Kaibigan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaibigan

Roberto T. Añonuevo

Dumarami sila, gaya sa bisperas ng pista, at magpapakilala, sakâ makíkipágsayá, habang ikaw ang bumabangkâ, ngunit biglang maglalahò kapag sumapit ka at tumindig o umupo sa gilid sa bangin. Hindi nila mauunawaan ang rikit ng panginorin, bagkus malululà sa panganib ng bato o alon na sasalo sa kanila sa kailaliman. Ikakatwiran nila ang kanilang seguridad, trabaho, pangalan, pamilya, at kung ano-ano pang bagay—iiwas sa iyong anyong sumasalungat sa agos na karaniwan—at hindi mo alam kung karapat-dapat sila sa taguring ibig. Ano ang kaibig-ibig sa kanila, at pagtalikod mo’y bumubukad ang kani-kanilang bibig upang magbunyag ng pangil, kamandag, o dilang lumalatay hanggang iyong anino? Mababait sila kung ikaw ay may silbi sa kanila, at iyan ang katotohanang ipagugunita ng iyong laptop o selfon. Masusubok sila sa alak o papel, at masusubok ang kanilang balak o koneksiyon, hanggang sa madamong lupaing kinatatayuan mo. Mabilis silang mapawi gaya ng usok mula sa kusina o sigâ, kapag dumarating ang maiitim na tsismis o balita. Ngunit ang totoo sa kanila’y hindi nang-iiwan, itaga mo sa bato, at hindi nangangambang maulingan ang mukha pagtabi sa iyo; o malangisan ang kamay, maghugas man siya ng kaserola’t pinggan, o kaya’y maghigpit ng lumuwag na tornilyo sa iyong pilipisan.

Stop illegal arrest. No to arbitrary detention.

 

Advertisements

Sa Barangay ng Makata, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Barangay ng Makata

Roberto T. Añonuevo

Pumikit ang araw nang sanlibong taon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at nang dumilat ka,
ang tula ni José Corazón de Jesús ay lumalakad sa tubig—
na mula sa walang kamatayang

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . matang-tubig ng iyong ama,
at naglalagos na sariwang hangin sa mga rehas ng bilibid.

Pulis Reporter, ni Roberto T. Añonuevo

Pulis Reporter

Roberto T. Añonuevo

Sumasaksi ka sa bagay na hindi mo naman nakita.
Sumasaksi sa pangyayaring pabor sa pulis patola.
Sumasaksi ka na parang ikaw ang siyang nakadroga,
Sumasaksi sa mga bulaan ang hulagway at lohika.
Sumasaksi ka gaya ng kasapakat na barangay kagawad,
Sumasaksi para tunghayan ang ebidensiyang huwad.
Sumasaksi ka sa suspek na ni hindi pa nalilitis,
Sumasaksi ka para siya’y kondenahin agad ng madla
At nang hindi na pumalag sa mga ibig ng alagad.
Sumasaksi ka ngunit hindi nagtatanong, nagsisiyasat,
Sumasaksi ka sa pabrika ng mga palsipikadong ulat.
Sumasaksi ka nang maikubli ang bugbog at banat;
Sumasaksi ka para maanggihan ng suhol ng tulak.
Sumasaksi ka gayong kasumpa-sumpang magsulat,
Sumasaksi ka para sa mga pagtatakip sa mga alat.
Sumasaksi ka, sapagkat nakasanayan ang trabahong
Medya-midya, sapagkat ganyan ang iyong midya-medya.

Patola, ni Roberto T. Añonuevo

Patola

Roberto T. Añonuevo

Kakainin ka nang múra, o tatanda para maging espongha.
Dahil alam ang batas ng mundo, lumulusog ka sa hardin
ng seguridad, at gumagapang na baging para sakmalin
ang bakod o poste o trelis na magbubunyag ng lakas.
Kinakatas sa iyong mga buto ang langis, at tanghalian
ng kambing o hito ang anumang tirang sapal o himaymay.
Pahahalagahan ka ng imperyo, at isasama sa paliligo.
Sabik ka sa suplay ng liwanag at sabik sa suplay ng tubig,
at waring ibig daigin kahit ang pinakamatigas na punò.
Makikilala ka sa mga palengke, at iisipin ang mga pulis—
mahabang tarugo na sapilitang pumapasok sa ibang puri,
o kung hindi’y pamalo ng berdugo na hepe ang pumupuri.

“Felicidad,” ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

.  .  .  .  .  .  . Hindi ko alam na ang mga salita sa kabilang mesa ay makabubuwag ng moog sa aking alaala: mga gusaling gumuho, bangkay na nilalangaw sa kalye, at paslit na tumatakbo nang walang saplot bagkus pulos galos at poot habang nagpapakulog ang helikopter. Posibleng dumanas din siya ng digmaan, gaya ng Tausug, sapagkat paano niyang maisasalaysay ang patalim mula sa kaibigang putik, ang putik na sa akin ipinukol, at putik na nagiging kumunoy ng paglimot noong mahahaba ang tag-ulan? Hindi niya kailangan ang armalayt; sapat na ang kaniyang wikang waring nagmula sa naglahong lipi, na iibigin ang malipol kaysa maging alipin, o kaya’y magsisikap magsalaysay gaya ng binukot o babaylan kahit nakahiga. Tumatawid sa aking mesa ang kaniyang dalamhati na parang konsiyerto, ngunit sa isang iglap, ang mga salita niya ay waring nakalampas sa di-maliparang disyerto, sumakay marahil sa raketsip kung hindi man kalapati, at ngayon ay tumataginting sa aking pandinig. Isa ba siyang pitho para hulaan ang aking kapalaran? Lumulutang ako habang ako’y nakikinig. Hindi ko siya makita, gayong nakikita ng kaniyang mga pangungusap ang aking iniwang lupain, at yumayanig sa akin. Marahil kailangan ang ganitong anyo ng lindol: nakaupo kang mag-isa sa isang sulok, nagkakape, at hindi makaiwas sa estrangherang himig. Lumalakad sa aking mesa ang kaniyang mga katagang magnetiko. Ang kaniyang daigdig ay marahil daigdig din sa iba pang uniberso, naisip ko, samantalang lumilihis sa batas ng panahon at espasyo at bagay upang sumapit sa akin. Kung ang sandaling ito ang ginhawa, samahan ako kahit saglit, hindi ka man magpakilala.

Ang Paglalakbay

Magkabilang pader ng mga nitso ang nagpapaunawa sa kaniya ng sariwang hininga. Mga sisidlan ng mga pangalan, petsa, at lugar ang tila nagsasabing, “Heto ang direktoryo. Naliligaw ka ba?” Unti-unti niyang mararamdaman ang kilabot sa kung anong simoy, sa kung anong sinag, ngunit gaya ng nakagawian ay mapapailing lamang siya sa gumagapang na lamig sa kaniyang katauhan. Kabesado ng kaniyang mga paa ang landas pakanan, saka didiretso, at kakaliwa bago umabot sa sukdulan ng hanggahan ng matatangkad na pader. San Marcos, numero nuwebe.

SEMENTERYO, kuhang retrato ni Bobby Añonuevo

SEMENTERYO, kuhang retrato ni Bobby Añonuevo

Ano ang dapat katakutan sa kamatayan, bulong niya, kung may puntod ka sa alaala na dadalawin mo nang may pananabik? 

Mapapaupo siya sa lilim ng kisameng may mga nitso ring nakapaibabaw. Maririnig niya ang mga kaluskos ng paslit na naglalaro, ang matandang sumasaway sa huntahan, at isang nanggagalaiting tahol ng aso ang sisingit para ipagunita ang oras. May dalawang munting pasô na tinirikan ng mga rosas ang mapapansin niya sa isang nitsong nakalagda ang mga pangalang pamilyar sa kaniya. Ilalabas niya sa balutan ang apat na puting bilugang kandila, at sa isang panalangin ay iimbulog siya sa bagong daigdig.

Matagal nang huminto ang kaniyang daigdig. Ngunit hindi na ngayon, at hindi niya maipaliwanag kung bakit. Ang kakatwa’y marahang sumilay sa kaniyang noo ang lola na nagbibigay ng sapin-sapin o turumpo sa isang paslit, at ang lolo na mahilig magpabunot ng puting buhok na katumbas ng isang kusing. Magbabalik sa kaniya ang halakhakan, ang pagkatuwa na parang peregrinasyon sa Antipolo at pamimili ng pares ng mayang de-kolor o kaya’y ng pasalubong na suman o kasoy. Kakargahin ang bata sakali’t mapagod, at sa matimyas na sulyap ay maglalakad sila nang di-alintana ang pagod.

Nagbabalik siya sa mga kalansay ng loob, at ang mga alabok sa kaniyang mga paa ay anu’t kumikislot, tumitibok-tibok. “Kumusta na, iho?” Natatandaan niya ang gayong pagbati. “Kumain ka na ba?” Tutugon siya hindi na bilang paslit, bagkus bilang tigulang na humaharap sa tadhana. Uusalin niya ang panalanging waring ambon sa panginorin, at kumulimlim man ngayong araw ay makikita niya ang hantungan sa kabila ng mga pader. Masikip na ang sementeryo, aniya, at napakaluwag ng Pasig para sa sinumang naghahanap ng bagong bangka, nakagawiang tawiran, at sinaunang tagasagwan.

Sagutang talinghaga hinggil sa lupa

Ang Sabi ng Matatanda

Mag-aaway, gaya ng mga ilahás na hayop, ang magkakapatid dahil sa pamanang lupain ng kanilang mga ninuno. Itatakda ng batas, agham, at wika ang katwiran ng matatangkad na pader, at ang halaga ng lunggating teritoryal. Lingid sa mga sakim at hangal, ang lupang kanilang pinag-aawayan ay ang lupa ring tatabon sa kanila sa oras ng kamatayan.

(2 Agosto 2005)

♦ ♦ ♦

Ang Sabi ng mga Bata

Panginorin sa takipsilim.

Panginorin sa takipsilim.

Bahagi ng pag-iral ang pag-aaway. Kung walang galos, paanong mauunawaan ang bighani ng kirot o luwalhati? Kung walang dadanak na dugo, paano maitatala ng utak ang pag-iwas sa nanà o paggamot sa sugat? Pinapaslang kahit ang sariling ama, at ipinatatapon sa malayong lupain kahit ang sariling ina. Iisa ang lupain. Nagkakaiba lamang kung paano natin ito lalandasin o lalayagin o liliparin.

(8 Abril 2007)

Hiwaga

SIMBAHAN, kuhang larawan ni Bobby Añonuevo.

SIMBAHAN, kuhang larawan ni Bobby Añonuevo.

Sasapit ka bilang sumisikip na lalamunan, at mauunawaan mo ang Maykapal.

Makalilimot ang Maykapal sa Kaniyang kaakuhan, at matatagpuan ang sarili sa kaloob-looban mo. Maaaring Siya’y naaawà sa iyo, dahil sino’ng kumakatok ang hindi pagbubuksan? Sino’ng tumatawag ang hindi pakikinggan?

Wiwikain ng Maykapal ang lahat ng iyong panalangin.

Masisiyahan ka sa pananahimik.

At ang iyong pananahimik ay lolobo nang lolobo, gaya ng iyong leeg, panga, ilong, pisngi.

