Fischer Random Thoughts, ni Roberto T. Añonuevo

Fischer Random Thoughts 
ni Roberto T. Añonuevo
  
 1
 Ang daigdig ay hindi tatsulok o bilog
 bagkus animnapu’t apat na parisukat
 sa loob ng daigdig na parisukat.
  
 At sa loob nito ay umiiral ang mga prinsipyo
 at batas na hindi dapat mabali
 gaya ng utos ng hari.
  
 2
 Lumilipas ang panahon, at kung nagninilay
 kang gaya ng nasa loob ng kahon
 ay dapat magsimulang magtanong,
 halimbawa,
 kung bakit karaniwan ang henosidyo
 o pagpapatiwakal.
  
 3
 Ang daigdig ay dalawang kaharian
 ngunit magwawakas sa isang
 kahungkagan
 kapag nagkaubusan ng mga hukbo.

 Sino ang nag-isip ng henyo ng budóng?
 
 4
 Nakababato at parang sirang plaka
 ang kaayusan
 ng kaharian,
 at marahil, ito ang sandali
 para sa guló na hindi inaasahan.
  
 5
 Nakahanay ang mga kawal 
 para isubo na gatong.
 Inuutusan ang mga kabalyero 
 na lumundag
 sa bangin, o kaya’y sagasaan 
 ang nakaharang.
 Susugod o aatras ang mga obispo 
 nang pahilis,
 gaya ng linyado nilang doktrina’t 
 pag-iisip.
 Sintigas ng mga tore 
 ang babanggain o gigibain 
 para magtindig ng bagong tore.
 Abala ang reyna sa salamangka.
 At ang hari, asahan mo, 
 ay tutugisin ng mga palaso, maso, 
 at patalim
 upang dakpin o patumbahin.
  
 6
 Ang isang hakbang ay tungo sa ibang kaharian
 upang sakupin ito
 o kaya’y burahin ang bakás nito sa mundo.

 Maniwala, kahit wala ang mahal na reyna.
  
 7
 Sukulin ang hari.
 Ngunit bago ito maganap, matutong sumalakay
 makaraang mabatid ang puwersa 
 ng armas, mapa, at simoy ng panahon.
  
 8
 Sumusugod ang peon,
 at isinasakripisyo para sa espasyo at bentaha
 ng paglusob.
 Sumusugod ang peon,
 at ang pagdakip sa kaniya, kung minsan,
 ay matamis na lason o pugad ng mga sibat.
  
 9
 Ilang bilyong kombinasyon ng mga hakbang
 ay higit sa dami ng newtron—
 tanungin si Hemachandra o Fibunacci 
 ngunit aantukin lamang ang inyong kamahalan
 bago maabot ang sagot.
  
 10
 Nagsisimula sa hapag ang ehersisyo ng digma.
 Pumapayat ang magkalaban
 gayong nakaupo, gaya ng yogi, 
 at walang tinag nang napakatagal.
  
 11
 Sa larangang ito, 
 walang dapat pagtiwalaan kundi sarili.
  
 Ang oras ang kalaban mo
 kung hindi nakatitiyak
 sa mga tira mo.
  
 12
 Mga kabisote, bakit pa mag-iisip?
 Mga maya, manggaya gaya ng putomaya!
  
 Sabihin ito
 at sasampalin ka ng uyam at pambubuska.
  
 13
 May visa ang espiya.
 May bisà ang espinghe.
  
 14
 Ang arogansiya ng piling lahi
 ay bakit hindi tutumbasan
 ng sukdulang pag-aglahi
 kung pinalalaki tayo 
 sa katwiran ng ubusan ng lahi
 at pataasan ng ihi
 para sa parisukat na pamanang lupain?

 Nadama ko ito
 habang ang isang paa ay nasa hukay
 at mariing nakatitig sa Tore ni David.
  
 15
 Masikip na bilangguan ang kaharian
 sa hari na nagtatalumpati sa ilang.
  
 Naisip ko ito habang nakabartolina
 at nangangatal.
  
