Agaw-guniguni, ni Eugenio Montale

Salin ng “Quasi una fantasia,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Agaw-guniguni
  
 Sumisilang ang araw, at natunugan ko ito
 sa antigong pinilakang luningning
 sa mga dingding:
 tumitingkad sa sinag ang mga bintanang pinid.
 Bumabalik muli ang paglitaw ng araw
 nang walang kalat-kalat na tinig
 at matatandang ingay.
  
 Bakit? Naguguniguni ko ang mahiwagang araw
 upang salungatin ang laro ng mga oras
 ng pagkakapare-pareho. Ang lakas na naipon
 sa walang malay na mago nang napakatagal
 ay aapaw. Ngayon ko ipakikita ang sarili
 at sasakupin ang matataas na bahay, ang hungkag 
 na abenida.
  
 Tatanawin ko ang lupain ng lantay na niyebe
 ngunit walang halaga, na tila napapanood sa iskrin.
 Dadausdos ang makupad na sinag mula sa gabulak 
 na langit.
 Ang masisiglang kahuyan at buról na may liwanag
 na lingid sa paningin ay aawitin sa akin 
 ang kanilang malugod na muling pagbabalik.
  
 Masaya ko namang babasahin ang mga itim
 na pahiwatig ng mga sanga sa kaputian,
 tulad ng kinakailangang alpabeto.
 Lahat ng nakalipas ay matitipon
 sa isang bahagi sa harapan ko.
 Walang tunog ang makasisira
 sa aking nag-iisang kaligayahan.
 Papagaspas sa eyre 
 ang isa o dalawang labuyo,  
 o kaya’y pipiliin nitong dumapo sa poste. 
Alimbúkad: Recreating the world through poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Inaasahan, ni Necip Fazil Kısakürek

Salin ng “Beklenen,” ni Necip Fazil Kısakürek ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Inaasahan

Hindi mahihintay ng maysakit ang umaga,
Hindi mahihintay ng libingan ang yumao,
Hindi mahihintay ng demonyo ang maysala,
Gaya nitong paghihintay ko para sa iyo.

Ayokong dumating ka, ngayon ko lang naisip.
Natagpuan kita naglaho ka man kung saan.
Iwan mo ang aninong hindi dapat mahindik.
Huwag ka nang magbalik, wala na iyang saysay.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Rostyslav Savchyn @ unsplash.com

Panaginip at Mata, ni Orhan Veli

Salin ng “Rüya,” ni Orhan Veli (Orhan Veli Kanik) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panaginip

Nakita ko si Nanay sa aking panaginip.
Nagising akong humahagulhol.
Ipinagunita nito sa akin ang isang umaga
noong pista—
nakatitig ako sa lobong hinigop ng langit
habang ako’y iyak nang iyak.

Join Alimbúkad in its online world poetry revolution for humanity. Photo by Chirag Nayak @ unsplash.com

Salin ng “Gözlerim,” ni Orhan Veli (Orhan Veli Kanik) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mata Ko

Mga mata ko,
nasaan ang mga mata ko?

Kinuha ng satanas para ipagbili;
at nang umuwi, siya’y bigô at nalugi.

Mga mata ko,
nasaan ang mga mata ko?

Alimbúkad: Timeless poetry for humanity. Photo by Sharon McCutcheon.

Ang Limang Daliri ng Kamay, ni Aloysius Bertrand

Salin ng “Les doigts de la main,” ni Aloysius Bertrand ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Limang Daliri ng Kamay

Ang kagalang-galang na pamilya, na hindi nabangkarote ang ni isang kasapi, at ni isa’y hindi binitay.
—Ang Angkan ni Jean De Niville

Ang hinlalakí ay Flamenco na may-ari ng kabaret—mataba, malibog, at magaspang magbiro, naninigarilyo sa tabi ng kaniyang pintuan at sa ilalim ng paskil na naghahayag ng mga serbesa ng Marso na doble kung sumipà.

Ang hintuturò ay ang kaniyang asawang mukhang daga na sintigas ng lumang tuyô, na tuwing umaga’y sinasampal ang kaniyang katulong na pinagseselosan niya, at mahilig humimas sa bote ng alak.

Ang hinlalatò ay ang kanilang anak, ang mapusók na binatang naging sundalo sana kung hindi naging tagatimpla ng alak, at naging kabayo sana kung hindi naging tao.

Ang palasingsingan ay ang kanilang anak na babae, ang maanyubog ngunit tusong si Zerbina, na naglalakô ng kaniyang engkahe sa mga dalaga, ngunit umiiwas ngumiti sa mga kabalyero.

