Lagay ng Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Lagay ng Panahon

Roberto T. Añonuevo

Nagsilindro ang mga anino sa tanghaling-tapat,
nakinig ang palaboy na askal
sa tabi ng tindahan,
at pagkaraan, ang pagkamangha ay naibulsa
ng mga multong naglalakad sa bangketa.
Lumipad ang kumakatal na matandang himig
na bumubuga ang guniguni sa mga traysikel,
at tumawid ang ambulansiya na parang sigà.
Isinapelikula ng mga tambay na paslit ang inip;
naghihintay ng suki ang latag ng prutas, gulay
ngunit bumibili lámang sa sulyap at takam
ang sinumang mapadaan.
Nagtinginan ang mga bilbord ng mga negosyo
na kung mga politiko’y magsisilid ng kamay
sa hungkag na kahon.
Nagbibilang wari ng mga maysakit ang hangin.
Naglaho ang mukha kapalit ng libong maskara.
Nangarap ng videoke ang kalapati sa poste.
At maya-maya’y nagkaulap ng pangamba
habang tahimik na papalapit nang papalapit
ang mga unipormadong tagawalis at tanod.
Saka nagtalumpati na tila sangganong pangulo
ang radyo—sa uyam ng silindro ng mga anino
na ayaw pasindak sa bilibid, uhog, at ulan—
para sa hanapbuhay ng pagsusunog ng bangkay.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Ramadan Morina

“Ang Pamilihan sa California,” ni Allen Ginsberg

Salin ng “A Supermarket ni California,” in Allen Ginsberg ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Ang Pamilihan sa California

Ano ang iisipin ko ngayong gabi sa iyo, Walt Whitman, pag tinahak ang mga eskinita sa lilim ng mga punongkahoy nang hilo sa maláy na maláy na pagtanaw sa bilog na buwan?
. . . . . . . Sa gutóm kong kapaguran, at paghahanap ng mga hulagwáy, pumasok ako sa pamilihang neon ng prutas, habang nangangarap ng iyong listahan!
. . . . . . . Anung peras at anung malaanino! Mga pamilyang namimili sa gabí! Mga pasilyong hitik sa mga bána! Mga misis sa mga abokado, mga sanggol sa mga kamatis!—at ikaw, García Lorca, ano ang ginagawa mo sa mga pakwan?

. . . . . . . Nakita kita, Walt Whitman, walang anak, malungkuting huklubang pagpag, nanunundot ng mga karne sa pridyider at nakamasid sa mga batà ng tindahan.
. . . . . . . Nakita kitang nagtatanong sa bawat isa: Sino ang pumatay sa karneng baboy? Magkano ang mga saging? Ikaw ba ang aking Anghel?
. . . . . . . Naglabas-masok ako sa makikinang na salansan ng mga delatang bumubuntot sa iyo, at sa aking haraya’y sinusundan ng mga tiktik sa pamilihan.
. . . . . . . Tinahak natin ang mga bukás na pasilyo sa ating nakagiliwang pag-iisa at tinikman ang mga alkatsopas, inaari ang bawat nagyeyelong linamnam, at umiiwas sa kahera.

. . . . . . . Saan ka pupunta, Walt Whitman? Ipipinid ang mga pinto sa loob ng isang oras. Saan nakaturò ang balbas mo ngayong gabi?
. . . . . . . (Hinipò ko ang iyong aklat at nangarap ng ating pakikipagsapalaran sa palengke at nadama’y pagkaabsurdo.)
. . . . . . . Maglalakad ba tayo nang buong gabi sa mga hungkag na kalye? Nagdaragdag ng lilim sa dilim ang mga punongkahoy, pinapatáy ang mga ilaw sa mga bahay, at kapuwa táyo malulungkot.
. . . . . . . Maglalagalag ba tayong nangangarap ng naglahong America ng pag-ibig nang lampas sa mga bughaw na kotse sa mga lansangan, na tahanan ng ating tahimik na dampâ?
. . . . . . . Ay, mahal kong ama, pithô, malamlám na huklubang gurò, anong uri ng America ang taglay mo nang sumuko si Kharón sa paggaod at dumaong ka sa maulop na pasigan, at nakatindig na tinititigan ang bangkâ na nilalamon ng maitim na tubigan ng Leteo?

*Hindi nasunod ang pagkakahanay ng mga taludtod, sapagkat hindi ko alam ang disenyo ng WordPress para sa indensiyon ng mga salita.