Ang Talukbong ng Umaga, ni Victor Hugo

Salin ng “Le voile du matin” ni Victor Hugo ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Ang Talukbong ng Umaga

[Aklat V. viii., Abril 1822]

Ang ulop ng umaga’y hinati ng taluktok,
Nagkislapan sa puti ang matatandang tore,
At ang kadakilaang kaysayáng inaarok
Ay pinagpupugayan ng mayang humuhuni.

Ngumiti ka, lalaki, sa panatag na langit,
Kahit tinangay ka pa ng gabing anung lagim;
Sa dilim ng puntod mo’y may kuwagong tumitig
Sa bagong alimbukad ng araw na maningning.

Pigilin man ng lupa’y ang diwa mo’y lilipad
Kung saan kumikinang ang batis-walang hanggan;
Babangon ka sa gitna ng lingid na pangarap
Na pinawi ng sinag yaong kadakilaan.

Oyayi ng Taglagas, ni Jules Laforgue

salin ng “Berceuse d’automne,” ni Jules Laforgue.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Taglagas na, taglagas, at sila’y nasa tabi ng sigâ ng tsimenea. Paalam, makapangyarihang araw, lungting mga dahon, langit na bughaw! Humahampas sa bintana ang ulan, at ang simoy ay tumataghoy nang paos sa monotonong awit.  O bihisan ng Abril, ang kasiyahan ng búhay, paalam! Tanging sa paglapit sa apoy maririnig ang  tikatik ng ulan, at kung minsan sa paghawi ng kortina, upang silipin kung ang langit ay may bahid ng abo, kung ang kalye ay malimit hitik sa mumunting sanaw. At mapapasalampak sila, samantalang unti-unting nababato ang isa sa kanila.  O desperadong hangin sa malawak na kahuyan, na ang dilawang mga dahon ay umaalimpuyo sa makutim na ipuipo habang kapiling ang mga liham ng pag-ibig at layak ng pugad, tangayin ang maririkit na araw sa iyong mahahabang bugso, ang taglamig ay walang hanggan, at ang lahat ng bagay ay nagwakas na, nagwakas.

Pabungkál-bantáng

Humaharap ang bangka sa iyo upang tanggapin ang wakas, na ang habagat o lindol ay maghahatid ng sakuna samantalang sinisikap mag-uwi ng mga isda sa dalampasigan ang pangkat magdaragat. Ano ang silbi ng layag o timon, kung ang umaasam sa iyong kaligtasan ay kabiyak na hinaharang ng pader ng ulan? Naiwan sa laot ang tinig ng lumba-lumba’t balilan, at marahil dahil sa gutom ay naisip mong awit iyon ng sirenang tumataghoy. Lumingon ka at tiyak malulunod. Tumingala ka at nilamon ng ulap o ulop ang paraluman. Pumikit ka at magdasal. Pumikit ka at kung sakali’t maluha ay malalasahan ang alat na katumbas ng di-maliparang uwak na gamba sa kawalan.

(“Pabungkál-batáng,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 2012.)

Ikaw

Ikaw ang aking simula at wakas ng pantig
Ikaw ang pintig ng simula hanggang wakas
Ikaw ang wakas ng pintig ng aking simula
Ikaw ang simula ng aking wakas na pintig
Dahil ikaw ang pantig ng aking pintig
Dahil ikaw ang pintig ng aking pantig
Ikaw na wakas at simula ng mga pangalan
Ay siyang simula at wakas na minamahal.

“Ikaw,” tula © ni Roberto T. Añonuevo, 16 Disyembre 2011.

Kung nais ninyong makita ang munting presentasyon ng mga imahen ng tulang ito, mangyaring pindutin ang sumusunod na larawan.

