Ang Pagkagunaw, bilang Ikatatlumpu’t dalawang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagkagúnaw, bílang Ikátatlúmpû’t dalawáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Maáarìng naísalaysáy na itó ni Solon noóng malasíng siyá sa píling ng kaniyáng músa—makalípas makapáglakbáy sa malalayòng kípot o lupálop; at naisálin sa kaniyáng matálik na kaibígang Dropides, na magsasálin din sa mga anák nitó hanggáng matatapát na kaának, ngúnit pagsápit sa pinakámakulít na kaapú-apúhang si Critias ay durugtungán ang kuwénto hinggíl sa máalamát na poók na ngayón ay inílilíhim na lámang ng mga tangríb, lúmot, taliptíp, at álon. “Maráming kapáhamakán,” wíwikâin ni Critias kay Socrates, “ngúnit pinakámalubhâ ang hatíd ng apóy at túbig!” Dugûán at lupaypáy ang mga salitâ nang pumások sa pándiníg ni Socrates na nag-iíngat noón ng mga gantíng-tanóng nang matiyák ang katotohánan sa Atlántis; at kung hindî man náilahók ni Timaeus sa kaniyáng talâán ang láwak ng salantâ, bukód pa ang mga paglúpig na sinundán ng pagbíhag sa mga káwal úpang gawíng alípin sa pagtátayô ng díke at moóg ay maráhil dáhil na rin sa líhim na kíling ni Platon sa pinápanígang dáloy at diín ng pagkathâ. Ngúnit hindî itó kámukhâ kung anumán ang nakikíta sa Ehipto, áyon pa kay Solon, at hindî pag-áaksayahán ng panahón ng mga kopyadór nina Homer at Hesiod sakalì’t nagtúturò sa mga paslit doón sa Gibraltar. Nagkusà nang lumísan at lumípat sa ibáng pulô ang mga táo; at ang ibáng tumanggíng umalís ay tinanggáp ang kapaláran na magsísimulâ sa lábis na pagkaúhaw gayóng lubóg sa bahâ ang mga kálye sa kabilâ ng mahabàng tág-aráw, hanggáng sa pag-áalagà ng sínat, buláte, at galís na warìng nakakásanáyan ng patpáting katawán. Nagsawà sa matúbig na tanáwin ang mga táo na tíla ba walâ nang pakíalám kung hindî man maligò o magsepílyo. Habàng lumaláon, ang pagkáti ng túbig ay nagíging katumbás ng pribílehiyó at suwérte; ang mga áraw ay dumadáko sa pagsasánay sa pagpapátubò ng hásang at kaliskís. Ang kinálakihán mong pulô ay untî-untîng nalulúnod na hindî máitátatwâ ng métro; sísingháp-singháp ang nakátayákad na aklátan na warìng hindî maáabót ng áhas o ánay; at ang mérkado ng mga pródukto at pananálig ay náidídiktá ng mga salbabída’t bangkâ. Isáng súperbagyó ay sapát na úpang pawìin sa mápa ang mga baláy at bukirín. Mahál mo ang lupàíng iyón, ngunit ang lupàín mo’y tinakpán ng mga dalúyong. Walâ kang báon o muntîng balútan paglíkas; tangìng madádalá mo’y gunità na kung mápadáko man sa Mariláw ay itútulâ ng kahímig ng brúskong tínig ng Pearl Jam. “Sa lupàín ng mga harì,” ibúbulóng sa iyó ng isáng tokáyo ni Critias, “ang pag-áaklás ng mga obréro at anákpáwis ay túngo sa pagpápandáy ng bágong kaayusán at kamalayán!” Madáragdagán pa ang salaysáy na párang pag-uúlit ng kuwénto ni Solon kay Dropides, na tinútuligsâ ang sálinlahì ng mga harì na walâng ginawâ úpang lutasín ang sistémikóng pagbahâ at mga digmâng walâng kapára. Ngúnit bágo pa makapágkuwénto si Dropides sa kaniyáng anák ay púputúlan ng dilà at mga kamáy—alínsúnod sa útos ng kataás-taásan—úpang tuldukán ang alamát ng pagkagúnaw.

