Mga Lahok sa Kuwaderno ng Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Lahók sa Kuwáderno ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Búbuklatín mo isáng áraw ang inaágiw na kuwáderno, kung sakalî’t nása iyó pa, at pápaloób sa iyóng noó ang alaála ng iyóng músa. Hindî mo na siyá matátagpûán kailánman; at maráhil, ibá na ang kaniyáng anyô, mithî, ngálan. Ngúnit babángon siyá sa pamámagítan ng iyóng mga salitâ, gáya ng mga muntîng lahók sa talâarawán.

1
Magsisítiklóp káhit ang párola at mólino
bágo sumápit ang súperbagyó,
sakâ ihíhiyáw ng mga pipít
ang daán túngo sa yungíb ng mga patáy.

2
Napakátiwasáy ng hímpapawíd.
Walâng kislót ang mga dáhon at lamók.

3
Tinukláp
ng hángin ang ánit ng munísipyo,
binurá ang mga báhay,
niloóban ang mga tindáhan,
iwínasíwas bágo ibinuwál ang niyúgan.

At isáng áso 
ang umáhon sa gumuhông padér
ng bányong humíhikbî, ginígináw.

4
Ulán! Ulán! Lampás kawáyan!
Bagyó! Bagyó! Lampás kabáyo!

Nagtakíp akó ng mga taínga
at napáhagulgól,
hábang tíla binúbuská ng mga anghél.

5
Tumátakbٖó ang mga bangkáy
sa gitnâ ng bagyó,
tulalá’t tuliró:
Walâng silbí ang pagbíbiláng.

Tináwag kitá, ngúnit 
kinárit ang klínika.

6
Kung kasínglakás ng sígnal ng sélfon 
ang sígnal ng bagyó,
magsásará ang rádyo o peryódiko
sa búhos ng réklamo.

“Huwág matákot!” at párang sumagì 
sa pusò
ang isáng kúbong pasán ng mga hantík.

7
Sumaklólo sa mga bakwét
ang Mababâng Páaralán
úpang págdaka’y itabóy mulî ng dalúyong.

At naísip ko:
Lahát kamí ay basúra, at kasíngrupók
ng mga sílya at písara
ng mundó.

8
Lumubóg ang mga palayán.
Ngunit pumuság sa pápag
ang mga hitò at plápla,
párang áyuda
sa áming dî-maabót ng Máykapál.

Húlog ng lángit,
isáng bangkâ at tatlóng kótse 
ang naligáw sa mga pítak ng gulayán.

Ngunit tumírik, kahápon pa, 
ang makína 
ng áking ísip 
sa makapál na banlík.

9
Bumabángon sa bayánihán,
bumabángon pára sa báyan.

Pinápanoód kamí ng daigdíg
kung paáno manaíg sa bisà ng pag-íbig.

10
Umambón mulî.
Párang winísikán ang mukhâ kong putikán.

At inusál ang sumpâ na mámahalin ka—
bumábagyó ma't kay dilím.
Alimbúkad: Epic poetry storm beyond Filipinas. Photo by Emma Li on Pexels.com

Ang Salaysay ng Templo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Salaysay ng Templo
 
Roberto T. Añonuevo
 
Kung paano nakapagsasalita ang templo
ay maaaring naitala noon ni Vyasa
at naging talinghaga mula sa lumilipad
na vimana at ugat ng laksang bathala:
Isda na lumalangoy sa kalawakan ng wala,
ang isdang naging huklubang pawikan,
at pawikang naging maliksing daga,
ang matatakuting dagang naging leon
at leon na nagbanyuhay na unggoy,
ang punong unggoy na naging tao,
ang tao na lumaboy na mangangaso,
ang mangangasong naging magsasaka,
ang magsasakang umangat na diktador.
Ang diktador, na kakatwang kahawig mo,
ay naging hunyango ang balát o kapisanan
(dilaw noon at berde mag-isip ngayon)
na tila biro ng masamang panahon.
Dumarami ang kaniyang galamay bawat saglit
at kumukulimbat ng mga planeta at bituin,
ang mga galamay ng tila pugitang dihital
sa loob ng utak na kabesado
ang milyon-milyong kahon at padron
ngunit nakalilimot sa taglay na puso
na wari bang pagbabalik ni Kalki
na lumabas sa antigong batong orasan.
Ang orasan ang huhula ng kalkuladong wakas
ng mga bulok, marahas, at gahaman;
at magsasauli ng katwiran at katarungan
sa paglalakbay tungo sa bagong kalawakan.
Hindi ka man si Darwin ay muling mamamangha
kung paano nakapagsasalita ang templong ito.
Alimbúkad: World-class Filipino poetry. Photo by Navneet Shanu on Pexels.com

Takipsilim, ni Jules Laforge

Salin ng “Crepuscule,” ni Jules Laforgue ng Uruguay/France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Takipsilim

Takipsilim.  .  .  Mula sa mga bahay na dinaraanan ay nalalanghap ko ang inilulutong pagkain at nauulinig ang kalantog ng mga pinggan. Naghahanda ang mga tao na maghapunan at pagdaka’y matulog o tumungo sa teatro.  .  .  Ay, matagal ko nang ginawang bato ang búhay laban sa mga luha; káya kong maging kapuri-puring duwag ngayon sa harap ng mga bituin!

At lahat ng ito’y walang katapusan, walang wakas.

Ang mga pagál na kabayo’y hinihila ang mabibigat na kariton sa kahabaan ng mga kalye—gumagala ang mga babae—binabati ng ngiti ng mga lalaki ang isa’t isa.  .  . at umiinog ang mundo.

Hápon.

Kalahati ng mundo’y sinisinagan ng araw, at ang kalahati’y maitim at may batik ng apoy, gas, resina, o alab ng kandila.  .  .  Sa isang pook, nagbabakbakan ang mga tao, at may mga masaker; sa kabilang panig, may pagbitay, at sa isa pa, nakawán.  .  .  Sa ibaba, natutulog ang mga tao, namamatáy.  .  .  ang mga itim na láso ng paghahatid sa paglilibing ay nagwawakas sa mga punong teho. . . walang hanggan. At sa lahat ng itong pasan-pasan, paanong nakaiinog pa na simbilis ng lintik ang dambuhalang mundo sa eternal na espasyo?

Ulan sa Madaling-araw, ni Du Fu

Salin ng “朝 雨,” ni Du Fu ng People’s Republic of China
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulan sa Madaling-araw

Sumisipol sa liwayway ang malamig na hangin
na tangay ang mga ulop ng ilog, sakâ dumilim.
Nagtago ang mga bibe sa karatig na pulô;
sa tigmak na sanga, mga layanglayang ay nupò.
Sina Huang at Qi sa wakas ay lumiban sa Han ;
di nakipagkita sina Chaofu at Xu You kay Yao .
Natitira sa kubol ko ang isang basong alak;
mabuti’t nakaraos sa maginaw na magdamag.

Taglay ng kaniyang mga mata, ni Adonis

Salin ng tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Taglay ng kaniyang mga mata

Taglay ng kaniyang mga mata
ang perlas; mula sa wakas ng mga araw
at mula sa mga simoy ay nakapag-iiwi
siya ng siklab; at mula sa kaniyang
kamay, mula sa kapuluan ng ulan,
lumilitaw ang bundok at lumilikha
ng madaling-araw.
Kilala ko siya. Taglay ng kaniyang paningin
ang hula ng mga dagat.
Tinawag niya akong kasaysayan at ako
ang tulang dumadalisay sa pook.
Kilala ko siya: Tinagurian niya akong bahâ.

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw, ni Merle Collins

Salin ng “Because the dawn breaks,” ni Merle Collins ng Grenada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw

Nagsasalita kami sapagkat
Kapag bumuhos ang ulan sa kabundukan
Ay marahang lumalaki’t umaapaw ang ilog
At ilang sandali pa’y bubulusok ang agos
Sa mga tipak na bato
Nang lampas sa mga lansangan,
Paguguhuin ang mga tulay
Na maggigiit ng taglay nitong kapangyarihan
Laban sa rumaragasang lakas
Nagsasalita kami dahil kami’y nangangarap

Nagwiwika kami para sa parehong katwiran
Na ang kulog ay nakasisindak sa bata
Na nakayayanig sa punongkahoy ang kidlat

Hindi kami umiimik upang suwayin ang panuto
O upang baligtarin ang inyong mga plano
O pabagsakin ang inyong mga Tore ng Babel
Sa kabila ng katotohanang ginagawa namin ito

Nagwiwika kami dahil kami’y nangangarap
At ang aming mga pangarap ay hindi  maipipiit
Sa kural ng baboy sa kanino mang bakuran
Hindi para sumalo ng mga mumo sa mga mesa
Hindi para gumapang nang walang hanggan
Sa walang katapusang linya ng mga langgam
Upang lumihis palayo sa isang biglang liko
Kapag ang paa ng elepante’y biglang lumagapak
Hindi para umurong at tumakbo palayo
Kapag ang malansang simoy ng kamatayan
Ay nakasusulasok na sa aming mga pandama
Hindi para makibaka nang walang katapusan
Upang gagapin ang hulagway ng inyong mga diyos
Sa loob ng aming likha

Mga Tagapulô, ni Nora Nadjarian

Salin ng “The Islanders,” ni Nora Nadjarian ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tagapulô

Lumaki silang pinanonood ang lipad ng kanaway na nakasasaboy ng asin,
ang panganorin, at ang ngitngit ng alon. Sa umaga, hinintay nila ang mga barko.

Tuwing gabi, kapag ang daigdig ay mahimbing na natutulog,
naglalakad sila patungo sa dagat. Tila iyon pagpasok sa kanilang nakalipas.
Naglalaho muna ang kanilang mga paa, pagdaka’y mga hita, leeg, at labì.

Ibig nilang isipin na sa kung saang malalim na karimlan
ay maaarok nila ang kanilang simula, na mapagiginhawa sila sa wakas.

aw

Sisiw, ni Roberto T. Añonuevo

Sisiw

Roberto T. Añonuevo

Bakit ka iiyak kung ang nasa harap mo
ay kalawanging mga rehas?
Masuwerte ka’t
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  .hindi tumakas o pumalag,
sapagkat batid mo ang kisapmatang wakas.
Manok lámang ang pumipiyok
. . . . . . . . . . . . .. . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . .kapag ito’y
mangingitlog o ihahaing bagong pinikpikan.

Nakapaglalagos sa ating hanggahan
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .ang mga kargadong salita.
Ang lumang papel ay napaghuhunos mong
sariwang rosal,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at lumalambing na awit
ang mga sentimiyento mong humihibik.
Kumain ka na ba?
. . . . . . . .. . .. . . . . . . . . . . .Paano ka naliligo?
Mahimbing ba ang iyong tulog?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mahaba ang litanya
ng mga tanong ng iyong ina,
samantalang ako’y ni walang maibubulalas
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .na hinanakit o sermon.

