Isang Gabi ng Tag-araw, ni Antonio Machado

Salin ng “Una noche de verano,” ni Antonio Machado
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi ng Tag-araw

Isang gabi ng tag-araw—
noong bukás ang pinto ng aking balkon
at gayundin ang tarangkahan ng bahay—
ay biglang pumasok si Kamatayan.
Lumapit ito sa tabi ng kama ng anak ko—
nang hindi niya ako napapansin—
at pinalagitik sa mayuyuming kamay
ang kung anong maselang bagay.
Walang kaimik-imik na tumitig sa akin,
ang kamatayan ay tumawid sa ikalawang
pagkakataon. Ano ang ginawa mo?
Hindi siya sumagot.
Panatag ang anyo ng anak kong babae,
ngunit ang puso ko’y ano’t napakabigat.
Alam ko kung ano ang nilagot ni Kamatayan.
Ang hiblang nag-uugnay sa aming dalawa!

The Lost Child (1866) by Arthur Hughes. Photo by Birmingham Museums Trust @ unsplash.com

Pagsuko, ni Yannis Ritsos

Salin ng tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagsuko

Binuksan niya ang bintana. Sumalpok nang pahugóng
ang hangin, at ang kaniyang buhok, gaya ng dalawang
ibon, ay umalon sa kaniyang balikat. Ipininid niya
ang bintana. Lumapag sa mesa ang dalawang ibon,
at tumitig sa kaniya. Sakâ tumungó siya sa pagitan
ng mga ito, at humikbî na waring pigíl na pigíl.

Huwag akong titigan, ni Martin Carter

Salin ng “Do not stare at me,” ni Martin Carter ng Guyana
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag akong titigan

Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini,
huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nagmula.
Isinilang ako’t gumulang sa lungsod na ito, binibini.
Naririnig ko ang mga kuliglig tuwing alas-seis ng gabi

at ang nakabubulahaw na tilaok ng manok sa umaga
kapag ang mga kamay mo’y ginugusot ang kobrekama
at ang magdamag ay nakabilibid sa loob ng aparador.
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamay

gaya ng dibdib mong namumutok ang ugat, binibini.  .  .
Huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nanggaling,
ang mga kamay ko’y bumibigat sa mga pileges,
gaya ng dibdib mong hitik sa mga ugat, binibini—

Dapat kumalinga ang isa’t sumuso ng buhay ang isa.  .  .
Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini.
Titigan mo nang lubos ang  bagon ng mga bilanggo!
Titigan ang karo ng patay na nagdaraan sa tarangkahan!

Titigan ang mga pook-maralita sa timog ng lungsod!
Titigan nang mariin, at isipin, binibini, kung saan
ako nagmula, at kung saan papalaring mapapadpád!
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamao,

gaya ng mga súso mong namumurok sa ugat, binibini,
at dapat kumalinga ang isa, at sumúso ng búhay ang isa.