Isang taktika ng dekalogo ang pagtatampok ng makapangyarihang tinig, at sa kaso ng dekalogong hinugot sa Bibliya, ang mga utos ay nagtatakda ng parametro ng pagsamba sa Maykapal, bukod sa nagsasaad ng mga tiyak na hakbang kung paano isasaayos ang maipapalagay na kaguluhan o kawalang sistema ng isang pamayanan. Ito ang matutunghayan sa dekalogong tumitingki sa etika ng tao sa loob ng pamayanan (Exodo 20:1–17 at Dewteronomiya 5:4–21), na ang una hanggang ikalimang utos ay naghahayag ng pakikiharap sa Diyos, samantalang ang ikaanim hanggang ikasampung utos ay pagpapayo kung paano makikiharap sa kapuwa at mangangasiwa ng angking ari-arian.
Samantala, ang dekalogo ay masisipat ding kombinasyon ng mahihigpit na utos at mapagpalayang pangako—na kung paniniwalaan ay makapagtataboy ng mga mananakop, makapagpupundar ng pamilyang matagumpay, at makapagtatanghal ng kadakilaan ng Maykapal (Exodo 34: 11-26). Ngunit bago ang lahat, dapat isapusong mapanaghili ang Diyos, na tumatumangging may ibang Diyos maliban sa kaniya; ang kakatwa’y lilikhain niya ang tao na kawangis ng Diyos, at ang Diyos lamang ang makababali ng kaniyang utos hinggil sa dibinong hulagway at huwad na idolo.
Inilulugar ng dekalogo ang pangyayari alinsunod sa pananaw ng Makapangyarihang Tinig. Kung ipagpapalagay na walang kaayusan sa lipunan, ang Makapangyarihang Tinig ang magtatakda ng mga hakbang kung paano mamumuhay, kung paano mag-iisip, kung paano makikipagkapuwa, kung paano pasisilaghin ang hanay, at kung paano iiral nang hindi sumasalungat sa dakilang mithi. Walang makababatid kung ano ang silbi ng dakilang mithi kundi ang Diyos, at sa pamamagitan ng pananampalataya, ang dibinong kautusan, kahit na nabigong ipaliwanag sa siyentipiko o lohikong pamamaraan, ay dapat paniwalaan upang mapanatili ang nangingibabaw na kairalan sa lipunan.
Paano kung ang Makapangyarihang Tinig na ito ay mawala sa sentro, at mayanig ang pundasyong kinalalagyan, mapaniniwalaan pa rin ba ito? Ito ang pag-aaralan sa paraan ng pagdestrungka sa paniniwalang ang daigdig ay may sentro palagi at nakasalalay sa mga hanggahan, na ang kanan at kaliwa nito’y laging nagsasalungatan, at dahil ang Makapangyarihang Tinig ay hindi nakatitiyak ng imortal na puwesto, sapagkat ang puwesto ay nasa labas na katauhan ng Makapangyarihang Tinig, mapaguguho ang paniniwala rito, at ang daigdig ay puwedeng baligtarin anumang oras naisin.
Sa panig ng mga Katipunero, ang dekalogo na binuo nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ay masining na pagsasabalangkas ng ideologong kautusan na hibong bibliko, na ang pag-ibig sa diyos ay katumbas ng pag-ibig sa bayan, at ang asal ng Katipunero ay inilulugar sa panig ng linyadong partidista kung paano maghahanapbuhay nang marangal, kung paano ipagtatanggol ang pamilya at kapuwa na pawang bumubuo ng konsepto ng bayan, at kung paano lilinisin ang hanay laban sa mga taksil at kakutsaba ng mananakop. Higit pa rito’y ibinabalik ng nasabing dekalogo ang konsepto ng “puri,” “dangal,” “katwiran,” “tiyaga,” “hinahon,” at “pag-asa” alinsunod sa pananaw at diskurso ng Tagalog, at siyang bukod sa pananaw ng banyagang Espanyol.
Maiiba ang silbi ng dekalogo nang maglabas ng “Dekalogo ng Wikang Filipino” si Jose Laderas (Jolad) Santos, na kasalukuyang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang dekalogo ni Jolad Santos ay walang imprimatur ng Lupon ng mga Komisyoner, kahit pa sabihing lawas kolehiyado [collegial body] ito; ngunit ang lehitimisasyon ng naturang dekalogo ay nakakarga sa aklat na Ang Wikang Filipino bilang Wikang Panlahat (2010) ni Dr. Sheilee Boras-Vega, sa opisyal na websayt ng KWF, at sa mga poster at aklat na inilathala ng KWF na may munting mensahe ang butihing Komisyoner. Si Jolad Santos bilang punong komisyoner ay maipapalagay na hindi newtral na entidad bilang tagapagpahayag ng dekalogo, lalo kung ang dekalogo ay may kaugnayan sa wika, dahil ang anumang arbitraryong kautusan na nagtatangkang pangibabawan ang mga opisyal na batas ay maituturing na subersibo kung hindi man diktador. Sa paulit-ulit na pagbanggit ni Jolad Santos sa kaniyang “dekalogo,” ang nasabing kautusan ay waring nagiging wagas na totoo (kahit mapabubulaanan), at maiisip na hindi mababali at nakasandig sa matatag na pader. Heto ang buong teksto ng “Dekalogo ng Wikang Filipino” ni Jolad Santos:
1. Ang wika ay dakilang biyaya ng Maykapal sa sangkatauhan. Bawat bansa ay binigyan ng Diyos ng kani-kaniyang wika na pagkakakilanlan.