At ang hinliliít, at sakít ng kalingkingan, ang bunso sa pamilya at sutil bukod sa iyaking paslit, na palaging nakabuntot sa kaniyang ina, at waring sinagpang ng mga pangil ng manananggal.

Kapag pinagsama-sama, ang limang daliri at ang kamay ay makapagbibigay ng lumalagapak na sampal sa dangal doon sa mga hardin ng kagalang-galang na lungsod ng Haarlem.

Umaga at Gabi, ni Yannis Ritsos

Salin ng dalawang tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Umaga

Binuksan niya ang persiyana. Isinampay niya ang kumot sa pasamano.
Nasilayan niya ang araw.
Isang ibon ang tumingin nang tuwid sa mga mata niya. “Nag-iisa ako,”
aniya.
“Buháy ako.” Pumasok ang babae sa silid. Ang salamin ay bintana rin.
Kapag tumalon ako mula rito’y babagsak ako sa aking mga bisig.

Isang Gabi

Ipininid nang kung ilang taon ang mansiyon,
na unti-unting naagnas ang bakod, kandado’t balkonahe;
Hanggang isang gabi,
ang buong ikalawang palapag ay biglang nagliwanag.
Ang walong bintana nito’y dumilat, ang dalawang pinto
ng balkonahe’y nabuksan at ni walang kortina.

Napahinto ang ilang saksing naglalakad at napatingala.
Tahimik. Wala ni kaluluwa. Nagningning ang bakuran.
Maliban sa antigong salamin—na nakasandal sa dingding—
na may mabibigat na moldurang inukit sa kamagong,
sinasalamin ang nabubulok, nakangangang sahig
na nagbubunyag ng kahanga-hangang lihim ng kailaliman.

Huwag akong titigan, ni Martin Carter

Salin ng “Do not stare at me,” ni Martin Carter ng Guyana
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag akong titigan

Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini,
huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nagmula.
Isinilang ako’t gumulang sa lungsod na ito, binibini.
Naririnig ko ang mga kuliglig tuwing alas-seis ng gabi

at ang nakabubulahaw na tilaok ng manok sa umaga
kapag ang mga kamay mo’y ginugusot ang kobrekama
at ang magdamag ay nakabilibid sa loob ng aparador.
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamay

gaya ng dibdib mong namumutok ang ugat, binibini.  .  .
Huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nanggaling,
ang mga kamay ko’y bumibigat sa mga pileges,
gaya ng dibdib mong hitik sa mga ugat, binibini—

Dapat kumalinga ang isa’t sumuso ng buhay ang isa.  .  .
Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini.
Titigan mo nang lubos ang  bagon ng mga bilanggo!
Titigan ang karo ng patay na nagdaraan sa tarangkahan!

Titigan ang mga pook-maralita sa timog ng lungsod!
Titigan nang mariin, at isipin, binibini, kung saan
ako nagmula, at kung saan papalaring mapapadpád!
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamao,

gaya ng mga súso mong namumurok sa ugat, binibini,
at dapat kumalinga ang isa, at sumúso ng búhay ang isa.

Sinta, ni Paul Éluard

Salin ng “L’Amoureuse,” ni Paul Éluard ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sinta

Nakatindig siya sa aking mga pilik,
At ang buhok niya ang aking buhok;
Taglay niya ang hugis ng kamay ko,
At ang kulay ng aking paningin;
Pumapaloob siya sa aking anino
Gaya ng bato sa lilim ng langit.
Palaging bukád ang kaniyang mata
At hindi niya ako pinahihimbing.
Umaga kung siya’y managimpan
At nilulusaw ang mga araw;
Pinátatáwa kundi pináiiyák niya ako,
At sumasatsat, kahit walang saysay.

Ang Ilahas na Lupain, ni T.S. Eliot

Salin ng The Burial of the Dead na unang bahagi ng “The Waste Land,” ni T.S. Eliot
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paglilibing ng Patay

. . . . . .Abril ang pinakamalupit na buwan, pinasusupling
Ang lila sa patay na lupain, pinaghahalo
Ang gunita at lunggati, pinupukaw
Sa ulan ng tagsibol ang marurupok na ugat.
Pinapag-alab tayo ng taglamig, tinatabunan
Ng ulyaning niyebe ang lupa, pinakakain
Ng mga tuyot na lamang-ugat ang búhay.
Ginulat tayo ng tag-araw, pagkagaling sa Starnbergersee,
Sa anyo ng tikatik ng ulan; huminto tayo sa balkonahe,
At naglandas sa sinag-araw, papaloob sa Hofgarten,
At uminom ng kape, at nag-usap nang isang oras.
Hindi ako Ruso, nagmula sa Litwanya, at tunay na Aleman.
Nang mga bata pa kami, habang naninirahan sa Artsiduke,
Sa aking pinsan, hinatak niya akong sumakay ng trineo,
At natakot ako. Aniya, Maria,
Maria, kumapit nang mahigpit! At dumausdos kami pababâ.
Sa mga bundok, doon mo madarama ang pagkamalayà.
Nagbasá ako, halos magdamag, at nagpatimog nang taglamig.

. . . . . .Anong ugat ang kumakapit, anong tangkay ang nupling
Mula sa walang silbing batuhang  ito? Anak ng tao,
Hindi mo masasabi ni mahuhulaan, dahil ang alam mo lámang
Ay talaksan ng baság na hulagway, na tinitibukan ng araw,
At ang tuod ay ni walang lilim, walang humpay ang kuliglig,
At ang tuyong bato ay walang himig ng tubig. Tanging naririto
Ang anino sa ilalim ng pulang bato,
(Halika sa lilim ng anino ng pulang bato),
At ipamamalas sa iyo ang kaibhan ng alinman
Sa iyong anino sa umaga na bumubuntot sa iyo
O ang anino mo sa gabi na bumabangon para salubungin ka;
Ipakikita ko sa iyo sa kuyom na alabok ang hilakbot.

…….. . . . . .Sariwa ang hihip
…….. . . . . .Ng simoy sa baláy,
…….. . . . . .Anak na Irlandes,
…….. . . . . .Saan mananahan?

‘Binigyan mo ako ng mga Tukál noong nakaraang taon;
‘Tinawag nila akong ang babaeng tukál.’
—Ngunit nang umuwi tayo, gabi na, mula sa harding tukál,
Kilik mo ang dalá, at basâ ang buhok, at nabigo akong
Umusal, at nanlabo ang aking paningin, hindi ako
Buháy o patáy, at wala akong alam,
Pagtitig tungo sa puso ng liwanag, ang katahimikan.
Tigang at hungkag ang dagat.

. . . . . .Si Ginang Sosostris, ang bantog na pithô,
Ay dinapuan ng matinding sipon, gayunman
Ay kilala na pinakamarunong na babae sa Ewropa,
Na hayop ang manghal ng baraha. Narito, aniya,
Ang baraha mo, ang nalunod na Fenisyong Marinero,
(Mga perlas ang kaniyang mga mata. Tingnan mo!)
Narito si Belladonna, ang Babae ng Batuhan,
Ang babae ng mga sitwasyon.
Heto ang táong may tungkong tungkod, heto ang Gulong,
At heto ang tinderong isa ang mata, at ang barahang ito,
Na blangko, ay ang bagay na kaniyang pinapasan,
Na ipinagbabawal sa aking masilayan. Hindi ko makita
Ang Binitay na Tao. Mangilag sa kamatayan sa tubig.
Nakikita ko ang lipon ng mga tao, naglalakad paikot.
Salamat sa iyo. Kapag nakita mo si Gng. Equitone,
Sabihin sa kaniyang dala-dala ko ang oroskopo:
Kailangang mag-ingat nang lubos sa panahong ito.

. . . . Guniguning Lungsod,
Sa lilim ng kalawanging ulop ng imbiyernong liwayway,
Umagos ang madla sa Tulay ng London, napakarami,
Hindi ko naisip na kinalag ng kamatayan ang napakarami.
Buntong-hiningang maiikli’t may patlang ang iniluwal,
At bawat tao’y ipinako ang mga mata sa mga paa niya.
Umapaw hanggang buról at pababa sa Kalye Haring William,
At doon si Santa Maria Woolnoth ay nakabantay sa oras
Na impit ang tunog pagsapit ng wakas na alas-nuwebe.
Nakita roon ang kilala ko, pinigil siya’t sumigaw: ‘Stetson!
‘Ikaw na kasama ko sa mga barko sa Mylae!
‘Ang bangkay bang itinanim mo noong nakaraang taon
Sa hardin mo’y sumibol na? Aalimbukad ba ngayong taon?
‘O ang biglaang pagyeyelo ang umistorbo sa kama nito?
‘Ilayo mo ang Aso, dahil kaibigan iyan ng mga tao,
‘O kakalaykayin muli ng mga kuko nito ang tábon!
‘Ikaw! Ipokritong propesor!—kasama ko,aking kapatid!’

