Ang Mito ng Lihim, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mito ng Lihim

Roberto T. Añonuevo

Itinuro isang araw ng mga langaw ang namamahòng lihim, at kung marunong magbilang ang lupa, maaaring ang namatay ay ikatatlumpung libo sa listahan ng mga lumpen at kriminal, ayon sa pahayagan, na itatatwa ng awtoridad. Umaapaw na basurahan, siya ang hinahanap ng mga alagad ng batas na kataka-takang inunahan ng mga asesino, mula nang ihasik ang opisyal at sukdulang digmaan laban sa mga drogang ilegal.

Binubura ng mga uod ang mga bakás ng pagpaslang, naibulong mo sa sarili, at kung minsan, sinasaksihan ng palaisdaang magpapalusog sa mga hito at dalag, hanggang sa di-makita ng mga ulila o imbestigador, at pagkaraan, ang kalansay ay magiging alaala sa huntahan ng mga lasenggo ngunit hindi kailanman mailalahok sa mga sangguniang aklat. Kung naiiwan ang tato sa hangin—ang tato ng kapatiran sa pagtutuwid—may DNA ba ito, naisip mo, na babasahin ng huwes, at dodoktorin sa mga ulat at dokumento?

Naglalaho ang lahat kahit ang palaisipan sa rabaw ng balát.

Nagtatalumpati ang pangulo sa labis na pagmamahal sa bayan. Tingnan mo nga naman, sabi ng mga tambay, parang may rido sa madidilim na kalye, at ang mga pulis ay nasa ilalim ng tulay—naniniktik, naninigarilyo, nag-iisip sa mga de-kahong kuwento. Para sa bayan, dumarami ang mga bangkay na bumabangon sa mga bangungot at pumapatay nang paulit-ulit sa mga natitirang gisíng.

Ibig mong manahimik at magpalamig, ngunit ang paglipol sa mga tulak at adik ay pakikinig nang higit sa maipapahiwatig ng bagyo ni Vivaldi: lumalampas sa apat na panahon, at ang pangwakas ay maniobra wari ng lumalaboy na maykapal. Kahihindikan mo iyon bagaman katakam-takam para sa tsismis o balita, at kinokonsumo bawat araw bilang bahagi ng aliwang intelektuwal.

Hanggang sa dumating ang pandemya. At ang pangulo ay ano’t nakikidigma sa hindi nakikita; at dahil imbisibol ang kalaban (na taliwas sa mga tao na hinahagad ng batas), imbisibol din ang plano sa paggugol ng pondo, pansin nga ng numero uno niyang kritiko, para sa pagpapatakbo ng ospital o gobyerno, na tila ang lahat ay naglalaro ng bínggo at walang nananalo. May vayrus na pumasok sa iyong utak, na nginangasab wari nang unti-unti, at naunawaan mo ang halaga ng natitirang sandali.

Nagtataka ka kung bakit hindi man lang kumakabog ang iyong dibdib. Wala ka namang sála, ngunit kinatatakutan, nilalayuan. Positibo kang mag-isip, bagaman may sentimyento ng pasyenteng malubha ang sakit. Araw-araw, nagmumultiplika ang iyong mga karanasan, isinisigaw ng libo-libo, milyon-milyong binigo ng kani-kanilang gobyerno—at mahuhulog ka sa bangkô kapag lumusob ang mga bangaw upang takpan ang bagong lihim, habang pinipigil ng ilong mo ang alingasaw ng lansa at lagim.

Alimbúkad: Unlocking the genius of Filipino language through poetry. Photo by Stefan Steinbauer @ unsplash.com

Ang Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sandali

(para kay Raúl Jara)

Ang gunita ng CCTV at ang gunita ng mga mediko
ay malalim na sugat na bumubukás sa puso
ng isang Francisco—na maaaring makata o santo—
ngunit hindi maaangkin ninuman. Napalalakí
ang mga hulagway, nasasalà, napababagal,
na wari’y pelikulang di-matapos-tapos na pagdating
ng mga maysakit
na naubusan ng gamot o pinagkaitan ng mga dalaw,
at pagkaraan, ang mabibilis na pagliligpit
ng mga bangkay. . .
Sa panahon ng pandemya,
panandalian ang lahat, at hinuhubad ang maskara
para muling magsuot ng bago’t malinis na maskara,
humarap sa salamin at tanungin kung ikaw ang nakatingin,
at bumibigat ang suot na mga damit ng tungkulin,
bago tupdin ang hindi magiging tadhana ng mga diyos:
Ang makita na ang tao ay mortal, at butil ng alabok,
at pigilin ang luha sa salamin sa pagdami ng mga ulila.

Pumapalya ang CCTV sa kisame at ang gunita ng doktor
sa ilang pagkakataon, marahil sa labis na pagkayod,
ngunit kagila-gilalas
na nagtatala ng espasyo na mababalikan ninuman:
ang mga pangyayari na mapag-aaralan kung kailangan,
gaya ng alpabeto ng sakít at hermenyutika ng gamot,
o kaya’y palaisipang krimen at di-sinadyang pagkaligta,
ngunit napakaraming pangyayaring dapat burahin
at limutin (kung iyan ang makagagaan),
at tipunin ang nararapat para sa maaliwalas na búkas—
nang di-alintana na tumatakbo ang oras, na oras na
para kumain o magpahinga, na oras na para umuwi
sa di-mapakali’t nababagabag na pamilya.
Ang labas ng ospital ay maluwag na kalyeng tinatawid
ng antuking pusa, at ang kalooban ng dapat gamutin
ay masikip na panaderya, na lulutuin wari
ang libo-libong tinapay para sa hapunan ng iba,
at masayang pagsasaluhan sa kuwarentena ng pag-iisa.

Hindi nagsisinungaling ang CCTV, at nakikita ng doktor
na ang pighati ay hindi lámang sa isang Filipino o Italyano
at lumalampas sa anyo ng mga deboto o pagano,
na ang kaguluhan ay walang tatak dukha o mayaman,
na ang kagutuman ay tumatagos sa mga pader at panaginip,
at kung ano ang kaligtasan ay walang saysay na isilid pa
sa tugma at sukat at salimuot ng mga talinghaga.
Ang lagnat ng lungsod ay marahil pulmonya ng daigdig,
at kung naririto si Asklepiyos,
sasabihin ba niyang ang pagsuko’y wala sa bokabularyo?
Anuman ang balita, anuman ang agahan,
anuman ang klima’t aberya, makikinig tayo sa wika
ng pagkakaisa,
at magkakaisa,
para buhatin ang daigdig at ilipat sa loob ng dibdib,
at pagtitiwalaan ang mga gintong hibla ng mga alaala

noong unang pagkakataon, at kahit noong unang panahon.

Kuhang retrato ni Robina Weermeijer, at hango sa Unsplash.