 16
 Naghahapunan ng yelo ang destiyero
 ngunit humahabol ang mga kabalyero.
 At ako sa aking trono
 ay aawit ng “Bayan ko!” 
Alimbúkad: Quality poetry isolation under pandemic. Photo by Francesco Sgura on Pexels.com

ang sinta ko’y nagtatayo ng gusali. . . (XII), ni e.e. cummings

Salin ng tula ni e. e. cummings (Edward Estlin Cummings)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ang sinta ko’y nagtatayo ng gusali. . . (XII)

ang sinta ko’y nagtatayô ng gusali
sa palibot mo, ang marupok madulas
na bahay, ang matibay babasaging bahay
(nagsisimula sa isang simula

ng iyong ngiti), ang bihasa gusgusing
bilangguan, ang tiyak nakaaasiwang
bilangguan (nagtatayô ng kung ano sa Gayon,
Paikot sa walang ingat na mahika ng bibig mo)

ang sinta ko’y nagtatayô ng mahika, na banayad
na tore ng mahika at (hula ko)

kapag ang Magsasakang Kamatayan (na kinaiinisan

ng mga diwata) ay dudurugin na ang armada

ng bulaklaking bibig
Hindi na siya ang magiging aking tore,
. . . . .  . . . .  . . . . . . . . . . ..na pinagpawisan, pangkaraniwan

na ang pinaikutang ngiti
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ay nakabitin

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . .at agaw-hininga

road, street, city, wall, graffiti, street art

Pagtunog ng Toreng Orasan, ni Jaroslav Seifert

salin ng “The Striking of the Tower Clock” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagtunog ng Toreng Orasan

para kay Cyril Bouda

Nang gabing iyon, nang ang dilim ay nasa pintuan
at ang mga ipot ng kalapati sa mga kornisa ng mga tore
ay kahawig ng liwanag ng buwan,
nakikikinig ako sa simoy ni Vivaldi
sa Hardin ng Maltese.

Isang batang babae ang humihihip ng pinilakang plawta.
Ngunit ano ang maikukubli ng daliri ng paslit na babae?
Wala ni anuman!
Kung minsan ay nalilimot ko nang  makinig!

Sa ilalim ng tulay ay lumalaguklok ang malayong saplád:
kahit ang tubig ay hindi makatitiis sa mga tanikala,
at mag-aaklas ito palabas sa apaw-agusan.

Halos di-halatang pinalilipas niya ang oras
sa dulo ng kaniyang tsinelas;
namumutawi sa kaniyang labi ang lumang himig
tungo sa antigong hardin.
Mula sa malayo, mula sa lungsod doon sa timog,
sa hanay ng mga ugat ng mga lanaw
ay nakaluklok ang himig sa pulso ng dagat.

Pinangatal ng himig ang himaymay ng kaniyang pagkatao.
At bagaman ang mairuging mga nota
ay hitik sa pang-aakit,
ang kariktan ng dalagita nang sandaling iyon ay lantad
na kahit sa aking isip ay wala akong lakas ng loob
ni hayaan ang sarili kong sumuko sa gayong guniguni
na hipuin siya ng dulo ng daliri hanggang sa mamula.

Sa ngumingiting dula ng karimlan at plawta,
ng tumutunog na orasan mula sa tore
at ng pahilis na bumubulusok na bulalakaw,
kapag posibleng magmadali kung saan paakyat,
pataas sa ipoipong paglipad
nang hindi humahawak sa barandilya,
mahigpit kong kinuyom ang metal na tatangnan
ng aking tungkod na yaring Pranses.

Nang maglaho ang mga palakpak
waring mula sa takipsilim ng malapit na parke
ay maririnig ang mga bulong
at ang mga bantulot na yabag ng mga mangingibig.

Ngunit ang kanilang marurubdob na halik,
gaya ng batid mo na,
ay naging unang mga luha ng pagmamahal.
At lahat ng dakilang pag-iibigan sa daigdig na ito
ay may nakamamatay na pagwawakas.

Gabi ng Taglagas ni Viggo Stuckenberg

Salin ng katha ni Viggo Stuckenberg, at batay sa saling Ingles ni Anthony Weir.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

GABI NG TAGLAGAS

Nakatirik ang tore sa gilid ng kahuyan, ang luma’t naaagnas na tore na binalot ng lumot at palumpong ang mga silipang butas, na pawang pinalooban ng mga damo ang mga puwang at singit, at ang tuyong baging ay nakabiting gaya  ng matigas, tuyong buhok na nakalugay sa duguang bato. Sa itaas sa gawing silangan ay nakatimo ang tanging bintana ng gumuguhong pader.

Sa likod ng kulimlim na bintana’y nakatindig ang babaeng nakatitig sa sumasapit na takipsilim. Maliit siya at balingkinitan, at ang kaniyang mga kamay na simputi ng sinag ng buwan ay nakapatong sa pasamano ng bintana, at ang kaniyang babà’y maputla at may hubog na gaya ng liryo. Ngunit kumikislap ang mga itim niyang mata, na waring tumutulo mula sa nagliliyab na sulo. Nakatanaw siya sa kapatagang sinlawak ng laot, habang ang mga uwak ay nangagliliparan sa tuktok ng mga punongkahoy at umikot-ikot bago bumulusok sa mga duklay at humiyaw nang nakaririndi sa kahuyan. Sa likod ng babae’y may isang silid ng tore na sinlamig ng bato sa agaw-liwanag, at umaalunignig nang matinis ang kuliglig sa baak na bato.

Tanging ang mga kalawanging damo ng Taglamig ang naiwan sa kapatagan, tila ba pinatag ng niyebe, at doon sa damuhan ay namuo ang mumunting sanaw. Sa tabi ng tore ay sumasalamin ang tubigan sa pulahang langit ng kanluran, samantalang sa may kalayuan ay nagiging abuhin gaya ng mga ulap. Habang tinatanaw niya ang kapatagan na ang kalangitan ay dumidilim at pinatatahimik ng mga hamog ng gabi, pinakikinggan niya ang paikid na hagdanan kung may lagitik ng mga yabag. Matamang inuulinig niya ang kamay na pipihit ng kandado ng bakal na pinto. Pinakikinggan niya ang kislot ng isang buhay na lawas sa patay na tore.  At wala siyang nasagap kundi ang sitsit ng kuliglig at atungal ng simoy sa mga hungkag na silid sa ibaba.

Humilig siya at ipinatong ang mga siko sa pasamano. Malamig ang pasamano ngunit hindi niya alintana. Hindi niya napansin na ang duguang langit ay pumusyaw sa sanaw sa damuhan, ni ang kapatagang dating sinlawak ng laot ay puminid ngayon. At hindi niya napansin ang pananahimik ng mga uwak.

Dahil iniisip niya ang lalaking dumating isang gabi at itinali ang kaniyang kabayo sa may pintuan, inakyat ang kaniyang silid, at sumiping sa kaniya sa kama—upang pagkaraan ay maglaho bago lumatag ang liwayway. Siya ang lalaking dumating sa kaniya gaya ng unos, at may pananalitang gaya ng habagat na humahalihaw sa kahuyan, at ang mga yakap ay sinindihan ang kaniyang mga panaginip at naghatid ng mainit na sinag ng araw sa kaniyang puso. Siya ang lalaking nag-iwan sa kaniya ng mga marka, na ang kabayo’y kinahig ang lupa sa paanan ng tore. Balisa at di-makatulog, tumitig ang dilag sa magdamag.

Tahimik na nakaupo sa tabi ng bintana ang Malungkot na Pananabik, na ang di-maliparang uwak na kapatagan ng gastadong buhay ay nasa harap ng babae, Malungkot na Pananabik, nagdurusa sa kaniyang gunita, at katulad ng imortal na kabataang katumbas ng kabaliwan ng Pag-asa.

Lumubog na ang araw. At sa palibot ng tore ay gumapang ang kagubatan ng karimlan.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.