Ikaapatnapu’t isang aralin: Ang Galaw, ni Roberto T. Añonuevo

Ikaápatnapû’t isáng Aralín: Ang Galáw

Roberto T. Añonuevo

1

Ang Salitâ ay hindî pa ganáp na tulâ hanggá’t hindî gumágaláw sa dilà o diwà.

Ang salitâ, sa ámpitéatro ng mga palayán, ay nagíging tulâ sa paggaláw—paikót man o paikíd, mulâ man kánan hanggáng pákaliwâ at pabalík, mulâ itaás hanggáng páibabâ. Sa paggálaw nitô ay nagháhanáp ito ng ugnáyan sa ápat na pánig na lungtîan o ginintûán, nakikíniíg sa úlop at talón, sumásaló ng bulalákaw at kidlát, nagháhanáp ng makákaúsap sa anyô ng húni, lawiswís, alingawngáw, o kaluskós bago magbalík sa saríli sakâ pilíting ipirmí ng kung anong puwersa sa bató o papél o inabél.

Hayàang lumáwak ang láwas ng salitâ; huwág matákot kung huminà ang puwérsang nakagisnán mong tumitínag díto. Tíla nariníg mo na itó mulâ sa iyóng mga ninunò hindî man silá dalúbwikà o dalúb-aghám, at maiísip na walâng sagrádong salitâ, magsibák man ng mga káhoy o kumátay ng báboy-damó.

Kumislót—at mawalâ sa orihinál nitóng posisyón—saanmáng éspasyo at panahón ay kailángan ng salitâ kung íbig nitóng manatíli sa dilà o diwà, bágo magíng tulâ.

2

Ang pagkaúsap sa saríli ay isá nang éngkuwéntro, at kung híhiramín ang winikà ni Roland Barthes, “may súgat sápagkát may palasó na tumutúsok sa pusò.” Maiísip mo rin kung bákit kailángan pa ang búsog at túnod; at naturál lámang itó dáhil may tinutúgis na warì’y anóng iláp at bangís. Kung walâ ngâ ang hinahágad ay anó pa ang silbí ng pag-íral kundî magíng antígong palamutîng isinasábit sa dingdíng?

Ang pumirmí sa tabí ay súgat ng talinghagà at péklat sa harayà, na sa sandalîng itó ay hindî maikákailâ ng sabwátan ng mga wikà.

3

Sa ámpitéatro ng mga palayán, ang pagaspás ng mga máya at tiklíng ay palakpák ng kamatáyan, ang dî-maláy na pagbúbunyî sa tátamuhíng tagsalát ng ilihán, walâ mang sumápit na bagyó o hukbó ng mga bálang. Kung tumindíg man ang mga balyán at kumalansíng ang úyog o mapúkaw ang sapyáw ay úpang yakápin ang liwánag at yakápin ang símoy, sakâ isadulâ ang iníwang tungkúlin ng magbúbukíd— magbantâ sa laksâng tukâ na íbig unáhan ang mga bibíg na umaása sa áni ng lupà.

4

Ang salitâ ay balyán.

Ang salitâ ay úyog.

Ang salitâ ay túnod.

Ang salitâ ay pálay.

Ang salitâ ay lusóng.

Anumán ang pilìin

ay íling magníningníng.

5

Ang isáng sáko ng pálay na bumabà mulâ sa bundók ay língid na pagsisíkap, na malínaw na tulâ, walâ mang ayúda mulâ sa gobyérno o usuréro, at hindî man tinumbasán ng modérnong teknólohíya. Ang isáng sáko ng pálay ay magíging sandaáng sáko ng pálay, na magíging sanlíbong sáko ng pálay, na magíging isáng milyóng sáko ng pálay, at magbíbinhî nang magbíbinhî ng mga mithî.

Batíd ito ng ilihán, at saksí ang sálinlahì ng mga balyán, bumílang man ng yutà-yutàng tág-aráw.

6

Nagsilúyang bakás ng mga talampákan ang tulâ. Malalápad ding balíkat ang tulâ, bagamán nalílinsád kung mínsan. Matiyagâng lusóng at sumusúkang kamálig pa ang tulâ. Samantála, umaáwit ang bukirín at nanánaghilì ang panganórin, sápagkát náis nitó ang ibá pang sisílang na tulâ. Mahírap itóng mabatíd kung patúloy na ikúkulóng lámang sa díksiyonáryo ang mga salitâ.

Kailángan ang paggaláw. Kailángan ang galáw, sa alinmáng anyô at paraán. Kailángang galawín at panghimasúkan káhit ang sinaúnang galáw at pagtínag kung itó ang hiníhingìng kamalayán. Gumágaláw ang lahát at itó ang hindî maitátatwâ ng salitâ na sa saríli nitó’y hindî mápakalí kapág iníwan sa isáng tabí.

7

Ang balikatán sa palayán ay tulâ, gáya ng milényo ng mga payëw, sápagkát gumágaláw ang salitâ at itó ang hindî matátawáran. Ang balikatán ay walâng kasarìán at waláng edád ngúnit patúloy na gumágaláw sápagkát may silbí at katwíran. Ang balikatán ay pagpasán sa ímposíble at nagbábanyúhay na posíble na makápagpapágaán sa loôb ng lahát ng kasáli.

Magtátaká ka pa ba kung gamítin itó bílang bayanihán sa ehersísyo at simulasyón ng mga digmâan?

8

Suklób na lungayngáy sa tarundón ang salitâ. Ngúnit káhit ang suklób ay magsisíkap na patúloy gumaláw, gáya sa pelíkulá. Pulútin itó at áalpás sa kamáy nang panindigán ang pagkátulâ sa dilà o diwà.

Manatíling takíp sa úlo’y karaníwan; magíng pamaypáy ay tadhanà rin ng suklób na isinásabúhay ang paggaláw. Sápagkát hindî itó bastá pananggâ sa síkat ng áraw o búhos ng ulán. Ang suklób ay tulâ at káyang bilúgin káhit ang iyóng pananáw.

9

Ang paslít na nakáupô sa bangkô,

anó’t gumágaláw, gumágaláw ang ísip,

ang paslít na nakápirmí

ay hindî nakápakò sa isáng tabí

sápagkát gumágaláw ang guníguní

sa loób ng ámpitéatro ng mga palayán.

10

Kusàng gágaláw ang mga salitâ, kapós man sa hiwagà, kung íbig nitóng magíng tulâ at hamákin sa wakás ang kaniyáng Maylikhâ.

Alimbúkad: Epic motion poetry across the world. Photo by John Renzo Aledia on Pexels.com

Silip sa Estado ng Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Magiging kapana-panabik ang nakatakdang pagdinig sa Kongreso para suhayan ang pagbabatas matapos pagtibayin ang House Resolution No. 239 ni Kgg. Rep. Edcel C. Lagman ng Unang Distrito ng Albay. Ito ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang mga manunulat na muling maitampok sa lipunan, hindi lamang para muling sumikat bagkus para sagutin ang maling paratang na may kaugnayan sa batas kontra terorismo. Magkakapuwang din ang larang ng edukasyon na muling balikan ang pagpapahalaga nito na ipinapataw sa wika at panitikan, lalo’t ngayong pinaiikli at kumikitid ang pag-aaral hinggil sa mga panitikang sinulat mismo ng mga Filipino na magagamit sa sekundarya at tersiyaryang antas. Makatutulong pa ang pagdinig sa gaya ng Commission on Human Rights (CHR), sapagkat maaaring matalakay na ang pagtatamo ng matitinong panitikan ay isang importanteng karapatang dapat taglayin ng mga Filipino. Makatutulong ang pagdinig kahit sa mga alagad ng batas at kasapi ng NTF-ELCAC upang magkaroon yaon ng malawak na pagtanaw sa dinamika ng mga ugnayan sa mga manunulat at palathalaan. At higit sa lahat, magkakaroon ng pagkakataon na muling sipatin ang lagay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na sa mahabang panahon ay napabayaan kung hindi man hindi binigyan ng pagpapahalaga ng Tanggapan ng Pangulo.

