Ang Paglilingkod, ni Roberto T. Añonuevo

Páglilingkód

Roberto T. Añonuevo

Kay saráp pakinggán ang páglilingkód, ngúnit magsísimulâ iyón kapág nahigtán mo ang saríli. Bágo maglingkód, naiísip mo rin ba kung ginagámit ka lámang ng ibá at kung bákit kailángang maglingkód? Kapág tinurùan mong mamingwít ng isdâ ang isáng táo, nakakíta na ba siyá ng isdâ sa dágat ng buhángin? Kung takót sa túbig ang tinúturùan mo, hindî ba kailángang mabatíd múna niyá ang ugát ng kaniyang fóbya gaya sa túbig, o kaya’y kung paáno uminóm ng túbig? Mínsan, adélantádo ang páglilingkód, na warìng mangmáng ang dápat paglíngkurán, at kung síno ang íbig maglingkód ay siyá rin ang mag-uútos kung paáno gagamítin ang ipinámumúdmod na ayúda o subsídyo. Ang páglilingkód, kung hindî nararápat, ay idinídiktáng pagpapátiwakál na isasápusò ng pináglilíngkurán; at malímit, ginagámit itóng katwíran pára sa págtatayô ng pasugálan, resórt, pabríka, at pantalán págkaraán ng delúbyo o pagkáabó ng gúbat. Ang páglilingkód, kapág tinúmbasán ng medyókridád, ay mangánganák ng kabúlukán sa kalúluwá’t lamán, kung hindî man sa kabáng-yáman. Ang páglilingkód, kapág nabigòng tumbasán ng malasákit at bisyón, ay hagupít sa kabáyo ngunit kutséro ang mararátay. Ang páglilingkód, sa mábulaklák na panayám, ay párang harìng náhihimbíng sa loób ng kulambô hábang ang buông kapulûan niya’y sinásalákay ng sálot at taggutóm at armáda ng mga dayúhan. Ang páglilingkód ay pághahayág ng págmamahál sa báyan, o paghalík sa watáwat, ngúnit disímuládong pagpapátumbá sa mga kúlang-pálad at reklámadór ng lipúnan. Ang páglilingkód ay banidóso kung mangáral, umáakyát sa púlpito na may anyông politíko, at págkaraán, ay hihingì ng abúloy at pasénsiyá sa madlâ ngúnit magbábantulót na humúgot ng salapî sa saríling bulsá. Ang páglilingkód ay pagpapábagsák sa olígarkíya úpang palitán ng kasapákat na olígarkíya. Ang páglilingkód ay kámpo militár na may tóre ng komúnikasyón nang mapábilís ang paníniktík ng banyagàng sandátahán. Ang páglilingkód ay mabúting balità kapalít ng mga anúnsiyó at pamúmuhúnan sa hímpapawíd, o paghímod sa puwít nang mapánatilì ang saríling interés. Sa kabilâ ng lahát, ang páglilingkód ay kusàng lumílihís sa iisáng pananálig o lahì o kapisánan, kung tapát ka sa iyóng inuúsal, at itó ang salitâng humahátak sa lahát túngo sa túnay na bayánihán. Ang páglilingkód ay sapát nang magagáp sa anyô ng maláy na pag-íral—may bagyó man at madilím—bagamán walâ kang útang pagkasílang sa mundóng itó; at anumáng lumábis sa kataúhan mo ay dápat pagsalúhan, hindî lámang ng iilán, bagkús ng sángkataúhan. Humáyo ka, at umíral, at magparámi, kung íbig pangátawánan ang mga salitâ.

Alimbúkad: Poetry archipelagic blues. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mga Pirata, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Piráta

