Paalam na Hibik, ni Kulleh Grasi

Salin ng “Halam Ikak,” ni Kulleh Grasi (Royston John Kulleh)                        ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paalam na Hibik

Binabayó-bayó
ng mga anino ang iyong ulo
sa dingding,
na himig-balúk sa hangin.
Tinig ng mga bagting ng buktót
ang kabiyak ng hininga
sa mga daliri mong
tumatangis nang hibang.

Agaw-lila’t bughaw ang ulop
na bumaba sa payëw ng langit
at marahang pumasok sa isip.
Inilihim mo ang kamatayan
dito sa higaan na kakatwa:
Anong tamis ng búhay sa iyo!

Ulo sa ulo,
bibig sa bibig,
paulit-ulit kang namamatay:
Ano’ng tamis ng búhay sa iyo?

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ulan sa Madaling-araw, ni Du Fu

Salin ng “朝 雨,” ni Du Fu ng People’s Republic of China
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulan sa Madaling-araw

Sumisipol sa liwayway ang malamig na hangin
na tangay ang mga ulop ng ilog, sakâ dumilim.
Nagtago ang mga bibe sa karatig na pulô;
sa tigmak na sanga, mga layanglayang ay nupò.
Sina Huang at Qi sa wakas ay lumiban sa Han ;
di nakipagkita sina Chaofu at Xu You kay Yao .
Natitira sa kubol ko ang isang basong alak;
mabuti’t nakaraos sa maginaw na magdamag.

Renobasyon, ni Edwin Thumboo

Salin ng “Renovation,” ni Edwin Thumboo ng Singapore
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Renobasyon

Ibig kong damhin ang dalisay na hanging
pinakislap ng mga aninong nagsasalaysay
sa piling ng mga aguhong kumunat sa asin.

Ibig kong makita ang kalawanging banug
na matatag, marikit, nakamamatay
at binubuksan ang walang-malay na langit.

Ibig kong marinig ang nagsasangang dila
mula sa lumalargang ikid ng katawang
hanap ang malilibog na kuliglig sa luad.

Ibig kong hipuin ang bughaw na ulop
na nagpapadilim sa Karimon, at abutin
ang kalág na tagaytay na tila mahiwaga.

Ibig kong lasahan ang askad ng patani
mula sa bumaluktot na balát ng buto
upang itago ang nayon sa aking bibig.

Ibig ko ang ganitong limang pagsisimula.

Caesarea, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Caesarea,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Caesarea

Nang pasukin namin ang sariwang tubigan ng Caesarea
O habang naglalayag paroo’t gumagala sa mga atlas,
nahihimbing ang mga kanawáy sa sipol ng mga tangos,
lumilipad sa wawà ang kawan ng gansa nang mahamog
ang umaga. Mga multo at tore’y lampas wari sa ulop.
Ang kutitap at tunog ay gaya sa nagpipingkiang metal.
At ang mga galeón, na dating nakasapit pa sa pantalan,
Ay ano’t naaagnas sa tarangkahan ng lungsod.

Ilang taon ang lilipas bago matuto nang di-nakauunawa.
Naglagalag kami sa mga palengke ng Caesarea,
Tinawid-tawid ang mga tagaytay at lawa ng lupain,
Nakilala ang maraming tao at paniniwala at wika.
Ngayon, nang maging kapaitan sa amin ang Caesarea’y
hindi pa rin sigurado: kung iniligaw kami ng kasakiman
Ng paningin, o sadyang pinaniwalaang nagkatotoo ito:
Ang aming bokasyon, ang aming unang tulak ng dibdib.

Pighati ng Paghihiwalay, ni Ling Qingzhao

Salin ng tula ni Ling Qingzhao, batay sa bersiyon ni Jiaosheng Wang
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pighati ng Paghihiwalay

Nanguluntoy ang baíno’t
Kakaunti na ang bango.
Naging taglagas ang banig.
Hinubad ko’ng sutlang damit
at sumakay nang mag-isa
sa bangkang tila orkidya.

Sino ba ang nagpaabot
ng liham mula sa ulop?
Kapag nagbalik ang gansâ,
ang buwan ay mágbabahâ
sa kanlurang piling silid,
nang tanglawan ang kaniig.

Malalagas ang bulaklak,
dadaloy ang tubig-alak,
upang tupdin ang tadhana.
Alab ay di-alintana.
Pagnanasang walang hadlang,
kapag ito ay lumisan
sa noo, ito’y papasok
sa dibdib upang tumibok.

“Tagpô ng Págnanása,” ni James McAuley

Salin ng “Landscape of Lust,” ni James McAuley  ng Commonwealth of Australia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Tagpô ng Págnanása

May sariling bayan itong pagnanasa
Na hinihimlayan nitong magsing-irog
Ang lungtiang súsong-buról na úmásang
Mahipò ng bughaw at sukdulang ulop
At ang pinilipit na sangang katawan
Ay gaya ng ngiting lakas na tinaglay.

Naghunos halakhak ang tahás na gúlat
Sanhi’y alkimiya ng likás na batis,
Habang kumukulog sa gitna ng dagat;
Batotoy sa bato na kapit na kapit
Ang mga katawan nating magkasumping
Hindi nangangamba’t walang pinapansin.

Ang labis na lugod ay biglang lulusong,
Pagdaka’y aáhong kaylamyos ng ngitî
Upang muling hagkan ang labÌ at utóng.
Kay Vega’y sumimoy ang munting balanì
Dahil nakatabi ang bagting ni Lira
Saká inaawit ang bawal na kanta.

Sa silid ng nayon, na dukhâ ang anyo,
Itinirik wari ang bulawang tukod
Tulad ni Apollo sa tabi ng pintô
Tayo ang gagawa ng bahay at bakod
May kalyuhing palad na sanáy sa búhay
Bubungkalin natin ang pintíg ng lináng.

Zero at Liham ni Tomas Tranströmer

salin ng dalawang tulang tuluyan ni Tomas Tranströmer.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Lampas Zero

Tayo’y nasa pista na tinanggihan tayo. Sa wakas, hinubad ng pista ang balatkayo nito at inilantad ang totoo: isang himpilan ng tren, dambuhalang malamig na estatwa na nakaupo sa ulop. May tsok na kahig-manok sa mga pinto ng bagon.

Hindi dapat sabihin, ngunit labis ang dahas na sinikil dito. Kaya ang mga tampok ay mabibigat. Kaya napakahirap makita ang ibang bagay na pawang umiiral din: ang bumabandang sinag ng araw na tumatagos sa dingding ng bahay at naglalandas sa mga di-malay na gubat ng kumukutitap na mukha. Isang teksto sa Bibliya na nakaligtaang isulat: “Lumapit sa akin, dahil hitik ako ng mga kontradiksiyon, gaya mo.”

Magtatrabaho ako bukas sa ibang lungsod. Sasalibad ako sa madaling-araw na bughaw—itim na silindro. Sasaklaw ang Apulón sa nagyeyelong lupain. Nakatayo ang mga bata sa piling ng tahimik na madla, naghihintay ng pampaaralang bus. Ang mga bata na ni hindi man lamang naipagdarasal. Marahang humahaba ang liwanag, gaya ng ating buhok.

Sagot sa Liham

Sa ibabang bahagi ng kahon, natagpuan ko ang liham na dumating sa unang pagkakataon may dalawampu’t anim na taon na ang nakalilipas. Ang liham na isinulat nang may pagkaligalig, at patuloy na pumipintig nang sumapit ito sa ikalawang pagkakataon.

May limang bintana ang bahay; apat sa mga ito ang pinaglalagusan ng sinag nang maningning at pirmi. Ang ikalimang bintana’y nakaharap sa makulimlim na langit at kulog at kidlat. Nakatayo ako sa harap ng ikalimang bintana. Ang liham.

Minsan, may malalim na guwang na humahati sa Martes at Miyerkoles, ngunit ang dalawampu’t anim na taon ay maaaring kisapmatang lumipas. Hindi tuwid na linya ang panahon, bagkus laberinto. At kung hihilig ka sa pader, sa tumpak na puwesto, mauulinig mo ang nagmamadaling yabag at tinig. Maririnig mo ang sariling lumalampas sa kabilang panig.

Nasagot ba ang naturang liham? Hindi ko na matandaan, dahil napakatagal na iyon. Patuloy na umaagos ang di-mabilang na hanggahan ng mga alon. Patuloy na pumipintig kada segundo ang puso, gaya ng palaka sa tigmak na damuhan sa isang gabi ng Agosto.

Nangagtipon ang mga di-nasasagot na liham, tulad ng kulot-kulot na ulap na nagbabadya ng unos. Pinakukulimlim nito ang sinag ng araw. Isang araw ay tutugon ako. Isang araw kapag patay na ako, at malayang ilatag ang mga naiisip. O kaya’y napakalayo rito, at handa na muling tuklasin ang sarili. Nang sumapit ako kamakailan ay naglakad ako sa malawak na lungsod. Doon sa Ika-25 Kalye, sa mahanging kalye ng nagsasayawang basura. Ako na naibigang maglakad at makihalubilo sa madla. Ang titik T sa walang hanggang lawas ng teksto.

"Babaeng oriental," ni Luis Ricardo Falero.

"Babaeng oriental," (1896?) ni Luis Ricardo Falero. Oleo sa kambas.