Nakalulugod na nagkakaisa ang maraming organisasyon kapag sinaling ang mga manunulat sa isang panig, at ang panitikang Filipinas sa kabilang panig. Ang naturang pagtutulungan ang modernong pagbabayanihang banyaga sa bokabularyo ng mga burukrata. Ang limang manunulat na napasama ang mga akda sa sensura ay metonimya lamang sa malawak na problemang panlipunang may kaugnayan sa karunungan, katarungan, at kalayaan sa malikhaing pagsusulat at paglalathala. Ang mga manunulat ay wari bang isang uri ng nilalang na malapit nang maglaho, ang pangwakas na dulugan ng madla bago ito ganap na mabaliw sa kaululang lumalaganap sa lipunan. Malaki ang naiaambag ng mga manunulat para lumago ang kultura at kabihasnan, at ang mga sinulat nila’y kayang tumawid sa iba’t ibang panahon, na siyang magpapakilala sa ating pagka-Filipino at pagkatao. Samantala, ang panitikan ang di-opisyal na panukatan kung gaano kasulóng at katáyog ang bansa, at maiuugnay yaon sa wika o mga wikang ginagamit sa iba’t ibang diskurso.

Bagaman tumanggap ng maraming batikos ang KWF, ang positibong maidudulot nito’y mailalagay muli ito sa sentro ng atensiyon ng publiko, at mababatid ng lahat na napakahalaga ang tungkulin nito para sa pagtataguyod ng kabansaan. Sapagkat kung walang mangangalaga sa Filipino at iba pang wika ng Filipinas, hindi lamang mabubura ang kaakuhan ng Filipino bagkus mawawalan ito ng haligi sa pagpupundar ng modernong kaisipang magagamit ng mga mamamayan. Ang mga wika ng Filipinas ang malig ng kapangyarihan; tanggalin ito ay napakadaling magpalaganap ng katangahan o kabulaanan.

Hindi batid ng nakararami na ang KWF ay may maningning na nakaraan. Bago pa ito naging KWF ay dumaan ito sa pagiging Institute of National Language, na higit na makikilala bilang Surian ng Wikang Pambansa, na pagkaraan ay magiging Linangan ng Wika sa Pilipinas (LWP), at matapos pagtibayin ang 1987 Konstitusyon ay magiging KWF noong 1991. Ang mga tao na nasa likod ng mga ahensiyang ito ay mga de-kalibreng manunulat, editor, dalubwika, politiko, akademiko, at tagasalin, gaya nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iňigo Ed. Regalado, Norberto Romualdez, Filemon Sotto, Wenceslao Q. Vinzons, Jaime C. de Veyra, Cirio H. Panganiban, Cecilio Lopez, Ponciano BP. Pineda, Bro. Andrew Gonzalez, Florentino H. Hornedo, Bonifacio Sibayan, Fe Aldabe-Yap, Fe Hidalgo, Virgilio S. Almario, at marami iba pang maibibilang sa roster ng Who’s Who sa Filipinas.

Maaaring maitanong sa pagdinig kung angkop pa ba ang Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa KWF, at siyang panuhay sa itinatadhana ng Artikulo XIV, Seksiyon 9 ng 1987 Konstitusyon. Sa aking palagay ay oo, ngunit may pasubali. Oo sapagkat kinakailangan talaga ang isang ahensiyang pananaliksik na magsusulong ng Filipino at mga wika sa Filipinas, bukod sa kinakailangan ang isang magtutulak ng mga pananaliksik at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, ahensiya, institusyon, at tao hangga’t hindi pa sumasapit ang Filipino at ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, alinsunod sa pakahulugan ni Bonifacio Sibayan.  Ngunit limitado ang kapangyarihan ng KWF, na tinumbasan ng maliit na badyet na halos pansuweldo lamang sa mga kawani, at ni hindi nito kayang magpulis para pasunurin ang publiko sa paggamit ng mga wika. Magagawa lamang nitong maging patnubay sa mga tao sa paglinang at pagpapalaganap ng mga wikang makapagsisilbi at makatutugon sa pangangailangan ng bansa. Sa ganitong pangyayari, sablay ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng limang aklat na subersibo umano dahil gumaganap na ito bilang pulis pangwika na waring gumaganap din bilang ahente ng pambansang pulisya at sandatahang lakas ng Filipinas.

Ngunit kung nagagampanan ba ng KWF ang tungkulin nito nang katanggap-tanggap ay isang mabigat na tanong. Una, ang pasilidad nito ay nakaiwanan na ng panahon, sapagkat napakasikip, at hindi angkop para sa isang ahensiyang may mandato sa pananaliksik pangwika. Noong pumasok ako bilang nanunungkulang Direktor Heneral sa KWF noong 2010, sinikap kong mapalaki ang tanggapan kaya sinulatan ko nang ilang ulit ang Tanggapan ng Pangulo ngunit palagi akong bigo. Noong patapos na ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino, nakipagpulong si Assec Ed Nuque sa mga kinatawan ng mga ahensiyang nasa ilalim ng Sining at Kultura, at tinanong niya ako kung ano ang hihilingin ko bago bumaba sa tungkulin si PNoy. Sabi ko, ibigay na lamang po ninyo sa amin ang kalahating panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson para lumuwag ang KWF. Hindi naman ako nabigo; at pagkaraan ng ilang linggo ay may dumating na sulat na nagsasaad na puwede nang kunin ng KWF ang buong ikalawang palapag ng gusali. Napatalon ako sa tuwa, at hindi ko napigil mapaluha.

Ang totoo’y maliit ang silid aklatan at artsibo ng KWF, at ito ay nakapuwesto pa noon sa isang sulok na waring ekstensiyon [loft] ng ikalawang palapag. Marami akong lihim na natuklasan sa munting aklatang ito, dahil pulos maibibilang sa bibihirang aklat at antigo. Mabuti na lamang ay nailipat ang aklatan sa maluwang-luwang na lugar, sa tulong na rin ni Tagapangulong Almario. Nailipat lamang ang nasabing aklatan nang makuha ng KWF ang kabilang panig ng ikalawang palapag ng Gusaling Watson. Nagkaroon din ng espasyo ang KWF para sa mga aktibidad nito, bukod sa nagkaroon ng bulwagan, lugar na pulungan ng mga komisyoner at kawani, dalawang silid para sa mga sangay, at siyempre, isang maluwag na tanggapan ng tagapangulo. Malaki ang naitulong ni Julio Ramos na noon ay puno ng Sangay Pangasiwaan sa pagpapakumponi ng mga nasirang bahagi ng gusali ng KWF.

Pinangarap noon ng KWF ang magkaroon ng bagong gusali. Sa totoo lang, inutusan ako ng Tagapangulo na gumawa ng plano ng gusali na may apat na palapag at sapat na paradahan ng sasakyan. Kumontak naman ako ng arkitekto, at sa maniwala kayo’t sa hindi, sa loob ng isang linggo ay natapos ang plano ng bagong gusali—na bagay na bagay sa pangangailangan ng mga kawani. Ngunit nang lumitaw na ang plano ay nagalit pa ang tagapangulo. Ang sabi ay dapat idinorowing ko na lang daw. Ang sabi ko, hindi papansinin ang drowing ko kapag idinulog sa Kagawaran ng Badyet at Pananalapi. Nagtalo pa nga kami ng Tagapangulo, na para bang ayaw pang bayaran ang nasabing plano sa kung anong dahilan, na ikinabusiwit ko. Pakiwari ko, nagpapagawa lang ang aming tagapangulo para ako ipitin ngunit hindi talaga seryoso. Nakipagpulong umano siya sa mga taga-UP Diliman upang magkaroon ng puwesto roong mapagtatayuan ng gusali. Ngunit lumipas ang mga araw at buwan hanggang matapos ang kaniyang termino ay walang nangyari. Hindi ko na alam kung saan napunta sa planong iginuhit ng arkitekto.

Isang problema noon ng KWF ay ang Internet koneksiyon. Ilang beses na naming ipinagawa iyon at paulit-ulit ang problema. May plano ako noon na maging interkonektado ang mga sangay, upang masubaybayan ang mga gawain, makapagpulong kahit onlayn, at matiyak na ang daloy ng papeles ay maayos, lalo yaong ipinadadala sa Kagawaran ng Badyet at sa Tanggapan ng Pangulo. Pangarap ko noong bawasan ang paggamit ng papel, at lahat ay nasa onlayn. Ngunit hindi ito natupad, sapagkat ang mismong gusali ay hindi angkop umano sa gayong sistema; napakaraming kahingian ang hinihingi sa KWF na ewan ko ba at hindi masagot-sagot ng mga tauhang kay sarap sampalukin. Wala pa man si Tagapangulong Almario sa KWF noon ay nagpagawa na ako ng database program para sa onlayn diksiyonaryo, ngunit kung bakit hindi ito natuloy ay ibang istorya na. Kahit ang buong sangay ng pananalapi at akawnting ay pinangarap kong interkonektado, na bagaman may nasimulan at nagamit kahit paano ay hindi nasundan dahil sa mismong baryotikong pasilidad ng opisina. Maliit ang badyet noong panahon ng panunungkulan ni Tagapangulong Jose Laderas Santos. Ngunit maliit ito sapagkat makitid ang bisyon ng nasabing tagapangulo para magsulong ng malawakang pagbabago sa KWF. Mabuti pa noong panahon ni Tagapangulong Almario at lumaki-laki kahit paano, ngunit kung lumaki man ito ay dahil dumami rin ang mga proyekto na nakasalig sa malawakang programa at bisyon, gaya sa patuluyang seminar, kumperensiya, at iba pang konsultasyong makatutulong sa mga guro at eksperto mula sa iba’t ibang larang. Isa pang nakapagpadagdag ng badyet ng KWF ang panukalang pagtitindig ng bantayog ng wika sa iba’t ibang lalawigan, na talaga namang makatutulong sa lokal na turismo, ngunit maaaring lampas na sa orihinal na saklaw ng gawaing pananaliksik ng opisina bagaman sinang-ayunan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ang pagpapatupad niyon.

Sa pagdinig sa Kongreso, puwedeng maitanong kung nagagawa ba ng mga komisyoner ang tungkulin nitong katawanin ang wika at/o disipilinang kinabibilangan nila. Kung ang komisyoner ang magiging tulay doon sa mga rehiyon ay mabuti at ideal; ngunit dahil sa kakulangan ng badyet ay malimit ang komisyoner pa ang nag-aambag sa kaniyang gastusin sa pamasahe at pakikipagpulong. Sa tinagal-tagal ko sa KWF, ang ganitong problema ay hindi malutas-lutas at ito ay may kaugnayan sa kung ano ang programang ibig isulong ng mga komisyoner mula sa iba’t ibang rehiyon. Noong panahon ng administrasyon ni Tagapangulong Santos, walang makabuluhang naiambag ang mga komisyoner; at si Santos ay humirang pa ng dayuhang konsultant na isang Tsino na walang alam sa Filipino at ni walang basbas ng Kalupunan ng mga Komisyoner. Noong pinaimbestigahan ko sa Kawaranihan ng Inmigrasyon ay peke pala ang pangalan ng hinayupak na Tsino. Nagsampa ako ng reklamo sa Tanggapan ng Pangulo, ngunit ewan ko kung bakit ni hindi pinansin ang aking reklamo sa kung anong dahilan. Samantala, noong panahon ni Tagapangulong Almario, masipag ang mga komisyoner, kahit paano; at nakabuo pa ng Medyo Matagalang Plano [Medium-Term Plan] na nakagiya sa pangkabuoang programa ng Administrasyong Aquino at nakalahok sa Medyo Matagalang Plano ng NEDA. Hindi mabubuo ang gayong plano kung walang pangungulit at payo ng gaya ni Leonida Villanueva, isang may malasakit na retiradong kawani ng KWF at nakapagbigay ng perspektiba sa mga komisyoner kung paano bumalangkas ng seryosong plano na magagamit ng buong makinarya ng gobyerno. Nagabayan ang KWF dahil sa nabuong plano bunga ng serye ng konsultasyon sa iba’t ibang tao na kumakatawan sa iba’t ibang organisasyon. Lumakas pa ang KWF dahil nirebisa ang Implementing Rules and Regulations [IRR] ng RA No. 7104, mula sa konsultasyon sa iba’t ibang may malasakit ng organisasyon at sa pagtutulungan ng mga komisyoner.

Kung mahina ang network ng isang komisyoner sa rehiyong kinapapalooban niya, malamang na hindi siya makahimok ng pagsasagawa ng mga pananaliksik, halimbawa, sa akademya o iba pang larang. Kailangang mapagtitiwalaan din ang isang komisyoner, na hindi lamang pulos dakdak bagkus may integridad at utak, at tunay na kumakatawan sa wika at disiplina. Nasabi ko ito dahil may ilang komisyoner, na naitatalaga sa posisyon na hindi talaga masasabing kumakatawan sa wikang sinasalita at ginagamit nang pasulat ng mga nasa rehiyon. Samantala, ang isang hindi ko malilimot ay ang Kongreso sa Wika doon sa Bukidnon na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat etniko, mulang Luzon hanggang Mindanao, dahil sa pagpupursige ng gaya nina Kom. Lorna Flores at Kom. Purificacion Delima, at ito ang patunay na kung sadyang nagagampanan ng isang ahensiya ang tungkulin nito, magiging boses ang ahensiyang ito para makarating sa kinauukulan ang hinaing ng mga tao mula sa malalayong lalawigan. Makasaysayan ang ginawang kongreso ng KWF noon (saksi si dating Sen. Bam Aquino at ang kinatawan ni Sen. Legarda), na hindi nagawa kahit ng iba pang ahensiya ng gobyernong nangangasiwa sa mga pangkat etniko.

Kaya nagkakaletse-letse ang KWF ay dahil hindi malinaw, sa aking palagay, ang transisyon tungo sa susunod na administrasyon. Nagbabago-bago ang takbo ng programa alinsunod sa maibigan ng tagapangulo at kasama nitong mga komisyoner. Kung walang bisyon ang isang tagapangulo ay madaling higtan; ngunit kung makatwiran ang bisyon ng tagapangulo, dapat itong ipagpatuloy anuman ang kulay ng politikang pinagmumulan ng mamumuno alinsunod sa pangkabuoang plano ng gobyerno. Kung nagkakaroon man ng problema sa kasalukuyang administrasyon, ito ay maaaring nagkulang ang maayos na transisyon mulang administrasyong Almario hanggang administrasyong Casanova, na wari bang maraming nangapunit at nagkapira-pirasong pangyayari o gawain, na kung maayos sanang naipasa sa pangkat ng transisyon ang lahat ay mawawala ang sakit ng ulo ng susunod na administrasyon. Kung salat sa bisyon ang Kalupunan, nagiging kampante ang mga kawani na nanganganak ng medyokridad at katiwalaan na siya namang naipapasa sa iba pang susunod na kawani.

