Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Ang Banoy, ni Miltos Sahtouris

Salin ng “Ο αετός” (The Eagle), ni Miltos Sahtouris ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bánoy

Noong natutulog siya
ang bánoy
ay bumulusok
na patay
sa kaniyang higaan
noong natutulog siya
ang kalapati’y
humapon
sa kaniyang kanang
kamay

Ang bánoy
ay itinilapon sa bangin
ng kaniyang duguang
mga daliri
ang kalapati’y
pinipiga at inihahagis
ng kaniyang duguang
mga daliri tungo
sa bákol

Noong nagising siya
ang bánoy
ay nakatindig
nang tuwid
sa kaniyang higaan
noong nagising siya
ang patalim
ay pinutol
ang kaniyang kanang
kamay

Sonámbulo at Panggabing Ritwal, ni Yannis Ritsos

Salin ng dalawang tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sonámbulo at ang Ibang Tao

Hindi siya makatulog sa buong magdamag. Sinundan
niya ang mga yabag ng sonámbulong nasa ibabaw ng bubóng.
Umaalingawngaw ang bawat hakbang nang eternal
sa angkin nitong kahungkagan, mabigat at ibinalot wari
sa kung anong saplot. Tumindig siya sa gilid ng bintana,
naghintay para saluhin sakali’t mahulog ang tinitingala.
Ngunit paano kung mahila siya pababâ sa pagbagsak?
Isang anino ng ibon sa pader? Bituin? Siya? Mga kamay niya?

Narinig ang lagabog sa sementadong daan. Madaling-araw.
Nagbukás ang mga bintana. Kumaripas ang magkakapitbahay.
Ang sonámbulo ay tumakbo pababa sa ligtasan kung may sunog,
upang silipin kung sino kayâ ang nahulog mula sa bintana.

Panggabing Ritwal

Kinitil nila ang tandang, ang púnay, ang kambing. Ipinahid
nila ang sumirit na dugo sa kanilang balikat, leeg, mukha.
Humarap ang isa sa dingding at pinahiran ng dugo ang uten.
Pagdaka’y tatlong babaeng nasa sulok at may puting lambong
ang gumibik na waring pinapaslang. Ang mga lalaki—
na nagtaingang-kawali—ay iginuhit sa sahig sa pamamagitan
ng yeso ang mahahabang sawá at sinaunang mga palaso.
Sa labas, lumagabog ang mga tambol na yumanig sa buong
pamayanan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Yes to Filipino. Yes to human rights. Yes to humanity!

Hulát, ni Roberto T. Añonuevo

Hulát

(para kay IMA)

Roberto T. Añonuevo

Pantalan ba ito na nag-aabang ng barko
na kung hindi hinalihaw ng tribunada’t bagyo
ay dinakip ng lungkot ang mga tripulante?
Tatanawin ko ito nang walang pagkapagod,
na tila dayaray na naglalagos sa baláy.
Sapagkat ang pagsubaybay ay mga alon
na dumarating at lumalayo nang paulit-ulit—
isang ritwal na tigmak sa pag-asa’t pananabik,
at ikaw ang hulagway na aahon sa guniguni.

Ang oras ang tumatayog na bundok ng inip,
at ang espasyo sa puso ay lalong lumalamig.

Ngunit darating ka, gaya ng isang dalubhasa
sa ahedres na nagsusulong matapos magbúlay
at pigain ang posibilidad ng hakbang at pasiya.
Mauuna marahil ang iyong mga liham at tula
na tumatawid sa maaliwalas na himpapawid.
Susunod ang iyong mga pangarap na nakaipit
sa kuwardernong gulanit, at ang isang pabatid,
nagmula man sa hari o hukom o hunghang.

Matutulog ako para kita makita. Matutulog ako,
at ikaw ang pupukaw sa daigdig kong giniginaw.

“Oda sa Kalayaan,” ni Rachel Wetzsteon

Salin ng “An Ode to Freedom,” ni Rachel Wetzsteon ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Oda sa Kalayaan

. . . . . . . Habang natutulog ako, isang maysa-tagabulag na kawal ang naglakad marahil nang patingkayad at tumabi sa akin. Dahil ngayon, na naalimpungatan ako mula sa pananaginip ng kalayaan paloob sa mabagsik, di-matinag na sinag, napakò ako sa isang puwesto. Hindi ako makalabas at hindi magawa ang nais. At ang mga maníyakong padron na nilikha ng arses sa mga dingding ay mistulang nang-uuyam na paalala ng tuwa ng di-mahuling galaw. Ito ba ang nadama ni Florestan, nang mabilanggo siya dahil sa pagtataksil, ay tumingala siya at nakita, hindi ang kaniyang kabiyak, bagkus ang buong karimlan na rumaragasa tungo sa kaniya? Ang bartolina ba ni Galileo ay may mga tao rin na may parehong malulupit na anino at matatabang tsanselor; nakapagpapaginhawa bang mabatid na nagdagdag siya sa suma-total ng magagamit na karunungan? Ang mga nabilanggo bang satiriko dahil sa pagdaragdag ng bigote sa pampolitikang poster ay umangal sa ganitong paraan nang ang kanilang mga yungib sa ilalim ng lupa’y walang lagusan o gumuho? Mga pumalag sa eternal na estante, mga mandirigma para sa kalayaan, at mga resulta ng ilahas na katotohanang pangkasaysayan, nakikita ko ngayon na nagdurusa kayo. Pinagkaitan ng karapatang lumabas at humabol, uupô ako at makikiramdam sa mga yabag na hindi ko masusundan. Ngunit nang masilayan ang sarili sa salamin—paurong ang ulo gaya ng asong ispanyël na tuliro sa pag-ibig, naluluha dahil hindi naririnig ang tinig ng amo—nakatakda akong ikumpisal ang arogansiya na matutumbasan ng kaparusahan. May kung anong kasabikan sa pagkakatuklas ng mga higanteng replika ng aking munting libog, ngunit wala sa aking mawawala bagkus ang babasaging ego, habang ang iba’y sinisilaban samantalang nakabayubay sa poste na sadyang totoo. At ngayon ko nakikita ang pagkakaiba, lahat ng obsesyong sátiro-at-nimpa ay tila layaw na tinutumbasan ng pagdanak ng dugo. Pinagdusa’t labis na mapalad, huminto ako sa kasasatsat upang dakilain ang mga yumao na naghatid sa akin dito, hindi dahil sa kanilang nakamamatay na halimbawa bagkus sa kung ano ang kanilang iniwan: ang bintana na proteksiyon sa akin, ang pinto na hawak ko ang susi, at ang daigdig, lahat-lahat, na sumasang-ayon sa aking progreso. Pana-panahong itinatanikala ang mga alipin sa mga tipak ng bato, at ang mga tirano ay iniuukit ang kanilang mga puso doon, upang ako ay minsan pang umibig.