Pulis at Tula

Kapuri-puri sa unang malas ang pagsisikap ng pambansang pulisya na pagandahin ang imahen ng mga pulis sa paningin ng mga bata sa pamamagitan ng tula. Ayon kay PNP Community Relations Group Director C/Supt. Nicanor Bartolome, “magpapadala ng mga pulis ang PNP sa mga paaralan upang maging guro.”

At bilang guro, ituturo ng mga representanteng pulis ang tungkulin ng pulisya sa mga mag-aaral na nasa una hanggang ikatlong grado. Hindi umano dapat katakutan ang mga pulis, at sa halip ay marapat paniwalaan. Pagkaraan, ang naturang programa ay ihahanda para sa matataas na grado, at marahil ay sasaklaw hanggang hay-iskul.

Nang panoorin ko sa telebisyon ang isang babaeng pulis na bumigkas ng “Isang Tula Para sa mga Mag-aaral” ay halos malaglag ako sa upuan. Parang binayaran ng payola ang network na nagpalabas nito, at imbes na maging kritikal sa gayong pakana ay naging instrumento pa ng kabalbalan.

Kulang sa sining ang tulang propagandang binigkas ng pulis. Ibinabalik ng pulis na nagkukunwang guro ang panahon ng mga mambabalagtas, ngunit ang pagkakaiba lamang ay sukdulan ang babaw ng tula at dapat ibitin nang patiwarik kung sino man ang awtor ng gayong propaganda. Kung pangit mang bumigkas ang pulis ay hindi siya masisisi; ginagampanan lamang niya ang tungkuling sumunod sa dikta ng nakatataas na mahihinuhang walang malasakit sa panulaang Filipino.

Kung nais ng Philippine National Police na pagandahin ang imahen nito, hindi sapat ang magpadala ng mga pulis sa mga paaralan para tumula ng kung anong sampay-bakod na berso. Kailangang maunawaan ng pulis na ang tula ay malayo na sa panahon ng kopong-kopong. Kailangang mag-aral ng wika at sining ng pagkatha ang mga pulis, at kung maaari’y dumaan sa mahabang proseso ng palihan sa pagsulat upang maitaktak palabas ng kanilang utak ang mga dating lihis na paniniwala hinggil sa pagtula.

Hindi matatakpan ng tula ang mga pagpaslang sa mga aktibista at peryodista. Hindi mapapayapa ng tula ang sindak sa mga pulis na protektor ng pasugalan, ismagling, droga, at bahay-aliwan. Hindi mapagagaan ng tula ang puso ng mga batang batid na, ni hindi mahuli ng pulisya ang senador na kinasuhan ng pagpaslang at malayang naglalakbay kung saan-saan, samantalang ang karaniwang suspek sa krimen ay lumalasap ng kisapmata’t lihim na pagdakip at pagpatay.

Kinakailangan ng pambansang pulisya ang reoryentasyon sa pagkilala at pananaw sa tula. Walang maidudulot na buti ang bersong pulis na imbes na magpakalat ng karunungan ay nagpapalaganap ng masamang halimbawa kung paano bumigkas at sumulat ng tula. Sa dakong huli, kayayamutan ng mga bata ang tula. Iisipin nilang ang tula ay hanggang panteksbuk lamang; na ang tula ay maganda lamang pakinggan ngunit hungkag ang nilalaman; na ang tula, gaya ng dati, ay dapat pigain upang magluwal ng mga leksiyon mula sa awtoridad at iyon lamang ang tama.

Kung pag-aaralan ng mga pulis ang mahabang tradisyon ng panulaang Filipino, matutuklasan nila na maraming tula ang hindi pabor sa kanilang marahas at madilim na nakaraang may bahid ng dugo at panunupil. At ang mga tulang ito ay hindi basta sinulat ng mga sampu-samperang mambeberso, bagkus matitinik na makatang may matayog na bisyon para sa tula at para sa bayan. Ang mungkahi ko’y iutos ng pambansang hepe ng pulisya na ilahok sa kanilang kurikulum ang pag-aaral ng tula at iba pang anyo ng panitikan. Nang sa gayon, lalawak lalo ang kanilang pananaw hinggil sa daigdig; at ang tula at katha ay tatanawing hindi laging salamin ng lipunan bagkus may sariling daigdig na dapat pasukin at alamin ng mambabasa.

Nagtataka lamang ako kung bakit hindi umaangal ang sinuman sa Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa pakanang ito ng PNP. Lumalabas din ang katangahan ng mga peryodistang nag-ulat ng programa ng PNP, at walang umusisa kung bakit napakahina naman ng berso at kung sino ang gagong nagpakana nito. Hindi dapat pinapayagan ang PNP na magpadala ng mga pulis para sa indoktrinasyon ng mga bata, lalo’t walang kakayahan ang PNP na magpakalat ng tumpak na impormasyon hinggil sa panulaang Filipinas. Dahil kung papayagan ang pulisya, ang pulis sa loob ng paaralan ay hindi lamang nagpapakalat ng propaganda, bagkus ng makamandag na diwaing sisira sa masining na pag-unawa at pagkatha ng matatayog na tula.

Ang siste sa “Ale-aleng Namamayong”

May 82 taon na ang nakararaan nang sulatin at mailathala sa Sampagita ang tulang “Ale-aleng Namamayong” (1926) ni Julian Cruz Balmaseda. Maituturing ang tula na laan sa mga bata, at ang himig nitong mapagpatawa ay pinagagaan ang dating ginagawang pagpapalipad-hangin ng mga binata sa dalagang sinisinta o inaasinta.

Sa “Ale-aleng Namamayong,” ginamit ni Balmaseda bilang lunsaran ang isang awiting bayang pinamagatang “Ale, aleng Namamayong,” ngunit binago, pinahaba, at hinugisan ng ibang pagdulog hinggil sa pagsinta. Ang buong tula’y binubuo ng apat na saknong, at bawat saknong ay may tig-aanim na taludtod. Bawat taludtod ay may sukat na lalabing-animing pantig, na ang hati (caesura) ay sa tuwing ikawalong pantig (8/8), at binagayan ng pandulong tugmang isahan (aaaaaa, bbbbbb, cccccc, dddddd), at may antas na karaniwan. Lumilihis ang naturang tula sa usong-uso noong awit na tiglalabindalawa ang pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong na pinatanyag ni Francisco Balagtas, at ang sukdulan ay noong panahon ng balagtasan (1924–1935). Heto ang buong tula:

¡Ale-aleng namamayong! ¡Ale-aleng naglalakad!
Sumilong ka pong sandali at ang ula’y lumalakas,
Halika po muna rini sa ilalim ng tayakad
At nang ikaw po ay hindi maligo sa hindi oras;
Ang alampay mo po’y baka maging lamping walang tigas,
At ang kulot na buhok mo, kung mabasa’y mauunat.

¡Ale-aleng namamayong! ¡Ale-aleng nagdaraan!
Magpahinga ka po muna at malakas pa ang ulan,
Saka ka na po magtuloy sa layon mong parurunan
Kung ang ulan ay tumila’t matuyo na ang lansangan. . .
Kung sakaling gabihin ka’y akin ka pong sasamahan
At tuloy ihahatid ko saan man ang inyong bahay.

Ale-aleng namamayong! Kung ikaw po ay mabasâ
Ay tutulas pati pulbos na pahid sa iyong mukha,
Ang baro mong bagong pinsa’y sapilitang manglalata’t
Ang puntas ng kamison mo ay sa putik magsasawa. . .
At pati ng butitos mo, ang kintab ay mawawala
Pag naglunoy na sa agos ng tubig na parang baha.

¡O, magandang Aleng Kuwan! ¡Ale-aleng namamayong!
Kung ikaw ay nagpipilit na sa lakad ay magtuloy,
Baga man at sa lansangan ang tubig ay lampas-sakong,
Isukob mo sana ako’t sa payong mo ay isilong. . .
Pag ako ang kasama mo, ulanin ka mang maghapon
Huwag ka lamang mabasa, ako na ang maglulunoy.

Ang buong tagpo’y masisipat sa paningin ng personang lalaki na nakasilong noon sa isang tayakád. Ang tayakad ay isang uri ng silungang yari sa nipa, at maitutumbas sa waiting shed ngayon. Mula sa tayakad, ang paningin ng persona ay dadako sa paparating na babaeng naglalakad at nakapayong, at magsisimulang maglaro ang guniguni ng persona kung paano mapapalapit sa binibini.

Ayon sa tula, may  maganda’t pustoryosang babaeng naglalakad sa lansangan, at nagkataong nagsisimulang bumuhos ang ulan noon. Ngunit nagpatuloy sa paglakad ang babae yamang nakapayong, kaya inamuki ng persona ang dilag na sumilong muna sa tayakad na kinaroroonan niya. Inilahad pagkaraan ng persona ang mga dahilan kung bakit dapat sumilong ang babae: lalambot ang alampay na pinatigas ng almirol, mauunat ang ayos ng kulot o pinakulot na buhok, maghuhulas ang meyk-ap o pulbo, manlalata ang baro, mapuputikan ang kamison, at maglalaho ang kintab ng butitos na botang pambabae.

Matindi ang panghihikayat ng persona, at ihahatid pa umano nito ang babae sa uuwiang bahay.  Subalit suplada ang babae, kaya nanambitan muli ang persona na siya na lamang ang isukob sa payong, at ulanin man umano sila sa buong maghapon ay handang maglunoy sa baha ang personang lalaki huwag lamang mabasâ ang babae.  Ano ang ibig sabihin nito? Handang kargahin ng persona ang babae, lusungin ang baha, huwag lamang matigmak sa putik o tubig ang babae.

Ang maganda sa tula’y ang pagpapatawa ng makata ay nakatuon sa personang lalaki, at hindi sa babae. Magpapahangin ang lalaki, at bibiguin naman siya ng babae. Sakali’t pumayag na isukob ng babae ang lalaki ay iyon na ang simula ng pananagumpay ng lalaki. Magwawakas na bitin ang tula, marahil upang ipabahala sa babaeng pinatutungkulan ang magiging sagot sa pahiwatig ng persona.

Ang ganitong uri ng pagpapalipad-hangin ay hindi na uso ngayon. Ang babae’y hindi na inaawitan ng “Ale-aleng Namamayong” at mabilis pa sa kidlat ang pagtatagpo ng lalaki at babae sa pamamagitan ng pagkudkod (i.e., internet chatting) o pagtawag o pagteteks sa pamamagitan ng selfon.

Sa kabila ng lahat ay may matutuhan pa rin sa ganitong uri ng tula. Una, ang isang lumang awiting bayan ay maaaring kasangkapanin para lumikha ng bagong tula. Ikalawa, ang pagpapatawa ay hindi laging nakatuon sa pinatutungkulang babae, bagkus sa personang lalaki mismo. Ikatlo, at kaugnay ng ikalawa, ang tula ay hindi kinakailangang laging seryoso, at isang teknik ang paggamit ng siste sa paglalahad ng mga pangyayari. Ikaapat, ang paningin ng persona ay maaaring gamiting parang kamera upang ilarawan ang bagay, tao, tagpo, o pangyayari. Ikalima, ang tinig na nananambitan ay hindi rin laging seryoso, at kahit ang pag-amuki ay mahahaluan ng kalikutan ng guniguni.

Itinuturing na tulang pambata ang “Ale-aleng Namamayong” ni Julian Cruz Balmaseda, at maaaring tingnan ngang ganito. Ngunit may kakayahang umigpaw din ang tula ni Balmaseda sa pagiging tulang pambata lamang, at umabot sa mataas na sining ng paghihiwatigang may kaugnayan sa panunuyo. Ang pananambitan ay makapagpapamalas ng kapangyarihan ng salita, at ng tiyaga, sa paghuli ng loob ng babaeng ilalaban ng patayan ng sinumang binata, umulan man o umaraw, o tumindi ang init sa sangkalupaan.