Alimbúkad: Epic poetry upheaval across the world. Photo by hitesh choudhary on Pexels.com

Ang Buról, ni William Faulkner

Salin ng “The Hill,” ni William Faulkner ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buról

. . . . . .Maaliwalas na nakabalatay sa langit ang gulód na nasa harapan niya at bahagyang nasa ulunan. Sa tuktok nito’y dumausdos ang hishis ng di-makitang simoy na gaya ng malawak, pantay na tubigan, at pakiwari niya’y aangat ang kaniyang mga paa mula sa daan, at lalangoy paitaas at lalampas sa buról sa pamamagitan ng hanging ito na pumupunô sa kaniyang damit, pinasisikip ang kaniyang kamiseta sa bahagi ng dibdib, pinapagaspas ang maluwag niyang diyaket at pantalon, sinasabukay ang makapal, di-nasusuklay na buhok sa itaas ng kaniyang mataba, tahimik na mukha. Ang mahabang anino ng kaniyang mga binti’y umahon nang paayon at bumagsak, nang kakatwa, sa anyong matamlay na pagsulong, na para bang ang kaniyang katawan ay nabalani ng sumpunging Bathala sa mala-maryonetang gawaing walang saysay sa isang punto, habang ang panahon at búhay ay kagila-gilalas na nagdaan sa kaniya at iniwan siya. Sa wakas, naabot ng kaniyang anino ang tuktok at mabilis na bumagsak doon.

. . . . . .Unang sumilay sa kaniyang paningin ang kasalungat na bunganga ng gulód, na asul at malamig, sa antas ng panghapong araw. Isang puting simbahan ang bumungad sa tanawin, nang pasalungat at parang mga pigura sa panaginip, pagdaka’y sinundan ng mga tuktok ng bahay, pula at lungting kupas at olibong bahagyang nakakubli sa mga sumupling na roble at olmo. Tatlong álamo ang nagpakislap ng mga dahon laban sa abuhing pader na bilad sa araw na nagpakiling sa mga punongkahoy na peras at mansanas sa maringal na babasaging pink at puti; at bagaman walang hangin sa lambak ay halos bumaluktot sa tahimik, di-mapapalagáng hatak ng Abril ang kanilang mga sanga, pagdaka’y huminto at tumuwid muli maliban sa pinilakang ulop ng walang humpay, walang takas na mga dahon. Nahigit ang lambak sa ilalim niya, at ang kaniyang anino, na sumulpot sa malayo, ay bumalatay doon nang tahimik at malaki. Kung saan-saan nanimbang nang alanganin ang hibla ng usok mula sa tsimenea. Humimbing ang nayon, na nagkumot ng kapayapaan at tahimik sa ilalim ng panggabing araw, na waring natulog ito nang isang siglo; naghihintay, na animo’y taglay ang pukyutan ng tuwa at lungkot, sa wakas ng panahon.

. . . . . .Mula sa gulód, ang lambak ay walang tinag na mosayko ng punongkahoy at bahay; matatanaw sa gulód ang maaliwalas na tigang na lupaing tinigmak ng ulan ng tagsibol at winasak ng mga paa ng kabayo at baka, walang tumpok ng abo ng taglamig at kinakalawang na mga lata, walang malalamlam na bakod na natatakpan ng mga gulanit na kabaliwan ng mga ipinaskil na kalibugan at anunsiyo. Wala roong pahiwatig ng pagsisikap, ng mga pagód na banidad, ng ambisyon at pagnanasa, ng natutuyong laway ng relihiyosong kontrobersiya; hindi niya makita na ang kahanga-hangang kapayakan ng mga haligi ng mga hukuman ay pumusyaw at namantsahan ng karaniwang tabako. Sa lambak ay walang pagkilos maliban sa manipis, paikid na usok at tagos sa pusòng halina ng mga álamo, walang tunog maliban sa tantiyadong mahinang alingawngaw ng maso. Ang mabagal, walang datíng na medyokridad ng kaniyang mukha ay pinapangit ng panloob na impulso: ang kahanga-hangang pangangapa ng kaniyang isip. Bumalatay ang dambuhalang anino niya na parang masamang pangitain sa simbahan, at sa isang saglit ay halos magagap niya ang banyaga sa kaniya, ngunit mailap sa kaniya; at dahil walang kamalay-malay na may kung anong gigiba sa mga hadlang ng kaniyang isip at kakausap sa kaniya, wala siyang kamuwang-muwang na iniiwasan siya. Kabuntot niya ang malupit na paggawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, ang tunggalian laban sa mga puwersa ng kalikasan magkaroon lamang ng tinapay at damit at pook na matutulugan, ang tagumpay na matatamo kapalit ng mga himaymay ng katawan at biláng na araw ng kaniyang pag-iral; sa harapan niya’y nakabalatay ang nayon na naging tahanan niya, ang arawang trabahador; at lampas dito ay naghihintay ang panibagong araw ng pagkayod upang magkatinapay at magkadamit at magkaroon ng matutulugan. Sa ganitong paraan niya nilutas ang nakagugulapay na kawalang-halaga ng kaniyang kapalaran, sa pamamagitan ng isip na mahirap mabagabag ng malalabong atas ng kabutihang-asal at paniniwala, natauhan sa wakas dulot ng mahina, malambot na puwersa ng tagsibol sa lambak ng takipsilim.

. . . . . .Tahimik na sumisid ang araw sa likidong lungti ng kanluran at kisapmatang naging anino ang lambak. At habang siya ay pinalalaya ng araw, siya na namuhay at kumayod sa araw, biglang pumayapa ang kaniyang isip na bumalisa sa kaniya sa unang pagkakataon. Dito, sa takipsilim, ang mga nimpa at fawno ay baká magkagulo sa nakatutulig na paghihip sa mga pipa, sa kumakatal at tumataginting na mga símbalo sa mabilis, bulkanikong paghupa sa ilalim ng mataas, malamig na bituin. * * * Naroon sa likuran niya ang walang tinag na lagablab ng dapithapon, at sa harapan niya ay naroon ang kasalungat na bunganga ng lambak sa ibabaw ng nagbabagong kalangitan. Sa ilang sandali ay tumindig siya sa isang panganorin at tumitig pagkaraan sa kabilang panig, lampas sa ibabaw ng mundo ng walang katapusang pagtatrabaho at balisang pagtulog; dalisay, di-magagalaw; at nilimot, para sa espasyo, na siya ay dapat magbalik. * * * Marahan siyang bumaba sa buról.

Alimbúkad: Boundless imagination for humanity. Photo by Nandhu Kumar. No to Chinese occupation of any part of the Philippines. No to Chinese interference in Philippine affairs. No to Chinese spies and sleepers in the Philippines. Yes to freedom. Yes to sovereignty. Yes to Filipino.

Ang Usapan, ni Vladimir Burich

Salin ng “The Dialogue” (Диалог) ni Vladimir Burich ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Usapan

“Saan ninyo nakuha ang mga bangkay?”
“Natagpuan namin sila sa tubigan.”

“Ano ang ginagawa ninyo rito?”
“Nagtatanim kami ng mga minang buto.”

“Ano ang itinatago ninyo sa bunganga?”
“Mga salita.”

“Paalis na ba kayó?”
“Hinihintay kami ng lihim na hukbó.”

Mga Pating ng Greenland, ni Torkilk Morch

Salin ng “Greenland Sharks,” ni Torkilk Mørch ng Greenland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pating ng Greenland

Mababagal ang mga ito, at sumisisid nang napakalalim,
saka inaabatan nang mahúli nang lubos ang ibig. Ang karne
ng pating na ito ay lason. Oo, lason. Ngunit ano ang nagtulak
sa desperadong mangingisda o sa kaniyang kabiyak, na kahit
nasaksihang masawi ang mga kapitbahay, ay nagpatuloy,
at naisip na kung inilaga lámang ang lamán nang ilang ulit,
o marahil kung idinaing yaon at iniluto pagkaraan para kainin
ay makaiiwas sa peligro? Totoo: naisasagawa ang kapuwa
metodo, ngunit ano-ano ang matitinding pangangailangan
para mapilitang gawin ang mapanganib na eksperimento,
tulad ng pagkakamit ng kung anong pambihirang talino?

Mittelbergheim, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Mittelbergheim,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mittelbergheim

Nahihimbing ang alak sa bari-bariles na roble ng Rhine.
Pinukaw ako ng batingaw ng kapilya sa ubasan
Ng Mittelbergheim. Nauulinig ko ang lagitik ng bukál
Na pumapatak sa balón sa bakuran, ang takatak
Ng mga bakya sa lansangan. Nakabilad ang mga tabako
Na nakasabit sa badungan; at ang mga araro’t kariton
At dalisdis ng bundok at taglagas ay nasa aking piling.

Pumikit ako. Huwag mo akong madaliin, o, apoy, lakas,
Gahum, dahil kay-aga pa. Namuhay ako nang maraming
Taon, at sa gaya nitong pananagimpan, ramdam kong
naaabot ang gumagalaw na hanggahan, na nakahihigit
sa kulay at tunog na magiging totoo, at ang mga bagay
sa daigdig na ito ay nagtutugma’t nagkakaisa-isa.
Huwag mo akong piliting buksan ang aking bibig.
Magtiwala at manalig na maisasakatuparan ang gawa.
Hayaan akong magpagala-gala dito sa Mittelbergheim.

Batid kong dapat gawin iyon. Kapiling ko ang taglagas
At mga kariton at ang mga tabako ay pawang nakabitin
Sa bandungan. Dito at saanman lumingon ay bayan ko,
Kahit saan pumihit, at anumang wikang aking naririnig
Ay awit ng paslit at huntahan ng mga magsing-irog.
Higit akong masaya ihambing man sa iba’t nasasagap
Ang sulyap, ang ngiti, ang bituin, ang sutlang kumulot
Sa tuhod. Panatag ako’t nagmamasid habang tinatahak
Ang mga buról na banayad na sinisinagan ng araw
Na nasa ibabaw ng tubigan, lungsod, kalye, kaugalian.

“Sa Ilalim ng Talón,” ni Jerry Martien

Salin ng “Below the Falls,” ni Jerry Martien ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Ilálim ng Talón

para kay Wyn Tucker (1940–1997)

Malálim ang tubigán at gáya ng iyóng lángit
Ay makapág-iisíp kang tagós ang títig mo ríto.

May láyak at banlík sa únang ulán ng talón.
Ang anínag lungtìang paligò ng dáhumpálay.

Doon sa nagtátagpô ang símoy na langháp mo
Ay sumásalamín ang túbig sa iyóng búhay.

Ang malínaw, malambót na balát ay kumíkilapsáw,
nangangatál, at binábalì ang liwánag

Sa kahabàan ng likód ng dumadáloy na láwas
Na nilálanguyán ng maráming katawán sa ibabâ.

Umaálon at tumatáog na tíla ang Maykapál
Ay higít na malálim sa tuód o batóng nasa púsod.

Hindî ang puság ng gaya ng biyâ o malipúto—
Ang dáloy na hindî nagmamadalî’ bagkús panátag.

Tumataás mulâ sa malalakás na labúsaw ng láwas
Hinihíntay ang ulán pára pag-ugnayín ang talón.

Dumaráting nang maráhan ang paglikô,
Dumaráting sa anyô ng laláki at babáe.

Sapát na sariwà para magíng matabâ ang salmón
Na nilutò mo kagabí pára pagsalúhan sa hapúnan.

Sapát ang gúlang pára magíng batóng tinapákan
Mo na mínsang pinákuluán gaya ng pútik.

Naglahò ang kináng-dágat ng laláki.
Hindî ganáp na ílog ang babáe.

Báwat isá’y umaáhon sa lungtîng tisàng álon
Banáyad na gumugúlong at bumábalikwás

Upáng matamó ang anyô nitó
Sa lángit at lupà at sa iyó

At sa iyóng espirítung paningín
At sa iyóng mga matá ng lamán

Doón sa madulás, nalaspág na batuhán
Sa paanán ng talón

Iniíwan nitó ang limbág ng ílog dragón—
Pangá at matá, hásang at palikpík at buntót—

Úpang ipamálas sa kaluluwá mo ang landás
At doón sa báwat mayumìng likông kaydalî

Lumulubóg sa púsod ng lungtîng káilalíman
Ngayóng lalangóy ang pusò mo magpákaílanmán.

Grays Falls, Trinity River

Tatlong tula ni Fazil Husnu Daglarca

salin ng tatlong tula ng Turkong makata na si Fazil Husnu Daglarca.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Higit na matalino sa atin ang tubig

Higit na matalino sa atin ang tubig; maaga nitong natatanaw ang gabi.
Mula sa langit tungo sa dilim ito’y nagbabalik
At kisapmatang naglalaho gaya ng dambuhalang isda
Habang yumayanig ang mga dalisdis sa ilahas nitong ragasa.

Higit na matalino sa atin ang tubig; natutuklas nito ang tuwa
Kahit sa mga punongkahoy,
At hindi sa mga estranghero
Na pinipilit tayong mamuhay nang mapanglaw.

Higit na matalino sa atin ang tubig; hindi ito natutulog,
Bagkus palaging bukás ang paningin sa malaganap na bughaw,
At nakakubli sa lihim ng kamatayan, nag-aabang
Ng pook para sa sariling pag-iral ng buhay.

[“Sular Bizden Akillidir,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Ang Pinatay nating Halimaw

Taglay nito ang mga matang kumikislap sa gabi
At ang pambihira’t labis na tapang.
Ngunit nabibighani tayo nito
Sapagkat nakalalamang ang ating kalagayan.