 

In extremis

Sumasapit tayo sa hanggahan, at ang ating mga paa ay nakausli sa tungki ng bangin. Sa ganitong sukdol, may puwang pa ba ang kaba at pagbabantulot sa lawak ng tangway at matarik na batuhang dalampasigan? Tinatanaw natin ang malayong daigdig, tulad ng pagsipat ng kongkistador kung hindi man palaboy, kahit ang kamatayan ay nasa ilalim ng talampakan. Sinasamyo natin ang dayaray, gayong ang mismong simoy ay inaasahang magtutulak sa atin sa kapahamakan. Nagbibilad tayo nang nakatingala sa init ng araw o dumidipa sa gitna ng ulan, kahit ang ating pandama ay hindi matandaan ang init o lamig ng pag-iral. Nasanay tayo sa di-maliparang uwak na espasyo, at sa sandaling ito, ang pagtindig nang walang tinag ay ehersisyong mabibigong ulitin ng tadhana. Isang hakbang pasulong at lalamunin tayo ng alimpuyo ng mga dahon. Isang hakbang paurong, at mananatili tayo sa katatagan ng mga tanong—na maaaring sagutin ng mahigpit na yakap habang humahagulgol ang mga alon.

“In extremis,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. © 19 Hulyo 2011.
Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.

Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.

Panahon at Bilanggong Ibon, ni Maya Angelou

salin ng tatlong tula ni Maya Angelou.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PANAHONG LUMILIPAS

Madaling-araw ang balát mo
At ang akin ay takipsilim.

Ipinipinta ng isa ang simula
ng tiyak na pagwawakas.

At ang kabila, ang wakas
ng tiyak na pagsisimula.

ANGAS

Iabot sa akin ang iyong kamay

Paraanin ako
upang mamunò at sumunod
sa iyo
nang higit sa poot ng panulaan.

Hayaan ang ibang makamit
ang katahimikan
ng nakauunawang mga salita
at pag-ibig ng pagkawala
ng pagmamahal.

Para sa akin,
Iabot mo ang iyong kamay.

BILANGGONG IBON

Lumundag ang malayang ibon
sa likod ng simoy
at lumutang pabulusok
hanggang magwakas ang agos
at ibinilad ang mga pakpak
sa bulawang sinag ng araw
at naghamong aangkinin ang langit.

Ngunit ang ibon na nagbabantay
sa loob ng masikip na kulungan
ay bihirang makakita sa pagitan
ng mga rehas ng poot
pinutol ang kaniyang mga bagwis
at itinali ang mga paa
kaya binubuksan ang lalamunan
upang umawit.

Umaawit ang bilanggong ibon
nang may nakatatakot na pangangatal
ng mga bagay na nalilingid
ngunit umaasam ng katahimikan
at maririnig ang himig nito
sa malalayong buról
dahil ang bilanggong ibon
ay umaawit ng kalayaan.

Iniisip ng malayang ibon ang ibang dayaray
at matimtimang habagat sa umuungol na kahuyan
at naghihintay ang matatabang bulate sa damuhang
matitingkad at magwawaring kaniya ang kaitasaan.

Ngunit nakatayo ang bilanggong ibon sa libingan
ng mga pangarap, humihiyaw ang kaniyang anino
sa pagkabangungot, pinutol ang kaniyang bagwis,
at may tali ang mga paa kaya binubuksan niya
ang lalamunan upang umawit.

Umaawit ang bilanggong ibon
nang may nakatatakot na pangangatal
ng mga bagay na nalilingid
ngunit umaasam ng katahimikan
at maririnig ang himig nito
sa malalayong buról
dahil ang bilanggong ibon
ay umaawit ng kalayaan.

Talumpati

Lilisan kayo sa pook na ito tulad ng aklat na nagkabagwis, at lumipad nang balisa kung saan-saan upang dumapo sa palad ng mapagsapalaran. Ngunit taliwas sa aklat na laging naghihintay ng magbubuklat, ang inyong mga katauhan ay higit na aktibo, at maragsa, dahil kayo ang maghahatid ng karunungan sa daigdig. Inaasahan ninyo ang mga manunulat na aakda sa bawat pahina, at magdidisenyo o magbabalangkas ng kahanga-hangang likot ng isip at guniguni. At ngayong sandali, ang mga manunulat ay aalis at iiwan kayong mag-isa, hanggang matuklasan ninyong kaiga-igaya ang pagtayo sa sariling mga paa.

Mapipili ba ng bawat aklat kung sino ang ibig nitong maging awtor? Maaaring oo ang sagot, dahil hindi isisilang ang aklat nang walang kahandaan sa panig ng awtor, at ang awtor ay sasabihing aakitin ng bato-balaning taglay ng mahiwaga’t dibinong diwain. Ngunit kung dibino ang akda, imposibleng ito’y magkamali, at ang pagkakamali o pagkukulang, ay banyaga sa hinagap ng Maykapal. Ang pagkakamali ay maisisisi sa may-akda, at kung ang may-akda ang nagtataglay ng anumang pingas sa dapat sanang sukdulang kaganapan, maglalaho ang kaniyang pag-angkin ng karapatang tanghalíng makalangit magpakailanman. Tanggapin ang pagiging mortal ng awtor.

Kung mapipili naman ng aklat ang karapat-dapat nitong maging awtor, ang akda ay masasabing higit na makapangyarihan kaysa maylikha nito. Iyon ay sa pagkakataong umiiral ang aklat sa kalawakan ng guniguni, at ang papel, tinta, kulay, balát, pagkit, at pisi ay pawang sangay at manipestasyon ng isipan. Bago maging aklat ang aklat ay diwa. At ang diwang ito ay marahang gumagapang sa malalawak na kalye o masisikip na silid, upang hanapin ang karapat-dapat na tao na kayang isatitik ang hinihingi ng mga tanong, haka-haka, at panukala. Magkukutsaba ang simoy at bituin, wika nga, at ang naganap noon ay muling magaganap ngayon na parang dalagang bagong paligo at bagong bihis sa paningin ng kaniyang matapat, pawisang manliligaw.

Sabihin nang hindi mapipili ng aklat ang awtor nito. Isang dahilan ang pagkakataong laksa-laksang aklat ang isinisilang bawat araw, at parang ang awtor ay naghuhunos na dambuhala’t mekanikal na palahian ng tupa o kambing. Ang aklat sa simula pa lamang ay masasabing nakatakdang maging aliwan o palaisipan, alinsunod sa mga manlilikha nito, at habang lumalaon ay sasailalim ang aklat sa mapanuring pagkilatis, kaya ang orihinal nitong pakahulugan, pahiwatig, at pagkakagamit ay maiiba alinsunod sa madlang magbabasa. Ang aklat ay walang magagawa kundi lumayo sa awtor nito, at pagkaraan ay muling magbalik sa takdang panahon, upang surutin, sampalin, at hiyain ang kaniyang Maylikha kapag natuklasan ng mga sungayang kritiko ang anumang kagila-gilalas na katangahan.

Humayo kayo, mga kapatid. Lumingon kung kinakailangan, ngunit higit na mahalaga ang pagtuklas sa pasikot-sikot na yungib ng hinaharap. Ilan sa inyo ay maliligaw. Ilan ay mamamatay sa uhaw. At ilan ang papalaring makatagpo ng liwanag na naglalagos sa kisame ng karimlan. May ilan sa inyo ang magtatangkang bumuo ng aklat, ngunit ipagpapauna ko nang hindi lahat ay isinisilang na manunulat. Ang iba ay isinilang upang gumuhit at magdisenyo, samantalang ang iba ay nakatakdang maging artesano ng palimbagan, estante, at sasakyan. Ang iba ay nakatadhanang maging mangangalakal o mamimili, upang ang bawat aklat ay makarating sa palad ng milyon-milyong daliri at paningin.

Huwag mainip kung matagal man matuklasan ang inyong katangian. Kung ang Maykapal ay nakapaghintay ng kung ilang libong taon para sa tao na susulat ng kaniyang kadakilaan, sino kayo para magtampo? Magpaalam, at lumisan kayo sa pook na ito. Manalig sa sarili, sa kapuwa, sa lipunan, at sa kani-kaniyang Maykapal. Bagwisan ninyo ang isip at pangarap, at lumikha ng mga titik na ikararangal ng ating daigdig.