Saging, ni Muuija

 Salin ng klasikong tula ni Muuija (1178–1234) ng Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Saging
  
 Nasa puso nito ang lungting kandila——walang sindi’t wagas;
 Ang dahon ay tunikang bughaw na pumapagaspas ang manggas.
 Ito ang nakikita ng makata kapag lasing ang tingin.
 Pakibalik na lamang agad sa akin ang tanim kong saging. 
Alimbúkad: Reconstructing the past through translation. Photo by Viktoria Slowikowska on Pexels.com

Ang Buról, ni William Faulkner

Salin ng “The Hill,” ni William Faulkner ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buról

. . . . . .Maaliwalas na nakabalatay sa langit ang gulód na nasa harapan niya at bahagyang nasa ulunan. Sa tuktok nito’y dumausdos ang hishis ng di-makitang simoy na gaya ng malawak, pantay na tubigan, at pakiwari niya’y aangat ang kaniyang mga paa mula sa daan, at lalangoy paitaas at lalampas sa buról sa pamamagitan ng hanging ito na pumupunô sa kaniyang damit, pinasisikip ang kaniyang kamiseta sa bahagi ng dibdib, pinapagaspas ang maluwag niyang diyaket at pantalon, sinasabukay ang makapal, di-nasusuklay na buhok sa itaas ng kaniyang mataba, tahimik na mukha. Ang mahabang anino ng kaniyang mga binti’y umahon nang paayon at bumagsak, nang kakatwa, sa anyong matamlay na pagsulong, na para bang ang kaniyang katawan ay nabalani ng sumpunging Bathala sa mala-maryonetang gawaing walang saysay sa isang punto, habang ang panahon at búhay ay kagila-gilalas na nagdaan sa kaniya at iniwan siya. Sa wakas, naabot ng kaniyang anino ang tuktok at mabilis na bumagsak doon.

. . . . . .Unang sumilay sa kaniyang paningin ang kasalungat na bunganga ng gulód, na asul at malamig, sa antas ng panghapong araw. Isang puting simbahan ang bumungad sa tanawin, nang pasalungat at parang mga pigura sa panaginip, pagdaka’y sinundan ng mga tuktok ng bahay, pula at lungting kupas at olibong bahagyang nakakubli sa mga sumupling na roble at olmo. Tatlong álamo ang nagpakislap ng mga dahon laban sa abuhing pader na bilad sa araw na nagpakiling sa mga punongkahoy na peras at mansanas sa maringal na babasaging pink at puti; at bagaman walang hangin sa lambak ay halos bumaluktot sa tahimik, di-mapapalagáng hatak ng Abril ang kanilang mga sanga, pagdaka’y huminto at tumuwid muli maliban sa pinilakang ulop ng walang humpay, walang takas na mga dahon. Nahigit ang lambak sa ilalim niya, at ang kaniyang anino, na sumulpot sa malayo, ay bumalatay doon nang tahimik at malaki. Kung saan-saan nanimbang nang alanganin ang hibla ng usok mula sa tsimenea. Humimbing ang nayon, na nagkumot ng kapayapaan at tahimik sa ilalim ng panggabing araw, na waring natulog ito nang isang siglo; naghihintay, na animo’y taglay ang pukyutan ng tuwa at lungkot, sa wakas ng panahon.

