Ang Nagsasalitang Unggoy, o ang Hula, ni Nanos Valaoritis

Salin ng “The Talking Ape, or the The Prophecy,” ni Nanos Valaoritis ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Nagsasalitang Unggoy, o ang Hula

. . . . . . .Maraming kaso ng malawakang deliryo na iniulat sa Pakistan—na wari’y likás lamang sa ipinapalagay na papaunlad at primitibong bansa—ang parehong penomenong naulit sa mahigpit na rasyonalistang Olanda, na may sanligang Calvinista-Leterano ang timpla at pinakasentro ng Amsterdam, at siyang bumakla sa mga mulagat na tagapakinig. Oo, ang unggoy na iyon ay nakapagsasalita gaya ng tao, at hindi lamang nakauusal ng mga salita ng tao, bagkus nakapaglalahad ng mga kagila-gilalas na bagay, mahihiwagang hula sa hinaharap, mga tunog na simboliko at malabo gaya ng orakulo ng Delfos, sa sinumang ibig magtanong.

. . . . . . .Ang may-ari ng unggoy, na isang marinero mula sa dating India Olandesa, may lahing anak ng puta na kalahating Ewropeo at kalahating Indo-Tsino, na unang inakalang bentriloko—ngunit nang isinagawa ang malulubhang eksperimento sa mga antropolohikong laboratoryo at sa Kawanihan ng Saliksik Sikiko, nagulantang ang mauutak at mayayamang tao. Hindi lámang nakapagsasalita ang unggoy kahit wala ang kaniyang amo, bagkus nakapagbubunyag pa ng mga teribleng lihim mula sa mga pribadong buhay ng matatalino’t eksperimentalistang propesor, na pagkaraan ay iniwan ang kanilang saliksik dahil sa sindak at inihayag na di-maipaliwanag ang penomenon. Nagbalik sa kaniyang amo ang masayang unggoy, na pagkaraan niyon ay ipinagpatuloy nang walang pagkabalam ang kaniyang nakagawiang gawain.

. . . . . . .At gayon na nga sana ang lahat, kung hindi lámang aksidenteng napanood ng isang eleganteng manamit na ginoo ang palabas, at nilapitan ang amo taglay ang isang lukratibong alok na hindi matatanggihan ninuman. Tinanggap agad ng marinero ang alok, at walang kaabog-abog na sinundan ang ginoo pagkaraan ng palabas. Mula nang araw na iyon, hindi na muling nasilayan ang unggoy o ang kaniyang amo. Gayunman, may isang pambihirang pangyayari ang muling naganap. Ang dáting may katamtamang yaman na kompanyang Adams & Co., na gumagawa ng mga banyo at iba pang muwebles ng bahay (lababo, hugasán ng kamay, atbp.) ay bigla at misteryosong yumaman at sinimulang bilhin ang mga katunggali nito, na di-naglaon ay naghunos tungo sa pagiging higanteng monopolyo. Isinakatuparan siyempre ang mga imbestigasyon, at ang mga pribadong mata ng mga nakikipagtagisang kompanya ay natuklasang ang mga kompanya ay minamanduhan mula sa isang lihim na himpilan, nakatago sa kailaliman ng bago’t maringal na mansiyon, at doon ang unggoy na hinahanap ay nagpapadala ng kaniyang atas sa pamamagitan ng telepono. Nangagitla, ang mga industriyalista’y hiniling sa Gobyerno ang kalayaang sakupin ang mansiyon at wakasan ang eskandalo. Gayunman, nabigong makapagpasiya ang Gobyerno. Ang malaking bahagi ng gawaing pampananalapi ng bansa ay nakasalalay sa bagong kredito, at payak at kategoriko ang batas: ang asilo ng pribadong inisyatiba ay hindi maaaring labagin nang walang sanhing legal. Gayon nga ang nangyari. Pagkaraan, nagsimulang mamili ang kompanya, hindi lámang ng mga sapi ng ibang tagagawa ng mga pambahay na kasangkapan, bagkus maging ng bawat pribadong kompanya sa bansa. Napoot ang malalaki at maliliit na negosyante at nagtulungan upang wakasan ang hinaharap na panganib. Isa sa kanila ay tinustusan ang kudeta na pinamumunuan ng dáting heneral na kilala bilang Rudolf (ang tsismis ay siya ang anak sa labás ng kung sinong prinsipe ng Hanover). Nagtagumpay ang kudeta at, sa loob ng magdamag ay nailuklok sa wakas ang Hari, ang Punong Ministro, at ang Gobyerno ng Olanda nang walang pagdanak ng dugo.