2. Ang Pilipinas ay mayroong 176 na katutubong wika bukod sa paghiram ng mga banyagang wika.
3. Ang pambansang wika ng Pilipinas ay FILIPINO. Si Pangulong Manuel Luis Quezon (1878-1944) ang Ama ng Wikang Pambansa. Ang Wikang Filipino ay katuparan ng pangarap na wikang panlahat.
4. Ang wikang pambansa ay pinayayabong, pinagyayaman at pinatatatag ng lahat ng wikang ginagamit sa Pilipinas
5. Ang wika ay puso at kaluluwa ng bansa para sa ganap na pagkakakilanlan. Nakapaloob ito sa Pambansang Awit, Panunumpa sa watawat, at sa lahat ng sagisag ng kalayaan at kasarinlan.
6. Tungkulin ng bawat Pilipino na pag-aralan, gamitin, pangalagaan, palaganapin, mahalin at igalang ang Wikang Pambansa kasabay ang gayon ding pagmamalasakit sa lahat ng katutubong wika at mga wikang ginagamit sa Pilipinas.
7. Ang pagmamahal at paggalang sa wika ay katapat ng pagmamahal at paggalang sa sarili. Tumitiyak ito upang igalang din ng kapuwa. Taglay ng lahat ng katutubong wika ang kagitingan, dugo at buhay ng mga bayani at ng iba pang dakilang anak ng bansa.
8. Malaya na gumamit at pagyamanin ang iba pang wikang gustong matutuhan. Sa pagkatuto ng iba ay lalo pang pakamahalin ang mga kinagisnang wika. Ano mang wikang hindi katutubo sa Pilipinas ay wikang hiram. Hindi matatanggap bilang ating pagkakakilanlan at hindi rin maangkin na sariling atin.
9. Bawat Pilipino ay nag-iisip, nangangarap at nananaginip sa wikang Filipino o wikang kinagisnan.
10. Ang bawat pagsasalita at pagsusulat gamit ang wika ay pagdiriwang at pasasalamat sa Maykapal sa pagkakaloob ng wika bilang dakilang biyaya sa sangkatauhan.
Sa estriktong pagbasa, ang ikaanim at ikawalong bilang lamang ang puwedeng mailahok sa bisyonaryong dekalogo. Ang iba pa’y pawang mapanlahat na pahayag na katumbas ng meme na nagmumula sa Makapangyarihang Tinig na nagpapasa ng diwain o paniniwala sa sambayanan upang pikit-matang sundin nito. Kung ang meme, gaya sa pakahulugan ni Richard Dawkins ay maipapalagay na virus, ang pambihirang dekalogo ni Jolad Santos ay makapag-iiwan ng bakas ng DNA ng kamangmangan, at ito ang posibleng maging balakid upang matamo ng Filipino ang ganap na paglago. Halimbawa, ang mismong salitang “dekalogo” ay hindi simpleng listahan ng mga utos o panuto bagkus ng meme; ang dekalogo ay puwede palang maging pahayag na ang katumpakan ay katumbas ng pagyanig sa pedestal ng Punong Komisyoner ng Wika, at sa oras na mayanig ang pundasyon ng mga pahayag ng Punong Komisyoner ng Wika dahil sa salungatang pahayag, ay karapat-dapat na tanggihang paniwalaan.
Tunghayan halimbawa ang unang pahayag: “Ang wika ay dakilang biyaya ng Maykapal sa sangkatauhan. Bawat bansa ay binigyan ng Diyos ng kani-kaniyang wika na pagkakakilanlan.” Kung ang wika ang biyaya ng Maykapal, ang kakayahan ng tao na umimbento ng sariling wika ay namemenos. Posibleng binigyan ng talino ng diyos ang tao upang makapagsalita; ngunit bukod sa pagtataglay ng utak, dila, at kamay, kinakailangan ng tao ang mahaba at kusang pagbabanyuhay upang ang kaniyang diwain ay maisalin sa bato o balát o papel, at ang diwaing ito ay magkakaroon ng buto’t laman kapag tinumbasan ng pagsasakatuparan. Sa pahayag ni Jolad Santos, ang wika ay parang tipak ng batong isinasalin ng Maykapal sa mga tao. Isang kabulaanan ito, at kabulaanang lumilikha ng mito upang ang sambayanan ay manatiling nakaasa sa Makapangyarihang Tinig ng Imortal. Magiging komplikado ang lahat kapag idinugtong ang ikasampung utos ni Jolad Santos: “Ang bawat pagsasalita at pagsusulat gamit ang wika ay pagdiriwang at pasasalamat sa Maykapal sa pagkakaloob ng wika bilang dakilang biyaya sa sangkatauhan.” Mapapansing alingawngaw lamang ito, at kabilang panig na pang-ipit na sinimulan sa unang bilang. Tinatabas ng ikasampung pahayag ni Jolad Santos ang likás na talino ng tao na gumawa ng sistema ng pagkakaunawaan, at dahil dito’y maipapalagay na ang lahat ng wiwikain ng sangkatauhan ay hindi magkakamali dahil hindi nagkakamali ang Maykapal. Ngunit nagkakamali ang sangkatauhan, at kung idurugtong ito sa pagkakamali ng Maykapal, hindi karapat-dapat siyang tawaging Diyos.
Limitado naman ang ikalawang pahayag ni Jolad Santos: “Ang Pilipinas ay mayroong 176 katutubong wika bukod sa paghiram ng mga banyagang wika.” Ang totoo’y nakasalalay lamang ang pahayag na ito sa saliksik na ginawa ni Curtis D. McFarland hinggil sa pagpapangkat at bilang ng mga wika sa buong kapuluan. Nabigong makaigpaw ang pahayag ni Jolad Santos sa dati nang saliksik; ngunit ang masaklap ay hindi yaon isang utos, bagkus de-kahong kaisipang ang estruktura ng pangungusap o palaugnayan ay sablay. Ano ngayon kung may isang libo o sampung wika ang Filipinas? Isinisiksik ni Jolad Santos sa mga mambabasa ang bilang ni McFarland, ngunit kung bakit naging gayon o kung ano ang nararapat gawin sa harap ng modernong Tore ng Babel ay bahala na ang sambayanan upang humanap ng sagot alinsunod marahil sa nais nitong pagdulog.
Ang ikatlo at ikaapat na pahayag ni Jolad Santos ay mahihinuhang hinugot sa Saligang Batas 1973 at 1987, at muling pagsasakataga ng mga probisyon nito. Samantala, ang pagkilala kay Pang. Quezon bilang “Ama ng Wikang Pambansa” ay puwedeng pagtaluhan, dahil ang tunay namang nagsikap na isabatas ang Pambansang Wikang Filipino ay si dating Punong Mahistrado Norberto Romualdez, sa tulong ng mga mambabatas na nagmula sa iba’t ibang lalawigang hindi saklaw ng Tagalog. Kung hindi marahil kay Romualdez ay maaaring hindi naisabatas ang pambansang wikang nakabatay sa Tagalog, at hindi maipupundar ang dating Surian ng Wikang Pambansa. Maiuugnay sa ikatlo at ikaapat na pahayag ang ikasiyam na pahayag, “Bawat Pilipino ay nag-iisip, nangangarap at nananaginip sa wikang Filipino o wikang kinagisnan.” Secundum quid ang lohika nito, dahil ang diyasporang Filipino, halimbawa, ay hindi iisang tabas mag-isip o mangarap; at karamihan sa mga tao na nakapaloob doon ay baluktot ang dila dahil ang wikang kinagisnan nila ay maaaring hindi na Bisaya, Tausug, o Ivatan, bagkus Ingles, Aleman, o Pranses.
Problematiko ang ikalimang pahayag: “Ang wika ay puso at kaluluwa ng bansa para sa ganap na pagkakakilanlan. Nakapaloob ito sa Pambansang Awit, Panunumpa sa watawat, at sa lahat ng sagisag ng kalayaan at kasarinlan.” Maganda na sana ang unang pangungusap (at ideal, kung iisa lamang ang pambansa at opisyal na wika sa Filipinas), ngunit nang sundan ng ikalawang pangungusap ay gumuguho ang isinasaad sa unang pahayag. Ang mismong pagkakaroon, halimbawa na, ng dalawang opisyal na wika ng Filipinas ay isang anomalya. Iba ang wika ng mga transaksiyon sa pamahalaan, hukuman, akademya, at negosyo, at iba ang wika sa pang-araw-araw na buhay. Maaaring ito ang tinutukoy ni Jolad Santos, ang kambal na wikang ang isa’y taal at ang isa’y hiram, na sa paglipas na panahon ay gagamitin bilang tulay ng pagkakaunawaan sa kapuluang may iba’t ibang wika o diskurso o punto, at alinsunod sa gamit ng uring panlipunan. Ang “wika” na ipinahihiwatig ni Jolad Santos ay maipapalagay na nakakiling sa panseremonyang gawain. Hindi lamang dapat “nakapaloob ang wika sa lahat ng sagisag ng kalayaan at kasarinlan.” Ang wika ay dapat may kakayahang maglabas-masok sa sagisag, lalo kung ang wikang ito ay ipinapalagay na may natatanging pahiwatig sa isang pangkat ng mga tao.
Maituturing na magkaugnay ang ikaanim at ikapitong pahayag, kung pag-uusapan ang pagmamahal sa wika, ngunit ang ikapitong pahayag ay may tatlong pilas, at kumbaga sa lohika ay hindi magkakaugnay. Ang pagmamahal sa wika ay idinirikit sa sarili, kung paniniwalaan si Jolad Santos, ngunit ang sariling ito na iniugnay sa kapuwa ay hindi malinaw ang interaksiyon. Kinakailangan ang pakahulugan sa sarili—kung ang sariling ito ay ipagpapalagay na “Filipino.” Binubuo ang wika sa pamamagitan ng pagtatagpo ng mga tao, at sa pamamagitan ng kolektibong talino, guniguni, pagkakaisa, at pasiya hinggil sa tataglaying konsepto at diskurso ng mga salita, sagisag, at iba pa. Ang wika ay hindi lamang simpleng kombinasyon ng mga titik sa alpabeto; bagkus mailalangkap ang ilang bagay na puwedeng ekstensiyon ng idea sa materyal na realidad. Bagaman binanggit sa ikaanim na utos na tungkulin ng bawat mamamayan na palaganapin at paunlarin ang pambansang wika, idinugtong din ang katumbas na pagpapaunlad at pagpapalaganap sa lahat ng wikang ginagamit sa Filipinas, at maiisip kung gayon na hindi lamang ang mga taal na wika bagkus maging Ingles at iba pang internasyonal na wika. Walang problema sa utos kung matatag na ang Filipino bilang wika sa lahat ng larang, at nakapasok na sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng pamahalaan, hukuman, negosyo, at akademya; ngunit ang realidad sa Filipinas ay nangingibabaw pa rin ang Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan at ito ang nagpapahulas sa lakas ng Filipino.
Pinakamasaklap ang pagkakabalangkas ng ikawalong pahayag. Pansinin ang salansan ng mga pangungusap: (1) Malaya na gumamit at pagyamanin ang iba pang wikang gustong matutuhan. (2) Sa pagkatuto ng iba ay lalo pang pakamahalin ang mga kinagisnang wika. (3) Ano mang wikang hindi katutubo sa Pilipinas ay wikang hiram. (4) Hindi matatanggap bilang ating pagkakakilanlan at hindi rin maaangkin na sariling atin. Ang una at ikalawang pahayag ay maaaring pagsanibin; ngunit ang pahayag ikatlo ay hindi na dapat pang pag-isipan. Natural na ang anumang wikang hindi katutubo o taal sa Filipinas ay banyaga. Ano pa nga ba ang dapat itawag diyan? Ang pahayag ikaapat ay problematiko dahil hindi malinaw sa palaugnayan kung ang tinutukoy na wikang hindi matatanggap ay ang katutubong wika o ang wikang banyaga.
Sa pangkalahatan ay masasabing mapanganib ang iniiwang paalala ng Dekalogo ng Wikang Filipino ni Jolad Santos. Ang dekalogo ay hitik sa mga sound bite, at masisipat na adelantado, ngunit ang esensiya ay hungkag. Mapanlahat ang mga pahayag ng Punong Komisyoner, at puwedeng gibain ang mga ito sa paggamit ng ibang lente ng pagtanaw. Ngunit higit pa rito, kinakailangang isaayos muna ang lohika, gramatika, at palaugnayan ng mga pahayag, dahil kung ang dekalogo ng wika ay makapag-iiwan ng kalituhan sa isipan ng taumbayan, hindi ito makapupukaw ng guniguni upang ang sambayanan ay gamitin nang matalisik at malawak ang Filipino at katuwang na mga wikang lalawiganin para sa kolektibong kapakanan nito. At kung sakali’t maisaayos ang estruktura ng dekalogo, ang susunod na pagsisiyasat ay mauuwi sa punto kung ipauubaya ba ng sambayanan kay Jolad Santos bilang awtoridad ng wika ang mga kautusang dapat sundin ng mga mamamayan para sa kinabukasan ng mga kabataang Filipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kailangan ito, aminin man o hindi, dahil tumatayong Makapangyarihang Tinig si Jolad Santos, at bilang Punong Komisyoner ng KWF ay nararapat litisin nang ganap sa harap ng sambayanan.