Mga Liyab at Tikatik, ni Rachel Wetzsteon

Salin ng “Flames and High Rains,” ni Rachel Wetzsteon ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Liyab at Tikatik
  
 Gulayláy akong binalikan ang panaginip: nilamon
 ka ng apoy, at sinira ang lahat ng iyong katangian.
 Bakit ba kapag may ikatlong sumingit sa isip
 ay ibig kong wasakin ka?
  
 Ngunit ngayong gabi, habang binabagtas ang kalyeng
 maulan, kita kong nagmando ako ng nakamamatay
 na lagalab upang muli kang maibalik, habang bawat
 sulok ay masikip na taniman ng kahulugan,
  
 bawat nakaparadang kotse’y pumapatak na paalala,
 hindi ng mas mainit na motor kung saan, bagkus
 kung ano ang loob ng nakaparadang kotse: munti,
 kinakailangang bahagi ng pagsisikap panlungsod
  
 upang kulungin ka. Habang patuloy na naglalakad,
 tigmak ang pilik (ang tunay na paraan ng pagtingin),
 lahat ng madaling sakyan ko sa matapobreng loob
 ay sinasalungat:
  
 para sa kanilang ang gayak ay nagiging kredo'y
 nakangingitngit sa akin; anong lalim ang nilaktaw!
 Sa pananamit naman na tila tuldok, aaminin kong
 ito’y walang saysay na bighani, ngunit
  
 hindi dapat seryosohin. Kayâ kapag ang lungsod
 ay taglay ang iyong personal na tatak gaya sa
 pormal na envelop o mataong tuktok ng mayelong
 bundok, paano ko tatanggapin
  
 ang aking nakikita, o sasaksi sa kariktan nito?
 Madali, mahinahon. Ngayong gabi, lahat
 ng daan ay magsasalupong, at habang umaapaw
 ang tubig sa ganitong mga bukás na haywey,
  
 kahit silang sinisikil ang pagkamangha’y damá
 ang payak na kapangyarihan. Hindi tákot 
 ang nagpapakintab sa daan, o ang mga duklay
 ang naghahatid ng halimuyak pababa,
  
 bagkus ang maalab na galak na magsilbi
 sa diktador na mabuti dahil siya’y maykapal.
 O, punong mahistrado ng gabi, gawin mo
 akong tagapamagitan para sa mga kaluluwang 
  
 naglalakad sa iyong búrol, ni walang alam, 
 para sa mga gagong tumatakbo palayo sa ulan 
 at nagmumura. Hari sa madilim na paglusaw, 
 hayaang gumalà ako para sa iyong karangalan,
  
 makita ka sa sari-saring lalim ng gabi, 
 ang nakahihilong kompetisyon sa gitna
 ng mga poste ng ilaw at ng ulan, ang tandâ 
 ng ambulansiyang tumatawid, at umaawit. 
Alimbúkad: Poetry high rain for humanity. Photo by Aleksandar Pasaric on Pexels.com

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

 Salin ng tula ni Chu Yohan ng Hilagang Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Tunog ng Ulan
  
 Umuulan.
 Marahang ibinuka ng gabi ang mga pakpak nito,
 at bumubulong sa bakuran ang ulan
 gaya ng mga sisiw na palihim na sumisiyap.
  
 Patunáw ang buwan na singnipis ng hibla,
 at bumubuga ang maligamgam na simoy
 na tila aapaw mula sa mga bituin ang bukál.
 Ngunit ngayon ay umuulan sa gabing pusikit.
  
 Umuulan.
 Gaya ng mabuting panauhin, umuulan.
 Binuksan ko ang bintana upang batiin siya,
 ngunit nakatago sa bulóng ang patak ng ulan.
  
 Umuulan
 sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubong.
 Nakatanim sa aking puso
 ang masayang balitang lingid sa iba: umuulan. 
Alimbúkad: Reconstructing ideas through translation. Photo by Ashutosh Sonwani on Pexels.com

Bago Sumapit ang Bagyo, ni Louise Glück

Salin ng “Before The Storm,” ni Louise Glück ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Bago Sumapit ang Bagyo
 
Uulan búkas, ngunit maaliwalas ngayong gabi ang langit,
kumikinang ang mga bituin.
Gayunman, darating ang ulan,
at sapat marahil para lunurin ang mga binhi.
Hayun ang habagat mula sa laot na itinutulak ang mga ulap;
Ngunit bago mo makita yaon, madarama ang simoy.
Mabuting tanawin ngayon ang kabukiran,
tingnan ang anyo nito bago lumubog sa baha.
 
Kabilugan ng buwan. Kahapon, nagtago ang tupa sa kahuyan,
at hindi lámang basta tupa—ang barako, ang buong hinaharap.
Kapag nakita muli natin ito, tanging kalansay ang masisilayan.
 
Lumawiswis ang mga damo; tumawid marahil doon ang hangin.
At nangatal sa parehong paraan ang mga bagong dahon ng olibo.
Mga daga sa kabukiran. Kung saan naninila ang tumánggong
ay doon din matatagpuan ang dugo sa damuhan.
Ngunit ang bagyo—huhugasan ng bagyo ang lahat ng iyon.
 
Sa tabi ng isang bintana, nakaupo ang isang bata.
Maaga siyang pinatulog—napakaaga,
at iyon ang kaniyang kuro. Kayâ umupo siya sa may bintana—
 
Lahat ay panatag ngayon.
Kung nahan ka ngayon ay doon din matutulog, at magigising sa umaga.
Nakatirik na parola ang bundok, upang ipagunita sa gabi na umiiral
ang daigdig, na hindi ito dapat ibaon sa limot.
 
Sa ibabaw ng dagat, namumuo ang dagim at bumubugso ang hangin,
binabasag ang mga ulap, binibigyan ng wari’y dahilan.
 
Búkas, hindi sasapit ang madaling-araw.
Hindi na babalik na langit ng araw ang langit; maghuhunos itong gabi,
maliban sa kukupas ang mga bituin at maglalaho pagsapit ng bagyo,
at tatagal marahil hanggang sampung oras.
Ngunit ang daigdig gaya noong dati ay hindi na magbabalik.
Isa-isa, ang mga ilaw sa nayon ay kukulimlim
at niningning sa dilim ang bundok na may bumabandang sinag.
 
Wala ni ingay. Tanging mga pusa ang naghaharutan sa pintuan.
Naaamoy nila ang simoy: panahon para lumikha ng iba pang pusa.
Pagkaraan, maglalagalag ang mga ito sa kalye, ngunit ang samyo
ng hangin ay bubuntot sa kanila.
Gayundin sa kabukiran, na nalito sa amoy ng dugo,
bagaman ngayon tanging simoy ang umaahon; pinaghunos
na pinilakan ng mga bituin ang bukid.
 
Kay layo man sa dagat, natutunugan pa rin natin ang signos.
Isang nakabukas na aklat ang gabi.
Ngunit ang daigdig na lampas sa gabi ay nananatiling mahiwaga.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kat Jayne on Pexels.com

Babaylan at Ulan, ni Adonis

Salin ng “A Priestess,” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Babaylan

Sinindihan ng babaylan ang mga insenso
sakâ ipinaikot-ikot sa aking ulo
at nagsimula siyang lubos na managinip
na wari bang mga bituin ang mga pilik.

O pithô ng mga salinlahi, isalaysay
sa amin ang hinggil sa diyos na isinilang!
Sabihin sa aming naririto kung may dapat
bang sambahin mula sa kaniyang nasisipat.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Salin ng “Rains,” ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulan

Yakap-yakap niya ang araro
at kuyom ng mga palad ang ulap at ulan.
Nagbubukas ng mga pinto tungo
Sa mayamang posibilidad ang araro.
Inihasik niya ang madaling-araw
sa bukid, at binigyan ng kahulugan.

Kahapon, nakita namin siya.
Sa nilalakaran niya’y may biglang sumirit
na singaw na pawis ng liwayway
at humimlay sa kaniyang dibdib
at dumapo sa mga palad ang ulap at ulan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Himig ng Ulap, ni Shah Abdul Latif Bhittai

Salin ng bahagi ng klasikong tula ni Shah Abdul Latif Bhittai ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Himig ng Ulap

1
“Maulap ang langit!” ang sigaw ni Latif.
“Malakas ang ulan, pawalan sa párang
Ang kawan ng báka at dalhin ang gamit!
Mayroong pag-asa sa ating Maykapal!”

2
Hatid ng Maykapal ang ulap at ulan
Nang lupa’y madilig at ang mga damo’y
Sumupling sa lupa. Pagód na ang bayang
Lagalag! Ang ulan ang mithing saklolo.

3
Di sapat ang ulan, ang wika ni Sayyad,
Kung wala sa tabi ang tibok ng dibdib;
Mapusyaw ang mundo at sigla ay salát
Sa libong tag-ulan kung walang pag-ibig.

4
Mahal ko’y dumating at itong puso ko
Ay biglang gumaling; ang lahat ng aking
Dusa’t pagsasakit ay biglang yumao
Nang lumantad siyang marikit ang tingin.