. . . . . .Mula sa gulód, ang lambak ay walang tinag na mosayko ng punongkahoy at bahay; matatanaw sa gulód ang maaliwalas na tigang na lupaing tinigmak ng ulan ng tagsibol at winasak ng mga paa ng kabayo at baka, walang tumpok ng abo ng taglamig at kinakalawang na mga lata, walang malalamlam na bakod na natatakpan ng mga gulanit na kabaliwan ng mga ipinaskil na kalibugan at anunsiyo. Wala roong pahiwatig ng pagsisikap, ng mga pagód na banidad, ng ambisyon at pagnanasa, ng natutuyong laway ng relihiyosong kontrobersiya; hindi niya makita na ang kahanga-hangang kapayakan ng mga haligi ng mga hukuman ay pumusyaw at namantsahan ng karaniwang tabako. Sa lambak ay walang pagkilos maliban sa manipis, paikid na usok at tagos sa pusòng halina ng mga álamo, walang tunog maliban sa tantiyadong mahinang alingawngaw ng maso. Ang mabagal, walang datíng na medyokridad ng kaniyang mukha ay pinapangit ng panloob na impulso: ang kahanga-hangang pangangapa ng kaniyang isip. Bumalatay ang dambuhalang anino niya na parang masamang pangitain sa simbahan, at sa isang saglit ay halos magagap niya ang banyaga sa kaniya, ngunit mailap sa kaniya; at dahil walang kamalay-malay na may kung anong gigiba sa mga hadlang ng kaniyang isip at kakausap sa kaniya, wala siyang kamuwang-muwang na iniiwasan siya. Kabuntot niya ang malupit na paggawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, ang tunggalian laban sa mga puwersa ng kalikasan magkaroon lamang ng tinapay at damit at pook na matutulugan, ang tagumpay na matatamo kapalit ng mga himaymay ng katawan at biláng na araw ng kaniyang pag-iral; sa harapan niya’y nakabalatay ang nayon na naging tahanan niya, ang arawang trabahador; at lampas dito ay naghihintay ang panibagong araw ng pagkayod upang magkatinapay at magkadamit at magkaroon ng matutulugan. Sa ganitong paraan niya nilutas ang nakagugulapay na kawalang-halaga ng kaniyang kapalaran, sa pamamagitan ng isip na mahirap mabagabag ng malalabong atas ng kabutihang-asal at paniniwala, natauhan sa wakas dulot ng mahina, malambot na puwersa ng tagsibol sa lambak ng takipsilim.

. . . . . .Tahimik na sumisid ang araw sa likidong lungti ng kanluran at kisapmatang naging anino ang lambak. At habang siya ay pinalalaya ng araw, siya na namuhay at kumayod sa araw, biglang pumayapa ang kaniyang isip na bumalisa sa kaniya sa unang pagkakataon. Dito, sa takipsilim, ang mga nimpa at fawno ay baká magkagulo sa nakatutulig na paghihip sa mga pipa, sa kumakatal at tumataginting na mga símbalo sa mabilis, bulkanikong paghupa sa ilalim ng mataas, malamig na bituin. * * * Naroon sa likuran niya ang walang tinag na lagablab ng dapithapon, at sa harapan niya ay naroon ang kasalungat na bunganga ng lambak sa ibabaw ng nagbabagong kalangitan. Sa ilang sandali ay tumindig siya sa isang panganorin at tumitig pagkaraan sa kabilang panig, lampas sa ibabaw ng mundo ng walang katapusang pagtatrabaho at balisang pagtulog; dalisay, di-magagalaw; at nilimot, para sa espasyo, na siya ay dapat magbalik. * * * Marahan siyang bumaba sa buról.

Alimbúkad: Boundless imagination for humanity. Photo by Nandhu Kumar. No to Chinese occupation of any part of the Philippines. No to Chinese interference in Philippine affairs. No to Chinese spies and sleepers in the Philippines. Yes to freedom. Yes to sovereignty. Yes to Filipino.

Ang Emperador, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperador

Roberto T. Añonuevo

Umiiyak na sanggol ang mga panalangin
Sa pusod ng dambuhalang katedral
Na kapatid
Ng tanikala ng mga barong-barong,
At narinig ito
Ng mga ibon
Ng mga mithi,
At lumipad at tinangay yaon
upang lumapág at humápon sa aking mesa.

Ang tinig, ano’t nagtitinikling
Sa mga lapis at ilang kinuyumos na papel!
Ipinaling ko ang tingin
Sa relo,
At kisapmatang huminto ang inog ng mundo
na tuminag sa aking espasyo.
Makahihindi ba ang langit sa munting anghel
Kung wala rito ang Maykapal?

Nag-iwan ng mga balahibo
Sa balintataw ko
Ang mga paglipad,
Ang pagód na pagód na paglipad,
At marahil, nakasalubong nito ang mag-anak
Na lumiban
Sa hapunan,
Subalit nangangarap ng kaligtasan sa labas
Ng bintana.