Ipagdarasal ka ng Maykapal. Manginginig ang Maykapal sa Kaniyang pagdarasal sa kung anong kawalan upang matupad ang Kaniyang hiling na maghilom ang iyong sugat na maaaring katagang di-mabigkas o kung nabigkas man ay inusal nang may pagtampalasan at paglibak sa matatanda noong mga gabing nalasing ka sa alak, dilag, sugal.

Tutuparin mo ang panalangin ng Maykapal.

Tutuparin mo ang panalangin ng Maykapal na kahanga-hangang kapilas mo.

Maghihilom kahit ang talamak mong loob. Maglalaho ang iyong kanser.

Matutuwa ang iyong Panginoon.

Magtitika Siya, tulad ng milyon-milyong deboto na nagtika sa kasalanan ng daigdig, at ibabandila ang kagila-gilalas na himala.

At sa oras na hinarap mo ang iyong Panginoon, Siya at ikaw ay muling magpapalit ng tungkulin at pangalan.

Siya ang Lalang. Ikaw ang kaniyang Maykapal.

Maghihiwalay kayo ng landas. Hindi ka na muling lilingon pa. At maririnig ng iyong laláng ang malulutong mong sigaw, ang dumaragundong mong halakhak, ang lumalagapak mong palakpak, habang lumalakad kang papalayô—papalayô nang papalayô—mula sa kaniyang kinatatayuan.

Ang Dakilàng Makatà

José Corazón de Jesús

José Corazón de Jesús

Maálinsángan ngúnit nánanabík ang buông plása nang gabíng iyón. Nagsimulâ nang magtípon-típon ang mga táo. Nagháhabulán ang iláng batàng uhugin paikót sa mga kawáyang upúan. May limá o ánim na dalágang naghuhuntahan, hábang nágpapaypáy, sa tabí ng póste ng koryénte. Samantála, ang mga  binatà’y nagsimulâng umáwit ng kundíman, at tíla nagpápalipád-hángin. May mga tindérang naglalakò ng kakanín, tabáko, ngangà, tinápay, at ibá pang bágay sa halagáng isá o dalawáng kusíng. Hábang lumaláon,  lumakás nang lumakás ang lagitík ng mga bakyâ sa loób ng plása. At ang gabí’y may kung anóng kutítap pára sa bituíng pandangál.

Mayá-mayá pa’y dumatíng ang kalésa na hinihíntay ng lahát.

Bumabâ sa sasakyán si José Corazón de Jesús na nakabaròng Tagálog na yarì sa husì, at binagayan ng putîng pantalón at sapátos na putî. Pinagkáguluhán si Huséng Batutè—ang paláyaw ng makatà—ng mga dalága, at humintô ang awítan ng mga binatà. May tatló o ápat na laláking umalálay sa nasábing makatà paakyát sa entabládo. Magálang na bumatì si Huséng Batutè sa mga táo, at tinugón namán siyá ng mga sigáw, paswít at palakpák. At nang siyá’y magsimulâng tumulâ nang maálab, lálong napaíbig ang mga binibíni. Humangà ang mga kabatáan. Nápailíng ang alkálde’t kapitán. Natigalgál ang kúra paróko’t napápalakpák ang matatandâ’t batàng matiím na nakíkiníg. 

Kumálat ang sarì-sarìng opinyón úkol sa nasábing makatà, makaraáng bigkasín niyá ang mga tulâ ng pag-íbig at pagbabalík. May iláng napaluhà at naantíg. At may iláng natuwâ, hábang ang ibá namán ay nainís, sa mga usápang walâng kaugnáyan sa pánitikán o tulâ. Lumagánap din ang ibá’t ibáng puná, balità o tsísmis, na pawáng nagpatingkád sa alamát at gayúma ni Huséng Batutè. Ngúnit may iláng nayamót, at nainggít. “Síno ba iyáng binatà?” usig ng isáng dáyong nagpakilálang si Alejandro. “Nawá’y si Huséng Batutè’y hindî multó lámang niná Huséng Sísiw at Balagtás!”