Ikalabindalawang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabíndalawáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

“Ang wikà mo ang kataúhan mo,” ang paskíl sa padér na makikíta mo, at kung may báhid man itó ng kátotohánan ay susubúkin mo na tíla sugò ka niná Vak at Fáma, na magbíbigáy sa iyó ng  kapángyaríhan ng dilà, na pósibleng manganák o mabiyák at magsangá-sangá, na magháhatíd pára magíng dalawá o higít pa ang iyóng idéntidád. Sa loób mo, na panghihímasúkan ng lumikhâ sa iyó, ay hindî ímposíbleng magkároón ng dalawá o higít pang wikà na manánaíg ang isáng wikà sa paraáng sumúsunód ang ibá pang wikà sa grámatika, wísyo, at pagpapákahúlugán nitó—na ang paláugnáyan ay matálik at maúunawàan ng pinilì mong pérsona. Tutuláran mo si Fernando Bagongbanta: “Ycao ang oguit na matibay/ eres timon que no quiebra/ cahimat binabagyohan/ aunque haya tempestad recia/ sa iyo aco mananalig/ mi esperanza en ti esta puesta/ sa aquing paglalayagan/ en aquesta mi Carrera.”// Sa ganitóng pagkakátaón, walâng saysáy ang pagsasálin sapagkát ang téksto ay isá nang ehersísyo sa, at artefákto ng, pagsasálin. Ang dalawâng wikà—na nagmulâ man sa mágkabilàng pólo—ay nagsasánib úpang lumikhâ ng isáng bágong wikà, na turíngan mang tulâng ládino ay pagmámalábis sa daigdíg ng guníguní dáhil ang nasábing wikà ay makápagsásaríli at nakapágpapáalingawngáw ng saríli, na lampás sa kinagísnang parámetro ng Tagálog at sumúsuwáy sa sakláw ng Espaňol, sa kabilâ ng pangyayáring mukhâ itóng mestíso. Kung ipagpápalagáy na itó ay háybrid, ang henétikong urì nitó ay ebolusyón ng bakbákang páilalím, may diyaléktikong ágos na ang isang katutubòng wikà’y  ekstensiyón ng ibá pang banyagàng wikà, sa layúning sumunód sa útos ng máylikhâ, at nang turùan ang mga Tagálog sa paggámit ng Espaňol o turùan ang Espaňol sa paggámit ng Tagálog. Sa kabilâ nitó, magpipílit ang dalawâng wikà na dumakò sa pantáy na éstado sa anyông suwábe at dî-halatâ, gumagálang sa kapuwâ úpang mapágbigyán káhit paáno ang pagkakákilanlán ng báwat isá. Sakâ lámang matútunugán sa bandáng hulí ng mga mámbabása na ang nasábing háybrid na wikà na ipínadrón warì  sa prósodya ng dalawáng kúltura ay malínaw na larô ng kapángyaríhan, gáya sa maláwak na lipúnan, sa layúning pánaigín ang pananálig sa mayháwak ng ímprenta at podér. Maláy na maláy sa ganitóng larô si Rolando S. Tinio na lumikhâ ng kakatwâng pérsona úpang itampók ang dóble-kárang pérsonalidád nitó sa pásalitâng pamámaraán: “Sa poetry, you let things take shape,/ Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig./ You start siyempre with memories,/ ‘Yung medyo malagkit, kahit mais/ Na mais: love lost, dead dreams,/ Rotten silences, and all// Manner of mourning basta’t murder.”/ Bagamán dóble ang bílang ng salitâng Inglés sa salitâng Tagálog, sumúsunód ang Inglés sa éstruktúra ng Tagálog at dáhil díto’y nabúburá ang pagká-Inglés at nabúburá ang pagká-Tagálog úpang iluwál ang isá pang wikàng mukhâng mestíso. Ngúnit ang hímig ay banáyad at mapánlansí; nagháhayág ang pérsona ng saríli niyáng poétikang hinúgot man sa banyágang poók ay pumípiglás sa pagkábanyagà nang maípakíta ang báhid ng pinág-ugatáng báyan. Ang resúlta’y isáng háybrid na urì, na hábang nabíbiyák ang ísip ng pérsona sa dalawâng wikà ay nabíbiyák din ang kaniyáng diwà na katumbás ng kataúhang bípolár, na pagkakátaón úpang isílang ang sisté na kinásangkápan ng mga Tagálog noóng úna pa man. Wikà nga ng pérsona sa “Pelos en la lengua” ni Giannina Braschi: “El bilingüismo es una estética bound to double business. O, tis most sweet when in one line two crafts directly meet. To be and not to be. . . .” Hindî ba itó ang pamámangkâ sa dalawáng ílog, nakáaákit bukód sa nakabábalíw, kung warìin ay nagsásagútan nagsúsuhayán naghíhiwaláy, úrong-súlong nang maítanghál ang sariwàng kabatíran? Sa ganitóng pangyayári, tátanggí mísmo ang natúrang tulâng tulúyan úpang isálin sa púrong Inglés o púrong Espaňol, sapagkát kung magáganáp itó’y mawáwalân ng bisà ang anyô ng háybrid na wikà na may bukód na idéntidád. Sa káso na may dalawâng wikà na magkálahì at katutubò sa isáng bansâ, ang diyalétikong ugnáyan nitó’y nakásandál pa rin sa pérsona, gáya sa “Dugay na sa Manila” ni Teo T. Antonio. Sa nasábing tulâ, ang pérsona ay isáng nagtapós ng kúrso sa pagkágurò at sinúbok magtúngo sa Maynilà úpang makipágsapalarán. Nagbantulót siyáng magturò kung hindî man nanghinà ang loób dáhil mababà ang suwéldo na hindî káyang makápag-áhon sa hírap ng pamílya. Naísip niyáng mangibáng-báyan nang makilála ang rekrúter na nangakòng tutúlong úpang makápuntá ang pérsona sa Saudi Arabia. Ngúnit úpang matupád itó’y kailángan ang malakíng halagá. Sumúlat ang pérsona sa kaniyáng mga magúlang at humingî ng pérang pambáyad sa mga gastúsin sa paglálakád ng papéles. Naniwalà namán ang kaniyáng mga magúlang at isínanlâ pa ang arì-arìan. Tuwâng-tuwì ang pérsona at matútupád na ang kaniyáng pangárap. Hanggáng pumíhit sa masakláp na pangyayári: “Kaya ang papilis, nang naayos lahat/ Ako gid ay parang natuntong sa ulap./ Pinutos ang damit, sa tuwa’y maiyak/ Malalab-ot na gid ang akon pangarap./ Pero ang rekrutir na ahinsya’y palpak,/ Dinul-ong man ako sa Saudi Arayat.”// Naghahalò ang Bisayâ at Tagálog sa tulâ, sa paraáng nagsúsuháyan sa isá’t isá úpang maítanghál ang kataúhan ng probínsiyána—at maitutúring na halímbawà ng ebolusyón ng mga wikà. Ngúnit higít pa ríto, hindî masasábing dominánteng wikà ang Tagálog, sapagkát ang Tagálog ay kailángang gumanáp ng segundáryong papél at magíng panúhay na wikà túngo sa elaborasyón ng Bisayâ nang magíng kapaní-paníwalà ang páhiwátig na pagkálalawíganín ng pérsona. Kung edukáda man ngúnit muslák ang pérsona ay sapagkát nagkátaóng umiíral siyá sa isáng panahón at guníguníng lunán na mapágbalátkayô sa kabilâ ng pagigíng totoó sa saríli ng pérsona. Hindî siyá pásibo bagkús áktibo sa pagkamít ng pangárap, ngúnit nabigô pa rin siyá dáhil sa sindikáto (na ipinahíhiwátig din ng pamagát kung bíbigkasín nang malumì ang “Manilà” imbes na gamitin ang “Maynilà”). Kung itó man ay masakláp na birò ng kapaláran, ang biròng itó ay sumásapól sa pusò, na pumípigâ sa awà at hindík na makápagháhatíd ng katársis sa pánig ng mga mámbabása, dáhil mukhâ mang nagpápatawá ang hímig ng wikà ay sumásampál sa lipúnang tiwarík ang namámayáning kaisipán na ginagámit úpang manubà at manghámak sa dukhâ. Kung ikáw ang tulâ, huwág magtaká kung sakalì’t magkároón ng dalawá o higít pang dilà—at mangárap na mábiyayàan ka ng mga salitâ na ikátatáyog ng diwà, hindî ka man paláring mapabílang sa panteón ng mga dakilà.

Alimbúkad: Epic wave poetry solidarity with Ukraine. No to Wars! Yes to Humanity! Yorkshire Sculpture Park – 4 by Stephen Armstrong is licensed under CC-BY-SA 2.0

Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Mga Salitâ at Larángan: Isáng Pagninílay sa Tulâ, ni Cirilo F. Bautista (Yugto 30-36)

Salin ng Words and Battlefields: A Theoria on the Poem ni Cirilo F. Bautista

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

30

Kaúgnay ng nabanggít, karamíhan sa mga mambabása ay nagkakamalî sa akalàng ang imbensiyón ng pagsúlat ang nagsílang sa tulâ. Gáya sa naunáng natalákay, ang tiránya ng limbág ang nagpapáliwánag sa karamíhan sa kahiwagàan ng mga pág-intindí hinggíl sa tulâ, magíng iyón man ay sa paraáng kritikál o ontólohiko. Dáhil anák ng palimbágan ang kritikáng pampánitikán, nágbibigáy itó ng impresyón na ang mga bágay sa pag-aáral nitó ay mga anák mismo ng palimbágan. Itó, siyémpre, ang máaarìng totoó sa iláng urì ng panítikán, gáya sa nobélang populár at pámperyodíkong sanaysáy, ngúnit hindî sa tulâ. Isinílang ang tulâ nang may vocal cords[69] ng táo. Ang págsusulát ay nágbibigáy sa tulâ ng kumpígurasyóng pangmatá, kung dati’y tínig ang nágbibigáy ng kumpígurasyóng pandiníg hinggíl doon. Sa paglaganáp ng síning ng paglilimbág, ang pangmasíd ay nangibábaw sa pandiníg, na binágo hindî lámang ang konsépto ng tulâ sa panig ng madlâng sumaságap nitó bagkus magíng ang paraán ng pag-unawà ritó. Sa mitólohíya ni Marshall McLuhan, “ang pagbabágo sa ratio ng mga pandamá ng táo na sanhî ng kaúnlarán sa literasing ponetiko” ang Pagkaparoól “na nagpatiwalág sa táo mula sa kaniyáng muslak na akústikong paraíso” (CoM:86). Iniwan ng tulâ ang rehiyón ng taingá at pumaloób sa rehiyón ng matá. Lumitáw pagkaraan ang mga mambabása ng tulâ na halos lipúlin ang mga tagápakiníg ng tulâ; ang tulâ, sa puwersa ng ganitóng kaúnlarán, ay naging mahigpít na kaugnáy ng piráso ng papel. Pinaliít itó sa mga serye ng marká na itinítik sa sapád na rabáw. Binúro itóng bangkay, kumbaga, kapiling ang kamalayáng nagpapálagánap ng balità ng pagsilang nitó. Sa isáng hagod ng panulát, o pagbabâ sa imprenta, ang buong sistema ng pag-unawang poetiko ay nawásak—ang taingá ay napatalsík sa intermissum[70]. Ngayón, sa pangkálahatán, ang piraso ng papel na kinasúsulátan ng tulâ ay itinutúring na bahagi ng tulâ. Nang agawin ng makinang palimbágan ang soberanya ng taingá, at isánib ng mga kritiko sa makina ang kaniláng poetika, nabúhay ang tulâ sa pagkádestiyéro, na nabítag ng payák na putîng papel. Inilayô sa lárang ng pandiníg, ang tulâ ay umimbénto ng sari-saring língguwistíkong eksperímentasyón upang pangatwiranan ang pananáhan sa papél. Likás lámang na ang mga eksperimentong itó ay nakatuón sa mga matá, yámang ang mga taingá ay nawalân ng saysay para sa pag-unawang poetiko, at nagsílang sa proseso ng “de-touch-ment,”[71]—ang pag-úrong sa ipinápalagáy na realidád upang magparaán sa isáng arbitraryo.  Yámang ang tulâ at ang papel ay di-mahahatì, natatamo ng mga itó ang iisáng katauhan: sa gayón, hindî maiibigan ng mambabása ang tulâ at pupunitin ang papel na kinálimbagán nitó, sakâ sasabíhing, “Sinirà ko ang tulâ,” gayóng bágo pa ang de-touch-ment, ang totoó’y sinirà lámang niya ang isáng piraso ng papel. Kinokontról ng papel ang tulâ at, kung palálawigín pa, ang ísip sa likod ng tulâ. Sa loób ng anarkiko at binusabos na realidád, máaarìng nakabúting pagsasabágay pa itó, ngúnit sa loób ng konteksto ng kásaysáyang pampánitikán, walâ itó kundi ilusyong págpupúgay. Ipinapakò nitó ang tulâ sa teksto, gayóng gáya ng nabanggít na, ang tulâ ay higit pa sa teksto ng tulâ. Magagawâ nitóng walâng tínag ang tulâ ngúnit umaángil naman sa pagdurúsa sa kaganápan ng teknokrasya. “Gáya ng nanálo na sumulat ng kásaysáyan, i.e., lumílikhà rin siya ng kaniyáng míto,” sulat ni Ersnst Junger, “kayâ siya ang nagpápasiyá kung ano ang itutúring bílang síning” (MaN:128). Para makatákas sa pahina, i.e., para makalikhâ ng sariling míto, ang tulâ ay kailángang sunúgin ang papel nang hindî nitó nasusunog ang sarili. Kailángan nitóng maglináng ng sariling modelo ng pag-iisíp, ng sariling sistema ng pagninilay. Kailángan nitóng patunayan sa sarili na nakátataás itó sa papel sa pamámagítan ng paglalagáy ng taingá sa papel—sa pamámagítan ng pagpapabágong-anyô sa pangangáilángang teknolohiko tungo sa matulâing kawaláng katuturan. Kailángan nitóng ibasura ang mga pamámaraán kung paano maibabasura itó ng nanalo. Resulta nitó ang índepéndensiyá at kasarinlan ng tulâ na dáti nang ipináliwánag, ang kapángyaríhan ng mga tunóg sa mga salitâ, hindî ng mga hulagwáy sa papel, bagaman palaging magkakaroon ng eternal na pagtatagis ang tulâ at ang burukrasya tulad ng sinásagísag sa kapalaran ng makatàng si Orfeo na, sa pamámagítan ng kaniyáng mga tulâ ay ginawang walâng taláb ang mga sandatang ginamit laban sa kaniyá ng mga baliw na babae ng Sikones, ngúnit siya’y nagapì pa rin nila, at pinágpirá-pirasó, at ikinalat sa iba’t ibang pook ang mga galamay at lira niya, ngúnit ang kaniyáng malamig na dilà ay patuloy pa ring umáwit habang gumugúlong sa tubigan. Ang inimbentong tínig na itó na nilílibák ang tunay na tínig ay hindî radikal na binago ang intensiyón ng tunay na tulâ, dáhil kahit sa anumang panahón ay mapánunumbálik nitó ang kaakuhán[72]; ngúnit natamó nitó ang impluwensiya para magsagawa ng iláng pagkílos sa espero ng tunay na realidád, bílang panimula sa gayóng pagpapatuloy. Isáng tinipíl na salitâ, sa totoó lang, ang “kaakuháng” itó; umiral na itó noong isilid ni Rizal ang isáng tulâ sa tinghóy ng kaniyáng selda sa Fort Santiago. Ang pagkáhumáling sa tawtolohiya ay máaarìng makatulong sa nanalo para maantalá ang opensiba ng tunay na tulâ, o maniwalâ sa gayóng pahayág, ngúnit nakásalálay ang lahat sa panahón. Hindî matátabúnan ng lupa ang balità, gáya ng ginawa ng barbero ni Midas, at umásang hindî iyón itutúlak ng mga damó palabás sa rabáw ng lupà. Habang nakabitin pa itó, gayunman, ang tulâng itinalâ sa papel ay máaarìng magtaglay ng alinmang inskripsiyón, na may kung ano-anong pakahulugán, yámang panlansí lámang itó ng tunay na tulâ. Sa gayón, hindî masasabing walâng saysáy o absurdo ang tulâ, dáhil ang tanging hinihingi ay ang kung anong anyô ng mga marká sa papel—sa bisà ng ganitóng kondisyon. Masásalákay ang papel sa paraáng hindî itó makálalában sa kongkretong moralidad ng tiránya nitó. Ang wikà ay naging larûan ng panulát, at ang panulát ay naging makatà. Lahat ng kinákailángan para makalikhâ ng ilusyon ng estetikong pabigkás ay pagsunód sa mga pormalistikong panuto. Sa gayóng pagtataya, ang ganitóng inskripyon ay tulâ: “Cantara bawn gat hana/ regurgo san palti gon;/ retas, narok, a parta/ set leras alar rewarton.”  Itó ang inimbentong tulâ sa inimbentong wikà, dáhil walâng anumang ilusyon ang makapágpapabágo nitó—kailángang tanggapín itó sa kabuôan, at walâng mapágpipilìan. Sa pamámagítan nitó, walâng makapágpapaláwig sa ísip sa bágong dimensiyón ng panahón at espásyo, nang hindî iniíwan ang panahón at espásyo, at magpakálugód sa ilusyon, na waring ang tunay na tulâ ay napagod na sa pagiging tulâ at natanggalán ng karapatáng mamalagì sa papel. Ang mga guniguning hulagwáy na tinitimpla ng tulâ upang gawing ganáp ang ilusyon nitó ang nakapágdarágdag ng sariwang antás sa semantikong konstruksiyón at sa ipnotikong di-maiiwasang pangyayari sa pag-unlad ng ísip sa pamámagítan ng guníguníng karanasán. Ang guníguníng tulâ, samakatwid, ay isáng pánggagagád sa tunay na tulâ, bagaman napakahírap itangì ang isá’t isá sa isáng hatag na sandali ng tekstuwál na pagtatanghal, kapag sinakop ng mga matá ang tulâ. Bagaman ang natatanging urì ng kalungkutan ang nag-aabiso sa mga itó nang magkabukód, dáhil banyagà ang mga itó sa isá’t isá,  ang pánggagagád ay higít na malungkót dáhil nangingíbabáw itó sa ísip sa pamámagítan ng mga matá. Ang pagtákas para sa ísip ay binubuô ng karunúngan na ang ilusyong itó ay panandalîan lámang; matápos maglahò, ang digmâan ng mga salitâ ay muling sisiklab. Ngúnit ang guníguníng tulâ ay may halaga—sa paglikha ng pangunahing interbensiyón tungo sa tunay na realidád, napupuwersa nitó ang kásaysáyan na pagniláyan ang sarili. Kayâ ang interbensiyóng pangkásaysáyan ng guníguníng tulâ ay hindî guníguníng kásaysáyan bagkus kásaysáyan ng haráya na nagsisíkap na iugnáy ang subrasyonal at kublíng kamalayang materyales—mga simbolo, hulagwáy, pahiwatig, atbp.—na may di-mababágong elemento ng nakalipas na kásaysáyan. Para may masábi sa nasabing tulâ, na kaugnáy sa nabanggít na, ay nangangáilángan ng beripikasyon sa pahayág mula sa tunay at guníguníng perspektiba. Díto, tumpak lang na sabihing ang tulâ bílang kásaysáyan ay matátanáw na kásaysáyan bílang tulâ, dáhil kapuwâ nagdodokumento ang mga itó ng parehong konseptong pangkáisipán. Kaugnáy nitó, ang tulâ ay natatamó ang kambal na armonya—hindî lámang itó signo bagkus kahulugán ng nasabing signo. Kung palalawigin pa, báwat tulâ ay puwedeng magíng balistikong misil at isáng signo ng balistikong misil, o tirador, haliryó[73], o sumpit; ang tulâ ay máaarìng hinggíl sa sarili. Posible para sa tulâ na magnilay o pagnilayan ang sarili dáhil sa ganitóng kambal na katauhang may armonya, at ginagawa ang tulâ hindî lámang para magíng pangkulturang artefakto bagkus pangkulturang ego. “Paglabas ko sa gusaling tinitirhan,/ nasalubong ang tulâ isáng umaga/ na hila-hila ng amo nitó.// Sinundan ko sila./ Sa kanto, huminto ang tulâ at wari’y naningkayád./ May kung anong pumaták sa bangketa./ Isá pang tulâ?// Binilisán ko ang paghakbang.// Ngúnit bágo ko marating ang nahulog na bágay/ Napánsin itó ng amo ng tulâ./ Humángos siya pabalík at inilabas ang pandampot sa tulâ.// Sa isáng hágod ay nadampót niya ang bágong tulâ.// Nakíta niyá akóng papalapít kayâ nagmadaling/ Isinilid ang tulâ sa súpot,/ At pagkaraan ay pinunasan ang seménto.// Nakabantáy sa kaniyáng tulâ, ang ámo ng tulâ ay umalís.// Pagkaraán, sa isáng tindáhan, bumilí akó ng diyaryó/ At nabatid kung anó ang lahát ng itó./ Isáng bágong ordinánsa ang pinagtíbay, na ipinágbabáwal ang mga tulâ na magkalát sa lansángan—// Úpang itagúyod ang publikóng kalinísan at paunlarín ang ugnáyan ng mga mamámayán” (CaO:2). Ang tulâ, bílang paraán ng pag-iral, ay humahawan ng landas para isá pang tulâ! Ang tulâ na umaakay sa isá pang tulâ, o sa kaso ni Ezra Pound sa Cantos, ang nagsisíngit sa tulâ; sa kaso ni Alejandro G. Hufana sa Poro Point, ang humuhúkay sa tulâ; sa kaso ni Gémino H. Abad sa Fugitive Emphasis, ang kumakátay sa tulâ; sa kaso ni Ricky de Ungria sa R.A.D.I.O, ang gumagaróte sa tulâ. Ipinápalagáy ng báwat tulâ na ang pinakáangkóp na mapanurìng pormalismo na mapágsasánib ang ilusyon at realidád ay ang pana-panahóng estetikong tensiyón na nananáhan sa dinamismong pangkásaysáyan. Ang transitibong proseso ang nagtutulak sa mga salitâ sa tulâ na hanapin ang katwirang língguwistíko nitó sa mga di-língguwistíkong realidád—mga ídeólohíya, sistema ng gobyerno, pagtanggap ng kultura, tradisyon sa paniniwalâ sa diyos. Pagdaka, ang tulâ sa papel ay itinutúlak palabás ang mga diwàin—na hindî pa naíhahayág—na nananáhan sa espásyo sa mga palugit ng pahina, at may layong ganáp na maitulak ang sarili palabas sa papel. Sa sandaling magtagumpay ang tulâ, ang hungkag na pahina, sa lantay na pagkablangko nitó, ang kákatawán sa Sukdulang Tulâ. Kapag tiningnan ng isáng táo ang tulâ sa papel na isáng rekord lámang ng pribadong pagsasalitâ, na mula sa makatà, nakapagbigay na ng mahalagang serbisyo sa sangkatauhan ang imprenta. Ginagawa nitóng permanente ang págsusulát bílang instrumento ng nasabing rekord. Pertinente itó sa pahayág ni Michael Butor na “Ang unang bentaha ng págsusulát, gáya ng alam nating lahat, ay tinutulungan ang wikà na magtagal—verba volent, scripta manent[74]—ngúnit ang himalâ ay hindî lámang tayo tinutulungan nitó upang likhain ang nasabi na, at gawin ang pagsasalitâ bílang buô sa ikalawa o ikasandaang ulit, bagkus pinanánatilì rin ang báwat elemento ng pagsasalitâng itó sa pagsapit ng kasunod, at binúbuksán sa ating paningin ang máaarìng nakaligtâan ng pandiníg, na nagpapáhintúlot sa atin na magagap ang buong pagkakásunód-sunód sa isáng sulyáp” (BuI:40). Máaarìng panandalian ang mga binigkas na salitâ, ngúnit ang tulâ ay hinihingi ang gayóng mga salitâ, dáhil ang “tipograpiya” at tipolohiya nitó, noong una pa man, ay nakakáwing sa kamalayán, hindî sa anumang nasa labas [ng katauhan]. Máaarìng may kaugnáyan sa prosang pabigkás ang binanggit ni Butor, na isinásará ng ísip at ang kagyát na halína ay sa fakultad ng impormasyon, kayâ kailángan ang língguwistíkong pag-uúlit para matiyak at magkaroon ng datos sa salimbáyang pagtutúkoy; ngúnit ang tulâ ay simbolikong pagsasalitâ na isinásará ang ísip at taliwás sa naratibong diskurso—dulâ, nobéla, romanse—na pawang hindî nangangáilángan ng “láwas ng pahina” nang “maísará ng tunay na pader ng mga salitâ na mangángalagà, maglalaráwan, at magtatanggól díto” (BuI:51). Sadyang nais ng tulâ na takásan ang mga instrumento ng ísip na ginagamit upang ipakò itó sa isáng pook nang mapangíbabáwan ang ísip. Naís ng ísip na ikuwarantena ang tulâ sa isáng lugar sa pahina, nang mapaliít itó sa isáng tiyak na urì ng káisipán. Ang pahina ay hindî heneradór o terminal nitó. Itó, sa pinakamagaling na tanaw, ang instrumentong materyal para mahúli ang mga pabigkás na kalansáy ng abstraktong realidád. Ano ngayón ang hugis ng tulâ? Kung hindî itó katutubô sa pahina, gáya ng ikinákatwíran ng iba, at inimbento ng vocal cords[75], paano itó makíkilála mulâ sa iba pang urì ng pampánitikáng paglalahád? Malinaw na dapat ngayón na ang tulâ ay walâng tiyak na hugis. Yámang kinopyang diskurso ang tulâ, itó ang gumagawâ ng kumpígurasyón ng kamalayang lumikha díto, upang ang nasabing kumpígurasyón ay magpabágo-bágo mula sa isáng kamalayan tungo sa ibang kamalayan. Ang húgis ng tulâ ay hugis ng kamalayan sa sandali ng paglikhâ, ngúnit humigit-kumulang lámang, dáhil ang tulâ sa kamalayan ay iba na sa oras na lumabas itó sa kamalayán. Ang kamalayán sa pagsúlat ng tulâ ay hindî ang unang magtitiyak nitó, at itó ang tanging makapágtitiyák sa naturan, dáhil ang iba pa—ang sumaságap na kamalayan—ang tanging makákikíta sa pagkatotoó ng tulâ, at hindî sa bágo pa itó magkatotoó. Ang katalogo ng mga salitâ na bumubuô sa tulâ, gáya sa nabanggít na, ay hindî tulâ, bagaman ang tulâ ay hindî tulâ kung walâ itó; itó ang língguwistíkong katumbas ng reaksiyón ng kamalayan sa panggigipit ng kásaysáyan—sa tunggalîan at kalutásan—habang  ginagawâ ang tulâ. Ang húgis ng tulâ ay bersiyón ng tulâ ng kamalayán habang pinalalayà itó sa maláwak na mundó. Ang mga kumbensiyón ng prosódya at súkat ay nagsisilbi para matukoy ang hugis at mabiyayaan ang tulâ ng tiyak na kaakuhan, i.e., liriko, epiko, pasalaysay, elehiyako, atbp. Sa ganitóng paraán, nagsisilang ang tulâ ng hugis, itanghál man itóng pabigkás o pasulát sa papel, bagaman sa hulíng kaso, ang topograpiya[76]—ang ayos ng mga salitâng nakalimbág—ay inaagaw ang mga padrong prosodiko at metro sa pamámagítan ng pagsápaw sa ísip nang taglay ang enerhiyang pangmasíd. Nakapágpapátaw sa gayón ang arbitráryong pisikál na estruktúra sa pabigkas na estruktura at nagiging malígoy ang lohika ng matulâing balangkas. Bunga nitó, may mga tulâ na literál na kakatwâng basáhin nang malakás dáhil nakadisényo yaón upang makíta, gáya ng “The Grasshopper” [Ang Tipaklong] ni E.E. Cummings o “The, Bright, Centipede” [Ang, Alupihang, Maningning] ni José Garcia Villa. Sa pinakásukdól, ang gayóng tulâ ay pinaliliit ang panulâan sa nakikítang pagsasalitâ, gáya ng sistema ng ponetíkong notasyón na binubuô ng mga diyagrámang pabigkás na pumapalít sa mga hulagwáy ng wikà. Ang tulâ, dapat idiin, ay nadédestiyéro sa pahína, napápaligíran ng mga peligrósong teknolohíkong págbabáwal, kahit sa pag-únat ng mga bintî nitó sa maningníng na láwak ng mga palúgit sa papél. Malayà lámang ang tulâ na magnílay sa pag-iisá nitó, o sa pinakámasakláp, naghuhúnos itó paloób sa púrong anyô, yámang ang mga títik ay hindî na makagaláw at pumirmí sa tintá ng imprénta. At sa sandalîng pumaloób iyón sa mga pahína ng aklát, ang katigásan nitó ay nagiging walâng hanggán, at hindî na mulîng máririníg pa.

31

Sa pagkádestiyéro, ang tulâ ay isáng ideograma; isáng eskúdo ng kamalayán ng makatà. “Disíplinádo ang tagláy nitóng káisipán,” wikà ni Confucious sa Shih Ching (ShMD:XII), bagamán kinóndená ni Chuangtzu ang wikà kasáma ang lahat ng establisádong institusyon nang makálikhâ ng bágong paraán ng pagságap sa tulâ. Ang tiránya ng limbág ang nagpakò sa tulâ sa ideógramátikóng kawaláng-kílos, gáya ng binúrong insekto, at pinipílit itó na umangkop sa pahilig na pagbásang kílos na nagdudúlot naman para mapuwersa ang ísip ng mambabása na isaálang-álang ang kahulugán ng tulâ bílang malá-alimángong dáloy ng mga salitâ sa nakápirmíng lupàin. Báwat salitâ ay nakákadéna sa kasunód na salitâ, at maliban kung nauúnawàan ng isáng táo ang pagkakakáwing, kailángan niyang umúrong at ulitin ang pahilíg na pagbása. Datapwát sa kaso ng di-nasusúlat na tulâ, ang báwat salitâ ay umaabót sa kamalayán ng nakikiníg nang may awtonúmong intensidad na nangangáilángan naman ng katumbas na intensidad ng atensiyón sa panig niya, kung hindî’y magkakámalî siya sa kahulugán ng salitâ, dáhil ang kaniyáng taingá ay hindî mabábalikán pa ang salitâ sa sandalîng hindî na itó maulinig[77]. Bunga nitó, ang pangunahing anyô ng pasulat na tulâ ay ang pisikal na ayos nitó habang sumasapól sa ísip ng nakikinig. Ang pasulat na tulâ ay nakaaapekto sa ísip sa pamámagítan ng palimbág na teknolohiya, samantalang ang di-nasusulat na tulâ ay nakaaapekto sa ísip sa pamámagítan ng pambobomba ríto. Itó ang dahilán kung bakit sa pinakaubod, ang di-nasusulat na tulâ ay nagkakahugis ng kamalayan sa sumasagap díto, habang ang pasulat na tulâ ay nagkakahugis sa pahilig na estruktura nitó. Ang mga saknong, pútol ng taludtod, dagdag-na-salitâ,[78] at paglilipat ng linya ang mga taktikang mauunawaan lámang kapag isinaalang-alang na kaugnáy sa isinulat na tulâ, at hindî sa di-nasusulat na tulâ, dáhil magkaugnáy ang dalawa kung titingnan. Pinaliít bílang ideograma, ang pasulat na tulâ ay talagang dapat magtaglay ng “disíplinádong káisipán,” ngúnit para maganáp itó, kailángang iwan nitó ang “nahuhútok na pag-angkop” nang matiyak ang matulâing kaligtasan sa mabagsik na mundo, na kasabay ding nagtitiyak sa língguwistíkong kariktan. “Kapag ganáp na nabuo ang diwa sa ísip,/ Namumukadkad itó sa kadakilaan,” pahayág ni Liu Hsieh (HsM:178). Ipinahihiwatig ng lahat ng itó ang pagkontrol ng ideograma sa ísip ng mambabása kapag tinalakay ang kahulugán ng tulâ. Tinutupad itó ng mga taktika ng teknolohiyang palimbág, dáhil nagtatakda ang mga itó sa panig ng mambabasa ng patutunguhan ng pagninilay at kasiyahan sa tulâ—binabawasan ng mga itó ang lakas ng talino na ibig magsagawa ng independiyenteng pag-unawa sa nasabing tulâ. Ang tulâ ay kaaláman mismo, na ang ísip ang nagsisilbing kasangkapan upang hukayin ang gayóng kaaláman. Ang di-nasusulat na tulâ, gayunman, ay hindî kaaláman, ngúnit kasangkapan ng ísip para matamó ang kaaláman. Nagtataglay ang ísip ng primitibong kaaláman na kinukumpirma, sinasalungat, o nilalagom ng tulâ, alinsunod sa pangyayari. Walâng anyô ang makapágpapárupók sa gayóng kaaláman bágo itó magíng ganáp; at kapag naging ganáp, ang anyô ng tulâ ay impresyón sa armonyoso at pinag-isáng diwa na iniiwan nitó sa ísip. Isáng layon ng di-nasusulat na tulâ ay tipunin ang rekord ng nasabing mga impresyón. Sa ganitóng konteksto, mauunawaan ang puna ni Dylan Thomas na “Hindî pa ako nakakita kung ano ang anyô ng tulâ. Ngúnit sinisikap kong makita iyón” (FeT:299). Nasa kaniyáng ísip ang anyô, at dáhil walâng katumbas itó sa labas ng ísip, hindî niya maisáhinágap iyón. Máaarìng makapagdiskurso siya hinggíl doon, ngúnit mabibigong magagap ang kumpígurasyón nitó dáhil hindî itó makikita. Ang ídea ng tulâ, gayunman, ay máaarìng malinaw sa kaniyá yámang nananatiling natatangi mula sa anyô. Ang kásaysáyan ng di-nasusulat na tulâ ay kásaysáyan ng mga ídea, samantalang ang pasulat na tulâ ay isá sa mga anyô. Ang tuon ng bilis ng salitâ sa di-nasusulat na tulâ at ang pahilig na bilis ng salitâ sa nasusulat na tulâ ang makalilikha ng tunggalîan sa ísip, na sa pagkaignorante sa naturang pagtatangi sa mga itó, ay sisikaping sagapin ang isá na kahalili ng iba. Bunga nitó, nagtatakda ang ísip ng maling pagkilala o kalidad sa sinalungat na tulâ; o, sa kaso ng iláng kritiko, sablay at walâng batayan ang paghatol na ipinataw sa kalikasan ng tulâ. Pinakíkinggán ang tulâ, at isinasaharáya, naúnawàan itó o hindî naúnawàan; o ang isáng tulâ ay tinatanaw, isáng ideogramang sinusurì, at sinisípat nang paulit-ulit sa kung ano-anong dahilán (sa kabila ng lahat, makakamit itó, dáhil pinatigas sa mga pahina), at nauunawaan. Sumusunod ang isáng proseso sa sarili nitóng sistema at sumasapit sa layon nitó—ang pagkakaunawa—na independiyente sa iba pa. Ang ikalitó ang isáng sistema na laán sa iba, at ipagpalit ang mga tiyak nitóng antas, ang makapagpapalubhâ sa tunggalîan. Mailalapat díto, walâ mang kaugnáyan, ang pahayág ni Berkeley na “ganáp na di-nauunawaan” ang magsalita “ng absolutong pag-iral ng mga di-nakapag-iisíp na bágay nang walâng kaugnáyan sa pagsagap sa mga itó” (BeK:66). Ang pahilíg na galaw ng nasusulat na tulâ ay ikinukulong ang ísip sa loób ng pisikal na hanggahan ng limbág, at nililimitahan ang mga pagtuklas at tekstimonya sa mga kahulugáng nakapaloób doon.  Maglalakad ang ísip upang masakop ang mga perimetro, sapagkat sa gayóng paraán lámang magagagáp nitó ang kabuôan ng tulâ. Ang di-nasusulat na tulâ ay binobomba ang ísip ng sunod-sunod na salitâ, nang lingid ang estruktura ng salitâ, upang ang báwat salitâ ay sumapol sa ísip nang may katumbas na lakas, at napupuwersa itóng magtuon ng pansin sa mga salitâ, habang di-maláy nitóng binibihag ang kubling pisikal na estruktura ng tulâ. Ang isáng táo na nakarinig sa unang pagkakátaón ng tulâ ay walâng empirikong balangkas para maunawaan iyón, maliban sa kaniyáng kaaláman, at pag-ulinig, sa mga salitâ. Napahihirapan siya ng ganitóng kamangmangan sa pag-unawa sa tulâ; sa kabalintunaan, ang ganitó ring kamangmangan ang makapagbibigay ng kabuluhan sa pagdanas niya sa tulâ. Dáhil hindî niya alam kung ano ang anyô ng tulâ, hindî rin niya alam kung paano itó wawakasan. Palagi siyang tensiyónado, at sinisikap na matukoy ang halaga ng tempo, infleksiyón, defleksiyón, himig, hinto, at katáhimíkan na pawang mula sa nagsasalitâ. At kapag ang pangwakás na tulâ ay nagtapos sa di-mahahadlangang katáhimíkan ng nagsasalitâ, gugulantangin siya ng kaaláman hinggíl sa hugis ng tulâ. Mauunawaan niya pagkaraan na ang ídea ng tulâ ay nasa hugis nitó, na taliwas sa nasusulat na tulâ na ang hugis ay nasa ídea nitó. Kapag nasagap ang anyô at ídea, natatamo ng tulâ ang realidád. Ngúnit totoó lámang itó sa naturang ísip na nagsisimula sa kamangmangan, kumbaga, sa ultimong pag-iwan sa kumbensiyónal na panuntunan ng mga títik. Hindî dáhil gumuhô ang mga pamantayan sa matulâing pagsagap, kundi kailángang muling balangkasin ang mga itó upang maísaálang-álang ang pambihiràng kalidad ng tulâ. Ang káisipán at hugis ay sumasapit at nagpapabalik-balik, ngúnit hindî palaging may parehong linaw at may parehong network. Ang prehuwisyo sa ganitó o gayóng interpretasyon sa parehong tulâ ay sanhi nitó, at ang mga interpretasyon sa parehong tulâ ay nagbabágo hindî dáhil sa káisipán nitó o ang hugis ng tulâ ay nagbágo bagkus dáhil ang magkakaibang ísip sa magkakaibang paligid ay sumasagap ng iba’t ibang aspekto ng parehong penomenon. “Ang kásaysáyan ng ísip ay hindî naging walâng latoy na pagpapatuloy. Palaging may mga panahón na umuurong itó sa lilim ng mga anino,” sulat ni Lionel Trilling (TrMM:41).  Ang habà at sigásig ng isáng interpretasyon ay may tambalang terminal sa búhay ng diwang-datos na naging sanhi ng gayóng interpretasyon, bagaman sa iláng pagkakátaón, ang iláng kanon ng abstraksiyón at panlasa ay makapagpapalawig sa nasabing interpretasyon, gáya sa kaso ng mga romantikong tulâ sa Filipinas, halimbawa na ang kina José Corazón de Jesús at Tarrosa Subido, na nabuhay dáhil inísip at dinanas ang mga itó sa lilim ng maningning na kalagáyan ng estetikong Filipino. Ang mga detalye ng gayóng pananaig ay nananatiling mahiwaga, sa pakahulugán ng Griyegong “mysterion[79].” Kahit ang dakilàng si Karl Marx ay nabigong maarok ang ganitóng proseso. Ang kaniyáng mga paborítong awtor—Aeschylus, Shakespeare, Goethe, at E.T.A. Hoffman na pawang hindî naman rebolusyonaryo o kritikong panlipunan—ay hindî nakapagbigay sa kaniyá ng materyales para maiugnay ang mga ekonomikong realidád sa mga imperatibong estetika at nang mapangatwiranan ang kaniyáng teorya sa politíka. “Ang hirap ay hindî sa paggagap ng ídea na ang Griyegong síning at epiko ay matálik na iniugnay sa iláng tiyak na puwersa  ng panlipunang kaunlaran,” sulat niya sa A Contribution to the Critique of Political Economy [Isáng Ambag sa Kritika sa Pampolitíkang Ekonomiya]. “Nakasalálay itó sa pag-unawa kung bakit nananatiling bukál pa rin ang mga itó ng estetikong kasiyahan para sa atin, at sa iláng pagkakátaón ay nangingíbabáw bílang pamantayan at modelong mahirap maabot” (MaC:131). Nabigo siyang makapaglináng ng pormularyong lipon ng estetikong káisipán nang maipaliwanag ang ugnayan ng rebolusyonaryong kamalayan at ng artistikong pagtatáya sa loób ng balangkas ng mga pang-ekonomiyang pangyayari. Kumbaga, ang kaniyáng ekonomikong interpretasyon sa kásaysáyan ay hindî mailugar sa mga tumpak nitóng dimensiyón ang hiwagang nagpapatakbo sa unibersal na kamalayan na nagdidiin sa penomenon ng tunggalîan bílang ugat na sanhi ng tulâ. Gáya ng naipakita na, ang tensiyón na likás sa tunggalîan ay malinaw sa tatlong antas: una, sa panig ng makatà at ng tulâ sa yugto ng paglikha; ikalawa, sa panig ng tulâ at ng madla (mambabasa at tagapakinig) sa yugto ng pagtatagis; at ikatló, sa panig ng tulâ at ng iba pang tulâ sa yugto ng estetikong pamamahinga. Ang nakaligtas na interpretasyon ay maitutúring bílang kaganápan ng propetikong kumpederasyon ng ísip at ng mga salitâ sa sandali ng kaniláng pamumuô, upang ang unibersal na kamalayan ay hindî makatakas sa katótohánan. Masasabi itó kay Gertrude Stein hinggíl sa kaniyáng nobélang Mrs. Reynolds na “binigkis niya ang teksto nang may maiikling talâ: doon, nagtagumpay ang kaniyáng propetikong paraán ng pagsagap sa kásaysáyan; natapos na niya ang introduksiyón, ang pinakaperpektong halimbawa ng metodo na, sa pagsasalitâ sa wikà ng paslit, ay natuklasan niya, gáya ng ginagawa ng bata, ang mga pamamaraan ng paglikha ng pinakamaselang katótohánan na mauunawaan ng mga dakilàng táo ng kaniyáng bansa at iba pa” (RoTR:212-213). Bigkisin ang mga teksto na bumibigkis sa kamalayán: Itó ang lumilítaw bílang sukdulang kasabihan ng pakikibákang pampánitikán ng táo, na misteryoso at tanging maipapáliwánag sa pagiging di-maipapáliwánag. Ang paradoha nitó—“ang posibilidad na itago ang kahulugán sa pamámagítan ng mismong akto ng pagbubunyág nitó,” gáya sa isinulat ni Derrida (DeWD:2:26)—na pinawawalâng-saysay ang anumang pagtatangkâ na balangkasin itó sa láwas ng mga panuto. Bílang proseso, inilulugar nitó ang kílos ng táo, kahit pa kabaliwán, sa kapana-panabik na posisyon, na kaugnáy ng likhang síning. Sinabi ni Foucoult na “ang sandali na magkasabay isinílang ang akdang síning at ang kabaliwan at magíng ganáp ang simula ng panahón na mababatid ng nasabing mundo na kinakastigo ng nasabing akdang síning at mananagot sa harap nitó dáhil sa pagiging kung ano itó” (FoMC:289). Ang ísip na hinahátak para saksihan ang mga teksto ay dapat pangatwiranan ang pag-iral nitó, patunayan ang sarili na karapat-dapat sa mga teksto, dáhil sa ganitóng superlatibong oras ng paghuhukom, kapag ang mga teksto ay pinasán ang lahat ng simbolo ng mundo, itó ay walâ nang kahulugán sa labas ng mga teksto. Ang ísip-sa-loób-ng-mga-teksto, na taliwas sa ísip-sa-labas-ng-mga-teksto, ay matutuklasan ang sarili na pinipígil ng pabigkás na hanggahan ng tulâ at pinághaharìan nitó. Ang ísip-sa-teksto ay makágagaláw lámang sa pambansang kaligíran na makapágpapásiglá sa intérpretasyón, upang ang anumang lampás sa gayóng interpretasyon hinggíl sa tulâ ay maitúring na hinuha, kung hindî man imbento. Ang Florante at Laura, Divina Commedia, Evangeline, na ilán sa mabábanggít, ay totoó sa ganitóng pangyayári, at buháy na buháy. Ang ísip na sumasalungat sa mga itó ay walâng kinalaman sa kaligtasan ng mga itó ngúnit kailángang bigkisin ang saríli sa mga teksto nitó kung ibig máliwanágan habang hinaharap ang mga itó. Itó ang dúlong wakás ng mahabang paglalakbay ng tulâ tungo sa inmortalidad ng teksto na posible lámang kapag natamó ang ikatlong antas ng signipikasyon (Cf. seksiyón #27). Winakasan ng tulâ ang sarili at sa gayóng proseso ay ikinulób sa loób ng kahulugán ang urì ng ísip na makáhuhúkay ng gayóng kahulugán. Ibinibigkís nitó ang nasabing kamalayan sa tekstuwálidád nitó, sa penomenon ng “saradong sistema” na nilinang at winakasan ng mga prinsipyong índepéndiyénte sa mga karanasan, pangyayari, o motibo ng makatà o ng mambabasa. Masusurì ang mga tulâng mahusay ang pagkakagawa bílang mga teritóryo na ang komersíyo sa pagitan ng mga salitâ ay nagaganáp. Kapag natápos ang transaksiyón, ang pambansang kamalayán ay pumapánig sa tulâ at aangkinin itóng bahagi ng estetikong pamána. Tinátanggál ng tulâ ang índepéndensiyá ng ísip, at nagkákaútang pa roon ang ísip para makairal. Isáng buong síklo ang maáabót: ginagámit ng ísip ang wikà upang bihágin ang tulâ na bibihágin sa huli ang ísip sa pamámagítan ng paglampas sa wikà. Pinaunlád ng tulâ ang sarili nitóng epistomolohiya. Ang paglaya ng tulâ mula sa paninilbihan sa wikà at tipograpiya ang lumílikhâ ríto na magíng kabuôan ng awtonomiyang pangkáisipán dáhil permanente ang háwak nitó sa gunitâ. Ang mundo na binubuo ng tulâ sa yugtong itó ay hindî na pag-aarì ng tulâ, bagkus ng báwat ísip na umangkin sa gayóng mundo, sa parehong paraán na ang tulâ ay hindî na pag-aari ng sarili bagkus ng báwat ísip na umangkin nitó. Sa katótohánan, ang tulâ ay naging ísip at ang ísip ay naging tulâ, samantalang tumátaták sa pambansang haráya ang lahat ng datos na sumúsupórta sa kaligtasan ng tulâ bílang pangkulturang estetikong materyal. Nagtatapos itó mula sa pagiging pansamantalang pagtukoy tungo sa pagiging kalahók sa eternidad. Ngayón, ang nagpapásiglá ríto ay ang kamalayang higit sa taglay nitó, ngúnit itó ang kumókontról na enerhiya, sa pagiging bukál ng mga kahulugán na mapagdúdukalán ng kamalayán. Nalalágom ng tulâ ang hinalà ng ísip sa realidád sa loób ng tulâ (interpretasyon) at ang realidád sa labas ng tulâ na humuhúbog díto (konstruksiyón). Masasabi rin itó sa tulâ bílang ídea: ang ísip ay may kaaláman sa tulâ bágo pa itó umiral (Cf. #24). Dáhil bahagi na itó ngayón ng pag-agos ng kolektibong ísip, gáya noong bahagi pa itó ng pagdaloy ng língguwistíkong tekstuwálidád, ang ísip  ay nágtatagláy ng hulagwáy ng katangìan  nitó, sub specie eternitatis[80]. Kapag itó ay inilabás ng mga kumbensiyónal na matulâing instrumento, sumasánib mulî itó sa língguwistíkong bátis, ngúnit tangìng sa húgis ng binanggit na sintesis na ibinigáy díto. Ang kasalukúyan ay maipápaliwánag lámang sa sípat ng pambansâng gunitâ. Kasunod na mangyayári, sa gayón, na ang tulâ ay mamatáy o magkawaták-waták, i.e., mawalâ ang pagiging pirmí ng kahulugán, kapág ang pambansâng gunitâ ay dumánas ng kung anong urì ng pagkawásak o di-inaasáhang pagkasirà ng sirkitó.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Yaroslav Danylchenko on Pexels.com

32

Ang teknólohíya ng limbág ay hindî lámang idinídestiyéro ang tulâ sa pahína bagkús ipinipínid pa ang bibíg sa pagbása ríto. Hindî na itó basta ekstensiyón ng taingá at ng bibíg, sapagkát winakasán ng arbitraryong katáhimíkan ang pakikipág-ugnáyan ng mga nasabing pandamá sa mga língguwistíkong bahagì nitó. Ang pagtátagúyod sa tahímik na pagbabasá—na bágong pagpapáunlád sa kásaysáyang pangkultura ng sángkataúhan—ay naganáp noong A.D. 384, ayon kay Jorge Luís Borges (K1M:102), nang ilaráwan ni San Agustin sa kaniyáng Confesiones [Mga Kumpisál], Aklat VI, Seksiyón III, Talata 3, si San Ambrosio: “Ngúnit nang nagbabasá na siya, sinúyod ng kaniyáng mga matá ang mga pahina, at hinanap ng puso ang kahulugán, ngúnit namamáhingá ang kaniyáng tínig at dilà. Malímit kapag dumaráting kamí. . . nasisiláyan namín siyáng nagbabasá para sa saríli, at hindî kailánman ang kabalígtarán; at makalípas ang matagál na pagkakaupô nang tahímik. . . panátag kamíng lilísan, iisípin na sa gayóng kaiklîng agwát na natamó niya, malayà sa anumáng íngay ng gawâin ng ibá, sa pagpapánariwà ng ísip ay sakâ namán bantulót siyá na magpatúloy; at maráhil ay pinangángambahán din niyá, na kung ang awtór na nabása niya’y nagsaád ng anumáng kalabùan, may kung sínong masigásig o nagtatakáng nakikiníg ang iibíging ipáliwánag o talakáyin niyá ang mahihiráp na tanóng; upang sa panahón na nagúgol niya, hindî na niyá mabábalikán ang napakaráming tómo na bálak suyúrin” (AuC:35-36).  Bágo pa ang makásaysáyang pangyayaring itó, ang pabigkás na pagbabasá ang nakasanáyan sa mga monasteryo dáhil sa kawalán ng mga bantás at pagkakábukód ng salitâ sa mga iluminádong manuskríto. (Kakauntî ang malalaking aklát at napakamahál kayâ kailángang ikadena sa dingdíng ng selda). . . Ang tahímik na pagbabasá ang nagpabágo sa pagtingín ng táo sa teksto. Nang lunukín ni San Ambrosio ang mga títik ng kaniyáng aklat upang tunawin ang mga itó sa katáhimíkan ng kaniyáng lamanloób, lumikhâ ang pangyayári ng bungáng proseso sa kaniyáng ísip—ang pagsusurì sa teksto bílang bangkáy ng pananalita. Ang ísip, sa kontemplatibong katáhimíkan (dáhil pinágkaitán itó ng mga taingá at labì), ay titistisin ang tulâ, at itutúring itó bílang hulagway ng ísip, at susurìin ang nilalamán nitó nang katumbas ang kamalayán na lumikhâ nitó. Báwat salitâ ay kumákatawán sa aspekto ng gayóng kamalayan habang may, at pagkalipas ng, tunggalîan na nagtutulak díto na magíng malikhâin. Napuwersang mapatahimik, ang tulâ ay papások sa kalagáyan ng nagsayelong paroksismo na mula roon ay sasagipín ng ísip sa pamámagítan ng pagpapátaw ng kahulugán doón. “Ang totoó’y hulagway ng ísip ang nakákikiní-kinitá sa tunáy na bágay, na umiíral sa hánay ng iba pang bágay sa mundó ng pagságap,” pahayág ni Sarte, “ngúnit nakikiní-kinitá nitó ang bágay na iyón sa pamámagítan ng nilalamán ng ísip. Ang nilalamán ay dapat na maabót ang tiyák na kondisyón: sa hulagwáy-kamalayán ay naúunawàan nátin ang isáng bágay bílang ‘analogo’ ng isá pang bágay” (SaPI:69). Ang pagkákahawíg ng tulâ at ng ísip ng makatà ang gigiít sa nag-iimbestigang ísip, upang maisúlong ang ikalawang analogo. Tulâ mismo ang gugúhit sa ísip bílang pangitàin ng ídea, habang penoménon nitó ang gugúhit sa mga pandamá bílang pangitàin ng gunitâ. Ang gunitâ ay hindî analógo ng ídea, o kaya’y kaaláman ng nág-iimbéstigáng ísip hinggíl sa tulâ bílang ikalawáng analógo; bagkus, itó ang kamalayán ng ísip hinggíl sa pagkakahawig sa pangkáisipáng nilalaman nitó, at ang pagtatangka ng ísip na ipabatid itó sa anyô ng kahulugán. Hindî ba ang kahulugán ang analógo ng tulâ, at ang tulâ ang analógo ng ísip ng makatà? Kung isásaálang-álang itó, ang páyo ni Chuang Tzu—na dapat iwaksi ng ísip ang mga salitâ sa oras na magagáp ang mga ídea na ipinábabatíd ng mga salitâ—ay waring di-makatwiran, dáhil ang mga salitâ ay hindî masaságap nang malayò sa mga kahulugán nitó. Ang salita ay repleksiyón ng sarili nitó; itó ang mismong kahulugán. Ang tulâ, pagdáka, sa analógong kalagáyan nitó, ay namámagítan sa kahulugán nitó at sa nág-iimbéstigáng ísip, sinisíkap na kumbínsihín ang hulí sa realidád ng pagsagap nitó, kumbagá, na walâng máuuná sa tulâ, at sa sandalî ng pag-unawà, lahat ng iyón ay realidád. Walâng makáiíral nang lampás pa roon, kahit pa hulagwáy pangkáisipán ng hulagwáy pangkáisipán nitó. Ang intérpretasyóng itó ng realidád ng tulâ at ng anyô nitó ay nagpápahiwátig ng kaniláng pagsasánib, ng kaniláng malálim na armónya. Ang parabúla ni Fatsang hinggíl gintông león ay mababakás díto, na “ang gintô (realidád) at ang león (anyô) ay sabáy na umiiral nang magkatugma; nagsasanib ang mga itó, ngúnit hindî nangangáhulugáng hahádlangán ng isá’t isá ang katauhan ng báwat isá. Ang gintô at ang león ay nananatiling natatangi ang mga katauhan. Kapag nakita ng isáng táo ang león, nakikita niya iyón bílang león; malinaw ang león, at nakakaligtaan ang gintô. Kapag nakita ng isáng táo ang gintô, malinaw ang ginto at lumalabò ang león sa paningin. . . Ang gintô ay león, ang león ay gintô” (ChCT:99-100). Ang kapuwâ paglalakíp ay nakapágpapálayà sa realidád ng tulâ at sa anyô nitó mula sa isá’t isá,  hináhayàan ang mga itó na gawin nang magkabukod ang kani-kaniyáng bálak. Sa ganitóng paraán, tumpak na sabihing, “Ang mundo ay tulâ,” at “Ang mundo ay mukhang tulâ.” Sa una, ang ísip ay kumikílos sa tulâ at isinasalin ang lahat ng liwanag ng unibersal na karanasan na káya nitóng likumin, at pipinturahan itó, kumbaga, ng makalupang balát, upang sa gayón ay mabuo nitó ang pinakaúbod ng mundo; sa ikalawá, ang ísip ay hindî ganáp na nagtatagláy ng realidád ng tulâ, ngúnit isinásaharáya lámang itó bílang hanggáhan ng realidád—mga gílid, rabáw, paá, antípoda—na pawang nasa bingit ng totalidad, nasa landas ng paglikha. Kung “ang ísip,” gáya ng diin ni Spinoza, “ay nagsisíkap na isáharáya ang mga bágay lámang na ipinagpápalagáy na kapángyaríhan nitó sa pagganáp,” (SpE:413), ang tulâ, sa sandali ng inteléktuwálisasyón, ay nakapágdaragdág ng gayóng kapángyaríhan sa pamámagítan ng pagbabawás mula sa di-realidád.  Halos walâng pagkakaibá ngayón sa ísip na bumubuô ng tulâ at sa tulâ na bumubuô ng ísip; báwat isá’y sumusuporta sa iba nang may kapuwa índepéndensiyá, sa malikhaing paglundág, sa tahimik na pagsíngit. At anuman ang umiral na kontradiksiyón sa pagitan nitó ay malulutás ng mga simbolismo na malalakíng makináng makapágpapantáy. Ang tulâ na nawalán ng tínig sa selda ni San Ambrosio ay isá na ngayóng kodigong binuo at muling binuo sa pagbása ríto, at pumupunô sa kawalán sa pamámagítan ng paghugis ng taingá sa ísip ng mambabasa. Tinúturùan siya nitó kung paano iyón ipapáliwánag sa ermenyutikong paraán, sa pamámagítan ng pagpapanatilî ng posisyon sa panahón at espásyo. Ang panahón at espásyo, siyempre, ay kasing-apektado ng kultura gáya ng tulâ (Cf.#27). Ang kahulugán ng tulâ, na kapángyaríhan rin nitó, ay ang kahulugán ng panahón at espásyo habang sinasalákay nila itó sa pamámagítan ng mga estratehiyang retoriko, malikhain, at semantiko. Walâng iisáng kahulugán nitó sapagkát napakaráming mambabása na ang mga panahón at espásyo ay nag-uutos ng sari-saring anyô; ngúnit sa kabila nitó, ang presensiya o paúlit-úlit na padron sa panloób na halaga ng tulâ ay makatutulong para itó maunawaan nang malawakan. Maiísip ang ídea ni Roman Jacobson hinggíl sa tulâ bílang “diskurso na ipinákikíta ang mga sintagmatikong axis na elemento ng língguwistíkong parádimá, i.e., ang diskurso na sa pinakaúbod ay umuúlit (at kumakapál), sa pamámagítan ng sunód-sunód na áktuwálisasyón ng sarì-sarìng elemento ng parehong parádimá, ang kahulugán na nagpapakáhulugán sa nasabing parádimá” (BoH:91). Ang tulâ bílang káisipán, gayunman, ay hindî mapapalitán ang káisipán na nagsílang sa tulâ. Kadalasan, ang huli ay sinasagap bílang katambal ng nauná, ang língguwistíkong kawangis ng isáng bágay na hindî nitó ganáp na maitatalâ sa língguwistíkong paraán, bagaman isáng kasiyá-siyáng ekstrobersiyón nitó, dáhil maipagtatanggol sa estetikong paraán. “. . . Kung maipápahayág sa konseptuwál na paraán ang eksistensiyal na nilalaman ng isáng akdang síning, ang síning kung gayón ay isáng paraán lámang sa hanay ng iba pa na makapághahatíd ng iláng katótohánan o impormasyon,” sulat ni Felix Bonati (BoH:89). Bílang nag-iisáng akto ng isípan, ang pagpapálabás sa isáng panloób na diwàin ay sadyang nakapágbibigáy ng balangkás at mga kasangkápan na ang nasabing diwàin ay maisásabúhay o madaráma bílang tiyák na pangkultúrang modalidád. Itó ang dahilán kung bakit ang báwat tulâ ay isáng ganáp na diwàin, bagaman hindî ganáp na tulâ, at ang hulí ay sadyang maipapáliwánag sa kawalán ng anyô (Cf.#26). Gayunman, ang balangkás at ang mga kasangkápan ay may silbí lámang sa nagbabasáng ísip na ang mga pangkultúrang matrix ay kasang-áyon sa mga itó, dáhil doon lámang mabebéripiká at maipapáliwánag ang estetikong sistema ng tulâ. Wikà nga ni Easthope, ang diskurso “ay magkakaugnáy at natutukoy nang sabay-sabay sa tatlong paraán: sa antas ng bágay, paniniwalâ, at pagtanaw” (EaP:47). Sa ganitóng paraán, hindî ganáp na mabábatíd ng Filipino ang tulâng Hapones, o ang tulâng Frances, atbp. Ang uniberso sa gayóng tulâ, kapag dinulugán ng Filipino, ay hindî makapágsisílang ng sapat na signo upang magíng kapani-paniwalâ itó sa kaniyá dáhil itó ay sadyang banyagàng realidád. Totoó, para sa kaniyá, máaarìng hindî itó tunay yámang ang kaniyáng ísip walâng pangunang padron, simbolohiya, o konstruktibong balákin para maunawàan itó; ang tulâ ay nanánatilì para sa kaniyá na mahiwagang diwàing nakalutáng sa potensiyalidad. Upang mapuwersa ang realidád na lumayô doon, kung kinakailángan, dapat pangíbabáwan ng mambabása ang awtónomíya nitó, ikámbiyó pauróng ang karanasan nang madánas siya ng tulâ. Sa maikli’t salitâ, yamang ang banyagàng tulâ ay hindî mahúhugís ang kaniyáng diwa, ang kaniyáng diwa ang dapat humubog ng tulâ para itó magíng makatwiran sa kaniyá. Sa gayón lámang lilitaw ang pagtatagpô ng teksto at diwain, na makásasagíp sa tulâ na magíng inútil. Bunga nitó, ang mambabása ang lumílikhâ ng tulâ. Matatágurìan itóng prinsípyo ng “mapanghimások na pagkámalikhâin.” Ang banyagà, estatikong katangian ng tulâ ay sumusukò sa awtoridad ng mambabasa, o sa bisà ng pamimílit, ay nakakamít ang realidád sa pamámagítan ng panghihimások ng kaniyáng natatangìng pansaríling kaligirán sa isinaharáyang uniberso ng tulâ. Pagdáka, nagiging kaaláman itó sa kaniyá, na bukód sa anumang kaaláman na isinákodígo ng makatà sa teksto. Siyempre, magbabágo ang kapuwâ anyô at kahulugán ng parehong tulâ pagsápit sa iba’t ibang mambabása, o kahit na sa iba’t ibang pagbása ng parehong mambabása. Ganitó kung paano babasáhin ng Filipino, i.e., “aalamin,” ang haiku ni Kikaku o Basho. Díto, ang tunggalîan sa panig ng mambabása at ng tulâ ay nadadalá sa pansamantalang konklusyon sa pamámagítan ng pakikipagbatî, na bagaman hindî katanggáp-tanggáp sa isá’t isá,  ay napágagaán ang maláy na tensiyón at naiiwasan ang desperasyon sa panig ng una, at ang tadhanà ng paglímot sa panig ng hulí. “Ang paglabág sa padrón ng pamantáyan, at ang sistématíkong paglabág díto, ay ginagawâng posíble ang matulâing paggámit ng wikà,” ani Jan Murakovsky. “Kung walâ ang nasábing posibilidad, walâ rin ang panulâan” (IsNS:102). Kung sisipátin sa ibang paraán, ang tulâ na produkto mismo ng tunggalîan ay nakákukúha ng kahulugán sa pamámagítan ng pagdulóg sa isá pang tunggalîan. Mayroon dítong mahíhinuhàng pagkakaisá sa nasabing mga tunggalîan, kung hindî’y mabibigông matamó ang kalutásan. Itó ang pagkakaisá sa nasagap na salungatán na bumibigkis sa mga nagtútunggalîng ahénte—ang isípan at ang banyagàng tulâ—sa mga tiyák na patunay na nangangáilángan ng pagkakasundô. Ang isípan ay lumilikhâ ng isináharáyang mundó na labás sa mundó ng banyagàng tulâ bílang isáng banyagàng tulâ, gayunman ay may pagkakaútang doón sa tagláy nitóng pahiwatig. “Malínaw na gaano man ang pagkakáibá mulâ sa túnay na mundó, kailángan nitóng magtaglay ng kung anong bágay—isáng anyô—na karaniwan sa tunay na mundo,” sulat ni Wittgenstein (WiT:35). Sa gayón, ang tulâ ng ísip at ang banyagàng tulâ ay binibigkís ng sumásalálay na estruktura ng hidwâan; nabibigkis ang mga itó sa pagkakáibá. Ang anyô na parehong taglay ng mga itó ay ang pangambá sa kawalán, ang paglúsong sa perpetwal na di-pag-iral. Sa pamámagítan ng mapanghimások na pagkámalikhâin, iníliligtás ng isípan ang sarili sa ganitóng paglúsong sa pamámagítan ng pagsagíp sa banyagàng tulâ mulâ sa gayóng parehong wakás. Upang magawa itó, makásasandíg lámang sa sarili ang isípan, ngúnit ang tulâ ang nágbibigáy díto ng pagkakátaón at pangangáilángan. Ang metákritíka ng tulâ sa isípan ang makapágsisílang ng ímpormasyón hinggíl sa mga estetíkong kánon na nágbibigáy ng pundasyón para makalikhâ ng isáng tulâ ang isípan mula sa banyagàng tulâ; mapálilínaw nitó ang proséso na mágbubunyág ng língid (ang banyagàng tulâ) sa tunay nitóng pagkakátiwalág sa alam (tulâ ng ísip). Gayundin, mulâ sa kónsidérasyón ng ugnáyan ng dogmátismo at ng praxis sa mga pilì at prehuwisyo ng ísip, maipápaliwánag nitó kung bakit ang iláng tulâ ay hindî kailánman makaiíral, bagamán ang mga kahingìan para sa mga itó ay umiíral na. Nang mapoót si Papa Alejandro VI dáhil ang kaniyáng mga kaaway ay binantâan siyang gawing “soneto,” mahihíwatígang nagsasalitâ siya sa pampólitíkang paraán; ngúnit ang kaniyáng mga diwàin sa yugtô ng pagsasalitâ ay isá nang soneto bagaman kinapón itó ng kaniyáng pagnanása na manatilì sa podér. Nang humupà ang kaniyáng poót, namatáy ang tulâ bágo pa itó maitatág sa realidád sa labás ng mundó. Si Machiavelli, sa kaniyáng mga biyahe sa ibayong dagat, ay hindî ba pinatigas ang tulâ ng digmâan nang matiyák ang higít na mabúting posisyón sa diplómatíkong talâan?

33

Sa loób ng sistéma na ang dogmátismo, aghám, teknólohíya, at burukrásya ay may gantihang-impluwensiya, ang tunggalîan na tulâ ang produkto ay dapat itúring mismo na prodúkto ng sintetikong sandali. Tinatangkâ ng ísip na ihayag ang pang-uudyok ng mga impluwensiya sa gayóng sandali tungo sa nagkakáisáng anyông tekstuwál, paloób sa láwas ng mga signo na magpapáhiwátig sa repleksiyón ng ísip. Ang detérminísmong pangkultúra, gáya sa nasábi na, ay mahalagáng sálik díto, ngúnit gayundin ang língguwistíkong oryentasyon at pangkálahatáng estetíka. Ang lokasyon ng ísip sa isáng hatag na pangkultúrang realidád na may nagsasálupungáng sarì-sarìng sub-realidád ang nagsisílang sa tunggalîan na dapat lutasin ng ísip pagsapit sa téksto. May pormula doon: Tunggalîan, Pagkakasundô (Mataás na Urì ng Kognisyon/ Repleksiyón, Mababang Urì ng Estetíkong Arsenal) ang katumbas ng Tulâ. Sa Pagkakasundô, may mga urì na hindî pagtatangì sa pamámagítan ng mga halagahán bagkus ng mga korelatibo. Sa Tunggalîan, marami ang urì na kasingdámi ng mga interes ng táo sa isáng pook, at nananawagan nang malakás ang lahat nang makapúkaw ng pansin. Ang Tunggalîan ay anumang sitwasyon na nagtutúlak sa táo na kumílos. Ang Pagkakasundô ay kaganápan ng nasabing pagkílos sa pamámagítan ng paggamit ng mga bála na Kognitibo, Replektibo, at Pampánitikán (mga disenyo ng súkat, padrong leksiko, motif, urì, simbolikong konstruksiyón, atbp). Bagaman ang mga aplikasyon nitó ay máaarìng maganáp nang magkakásabáy, i.e., máaarìng isántabí ng ísip ang mga elemento ng pagkakasundô habang iniísip naman ang hinggíl sa kílos, na hindî pangkaraniwan; ang karaniwang proseso ay magíng pangkáisipáng antas muna, sakâ ang ínstitusyónalísasyón ng kílos sa matulâing paraán. Ang tulâ ay tekstuwál na repraksiyón ng Pagkakasundô—ang metapisikong paggalúgad ng kaalámang pinalakí sa língguwistíkong kambas, o ang paglilipat ng maitatalâng nilalamán ng gayóng kaaláman sa iláng panlabas at mauúnawàang antas. Hindî pinápalitán ng Tulâ ang kaaláman bagkus nagsisíkap na lapátan ng kumpígurasyón itó: “Ang anyô ay síning, at ang síning ay anyô,” wikà ni José Garcia Villa (BaV:30). Ang kumpígurasyóng itó, na tanging siyang posible sa sintetikong sandali, ay pahayág din ng kaaláman. Ang anyô at nilalaman, samakatwid, ay iisá at pareho, at ang itúring yaon na magkabukod sa matalísik na diskurso ay absurdo at walâng kuwenta[81]. Dáhil ang ísip sa panahón ng Pagkakasundô ay hindî itinutúring ang mga itó na magkabukód, at hindî káyang itúring na magkahiwalây, kung hindî’y maúuwì iyón sa kawaláng-kílos at ipápahámak pa ang sarili. Ang Pagkakasundô ay palagîng maláy na pagkílos, bagaman ang iláng makatà ay nagsasábing “hindî nila alam” kung paano nila nalikhâ ang tulâ, o “tinápos iyón nang mag-isá ng tulâ mismo.” Ang Tulâ ay maitutúring din bílang anyô ng Pagkakasundô, bukod sa pagiging nilalaman ng kaalámang hinugot mula sa Tunggalîan. Para kay Ernst Haublein, sa katunáyan, ang nasabing anyô tulad ng súkat ng saknóng ay mahálagáng bahagì ng kahulugán ng Tulâ, samakatwid ng nilalaman nitó. “Ngúnit ang prosodya ay may bukod na anyô mula sa kahulugán, at ang pang-estrukturang poetika ay nagtuon nang lubos sa kahulugán na lampas sa panlabas na anyô,” hinagpis niya (HaS:116). Kahawíg nitó, nagbabalâ si Jurgen Haberman na ang “kabatíran túngo sa mga estruktúra ng préhuwisyo na pangúnang hakà sa lahat ng pag-unawà sa kahulugán ay hindî katwirán para tukúyin ang pagkakaisá na sadyâng natámo nang may tunay na pagkakaisá. Totoó, ang ganitóng pagtukoy ay nauuwi sa ontólogong pagtanáw sa wikà at sa pagtúring sa tradisyon na kongkretong realidád” (KoM:118-119). Ang sabláy na tulâ ay baklî at waták-waták na entidad dáhil nabigông maísaáyos nang sapat sa konteksto ng mga batás ng pampánitikáng karanasán at ng poetika. Ang kahulugán nitó ay hindî pa ganáp na Kahulugán, ang anyô nitó ay hindî pa ganáp na Anyô; bagaman itó ay bukód na usál sa papel (o sa hímpapawíd), hindî pa itó tapos, yámang hindî itó basta magiging tulâ, “dáhil lámang sa ibinukód itó ng mga palúgit nitó at ipinákahúlugán bílang isáng bágay na pagníniláyan” (RiS:116). Itó ay dapat pagmámatyág at paghúli sa kaaláman. Nakapágbibigáy ng teórikong katwíran ang tunggalîan nito dáhil nagbábanyúhay itó tungo sa natamóng pangyayári at dinadalá itó sa orden ng natupád na kaaláman. Kapag naroon na, magsisimulâ itóng magtayô ng sariling báse ng kapángyaríhan, dáhil hindî nitó mapáhihíntulútan ang katamarán, o kahit na ang “malikhâing katamarán,” at hindî nitó maiiwásang sumapì sa kilusán ng kásaysáyan. Bílang produkto ng tunggalîan, higit itóng mauúnawàan sa loób ng parametro ng kásaysáyan, sa pamámagítan ng teleskópyo ng tunggalîan. Nang tinanong si Michel Foucault hinggíl sa kaniyáng konsépto ng pangyayári, sinabi niyang dapat itóng maitangì sa iba pang pangyayári, at pagbukurín at muling isaáyos batay sa pinagmuláng angkan. “Kasunod nitó ang pagtanggí ng pagsusurì na maghayág batay sa simbolikong lárang o sa dominyo ng mga mapagpáhiwátig na estruktura, at ang pagdulóg sa pagsusurì batay sa heneálohíya ng mga ugnayan ng puwérsa, estrátehíkong pagsúlong, at taktika. Díto, naniniwalà akong ang punto ng reperensiya ng isáng táo ay hindî dapat sa mga dakilàng modelo ng wikà [langue] at signo, bagkus sa digmâan at paghahámok,” pahayág niya (FoPK:114). Yámang ang tulâ ay kásaysáyan, na bahagi ng pagkílos ng kamalayan sa isáng tiyak na kaligiran, may kaugnáyan itó sa kapuwa kapángyaríhan at kahulugán, at samakatwid, may kaugnáyan sa kapuwa palatandaan. Máaarìng walâng kahulugán ang kásaysáyan, ngúnit ang tulâ sa kásaysáyan ay mayroong kásaysáyan, at mula ríto’y mahuhúgot nitó ang kapángyaríhan. Bagaman naitatág na ngayón ng kamalayán sa isáng tiyak na anyô, binabágo ng pagkatiyák nitó ang angking mga hanggáhan na may kaugnáyan sa iba pang tulâ. Nadarágdagán ang kapángyaríhan nitó dáhil sa pagsínag ng kapángyaríhan ng ibang tulâ. Bunga nitó, pumapások itó sa bágong lunan ng tunggalîan na mágtatakdâ sa lugár nitó sa matulâing kásaysáyan—kumbagá, sa politíka ng espásyo. Sa pagiging residente ngayón ng espásyo, naging lantád itó sa mga pagsalákay, estratehiya, at gramatika, at hindî na mulîng makápapások pa sa maligamgám na sinápupúnan ng heneálohíya nitó upang magkublí sa mga pambobómba. Kailángang ipaglában nitó ang angking ídeólohíya—ang bisyón ng kapángyaríhan na ang ísip na lumikha nitó ay bumalangkas para roon—nang makapag-angkin ng sariling espásyo. Máaarìng humingî itó ng moratoryum sa tunggalîan kahit pa mangánib na mawalân ng naturang espásyo, at hahángarín nitó ang kapángyaríhan dáhil itó ang tangìng kasangkápan nang mapaláwig ang sarili. “Anumang makapágpapánatili sa kapángyaríhan, anuman ang sanhi para tanggapín itó, ay ang katótohánan na hindî lámang itó panimbang sa atin bílang puwersa na magsabi ng hindî, bagkus nilalandas at nililikha nitó ang mga bágay, at nakapágdudúlot ng lugód, nakábubuô ng kaaláman, nakapágluluwál ng dískurso” (FoPK:119), at yámang naíbubunyág lámang nitó ang saríli sa pagkílos, magagagáp lámang itó hábang kumikílos. Sinasákop ng tulâ ang pisikál na espásyo (ang posisyón nitó sa pahina, ang angking tekstuwál na heógrapíya) at ang espiritwál na espásyo (ang posisyon nitó sa ísip ng mambabasa, ang pangkáisipáng dominyo nitó). Inilalahok ng una ang kalawakan sa palibot ng tulâ kapag nasa anyông binibigkas, bukod sa palugit na pumapalibot díto, gáya ng paikot na hukay, sa piraso ng papel, ang palúgit na kapuwa may pahaláng at patayông enerhiya. Ang palúgit (o kalawákan) sa palibot ng tulâ ang batayang kondisyon nitó bílang tekstuwál na konstruksiyón; kung walâ itó, ang tulâ ay hindî magiging tulâ. [Dapag sagapin ang komentaryo ni Riffaterre hinggíl sa bágay na itó sa angkop na konteksto yámang, para masundan ang kaniyáng argumento hanggang dulo, hindî makadudulóg ang isáng táo sa tulâ nang taglay ang lipon ng matulâing inaasahan kung walâng palugit.] Mahalagá ang palúgit sa pagtrato sa tulâ bílang tuón ng pagninílay sa tunggalîan: magiging totoó itó hangga’t ang anyông prosa ay hindî nang-aágaw ng karapatang pampalúgit ng anyông matulâin. Sa patayông paraán, ang palugit ay sumusúhay, nagpapánatilì, at nagpapátindí sa kumpígurasyón ng tulâ. Sa pahaláng na paraán, bílang espásyo, lumalagós itó sa báwat títik ng tulâ, bumabaón doon nang may mahiwagang kapángyaríhan na mauunawaan lámang kung walâ na itó. Sa ganitóng paraán, ang tulâ ay malimit bukás—patuloy nitóng ginagamit ang kapángyaríhan nang makalikha ng iba pang tulâ. Ang paghátol nitó sa mga karanasan sa pamámagítan ng husay sa pagbigkas, na ginagawa ang mga tunay na bágay na sumunod sa mga kawikàan ng kagandahan, ang nagpapalinaw sa bukál ng tunggalîan at naísasálin itó sa wikà ng káisipán. Ang tulâ ng espásyo at ang espásyo ng tulâ ay hindî magkasingkahulugán, bagkus nagsasalupóng, nagsasalubóng, at nag-uúsisà sa báwat isá. Ang pahayág na, “reading between the lines” [pag-arok sa pahiwatig] ay katumbas ng ganáp na naiintindihan ang mga implikasyon ng nasabing dalawahang-panig na ugnayan. Ang tulâ ay sumasakop ng espásyo, at ang espásyo ay sumasakop sa tulâ; kayâ ang tulâ ay sumasakop sa dalawang bahagdan ng espásyo—ang espásyo sa loób nitó at ang espásyo na pumapaligid sa nasabing espásyo. Para “mabása” ang tulâ, kumbaga, para makalahók sa bakbakan lában díto, ay kailángang magíng maláy sa wikà ng nasábing mga espásyo nang higit sa wikà ng tulâ, dáhil sa oras na ang makinarya ng wikàng itó ay maúnawàan, ang pagkakáibá sa tulâ at sa espásyo ay nabuburá—ang pagsasalupóng, pagsasalubóng, at pagsisiyásat ng mga itó sa báwat isá ay nagbubúnga ng dinamismo na nákakamít nitó. Napagbábanyúhay ang mga bahagdán ng espásyo sa pagiging mga bahagdán ng kapángyaríhan na sinaságap nang ibá-ibá ng ibá’t ibáng isípan—pang-ídeólohíya, pampolitíka, pangkultura. Pagkaraan nitó, ang espiritwal na espásyo ng tulâ ay nagtatakdâ ng kabuluhán sa ganitóng kapángyaríhan alinsúnod sa pagságap ng ísip sa gayóng kapángyaríhan. Humihintô ang mga espásyo na magíng talinghaga ngúnit nagiging bahagi ng estratehiya ng tulâ para sa pananaig na espiritwál. Sa politíka ng kaaláman, na kaugnáy ng kaaláman sa politíka, ang diyalogo ng mga espásyo ay bumubuô sa bágong anyô ng diskurso na nágbibigáy ng mga kumbensiyónal na senyales. Kung ang wikàng itó ay salát sa teleolohiya, gáya sa winika ni Saussure (CuS:41), ang pagsasabáy ng mga elemento ng espásyong pinánanáhanán nitó ang nagtatakda ng paglakas ng kapángyaríhan nitó—nirereporma ng mga itó ang wikà at ginagawang sistematiko ang mga senyales ng nasabing kapángyaríhan. Sa wakas, ang kapuwa wikà at kapángyaríhan ay nakakamít ang panlipunang katotohánan. Pagdáka, ang ídeólohíya, na ipinapátaw ng ísip, ang nagtatádhanà ng mga panúto sa ugnayan ng tulâ sa iba pang tulâ, nagtatakda ng hanggahan ng bakbakan at naglálaráwan sa mga nakíkihámok. Alam itó ni Pablo Neruda: “Sa nakalípas na iláng táon,” súlat niya, “habang may muntîng pampánitikáng bakbakan na pinaalab ng maliliít na kawál na may mababangís na pángil, si Vallejo, ang multo ni Vallejo, ang pagkawalâ ni Vallejo, ang panulaan ni César Vallejo, ay isináli sa bakbákan laban sa akin, at sa panulâan ko. Máaarì itóng maganáp saanman. Ang diwâ nitó’y upang sugátan ang mga táo na kumáyod nang matindi. . . .” (NeM:284). Ang mga espásyo sa tulâ, i.e., ang mga palúgit nitó kung nasusulat man, o ang kalawákan nitó kung sakalî’t binigkas, ang larangan ngayón na ang iba pang tulâ ay natútuksó, nabibítag, nagháhangád mamahingá, nagbebénda ng mga sugat, nagpapákintáb ng mga balutì, nagbábalangkás ng mga dokumentong militar, at namámatáy o nakáliligtás—na pawâng nasa loób ng sanlígan ng wikà sa labás ng wikà ng tulâ. Idiniín ni Abad, “gunitâ ang iná ng panulâan” (AbS:144); walâng duda, sa gayón, na ang wikà ang iná ng gunitâ. Wikà ang may prenatál na prangkísa ng lahat ng realidád, kabiláng na ang sarili nitó. Sa isáng paraán, wikà ang gumigiya sa kapalaran ng tulâ bágo at matápos ang pag-iral nitó. Limitado ang espásyong-palugit dáhil ang mga hanggáhan nitó ay naítatakdâ ng mga hanggáhan ng aklat, na nagdudulot para magíng delikado ang kaligtasan ng tulâ; ang kalawakang-palúgit ay walâng hanggá, dáhil lumálagánap at sumasanib itó sa iba pang anyông kalawakan upang makilahók sa mga itó sa walâng katapusang ágos. Díto ang wikà at espásyo ay naghahalò sa isá’t isá at nagtatatag ng metapisikong diskurso. “Hinihígop ng mga salitâ at ikinúkulóng ang di-nakikitang kaluluwá, pinipílit itóng magkaroón ng katawan at nang maitanghál sa táo ang saríli,” paniniwalâ ni Kazantzakis (KaT:90-91). Ang tulâ sa espásyo ay mátalínghagà at leksikong káwal na nakikipágtuós hanggang mamatáy. “Sa bisà ng aking awtoridad,” patuloy ni Kazantzakis, “walâ akong taglay kundi ang dalawampu’t anim na kawal, ang dalawampu’t anim na títik ng alpabeto” (KaT:47). Napakarámi para sa napakálakíng pagtutuos!  Gayundin, inihahanda ng espásyong-palugit ang mga salitâ sa bágong eksplorasyon; at ibinibigáy sa mga itó ang bágong tiket sa biyahe para sa mga bágong kahulugáng higit sa naítatakdâ ng mga itó. Itó ang paradoha: dáhil may limitasyon itó—na tumutukoy sa mga gilid nitó—walâ itóng hanggahan. Ang mga bangín nitóng tumitítig sa mga salitâ, at nagbábabalâ sa mga itó na huwag nang maglakbay nang malayo, ay umaakit sa mga itó na higitín ang mga sarili para lumagô. “Mahalagá ang mga gilid,” sabi ni Thompson, “dáhil itinátakdâ nitó ang limitasyon nang mapalayà tayo mula roon. Kapag sumapit tayo sa gilid, narating natin ang hanggáhan na nagsasabi sa atin na magiging higit tayo ngayón kaysa dati. Habang ang isá’y nakagagalaw sa gitna ng mga bágay, hindî niya mababatid ang kalikasan ng midyum na makagagalaw doon ang sinuman. . . ang kamalayan ng isáng táo ay lumalampas sa teritóryo nang paulit-ulit nang hindî nagiging maláy sa kalikasan ng pagiging maláy (ThT:8). Ang espásyong-palugit ang kontrapunto sa pangwakás na katiyakan ng mga salitâ ng tulâ, pinalalawig ang búhay ng mga salitâng itó nang lampas sa mga língguwistíkong limitasyon nitó tungo sa metapisikong misteryo ng mga bangin. Nagaganáp ang bilingguwal na diyalogo—ang nilapatan ng salitâ at ng walâng salitâ na pawang naghahanap ng karaniwang denominasyon sa ngalan ng kalinawan. Itó ang kalináwan na nakita ng tauhan ni Espino sa “The Eucharist” [Ang Ewkaristiya], ang naparoól na pari na gutóm sa Kristong nagkatawáng táo, na hinangò ang mga salitâ mula sa Bibliya nang lampas sa espásyong-palugit, at tinanaw ang mga itó bílang túnay na realidád, hanggang, “sa pormalidad ng ritwal, pinúnit niya ang pahina at sinimuláng kainin itó, berso kada berso, salitâ kada salitâ, piraso kada piraso” (EsE:72). Mapanlinlang ang kalawakang-espásyo dáhil walâ itóng gilid. Hindî itó máaarìng kainin. Habambuhay itóng fluwido sa kawaláng-galaw nitó na sadyang ibang urì ng paggalaw mula sa wikà. Ang tulâ, na kaugnáy sa nabanggít, ay tulâ hindî dáhil sa wikà bagkus sa kabila ng pagiging wikà nitó. Taliwas sa pagsasalitâ, na naháhanggahán ng mga elemento ng konstruksiyón nitó, ang tulâ ay muling isinasaayos “ang sirkitó ng komunikasyon na sa loób nitó nakatítik itó” (CuP:162). Naglalandas itó sa hungkag na kalawakan, nang lampas sa palugit nitó, nang lampas sa wikà nitó, at pinagbabanyuhay ang sarili tungo sa signo ng sarili, at sa gayón ay nangangáilángan ng bágong lipón ng mga panuto upang maunawaan iyón. Búnga nitó, nadaragdagan ang kapángyaríhan ng tulâ samantalang isinasagawa, at nagiging lehitimo ang pag-angkin nitó sa inaaring espásyo. Napupunuan nitó ang espásyo, samantalang noon ay napupunô itó ng espásyo. Báwat salitâ sa tulâ ay tumitibok nang may ibayong siglá, gáya ng kinargahang baterya, at pinálaláwak ang espásyo nang taglay ang kakayahán ng wikà hindî lámang para ipágpalagáy [na tama] ang pagkakapantay ng karanasan bagkus upang magíng gayóng karanasan—bágo pa sumapit ang kaganápan ng nasabing karanasan. Hindî ba itó ang matulâing pagninilay sa konsepto ni Greimas, hinggíl sa likás na preeksistensiya bágo pa ang preeksistensiya nitó? Sinabi niya na “ang semyótikong antás na karaníwan sa sari-saring anyô ng naratíbo ay dapat itangì mulâ sa língguwistíkong antás, at nagiging lohiko sa huli, anuman ang pilìing wikà nang magíng ganáp ang una” (GrS:28). Hindî ba ang tulâ, sa yugtông itó sa kalawakang-espásyo, ay kinakathâ ang realidád upang mabigyán itó ng unibersal na katótohánan? Itó, kung sa bágay, ang Ultimong Pagkikipág-ayós—ang Kapángyaríhang nakapirmí sa di-matitinag na tekstuwálidad.

34

Ang ákto ng pangkálahatáng pagpápatúloy na dapat kómpletúhin ng matagumpáy na tulâ ang nakapág-aambág sa kaligtásan nitó. Inílalapít nitó ang tulâ sa sistéma ng mapág-ugnáy na interprétasyón kung ihahambíng sa iba pang tulâ at iskríp. Nangangáhulugán itó na ang guníguníng realidád ay ontólohíkong katumbás ng makátotohánang pagkáguníguní, at sa gayón ay ginagawang awtentíko ang pinágmulán nitó sa tunggalîan. Ikinákabít ng mga  semyólohíkong eleménto nitó ang kahulugán sa iba’t ibang puntó sa kamalayán ng mambabása, gáya ng mga bandilà sa daan habang papalapít sa kastilyo, na hindî maipágkakámalî, bagaman mapághihínalàan, ang mga mensaheng taglay nitó. Yámang itó ang pangwakás na hatol ng wikà sa realidád sa pamámagítan ng pagpapalayà sa realidád na nakapirmi sa ísip, sa loób nitó’y nauulit nang iláng beses ang panánagútan ng kahulugán sa sarili, ngúnit sa pamámagítan ng pamantáyan ng wikà, at hindî sa pamantáyan ng realidád, nang maparámi ang kahulugán at wikà mismo, at kung minsan, kahit nagkakapátong-pátong ang mga itó sa isá’t isá. Ang wikà ngayón ay hindî na nagkukunwaring realidád—itó ang realidád (Cf.#24). At dáhil ang mapanlikhâ ng kapángyaríhan ay dulot ng Ultimong Pakikipag-ayós, ang tulâ ay nangingíbabáw sa haráya upang suspéndihín ang mga pináiíral na batás, at tanggapín ang tulâ bílang tanging realidád sa sandaling pagbása, na sa yugtong itó, ang lahat sa loób ng, at hinggíl sa, tulâ ay nagiging kapaní-paniwalà, gaano man itó kagila-gilalas; at bagaman nakasilid itó sa wikà, ang pangwakás na nilalaman nitó ay hindî wikà bagkus kung ano ang nabigong panatilihin ng wikà sa pagitan ng kahulugán at ng isá pang kahulugán, sa pagitan ng wikà at ng isá pang wikà. Itó ang pundasyon ng nasabing multiplikasyon ng tulâ na nakasalalay sa pangkulturang indise ng mambabása. Pagdaka, papások ang tulâ sa bágong panahón na ang produksiyón ng kahulugán ay hindî na lámang nasa kapángyaríhan nitó, bagkus sa kawalán ng kapángyaríhan—ang panahón ng negatibidad (Cf.#32). Walâng maiiwan sa guniguni, ang lahat ay nasa talino; kinokompleto ng ísip ang artsibo ng mga gunita nitó at pinaghuhunos ang tulâ na magíng mitó. Nagkakaroon ang tulâ ng mga katangian ng ipinagpalibang bágay sa arkeolohiya, bagaman nakakabit sa di-tiyak na panahón, ngúnit tinatanggap ang panahón ng mambabasa bukod pa ang sa awtor. Kayâ ang mga tanong, gáya ng kay Merleau-Ponty na, “Mais si langage exprime autant par ce qui est entre les mots que par les mots?[82]” ay mistulang retoríkang tanong. Nagwakas na ang tulâ; at ang taglay nitóng mga solido at kahungkagan, ang  mga tunog at di-tunog, ay umáalíngawngáw sa iisáng pagkámakátuturán. Pareho lámang ang kahulugán nitó gaano man ang pagkakaiba-iba ng pagsagap ng mga mambabasa sa kahulugán nitó. Sa pagiging di-malaya, dáhil nakapirmi na itó sa kalawakang-espásyo, sumasanib itó sa mga kolektibong institusyon ng táo, na isáng pagpapakita tungo sa labas ng mundo ng pakikibaka ng ísip nang matamo ang kapángyaríhan at kalayàan, isáng konseptuwál na pagsasahímpapawíd—dáhil “kung walâng mapamílit na sandali ay walâng pag-iisíp” (AdND:233). Itinatanghal ng tulâ ang negatibidad bílang káisipáng ipinakikilala ng matinding paglitaw ng kawalán: ang tulay ng kahulugán sa iba’t ibang panahóng kaugnáy itó, halimbawa, ay maibibigay lámang ng nawawalâng puwersa ng gunita na hindî dapat naroon nang makaganáp itó. Ang tulâ ay nangangáhulugán sa pamámagítan ng hindî pagpapakahulugán gáya sa kahulugán, at sa wakas, ang ganitóng pagkahilig sa di-pagkámaúnawàan ang nagiging daan para itó múnawàan. Hinggíl sa sarili, ang tulâ ay walâng saysay—malinaw na itó; hindî itó karapat-dapat sa papel na kinatítitíkan o sa kalawákan na nilulutángan nitó. Kung itutúring bílang anyông pangkáisipán, gayunman, ang tulâ, sa yugto ng pakikipágtagpô sa talino, sa lahat ng táo sa uniberso, ay nagiging tanging uniberso. Gayunman, bílang tanging unibérso, naiibá itó sa iba’t ibang talíno habang pinanánatilì ang mahalagáng pagkatiyak bílang tangìng unibérso. Hindî itó nababásag, ni hindî nadudúrog. Hindî na itó nagkukunwarî na  magíng isáng bágay na taliwás sa kataúhan nitó. Pumások na itó sa dominyo ng ídeólohíya, na alinsúnod sa kahulugán ni Destutt de Tracy, kumbaga, ang siyensiya ng pinagmulan ng mga ídea (LaC:27). Binabáklas ng línaw at tatág ng ganitóng negatibidad ang kahiná-hinalàng guhit-ugnáyan ng língguwistíkong erehiya at kinúkumpuní nang maígi ang mga replektibong mekanismo ng ísip. Bunga nitó, sumaságap ang ísip sa pamámagítan ng “nawawalâng bintana” na ilusyon sa mga tiyak na realidád. Ang mga distorsiyón ay nauuwì sa bisyón, ang mga puwáng ay nagbubukás ng pundasyon. Ang tulâ ay nagiging sukatán ng mga pisikal na batás, o sa halip, itó ay nagiging paraán para ihinto ang pagpapairal sa nasabing mga batás samantalang binábalangkás mulî ang mga distorsiyón at puwang. Ang kawalán ay nakikita mismo sa kadakilaan ng pangahas na pagsalungat sa paglitaw, at ibinubunyag sa pabaligtad na proseso (gáya ng saging na binalatan), ang pangwakás na talambuhay ng tulâ. Kung ang “lahat ng salitâ ay metapora,” diin ni J. Hillis Miller (LeD:51), ang tulâ naman ay paraán ng hindî pagsasabi ng isáng bágay, dáhil ang abót ng mga reperensiyang paggamit nitó bílang mga língguwistíkong elemento ay isáng pánlilinláng, ang mga salitâ sa tulâ—ang tulâ sa panahón ng pósprodúksiyón—ay may ganitóng negatibong papel: para liwanagin ang mga puwang at kawalán sa penomenolohikang krisis nitó. Sa ibang salitâ, ang tulâ ay hindî signo ng kung anong hindî naman signo. Itó ang kawalán ng nasabing signo, ang nawawalâng kawing sa pagitan ng dalawang nawawalâng kawing. Kapag ang ganitóng kakulangan ay nagbalik sa kasaganaan, kapag napatag ang mga puwang, kapag nakatawid ang mga kawalán tungo sa paglitaw, nakamit ng tulâ ang pagkatulâ nitó, at lumuluklok sa tekstuwál na kadena na tinatawag na panítikán. Hindî na itó namamagitan sa kamalayan at sa mundo, bagkus isá nang mundo na namukadkad mula sa nasabing naunsiyaming pamámagítan, bagaman pinananatili nitó ang sariling ugat sa mga puwang at kawalán. Sakali’t pabulaánan ng modernong nasyonalismo ang mga kabalistikong Filipinismo gáya ng pagtátatág ng perpektong komunikasyon, bagaman malinaw na utopikong pangarap itó, o pabulaanan ang liberalismong Ingles nitó bílang pakanang pampolitíka; alinman  doon—lilitaw ang katótohánan nang higit na malakas matapos maglahò ang kasinungalingan, o matapos burahín ng kasinungalingan ang isá’t isá—(Hindî ba itó ang sukdulang mensahe ng Sunlight on Cold Water ni Sagan? Sa nobélang itó, na isáng tulâng tuluyan, matapos itaboy ni Gilles ang kaniyáng matapat na kasintahang si Nathalie na magpakamatay, nahirapan siyang kimkimin ang malinaw na pagkawalâ ng minamahal na tanging realidád sa kaniyáng magulong buhay, ngúnit nakatakas pa rin siya sa ganitóng pagkaulila, at tumakbong umiiyak mula sa silid ng ospital na nakita niya roon ang katawan ng sinta sa huling pagkakátaón. “Humangos siya ngayón pababâ ng hagdan sa walâng ngalang ospital, halos walâng pakialam sa sigaw ng doktor na humahabol sa kaniyá. Nilaktawán niya ang pinakáibabâng bahagdan, habang masasál ang tibók ng pusò. ‘Paano ang mga pormalidad,’ sabi ng tínig mula sa itaas, na napakalayò. ‘Paano ang papeles?’ ‘Ikaw lang ba ang tanging táo na kilalá niya?’ Bigla siyang nagbantulót bágo sumagót sa alam niyang totoó: ‘Oo!’” (SaS:143). Kahit si Sagan ay nabigong sabihin kay Gilles na tinátakásan nitó ang kasinúngalíngan at hindî makáiíwas sumalpók doon.) Sa kabila ng lahat, wikà nga ni Gadamer, “Ang wikà ay hindî isá sa mga paraán na ipináraráting sa mundo ang kamalayán. . . Bagkús, sa lahát ng ating kaaláman hinggíl sa saríli at sa lahat ng ating kaaláman sa mundó, palagì na táyong sinásakláw ng wikàng saríling átin” (GaH:XII).         

Mula sa ganitóng kaaláman, ang tulâ ay nagpúpundár ng pagpápaláwig ng sarili nitóng importansiya, sa anyô ng mga paikíd na guwáng sa takupis, nang hindî iwinawaksî ang mga tugón sa urì ng malayang pagpapahayág ng káisipán. Ang mga lantád at kubling kahulugán, samakatwid, ay nagsásalimbáy, at pinalálakás ang konseptuwál na poténsiyálidád nitó: malaya itó sa pagiging bukod at, siyempre, nakabukod sa pagiging malaya. Ang penomenong itó ng hanggahan-walâng hanggahan ay matutunghayan din sa wikà ng anyô at kulay sa pagpipinta. Isinulat ni Kadinsky: “Hindî makatatayo nang mag-isá ang kulay, at hindî maisásantabí ang mga hanggahan ng kung anong urì. Ang walâng katapusang lawak ng pulá ay makikita sa ísip; kapag narinig ang salitâng pulá, ang kulay ay naíhahayág nang walâng tiyak na hanggáhan” (KaS:28). Lahat ng itó ay nauuwi sa di-matatakasang kaugnáy—ang tulâ ay pinarurupok ang sariling mga saligang pahayág. Naghihimagsik itó laban sa sarili, kinakalap ang mga kaaway, at nagpapakanâ ng mga patakarang may mga espiya na matamang nagmamatyag. Binubura nitó ang mga hanggahan sa pagtatatag ng mga bágong hanggahan, at bumubuô ng wikà mula sa wikà. Pagkaraan, ang tulâ ay máaarìng magkaroon ng anumang anyô na pinili ng mga gumagamit nitó. Sa iláng lipunan, sinasamba itó bílang íkono, na may sistema ng ritwal na nilikha para doon; sa ibang pook, máaarì itóng magíng sandata sa estratehikong pag-agaw ng kapángyaríhan at maipapantay sa kategoríya ng bombang nuklear, pagkain, banyagàng ayuda, at palitang pangkultura. Sa Filipinas, noong unang bahagi ng siglo 1900, ang mga sundalong Amerikano ay idinisenyo itó sa isáng awit sa mapang-aglahìng paraán: “Sumpain, sumpain ang Filipino!/ Tigdasing magnanákaw na oso!/ Sa mabituing watawat/ Paamùin siya sa Krag! (StC:122); na ginamit sa diskurso ng pándarambóng at pangungúpit sa ngalan ng demokrasya at sibilísasyón, gáya sa ulat mula sa digmaan makaraang mamatay ang Filipinong Heneral na si Gregorio del Pilar: “Walâng dudang si del Pilar itó,” satsat ng isáng batang káwal. “Sinamsám namin ang kaniyáng talaarawan at mga liham at lahat ng papeles; kinúha ni Sullivan na mula sa aming pulutong ang pantalon [ni del Pilar]; at napasákamáy ni Snider ang sapatos ngúnit hindî maisuót dáhil maliít ang súkat; at kinúha ng isáng sarhento ng Pulutong G ang isáng pinilákang espuwélas, at inágaw ng isáng tenyénte ang kabiyák na espuwélas; at may kung sinong kumúpit sa mga punyós ng kamiseta bágo ko nakúha ríto, o naibulsa ko rin sana iyón; at ang tanging napasáakin ay butónes ng kabáyo at kolyár nitóng dugûan” (StC:108). Sa gayón, ang pámpolitíkang tulâ na nágsasaád ng dagdag at magkasalungat na pangangatwiran para sa layon ng hakbang ay subersibo ang intensiyón, dáhil paglihis itó sa pagkámatwíd at normalidad ng ugnayang pantáo, ngúnit itó rin ang lumilikhâ ng sariling tadhanà sa pagpapálagánap ng mga kadenang tekstuwál na isá ring kásaysáyan—ang mismong kondisyon ng panlipunang ugnayan. “Ang Simula ay Tulâ”—(hindî angkop ang leksikong “Liwanag” o “Diyos”)—at Tulâ ang lumikha ng Daigdig.” Itó ang sinaunáng inaasahan, ang kaaláman bágo pa ang kaaláman na, “bagaman hindî balidong a priori[83], ay maitutúring pa ring sikolohiko o henetikong a priori, i.e., bágo pa ang lahat ng makikitang karanasan” (PoCR:4-7). Ang tulâ bílang makamundong pagpapatotoó ay máaarìng hamunin, sindakin, o surìin, ngúnit hindî itó maisásantabí. Ang estado ay produkto ng aksiyón, ang tulâ ay produkto ng paggawa. Itó ang dahilán kung bakit ang asal ng estado tungo sa tulâ ay ganáp na urong-sulong—sinisípat ng estado ang tulâ bílang layon ng pag-ibig at poot; itinatampok itó at sinusupil, pinupúri at ipinagbabawal, dinadakila at sinisindak. Dáhil hindî itó nakátitiyák sa katapátan ng tulâ, ang estado ay palaging pinárurupók ang tulâ kapag sumalungát itó sa ginagawâ ng estado. May pailalim na tunggalîan sa panig ng dalawa hinggíl sa mga proseso na ginagamit ng mga itó sa pagtatamo ng kani-kaniyáng mithi. Isinulat ni Hannah Arendt: “Ang mga institusyong pampolitíka, gaano man kaayos o kasamâ idinisenyo, ay nakasalalay ang patuloy na pag-iral sa mga gumaganáp na táo; natatamo [ng nasabing mga institusyon] ang kaligtasan sa parehong paraán na naghatid sa kaniláng umiral. Tinatatakán ng independiyenteng pag-iral ang akdang síning bílang produkto ng paggawa; ang hayagang pagsandig sa iba pang gawa nang mapanatili itóng umiiral ang tanda ng estado bílang produkto ng aksiyón” (ArP:153). Ang pampolitíkang tulâ ang retrato sa sarili ng estado, ang manipestasyon sa angking kapángyaríhan nitó sa antas na artistiko at língguwistíko, na nagtitiyak, kahit pansamantala, na itó ay may ganáp na kontrol. “Ang paghahari ay papel ng aktor,” pansin ni Napoleon (BaN:11), at pagdaka’y nagbigay ng dakilàng pagtatanghal. Ngúnit ang bisà ng paggamit ng tulâ ay may dalawang paraán: kinokonsumo ng tulâ ang mambabasa hanggang sa puntong pinaliit siya sa karikatura ng wikà, na lumalakad na signo; kinokonsumo naman ng mambabasa ang tulâ hanggang sa puntong ang pagtunaw nitó ay binabágo ang pangkáisipáng paglago. Totoóng ang isá’y nagiging palusot (at hindî kabiyak na katauhan) ng iba, mulang episodyo hanggang pangyayari, na may kompletong palamuti. Mahalagá ang tulâ hindî lámang dáhil sa kahulugán nitó, bagkus sa mga kahulugáng malilikhâ upang makáangkóp. Sa madalî’t salitâ, para sa politíkong táo, maíbabalík itó sa sinaunáng funsiyón—ang pagsasalitâ.

35

Hindî ba malinaw, wikà ng Gómang Tóre, na ang tulâ bílang isáng ákto ng pagsasalitâ ay superyór sa ákto ng makína? Ang úna ay paglayà; ang hulí ay pagkulóng. Nirérendahá ng pagkámabíbigkás ng tulâ ang kolektíbong hényo ng lipúnan at inílilípat itó sa hanggáhan ng alamát. Ang pagkámabíbigkás ang opératíbong pakahulugán ng panlipúnang pagtatáya ng tulâ sa pangkultúrang pagpápatúloy, gaáno man iyón kalagím o kapangánib. Ang mga epikong tulâ, baláda, kawikàan, parabúla, at bugtóng ang nagtítiyák sa kaligtásan ng panlipúnang kaugalìan at pambansâng kaakuhán, habang ang limbág na tulâ—ang tékstong pangmatá—ay sinásalungát ang ganitóng kaligtásan. Ang pangmatáng téksto ay binibítag ang saríli sa mismong hílig nitó sa optikong pabúla, at sa gayón ay nilulúkob ang ísip nang may huwád na kásaysáyan. Sa lahat ng estetíkong pagpapárangál na natátanggáp nitó mula sa mga masigásig na tagasurì, ang tulâ kung minsan ay nagwawakás sa kakatwâng panggagagád na pangkáisipán. Binabaligtád nitó ang mga herarkíya at kumakalás sa mga batás ng tradisyón, at sa gayón ay ináagápan ang kabuluhan nitó. Sa isípang ginagatúngan ang krisis, itó ay huminto sa pagiging mandirigma; sa isípang bumábalangkás ng mga tunggalîan, itó ay naghunos na mapagmarunong. Yámang isáng urì itó ng pagsasalitâ—kahit na itó’y isinulat—ang kapángyaríhan nitó ay hindî nakasalálay sa taglay na kahulugán bagkus sa paraán ng kahulugán. Sa ganitóng paraán itó mapágsasámantálahán at mapaiíkot sa mga larángan, lalo ng mga retorisyador na pinayuhan ni Antonio Machado: “Ang karaniwang ugali ng táo ay tanggapín ang naáangkóp bílang katótohánan. . . Huwag ipágpalagáy na ang tungkulin ninyo bílang mga retorisyador ay ilantád sa táo ang kaniyáng mga gana, dáhil ang alab ng táo para sa katótohánan ay gayón na lámang para tanggapín ang pinakamapait sa lahat ng pahayág hangga’t sumasapól itó sa kaniyá bílang totoó” (MaJ:2). Ang Zen Budismo ang unang nagpakalat ng ganitóng paradohang salungatan tungo sa pagiging doktrina ng kontradiksiyóng may armonya. “Magturo sa pamámagítan ng hindî pagtuturo,” mga koan[84], at walâng puknat na katáhimíkan ang ilán sa mga teknik ng pagtuturo, na pawang bahagi pa rin ng teorya nitó hinggíl sa kaliwanagan. Yámang ang tulâ, gayunman, ay isáng imbensiyón, at hindî repleksiyón, hindî itó kaílanmán magiging relihiyón, bagaman ang nakatatakot nitóng pagtabí sa pagsamba ay makapagbibigay díto ng hawig na altar. Pinalalakí ng tulâ ang potensiyal na tunggalîan ng karanasan ng táo at pinaliliit ang pangkulturang bisyón nitó sa isáng punto ng língguwistíko-penomenolohikong antas. Ang ugnayang pansangay, kumbaga, ay nagaganáp sa panig ng wikà at ng kawalán ng wikà sa produksiyón ng tulâ sa loób ng pangkulturang batis, at dinadala ang mga tunggalîang pantáo sa kasiyá-siyáng solusyon (na imposible sa antas na pantáo lámang, dáhil ang mga tunggalîan ay nauuwi sa iba pang tunggalîan). Gayunman, ang solusyong itó, kahit kasiyá-siyá, ay hindî permanente. Hindî itó kaílanmán magiging permanénte, dáhil ang tulâ, maliban kung nilanság ng kamangmangan o henyo, ay nasa estado ng tensiyón (Cf.#30)—ang katótohánang umiiral itó ang nagpapanatili sa língguwistíkong pagkagitlâ na bumibigkís sa sarili at kinakansela ang mga posibilidad na ang mga kahulugán nitó ay puwedeng maangkin ng iba pang tulâ. Ang tulâ ay nagsisimula at nagwawakas sa tunggalîan na sa pamámagítan nitó’y napapalawig ang káisipán, kahit na sa mismong sarili nitó’y isá na itóng ganáp na káisipán. Inúurírat nitó ang sinaunáng ugali ng táo na pangibabawin ang kaniyáng kaloóban sa síning, sa pamámagítan ng pagpapataw ng kaniyáng kaloóban sa malikhaing kamalayan. (Ang komposisyong pangmusika ni John Cage na 4’33” [1952] ay hinahamon ang tiránya ng tunog sa pamámagítan ng pagpapatibay sa katáhimíkan sa buong musikang pagtatanghal). Bunga nitó, habang sinisikap na panatilihin ang kultura, nilalansag din nitó at itinatanghal ang sarili bílang bágong kultura. Itinataguyod nitó ang sistema ng dominasyon kung saan itó makalilitaw bílang kapuwa síning at teknolohiya—sa madali’t salitâ, bílang kapángyaríhan na gumaganáp bílang makapángyaríhan (Cf.#33). Samakatwid, kung ang wikà ay kondisyon ng isípan, ang wikà naman ay kondisyon ng wikà. Ang kapángyaríhan na gumaganáp na makapángyaríhan ay nagpapalawig ng sarili at nagiging singkahulugán kasabay ng wikà na ibig nitóng pangíbabáwan. Ang tulâ na nasa loób ng pambansang awit, sa mga sigaw pandigmâ, sa mga pahayág pangmilitar, sa mga oyayi, atbp., ay isáng ideolohikong pahayág ng madamdaming pagkakáisá sa lipúnan na makibáka para sa iniísip nitóng tumpak. Binabasbasan nitó ang pambansang paggamit sa kabayanihan at sa mga bayani sa paniniwalàng ang gayóng pagkákaisá ay magpápatíbay sa awtóridád nitó, at sa gayón ay makapaglilináng ng supraverbal na balangkas ng lohika. Itó ba ang sukdol ng kapángyaríhan nitó o isáng kumpas lámang? Ano’t anuman, ang tulâ ay natatamo ang kalagáyang neo-língguwistíko, na higit sa mosayko ng konseptuwál at heograpikong mga piraso sa papel o kalawakan; itó ay isáng pagbabawal laban sa isáhang kahulugán na ikinakabit sa sarili. Totoó, nakahihigit itó sa anumang kahulugán. Sa pag-iral nitó sa ngayón, pinupuksa nitó ang papel at kalawakan at isinasabalikat ang tungkulin nitó. Ang kasangkapan ng kapángyaríhan ay pinalitan ang kapángyaríhan at isinakatawan iyón. Ang politíka ng pakanâ nitó ay binabaligtad ang proseso ng matulâing paglikha, sa paraáng ang produkto ng paglikha ay ang manlilikha, i.e., ang kapángyaríhan. Itó ang tinatagurìan ng mass media na Ultimong Salitâ sa Burukratikong Realidád: Ang Salitâ na naghahayag ng estado ng kagipitan, na naglálabás ng salaping pambayad sa ransom kaílanmán nitó naisin, na nagtatakdâ ng pagpapárehístro sa halalan, na nag-iimbentaryo ng pribadong puhunan at publikong ari-arian, na lumalagda ng utos sa pagpatay at utos sa deportasyon. . . . Ang tulâ sa rurok ng kapángyaríhan ay nakikibahagi sa politíkalidad—tinatanggap nitó ang burgesyang maniobra nang hindî isinusukò ang proletaryadong materyalismo. Ang lunan ng kawaláng katiyakan sa pagitan ng mga urìng panlipunan, na umiiral lámang sa mga espásyo ng kaniláng mga pangarap (dáhil magkapareho ang mga itó), ay naglalaho sa sandaling ihayag ang tulâ. Ang politíka ay hindî pagiging newtral, bagkus ang anyô ng pagiging newtral kahit nasa rurok ng prehuwisyo. Itó ang pagsasalitâ na binalangkas upang mangahulugan ng parehong bágay paano man iyón binigkas—pasulóng, pauróng, pahilís. Itó ang tulâ na may parehong kahulugán gaano man kalayo ang ibig sabihin nitó. Bagaman ang pagsasalitâ, na nag-iisáng kilusan ng lahat ng paglikha, ay máaarìng kondenahin ang kapángyaríhan, itó ang ugat ng kapángyaríhan sa sandaling hayaan nitó ang sarili na tanggapín ang gayóng kapángyaríhan. Ang wikà ay kapángyaríhan. Itó ang nagpapáliwánag sa pagdurusa ng isáng nasyon na walâng wikà, at ang maalab na paggigiit na hangad ng nasyon nang makamit itó. Ang wikà ay pampolitíkang usapin. Sinumang mayhawak nitó ang nangingíbabáw sa lipunan. Itó ang magpapaliwanag sa klasikong maniobra na ginamit ng mga mananakop—sa pagpapataw ng kaniláng wikà sa mga sinakop na táo, napipilit nila ang nasabing mga táo na baguhin ang kamalayan upang makita ang mga realidád gáya sa pananaw ng mga mananakop. Inilalahok ng gayóng realidád ang katótohánan na ang mga mananakop ang mga panginoon at ang sinakop ay ang mga alipin. Noon pa mang 2080 B.C., si Merykare, na isáng Ehipsiyóng pinuno, ay pinayuhan ng kaniyáng ama na “magíng dalubhasa sa pagsasalitâ, nang magíng malakas. . . ang dila ay isáng espada. . . at higit na magiting ang pagsasalitâ sa anumang pakikipaglaban” (LaE:750).  Sa Filipinas, ang tulâng Español ay sumunod kaagad sa espadang Español makaraang magapì ang mga katutubo, nang mapagaan marahil ang bigat ng pang-aalipin. Sinikap ng tulâng hugasan ang kasalanan sa pamamaslang, ngúnit kumapit pa rin ang alingasaw sa gunita. Maliban kung ang isáng táo’y may sukdulang panlasa sa karahasan, kumbaga, ang hindî káyang yaniging umanismo—hindî siya dapat sumukò sa ningning na inihahain ng tulâ. Bubulagin siya niyón. Ang kailángan niya’y klasisismo nang gawing walâng hanggan ang pakiramdam ng pagkakasála at nang muling maisulat ang gramatika ng kawaláng-pag-asa. Dáhil ang tunay na tulâ ay palaging pagbabanyuhay ng karanasan tungo sa karanasan, at hindî tungo sa katótohánan, bagaman ang katótohánan, sa iláng kaso, ay máaarìng gamitin upang pukawin ang patay nang matangkilik ang nabubuhay. Inutil ang katótohánan, bílang programa ng aksiyón; nakáliligtás ang karanasan sa pamámagítan ng momentum ng lakas nitó, bílang panlipunang rebolusyon. Sa huling binanggit kumakampí ang tulâ, hindî dáhil sa pangangáilángan, bagkus dáhil ináasáhan. Máaarìng nalutás ng mga Griyego ang misteryo ng uniberso sa pamámagítan ng karunungan, nang maarok ni Oedipus ang Espinghe, ngúnit ang karamíhan sa sangkatauhan magpahangga ngayón ay pinipilì pa rin ang digmâan na higit na madaling solusyon. “Pinakalikás na hílig ng táo ang wasákin ang sarili at ang lahat ng kapiling niya,” sulat ni Camus noong edad 32 siya (CaS:276). Ang tulâ, na ginagawang inmortal ang mga tunggalîan, ang humahadlang sa pagkalipol niya, bagaman máaarìng makaligtas siya nang higit sa nasabing panahón. Sa maikli’t salitâ, bagaman ang táo ay namumuhay sa modernong panahón, ang panahón ay hindî ganáp na moderno, at nabigo itóng makahabol sa teksto ng tulâ; sa katunayan, ang tulâ ang humuhubog sa panahón, ang gumagawa sa kaligirán ng panahón na magíng de-kodigo, nababásang dokumento, at isáng inimbak na alaala. Ang karanasan ng tulâ ang pumupunô sa di-mapunuang mga signo ng búhay—ang pang-arkitektura, panlipunan, at pampahalaang préteksto nitó—bílang kongklusyon sa artistikong obligasyon nitó. Dagdag pa, ang pananahimik ng tulâ ay isáng interogasyon, gáya sa pagsasalitâ na isáng paratang, hinggíl sa kawaláng kakayahán ng táo na harapin ang absurdidad ng mga mithi at hulà. Kapuwâ nakabatay sa nasyonalismo, at samakatwid ay bigo noong una pa man, hinahadlangan ng mga itó ang progreso ng táo. Súlong kásaysáyan! Súlong tulâ! Walâng dadának na dugo kung walâng tunggalîan, walâng tunggalîan kung walâng kapatiran, walâng kapatiran kung walâng dadanak na dugo: ang tulâ bílang pinagtibay na bílog. At gayundin sa internasyonal na politíka, gáya ng metonimiya. “Ang kasalukúyang pandaigdíg na patakaran ng mga Amerikano,” sulat ni Malraux, “ay nakabátay sa kóntra-komúnismo; sa ibang salitâ, itinatakda itó ng patakaráng Rúso,” (MaM:137). Alinmang tulâ ay panghíhimások sa iba pang tulâ, dáhil hinahámon nitó ang pag-iral ng nasabing mga tulâ. Pagkaraán niyón, ang mundo ay para sa sarili. “Kung minsan, ang mga salitâ ang ultimóng kahulugán ng mga salitâ,” pahayág ni Alexander Bryan Johnson (JoT:178). Hindî mapipigil ang isáng táo na kilalánin ang págsisiláng sa tulâ na magbubúnga ng paglalabás ng iba pang tulâ mula sa guhô ng larangan, kayâ igagawad sa sarili ang awtóktonóng awtoridád, bagamán ang mga ninuno nitó’y hindî lalampas sa léksikon. Nakaiinis kung minsan, at kung minsan ay nakagíginháwa, itó’y palagìng mapanghámak sa wikà, ngúnit walâng saysay kung walâ nitó. Ibig nitóng palitán para sa wikà ang kawalán ng wikà, ngúnit dáhil imposíble itóng makamít, patúloy itóng makikíhalubílo sa, at gagawíng politíka ang, panánalitâ sa loób ng mithing katáhimíkan. Ang tulâ bílang signo ng mga signo: itó pagdáka ang rúrok ng pag-iral nitó na wawakasán ang kahulugán ng mundó sa pamámagítan ng paghígop sa lahát ng kahulugán paloób sa saríli, at pagkaraán ay wawasákin ang mga itó nang isá-isá.

36

Masdán ang Gómang Tóre! Hindî itó naghahasík ni umáani, ngúnit nanánatilìng obligasyón ng ísip na sagápin bílang tangìng realidád. Lumalampas itó sa úlap, at itinutúlak palayô ng mga galamay nitó ang mga basúra ng pananalitâ at pakikídigmâ. Pinárurupók nitó ang mismong mga salitâ na nagtindíg díto, dáhil walâ iyóng sarilíng mga salitâ, ngúnit kailángang manúpaktúrahín yáon mulâ sa mga kinópyang tunóg at katáhimíkan. Isáng segúnda mánong wikà, kung gayón, o priméra kláseng bulóng ng mga mundóng gumuguhô upang maiwásan, kahit pansámantalá, ang pagkakáwaták-waták. Ibinábalangkás nitó ang realidád ng mundó bágo itanghál sa mundó. Mulâ sa mga kakúlangán nitó’y sumúsuplíng ang mga kahulugán na magpapákahúlugán doón, na magpapádalísay doón, na susúhay doón. Walâng anumáng pag-aarì ang Gómang Tóre, samakatwíd, tagláy nitó ang lahát, samakatwíd pinakámasayá itó sa lahát ng nilikhâ. Kailán itó mamámatáy? Kailán itó isisílang? Masdán! Ang Gómang Tóre! (WAKAS)

Mga Tala


[69] May tipograpikong mali sa tekstong Ingles ni Bautista, at nakasaád doon ang “vocal chord” imbes na “vocal cords.” Sa yugtong ito, hiniram nang buo ang “vocal cords” na may partikular na gamit at jargon, gáya sa larang ng pisyolohiya.

[70] Mula sa Latin, at katumbas ng “paghadlang o pagpapahinto sa daloy; pagkabiyak; pagkakabukod; pagtakas; pagsargo.”

[71] Walâ sa anumang díksiyonáryo ang salitâng ito, at inimbento ni Bautista, at isáng paglalaro sa katunog na “detachment.” Ngúnit kung ang detachment ay kaugnáy ng “isáng pulutong ng kawal na nakabukod sa malaking grupo upang magsagawa ng tiyak na tungkulin,” ang “de-touch-ment” ay may pahiwatig ng bukód na pagsalát na  isáng anyô ng pagdama sa diwaing abstrakto, at paglalaro sa unlaping “de-“ mula sa Español, salitâng “touch” mula sa Ingles, at hulaping “-ment” mula sa Ingles. Ito ang maipapalagay na Filipinisádong Ingles, at ambag ni Bautista sa korpus ng Ingles hinggil sa teoryang pampánitikán.

[72] Katumbas ito ng “identity” sa Ingles o “identidad” sa Español, ngúnit ginamit pa rin ang “kaakuhán” upang magkaroon ng sariling panumbas sa Filipino, at siyang pinauso ng gáya nina Alejandro G. Abadilla sa tulâ at Virgilio S. Almario sa kritikang pampánitikán.

[73] Katutubong tawag sa “boomerang” sa Filipinas, at hango sa sinaúnang Tagalog.

[74] Mula sa kawikaang Latin, at may literal na katumbas na “Lilipad ang salitâng binigkas, maiiwan ang salitâng isinulat.” Ipinapahiwatig ntó na madaling malimot ang mga salitâng binigkas, ngúnit ang mga salitâng itinalâ ay masasandigan para sa pagpapatunay.

[75] Nakasaád sa tekstong Ingles ang “vocal chord” na mahihinuhang tipograpikong mali, at itinuwid dito.

[76] Dito ay halos napakanipis ng kaibhan ng “topograpiya” at “tipograpiya,” sapagkat ang pagkakaayos ng mga salita, na isáng pagmamapa o disenyo, ay máaarì ding ikabit sa disenyo ng mga títik. 

[77] Ang seksiyong ito ang halimbawa kung paano tumula kahit nasa anyong prosa, at gumawa ng pangangatwiran. Suwabeng-suwabe ang mga salita.

[78] Itinumbas ito sa “run-ons” o “run-on lines” na tumutukoy sa “káisipáng tumatakbo sa kasunod na taludtod nang walâng hinto sa agos ng palaugnayan.”

[79] Tumutukoy ang “mysterion” sa “mga bágay na hindi káyang maunawaan, o mahalagang kaaláman na pinanatiling lihim.” Sa mga bersiyón ng Lumang Tipan, ginamit itong katumbas ng “sôd” sa Ebreo, na nangangáhulugáng “lihim.” Tingnan ang New Advent, at matatagpuan sa https://www.newadvent.org/cathen/10662a.htm na hinango noong 17 Enero 2021.

[80] Mula sa Latin, at katumbas ng “sa lilim ng anyô ng eternidad.”

[81] Ang ganitóng pananaw ay matagal nang binanggit ng gáya nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at higit sa lahat, Iñigo Ed. Regalado. Tumingkad ang ganitóng usapin nang magbakbakan sina Regalado at Alejandro G. Abadilla hinggil sa panulaang Tagalog noong dekada 1930, at lahat ng ito ay nakapaloób sa aklat na Ang Panitikan sa Tingin ni Iñigo Ed. Regalado (2016), na edit at may introduksiyón ni Roberto T. Añonuevo, at inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino.

[82] Matutumbasan ang tekstong Frances ni Maurice Merleau-Ponty sa Filipino ng “Paano kung ang salitâ ay nakapaghahayag gáya ng kung ano ang hiwatig sa pagitan ng mga salitâ, tulad ng mga salitâ mismo? Paano kung naisasaád nitó ang hindi ‘sinasabi’ gáya ng ‘sinasabi’?” Mahahalatang naputol ang sipi dito ni Bautista, at nawalâ ang “Par ce qu’il ne ‘dit’ pas que par ce qu’il ‘dit’?” Ang buong konteksto ntó ay matutunghayan sa introduksiyón sa Finding Grace with God: A Phenomological Reading of the Anunciation ni Rose Ellen Dunn. Makabubuti ring sangguniin ang Phenomenology of Perception (1945) at Sense and Non-sense (1948) ni Merleau-Ponty upang higit na maunawaan ang teorya niya sa wika. Sa ganitóng taktika ni Bautista ay mapupuwing ang kakulangan ng konteksto sa mga sinisipì niya, at inilalahok sa diskurso.

[83] Mula sa Latin, tumutukoy ito sa pahayág na hindi batay sa pangunang pag-aaral o pagsusurì; o balido nang bukod sa obserbasyon; o umiiral sa isip kahit hindi pa nadadanas. Tingnan ang dictionary.com, sa https://www.dictionary.com/browse/a-priori?s=t na hinango noong 22 Pebrero 2021, 2:44 n.h.

[84] Mula sa Hapones, at katumbas ng “walâng saysay o pabalintunang tanong sa isáng estudyante na hinihingan ng sagot, na ang diin sa pagninilay sa tanong ay nágbibigáy ng kaliwanagan.” Tingnan ang Dictionary.com, sa https://www.dictionary.com/browse/koan?s=t na hinango noong 22 Pebrero 2021, sa ganáp na 4:24 n.h.

Ang Banyaga, ni Roberto T. Añonuevo

 Ang Banyaga

 Roberto T. Añonuevo

 Sampung libong wika ang dumaan
 sa aking dila,
 bawat isa’y bantayog ng lupain
 o hukay na napakalalim.
 At nang minsang masalubong ko 
 ang pugad ng mga hantik
 ay kinagat ako ng mga lintik.
 Tumakbo ako, at bumanggâ 
 sa teritoryo ng mga putakti.
 Napamulagat ako.
 Ibig kong tumakas subalit binigo
 ng namimitig na binti.
 Wala akong nagawa 
 kundi pumikit at humalukipkip.
 At tinanggap ko nang maluwag 
 ang lastag na kamangmangan
 sa wika ng simoy at katahimikan,
 habang tumitikatik at nagpuputik
 ang daigdig. 
Alimbúkad: Poetry silence. Poetry excellence. Photo by Kirsten Bu00fchne on Pexels.com

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita, ni Gendun Chopel

Salin ng tula sa Sanskrit ni Gendun Chopel ng Tibet
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita*

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita.

Itong sukdulang dunong na Sarasvatī
Ang nagpapatanglaw sa pagsasalita;
Punuin mo nawa ang aking lalamunan
Ng mga salitang maglilinaw sa daigdig.

Supling ng dagat, siya ang nag-aakay
Sa mga tagasunod sa supremong daan
Ng sagradong sigasig at pagmumuni
Sa ibabaw ng masaganang purāņas.

Ang lawak ng kaniyang karunungan
Ay kalangitang di-abot ng mga bituin;
Walang lugar para sa isang hagdang
patungo sa nakasisilaw na araw.

________
*Mula sa “Mga Aral ng Maestrong Walang Disipulo,” na nasa aklat na pinamagatang In the Forest of Faded Wisdom (Sa Gubat ng Pumusyaw na Karunungan) ni Gendun Chopel (1903–1951), batay sa bersiyong Ingles ni Donald S. Lopez, Jr.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Petr Sidorov @ unsplash.com

Bumabakhtin Da Dawg, ni Roberto T. Añonuevo

Bumabakhtin Da Dawg

Roberto T. Añonuevo

“I shall return!” —Gen. Douglas MacArthur
“I am the Lord thy God. . .”— mula sa Aklat ng Exodus

Matututo balang araw ang ilog na tumiklop na isang papel, at ang papel na tumatahol ng mga salita na waring galing sa ambidekstrosong bathala ay magpapaunawa ng mga kalansay sa loob ng mga kontrata, ang kasunduan sa maboboteng huntahang bumubuti sa loob ng silid na naglalaman ng kabit-kabit na pag-ibig sa mansiyon o bantayog o paaralan, na kung hindi hawla ay galeriya ng mga aklat at gatasán ang kawawang guro, bumibiyahe sa langit para tumanyag na alagad ng poskolonyang moralidad, ikakatwiran ang kultura ng mga masunuring tuta, ngunit ipinagtatanggol ang kasaysayan ng pusa, o maysapusang isinasakay sa paglalakbay, marahil para makaipon tungo sa bagong proyekto, na gaya sa nobela’y hindi matapos-tapos sapagkat walang hangga ang gutom sa paghawak ng setro at teleskopyo, sinisipat ang anggulo ng bútas na lulusutan, umaahon na musika ng niresiklo at sintunadong katwiran, maamò ngunit ibig maging ámo, maraming tagapagtanggol na taliba at balita sa kawili-wiling dilim, kuripot sa grasya gayong waldas kung lunggati ang pag-uusapan, walang sinasantong batas at mahigpit sa teritoryo, lumalawak ang mga bakás na hindi tumatanda at di-nakatatanda, bukod sa nagpapahatid ng alingawngaw upang makarating marahil sa Norwega at makapiling ang kamukhang Noriega, malamig na humihimig sa ibabaw ng balikat ng mga trubador, animo’y lasing at hindi mapakali, nangangati kapag nag-iisa, bumibigkas ng walang kamatayang Ako, Ako ang Daigdig,  nagpapakadalubhasa sa paglundag at nasa puso kung kumagat, na ang kamandag ay hinahangaan ng madlang hindi nakabuklat ng diksiyonaryo, na ang nilalaman ay inaari para pagkakitahan kahit pag-aari ng bayan sapagkat tinustusan ng buwis at pawis ng karaniwang mamamayan, at ngayon ay pag-aari ng iisang pangalan, na higit magtatagal at paplantsahin ang gusot, dahil ang papel ay ilog ng mga tumatahol, na kagila-gilalas sa kolektibong pagmamahal na maibalik ang tubig na umagos para wasakin ang angking loob, at kung nagbabasá ka pa rin hanggang dito, ikaw marahil ang tunay na Aso ng mga Aso—na hinding-hindi ko ipagpapalagay na isang siraulo.

Lungsod, ni Arthur Rimbaud

Salin ng “Ville,” ni Arthur Rimbaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lungsod

Pansamantala ako, at hindi gaanong malungkot tulad ng mamamayan ng metropolis na itinuturing na moderno, dahil lahat ng kilalang panlasa ay iniwasang mabakás sa mga muwebles at eksteryor ng mga bahay, gayundin sa pagkakadisenyo ng lungsod. Wala ritong matatagpuang anumang monumento ng pamahiin. Pinapuról sa mga payak na pananalita ang moralidad at wika, sa wakas! Ang milyon-milyong tao na ito, na ni hindi magkakakilala, ay nagsasabúhay ng edukasyon, kalakalan, at pagtanda nang magkakahawig, na ang landas ng kanilang búhay ay ilang beses na maikli ang haba kung ihahambing sa isinisiwalat ng mga gagong estadistika na laán sa mga tao ng kontinente. Samantala’y tanaw ko mula sa bintana ang mga bagong multong tumatawid sa makapal at eternal na usok-karbon ng lungsod—ang lilim ng ating kahuyan, ang gabi ng tag-araw!—ang bagong Erinyes sa harap ng aking tirahan na bayan ko at lubos na itinatangi ng loob yamang kahawig nito ang lahat!—ang kamatayang hindi natumbasan ng luha, ang masisigasig nating anak at alila, ang desperadong Pag-ibig, at ang nakabibighaning Krimen na sumusungaw sa maputik na kalye.

Ang Aklat at ang Panahon

Ang Aklat at ang Panahon

Roberto T. Añonuevo

Mga minamahal kong administrador, guro, alumni, at estudyante ng EARIST, magandang umaga sa inyong lahat.

Nagulat ako sa inyong imbitasyon sa akin, at sa pamamagitan ng Facebook ay nakuha ninyo akong mapadalo sa inyong pagtitipon. Ang totoo’y marami akong tinanggihang pagtitipon na gaya nito, at masuwerte kayo sapagkat dito ko pinuputol ang aking pananahimik. Tinanong ko si Bb. Baby Lyn Conti kung ano ang tema, at mabilis naman niyang tinugon na “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan.”

Bago ako dumako sa inyong tema, hayaan ninyong sipiin ko ang salin ng tula mula sa Sanskrit ng dakilang makatang Magha ng India:

Pinakakain ba ng gramatika ang nagugutom?
Tinitighaw ba ng nektar ng tula ang nauuhaw?
Hindi makabubuhay ng pamilya ang pagsisid
sa mga lihim na karunungan ng mga aklat.
Magpakayaman ka’t ang sining ay iyong iwan.

Ang mapanudyong payo ni Magha sa sinumang ibig pumalaot sa panitikan at pagsusulat ay umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon. Bakit nga ba naman magpapakamatay sa sining, gayong hindi naman lahat ng tao ay binubuwenas na kumita mula sa gayong propesyon? Ang nasabing payo ay waring narinig ng CHED, at hindi ako nagtataka kung bakit nakapaling sa pagkita ng pera ang edukasyon kaysa pagpapalawig ng panitikan at wika. Ngunit ang nasabing tula ay balintunang paalala rin na ang sinumang seryoso sa pagsusulat, at ibig magtagumpay, ay hindi mahahadlangan kahit ng sanlibong halimaw, sapagkat ang sining ng pagsusulat ay higit sa maibibigay ng salapi o panandaliang kaluguran, at ito ay may kaugnayan sa ating kamalayan, guniguni, at gunita. Si Magha ang makatang sumulat ng inmortal na epikong Shishupala Vadha, na hango ang banghay sa Mahabharata, at pambihira ang laro ng mga salita.

Ang pagsusulat ng panitikan ay laan sa elitista, at kung naririto si Magha, bibiruin niya kayo na magtinda na lamang kayo sa Divisoria o magtrabaho sa Ayala. Hindi sapat ang mag-aral ng bokabularyo, gramatika, at retorika; o magsaulo ng mga detalyeng pangkasaysayan, bagkus kailangan ang pambihirang imahinasyon sa pagkatha at pagsusulat. Magagawa ito sa tumpak na pagsasanay, at pagbabasa ng iba’t ibang aklat.

Ang inyong tema ay may apat na salita na marapat titigan: aklat, karanasan, sandata, at kinabukasan. Nakasisindak sa unang malas ang ganitong tema, lalo kung ipagpapalagay na may kaugnayan sa panitikan ang aklat; na ang karanasan ay tumatawid mulang realidad tungong guniguni; na ang sandata ay nagbabadya ng pakikihamok kung hindi man pagtatanggol sa sarili; na ang kinabukasan ay maaaring ang kahahantungan ng awtor o mambabasa o aklat, na sa bandang huli ay kayo ang mamimili kung karapat-dapat sa basurahan o kaya’y aklatan ang lahat ng pagpapagal.

Maiisip na ang “aklat ng karanasan” ay isang direktoryo ng nakalipas na buhay, at kung sinuman ang nakagawa nito ay maipagmamalaking nakaraos sa mga sigwa ng buhay. Ngunit ang panitikan—gaya sa tula, katha, dula, at sanaysay—ay maipapalagay na kapuwa paningin at pananaw, at kung gayon ay nalalangkapan ng pagsisinungaling, na metapora sa kabaligtaran ng basta pangangopya sa realidad. Ang paningin ay kasangkapan upang unti-unting mabuksan ang pinto tungo sa pook na kagila-gilalas, kahindik-hindik, o karima-rimarim, bagaman ang paningin ay maaaring magkaroon ng limitadong saklaw, o sabihin nang pinsala, alinsunod sa maibubuga ng awtor at sanhi ng ideolohiyang kaniyang tinataglay. Samantala, ang pagtanaw ay hindi newtral na pagdulog; ito, gaya ng pagsilip sa teleskopyo, ay maláy na pagdulog, at sinasadya ng awtor upang ang kaniyang mga mambabasa ay maipaling sa mga pangyayaring minabuti niyang mapagnilayan.

Kung ang panitikan ay may sariling mata at lente na pawang nakalilikha ng mahika, alinsunod sa punto de bista ng awtor, ito rin ay maaaring magkaroon ng katumbas na mata at lente sa panig ng mga mambabasa, alinsunod sa abilidad at karanasan nila sa pagsagap at pagbabasa. Maraming pagkakataon na nagtutugma ang paningin at pagtanaw ng awtor sa paningin at pagtanaw ng mambabasa. Ngunit sa ilang pagkakataon, nakalilikha ng salamangka ang awtor at ang kaniyang mga mambabasa ay nagkakaroon ng sari-saring interpretasyon—na magbubunga para lumago ang mito ng awtor bilang manlilikha. Samantala, ang panitikan ay tututol na maikahon o maiseroks, at higit na pipiliing maging lihis, kakatwa, naiiba.

Napakahalagang pagtuonan ng awtor ang kaniyang ilalapat na paningin at pagtanaw sa kaniyang akda, sa pamamagitan ng kaniyang tauhan, na pagkaraan ay mahuhubog sa isang pook at panahon, at marahil ay magluluwal ng kakaibang pagsagap, na maghahatid sa pagpapasiya kung paano titimbangin ang iba’t ibang karanasan. Ang tula, halimbawa, ay karaniwang may isang persona, na malalapatan ng natatanging tinig at himig, at napapaloob sa isang lunan at panahon, ngunit ang personang ito ay hindi palagi ang maituturing na bida. Maaaring kinasangkapan lamang siya ng awtor upang ang daigdig ay matunghayan ng mga mambabasa.

Sa ibang pagkakataon, ang isang mahabang tula ay maaaring magkaroon ng dalawa o higit pang persona (na may pangunahin at mga sekundaryo), at natural, ang mga persona ay di-maiiwasang sipatin na may gradasyon, o kung hindi man, ay nagsusuhayan sa isa’t isa, upang mapalitaw ang karupukan at kalakasan ng bawat persona, at maitanghal ang komplementaryong ugnayan ng mga ito. Ganito ang taktikang ginawa ni Rio Alma sa kaniyang Huling Hudhud. Ang kakatwa, ang Hudhud ay walang katapusang salaysay, at marahil magwawakas lamang kung magugunaw ang isang komunidad na pinag-ugatan nito.

Ang pagsusuri sa sariling akda ay hindi magtatapos sa mga tauhan o banghay o lunan o gusot; karaniwan ang mga katangiang ito ay naglalaro sa kapangyarihan, at hindi ako nagtataka kung bakit ginamit ninyo ang salitang “sandata” sa inyong tema. Ang laro ng kapangyarihan ay hindi maikakahon sa banggaan ng mga uri o nasyon; bagkus maaaring maglagos ito kahit sa paraan ng pagtunghay sa kultura, sa pagbasa sa baluktot na kasaysayan, sa pagtitig sa mga kontradiksiyon sa identidad at kamalayan, sa pagdestrungka sa sentro na kung hindi kabulaanan ay sadyang parang sibuyas na walang lamán ngunit nag-iiwan ng anghit na hindi man makita ay nadarama.

Ang nakapagtataka’y habang humahaba ang tula o akda, lalong nawawalan ng lakas kung hindi man toleransiya ang mambabasa na tapusin ang pagbabasa, kahit sabihing primera klase ang isang akda. Ito ay kung wala siyang kasanayan, tatag, tiyaga, at panahon para magbasa nang matagal, at mag-isip nang malalim. Hindi kataka-taka na ang magagandang nobela o epiko’y higit na pipiliing maisalin sa teatro, pelikula, at komiks, at kung matapos mang basahin ang mga ito’y dahil sapilitang asignatura sa paaralan. Ang ganitong intersemiyotikong pagsasalin ay makapagpapabago sa nilalaman at anyo ng akda, at ang napangingibabaw ay ang paghahatid ng mensahe sa mga konsumidor, alinsunod sa skopos ng naturang pagsasalin.

Ngunit ang sining ay hindi simpleng paghahatid ng mensahe, gaya ng kahig-manok na sulat sa pader ng mga aktibista. Ang sining ay nakatuon sa panghihimasok sa pagsagap, bukod sa pagtatakda at paglampas, sa pamantayang naitakda sa isang panahon o kumbensiyon, at sa pagyanig sa ating guniguni para makaigpaw sa pagiging karaniwan. Ang graffiti ng mga aktibista, gaya ng matutunghayan sa Maynila, ay naging de-kahon sa paglipas ng panahon at nanatiling pambangketa lamang; at sa gayong pangyayari ay ni walang ambag para magtulak sa taumbayan na maghimagsik sa pamahalaan. Tandaan nating ang paghihimagsik ay hindi lamang silakbo ng damdamin, kundi nasa antas ng kritikal na pag-iisip at pag-agaw ng kapangyarihan. Ang kakatwa, ang mga aktibista pa ngayon ang binabanatan, sapagkat ang pagdungis nila sa pader na sinikap linisin at pagandahin ng pamahalaang lokal ay tinatanaw na kontra-rebolusyon— mula sa rebolusyong sinimulan ni Meyor Isko Moreno Domagoso laban sa pamamahalang marumi, masikip, magulo—at sa maikling salita’y walang direksiyon kaya walang maaasahang mabuting patutunguhan.

Isang rebolusyon ang ginawa ni Yorme, kung isasaalang-alang na halos kalahating siglong napabayaan ang Maynila, na ang naging persepsiyon ng mga tao ay kubeta kung hindi man imburnal ng Filipinas, at pugad ng mga pokpok, maton, adik, at lumpen, na kinakatawan ng ikonikong Asiong Salonga, at pinaghaharian ng mga malikhaing propitaryo at organisador mula sa mga sindikato, at naging gatasan ng mga politiko at kasapakat nila sa paglipas ng panahon. Ang taguring “Imperyalistang Maynila” ay isang kabulaanan, at totoo lamang noong panahon ng kolonisasyon at kung isasaalang-alang na ang Malacañang ay nasa Maynila; ngunit ang Maynila kahit noong panahon ng Batas Militar ay nagkukubli ng pagkaagnas sa kabila ng magagarang impraestruktura ng pamahalaan dulot ng migrasyon at paglaki ng populasyon. Ang pagpapalinis ng Maynila, gaya sa Liwasang Balagtas o Liwasang Bonifacio, ay pagkambiyo kung hindi man pagpihit sa paningin at pananaw tungo sa dakilang nakalipas; at ang pook ay muling hinahango ang lakas nito sa mahabang kasaysayan ng pagpupunyagi ng mga dakilang tao na nagsilbing inspirasyon ng mga mamamayan sa mahabang panahon.

Ang isang manunulat na hindi lumilingon sa kaniyang pinanggalingan ay hindi kailanman matutuklasan o maipagmamalaki ang henyo ng kaniyang wika at panitikan.

Kung ituturing na kayo ay mga anak ng Maynila, dahil nag-aral o lumaki kayo sa Maynila, ang paglingon sa nakaraan ay isang hakbang pasulong, sapagkat ang nakaraan ang magtutulak sa inyo na lumikha ng isang kathang-isip na Canal de la Reina, gaya sa nobela ni Liwayway A. Arceo, o kaya’y laberinto ng dilim sa realistang nobela ni Edgardo M. Reyes at isinapelikula ni Lino Brocka; ng buhay-Maynila, gaya sa mga tula ni Anastasio Salagubang na alyas ni Jose Corazon de Jesus at ni Kuntil Butil na alyas ni Florentino T. Collantes; ng isang Tundong katumbas ng langit ni Andres Cristobal Cruz; ng mga mapanudyong sarsuwela at dula ni Severino Reyes at ni Patricio Mariano; o kaya’y lumikha ng adaptasyon ng impiyerno ni Dante Alighieri na pumaloob sa Smokey Mountain, gaya sa mahabang tula ni Rio Alma (kahit sabihing anakroniko sa panahong ito ang nasabing tula sapagkat burado na ang dating imahen ng Smokey Mountain); at balikan ang pambihirang kultura at kasaysayan sa gaya ng mga sanaysay nina Teodoro A. Agoncillo, Nick Joaquin, F. Sionil Jose, Carmen Guerrero Nakpil, Ricky Lee, at sangkaterbang manunulat na kung hindi lamán ng Ermita at Escolta ay naroon sa ipodromo o kabaret ng Santa Ana. Maynila ang pugad noon ng mga dakilang manunulat na Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na kabilang sa gaya ng organisasyong Aklatang Bayan.

Kung maibabalik ang ganitong tagpo sa ngayon, ang mga manunulat na Filipino ay makapag-aambag ng mga primera klaseng akda na maipagmamalaki hindi lamang sa Filipinas bagkus sa buong daigdig.

Manunulat ang nagtatakda ng testura ng wika mula sa kaniyang isinaharayang pook, panahon, at tauhan. At ang wikang ito ang magdaragdag ng mga konsepto at diskurso na marahil ay may kapasidad na lumampas, kung papalarin, sa hanggahan ng karagatan ng Filipinas. Isang dating konsehal ng Maynila at propesor sa mga unibersidad sa Maynila, ang dakilang Iñigo Ed. Regalado, ay nag-ambag sa pamamagitan ng pagbuo ng malawakang sarbey at kritika ng mga tula, at kuwentong nalathala bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kung hindi kay Regalado ay hindi mababatid ng henerasyong ito ang ginawa ng mga manunulat na Tagalog na paunlarin ang panitikang pasulat na pagkaraan ay magiging batayan sa pagsusuri sa pag-unlad ng Tagalog na siya namang magiging haligi para sa isang pambansang wika. Ang hámon sa atin ay ipagpatuloy ang nasimulang pagsisikap ng gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda na kung hindi ninyo alam, ay naging mga opisyal ng Surian ng Wikang Pambansa na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino.

Napapanahong himukin muli ang madla na magbasa. Hindi lamang mga estudyante at akademiko ang dapat nagbabasa. Ang pagbabasa ay dapat umabot hanggang pinakamababang saray ng lipunan, at maging kaugalian at paraan ng pamumuhay, sapagkat tanging edukasyon ang makapagpapabago sa ating sarili tungo sa maláy na antas. Sa maniwala kayo’t sa hindi, ang problema sa kritikal na pagbabasa ay hindi lamang matutunghayan sa mga maralitang pook o bilangguan o palengke, bagkus kahit sa loob ng mga kolehiyo at unibersidad, na napipilitang tumanggap ng mga estudyanteng ang antas ng kritikal na pagbabasa at pagsusulat ay waring nasa antas ng Grade 6. Kung ako si Yorme, maglalaan ako ng pondo para sa mga aklatan ng Maynila, at iaatas kong palawigin ang koleksiyon ng mga aklat na sinulat ng mga manunulat na taga-Maynila o ng sinumang tumalakay hinggil sa kalagayan ng Maynila. Iaatas ko rin sa mga kabataan na tangkilikin ang pagbabasa ng mga aklat, at kung may sapat na pondo ay tutumbasan ng pabuya ang sinumang makapagsusulat at makapagpapalathala ng mga de-kalidad na aklat na pampanitikan at iba pang larang.

Upang makahimok tayo ng maraming mambabasa, inaasahan naman sa atin ang paglikha ng matitinong aklat (at hindi basta masabing aklat), na hindi nakalaan para kumita at pagkakitahan lamang ng mga patakbuhing pabliser at akademikong palimbagan, bagkus sadyang nakatuon sa pagpapanibago ng kamalayan ng mga mambabasa. Ang ilalabas nating aklat ay dapat magkaroon ng mataas na pamantayan sa kasiningan at nilalaman, masinop sa wika at diskurso, at may pagpapahalaga, kahit paano sa saliksik, kasaysayan, at kultura. Kailangang marunong sumugal ang ating mga akda sa mga usaping tumutulay sa panganib at pangangahas. Ganito ang ginawa ni Jorge Luis Borges sa kaniyang mga prosa at tula, na pawang nagtataglay ng mga sariwang idea, sapagkat para kay Borges ay hindi sapat na maging intelektuwal na malalim ang erudisyon sa isang larang (na parang Artificial Intelligence), bagkus kinakailangan ang mga intelektuwal na magtaglay ng sariwang idea hinggil sa pagtanaw sa daigdig. Kung hindi’y nakatakda tayo na pumaloob sa mga guhong paikid, at matutuklasan natin ang sariling nabalahò sa sumpa ng pag-uulit at kamangmangan, at likha ng higit na nauna sa atin.

Makatutulong sa atin na bumuo ng mga grupong magsusulong ng mga palihan [workshop] sa pagsusulat. Mahigit tatlumpung taon na ang nakaraan, dumaan din ako sa mga palihan na dinaluhan ng mga bigating kritiko sa panitikan. Ang naging epekto nito sa akin ay lalo akong nauhaw sa karunungan, at natuklasan ko ang aking kahinaan at katangahan, na pagkaraan ay magtutulak sa akin upang higit na paghusayin ang sining sa pagtula, pagkatha, pagsasalin, panunuri, pagpapalathala, at iba pang gawain. Ang aming pag-aaral noon ay umaabot hanggang sa inuman sa IBP (Ihaw Balot Plaza) at iba pang birhaws sa Quezon City, kaya lahat kami’y nasaniban ng espiritu ng aming musa na binabantayan ni San Miguel. Sa maniwala kayo’t sa hindi, higit na marami akong natutuhan sa inuman kaysa loob ng paaralan, sapagkat tunay na panitikan at kasaysayang pampanitikan at teorya at kritikang pampanitikan ang aming pinag-uusapan at hindi pulos kalibugan o kabalbalan.

Marami ang umaangal na kesyo kulang na kulang ang mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika na maaaring basahin ng ating mga estudyante. Gaano karami ba ang titulong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika kada taon? Walang makukuhang malinaw na datos, sapagkat ang mga institusyong dapat nagsasaliksik nito, gaya ng National Book Development Board, ay bigong likumin ang impormasyon. Umaasa lamang tayo sa bilang ng mga titulong humingi ng ISBN at ISSN doon sa National Library, ngunit kung ilan ang nasa Ingles at ilan ang nasa Filipino at/o katutubong wika ay walang matutunghayan. Ang pagpaplano, kung gayon, kahit sa pagpapalathala ng mga aklat na nasusulat sa Filipino ay apektado, sapagkat waring pangangapa ito sa dilim.

Kung may nailathala man hinggil sa mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at/o katutubong wika ay nagkakasiya ang karamihan sa mga pabliser na maglimbag ng tigsasanlibong sipi bawat tituto. Ano ang mararating nito? Wala, kung isasaalang-alang na ang populasyon ng Filipinas ay lumampas na sa 100 milyong tao. Ang isang opsiyon ay gamitin ang elektronikong publikasyon at maglabas ng maraming ebook para madaling ma-download ng mga guro at estudyante, bagaman napakaliit ng bilang sa sarbey ng NBDB hinggil sa mga gumagamit ng ebook. Samantala, sa 200 sangay ng National Bookstore sa buong bansa, masuwerte nang magkaroon ng titulo ritong nasusulat sa Filipino, sapagkat ang promosyon ng mga aklat na ibinebenta rito ay pulos hango sa New Times Bestseller List, at sa ganitong pangyayari, ang pananaw at panlasa ng mga Filipino hinggil sa panitikan ay naididikta ng malalaking publikasyon mula sa New York. Ang Book Sale, na may 91 sangay sa buong kapuluan, ay pulos Ingles ang titulong ibinebenta at maituturing na ukay-ukay ng mga aklat na halos ibinabasura ng ibang bansa. At ang Pandayan Bookshop, na may 90 sangay, ang tanging nagbibigay-pag-asa sa mga lokal na awtor para maitanghal ang kani-kaniyang aklat at mabili.

Panahon na ngayon para ipaling ng EARIST ang seryosong tangkilik sa mga manunulat na naging bahagi nito. Kung nais nating makapagparami ng mga manunulat, kailangang magsimula ito sa EARIST na handang maglaan ng pondo, oras, tauhan, at pasilidad. Huwag kayong umasa sa mga manunulat na mula sa UP, AdMU, DLSU, at UST, sapagkat ang pagpapalago ng panitikang Filipino at wikang Filipino ay tungkulin ng bawat mamamayan, at hindi ng isang institusyon o organisasyon lámang. Ang pagpapalathala ng mga aklat (lalo na yaong nasusulat sa Filipino) ay dapat nasa target ng EARIST taon-taon, bukod sa pagbubukas ng pinto sa promosyon at distribusyon ng mga aklat tungo sa publiko. Ipupusta ko sa inyo na kung gagawin ito ng EARIST taon-taon, mapatataob nito—sa loob ng isa o dalawang dekada—ang ibang malalaking kolehiyo at unibersidad na walang tangkilik sa mga manunulat at sa publikasyon ng mga aklat pampanitikan, lalo yaong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika. Simula rin ito para makilala ang EARIST bilang Sentro ng Kahusayan sa Filipino at Edukasyon.

Maniwala tayo sa kapangyarihan ng panulat kahit maraming pinapaslang na manunulat sa ating panahon, at gaya sa maparikalang tulang tuluyan ng bantog na manunulat na si Augusto Monterroso ay maging Zorro nawa tayo sa hinaharap—na marangal, matapat sa sining na pinagsisilbihan. xxx

(Binasa sa pagdiriwang ng EARIST na may temang “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan,” na ginanap sa Manila Grand Opera Hotel noong 23 Nobyembre 2019.)

Kahit magunaw ang bundok, ni Jacques Dupin

Salin ng “Même si la montagne,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kahit na magunaw ang bundok

1
. . . . . .Kahit na magunaw ang bundok, at magpatayan ang mga nakaligtas . . .
Matulog, pastol. Hindi mahalaga kung saan. Matatagpuan kita. Katumbas
ng pagtulog mo ang pagtulog ko. Nanginginain ng damo sa dalisdis
ang kawan. Sa matarik na dalisdis ay nanginginain ang kawan ng hayop.

2
. . . . . .Sa labas, pumalit ang imbakan ng patay sa kama ng ilog na tinabunan ng lupa.
Ang bato, na nahubdan ng mga dahon, ang kapatid ng matalik na ulap.
Nauuna sa hula ang pangyayari, dinadagit ng ibon ang kapuwa ibon. Sa loob,
sa ilalim ng lupa, nagsisimula pa lamang maghasà ang aking mga kamay.

3
. . . . . .Nakasisindak ang nakikita ko ngunit walang imik. Ang winiwika ko,
ngunit lingid sa akin, ang nagpapalaya sa akin. Ang hindi nagpapalaya sa akin.
Sapat ba ang lahat ng gabi ko para lusawin itong sumasabog na liwanag?
O di-natitinag na mukhang nakikita, hinambalos ng bulag na puting hangin!

4
. . . . . .Tumatanggi sa aking tali ang bungkos. Sa ganitong infinito, unanimong
disonansiya, bawat búsal ng mais, bawat patak ng dugo, ay nagsasalita sa wika
nito at lumilisan. Ang sulô, na tumatanglaw sa bangin, at nagsasara rito,
ay siya ring bangin.

5
. . . . . .Itinihaya mo ang sudsod nang malasing, napagkamalang talà ang lipyà,
at sumang-ayon sa iyo ang lupa.
. . . . . .Matataas na ang talahib at hindi ko na alam kung naglalakad ako, hindi ko
alam kung buháy pa ako.
. . . . . .Mababang uri ba ang nangitim na lampara?

6
. . . . . .Di-maliparang uwak ang batuhang parang, gaya nitong di-makayang ligaya
na nagbibigkis sa atin, at hindi natin kahawig. Iyo ako. Nauunawaan mo ako.
Ang init na bumubulag sa atin . . .
. . . . . .Hinihintay tayo ng gabi’t pinasasaya, at muli nating bibiguin ang pag-aasam
nito upang magampanan niyon ang pagiging gabi.

7
. . . . . .Kapag imposible ang lumakad, nadudurog ang paa, hindi ang landas.
Nalinlang ka. Payak ang liwanag. At malapit ang buról. Kung sakali’t magkamali
akong kumatok sa pinto mo ngayong gabi, huwag magbukás. Huwag buksan ang pinto. Ang paglalaho ng mukha mo ang aking karimlan.

8
. . . . . .Upang maakyat ka, at naakyat kita—kapag ang liwanag ay hindi nasusuhayan
ng mga salita, kapag sumuray ito’t bumagsak—aakyatin ka muli. Panibagong
tuktok, panibagong mina.
. . . . . .Mula nang tumanda ang aking takot, kinailangan ako ng bundok. Kinailangan
nito ang aking mga bitak, ang aking mga bigkis, ang aking hakbang.

9
. . . . . .Paglalamay sa ituktok. Ang pagtangging bumaba. Ang hindi na manahimik.
Hindi libog o pagsukob. Ang pagdating at pag-alis nang ganap nasisilayan,
sa loob ng kumikitid na puwang, ay sapat na. Ang paglalamay sa ituktok
na hindi ko mapapasok. Ngunit palaging tinitingnan pababa. At hinahatak palapit.
Kaligayahan. Di-mawawasak na kaligayahan.

Parabula ni Juan Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Parabula ni Juan Wika

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Wika ang limitasyon ng ating guniguni, kaisipan, lunggati. Nililinang natin ang wika, aminin man natin o hindi, sapagkat dumadako tayo sa dulo ng ating lansangan, ang lansangang inaakala nating magbubunyag ng daigdig, ngunit ang totoo’y putol na riles, o bangkay na naglalakad ngunit pipi, ang sumasalubong sa atin. Nananaginip tayo sa wika, at ngayon, sumasarap ang pagkain dahil sa wika, tumatangkad tayo sa wika, kumikinis ang kutis sa wika, bumabango ang ating hininga sa wika, at naiiwan ang halimuyak sa ating mga damit at singit dahil sa wika. Sumisikat tayo dahil sa wika, lumalakas tayo dahil sa wika, at yumayaman tayo sa utang o pautang dahil sa wika. Makasasakay tayo sa motorsiklo o submarino dahil sa wika, at makalilipad gaya ni Darna dahil sa wika. Subalit sa oras na masalubong natin ang ibang nilalang na bigo tayong maunawaan, at tumatangging umunawa sa atin, at nagggigiit na sila lámang ang may monopolyo ng alpabeto at alpabeto ng kasarian, umuuwi tayong dungo at tulala sapagkat minsan pa’y nalinlang sa kontrata, ninakawan ng titulo ng lupa at titulo sa propesyon, o kaya’y hinahagad ng batas sa ngalan ng seguridad at kaunlaran. Sapagkat ang wika ay hindi na atin; ang wika ay nagmumula sa apat na panig at hatid ng mga banyagang simoy. Nasisinghot natin ang simoy na ito na taglay ang awiwit ng mga barkong sakay ang tone-toneladang produkto at serbisyo, armado ng tratado at negosyanteng politiko, at kung ang mga ito rin ang alagad ng wika, ang wikang ito—na kinakanaw sa ating gunam at isinusuka ng ating puso—ang magpapahiwatig ng limitasyon sa pagbubuo ng sarili at milyon-milyong sarili, tawagin man itong katutubo, tawagin man itong Filipino.