Kung magiging seryoso ang mga kongresista sa imbestigasyon sa KWF, marami silang matutuklasan. Isa na rito na interkonektado ang lahat, sapagkat kung noong nakalipas na panahon ay ginagamit umano ng kung sino-sinong nasa kapangyarihan ang KWF para maisulong ang adyenda nila, ginagamit naman ngayon ng ilang opisyales ng KWF ang iba pang ahensiya ng gobyerno upang maisulong umano ang mahihinuhang mga personal na interes nito. Ang dating maningning na kasaysayan ng KWF ay maaaring tuluyan nang naglaho; ngunit kung sisipatin nang maigi, ang problema ay hindi lamang sa pagpapalit ng mga tao o agawan ng puwesto. Kailangang palitan ang bulok na sistema ng pagdulog sa mga wika dahil hinaharap ng bansa ang mahigit 100 milyong populasyon. Kailangang baguhin ang pag-iisip ng mga kawani na hindi na makasabay sa gawaing pananaliksik pangwika; at ang unyon ng mga kawani nito ay panahon nang matuto para pagsilbihan hindi lamang ang interes ng kapuwa kawani bagkus ang interes ng opisina upang lalong lumago ang mga gawaing pangwika. Kailangang magkaroon ng patuluyan at malawakang programang nakasalig sa isang bisyong tinutumbasan ng badyet para  makaagapay sa pandaigdigang pagbabago. Kailangan ang malawakang network mulang kanan hanggang kaliwa, ang tunay na pagbabayanihan, at hindi na sapat ang limitadong koneksiyon ni Tagapangulong Almario na hirap na hirap makakuha ng tangkilik sa ibang sektor sa kung anong dahilan. Hindi sapat na magkaroon ng sangkaterbang titulo bago pumasok sa KWF. Kailangan ang tunay na malasakit sa Filipino at mga wikang katutubo sa Filipinas, may bait at katutubong talino, handa kahit sa mabagsik na pagbabago, walang bagaheng pampolitika ni nahahanggahan ng ideolohiya at personal na interes, ipagpalagay mang mahirap nang matagpuan ang mga ito sa kasalukuyan. Nakapanghihinayang na hindi iilang matatalino, masisipag, at magagaling na pumasok sa KWF ang napilitang umalis dahil hindi masikmura ang lumang kultura sa loob.

Kapiranggot pa lamang ito ng aking dumurupok na gunita, at hindi dapat seryosohin para ilagay sa kasaysayan ng wika. Wala rin akong balak na siraan ang ibang tao, at ang ibinahagi ko rito ay isang karanasan at pagtanaw, na maaari ninyong bawasan o dagdagan o ituwid, upang higit nating maunawaan ang estadong kinatatayuan ng Filipino saanmang panig ng mundo.

Alimbúkad: A peek into the State of the National Language Commission. Photo by Archie Binamira on Pexels.com

Parabula ni Juan Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Parabula ni Juan Wika

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Wika ang limitasyon ng ating guniguni, kaisipan, lunggati. Nililinang natin ang wika, aminin man natin o hindi, sapagkat dumadako tayo sa dulo ng ating lansangan, ang lansangang inaakala nating magbubunyag ng daigdig, ngunit ang totoo’y putol na riles, o bangkay na naglalakad ngunit pipi, ang sumasalubong sa atin. Nananaginip tayo sa wika, at ngayon, sumasarap ang pagkain dahil sa wika, tumatangkad tayo sa wika, kumikinis ang kutis sa wika, bumabango ang ating hininga sa wika, at naiiwan ang halimuyak sa ating mga damit at singit dahil sa wika. Sumisikat tayo dahil sa wika, lumalakas tayo dahil sa wika, at yumayaman tayo sa utang o pautang dahil sa wika. Makasasakay tayo sa motorsiklo o submarino dahil sa wika, at makalilipad gaya ni Darna dahil sa wika. Subalit sa oras na masalubong natin ang ibang nilalang na bigo tayong maunawaan, at tumatangging umunawa sa atin, at nagggigiit na sila lámang ang may monopolyo ng alpabeto at alpabeto ng kasarian, umuuwi tayong dungo at tulala sapagkat minsan pa’y nalinlang sa kontrata, ninakawan ng titulo ng lupa at titulo sa propesyon, o kaya’y hinahagad ng batas sa ngalan ng seguridad at kaunlaran. Sapagkat ang wika ay hindi na atin; ang wika ay nagmumula sa apat na panig at hatid ng mga banyagang simoy. Nasisinghot natin ang simoy na ito na taglay ang awiwit ng mga barkong sakay ang tone-toneladang produkto at serbisyo, armado ng tratado at negosyanteng politiko, at kung ang mga ito rin ang alagad ng wika, ang wikang ito—na kinakanaw sa ating gunam at isinusuka ng ating puso—ang magpapahiwatig ng limitasyon sa pagbubuo ng sarili at milyon-milyong sarili, tawagin man itong katutubo, tawagin man itong Filipino.

Armonisasyon

Armonisasyon

Roberto T. Añonuevo

Isang mainit na usapin sa mga fumefeysbuk, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay ang usapin hinggil sa “armonisasyon ng mga ortograpiya ng mga katutubong wika sa Filipinas” [KWF Statement on the Harmonization of Orthographies of Filipino Languages, 22 Oktubre 2018). Ang armonisasyon ay konseptong isinusulong ng KWF para ipaliwanag ang posisyon nito, bukod sa ipagtanggol ang Ortograpiyang Ilokano (2018) na balak nitong ipagamit sa mga guro at estudyante sa Hilagang Luzon, sa pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon, sa kabila ng pagtutol ng GUMIL Filipinas at iba pang kabalikat na grupo.

Ang GUMIL (Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas) ang pinakaaktibo at pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat at editor na Ilokano, at may base hindi lámang sa rehiyon ng Ilocos, bagkus maging sa iba’t ibang lalawigan, at ibang bansa, gaya sa United States of America, Greece, at Saudi Arabia. Ang mga manunulat na ito ang lumikha ng mga pambihirang aklat pampanitikan sa paglipas ng panahon, at patuloy na sinusubaybayan hangga ngayon, sa pamamagitan ng lingguhang magasing Bannawag at iba pang babasahin.

Ano ba talaga ang “armonisasyon,” kung babalikan ang posisyon ng KWF at isinusulong ng tagapangulo nito? Hindi naipaliwanag sa pahayag ng KWF kung saang punto ito nagmumula, at ang reperensiya ay mahihinuhang galing sa panig ng Filipino. Kung ang reperensiya ay Filipino, ano ang saklaw ng “armonisasyon” para sabihing ang dating walang armonyang mga wikang katutubo ay magkakaroon ngayon ng pagkakaisa at pagsasanib?

Malabo ang pahayag ng KWF sapagkat nabigo itong ipaliwanag ang konsepto ng “armonisasyon,” una sa panig ng lingguwistika, at ikalawa, sa panig ng sosyolingguwistika at kasaysayan, sa harap ng wikang Ilokano. Kung susuriin ang ipinalalaganap nitong mga katutubong ortorgrapiya, ang armonisasyon ay naglulundo nang malaki sa panghihiram ng mga salitang banyaga, na ang pinakaubod ay mula sa Español (na ang ispeling dati ay “Espanyol”), at hindi sa katutubo-sa-katutubong wikang ugnayan. Dito masasabing malakas ang Ortograpiyang Pambansa (OP) sapagkat napulido na ang mga panuto nito sa Español sa paglipas ng panahon, mulang yugto nina Lope K. Santos at Jaime de Veyra hanggang Ponciano BP. Pineda hanggang Nita P. Buenaobra at Jose Laderas Santos hanggang Virgilio S. Almario. May katwiran kung gayon ang KWF kung punahin nito ang sinauna’t hispanisadong baybay ng mga salita, halimbawa ang mga pangalan ng pook, gaya ng Davao (na puwedeng “Dabaw” o “Davaw; Calasiao na puwedeng “Kalasyaw”), o ang mga pangalang pambalanang, gaya ng “dios” na naging “diyos,” cuento na naging “kuwento,” atbp.

Pagkaraan nito ay lalantad ang kahinaan ng OP, sa kasamaang-palad, lalo sa panghihiram ng mga salita sa Ingles. Bakit? Sapagkat walang malinaw at kompletong panuto na isinulong ang KWF sa bahaging ito. Hindi pa ganap nitong nailalahok kung paano manghihiram, halimbawa sa Ingles, Nihonggo, Aleman, Frances, atbp., sa isang panig, at sa mga katutubong wika, gaya sa Magindanaw, Ilokano, Hiligaynon, Romblonon, Sebwano, Bikol, atbp. Maikakatwiran dito kung ang gagawing batayan ay ang kakulangan ng isang pambansang diksiyonaryong Filipino na higit ang saklaw sa UP Diksiyonaryong Filipino, at may basbas ng isang ahensiya ng gobyerno. Ang UP Diksiyonaryong Filipino, kahit pa ito pinondohan ng gobyerno, ay hindi masasabing kasinlakas ng pambansang diksiyonaryo, kung ang diksiyonaryong ito ay mismong luwal ng KWF—na may mandato ng Konstitusyong 1987, at Batas Republika Blg. 7104. Kung babalikan ang kasaysayan, ang mandato ng Institute of National Language bago pa sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay una, lumikha ng isang malawakang diksiyonaryo na batay sa katutubong wika at magiging batayan ng pambansang wika; at ikalawa, bumuo ng isang gramatika o balarila mula sa katutubong wika.

Sa kasalukuyan, nasa yugto pa rin ng pangangarap ang Pambansang Diksiyonaryong Filipino at Binagong Gramatikang Filipino—na pawang maglalahok sa lahat ng matitingkad na katangian ng mga katutubong wika sa Filipinas.

Magkakasiya na lámang ang OP sa gaya ng panghihiram ng mga pangngalang pantangi mula sa mga banyagang wika na hindi kailangang baguhin ang ispeling, sa mga salitang kargado ng kultura o kasaysayan, sa mga salitang siyentipiko o teknikal, o kung kaya’y sa mga salitang may maiikling patinig na tunog [short vowels] ngunit problemado kapag dumako sa mahahabang patinig [long vowels] at sa mga salitang may tunog schwa, kambal patinig (gaya ng \ph\ na maaaring gawing \p\ o \f\), dobleng titik (gaya ng dd, ff, rr, ss, atbp), sa mga salitang may triptong o tatluhang katinig, at iba pang punto na wala sa OP.

Sa bahaging ito, ang tinutukoy na “armonisasyon” ng mga wikang katutubo sa Filipinas sa punto de bista ng KWF ay konserbatibo at mahihinuhang limitado sa panghihiram ng mga salita sa Español. Kung magkakaisa ang mga katutubong wika sa bahaging ito ay walang magiging sagabal, maliban na lámang kung ang mga katutubong wikang ito ay tinanggap ang mga salitang Español, at inangkin nang buong-buo, at umiiwas na ispelingin ang mga salita alinsunod sa nais na paraan ng pagbaybay ng OP sa maraming pagkakataon, kahit pa sabihing kabitan ng mga panlapi, sapagkat nakalahok yaon sa kanilang mga diksiyonaryo. Matingkad ang ganitong problema sa gaya ng Chabacano, Ilokano, at Bikol, kung pagbabatayan ang mga konsultasyon sa ortograpiya noon.

Ang mga umiiral na diksiyonaryo, halimbawa sa Ilokano, Bikol, Sebwano, atbpng wika, ay sa paglipas ng panahon ay naging sanggunian ng henerasyon ng mga manunulat at editor, at marahil ay magbabago lámang ang paraan nila ng pagbabaybay alinsunod sa mapagkakaisahan at mamamayaning paraan ng pagsulat sa panig ng pangkat ng mga manunulat at editor. Ito ay sapagkat ang ortograpiya ay nakatuon, unang-una sa lahat, sa mga manunulat at editor, at hindi para sa mga estudyante at guro. Ang mga manunulat at editor ang aktibong lumilikha ng mga teksto, at hindi naiiwasang magtakda ng estandarisasyon ng wika na ginagamit naman ng mga estudyante o guro. Kung babalikan ang isinusulong ng Kagawaran ng Edukasyon, ang inuuna ay ang paglikha ng ortograpiya imbes na unahin ang pagsasaliksik, produksiyon, at preserbasyon ng mga akdang pampanitikang nasusulat sa mga katutubong wika.

Sa mga wika sa Filipinas, ang malalakas na wika ay nagmumula ngayon sa Ilokano, Sebwano, at Bikol. Ang tatlong wikang ito ay may mahuhusay at batikang manunulat at editor, na may kani-kaniyang publikasyon at suportado kung minsan ng ilang akademya. Kapag hindi sumang-ayon ang mga manunulat at editor ng isang wika, gaya ng ginawa ng GUMIL, ay mauulit lámang ang kasaysayan, nang bumalikwas ang mga manunulat sa Filipino nang tuligsain nito’t suwayin ang itinakdang panuto sa Ortograpiyang Filipino noong panahon ni Tagapangulo Buenaobra. Sa aking pagkakatanda, minura kami (kasama ko sina Dr. Leo Zafra at Leonida Villanueva) at nilait-lait ni Buenaobra dahil sinuway namin ang ortograpiyang inilathala ng KWF. Lilipas ang panahon at mabibigo ang bersiyon ni Buenaobra at mananaig ang bersiyong isinulong ng National Committee on Language and Translation (NCLT) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Magkakaroon ng problema ang konsepto ng “armonisasyon” sa panig ng mga katutubong wika, sapagkat wala pang malawakan at naisapanahong pag-aaral ang KWF kung pag-uusapan ang mga pagkakahawig ng mga katutubong wika. Ang tinatanggap pa lámang ngayon ay ang mga salitang pangngalan, na nailahok ang ilan sa UP Diksiyonaryong Filipino, ngunit ang mga salitang pandiwa o pang-uri o pangatnig o pang-abay, lalo kung ang mga ito ay nilapian ay hindi pa natitingkî at hindi pa nailalahok sa OP. May katwiran kung gayon ang GUMIL Filipinas sa pag-angal hinggil sa pagbabago ng “biag” tungo sa “biyág,” na waring isinunod sa “biak” na naging “biyák,” ngunit kung babalikan ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar ay may lahok doon na “biák” at binibigkas na \bi+ak\, gaya sa “Biak na Bato.” Hindi malalayo ang “biak” sa “baak,” na ginagamit pa rin sa ilang bayan sa Rizal, gaya ng Angono, Binangonan, at Tanay, o kaya’y sa Batangas, Quezon, at Marinduque. Ang problema ng “biak” ay hindi malalayo sa hispanisadong “babayi” na dapat na “babai” at hindi “babay.” Para sa mga Español, ang titik \i\ ay mahinang patinig, at upang lumakas at makatindig nang mag-isa ay karaniwang kinakabitan ng \y\.

Sa pedagohikong pagdulog, ang sinasabing “armonisasyon” na binabanggit ng KWF ay marupok ang kinatatayuan sapagkat kulang sa pag-aaral o saliksik hinggil sa panig ng pagtuturo ng ortograpiya, batay sa mithi ng Kagawaran ng Edukasyon. Kailangang linawin ng KWF na kung ang layon nitong armonisasyon ay limitado sa panghihiram ng mga salitang Español o Ingles, sapagkat wala pa itong malinaw na mga panuto hinggil sa panghihiram ng mga katangian ng mga katutubong wika, na ang karamihan ay ni hindi pa nailalahok sa UP Diksiyonaryong Filipino. Muli, maitatanong kung ano at kung saan ang gagamiting reperensiya sa pagtuturo sa mga estudyante kung isasaalang-alang ang mga katutubong wika. Ang armonisasyon ba ay mulang Filipino tungong katutubong wika, gaya sa Ilokano, Sebwano, at Bikol? O pabaligtad? Isasaalang-alang din ba ang armonisasyon ng mga katangian ng iba-ibang katutubong wika, halimbawa, mulang Bikol hanggang Ilokano o Sebwano hanggang Ibanag?

Binanggit pa ng KWF sa pahayag nito na,

Harmonization is not compulsory for older users of the language or individual organizations; it is specifically aimed at helping the Department of Education and teachers to teach any of the native languages. Other organizations are free to adopt their own stylebook in their own publications.

Ang armonisasyon ay hindi umano sapilitan para sa matatandang gumagamit ng wika o mga organisasyon. Nakatuon umano ito para tulungan ang Kagawaran ng Edukasyon at mga guro sa pagtuturo ng mga katutubong wika. Malaya pa umanong gumamit ng sariling istaylbuk ang iba’t ibang organisasyon. Ano uli? Baka ang tinutukoy dito ay hindi sapilitan ang pagpapagamit ng ortograpiya imbes na armonisasyon, sapagkat walang kinalaman ang  edad o pagkatigulang sa armonisasyon, lalo sa panig ng mga Ilokano na ang tanging layon ay paunlarin ang wikang Ilokano. Ang ortograpiya ay para sa mga manunulat at editor, o sa mga tao na nag-aambisyong maging manunulat o editor, na gumagawa ng mga aklat o teksbuk. Ang ortograpiya ay hindi para sa mga mag-aaral na tutuntong pa lamang sa kindergarten o Unang Grado. At walang pakialam ang mga estudyante sa masalimuot na usapin ng lingguwistika ng ortograpiya, bagkus sa mga konseptong taglay ng mga salita na nakaugat nang malalim sa kani-kanilang kultura.

Ang payo ng KWF na malaya ang alinmang organisasyon na gumawa ng sariling istaylbuk ay tama, ngunit hindi tumutumbok sa solusyon sa tunay na problema, at halos tumawid sa pagiging sarkastiko. Ang istaylbuk ay nakabatay sa ortograpiya at gramatika, at kung gayon, ay hindi makagagawa ang KWF ng sariling istaylbuk para ipataw at panaigin sa mga katutubong wika. Ang Ortograpiyang Ilokano, kapag binasbasan ng KWF, ay may kapangyarihang baguhin sa isang iglap ang naitatag nang paradima ng pagsulat sa Ilokano, sapagkat ito ay may basbas ng gobyerno. Ang tanging magagawa ng mga Ilokano, gaya ng mga kasapi ng GUMIL, ay tumutol at suwayin ang itinatadhanang panuto ng KWF. Sa ganitong pangyayari, ang armonisasyon, sa yugtong ito, ay nangangailangan ng pagkambiyo at reebalwasyon. At ito ay masasagot lámang ng buong kalupunan ng mga komisyoner ng KWF, sapagkat yaon ay láwas kolehiyado at hindi nagmumula sa pasiya ng isa o dalawang tao lámang.

PAHABOL: Pinukaw, sa di-inaasahang pangyayari, ng KWF ang nakem—o ang kolektibong kamalayan, kung hihiramin ang pakahulugan ni Aurelio Agcaoili—ng mga kasaping manunulat ng GUMIL. Ang nakem, kung aalagaan nang maigi, ay makapaghahasik ng rebolusyon, at inspirasyon sa mga kapuwa Filipino, na kapupulutan ng aral kahit ng mga tinitingalang kasapi’t opisyal ng pinakamalaking unyon ng mga manunulat sa Filipinas.

music keyboard instrument piano note musical instrument sheet music close up brand ivory font classical musical classic composer chord harmony lessons pianist melody synthesizer piano keys clef stave music score music sheet instrumental pianoforte string instrument musical keyboard electronic instrument

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, hudisyal at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Mensahe para sa KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino)

Malaking karangalan ang humarap sa kalipunan ng mga guro, dahil ang pagharap na ito’y maituturing na pagkilatis sa sariling katauhan na hinubog din ng mga guro sa loob at labas ng paaralan. Parang humaharap ako sa salamin na maraming panig, at bawat anggulo’y lumilikha ng anyo o hulagway na kung hindi matapat sa realidad ay salamangka ng kulay at liwanag.

Bawat guro’y maaaring sipatin na aktibong tagasagap ng karunungan, ngunit hindi basta bulag na tagasunod sa sinumang tagapagsalin ng kaalaman. Ang kakayahan ng gurong magtanong, magtanda, magsaliksik, magsulat, makinig, at magsalita ang magbibigay ng malaking bentahan sa kaniya sa larangan ng pagtuturo.

Kaya hindi biro ang pagtuturo, lalo sa Filipino.

Kinakailangan ng guro ang dibdibang pagsasanay at pag-aaral hindi lamang sa disiplinang nais niyang pagtuonan, bagkus maging sa pakikipagkapuwa sa kaniyang mga kapuwa guro at mag-aaral. Upang matamo ito, kinakailangan ang organisasyon na mapagkakatiwalaan at malinis at bukás makipag-ugnayan. Na maaaring nasa katangian ng gaya ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino).

Hinahamon ang KASUGUFIL na itaas ang pakikibaka nito sa higit na malikhaing antas. Ito ay dahil sa pangangailangang buuin ang bagong kurikulum sa Filipino at repasuhin ang multilingguwal na edukasyong panukala ng ilang tao o sektor.

Hinihimok ko kayong bantayan ang sariling hanay nang may tunay na pagmamalasakit at kabutihang-loob upang maisagawa ninyo ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 hinggil sa Lakas ng Bayan [People Power]. Bagaman malaki at makapangyarihan ang makinarya ng Kagawaran ng Edukasyon, hindi ito sapat para maging kampante ang bawat guro at iasa ang kaniyang kapalaran sa awtoridad. Sapagkat gaya ng ipinamamalas ng nakaraan, gaano man kadakila ang isang institusyon ay nauuk-ok pa rin ito ng anay sa iba’t ibang paraan.

