KisapRoberto T. Añonuevo
Pulgas na kumakain sa balintataw,
isang tasang tsaa,
at sa ibabaw ng mga aklat
ay napakahaba ng umaga——
ang kapalaran ng aking salamin.
Lumalago ang baging sa paningin;
ang tatlong oras
ay tatlong siglo
at mabilis mabubusóg ang pulgas
upang matulog sa loob ng talukap.
Marahil, ang halimuyak ng tsaa
at ang usok mula sa tasa
ay pangarap din ng ibang balintataw,
at kung hindi súnog sa kagubatan
ay isang sigâ sa masukal na bakuran.
At ikaw, minamahal kong Salita,
ang poot ng mga lagas na dahon
sa kumukunat na panimdim——
habang naliligo sa mga luha ko
ang pulgas sa aking balintataw.
Alimbúkad: Poetry imagination alone. Photo by Arnie Chou on Pexels.com
Salin ng “Midnight Turning Point,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoPaghahatinggabi
Matamang nagmamasid ang hantik, at tumitig
sa kawalan. Ni walang maririnig kundi mga patak
mula sa kulimlim ng mga dahon
at malalalim na hilik ng gabi
sa lambak ng tag-araw.
Nakatindig ang abeto gaya ng kamay ng orasan,
matinik. Kumikislap ang langgam sa anino ng buról.
Humuni ang ibon! Sa wakas, marahang gumulong
ang kulumpon ng ulap.
Alimbúkad: World poetry ecstasy money can’t buy. Photo by Rudolf Kirchner on Pexels.com
Salin ng “Genealogy of Bombshells,” ni Ektor Kaknavatos
[alyas ni Yorgοs Kontoyorgis] ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoHenealohiya ng mga Bomba(para kay G. Savvas Michail)
Hindi ako ang dahilan kayâ sinalakay
ng apoy ang punong pino
at pinigtal ang mga tainga
ng araw.
Hayaang magyabang ang mga bomba
kung bumuhos man tulad ng ulan
at mapawi nang ganap
ang kabunyian ng mga punong dayap
yamang taglagas ng Oktubre
ang tanging nakikinig: ang mga bomba
ay hinango mula sa panganib
at kalabog ng rebolusyon,
at hinagad ang alpabeto.
Alimbúkad: Online poetry translation eruption for humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com
Salin ng “Von allen Werken,” ni Bertolt Brecht ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoSa Lahat ng Gawa ng Tao
Sa lahat ng gawa ng tao’y pinakaibig ko
Ang mga bagay na dati nang ginamit.
Ang mga tansong kalderong may kupî at nasapad ang gilid,
Ang mga kutsilyo at tenedor na ang mga tatangnan
Ay nalaspag ng maraming kamay: ang gayong anyo
Para sa akin ang pinakadakila. Gayundin ang mga láha
Sa palibot ng matatandang bahay
Na niyapakan ng maraming paa, at nangapagal
At tinubuan ng mga damo ang mga pagitan:
Lahat ng ito ay likhang kasiya-siya.
Ipinaloob upang magsilbi sa marami,
At malimit binabago, ang mga ito’y pinahuhusay
ang angking hugis, at nagiging mahal habang tumatagal
Dahil palagi yaong pinahahalagahan.
Kahit ang mga baság na piyesa ng eskultura
Na putól ang mga kamay ay itinatangi ko. Para sa akin,
Buháy ang mga ito. Naibagsak man yaon ngunit binuhat din.
Binaklas ang mga ito, ngunit nakatitindig nang marangal.
Ang mga halos gibang gusali’y muling nagsasaanyo
Ng mga gusaling naghihintay na ganap maisaayos
At lubos na pinagplanuhan: ang mga pinong proporsiyon
Nito’y mahuhulaan agad, ngunit kinakailangan pa rin
Ng ating pag-unawa. Kasabay din nito’y
Nakapagsilbi na ang mga bagay na ito, at nanaig sa hirap.