Baká tinangay ng mga tuka ang mga uhay
Na magpapasimula
Sa planong bukirin
Para sa mga mangingisda
Na napilitang kumahig sa buhangin?
Sakali’t gayon, ang hinaing ng karpintero
ay dapat tumbasan ng pagbuo ng mga ataul.

Sa papel na nakalapag sa mesa’y nakasulat:
“.  .  . At sa laberinto ng mga balón at yungib,
Kumakawag ang ilang isda na magpaparami
Nang likás para sa nagbabadyang tagsalat.”

Ang inosenteng iyak
Ay tumalbog-talbog sa rabaw ng aking mesa.
Kahit ako magtukop ng mga tainga
At pumikit
Ay naririnig ang sariling tákot na nakabibingi;
Parang mga kampanilya sa des-oras ng gabi
Ang mahabang pila
Ng mga kalansay
Na kumakatok sa guniguni.  .  .
Hinahabol din ako
Ng antigong batingaw
Mula sa mga umaasa’t alaga ng kuwarentenas
Sa ngalan man
Ng nabalam na rasyon ng mga de-lata’t bigas.

Sa akin ba sila maglilintanya ng hinanakit
Kung awtoridad
Na maituturing,
Habang umaalat ang mga pisngi sa pawis
Ng pagtitimpi, pagtitiis?
Ang araw na ito’y ilalaan pa ba sa hukluban?
Tanghalian ba ng mga pating
Ang mga bangkay na magbabalik sa laot?
Ang mga sagot ay anong gandang palaisipan
para sa mga yayao,
lalo’t paunti nang paunti ang mga gatong.

Ngunit kailangan kong dumilat
Sapagkat dapat gampanan
Ang tungkulin ng kataas-taasaan at realidad.
Ipinababa ko ang krus at watawat sa tore
At binasag
Ang hanay ng mga deboto—sa isang utos.
Ngunit hindi tumatahan ang sanggol.
Tumatahan ay hinding-hindi ang sanggol
Hanggang mag-ihit.
Hinipan ng simoy
Ang mga balahibo
Palabas ng bintana pagsapit ng liwayway,
At nagpaginhawa sa akin ang gayong tagpo.

At ako na nakaupo sa paboritong trono
Ay titig na titig nang walang pagkasawà
Sa nakalatag na mapa—
Ang mapa na natigmak sa lumigwak na tsaa
Na wari ko’y pamilyar na dagat
Ng mga luha
Mula sa mga sisinghap-singhap na anghel.
Sa ilalim ng bituin, sa ilalim ng pangalan
At ekis,
Nakaturo ang balani ng iniingatan kong
Paraluman
Sa isla ng Ikaapatnapung Gabi.
Umiiyak na sanggol ang mga panalangin. . . .

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ang Bata na may Retrato, ni Kyriakos Charalambides

Salin ng tula ni Kyriakos Charalambides ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bata na may Retrato

Ang bata na may hawak ng retrato,
ang retratong may lalim ng paningin niya
at nakabaligtad, ay nakatitig.

Pinaligiran siya ng madla; at nakatimo
sa mga mata niya ang munting retrato,
na malaking pasanin o ang kabaligtaran,
malaking pasanin sa tingin ngunit kayliit
kung isasabalikat, at higit na maliit
kapag nasa kaniyang kamay.

Nasa gitna siya ng madlang humihiyaw
nang pahimig, at tangan niya ang retrato
nang pabaligtad; bumagabag sa akin ito.

Nilapitan ko siya’t sumenyas ng mga kaanak
niya, o ng mga arko at tinig na pumirmi
sa panahon at lubos na walang tinag.

Ang retrato ay kahawig ng kaniyang ama.
Iniunat ko iyon nang patuwid, ngunit nakita
kong nakatiwarik pa rin ang lalaki.

Gaya ng hari, ng sota, at ng reyna,
na kapag binaligtad at tinanaw, ay tuwid
pa rin ang itsura, ang lalaking ito,
kapag tiningnan nang tuwid, ay ano’t
nakatiwarik at matiim na nakatitig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs.