikan ang mga konsepto at konklusyon ni Almario kung ang pag-uuri niya ay dapat ngang tanggapin o palawigin pa; o kung makabubuting lumikha ng isa pang teorya na batay sa ugat ni Balagtas kung hindi man mga epikong bayan. Maaari namang kilatisin ang mga akda ni Salazar gaya ng pagkilatis na ginawa ni Ramon Guillermo hinggil sa paggamit ng wika at katutubong dalumat, at pag-iwas sa napakahigpit na kahingian ng pampolitikang linya.

Kaugnay ng paglusog ng pagpapalathala noong bungad ng siglo 20 ang pagdami ng mga imprenta at publikasyon, at nakatulong ito nang malaki sa paglalabas ng mga diyaryo, magasin, at iba pang maninipis na lathalain—may bahid mang relihiyoso o komersiyal—na pawang nilahukan din ng mga tula, kuwento, nobela, dula, sanaysay, at salin. (Sa Bulakan pa lamang, kung hindi ako nagkakamali’y may mga sinaunang imprenta rito na nagsara na at ngayon ay nasa indibidwal na koleksiyon ng ilang pamilya ang mga lumang teksto at libro na puwedeng hanapin at siyasatin. Maimumungkahing trabaho ng PSWF ang pagbabalik sa mga nagsarang imprenta, at hanapin ang mga sinaunang koleksiyong itinatago ng matatandang pamilya.) Sa mga magasin, ang mga paningit na artikulo ay karaniwang dagli o pasingaw, at sa ilang pagkakataon ay tula o epigrapeng salin mula sa mga akdang banyaga, gaya ng matutunghayan sa Liwayway, Mabuhay Extra, at Sampaguita. Kung isasaalang-alang ang pagbubukas ng Kanal Suez, papansinin ni Almario na nakapag-ambag din ang gayong pangyayari sa malayang kalakalan at mabilis na paglalayag patungo at pabalik sa Ewropa para lalong sumigla ang panloob na paglalathala sa Filipinas.

Dahil sa dami ng mga lathalain, lumitaw ang isyu ng estandarisasyon ng mga ispeling, bantas, paggigitling, pag-uulit ng salita, pagtitipil, kambal-patinig, tumbasan, pagpapakahulugan, palaugnayan, at iba pa na kung susumahin ay mauuwi sa ortograpiya at retorika sa Tagalog. (Malaki ang papel ng mga organisasyong pampanitikan o pangwika, gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan, at ang mga samahang ito ang magbabakbakan kung sino ang dapat tanghaling awtoridad.) Ang usapin ng kasinupan sa ispeling at gamit ng salita ang pupuwingin ni Dionisio San Agustin para baguhin ang namamayaning kalakaran o komersiyalismo sa mga lathalain. Si San Agustin ang dating pangulo ng Aklatang Bayan, at isinaad ang kaniyang banat sa introduksiyon sa saling nobela ni Gerardo Chanco, at siyang tinalakay din nang pana-panahon sa kani-kaniyang kolum nina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Jose Corazon de Jesus, Florentino T. Collantes, at Amado V. Hernandez. Ang mga editor ng isang lathalain ay karaniwang may estilo ng pagsulat at ispeling, at maaaring taliwas sa ipinalalaganap ng mga dalubwikang gaya nina Balmaseda, Regalado at Santos. Ang tatlong batikang manunulat ay magtatakda ng muhon sa ortograpiya sa Tagalog nang mahirang silang mamuno sa Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na higit na kilala ngayon bilang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Pambansang patakaran sa panitikan at wika

Binanggit ko ang mga pangyayaring ito dahil kaugnay ang mga ito ng pagsilang ng SWP na isinabatas noong 1937 ngunit naging epektibo lamang noong 1939. Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na magpapatibay ng isang pambansang wikang batay sa umiiral sa isa sa mga wika ng Filipinas, binuo ang SWP na pinamumunuan ni Jaime C. de Veyra. Ipinroklama ang “pambansang wika” batay sa Tagalog sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937. Naging makapangyarihan pa ang SWP nang pagtibayin ang Batas Komonwelt Blg. 333, na inemyendahan ang Batas Komonwelt 184, dahil sa sumusunod: una, lahat ng pasiya ng SWP na pagtitibayin ng Pangulo ng Filipinas “ay magiging pamantayang pampanitikan sa lahat ng opisyal na publikasyon at teksto sa mga paaralan”; at ikalawa, ang SWP ay “may kapangyarihang ituwid, o baguhin ang lingguwistikong anyo at pahayag sa alinmang teksbuk na nasusulat sa pambansang wika na layong pagtibayin bilang opisyal na teksto sa mga paaralan,” alinsunod sa pagsang-ayon ng Pangulo.

Kung papansinin ay sadyang mabigat ang tungkulin ng SWP na maging taliba ng wika. Magpupulong ang mga manunulat, editor, at edukador noon pa mang 1937, at isa si Regalado na masisipag na kritikong maglalabas ng listahan ng mga salitang ginagamit sa panunuring pampanitikan. Magiging haligi sa mga gawain nito ang paglalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940. Masusundan pa ito ng pagbubuo ng ortograpiyang Tagalog [i.e., Filipino] na babaguhin nang pitong ulit: 1938, 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Problematiko noon kahit ang pag-aaral ng ortograpiya sa Tagalog dahil ang mismong wika ng pag-aaral ay nasa Espanyol kung hindi man Ingles. Halimbawa nito ang Las Particularidades de la Pronunciacion Tagala y su signalizacion Ortografica (1938) ni Jose R.A. Reyes; Preliminary Studies on the Lexicography of the Philippine Languages (1938;1940), nina Jaime C. de Veyra, Cecilio Lopez, at Felix S. Salas Rodriguez, atbp.; at Tagalog Phonetics and Ortography (1940) nina Trinidad Tarrosa Subido at Virginia Gamboa-Mendoza.

Hindi purong lingguwistika nag-ugat ang SWP. Pundasyon noon ng SWP ang mga panitikan, partikular ang panitikang Tagalog,  kaya masigla ang paglalabas noon ng mga aklat, polyeto, chapbook, at iba pang lathalain para maitanghal ang kasaysayang pampanitikan, tula, nobela, dula, sanaysay, at panunuring pampanitikan mulang 1937 hanggang dekada 1970. Ilan sa mababanggit ang maituturing nang klasiko, gaya ng Ang Maikling Kathang Tagalog (1938) ni Fausto J. Galauran; Ang Panulaang Tagalog (1937;1947) at Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog (1938) ni Iñigo Ed. Regalado; Ang Dulang Tagalog (1938) ni Severino Reyes (alyas Lola Basyang); Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog (1938;1947) ni Julian Cruz Balmaseda; Duplo’t Balagtasan (1948) ni Teodoro E. Gener; Ang Pelikulang Tagalog (1938) ni Teodoro Virrey; Ang Dulang Pilipino (1947) ni Julian Cruz Balmaseda, Ang Kundiman ng Himagsikan (1940) ni Antonio J. Molina, at iba pa. Nang mahirang si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP noong 1970, at pagkaraan ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) noong 1987, bago naging Punong Komisyoner nang taong din iyon, itinuring niya na “mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika” para yumabong ang Filipino at nang makabuo “ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at eksperesyon.”

Mapapansin na kahit sa dating balangkas ng organisasyon ng LWP ay bumubuo sa isang dibisyon ang Pagsasalin at Panitikan, na pawang bukod sa Pananaliksik at Pagpapaunlad, Leksikograpiya, Preserbasyon at Promosyon, at Pangasiwaan. Gayunman ang Panitikan ay unti-unting mabubura kahit sa balangkas, at nang maging KWF ang LWP, ang Panitikan ay isinama sa Ibang mga wika (ewfemismo sa mga panrehiyong wika), kaya naging Dibisyon ng Ibang mga Wika at Panitikan. Nagsimulang humina ang poder ng panitikan sa KWF nang manungkulang Punong Komisyoner si Nita Buenaobra noong 1999-2006, at nabigong mapunan ang mga bakanteng posisyon, bukod sa walang malinaw na programa hinggil sa panitikan. Noong 2006-2008, nang manungkulan si Punong Komisyoner Ricardo Nolasco sa KWF, isinagawa ang plano ng reorganisasyon batay sa hinihingi ng Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan. Tinanggal ni Punong Komisyoner Nolasco ang panitikan, at pinanatili lamang ang Pagsasaling-wika. Lumitaw na naging makiling ang KWF sa lingguwistika, at dumupok ang pundasyon nito sa pagkawala ng panitikan. Ang panitikan ang sinisikap ngayong ibalik sa administrasyon ni Jose Laderas Santos, bagaman wala pang malinaw na resolusyong inilalabas ang Lupon ng mga Komisyoner.

Makabubuting malaman ng PSWF kahit ang kasalukuyang balangkas ng KWF upang maikawing ito sa hakbanging pananaliksik na may kaugnayan sa wika at panitikan. Pananaliksik ang gulugod ng KWF, kung babalikan ang Batas Republika 7104, at kung gayon nga, ang pananaliksik ay dapat tumagos sa lahat ng sangay ng KWF sa mga rehiyon. Ang wika ay magiging limitado ang saklaw kung labis na espesyalisado ang pagdulog—na ikayayamot ng madla—at naipagkakait ang mapambuklod na diwain ng panitikan. Sa pag-aaral ng panitikan at pagsasalin, ang pag-aaral ng wika ay lumalawak, at naiuugnay sa iba pang disiplina. Napag-aaralan din ang wika hindi lamang sa simpleng hinihingi ng gramatika, retorika, at palaugnayan, bagkus maging sa iba’t ibang uri ng pagsusulat na maikakabit sa panitikan.

Mga Nabuong Saliksik

            Kinakailangang gampanan ng KWF ang tungkulin nitong magsagawa ng mga pananaliksik, dahil ang mga ito ang gagamitin ng tanggapan ng Pangulo ng Filipinas o ng kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan sa pagbuo ng mga pambansang patakaran at batas hinggil sa wika. Tanging KWF lamang, sa lahat ng ahensiya o komisyon, ang may mandato hinggil sa pagpapalaganap, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon. Kung walang pananaliksik, hindi makalilikha ng matitibay na rekomendasyon ang KWF sa Pangulo, at kahit sa mga ahensiyang gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), at Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA). Nang buuin ang SWP noong 1937, walang inatupag ang mga kasapi nito kundi magsagawa ng mga pagdinig, sarbey, konsultasyon, at pag-aaral kung aling wika ang karapat-dapat maging batayan ng wikang pambansa. Nang manungkulan si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP at LWP noong 1970-1999, ipinagpatuloy niya ang pagsasagawa ng mga pambansang sarbey at saliksik pangwika. Ang resulta ng mga saliksik ay ginawang batayan sa rekomendasyon sa Pangulo, at ginawang patakarang pambansa, gaya ng Patakarang Bilingguwal sa edukasyon, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1973 at 1987.