Lahat ng ito
Ay ikinalulugod ko.
Alimbúkad: World poetry beautiful. Photo by Mike on Pexels.com
Mahal(para kay Maribeth)
Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
Sino akong nilalang upang hindi humangà?
Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál.
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.
Salin ng “Dover Beach,” ni Matthew Arnold ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoBaybay Dover
Panatag ang dagat ngayong gabi.
Malakas ang táog, mabining nakahimlay ang buwan
Sa mga kipot; sa baybaying Frances, kumukutitap
Ang liwanag at naglalaho; matitikas ang buról ng England,
Kumikislap at napakalawak, doon sa kalmanteng look.
Dumungaw sa bintana. Kay sarap ng simoy-gabi!
Gayunman, mula sa mahabang linya ng sabukay
Na ang dagat ay lumalapit sa lupang sablay ang buwan,
Makinig! Titiisin mo roon ang nakangingilong atungal
Ng mga grabang itinataboy ng mga alon, at ipinupukol.
Sa pagbabalik ng mga alon, doon sa kinapadparan,
Nagsisimula, at humihinto, at magsisimula muli,
Sa mabagal na kumakatal na indayog, ang paghahatid
Ng eternal na nota ng kalungkutan.
Narinig ito ni Sopokles noong unang panahon
Doon sa laot ng Egeo, at pumasok sa kaniyang isip
Ang labusaw ng táog at káti
Ng mga gahamang tao; natuklasan din natin
Sa pamamagitan ng tunog ang kaisipan,
At narinig yaon sa malayong panig ng hilagang dagat.
Ang Dagat ng Pananampalataya’y
Minsan ding sukdulan, at ang pasigan ng mundong bilog
Ay nakalatag gaya ng pileges sa puting bilot na bigkis.
Ngunit ngayon ang tangi kong naririnig
Ay hinaing nito, ang mahaba, lumalayong atungal,
Umuurong, kasabay ng buga ng hininga
Ng simoy-gabi, pababa sa malawak na gilid na malamlam
At lastag na bulutong ng daigdig.
Ay, mahal, maging totoo nawa tayo
Sa isa’t isa! Yamang ang daigdig, na wari’y
Lumiliwanag sa atin tulad ng lupain ng mga pangarap,
Iba-iba, napakasariwa, napakaganda,
Ay sadyang salát sa tuwa, ni layaw o kaya’y gaan,
Walang katiyakan, walang kapayapaan, ni gamot sa kirot;
At narito tayo na parang nasa dumidilim na kapatagan,
Nalulunod sa pagkabahalang tuliro sa pakikibaka at pagtakas
Na kinaroroonan ng mga gagong hukbong nagtatagis sa gabi.
Alimbúkad: Poetry translation challenge for a better Filipino. Photo by Anand Dandekar on Pexels.com
Salin ng ikalabindalawang yugto ng “La voz a ti debida”
ni Pedro Salinas ng España / Spain
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoAng Tinig na Hiram Ko sa Iyo
12
Hindi kailangan ang panahon
upang mabatid ang kahawig mo:
Magkakilala tayo gaya ng kidlat.
Sino ang susubok na maarok ka
sa mga salitang hindi sinasabi
o kaya’y pinipigil mong sabihin?
Sinumang naghahanap sa búhay
na isinasabuhay mo ngayon ay taglay
ang mga alusyon hinggil sa iyo,
ang mga palusot na kinukublihan mo.
Ang bumuntot sa iyo sa lahat
ng nagawa mo na, ang magdagdag
ng kilos para makuhang ngumiti,
ng mga taon sa mga pangalan,
ay paglapit para mawala ka. Hindi ako.
Dumating ako sa iyo na bagyo.
Nakilala kita, nang kay bilis,
noong brutal na napupunit
ang takipsilim at liwanag,
na ang lalim na tumatakas
sa araw at gabi ay nabubunyag.
Nakita kita’t nakita ako, at ngayon,
hubad sa lahat ng walang katiyakan,
ng kasaysayan, ng nakalipas,
ikaw, amasonang sakay ng kidlat,
pumipitlag ngayon mula sa hindi
inaasahang pagdating,
napakasinauna ka para sa akin,
kilala na kita nang napakatagal;
na nakapipikit ako sa iyong pag-ibig,
at nakalalakad nang tama at ligtas
sa pagkabulag ko; walang may ibig
sa gayong mabagal, tiyak na sinag
na alam ng mga tao ang kahihinatnan
ng mga titik, anyo, at pigura,
at naniniwala na kilala ka nila,
kung sino ka, ang aking tagabulag.
Alimbúkad: Ultra-passionate poetry beyond your textbook. Photo by Dave Morgan on Pexels.com
Salin ng tula ni Miyazawa Kenji ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoPag-ibig at Lagnat
Napakaitim ng noo ko ngayon;
hindi ako makatingin nang tuwid sa mga uwak.
Ang aking kapatid, na sa sandaling ito’y
nasa malamig, malamlam, malatansong silid,
ay tinutupok ng malinaw, malarosas na apoy.
Totoo, kapatid,
randam na ramdam ko ang panlulumo, pasakit,
kayâ hindi na ako pipitas ng mga bulaklak
ng lumanay, at pupunta pa riyan.
Alimbúkad: World poetry translation upheaval at the heart of Filipinas. Photo by Maria Orlova on Pexels.com
Salin ng “Theories of Time and Space,” ni Natasha Trethewey ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoMga Teorya sa Panahon at Espasyo
Makararating ka roon mula rito, bagaman hindi na makauuwi ng bahay.
Saanman magtungo ay pook na hindi pa naaabot. Subukin ito:
Dumako patimog sa Mississippi 49, bawat milyang paskil ang lalagas
sa bawat minuto ng buhay mo. Sundin ang likas nitong wakas——
ang dulo
sa baybayin, ang piyer sa Gulfport na ang mga lubid ng mga bangka
sa panghuhuli ng hipon ay maluluwag na tahi
sa langit na nagbabadya ng ulan. Tumawid sa dalampasigang yari ng tao,
26 milya ng buhangin
na itinambak sa latian ng bakawanؙ——na inilibing na lupain ng nakaraan.
Dalhin lámang ang makakáya——ang aklat ng gunita na panaka-nakang
blangko ang ilang pahina. Sa daungan na may bangkang
maghahatid sa Ship Island, may isang kukuha ng iyong retrato:
ang retrato——na anyo mo noon——
ay maghihintay kapag ikaw ay nagbalik.
Alimbúkad: Poetry translation upheaval at the heart of Filipinas. Photo by Todd Trapani on Pexels.com
Salin ng “Catástrofe,” ni María Negroni ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoKapahamakan
Sumiksik tayo sa dambuhalang bodega upang hintayin
ang repetisyon. Nabuhay muli tayo para dito. Ang unang
kamatayan ay kaparusahan sa atin dahil nilibak
ang mangkukulam, ang huklubang gusgusing bruha.
Nangibabaw ang ating halakhak sa buong magdamag
at pagkaraan, nagkaroon ng kapahamakan, at bumuka ang
lupa at nilamon ang lahat. Bumangon tayo sa kamatayan
upang isabuhay ang kamatayan, at iyon ang sanhi kayâ
naririto tayo. Ngunit may isang tao na iba ang naisip:
Aniya’y may kung anong mga hibla ang makapagliligtas
sa atin. Hindi na tayo ngayon muling humahalakhak,
nanánatilì tayong umid, at halos napakagalang. Wala tayo
kundi isang tanikala ng mga lalaking humahawak sa bulawang
lubid gaya sa prusisyon ng mga nangalunod. Habang
tumatakbo ang oras, nagpapatuloy tayo sa paglalakad.
Alimbúkad: World-class poetry, world-class translation. Photo by Chavdar Lungov on Pexels.com