“Tumataog, Kumakati,” ni Henry Wadsworth Longfellow

Salin ng “The Tide Rises, The Tide Falls,” ni Henry Wadsworth Longfellow
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tumatáog, kumakáti

Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig
Dumidilim ang hapon, humuhuni ang ibon;
Sa pasigan ng dagat na basa’t kinalawang
Nagmadaling núngo sa bayan ang manlalakbay,
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Lumalapag sa bubong at dingding ang karimlan.
Ngunit ang dagat sa pusikit ay tumatawag;
Malambot, puti ang kamay ng álong dumating
Na pumawì sa bakas ng paa sa buhangin.
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Nikat ang liwayway; mga kabayo sa kural
Ay sumikad at suminghal pagsitsit ng amo;
Nagbalik ang araw, subalit hindi na mulȋng
Babalik ang manlalakbay sa baybay ng mithȋ.
. . . . . . . . .At tumáog ang tubig, at kumáti ang tubig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold the human rights of ordinary Filipinos! Pass the word.

Advertisements

Ang Paniki, ni Theodore Roethke

Salin ng “The Bat,” ni Theodore Roethke
Salin sa pandaigdigang Filipno ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paniki

Ang paniki kapag umaga’y pinsan ng daga,
Sa átiko ng matandang bahay nagkukuta.

Mga daliri niya ay panakip sa ulo.
Mabagal ang pulso niya’t animo’y yumao.

Paikot kung gumuhit ng pigura sa gabi
Sa mga punongkahoy na may sinag sa tabi.

Ngunit kapag siya’y bumangga sa ating iskrin,
Takót tayo sakali’t mabatid ng paningin:

Dahil may kung anong mali o wala sa puwesto,
Kapag ang daga na may pakpak ay mukhang tao.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Ang Tulay, ni Leopold Staff

Salin ng “Most,” ni Leopold Staff ng Poland.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Tulay

Leopold Staff

Hindi ako noon naniwala,
Habang nakatindig sa pampang ng ilog
Na napakalapad at rumaragasa ang agos,
Na matatawid ko ang mahabang taytay
Na nilala sa maninipis, maseselang baging
At ibinuhol sa mga uway.
Maingat akong naglakad gaya ng paruparo
At simbigat ng elepante,
Tiyak ang hakbang ko gaya ng mananayaw,
At humapay-hapay gaya ng isang bulag.
Hindi ako makapaniwalang matatawid ko
Ang tulay, at ngayong nakatayo na ako
Sa kabilang pampang,
Hindi ako naniniwalang nakatawid nga ako.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. End impunity for crimes against humanity! Pass the word.

Album ng Pamilya, ni Najwan Darwish

Salin ng tulang tuluyan mula sa wikang Arabe ni Najwan Darwish.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Kareem James Abu-Zeid.

Album ng Pamilya

Pinigil niya ako nang magkita kami sa piging at winika, “Mabuti pang bitayin ako kasama si Omar al-Mukhtar kaysa makihalubilo sa mga espiya na nagsasalita sa ngalan namin.

Pinigil niya ako at nagtanong sa pangalan ng kapitbahay kong tindero noong ako’y bata pa. Pagkaraan ay binunot niya ang isang munting album mula sa bulsa ng kaniyang abrigo at ipinakita ang mga larawan ng mga batang takot na takot, saka sinabing iyon ay pag-aari ko lahat.

Winika niyang nagbalik dapat ako ilang taon na ang nakalilipas, at ang aking kabiyak (na tinawag niyang anak) ay matapang na pinalaki ang mga bata noong ako’y nawawala.

(Sinabi rin niyang siya ang kapitbahay na tindero, at isa sa mga takot na takot na bata ang humahaliling magtinda habang nagsisiyesta siya.)

Hiyang-hiya akong itanong sa kaniya ang mga pangalan ng aking mga anak. Hiyang-hiya din akong itanong ang pangalan ng kanilang ina. Kumilos lamang ako na parang umalis ng bahay nang umagang iyon.

Bumuntong-hininga siya at tumitig sa malayo, gaya ng aktor sa dulang pantelebisyon, at sinabi sa akin na huwag ibunyag sa sinuman kung anuman ang naganap habang magkapiling kami, o kaya’y na siya ang pasimuno ng piging na ito—pinili niyang gumanap sa papel ng isang kapitbahay na tindero.

“Pipiliin kong mabitay kasáma si Omar al-Mukhtar kaysa manatili rito,” sambit niya nang sumusungaw ang mga luha sa kaniyang paningin. Bigla siyang humangos palabas ng pinto at iniwan ako sa piging.

Habang nag-iisa, binuklat ko ang kaniyang album, at tinitigan ang mga mukha ng aking mga anak.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights, specially of the poor and powerless! Where are you, o my people?

Ang Arboleda, ni Octavio Paz

Ang Arboleda

Salin ng “La Arboleda” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dambuhala at solido
…………….. . . . . . . . ……..ngunit umuugoy,
ginugulpi ng hangin
……………. . . . . . .  ……….ngunit nakakadena,
humihikbi ng milyong dahon
na humahampas sa aking bintana.
 . . . . . . . . . . Aklasan ng mga punongkahoy,
sulak ng malamlam, berdeng tunog.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. Ang arboleda,
na biglang nanahimik,
. . . . . . . . . . . ay sapot ng mga pakô at sanga.
Ngunit may maaalab na párang,
. . . . . . . . . . . . . . . . .at ang mahulog sa lambat
nito—balisa,
. . . . . . . . . . . . . . .  .humihingal—
ay marahas at marikit,
isang hayop na maliksi’t mabangis,
ang lawas ng liwanag sa mga dahon:
 . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ang araw.

Sa kaliwa, sa tuktok ng pader,
. . . . . . . . .. .matimbang ang diwa kaysa kulay,
tila langit at hitik sa mga ulap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . tisang asul na sanaw,
pinaliligiran ng tipak, gumuguhong bato,
. . . . . . . . . . . . . . . dumadausdos ang buhangin
sa embudo ng arboleda.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Sa gitnang rehiyon,
ang malalapot na patak ng tinta
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay bumatik
sa papel na pinasisiklab ng kanluran;
itim halos ang naroroon,
. . . . . . . . . . . . . . . . .  .sa dulong timog-silangan,
na ang panginorin ay humahagulgol.
Ang lilim ay naging tanso,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sakâ kuminang.
. . . . . . . . . . . . . . . Tatlong uwak
ang naglagos sa lagablab at lumitaw muli,
. . . . . . . .  .wala ni sugat,
sa hungkag na sona: hindi sinag o lilim.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Ang mga ulap
ay unti-unting nalulusaw.

Sinindihan ang mga ilaw sa bahay.
Natipon sa bintana ang himpapawid.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Ang patyo,
na ikinulong sa apat na dingding,
. . . . .. . . . . . . .  . . . . ..ay naging liblib na liblib.
Ito ang kaganapan ng realidad nito.
. . . . . . . . . . . . . . . .At ngayon, ang basurahan,
ang pasông wala ni halaman,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa bulag na semento
ay walang ibang taglay kundi anino.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pumipinid ang espasyo
nang kusa.
. . .Marahang naninindak ang mga pangalan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs! Stand up against the climate of fear.

Mga Ebanghelyo, ni Liyou Libsekal

Salin ng “Gospels,” ni Liyou Libsekal ng Ethiopia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Ebanghelyo

Umiiral ako sa kama ng mga araw at papel
sa pagitan ng mga hibla ng abuhing suweter
na naghihimulmol, nakakalas. Hindi ako
napalayô mula sa aking mga ebanghelyo.

Humahabi ang oras, at ako’y nangangalap
ng mga salita, isang libingan ng mga panulat
at ibinasura’t gastadong mga talâ.
Makupad akong kumilos at napakasamâ.

Nanliliit ako at hirap ang pakiramdam
sa pagsusuot ng lumang pangginaw.
Nisnis na’t kulang-palad sa paningin,
ako’y marupok sa kaguluhang walang tigil.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs.

Sabong, ni Hieu Minh Nguyen

salin ng “Cockfight,” ni Hieu Minh Nguyen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sábong

Nakatagpo ko minsan ang aking kuya
sa isang munting nayon sa Vietnam
at nang magkita kami
ay sinunggaban ang aking munting bisig
at kinaladkad ako doon sa kahuyan
sa likod ng kaniyang bahay
na ang pangkat ng mga lalaki
na may itsura ng aming tatay
ay nangakapaikot sa tupada, sumisigaw
habang ang dalawang tandang
na ang mga tuka’y may bagsik ng kawil
na nakateyp doon, ay tinuka
at pinupog ang bawat isa hanggang
mawakwak ang lamanloob,
sakâ palitan ng dalawang malilinis
na manok, na ang isa’y sa kapatid ko.
Ang isa pang manok na pag-aari ng mamà,
na ibinulong sa akin, ay bingi
ngunit mabagsik. Binanggit niya sa akin
na tumatawag nang long distans mula Amerika,
kada linggo, ang aming tatay sa kaniya.
Hindi ko lubos maisip kung paano nila
nakikilala ang mga tandang sa isa’t isa
yamang nabahiran ng dugo ang mga pakpak
na sintingkad ng borgonya.
Sinabi ko sa kaniya kung paanong si tatay,
na naninirahan nang tatlong milya ang layo sa amin,
ay umiiwas ng tingin kapag nasa mga palengke.
Alam kong ito ang nagpapasaya sa kaniya.
Gayunman, hindi siya nakihiyaw,
nang maghiyawan ang madla, nang bumagsak
ang isang tandang sa lupa nang laslas ang leeg.
Alam kong siya ang nanalo
dahil sa paraan niya ng pagkukubli ng ngiti,
kung paano niya kinubra ang panalo
sa mabalasik na kamay ng isang sabungero.
Natutuhan ko kung paano maging kapatid
sa panonood ng mga tandang
at kung paanong sa umpisa’y panatag
ang simoy, hanggang ipakilala sila sa isa’t isa
at batid na nila ang magaganap:
Isa lámang ang dapat na manaig, at matitirá.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs.

Soneto XI, ni Garcilaso de la Vega

Salin ng “Soneto XI,” ni Garcilaso de la Vega ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Soneto XI

Nimpang mapapayat na ilog ang baláy,
kontentong tumirá sa gayong bulwagang
binuo sa hiyas na labis kuminang
na pati haligi’y makislap na kristal,

magburda man kayo sa buong maghapon,
o humabi’t tela ang hawak sa talón
o magkuwentuhan nang bukod sa alon
upang isalaysay ang puso’t ang gulؚóng

ng buhay, huminto kahit na sandalî,
tumingin sa aking abang nakatindig
at di magtatagal, sa inyo’y sasapì

ang awa sa akin, magpupukol-pansin,
o kung sa pagluha’y maging tubig ako
may puwang ang lahat nang ako’y gumaling.

Stop weaponizing the law. Uphold the human rights of every Filipino. No to illegal arrest. No to illegal detention and kidnapping. No to extrajudicial killing.

Walang Ibang Kompas, ni Elizabeth Lawson

Salin ng “No Other Compass,” ni Elizabeth Lawson ng Australia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang Ibang Kompas

Emily Kngwarreye

Estudyo niya ang mga bata, áso, pinsel, lupa at sinag,
pabulong na awit tubig sa rabaw ng maliliit na bato.

Sumisinag ng langit ang kaniyang mga mata. Alimpuyo
ng disyerto’y puso sa kambas niya. Walang ibang kompas.

Mumunting kamay ang nagsasabog ng Puting Kalawakan,
mga tuldok disyerto’y pumipitlag ng puláng puláng mundo.

Ang kaniyang ngayon ay walang hanggahang distansiya,
mga punto ng kulay na lumulukob sa kuwento sa kuwento,

ang kaniyang pinakamalapit na kahulugan
tugȋ, bato, mga limbag-ibon,

marurupok na itlog na nangangabasag sa pagsisilang.
Mga babaeng nangangalap ng mga everlasting,

trilyong bituin ni Ahalkere,
samantalang sa kung saang lugar ang mga galeriya

ay kumikilapsaw at nabibiyak, nangungulit kumbaga
kung saan ba isasabit ang mga galaksi?

Sumulyap si Emily nang pataás.
Pababâ.

Karaniwang ginagawa mo iyan.

Nagpipinta ako.

EMILY KAME KNGWARREYE (c.1910 – 1996) EMU DREAMING, 1991 synthetic polymer paint on canvas.

Mapuputing Bandera, ni Sung Sam-moon

Salin ng tula ni Sung Sam-moon ng Sinaunang Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mapuputing Bandera

Sung Sam-moon (Sirka 1420 A.D.)

Pumapagaspas ang mapuputi, mahahabang bandera
na hinihipan ng malamig na simoy.
Lumalagabog at umaalingawngaw ang mga tambol
upang pabilisin ang aking búhay tungo sa bibitayan.
Nangakapalibot sa aking kinatatayuan
ang mga mapang-inis na ngisi at mapanlibak na titig.
Sakâ sinipat ko nang tapat ang papalubog na araw.
Saan ako hihimlay kapag nagwakas ang lahat ng kirot?
Wala ni upahang bahay sa loob ng Dilawang Lilim—
at walang makapagsasabi kung saan ako hihimbing.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing.