Unang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Únang Aralín

Roberto T. Añonuevo

Sa sandalîng sumápit ka “sa isáng madilím, gúbat na mapangláw,” maáarìng malímot mo ang lahát, alagád ka man ni Balagtás, ngúnit hindî maikákailâng nakásuót ka ng kataúhan bílang manlálakbáy. Báwat hakbáng mo’y panínimbáng, na may halòng pangángapâ, at hindî kataká-taká kung mag-ásal kang batà at mamanghâ. Ang isáng malápad, matangkád na punòngkáhoy ay káyang humálang sa iyóng pananáw, na nakapágpapásidhî ng págkilála mo sa saríli bílang pandák, muntî, maliít; at kung mananálig sa múltiplikasyón ay pósibleng umábot nang laksâ-laksâ ang urì ng haláman úpang pigílin kang pumások sa gúbat at magsiyásat. Nakikíta mo ang dilím sapagkát napakálayò mo maráhil sa poók na íbig maratíng. Nasaságap mo ang pangláw sapagkát iyón ang íbig ipáhatíd ng útak na mágsasálin ng hiwátig túngo sa pusò pára humintô mangambá mágbantulót, nang makaíwas sa anumáng péligro na sásalúbong sa iyó. Bákit maníniwalà sa pangánib kung hindî mo ganáp na gagáp ang kátotohánan ng kaligirán? Anó ngayón kung ikáw ay mapáriwará? Isá kang taúhang dápat gumanáp ng tiyák na papél, at kung anumán ang papél na itó ay daraán sa ebolusyón ng húgis. Ang gúbat, gaáno man katiník ang mga dáwag, ay maáarìng mapáliít, at magawâng punggók na baléte o ilahás na ílang-ílang. Nangángambá ka dáhil sa préhuwisyó, kayâ ang gúbat ay nadarámang masikíp, máalinsángang kalabóso sa ilálim ng kástilyo. Ang húni, halímbawà, ng mga balíkasiyáw ay nakátutulíg, at sapát makabásag sa mga pórselánang tása at kristál na bintanà. Naglálandás sa iyóng paningín ang dambúhalàng úwang at alakdán, tátangkâín kang lapàin, at kapág tumakbó ka’y mahuhúlog sa bangín, dádausdós pábalúsok sa bátis na hitík sa mga eléktrikong ígat, mákokóryente ang iyóng útak at bayág, at kapág nawalán ka ng ulirát ay doón magsísimulâ ang iyóng pangárap na gáya ng isáng butó na magsúsuplíng ng mga ugát, sangá’t dáhon sa tumpák na sandalî. Kung ikáw ang taúhan, hindî ba ikáw ang pinakámahalagáng kathâ sa daigdíg? Tátanggí ka sa ganitóng pahayág, at súsubúkin ang iyóng tínig pára ilaráwan ang palígid, pára itangì ang mga grába sa isá’t isá, balíw na balíw sa anyúbog, hanggáng umáhon ang isáng pagóng mulâ sa putikán, pulútin man at itápon itó at tumihayà ay kúsang nakábabángon nang mág-isá, alám na álam ang pérpektong gómbok[*], warìng tinapyás sa salpúkan ng mga álon sa isáng tukóy na tagpûan, hanggáng sumápit sa ékwasyon ng katatagan o di-kakatagan. Taúhan ka subálit isá ka ring daigdíg, tíla alíngawngáw ni Abadilla, at mulâ sa iyó ay maíhuhúgis ang lunán. Ang gúbat ni Balagtás ay higít sa paláugnáyan at nakahíhindík na kaligirán. Ang gúbat ang ebolusyón ng taúhan bílang manlálakbáy, at kung isá ka ngâng túnay na manlálakbáy, hindî ka matatákot máligáw, mapahámak, mamatáy.


[*] Mula sa salitang “gömböc” na hango sa wikang Únggaro, na ginamit ng mga siyentistang sina Gábor Domokos at Péter Várkonyi upang ipaliwanag ang tatlong-dimensiyonal na láwas na omohéneo.  

Alimbúkad: Epic poetry rampage beyond Filipinas. Photo by James Wheeler on Pexels.com

Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo, ni Pedro Salinas

Salin ng ikalabindalawang yugto ng “La voz a ti debida”  
ni Pedro Salinas ng España / Spain
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo
  
 12
 Hindi kailangan ang panahon
 upang mabatid ang kahawig mo:
 Magkakilala tayo gaya ng kidlat.
 Sino ang susubok na maarok ka
 sa mga salitang hindi sinasabi
 o kaya’y pinipigil mong sabihin?
 Sinumang naghahanap sa búhay
 na isinasabuhay mo ngayon ay taglay
 ang mga alusyon hinggil sa iyo,
 ang mga palusot na kinukublihan mo.
 Ang bumuntot sa iyo sa lahat 
 ng nagawa mo na, ang magdagdag 
 ng kilos para makuhang ngumiti,
 ng mga taon sa mga pangalan,
 ay paglapit para mawala ka. Hindi ako.
 Dumating ako sa iyo na bagyo.
 Nakilala kita, nang kay bilis,
 noong brutal na napupunit
 ang takipsilim at liwanag,
 na ang lalim na tumatakas
 sa araw at gabi ay nabubunyag.
 Nakita kita’t nakita ako, at ngayon,
 hubad sa lahat ng walang katiyakan,
 ng kasaysayan, ng nakalipas,
 ikaw, amasonang sakay ng kidlat,
 pumipitlag ngayon mula sa hindi
 inaasahang pagdating,
 napakasinauna ka para sa akin,
 kilala na kita nang napakatagal;
 na nakapipikit ako sa iyong pag-ibig,
 at nakalalakad nang tama at ligtas
 sa pagkabulag ko; walang may ibig
 sa gayong mabagal, tiyak na sinag
 na alam ng mga tao ang kahihinatnan
 ng mga titik, anyo, at pigura,
 at naniniwala na kilala ka nila,
 kung sino ka, ang aking tagabulag.
   
Alimbúkad: Ultra-passionate poetry beyond your textbook. Photo by Dave Morgan on Pexels.com

Malayo sa Ating Loob, ni Vasko Popa

Salin ng “Daleko u nama,” ni Vasko Popa ng Serbia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malayo sa Ating Loob

1
Iniangat natin ang mga kamay
Umakyat sa langit ang mga daan
Mga mata natin ay ibinaba
Bumagsak yaong bubungan sa lupa

Mula sa bawat dinadalang kirot
Na hindi kayang banggitin nang taos
Sumisibol yaong punong kastanyas
Na hiwagang lihim sa ating lahat

Mula sa bawat taglay na pag-asang
ikinalulugod ng bawat isa
May umaahon na isang bituing
Ang inog ay hindi ta mararating

Narinig mo ba ang balang lumipad
Na sa mga ulo natin wawarak
Narinig mo ba ang mga pumutok
Na nagbantay sa halik nating taos

2
Ang mga kalye ng mga sulyap mo
Ay walang wakas

Mga layang-layang ng mata mo
Ay hindi sa timog lumilipat

Mula sa mga álamo ng iyong suso
Ay walang dahong nalalaglag

Sa kalangitan ng mga salita mo
Ang araw ay palaging sumisikat

3
Ang ating araw ay mansanas
Na hinati sa dalawa

Tinitingnan kita
Ngunit hindi mo ako nakikita
Nasa pagitan ta ang bulag na araw

Nasa mga baitang
Ang mga punit nating yakap

Tumawag ka sa akin
Hindi kita naririnig
Nasa pagitan ta ang binging simoy

Sa mga bintana ng tindahan
Hinahanap ng labi ko
Ang iyong ngiti

Nasa sangandaan
Ang ating niyurakang halik

Ibinigay ko sa iyo ang kamay
Wala ka man lang nadama
Niyapos ka ng kahungkagan

Sa mga plasa
Ang luha mo’y hinahanap
Ang aking mga mata

Sa gabi ang patay kong araw
Ay tinitipan ang patay mong araw

Tanging sa pananaginip
Nakalalakad tayo sa iisang párang

4
Ito ang iyong labi
Na ibinabalik ko
Sa iyong leeg

Ito ang sinag ng buwan
Na ibinababa ko
Mula sa iyong mga balikat

Naiwala natin ang isa’t isa
Sa napakasukal na kahuyan
Ng ating pagtatagpo

Sa aking mga kamay
Lumulubog at lumiliwayway
Ang iyong lalagukan

Sa iyong lalamunan
Lumiliyab at nauupos
Ang masisiklabo kong tala

Natagpuan natin ang isa’t isa
Sa ginintuang bakood
Na napakalayo sa ating loob

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Milan Surbatovic. Unsplash.com.

Mga Tinig, ni C.P. Cavafy

Salin ng “φΩΝΕΣ,” ni C.P. Cavafy (Constantine Peter Cavafy) ng Egypt
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tinig

Ang mga huwarang tinig at labis na minamahal
Mula sa mga namatay, o galing sa mga tao
Na nawala sa ating piling, ay nais pa ang patay.

Minsan, nagsasalita sila sa ating panaginip;
Minsan, sa ating pagmumuni’y maririnig ng isip.

At sa tunog nila para iglap magbalik nang lubos
Ay mauulinig sa mga unang tula ng búhay—
Gaya ng musika sa gabi, kay layo’t papaupos.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

 

Sa Gabi, ni Bert Meyers

Salin ng “At Night,” ni Bert Meyers ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Gabi

Sa gabi, kapag ang daga
ay pinaslang ng keso,
kapag tumalikod ang mga pagod na dingding,
kapag sumusuko na ang katawan,
sakâ hahawiin ng kamatayan ang aking buhok
at ayaw ko nang mamatay.