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to Chinese occupation. No to Chinese aggression.

Awit ng Kalsada, ni Cesare Pavese

Salin ng “Canzone di strada,” ni Cesare Pavese ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Kalsada

Bakit ka mahihiya? Kapag natapos mo ang sentensiya
at pinalaya ka nila, katulad ka rin ng iba pang tao
sa mga lansangan na nakaranas na mabilanggo.

Mulang umaga hanggang gabi’y iikot tayo sa mga kalye,
umulan man o umaraw, at makapagpapagaan iyon sa atin.
Kay-inam makatagpo sa kalye ang mga taong nangungusap,
nakikipaghuntahan, at nakahahatak ng mga babae.
Kay-inam sumipol sa mga pintuan at maghintay ng tsiks,
at maglakwatsa nang magkaakbay tungo sa sinehan,
at manigarilyo nang lihim nang nakasandal sa makikinis
na tuhod. Kay-inam makipag-usap, humipo’t humalakhak
at sa gabi’y may dalawang kamay ang hahatak sa iyo
doon sa kama; kay-inam isipin ang araw na lumaya ka na
mula sa bilangguan, at anung lamig ng sinag ng araw.

Totoma tayo mulang umaga hanggang magdamag,
at pagtatawanan ang lahat ng dumaraan, na masayang
tumatambay sa mga kalye, kahit na ang mga hangal.
Aawit tayo nang lango mulang umaga hanggang gabi,
masasalubong ang mga lasenggo at makikipagsatsatan,
na halos walang katapusan, na lalong nakapagpapauhaw.
Lahat ng tao na itong gumagala at nagkukuwentuhan
ay ibig nating makapiling ngayong gabi sa pusod ng bar,
nais nating pakinggan nila nang taimtim ang ating gitara
na lumulukso sa pagkalasing, at ayaw nang magpabihag pa,
ngunit sumasabog sa mga pinto’t umaalunignig sa eyre—
habang sa labas ay umuulan, o umaambon ng bulalakaw.
Wala tayong pakialam kung ang mga kalye’y hungkag
sa magagandang babae:
Makatatagpo tayo ng lasing na mag-isang tumatawa,
na marahil ay lumaya rin sa bilibid ngayong gabi,
at sabay tayong hihiyaw at aawit kapiling niya, sa awit
na makararating din tayo sa maaliwalas na umaga.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Album ng Pamilya, ni Najwan Darwish

Salin ng tulang tuluyan mula sa wikang Arabe ni Najwan Darwish.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Kareem James Abu-Zeid.

Album ng Pamilya

Pinigil niya ako nang magkita kami sa piging at winika, “Mabuti pang bitayin ako kasama si Omar al-Mukhtar kaysa makihalubilo sa mga espiya na nagsasalita sa ngalan namin.

Pinigil niya ako at nagtanong sa pangalan ng kapitbahay kong tindero noong ako’y bata pa. Pagkaraan ay binunot niya ang isang munting album mula sa bulsa ng kaniyang abrigo at ipinakita ang mga larawan ng mga batang takot na takot, saka sinabing iyon ay pag-aari ko lahat.

Winika niyang nagbalik dapat ako ilang taon na ang nakalilipas, at ang aking kabiyak (na tinawag niyang anak) ay matapang na pinalaki ang mga bata noong ako’y nawawala.

(Sinabi rin niyang siya ang kapitbahay na tindero, at isa sa mga takot na takot na bata ang humahaliling magtinda habang nagsisiyesta siya.)

Hiyang-hiya akong itanong sa kaniya ang mga pangalan ng aking mga anak. Hiyang-hiya din akong itanong ang pangalan ng kanilang ina. Kumilos lamang ako na parang umalis ng bahay nang umagang iyon.

Bumuntong-hininga siya at tumitig sa malayo, gaya ng aktor sa dulang pantelebisyon, at sinabi sa akin na huwag ibunyag sa sinuman kung anuman ang naganap habang magkapiling kami, o kaya’y na siya ang pasimuno ng piging na ito—pinili niyang gumanap sa papel ng isang kapitbahay na tindero.

“Pipiliin kong mabitay kasáma si Omar al-Mukhtar kaysa manatili rito,” sambit niya nang sumusungaw ang mga luha sa kaniyang paningin. Bigla siyang humangos palabas ng pinto at iniwan ako sa piging.

Habang nag-iisa, binuklat ko ang kaniyang album, at tinitigan ang mga mukha ng aking mga anak.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights, specially of the poor and powerless! Where are you, o my people?