Roberto T. Añonuevo

Mabábalisâ ang dalámpasígan sa hiyáwan mulâ sa Pulô ng mga Mukhâ, at mágtatakíp itó ng paningín sa hulagwáy ng binibíning bumunsód palayô úpang unáhan ang bagyóng papáratíng. Gayúnman, hindî siyá matítigátig, ni magbabáon ng anúmang hinánakít. At bákit? Dumatíng siyá roón nang payák, at aális din nang payák. Pára siyáng hitána sa láot, at anumáng dinánas niyá sa Pulô ng mga Mukhâ ay handâ niyáng íwan kung saán, úpang hindî na mulîng balikán. Hindî pa siyá ganáp na nakálalayô sa láot ay masásalúbong niyá ang mga armádong piráta, na hahablót sa kaniyá palayô sa pangánib. Isásakáy siyá sa kaniláng benáwang de-motór, na háhaginít sa rabáw ng túbig, magpapálundág-lundág na tíla lúmba-lúmba sa álon, at magígisíng na lámang siyá sa maáliwálas na poók na tinágurîang Gíting-gíting. Ang Gíting-gíting, na nása gitnâ ng tatsulók na pulô, ay isá ngayóng poók ng tunggalîan, ayon na rin sa isáng armádong laláki. Paúlit-úlit itong sinasákop ng mga bangkâ at bápor ng Hinsík, ang lahì mulâ sa Impéryong Hin, úpang dambungín hindî lámang ang mga isdâ at ibá pang lamandágat nitó, bagkús ang mga natatágong minerál ng láot. Matagál nang humíhingî ng túlong ang Gíting-gíting doón sa Pamáhalàang Katihán, ngúnit dáhil nasuhúlan ng mga Hinsík ang pangúlo noóng halálan at ipinágbilí ang kasárinlán sa mga dáyo kapalít ng iláng bilyóng kíkbak at ayúda, ang mga Hinsík pa rin ang makapágdidíkta kung paáno máglalayág sa laót ang sinúman. May mga matá silá mulâ sa hímpapawíd, nakátagò sa kaniláng mga satélayt, at báwat paglálayág ay nasusúbaybáyan ang lokasyón, bilís, at óras ng mga sasakyáng-dágat. Tánging mga piráta ng Gíting-gíting ang sumásalungá sa kaniláng awtóridád, lumílikhâ ng mga kóntra-kilapsáw sa eléktroníkong hímpapawíd úpang ipábatíd sa mundó kung gaáno kasakím ang mga Hinsík at kung paáno untî-untîng sinásakál at winawasak hanggáng masaíd ang tatsulók na pulô.  Samantála, ang babáe na tinangáy ng mga piráta ay iháharáp sa púlong ng mga nakátatandà sa Gíting-gíting. Sasáilálim siyá sa mahabàng pagtátanóng, ang pagtátanóng na inuúlit sa ibá’t ibáng paraán, na báwat katagà’y may bítag o balábal, báwat sugnáy ay makápipigâ ng katótohánan, báwat pahiwátig ay makapágbubunyág ng pagkúkunwarî, ngúnit tutúgunín láhat iyón ng babáe sa payák na talínghagà na warìng dumédestrúngka sa salitang “piráta,” at sumásalág kiná Vyasa o Ibn Arabi o Cervantes o Dante, at magpapákilála: “Cecilia. Anó po ang áking maipáglilíngkod?

Alimbúkad: Poetry Filipinas upheaval. Photo by cottonbro on Pexels.com

Pulo ng mga Mukha, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Mukhâ

Roberto T. Añonuevo

Malulúnod ka sa mga damdámin, na paráng iyón ang katápusán ng lahát. Makaraáng mabatíd na nakaalís na ang hinahánap mong mahál, tatakbó kang pabalík sa iyóng lundáy, at sa únang sagwán mo’y tatangayín ka ng mga álon sa Pulô ng mga Mukhâ. Sa Pulô ng mga Mukhâ, báwat táo’y may ipinágmamágalíng, gáya ng fátek o pílat o bálat o nunál, at nagíng dambúhalàng negósyo ang kosmetíko. Hahanápin mo ang mukhâ ng íyong mahál sa líbo-líbong mukhâ, hanggáng mabatíd mo ang isáng katótohánan. Nagbabágo ang kúlay ng mga pisngí áraw-áraw, at ang mga táo ay nagkakáisá sa kaniláng magigíng anyô, halimbawà, na kung Lúnes ay asúl, at bérde kung Martés, o kayâ’y pulá kung Miyerkóles at diláw kung Huwébes, samantalàng putî kung Biyérnes at itím kung Sabádo. Ngúnit pagsápit ng Linggó, mágkukuskós at máglilínis ng mga mukhâ ang mga táo úpang kinábukásan ay isádulâ mulî ang síklo ng mga kúlay. Hindî konténto ang mga táo sa kaniláng mga mukhâ, at kailángang retokéhin ang kapál o nipís ng labì, ang tángos ng ilóng, ang húbog ng matá, ang lantík ng pilík, ang kúrba ng kílay, ang súkat ng taingá, ang gupít ng buhók o pelukang isusuót. Sa ganitóng pangyayári, ang mga batà ay nagíng mainípin at nagmámadalî palagìng tumandâ. Hindî kataká-taká kung makakíta ng mga paslít na kung pumostúra’y gáya ng mga dalága o binatàng artísta, nagmámaného ng Jaguar o Ferrari, tumatágay ng vódka at sumísinghót ng damó, hábang nangangárap ng mga kasintáhan gayóng uhúgin pa o mahilíg sumupsóp ng tsupón. Ngúnit pagsápit nilá ng edád tiguláng, higít siláng magigíng masigásig na magbalík sa kamusmúsan, isúsumpâ ang kalendáryo, mag-éekspériménto sa meyk-ap at maskará, magpápalakí ng másel o magpapátambók ng súso, magbibíhis túlad ng kulít úpang ikublí ang pagigíng kalumpít. Kapág napánsin ka niláng maputlâ ang mukhâ gayóng kayúmanggî, humandâ ka kung pukulín man ng alimúra o itlóg. Sinuwáy mo ang kaniláng tradisyón. Lilíbakín ka nilá ngúnit huwág matákot sapagkát ang mukhâ mo ay kikináng gáya ng salamín. Sa Pulô ng mga Mukhâ, sinumáng tumítig sa iyó’y mapapáhiyáw sa gúlat o kilábot o hiyâ, at tatánungín nilá kung anó ang iyóng kapángyaríhan, o kung saán ka nagmulâ. Hahabà ang interógasyón sa iyó, at hihintô lámang iyon kapág nariníg nilá ang isinísigáw ng mga luhà mo. Sa sandalîng marínig nilá ang ngálan ng hinahanap mong mahál, mabábalíw lalô silá, sapagkát ang hinahánap mong mukhâ ay mukhâ na kaniláng pinaláyas noóng gabíng papáratíng ang supérbagyó.

Alimbúkad: Poetry Filipinas rocking the world. Photo by Adrien on Pexels.com

Ang Matalino, ni Roberto T. Añonuevo

Sa kinatátayûan mo, naroroón ang lahát ng impórmasyón na hinahámig, nílulunók, tinutúnaw, úpang mulîng ihasík, palúsugín, palawígin sa anyô ng mga aníno at alíngawngáw, ngunit huwág ipagkamalîng yaón ang talíno. Ang talíno ay hindî pagságap, pagwásak, pagkamkám, ni panggagagád, gáya ng ináakalà ng mga hukbông mándirigmâ, sa báwat lupálop na pinilì nitong salakáyin, gapîin, arìin. Ang talíno ay nása hanggáhan ng bató at símoy; at dáhil nasa hanggáhan ng náriritó-at-walâ, ang hanggáhang itó ay maglilíhim ng mga guníguníng pintô na hindî kusàng magbubukás, bagkús mabubúksan lámang sa pamámagítan ng susì ng kawalán at pagkilála sa angkíng katangahán kundî man kabalbalán. Malayàng isíping uminóm ka ng túbig subálit walâng pagkátigháw ang úhaw. Noon, tinurùan kang mag-ípon ng mga aklát at magpaláwak ng aklátan, ngúnit sa óras ng poót, yábang, at láyaw, ang mga pahína na nagtatalâ ng kasaysáyan mo’t kaugalìan, ang mga pahína na sinusúnod ng mga deboto mo’t alagad, ang mga pahína na nagpapáningníng sa sagísag mo’t pangálan, ay nakátakdâng magíng mabangóng panggátong sa págpapaliyáb ng mga kusinà at pabríka ng mga kaáway. Kapág narínig mong hinahámak ng bánug ang mga buláte o uód, sapagkat ináakalà nitóng ang talíno ay nása pakpák at pág-imbulóg, mágwawakás síyang masagánang pigíng kapág lumagpák sa lupà. Gayunmán, hindî magdidíwang ang mga suplíng ng lupà sapagkát alám nito na kahit ang hambóg at dakilà ay pawàng bútil ng hinágap lámang sa dilím ng kamalayán.