5
Ang dasal ni Latif: Ulap sa hilaga’y
Wakasan ang hirap ng kaniyang bayan;
Tighawin ang uhaw ng dukha at lupa—
Tubig na sagana’y dumaloy na bukál.

6
Hilaga’y may dagim; ang ulán at unos
Ay magpapabaha sa landas ng nayon.
Hindi nawa ako iwang nagmumukmok
Ng sinisinta ko sa kung anong rasón.

7
Hilaga patungo ang huning tariktik,
Mga magsasaka’y dala yaong suyod;
Nagdiriwang silang pastol na makisig
Dahil kaibigan ang ulang bubuhos.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Awit ng Bulaklak, ni Paavo Haavikko

Salin ng “A Flower Song” ni Paavo Haavikko ng Finland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,
batay sa bersiyong Ingles ni Anselm Hollo

Awit ng Bulaklak

Naglalaro wari ang mga agoho;
walang humpay ang ulan
ng mga bungang alimusód;
O ikaw, anak ng mangangahoy,
na kasingtarik ng mga bundok,
na kasinggaspang nito’t kasingrilag,
makinig,
kung hindi ka pa napapaibig, kung hindi
ko labis na minahal (ang pinakamapapait
mong salita
noong naghiwalay tayo), ay! makinig—
ang mga bungang alimusód ay umuulan
sa iyo nang masagana, walang patid,
walang awa.

Marahil, ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Ισως” (Perhaps) ni Nikos Engonopoulos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marahil

Umuulan . . . Ngunit nalulungkot akong sabihin: Iyon ang bahay, ang malaki, napakalaking bahay. Hungkag iyon. Wala ni isang bintana, at may mga balkonahe at malaking tsimenea. Isang batang babae ang nakaupo roon, ang batang walang mga mata, at tangan ang bulaklak na kahalili ng kaniyang tinig. Tanong niya:

—Shay, ano ba ang pinupukpok mo ngayon, sa buong araw?

—Ay, wala. . . wala. Nakikipag-usap ako kay Homer.

—Ano, si Homer, ang makata?

—Oo, si Homer na makata, at sa isa pang Homer, siyang mula sa Voskopojë, na gumugol ng buong buhay sa mga punongkahoy, at tila ba isang ibon, ngunit kilala bilang ‘tao ng taytay’ sa mga kapitbahayang malapit sa lawa.

Hinaing at Ulan

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vidyā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hinaing

Kay palad ninyo, mga kaibigan!
Malaya ninyong napag-uusapan ang nangyayari sa piling ng kasintahan:
ang harutang parang paslit, ang halakhak at lambingan, ang kasiyahang
tila paikot-ikot.
Samantalang ako, kapag kinalas ng aking irog ang sarí ko, sumpa man,
ako’y nakalilimot.

 

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Yogeśvara ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag Umuulan

Umaapaw ang ilog na nagpapaligaya sa aking puso: sa taas ng tubuhán
ay nahihimbing ang ahas; sumisiyap ang itik; nananawagan ang gansa;
nagbubuhol ang kawan ng mga usa; ang makakapal na damong-ligaw
ay lumalaylay sa agos ng mga langgam; at ang ilahas na ibon ng gubat
ay lasing na lasing sa kaluguran.

Taglay ng kaniyang mga mata, ni Adonis

Salin ng tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Taglay ng kaniyang mga mata

Taglay ng kaniyang mga mata
ang perlas; mula sa wakas ng mga araw
at mula sa mga simoy ay nakapag-iiwi
siya ng siklab; at mula sa kaniyang
kamay, mula sa kapuluan ng ulan,
lumilitaw ang bundok at lumilikha
ng madaling-araw.
Kilala ko siya. Taglay ng kaniyang paningin
ang hula ng mga dagat.
Tinawag niya akong kasaysayan at ako
ang tulang dumadalisay sa pook.
Kilala ko siya: Tinagurian niya akong bahâ.

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

Salin ng tula ni Chu Yohan ng Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tunog ng Ulan

Umuulan.
Marahang ibinukad ng gabi ang pakpak nito,
At bumulong ang ulan sa bakuran
Gaya ng mga sisiw na lihim na sumisiyap.

Gahibla na ang buwang patunaw,
At bumuga-buga ang maligamgam na simoy
Na tila aagos ang bukál mula sa mga bituin.
Ngunit umuulan ngayon sa gabing madilim.

Umuulan.
Gaya ng mabait na panauhin ang pag-ulan.
Binuksan ko ang bintana upang batiin ito
Ngunit palihim na bulong ang natak na ulan.

Umuulan
Sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubóng.
Itinatanim sa aking puso ang masayang
Balitang nalilingid sa lahat: umuulan-ulan!