Binabati ko ang buong pamunuan ng KASUGUFIL sa matagumpay na pagdaraos ng taunang pagtitipon, ngunit nais kong itangi ang tagapayong tigulang na si Bb. Leonida Villanueva, kasama si Sandor Abad at ang ilang piling superbisor, na matapang na humarap kay Sen. Vicente “Tito” Sotto III upang humingi ng tulong pinansiyal na kailangan sa kongresong ito. Kung hindi dahil sa kanila ay wala siguro tayong kakainin sa loob ng tatlong araw, at maaaring abonohan pa ang gastusin para sa pansamantalang pagtigil dito sa Teachers’ Camp. Dapat ding kilalanin ang pamahalaang lokal ng Baguio, na pinamumunuan ni Alkalde Mauricio Domogan na maluwag na tinanggap ang KASUGUFIL.

Pasalamatan natin ang mga superbisor at direktor na pawang lumikom ng mga guro at naghatid dito sa Baguio. Pasalamatan natin ang mga boluntaryo na bumubuo ng Sekretaryat. Pasalamatan natin ang ating mga tagapanayam. Pasalamatan natin ang network ng mga guro mulang DepEd hanggang KWF. Pasalamatan natin ang mga kawani ng Teachers’ Camp at ang lahat ng tagapagsilbi ng pagkain at tagapagtiyak ng seguridad.

Higit sa lahat, pasalamatan natin ang lahat ng guro, sa publiko man o pribadong institusyon, sa loob man o labas ng paaralan. Kilalanin natin ang dakilang ambag nila sa lipunan, upang marinig ito hanggang sa bulwagan ng Malacañang o Hukuman o Batasan. Kung magsisimula sa atin ang pagpapahalaga sa karaniwang guro, naniniwala ako na pakikinggan tayo kahit ng sinumang Maykapal.

Magandang gabi sa inyo, at mabuhay kayong lahat!

[Mensahe na binasa ni Roberto T. Añonuevo sa “Gabi ng KASUGUFIL” na ginanap noong 18 Abril 2011, Teachers’ Camp, sa Lungsod Baguio, at dinaluhan ng halos dalawang libong kalahok na guro at superbisor mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas.]

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino: Ugat, Posibilidad, at Panukalang Hakbang

Roberto T. Añonuevo
KWF Direktor Heneral

Umalingawngaw muli ang pangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag nito, bukod sa kumalat sa merkado ang bagong dalawampung pisong papel na gumugunita sa wikang pambansa. Pagkaraan nito ay parang walang nangyari, at nagpatuloy ang lahat sa kani-kanilang tungkulin o gawain. Kung iisipin nang maigi, mapanganib ang gayong katahimikan. Ang katahimikan ay maaaring senyales ng paghina ng KWF, at lantarang pagpapamalas ng di-pagpansin ng publiko o panlalamig ng Tanggapan ng Pangulo sa mahalagang papel ng KWF sa pagbubuo ng patakarang pambansa hinggil sa usaping pangwikang may kaugnayan, halimbawa, sa multilingguwalismo o pagbubuo ng Filipinong kurikulum.

Makabubuting ipakilala muli ang KWF, at itampok ang tungkulin at pananagutan nito sa sambayanan.

Noong 27 Oktubre 1936, inihayag ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea ang pangangailangan “sa isang pangkalahatang wikang katutubo na sinasalita ng sambayanang Filipino.”[1] Bagaman maraming wika at diyalekto sa Filipinas, nanatiling Espanyol at Ingles ang opisyal na wika sa komunikasyon at transaksiyon sa gobyerno, negosyo, hukuman, at edukasyon, na pawang nagbunga ng pagkatiwalag ng mga mamamayan sa sariling bansa. Kinakailangang gawin ito ng gobyernong kolonyal at ng mga kabalikat nilang opisyales na lokal upang manatili sa poder sa mahabang panahon.

Payak ngunit mabigat ang pangangailangan sa pambansang wika. Ang wika, ani Quezon, “ang pinakamatibay na ugnayang magbibigkis sa mga tao at magtataguyod ng pagkakaisa ng pambansang lunggati, pangarap, at sentimyento.”[2] Mahihinuhang may pagkilala si Quezon sa lipunang multilingguwal, ngunit napakahalaga ng pambansang wikang inaasahang magiging tulay pagsapit sa mga lalawigan, at kakawing sa pag-uugnayan ng mga tao na nagmula sa kung saan-saang panig ng Filipinas.

Sinubok na noon na gamitin ang Espanyol at Ingles sa edukasyon at gobyerno, ngunit may hinuha ang pangulo na imposibleng maging lingua franca ang naturang dalawang wika pagsapit sa mga lalawigan. Dumating ang sandali na pinili ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa, matapos ang mahabang saliksik, konsultasyon, at pag-aaral ng mga eksperto. Lumusog ang bokabularyo ng Tagalog nang maging bukás sa iba pang wika sa rehiyon at mga wikang internasyonal sa usapin ng panghihiram, pag-angkop, pagsasalin, at pag-angkin ng salita’t kaugnay nitong konsepto. Ipinamalas din sa mga pag-aaral, gaya ng The Family of Philippine Languages and Dialects [1957] ni Jose Villa Panganiban, at Tagalog-Hiligaynon [1973], Tagalog-Iloko [1972],  at Tagalog-Sebwano [1972] Cognate Words ng Surian ng Wikang Pambansa [Institute of National Language] ang matalik na pagkakahawig ng mga termino mulang ugat na salita, ispeling, pahiwatig, pakahulugan, at bigkas, na pawang hindi masasabi sa panig ng Ingles na tradisyong Anglo-Saxon ang pinagmulan. Sa maninipis na lathalain ng SWP, ilalathala ang Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Samar-Leyte (1970) ni Alfonsa E. Tizon; Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Hiligaynon (1970) ni Epifania M. Militar; at Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Sebuwano (1970) nina Priscilla Dingcong at Epifania M. Militar. Ilan lamang ang mga ito na patunay kung gaano katalik ang ugnayan ng Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa sa iba pang wika sa rehiyon.

Marahang nakapagpundar ng mga diksiyonaryo, bokabularyo, at antolohiya ang KWF sa paglipas ng panahon. Habang sinusulat ito, nakapagpalathala na ito ng 13 diksiyonaryo, 19 bokabularyo, at 10 antolohiya ng panitikan na pawang naglahok ng mga panrehiyong wikang bukod pa sa Filipino.[3] Kung sisinupin lamang ang mga ito ay malaki ang maitutulong nito sa pagpapalago ng wikang Filipino at ng mga wika sa rehiyon, bukod sa mailalahok sa Filipinong kurikulum. Kapag binalikan ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Bilang 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” kabilang sa mga sangay nito ang sumusunod: 1) Pananaliksik at Ebalwasyon; 2) Leksikograpiya at Terminolohiya; 3) Pagsasalin; 4) Literatura 5) Iba pang mga Wika ng Pilipinas; 6) Pagpapalaganap, Kabatiran at Pagpapalathala; 7) Panlarangang Sentro ng Wika;  at 8)  Pangkalahatang Lingkuran.[4] Hindi kataka-taka kung bakit maraming diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan ang KWF.

Magbabago noong 2006-2008 ang balangkas ng KWF, alinsunod na rin sa mungkahing pagbabago noong administrasyon ni dating Punong Komisyoner Ricardo Nolasco at siyang isinumite sa Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM). Maglalaho ang Literatura at iba pang mga wika ng Pilipinas, at higit na maitatampok ang Lingguwistika, Leksikograpiya, Pagsasalin, at Impormasyon at Paglalathala.[5] Magbabago rin ang pangalan ng Panlarangang Sentro ng Wika at magiging Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), na binubuhay ngayon para maging sangay ng pananaliksik sa mga lalawigan. Nalagas ang mga tauhan ng KWF, at ang mga posisyong nabakante ay hindi na napunuan at nailipat sa ibang tanggapan ng gobyerno.