Huminto tayo sa bunganga ng madilim na yungib
At iniwan ang bato sa paglalakbay.
Matalik sa mga lihim ng mga gabi at gubat,
Pinunit ng anyo at atungal nito ang katahimikan.

Hindi na natin kahawig ang halimaw,
Hindi umiinom ng tubig, ni hindi natitinag,
Hindi ito laging alerto,
At bahagya lamang kung umidlip.

Sadyang kakatwa bagaman labis na karaniwan—
Mula sa mga palamuti nito’y lilikha tayo ng atin
Na singkintab ng malalambot nitong balahibo,
Samantalang sinlamig ng bato ang ating pandama.

Handang harapin nito ang bangis ng pagkubkob,
Na magiging di-mauubos na karne ng tagumpay;
At siya namang sabay-sabay lalamunin
Ng ating mga isip, hilakbot, at kamay.

[ “Öldürdügümüz,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Pagtanaw

Para sa akin, ang bundok
Ay namimighati.
Balisa lamang ako
Ayon naman sa bundok.

Sa tingin
ng bundok,
Ako’y
Nababaliw.

Para sa akin,
Ang bundok
Ay nagugutom.

Ayon sa bundok,
Hindi ako makalapit doon.
Ngunit para sa akin,
Mabibigong makasapit dito
Ang bundok.

[“Göre,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Taya ng Panahon, ni Luis Vicente de Aguinaga

Salin ng “Pronóstico del tiempo” ni Luis Vicente de Aguinaga.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taya ng Panahon

Talos ko ang lihim ng mga bagay.
Hindi ako nabuksan ng mga susi ng kamatayan
O nakipag-usap sa mga anghel o estatwa,
Ngunit nauunawaan ko ang mga sanaw
At ang repleksiyon ng mukha sa gayong tubigan
At iwasang tagurian ang mga ito sa parehong paraan
Dahil hindi matitighaw ang parehong uhaw.

Ang mga sanga ng naranha
Ang mga kamay sa orasan ng prutas.

Bagaman totoo, na hindi ko alam ang lahat
Ng kaso ng mga sanaw at repleksiyon.
Lumilipas ang panahon
Nang wala ako sa tabi, nang walang hinto:
Nauuna sa tubig at sa mga bato
Natutuklasan ko na lamang ang lihim,
Ang mga nasa loob at nasa likod.
Ang ilang bagay, gaya ng nasabi ko:
Alam kong sasablay din ako.
Ang orasan, gaya ng punongkahoy, ay yuyuko,
Pananatilihin ang mga banayad at ilahas.
Sa kabila ng lahat, mag-uusap ang anghel
At ang estatwa, titingala sa langit,
At huhulaan nang kusa,
Ang pagsapit ng ulan, buhawi o kulog.

Tatlong Tula ni James Joyce

Salin ng mga tula ni James Joyce
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SIMOY NG MAYO

Simoy ng Mayo’y sayaw sa dagat,
Sayaw paikot, galak na galak
Kulot sa kulot, habang sa tuktok
Bula’y pahiyas na isusuot.
Sa arkong pilak ng himpapawid,
Ikaw ba, mahal, itong nabatid?
Aba mo ngani, kay-lungkot nito
Paghihip niyong simoy ng Mayo!
Nang lumayo ka’y niyak ang mundo!

DINIG KO ANG HUKBONG PALUSOB SA LARANG

Dinig ko ang hukbong palusob sa larang
At singhal kabayong may ulap sa tuhod:
Itim at maangas ang baluti’t sakay
Ang mga awrigang ang renda’y may poot.

At sisigaw sila sa wika ng digma
Na bangungot ko ang mga halakhak.
At sa panaginip, ang apoy ng diwa’y
Papanday sa pusong maso ang katumbas.

Lungti yaong buhok nang sila’y dumating,
Maingay sa baybay ang pananagumpay.
Mahal, wala ka bang bait at panimdim?
Sinta ko, sinta ko, bakit ka lumisan?

NARIRINIG KO SA BUONG ARAW ANG SALUYSOY

Naririnig ko sa buong araw ang saluysoy
Na umuungol
Matamlay, gaya ng kanaway na lumilipad
Nang nag-iisa
At nakikinig sa monotonong pagpalahaw
nitong tubigan.

Kay-lamig ng hihip ng abong-simoy saanman
ako dumako.
Naririnig ko ang ingay ng laksang tubigan
Sa may ibaba.
Buong araw at gabi, dinig ko’y mga along
Pabalik-balik.

Batanes, Kuha ni Lita Asis-Nero.

Batanes, kuha ni Lita Asis-Nero. 2010.