Ayaw ko nang mamatay!
Mapapaluhâ ang hikà.
Ang hikà’y masusunog sa mga dahon nito.
Magkokonsulta ang mga gamot,
maláy sa mga tatak nito,
sa tabi ng kama.

Ngunit sumasapit ang kamatayan:
mula sa mga gripo, sa mga sahig,
mula sa malaking orasang nagdurugo
at humihina sa mga ispring nitong taglay,
dumarating na humuhukay sa aking dibdib.
At hindi ko alam kung bakit
ngunit alam kong pumipintig ang puso
at ginagapi ang tao hanggang kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Pag-iingat, ni Yannis Ritsos

Salin ng “Precautions,” ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pag-iingat

Marahil kailangang pigilin ang tinig;
Búkas, sa makalawa, sa susunod pang araw,
Kapag sumigaw ang iba sa lilim ng mga watawat,
Kailangan mo ring sumigaw,
Ngunit tiyakin lámang na nakababâ ang sombrero
Para matakpan ang mga mata,
At maikubli at nang hindi mahalata ng iba,
Upang hindi nila makita kung saan ka nakatingin,
Kahit alam mong ang mga sumisigaw
Ay nakatingin sa kung saan-saan.


Pagbabanyuhay, ni Carmen Alicia Cadilla

Salin ng “Gradación,” ni Carmen Alicia Cadilla ng Puerto Rico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagbabanyuhay

Ang dapithapon ay lagás sa mga layang-layang.
Naglalakad nang tulóg, ang kaparangan
ay inilapag ang mga pinsel nitong punongkahoy
sa panganorin ng analina.

Ang dagat ay waring langit na kagampan
na binabagtas ng mga nakatiwarik na anghel.

Nabalisa ang mga tinig
sa paglalim ng gabi
habang marahang nauupos ang tabako sa kirot.

Alimbukad; Wikang Filipino sa panitikang internasyonal

Pagkaraan ni Balagtas, ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraan ni Balagtas

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Gumuguho ang kastilyo nang dahil sa tula, ito ang palagay ng mga lamanlupa nang minsang bumigkas ng pangwakas na talinghaga ang kondenado sa harap ng bibitayan. Nagkakagulo sa buong bayan, lumalaganap na lason ang implasyon, napipitas na talulot ang mga sanggol sanhi ng salot, at naglalabo-labo ang mga palaboy sa natitirang pagkaing sinalakay ng madlang nanloob sa parian. Sa kabilang ibayo’y nakatanghod ang mga banyagang sasakyang pandagat, na ang pagkakahilera’y waring mga selulang lulan ang di-maipaliwanag na sakit. Ang tula ay nagkaroon ng bagwis, humuni ng nakatutulig na himig, pumaimbulog nang humahagunot, at sa kisapmata’y nayanig ang paligid nang paulit-ulit. Lumukob ang nakabubulag na alikabok, at walang ano-ano’y kumidlat at kumulog sa gitna ng tag-araw. Pagdaka’y naglaho ang tula sa loob ng ilang siglo, kasabay ng pagkamatay ng kondenado, at nang magbalik ito sa hinulaang sandali, ang tula ay nasa anyo ng rakistang bilugan ang tinig habang gumigitara nang kaytimyas sa sining, at ang alamis ay lungsod na lumulubog sa di-maireresiklong basurang diwain o kung hindi’y sangganong intelektuwal na hinahagad ng bala at batas ng awtoridad. Bawat tao na makaengkuwentro ang mga salita nito’y napahihiyaw at napasasayaw, waring nakatoma ng ayawaska, umiiyak-at-tumatawa na waring nalilibugan o nababaliw, at kung iyon ang itinuturing na kamalayan, ang kamalayan ay unibersong pumipintig sa loob ng isang paslit na katawan.

Yes to human rights. Yes to humanity.

Tinig ng Tao, ni Vladimír Holan

salin ng “Lidský hlas” (Human Voice) ni Vladimír Holan ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Tinig ng Tao

Hindi iginigiit sa atin ng bato at bituin ang kanilang musika;
Tahimik ang mga bulaklak, may pagbabantulot ang mga bagay;
At dahil sa atin ay ipinagkakait ng mga hayop
Ang taglay na armonya ng kawalang-malay at paglilihim;
Malimit sakáy ng simoy ang kadalisayan sa payak na galaw,
At anong awit ang tanging batid ng mga piping ibon,
Na hinagisan mo ng sariwang uhay sa bisperas ng Pasko?

Ang umiral ayon sa kaakuhan ay sapat na’t higit sa mga salita.
Ngunit tayo’y natatakot hindi lamang sa karimlan,
Bagkus kahit sa gitna ng masaganang liwanag.
Hindi natin nakikita ang ating mga kapitbahay
At sa labis na pagkadesperado hinggil sa eksorsismo
Ay sindák na sumisigaw: “Nariyan ka ba? Sumagot ka!”

 

Kaugnay na video na maaaring sangguniin hinggil sa pagbasa ng tula: