
Dalampasigan, kuha ni Bobby Añonuevo
Binasbasan ng mga sangguniang aklat sa elementarya at hay-iskul ang ilang pook sa Filipinas na ngayon ay paboritong destinasyon ng mga turista tuwing tag-araw. Ang gayong pagkanonigo ay gagayahin kahit sa paggawa ng kalendaryo, poskard, at poster, at maibibilang sa pangunahing tampok ng Kagawaran ng Turismo. Ilan sa mga pamosong pook ang Baguio, Banaue, Boracay, Bikol, Peñablanca, Camiguin, Bohol, Alaminos, Mount Apo, at iba pa. Mababakas ang pagkanonigo kahit sa pook-sapot ng pamahalaan, at sa mga ulat ng mga network ng radyo o telebisyon.
Ang ganitong pagpapahalaga ay posibleng makatulong sa lokal na turismo ng pook. Habang nakikilala, halimbawa, ang Baguio, sumisigla ang kalakalan at transportasyon, nagkakaroon ng trabaho ang mga tao at naitatayo ang mga bagong negosyo at impraestruktura. Sa isang banda, ang pagtutuon sa mga kanonigong pook ay umiiwa sa iba pang karatig-pook nito, na marahil ang tanging maiaambag ay produkto ng lupain o tubigan, bukod sa lakas-paggawa at lawas ng lokal na pamayanan. Ang isang di-kilalang baryo o barangay ay nakatadhanang malubog sa kahirapan, at maaaring makaraos kahit panandali, kapag may malalaking negosyong naglalayong hukayin ang atay ng kabundukan.
Ang pagpapaplanong panturismo, sa aking palagay, ay dapat isinasangkot din ang mga karatig-lalawigang malapit sa mga kanonigong pook panturista. Halimbawa na ang Boracay, na talagang maganda at naibigan ng aking mga anak tuwing dadalaw kami. Ngunit hinihigop ng Boracay ang mga isdang dating kinakain ng mga Rombloanon. Boracay ang naging destinasyon ng mga produkto at kaunlaran, at nakakaligtaan ang ibang taga-lalawigang umaasa sa mumong maibibigay ng Boracay. Yamang nakapag-aambag ang mga Rombloanon sa Boracay, marapat lamang na tumulong din ang Boracay sa mga munisipalidad ng Romblon, na kinakapos kung minsan ang pagkain, lalo kung tag-araw.
Mabagal ang sistema ng transportasyon at komunikasyon sa mga lalawigan, at masuwerte na kung may signal ng Smart o Globe. Maitatangi ang Puerto Princesa na pambihira ang impraestrukturang binuhusan ng pondo at grant, at mailalaban sa gaya ng Ilocos Norte. Ngunit malaking sakit ng ulo ang pagsesemento ng mga lubak-lubak na daan sa mga lalawigang wala sa priyoridad, at kaya napakabagal ang paghahatid ng mga produkto ng agrikultura sa mga pamilihan. Sa ilang pagkakataon, ang pinakamabilis na transportasyon ay sa pamamagitan ng bangkang de-motor o motorsiklo, dahil kung gagamitin mo ang iyong Pajero o Highlander ay tiyak na mababalaho ka sa daan.
Walang masama sa pagkanonigo sa mga pook panturista. Ang masama’y kung lilimitahan lamang natin ang ating tanaw sa ganitong mga pook, at sa komersiyal nitong maidudulot para tighawin ang layaw, libog, at lungkot. Ang Chocolate Hills, halimbawa, na matatagpuan sa Bohol ay nagkukulay kape tuwing tag-araw at lungting-lungti tuwing tag-ulan. Hanggang ganito palagi ang paglalarawan sa naturang pook: parang tsokolate. Ngunit ang tsokolateng ito ay mahihinuhang mula sa pananaw ng mga dayuhan, at nabura na sa alaala ang lokal na pangalan para sa gayong tumpok-tumpok na burol. Nang puntahan ng mga anak ko ang Carmen, ang nakita nilang tsokolate ay hindi maliliit bagkus mga dambuhalang sorbetes o kawaling nakataob, na ang ilan ay napaliligiran ang paanan ng mga punong niyog. Magbabago ang kanilang pagtanaw sa Chocolate Hills kapag narinig at nabasa ang kuwento ng maalamat na si Aloya, ang babaeng sakdal-ganda na hahabulin ng higante.
Napapanahon na, sa aking palagay, na seryosohin ng kapuwa pambansang pamahalaan at pamahalaang lokal ang pagpapabuti ng mga impraestruktura, transportasyon, at komunikasyon sa mga lalawigan. Kailangang makisangkot din ang mga mamamayan sa gayong proyekto, dahil nakasalalay dito ang kultura, kabuhayan, kaunlaran, at seguridad ng buong pamayanan. Nagiging estatiko ang pagtatanghal ng mga pook panturismo sa Filipinas dahil hungkag na hungkag ang paglinang sa imahinasyon at puwersa ng taumbayan. Kailangang mabago ito. At maaaring simulan ang lahat sa pagtuklas sa kani-kaniyang lalawigan, na maaaring wala mang yungib, lawa, bulkan, payyo, talon, katedral, resort, at iba pang aliwan, ay kayang makapukaw ng interes ng mga tao—na lalampas sa kayang isalarawan ng mga pook-sapot at sangguniang aklat.