Alimbúkad: Poetry without labels and borders. Photo by Magda Ehlers on Pexels.com

Alalay, ni Roberto T. Añonuevo

Alalay

Roberto T. Añonuevo

Nang humangin sa loob ng kaniyang utak, ang ulap ay dumikit sa pader. Pagdaka’y ang pader, na retoke ng mga baság na bote at lastág na tisà, ay naghunos na muralyang iginuhit na banig. Tumitig siya sa hindi ko nakikita, at ang natuklasan ay artsibo ng palasyo at palakol na pawang isinalaysay ng kaniyang mga kamay. Ang mga kamay! Ang kanan ay dumudukal sa hukay; ang kaliwa’y kuyom ang sanlibong panginoon! Pumikit siya, at humiging wari ko sa pandinig ang helikopter at alpabeto ng kalamidad. Ngunit sumisilang siyang tápis ng takúpis, sapagkat hindi man niya aminin, siya ang bahagsúbay ng silakbo at kamalayan. Siya ang akto ng pagguhit ngunit hindi kailanman ipagmamalaking siya ang gumuhit. Siya ang aking binabantayan, ngunit ang tingin marahil niya sa akin ay estatwang kumikinang, parang batong nakausli sa gulod na ang gilid ay tinampukan ng mga asul na baláy, sirkito ng mga lingam, at isang marmol na monasteryong nabubuntis sa mga panikì: pundí ang guniguní. Sumakay siya sa ulap at ito ang aking kutob. Lumulutang siya, at habang umuulan ng mga siyap sa bakuran, bumabahâ sa aking kalooban, waring sinasabing makipaghuntahan sa walang katapusang aklatan, na kinaroroonan ng kaniyang pangalan at kapiling ang mga lihim na salita sa sarkopago—na sikapin man ay tiyak kong tatanggí na maunawàan.

Alimbúkad: Poetry without tags. Photo by Rohan Shahi on Pexels.com

Anino, ni Roberto T. Añonuevo

Anino
  
Roberto T. Añonuevo
  
 Isinakay sa bangka ang mga alaala, 
 at lumayo ang mga alon
 na tila naghahanap ng bagong
 pampang o payew
 na palulubugin
 upang pagkaraan ay isalalak
 sa tulong ng galít na habagat
 ang mga hungkag na ataul 
 sa matatarik na bangin ng bag-iw.
  
 Maaaring ang tagpo’y pangitain
 ng isang Macli-ing Dulag
 noong harapin niya ang tadhana
 mula sa digma ng mga paniniwala,
 ngunit hindi. 
 Iyan ang pumapasok 
 sa aking loob
 nang agawin mo 
 ang aking hulagway at pangalan 
 nang maarok ang dalóm
 at habulin ang mga guniguning
 paraluman,
 habang pigíl na humahagikgik
 ang kawan ng palaboy na kanaway. 
Alimbúkad: Fearless poetry without peer. Photo by Anjeliica on Pexels.com

Mahal, ni Roberto T. Añonuevo

 Mahal
 (para kay Maribeth)
  
 Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
 Sino akong nilalang upang hindi humangà?
  
 Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
 Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
  
 Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
 Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
  
 Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
 Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
  
 Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
 At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
  
 Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
 At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
  
 Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
 Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
  
 Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
 Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
  
 Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
 Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
  
 Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
 Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
  
 Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
 Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
  
 Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
 Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál. 
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.

Ang Araw, ni Roberto T. Añonuevo

 Ang Araw
  
 Itinitindig sa rabaw ng palad
 ang mga templo, at kung ito’y mito,
 nagaganap ang lahat sa kisapmata.
 Inilaan laban sa lindol at bagyo,
 o mababagsik na digma at salot,
 ang kagila-gilalas na impraestruktura
 ang magiging anyo mo
 at magiging amo ng susunod sa iyo:
  
 Planado ang mga haliging tugmâ’t sukát,
 na tinuklas marahil ni Pingala
 sa balangkas ng Maatra Meru,
 para itong reenkarnasyon o kombinasyon
 ni Hemachandra at ni Balagtas
 sa laberinto ng mauulap na payëw,
 inaagusan ng batis ng sinaunang lingam
 ngunit pagsusumundan gaya sa Darangën
 at balagtasan.
  
 Ang mga salita sa iyong mga kamay
 ay mamamatay at mabubuhay
 o mabubuhay at mamamatay
 nang paulit-ulit,
 madaragdagan, mababawasan
 ng libo-libong pahiwatig,
 ng libo-libong pakahulugan,
 mahuhulaan, at magiging muhon,
 hanggang suwayin muli ang wakas.
  
 Ang mga templo ay kukuyumin mo,
 at maglalaho nang kung ilang siglo—
 upang sa takdang araw
 ay muling sumilang sa ngalan mo,
 maalindog at imperyal,
 at itanghal sa isang pagdiriwang
 na susulatin kong epiko para sa iyo. 
Alimbúkad: Poetry passion unlimited. Photo by Chevanon Photography on Pexels.com