. . . . . . .Sa madali’t salita, naitatag ang diktadura. Iniutos ng mga bagong awtoridad ang paghamig ng mga puhunan, at inangkin ng bagong kompanya ang misteryosong mansiyon. Ni walang pumalag sa pagsalakay; ngunit walang natagpuan ang mga lumusob. Ang Unggoy, ang Marinero, ang anumang pinagsuspetsahan, ay hindi natagpuan. Ang tanging masesetipikahan lámang ay lahat ng libro de bangko ng kompanya ay tumpak lahat—at ang paglago nito ay sanhi ng mahusay na pangangasiwa. Pagkaraan nito, isang kontra-rebolusyon ang nagpanumbalik sa serbisyo ng Reyna at sa dating demokratikong gobyerno; hindi nagtagal, ang Olanda ay pinamunuan ng dambuhalang pribadong monopolyo na may mahiwagang kapangyarihan at ugat. Upang hindi mabató ang mambabasa’y hindi na ako magpapalawig pa. Gaya ng inyong hula—tumpak ang pulisya noong una pa man.

. . . . . . .Ang unggoy, na henyong negosyante, ang nagpapatakbo at nagsasagawa ng mga pagbili at iba pang pampinansiyang negosyo nang taglay ang malinaw na bisyon, bukod sa masasabing propetikong talisik, at walang sinuman ang káyang lumaban sa kaniya sa larang ng pananalapi.

. . . . . . .Ngunit isang araw, nagsimulang malugi ang negosyo, at unti-unting humina ang kompanya, hanggang sa laki ng utang, ay naipasa sa mga kamay ng matatandang negosyante. Sa yugtong ito, nagkumahog silang imbestigahan ang mga sótano. Ngunit ni walang bakás ng unggoy. Nang usisain hinggil sa gayong bagay, ang anak ng Direktor ng kompanyang Adams & Co. ay tumugon na umalis ang kaniyang ama bago ang pagsisiyasat, at sinamahan ng marinero at ng kaniyang unggoy, tungo sa isang pulo sa Pasipiko. Ipinabatid iyon sa Interpol. Ang ulat ng mga ahente ay nagbunyag na may isang maliit na pulong Rao-Raratea, na may sinaunang templo, na ayon sa mga testimonya ng mga katutubo, ay kinaroroonan ng isang anitong unggoy na nakahuhula sa hinaharap. Sinamba siya ng mga katutubo at kinilalang sagradong demonyo at hinandugan ng maraming bagay upang papurihan siya, di-alintana kung hindi man maunawaan nang lubos ang mga inuusal nitong salitang Olandes. (Diumano, ang marinero at si G. Adams Sr. ay matagal nang nagpatiwakal.) Ngayon ay kinakailangan kong isalin sa inyo ang mga salitang paulit-ulit na binibigkas nang walang katapusan ng unggoy—dahil sa sukdulan nitong halaga: “Mag-ingat, magtago, o, mga tao, hayop, isda, at ibon, napipintong sumiklab ang atomikong digmaan.” Subalit ang mga inosenteng katutubo’y malugod pang sinamba ang kanilang anito, ang kanilang sariling nakaaakit, nakapagsasalita, at nakapanghuhulang unggoy.

Alimbukad: Poetry unstoppable

Ang mga Alon

Malawak na dagat ang guniguni, at ang mga alon ay tumatakbong metalikong kabayo na sinasakyan ng kaniyang katauhan. Kumikitid ang isip kapag dumadaong sa hanggahan ng tangway at tangrib, ngunit lumalawak muli tuwing binubuksan sa elektrisidad ng araw at elektridad ng hangin.

Nakatimo sa laot ang isang pulo, na maaaring nagkukubli ng pangalan ng imperyal na hukbo na nagpapahinga makaraan ang pakikipagsagupa sa dambuhalang molino. Lumalaki ang pulo sa oras na lapitan; gayunman, hindi yaon kumakain ng bangka na napapadpad sa buhanginan.

Kinakalinga ng pulo ang mangingisda, at kakalingain ng tubig ang mangingisda. Ito ang kaniyang paniniwala. Liliit nang liliit ang pulo hanggang maglaho sa pananaw ng mapagsaparalang nilalang. Iilap kahit ang dilis at butanding. Magdidilim ang paningin ng mga kanaway. Manlalamig ang kubol sa pag-iisa.

Tatalilis palayo ang mola sa kung saang bahagharing kumikinang; at sa likod nito’y nakaupo ang unggoy ng kagubatang isinisigaw ang lunggati ng kalayaan.

“Ang mga Alon,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Enero 2010.

Paggaod

Kuwentong pambata sa lahat ng panahon

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Binabati ko si Iris Gem Li, ang awtor ng The Boy Who Touched Heaven (2007), sa kaniyang pagkakapanalo ng National Book Award para sa kuwentong pambata ngayong taon. Ang akda ni Iris ay nilapatan ng makukulay na ilustrasyon ni Sergio Bumatay III, na pambihira ang guniguni sa paghubog ng mga pook at hulagway. Dapat ko ring kilalanin ang Canvas, Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang I.N.K.) at Adarna House na nagbalikatan upang maitaguyod ang naturang proyekto. Ang Canvas ay isang institusyong nagtataya para maisulong ang sining, kultura, at kaligiran; ang Ang I.N.K ay binubuo ng mga piling ilustrador na kabataang nakatuon sa mga aklat pambata at iba pang anyo ng sining; samantalang ang Adarna House ang kinikilala ngayong pangunahing pabliser ng mga primera klaseng aklat pambata sa buong Filipinas.

Kapag binasa ang kuwento’y mahirap nang mabatid kung ano ang orihinal at pinagbatayan ng salin, kung sa Ingles ba o sa Filipino. Ito ay dahil may magkaibang datíng at testura ang dalawang wika, na makapupukaw ng loob ng sinumang makasasagap. Ano’t anuman, humuhusay ang akda dahil sa malikhaing pagsasakataga, na hubdan man ng mga larawan ay kayang makapagsarili nang buong tatag. Ang kuwento ni Iris ay halimbawa kung paano nagkakatulungan ang dalawang wika, at kung paano ipinamamalas na ang salin ay hindi larong bata bagkus isang sining din na dapat kilalanin sa pagkatha.

Umiinog ang kuwento sa batang Ifugaw na ibig makahipo sa langit, at maabot ang buwan at bituin. Namangha siya sa kalawakan, at naghangad na tuklasin kung paano maaabot ang tila imposibleng tanawin. Humanap siya ng mga paraan kung paano maaabot ang pangarap, at habang naglalakbay ay nakatagpo ang iba’t ibang nilalang na magtuturo sa kaniya ng tumpak na landas, hanggang sumapit siya sa isang kabatiran: Ang langit ay naririto sa lupa.

Ipinamamalas din ng katha na may mga bagay na malimit kinakaligtaan ng mga tao, mga bagay na naririyan sa ating tabi ngunit hindi pinapansin, at kung pinapansin man ay hindi binibigyan ng sapat na pagpapahalaga sa ating buhay at kultura. Maihahalimbawa ang mga dakilang payyo sa Kordilyera, ang tila inmortal na hagdan tungong kalangitan. Ang mga payyong ito ay unti-unti nang inaagnas ng panahon at kapabayaan ng tao. Maikakatwiran ang labis na pag-init ng klima at paghaba ng tagtuyot, samantalang ang dating mga kabataang inaasahang maglilinang at mag-aalaga ng mga palayan ay naging abala sa ibang propesyon at nagtungo kung saan upang maghanapbuhay.

Mababatid ng mambabasa mula sa muslak na paningin ng paslit ang pagtuklas sa kaligiran at ang pag-arok sa pinakamatimtimang damdamin ng tao. Ipakikilala rin dito ang pakikipagsapalaran sa piling ng nanganganib na saring banog, anuwang, at unggoy, at ang halaga ng paghahanap ng karunungan sa paligid. Ang ganitong diwain ay masining na isinatitik ni Iris, na hinuhulaan kong malayo ang mararating sa larangan ng pagkatha.

Komplementaryo sa kuwento ang maririkit na dibuho ni Sergio, at waring ibig sapawan ang teksto kung isasaalang-alang ang pagkakalatag ng mga pahina, ngunit sadyang may sariling salaysay ang mga hulagway sa mga kamay ng ilustrador. Ang kuwento (o sabihin nang teksto) ay nadaragdagan ng pagpapakahulugan kapag tinapatan ng larawan, kaya maiisip ang pagsasalikop ng dalawang anyo ng sining tungo sa paglikha ng isang makabuluhang akda. Dapat subaybayan itong si Sergio, na nakikini-kinita kong mamumukod sa piniling larang ng sining.

Inirerekomenda ko sa mga bata ang The Boy Who Touched Heaven (Ang Batang Humipo sa Langit), hindi dahil ako ang nagsalin nito sa Filipino, kundi dahil naniniwala ako sa pambihirang halagahang ibig ipaabot ng kuwento na makatutulong upang makilala natin ang ating mga sarili bilang dakilang Filipino.