Pulo ng Tuktok, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Tuktók

Roberto T. Añonuevo

Humahángos ang laksâ-laksâng táo na warìng hinahábol ng mga bála at mísil, ni hindî alíntanà kung mawalâ kung saán ang sapátos o tsinélas. Lumulúkob sa kanilá ang úsok, dágim, at alikabók na párang nágbabáwal sa sinúman na lumangháp ng sariwàng símoy. Ngumángawâ ang mga batà, at sumísigáw ang mga luhà ng matátandâ na ni hindî makábigkás ng katagâ. Iníwan nilá at mulî’t mulîng iíwan ang kaní-kaniláng báhay, mágtatagò sa mga líhim na búnker ngúnit tatákas pagdáka úpang humimpíl pánsamántalá sa simbáhan o páaralán o ospitál, gagawíng agáhan ang lagím ng pulbúra o láson at pagsápit ng takípsílim ay magháhapúnan ng dasál o poót lában sa puwérsang nang-aágaw ng pangálan at lupaín, nagkákaít ng pagkilála at pagkáin, nágbuburá ng kasaysáyan o katwíran pára mabúhay. Itó ang matútunghayán mo kapág pinálad na makádaóng sa Pulô ng Tuktók. Doón, ang mga táo ay itínutúring na hindî táo bagkús numéro, itinátalâ sa estadístika ng mga sanggól at bakwét, binibílang na nasawî o sugatán sa  loób ng pupugák-pugák na ambúlansíya, malímit sinusúma bílang rebélde o terorísta o kaáway na tinútumbasán ng bilíbid o embárgo, ngúnit hindî kailánman itutúring na kapatíd o kaibígan. Sapagkát sa Pulô ng Tuktók ay nangíngibábaw ang ideolohíya at lahì, at ang mga dî-kapanálig ay nararápat na itabóy sa pamámagítan ng batás o armás o síning o aghám. Iisá ang pananálig na dápat manaíg, wiwikàin ng mga balità at opinyón sa mga páhayagán. Nabibílog ang úlo ng pilîng lahì sa Pulô ng Tuktók, na pára bang iisá lang ang karápat-dápat na magíng anák ng Maykapál, nabibílog gáya ng bólang kristál ng mga demagógong henerál at demonyóng politíko, na kinákampihán namán ng ibá pang máykapángyaríhan mulâ sa ibá’t ibáng kakampíng pulô. Ang nakapágtataká’y hindî maúbos-úbos ang mga bakwét at refúhiyado. Ang sinúmang mautás sa kanilá’y isisílang pagkáraán ng tadhanà bílang bayáni o martír, na mabúbuwísit sa tinamóng abàng kalagáyan at tatanggí na magíng paláboy ng karáhasán hábambúhay. Háharapín niyá ang dambúhalàng tangké at púpukulín ng bató na nakabálot sa tulâ, walâng tákot kung tutúkan man ng ríple o armaláyt, sapagkát álam niyáng paúlit-úlit siyáng mabubúhay hanggá’t may pang-estádong pándarahás na ginágatúngan ng pangáral ng Sagrádong Aklát at sarádong útak. Sa Pulô ng Tuktók, mawáwalâ ang íyong tákot o pangambá umulán man ng mga bála o granáda sa sandalîng hanápin mo at matagpûan ang minámahál mo. Sapagkát makákapíling mo roón ang mga táo na isinílang sa digmâan at yumayáo nang dilát sa digmâan, ang mga táo na gáya mo’y lunggatî ang kapáyapàan. Báwat salínlahì nilá’y may saríling salaysáy hinggíl sa ubusán ng lahì at pataásan ng ihì, na hindî man maísaaklát (dáhil ipinágbabáwal) ay isasálin nang isasálin na párang agímat sa mga bibíg na magsasálin sa ibá pang bibíg úpang mariníg at pakinggán at damhín ng daigdíg. Itúturò sa iyó ng mga táo, tawágin man siláng bakwét o refúhiyado, na ang sakít ng kalingkíngan ay sakít ng katawán at hindî guníguní lamang—na hindî malúlutás sa pagpútol ng matálas na guntíng o sa paghiwà ng sagrádong patalím. Ang pangwakás na digmâan ay nasá Pulô ng Tuktók, at doón, líliwaywáy sa iyóng kamálayán ang wagás, ang rubdób na higít sa saríli at sa músa mong iniírog.

Alimbúkad: No to war. No to occupation. Yes to humanity. Yes to poetry. Yes to poetry solidarity against intolerance, racism, and injustice. Photo by Tobias Bju00f8rkli on Pexels.com

Mga Tulang Tuluyan ni Ridvan Dibra

salin ng mga tulang tuluyan ni Ridvan Dibra mula sa wikang Albanian, at batay sa saling Ingles ni Robert Elsie.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAG-IBIG NG MGA ALAKDAN

Taliwas sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na pawang nagtataglay ng lason sa kanilang bibig, ang mga alakdan ay nagtatago ng kamandag sa dulo ng buntot, na nagpapahiwatig na hindi yaon maituturing na lubos na responsable sa mga maibubunga ng lason, gaya ng hindi ganap na responsable ang mga tsuper sa mga aksidenteng sanhi ng likurang gulong ng kanilang sasakyan.

Hindi ba ito magandang dahilan para igalang ang mga alakdan kung ihahambing sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na nagtataglay ng lason sa kanilang mga bibig?

TAKIPSILIM

Taliwas sa gawi ng mga hayop na malamyang tumutugon sa mga takipsilim, mga reaksiyon na samot-sari ang anyo at paraan, halimbawa na ang pagsulak ng silakbo sa pakikipagtalik o pagkiling sa pagpapaamo ng kanilang ilahas na kalikasan, na pawang salungat sa mga hayop na nakararanas ng mahihiwagang sandali gaya sa pasibong paglubog ng araw, ang sangkatauhan ay unti-unting nagiging walang pakialam sa gayon, nang hindi ganap na kumbinsido kung ang pagkawalang pakialam ay nadidiktahan o pakunwari lamang, bagaman nakatitiyak ito na ang mga takipsilim ay magpapatuloy sa regular na pagsapit kahit walang pakialam ang tao.

MGA TALUKTOK

Kinakailangan ang matinding buhos ng niyebe at ang pagkalupig ng lahat ng bagay sa makinis na unipormidad para mapansin ng mga tao ang mga taluktok ng bundok.

GRABA

Malungkot na kumikiskis ang mga graba sa aking talampakan: maputi, makinis, wari bang mga diwain ng utak ng kung sinong mababaw na nilalang, at pagdaka, ang buról ay mananatiling nakabukod sa tabi nito, na natitilamsikan ng tubig mula sa ilog.

Naaawa ako sa buról.

Naaawa ang buról sa mga graba.

Ano naman ang tingin mo?

BALÁT NG AHAS

Naghunos ng balát ang ahas, at isinampay ang balát sa sanga ng punong mansanas, saka gumapang nang malaya kung saan.

Napagawi ang tumánggong sa punongkahoy, inamoy ang balát, at nabatid na walang halaga ang balát ng ulupong.

Narinig ng lobo ang pagaspas ng balát ng ahas na nakasampay, ngunit tinalikdan yaon dahil wala iyong dugo.

Kinuha ng tao ang pinaghunusang balát ng ahas at itinahi iyon sa pares na glab para kaniyang kulay-liryo at inosenteng mga kamay.

Alakdan

Alakdan, larawan mula sa artsibo ng Project Gutenberg