Pagtakas, ni Paul Éluard

Salin ng “Fuir,” ni Paul Éluard (Eugène Émile Paul Grindel) ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagtakas

Ang maliksing gagambang
May mga kamay at paa ng sindak
Ay naririto.

Ang gagamba,
Na panatag sa timbang nito,
Ay walang tinag,
Gaya ng patitis sa panghulog-pisi.

At kapag ito’y tumalilis,
Nilalagot ang lahat ng bagting,
Pagtugis ito tungo sa kawalan
Na mantakin mo,

Lahat ng maiwan ay wasak.

Sendad

Tunghayan ang katawan, at kung nagmumurang kamatis ka, maaaring madagdagan ng bilbil ang baywang, mabawasan ng newron ang utak, o kaya’y umaliwalas ang mukha na parang galak na galak sa magdamag na pagniniig. Mararanasan ang pananabik pagkaraan, ang pangangati at ang pagkagumon lalo’t ritwal na inuulit-ulit ang kabaliwan, at kung hindi magtitiis ay magwawakas sa huntahan ng mga palad ni Maria ang sumusukdol na pag-iinit. Kung pumuti man ang patilya at balbas, pahiwatig iyon ng panahon at pagkatuto. Titimbangin mo ang sarili sa harap ng salamin, titimbangin ang iniinom na gamot at inuubos na pagkain, susukatin ang presyon ng dugo at susukatin ang pasensiya ng puso, at magkakasiya ang iyong konsiyensiya na manaig sa ginhawa ng layaw. Pagtatakhan ka ng kabiyak, at bibiruin ng mga anak. Mauunawaan mo ang halina ng tagsalat sa mga disyertong rehiyon, at kung hindi ka titigil, maihahaka na ang iyong taba ay langis na nag-aangkin ng lihim na yaman at mineral, na ikaw at ikaw lamang ang makikinabang, habang iniihaw ang iyong pangungulila sa kailaliman, at tinitingala mo ang nangangabayong hulagway.

Tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 23 Agosoto 2011.
"La tumba del poeta" (Libingan ng makata), 1900, pintura sa oleo ni Saenz Pedro Saenz.

"La tumba del poeta" (Libingan ng makata), 1900, pintura sa oleo ni Saenz Pedro Saenz.

Mga Apotegma at Payo, ni Colette Inez

salin ng “Apothegms and Counsels” ni Colette Inez
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA APOTEGMA AT PAYO

Kapag may nagwikang napakapandak o napakaliit mo,
sabihing di nunusok sa karton ang diyamanteng aspile.

Kapag may nagwikang napakalapad ng lawas mo,
sabihing ikaw ay Amazon na ganap na nakalarga.

Kapag may nagwikang malalaki ang suso mo,
sabihing binili mo iyon sa Kathmandu
at nang isukat ay madilim ang mga silid.

Sabihing ang gisantes ay hinahangad sa Prague
kapag may nagwikang maliliit ang utong mo.

Ano ang timbang mo sa araw o kaya’y sa buwan?

Tone-tonelada kung sa araw.
Libra-libra kung sa buwan.
Ginagawa kang magaan ng pagmamahal.

Kapag may nagsabing napakalayo mo,
ikatwiran ang Epektong Doppler,
na isinusulat mo ang kasaysayan ng liwanag
para sa mga anak ni Pythagoras.