Elehiya para kay Khalil Hawi, ni Abdul Wahab al-Bayati

Salin ng tula ni Abdul Wahab al-Bayati ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Elehiya para kay Khalil Hawi

I
Habang naghihintay ang makata’y
Namatay si Aisha sa pagkadestiyero
At naging tala sa umaga:
Ang kintal nina Lara at Khuzama, Hind at Safa,
Reyna ng mga reyna,
Lagablab ng apoy sa mga tore ng langis
At sa mga saknong ng Awit ng mga Awit;
Dugo sa mga taludtod ng Torah
At sa noo ng mga magnanakaw ng mga himagsikan.
Siya ang naghunos na Nilo at Ewfrates,
Ang mga panata ng maralita
Sa Kabundukan ng Atlas;
Isang liriko sa tula ni Abu Tammam.
Siya ang naging Beirut at Jaffa
Isang Arabeng nasugatan sa mga lungsod ng malikhain
Na sumumpa ng pagmamahal
At sinapian ng apoy.
Siya ay naging si Ishtar.

II
. . . . . . Nang lumisan ang makata,
. . . . . . Ang kaniyang mga bakás ay nagmapa ng mga bagay.

III
. . . . . . Nang magpatiwakal ang makata’y
. . . . . . Nagsimula ang kaniyang dakilang paglalakbay.
. . . . . . Ang kaniyang mga bisyon ay natupok sa laot;
Nang ang sigaw niya’y tumagos sa kaharian ng destiyero,
Ang mga tao na nagmula sa disyerto’y nagsimulang umibig
Upang wasakin ang mga diyos na hinubog sa luad
At nang maitatag ang Kaharian ng Maykapal.