Sa 71 taon ng pag-iral ng KWF, nakapagsagawa ito ng mga pag-aaral sa wika at panitikan at iba pang larang, at pawang isinaaklat. Kabilang sa mga bokabularyo nitong nalathala ang Akean (Aklanon), Bikol, Cuyunon, Hiligaynon, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Magindanawon, Maranaw, Tausug,  Waray, at Yakan. Bukod pa rito ang mga diksiyonaryong binuo sa mga wikang gaya ng Chavacano, Filipino, Ibanag, Ingles, Kapampangan, Magindanawon, at Samar (Leyte), at sa mga larang na gaya ng batas, hanapbuhay, kalusugan at medisina, kasarian, komunikasyong pangmadla, militar, at iba pa. Kung hindi man bilingguwal ay trilingguwal ang diksiyonaryo. May diksiyonaryo nang natapos sa Pangasinan ngunit hindi pa inilalathala. Lumikha rin ang KWF ng mga manwal, gaya sa Korespondensiya Opisyal, Pagsasalin, at Pormularyong Pambatas, na maaaring paunlarin pa ngayon at sa darating na panahon. Bagaman mapupuwing ang pag-edit ng diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan, makatutulong pa rin ang mga ito sa pangkalahatan sa pagtatala ng mga salita.

Pakikinabangan din ng DepEd at CHED ang mga antolohiya ng KWF, dahil sumasaklaw iyon sa mga epiko, kuwento, alamat, tula, at dula. Kabilang dito ang mga alamat ng Bagobo, Manobo, Molbog, Palawan, at Tarlakenyo; ang mga awiting-bayan ng Panay at Pangasinan; ang mga modernong literatura ng Hiligaynon at Sugbuanon; at ang mga antolohiya ng tula at sanaysay mula sa Timpalak sa Tula at Sanaysay na Talaang Ginto. Sa ngayon ay inihahanda na ang paglalabas ng mga alamat at kuwentong Meranaw, na nasa orihinal na wikang Meranaw at tinumbasan ng modernong salin sa Filipino. Ang mga nasabing koleksiyon ay mayamang malig ng pag-aaral, at kung gagamitin lamang ng bawat PSWF ay maaaring mapaunlad pa ang paraan ng pananaliksik, ang pagdulog sa muling pagsasalaysay, at ang pagsasaayos ng mga ilalahok sa antolohiya, at iba pa.

Mapapansin sa mga gawaing ito na ang tungkulin ng KWF hinggil sa pananaliksik ay hindi lamang para makabuo ng patakarang pangwika. Sangkot din ang KWF sa aktibong produksiyon, pagsasalin, at pagpapalaganap ng panitikang mula sa rehiyon at sa tulong ng PSWF, at ang mga panitikang ito na iniangat sa antas na pambansa ay hinubad ang dating katauhang panrehiyon para matanggap ng buong Filipinas. Kung isasaalang-alang ang penomena na hatid ng komputer, internet, at networking, halos walang hanggahan na ang magtatakda sa kayang ihatid ng wika at panitikang Filipino. Sa mga pook na gaya ng WordPress, ang Tagalog at Filipino ay halos walang ikinatangi sa isa’t isa, maliban sa pangyayaring mas marami ang mga blogistang nasa Tagalog imbes na sa Filipino. Sa ibang social networking site, gaya ng Facebook, Filipino ang taguri sa wika bagaman may tumatawag pa ring Tagalog ito. Upang ganap na mapag-aralan ang wikang Filipino sa internet, isang pag-aaral ng mga kabataang eksperto sa komputer sa UP-Diliman ang lumikha ng Web Crawler para suyurin ang buong cyberspace sa mga salitang Filipino at Tagalog sa loob ng limang taon, at siyang makatutulong sa pagpaplanong pangwika ng kasalukuyang administrasyon.

Sa panig ng PSWF ng Bulakan, makabuting isaalang-alang ang mga pag-aaral na ito. Maaaring lumahok ang PSWF sa mga proyektong pagsasalin, at ang pagsasalin ay mulang mga klasikong banyagang akda tungo sa Filipino. Ngunit bago gawin ito ay kailangang balikan ang mga dating salin, nang maiwasan ang repetisyon at pagsasayang ng pondo. Sa mga eksperto sa komputer ay puwedeng mag-eksperimento ng mga programa para sa pagsasalin at pagbubuo ng database ng mga akdang sinulat ng mga Bulakenyo at hinggil sa Bulakan. Malawak ang posibilidad, at kinakailangan lamang na hanapin ang mga puwang na dapat pag-aralan.

Paraan ng pagdulog

May apat na paraan na maaaring gawin ang PSWF, halimbawa sa Bulakan, hinggil sa mga puwedeng maging tunguhin ng pananaliksik nito. Una, pagtuonan ang Bulakan bilang pook na pagdudukalan ng mga saliksik at maaaring magsimula sa bukal ng impormasyong taglay ng Bulacan State University. Ikalawa, pag-aralan ang mga panitikang isinulat hinggil sa Bulakan, at pawang isinulat ng mga taal na Bulakenyo, ng mga dayong residente at iba pang tao. At ikatlo, pag-aralan ang natatanging anyo ng wika (at diyalekto kung mayroon man) ng buong Bulakan, at itambis o ihambing ito sa iba pang anyo ng Tagalog na lumalaganap sa mga lalawigang Bataan,  Batangas, Laguna, Metro Manila, Nueva Ecija,  Palawan, Quezon, at Rizal. Sa kabilang dako, ang pag-aaral ng Tagalog ay maaaring iugnay sa lumalaganap na Filipino—na nahahaluan ng Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Zambal, at iba pang wika— at dapat alamin kung ano ang linyang humahati sa dalawa kung mayroon man sa konteksto ng Bulakan. At ikaapat, magsikap na maging imbakan ng datos hinggil sa panitikan at wikang Tagalog.

Mahalaga ang mga nalathalang panitikan hinggil sa Bulakan, at maihahalimbawa ang mayamang paggamit ng alusyon dito ni Florentino T. Collantes sa kaniyang mga nobelang gaya ng Barasoain: Baras ng Suwail (1929) at Ang Lumang Simbahan (1928), at mala-epikong Ang Tulisan (1936). Mapag-aaralan din ang mga arketipong ginamit ni Jose Rey Munsayac, halimbawa sa kaniyang nobelang Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at ang Kolorum (2000); at sa mga tula nina Teo T. Antonio, Lamberto E. Antonio, Rogelio G. Mangahas, Ariel Dim. Borlongan, at higit sa lahat, Rio Alma na gumamit ng mayamang malig ng Bulakan upang itanghal sa pambansa at pandaigdigang panulaan at nagpayaman sa wikang Filipino sa kabuuan. Kahit ang mga akda ni Francisco Balagtas, na taal sa Bulakan, ay mapag-aaralan sa pamamagitan ng makabagong programang pangkomputer, alinsunod sa testura ng Tagalog nito.

Hindi ko sinasabing sa panitikan lamang mahuhugot ang pag-aaral ng wika ng Tagalog-Bulakan. Bawat lárang sa Bulakan ay bukál ng kaalaman, at maibibilang dito ang mga termino sa pagsasaka, pag-aalahas, pamimista, paglalala, pagbuburo, pagmimina, pangingisda, pagluluto, paghahabi at pagdidisenyo ng damit. Ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, at itala ng mga mananaliksik. Sa pagtatanong sa mga impormante, kinakailangang maturuan ang mga estudyante kung paano pumukol ng tanong, nang hindi nawawala ang pagiging obhetibo sa paksa. Kinakailangang mapag-aralan nang maigi ang pagtiyak sa katumpakan ng mga impormasyong nagmumula sa mga impormanteng galing sa ibaba, at taliwas sa awtoridad na nagmumula lamang sa mga edukado’t maykayang uri. Malaki ang maitutulong sa pag-aaral ng lokal na kasaysayan, gaya ng pinauuso ni Jaime Veneracion, na sumulat ng kasaysayan ng Bulakan sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa datos mula sa iba’t ibang larang, at hindi lamang bumatay sa mga tala ng frayleng Espanyol.

Dahil limitado sa pondo ang PSWF, maaaring ipokus nito ang lakas sa dalawa o tatlong programa lamang, na maaaring kaugnay ng panitikan, leksikograpiya, lingguwistika, at pagsasalin. Halimbawa, puwedeng magtuon sa deskriptibong pananaliksik sa mga nobela ni Bienvenido A. Ramos, at maaari siyang dalawin sa Santo Cristo at doon siya kapanayamin. Sa pag-aaral kay Ramos, maaaring biyakin ang pag-aaral sa pagiging nobelista at kuwentista niya, sa isang panig; at sa pagiging makata, sa kabilang panig. Ang pag-aaral ay maaaring magtuon sa pagiging kawani niya sa Liwayway magasin, hanggang sa pagiging editor nito sa mahabang panahon noong dekada 1980. Magiging madali ang pag-aaral kung susuriin ang kumbensiyon ng mga nobela at kuwentong nalathala sa Liwayway—na ngayon ay nakaimbak sa UP Main Library at donasyon ni Liwayway A. Arceo—at kung paano naglalaro sa parametro nito si Ramos. Maaaring mapansin ang paulit-ulit na hulagway sa kaniyang mga tauhan, ang dahas at ang sex, ang puri at paghihiganti, at ang pagbawi ng dangal. Mapapansin din ang haba ng kaniyang akda ay umaayon sa kayang ibigay ng publikasyon; at ang akda ay maaaring humaba lalo kung iyon ay ituturing na pantimpalak na gaya ng isinasagawa noon ng Sagisag, Talaang Ginto, at Palanca Memorial Awards for Literature. Sa kabilang dako, ang kantitatibong pag-aaral ay maaaring lumitaw sa paggamit ng programang Simple Concordance at Web crawler at mula rito ay masasala ang mga importanteng salitang lumitaw sa kaniyang mga akda.

Maraming mahuhusay na Bulakenyong manunulat, kaya upang magamit nang mahusay ang yaman ay kinakailangang bumuo ng listahan ng priyoridad. Maaaring magsimula sa krokis ng mga pangalan, nang mabatid ang lakas at impluwensiya ng mga makata, nobelista at kuwentista. Sa paggawa ng krokis ay puwedeng lumitaw ang mga nakakaligtaang manunulat, o ang mga di-kanonigong manunulat, at maaaring sumulat ng mga pag-aaral hinggil sa kanila. Mula sa simpleng deskriptibong pananaliksik ay maaaring kumiling sa pagtuklas ng mga di-gaanong kilalang manunulat na nagtataglay ng pambihirang galing at imahinasyon. Isang magandang halimbawa ang ginawang pag-aaral ni Delfin Tolentino na sumulat ng disertasyon sa buhay at akda ni Benigno Ramos, at naglinaw sa ambag nito sa larangan ng panulaang Tagalog.  Makabubuting maipakilala muli ang mga sinaunang akda sa panibagong lente ng pagsusuri; at sa paggamit ng naiibang teorya o pagdulog ay masisiyasat nang maigi ang kasiningan ng kalipunan ng tula o katha.  Upang magawa ito, kinakailangang sumangguni sa mga umiiral na kasaysayang pampanitikan, at pag-aralang maigi ang mga puwang, singit, at lilignan nito, at mula roon ay makabubunsod sa iba pang pag-aaral na maaaring malikhaing rekonstruksiyon ng guniguni ng manunulat.

Kinakailangan kung gayon na maturuan ang mga estudyanteng kawani ng PSWF, kung mayroon man, kung paano maghahanap ng aspili sa tumpok ng mga dayami. Dahil mahirap ito, kinakailangang matuto ang mga estudyanteng magbasa nang may pag-unawa, tuklasin ang anumang pangangailangan, at maglagom ng mga akda sa pinakamaikli ngunit pinakamahusay na paraan. Hindi makatutulong kung gagawa ng shortcut ang isang kawani. Maimumungkahing basahin talaga ang mga aklat, dahil kung hindi’y paano malalaman, halimbawa, ang testura ng Tagalog ng nobela at katha ni Valeriano Hernandez Peña kung ang babasahin lamang ay ang munting lagom na kinuha mula sa isang websayt o blog? Makabubuting mabatid ang mga tumpak na prinsipyo sa mabilis at epektibong pagbabasa, nang sa gayon ay hindi lamang lumalim ang bokabularyo ng mananaliksik bagkus lumawak din ang kaniyang pananaw at imahinasyon hinggil sa buhay. Kulang na kulang sa mga propesyonal na tagalagom [professional synthesizer] ang Filipinas, lalo pagdating sa panitikang Tagalog o Filipino, at maaaring makatulong ang PSWF sa paghubog ng mga kabataang handa sa gayong trabaho.

Isang malaking problemang kinakaharap ngayon ng mga mananaliksik ang tungkol sa pagsasakatuparan ng pag-aaring intelektuwal. Hindi na basta-basta makapagpapaseroks ang isang estudyante nang hindi nagbabayad ng butaw sa Filcols (Filipinas Copyright Licensing Society) para sa reprograpikong karapatan sa isang sipi. Sa mga tekstong hindi na sakop ng karapatang-intelektuwal, dahil sa maaaring paso na ang pag-aari sa isang akda pagkaraan ng pagkamatay ng manunulat at haba ng panahon ng pagkakalimbag, makabubuting ma-scan o maiseroks ang mga ito nang maging tumpak kapag sinipi na. Maraming pagkakamali ang nagaganap sa pagsipi nang pasulat, at sa mga ordinaryong estudyante ay lumulusot ang mga tipograpikong mali. Kaya kahit ang simpleng pagseseroks at pagtatala sa mga ito ay dapat itinuturo nang tumpak.

Tunguhin sa hinaharap

Panimulang pagdulog pa lamang sa pananaliksik ang binanggit ko rito at siyang kaugnay ng pagpapaunlad ng PSWF-Bulakan. Kung seseryohin ng KWF ang balak nitong desentralisasyon ng mga tungkulin nito tungo sa PSWF, ang PSWF ay dapat maihanda tungo sa pagkakaroon ng sariling mga kawaning may taglay na kasanayan at kaalaman hinggil sa iba’t ibang uri ng pananaliksik. Ngunit masaklap mang aminin, may pagkukulang ang KWF para sa pagbubuo ng patakaran tungo sa pagpapalakas ng PSWF. Ang PSWF ay kontrolado ng isang tao mula sa KWF; at hindi ko alam kung bakit hangga ngayon ay umiiral ang ganitong kalakaran kahit na paulit-ulit kong puwingin sa mga pulong ng Komisyoner.

Maaaring mahirap makapagrekomenda sa pambansang antas ang PSWF, ngunit kung makagagawa ito ng pangmatagalang pananaliksik na may datíng at makatutulong sa pagbabalangkas ng mga panukalang patakarang maisusumite sa Pangulo ng Filipinas, ay mabuti. Makatutulong ang mahigpit na koordinasyon sa iba pang akademikong institusyon sa loob ng Bulakan, ang paghingi ng tulong-pananalapi sa pamahalaang panlalawigan at pambayan, at ang paglapit sa mga pambansang ahensiya sa gaya ng NCCA, DepEd, at CHED. Samantala, bago tumanaw sa malayo ay makabubuting tingnan ang PSWF alinsunod sa partikular na bisyon nito at kaugnay ng bisyon ng KWF. Paano gagawing makatotohanan ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987? Paano makagagawa ng panuhay na batas hinggil dito? Mga simpleng tanong ito na masasagot lamang kung magsisimulang magsaliksik ang gaya ng PSWF alinsunod sa hinihingi ng panahon.        

[Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Bulacan State University, bilang bahagi ng patuluyang seminar ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino-BSU para sa mga estudyante at guro sa Filipino.]