Tinitigan kita, at mula sa iyong mga mata
ay lumitaw ang mga guru mong sumasayaw
sa layaw.
. . . . . . .  . . . . . . .Mga anghel silang naglalakad
sa lagablab: Walang mga bayag,
. . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . .at buntot ang bahag,
may sungay
. . . . . . . . . .. . . . .ngunit sumusuwag sa langaw.
Tinuruan ka nilang bumitin sa mga sapot,
at ang kamalayan mo’y unti-unting
pinalapot,
. . . . . . . . .. . . . . . . . . . .  .gaya ng tinunaw na pilak.
Lumalamon sila ng mga barya ng daigdig,
habang ikaw ay tinutuklas muli ang salitang
Pag-ibig.

light black and white white window glass dark san francisco bar line metal darkness black monochrome door security cage criminal justice captivity symmetry prison closed law crime jail shape locked alcatraz prisoner despair penitentiary imprisonment sentence prison cell monochrome photography lockup convict

Karimlan sa dulong buwan ng taon, ni Ah Bahm

Salin ng “H’uayah Yaab T’kaal Kin Eek” ni Ah Bahm, batay sa bersiyon ni John Curl
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Karimlan sa dulong buwan ng taon

Ito ang mga araw ng pag-iyak,
ang mga araw ng kasamaan.
Lumaya ang demonyo,
nabuksan ang impiyerno,
walang natirang kabutihan
bagkus kasamaan,
dalamhati, gulo, at hiyawan.
Lumipas ang buong taon,
ang taon na ibinibilang dito.

Dumating ang buwan
na walang ngalan ang mga araw,
Ang makikirot na araw,
Ang mga halimaw araw,
Ang maiitim na araw.

Ang maririkit, sumisinag na mata
ni Hunabku para sa kaniyang
makalupang mga anak
ay hindi pa sumasapit,
dahil ang mga pagkakasala
ng lahat ng tao sa sangkalupaan
ay ganap na titimbangin:
Lalaki at babae, bata at matanda,
mayaman at mahirap, paham
at mangmang;
Punong Ulupong, komisyoner,
gobernador, kapitan, babaylan,
mga konsehal, alguwasil.
Lahat ng pagkakasala ng tao
ay titimbangin sa mga araw na ito;
dahil darating ang panahon
na ang ganitong mga araw
ay magtatakda ng wakas ng daigdig.

Sanhi ng mga pangyayaring ito,
huhusgahan ang mga kasalanan
ng tao sa daigdig.
Sa dambuhalang sisidlang kristal
na likha sa luad ng mga anay,
titipunin ni Hunabku
ang mga luha mula sa lumasap
ng mga kasamaan sa daigdig.
At kapag napuno na ang sisidlan,
magwawakas na ang lahat.

building chateau stone monument tower pyramid castle ancient landmark fortification ruin mayan archaeology temple mexico ruins civilization archeology mexican maya yucatan archaeological archaeological site historic site ancient history maya civilization

Ang Wakas ng Daigdig, ni Jorge Guillén

Salin ng “El fin del mundo” ni Jorge Guillén ng España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Wakas ng Daigdig

Jorge Guillén

Waring malapit na ang wakas sa mahina ang loob na naghihintay at nakatindig nang walang tinag. Ito ang Wakas at Araw ng Paghuhukom. Humahangos ang mga pangitain. Nauunawaan ang lahat sapagkat napakadilim.

Terible ang dagundong. Makinig nang mabuti. Ito na ba ang pagkagunaw? May motor ng sasakyang naglandas. Nabiyak ba ang mga semento at numipis ang hangin? May isang bahay na itinatayô. Anung baho roon! Kimika, purong kimika: nakasusukang amoy na lumalaganap, nakasusulasok.

Wala nang higit na madali kundi talikdan ang katwiran para sa apokalipsis. Walang tuksong makaaakit sa bulgar na gawi kundi ang panlulumo. Lulutasin ba nang lubos ng kamatayan ang lahat, na nakakubli sa ating pangamba, sa harap ng patuloy na pagkagunaw?

Ito ang wakas ng daigdig, ng iyong daigdig. . . Huwag mabagabag. Susian ang orasan. Lilipas pa ang milyon-milyong taon. Bagaman nagaganap ang Kasaysayan nang paikot-ikot, napakabagal pa rin ng lakad ng mga minuto. Magtiis, magtiis ang pitlag ng matris.