Ang totoo’y salungat sa plano noong administrasyon ni Ponciano Pineda ang plano ng administrasyong Nolasco na alisin ang Sangay ng Panitikan at iba pang mga wika ng Pilipinas sa balangkas ng KWF. Saad nga sa isang lathalain ng KWF, “Sa plano ni Direktor Pineda sa pagpapabulas ng Filipino, mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika. Ang mga ito ay saklaw ng mga katangiang angkin ng wika na kailangang paunlarin upang yumabong ang Filipino sapagkat sa pamamagitan ng panitikan at pagsasaling-wika ay nakabubuo tayo ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at ekspresyon.”[6]

Kung babalikan ang pagsisimula ng SWP, nakasalig ito sa pagpapalathala ng mga kritika at sanaysay hinggil sa katha, tula, at dula na ang ultimong layon ay pataasin ang uri ng panitikang Filipinas sa kabuuan. Pagkalipas ng ilang taon, magbabago ang lupon ng mga direktor o komisyoner ang SWP, at ang dating kiling nito sa panitikan ay malilihis sa lingguwistika.

Patakaran at Programa

Malaki ang kinalaman ng KWF sa pagpapaunlad ng Filipino, lalo sa pagbabalangkas ng mga polisiya mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Sa mga naging pangulo ng Filipinas, si Manuel Quezon ang primerang nakinabang dahil hinihingi ng panahon, yamang nakapagpapalabas siya ng patakaran sa pamamagitan ng Kawanihan ng Edukasyon alinsunod sa payo ng SWP. Ang dating SWP, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, “ay inaatasang maglathala ng diksiyonaryo at balarila sa Filipino [na batay sa Tagalog].” Nagkasanga ang dalawang aklat na ito, at noong 1946 ay inilabas ang pangunang gabay sa ortograpiya na likha ng SWP, at nilagdaan ni Esteban Abada na noon ay Direktor ng Edukasyon.[7] Sa puntong ito, nagsisimula na ang mahigpit na ugnayan ng SWP at Kawanihan ng Edukasyon. Apat na ulit pang mababago ang ortograpiya sa Filipino (1960, 1976, 1987, at 2009). Maglalathala rin ng katipunan ng mga idyoma, kuwento, tula, at dula ang SWP samantalang iminungkahing simulang gamitin noong 1940 ang (F)ilipino sa mga piling pitak sa pampaaralang pahayagan alinsunod sa panuto ng lingguwistikang itinadhana ng SWP.[8] Sisimulan din noong 1946 ang pag-eeksperimento na pagbuklurin sa estudyanteng nakauunawa ng Tagalog at hindi taal na Tagalog.[9]

Hindi basta maipapantay lamang ang Filipino sa Tagalog, kahit pa sabihing malaki ang pagkakahawig ng dalawang wika alinsunod sa gramatika, palaugnayan [sintaks], at paglalapi, at siyang idinidikdik ng ilang lingguwista. Dumaan ang Filipino sa pagpapanday, mulang estandarisasyon ng ortograpiya hanggang eksperimentasyon sa retorika hanggang usapin ng politikang pangkultura, partikular sa sosyolingguwistika. Ngunit higit pa rito, ang Filipino ay malinaw na lumago nang ganap ang korpus. May kaugnayan dito ang aktibong pagbubuo ng mga diksiyonaryo at tesawro; paglaganap ng tradisyonal na midya, internet, at telekomunikasyon; pagsusulong ng sari-saring pambansang kumperensiya, seminar, at palihan hinggil sa wika at panitikan; pagtatatag ng mga samahang pangwika sa loob at labas ng akademya; pagpapalimbag ng mga lathalain at panitikan hinggil sa Filipino, bukod pa ang elektronikong pagpapalathala; pagdami ng mga publikasyong naglalathala ng panitikang Filipino at iba pang wika; pagsasalin sa Filipino ng mga akda mula sa banyagang wika o kaya’y lalawiganing wika; at paggamit at pagpasok ng Filipino sa iba pang lárang o disiplinang dating sakop lamang ng Ingles.

Sumapit na ang Filipino sa abanseng yugto. Yumabong ito at yumaman, dahil sa paglalahok sa korpus nito ng mga wikang lalawiganin at iba pang wikang internasyonal, at maihahalimbawa ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009). Malaki na ang mga pagbabago sa pagbubuo ng pangungusap simula nang ipakilala ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa, salamat sa mga manunulat at editor na sa paglipas ng panahon ay nag-ambag ng kani-kaniyang halimbawang akdang pampanitikang mapagsusumundan. Naglathala ng mga teksbuk sa mga espesyalisadong larang ang UP Sentro ng Wikang Filipino, gaya ng siyensiya at teknolohiya hanggang paggugubat at arkitektura hanggang matematika at musika. Hindi ba ito ang mithi ng Seksiyon 6, Artikulo XIV, ng Konstitusyong 1987?

SEK. 6. Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Filipino. Samantalang nililinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itayugod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.[10]

Kung tititigan nang maigi ang siniping probisyon, mababatid na tinupad na ng kasalukuyang henerasyon ang pagsasagawa ng unang talata ng Seksiyon 6. Ngunit ang ikalawang talata, na may kaugnayan sa pagsasagawa ng mga hakbangin ng pamahalaan sa pagtataguyod sa Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hindi pa lubusang nakakamit sa panahong ito. Ito ay dahil mabagal ang kapuwa Senado at Kongreso sa pagpapasa ng panuhay na batas [enabling law] hinggil sa midyum ng pagtuturo. May panukalang batas si Rep. Magtanggol Gunigundo I ng Ikalawang Distrito ng Lungsod Valenzuela hinggil sa pagtatatag ng edukasyong multilingguwal at programang literasi, ngunit ang panukalang ito ay waring pailalim na pinahihina ang Filipino, pinalalakas ang Ingles bilang lingua franca sa buong Filipinas, habang kunwa’y isinusulong ang edukasyong multilingguwal sa mga lalawigan.

Malinaw ang Konstitusyon ng 1987 sa paggamit ng Filipino: “Filipino, at habang wala pang itinatadhana, Ingles, ang mga wikang opisyal ng Filipinas ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo.”[11] Idinagdag pa rito na ang “mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing pantulong sa mga wikang panturo roon.”

Bakit kailangang sipiin at balikan ang Saligang Batas ng 1987? Sapagkat narito ang butil na kailangang ihasik at pasibulin para maabot ang pangarap na wikang Filipino. Kailangang balikan din ang Batas Republika 7104, dahil ito ang batas na nagtatatag sa KWF at naglalatag ng mga tungkulin nitong marapat gampanan upang maging matagumpay ang paggamit ng Filipino.

KWF at Kurikula sa Filipino

Nang imungkahi ni Pang. Quezon na itatag ang SWP, malinaw sa kaniya ang dalawang bagay: una, pag-aralan sa pangkalahatan ang mga wika sa Filipinas; at ikalawa, pagtibayin ang “pangkalahatang pambansang wika batay sa isa sa mga katutubong wika.”[12] Gaano man kaganda ang nasabing mithi, isinaalang-alang pa rin ni Pang. Quezon ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan sa buong kapuluan. Ang ganitong paraan ng pagtanaw ay waring urong-sulong na patakaran, at minamahalaga ang akomodasyon sa banyagang wika para pagbigyan ang hinihingi ng mananakop. Isang parikala na ang “pambansang wikang Filipino” [Filipino national language], ayon sa Batas Komonwelt Blg. 570, ay isinabatas noong 4 Hulyo 1946. “Filipino” ang tawag sa wika, ngunit gagamitin ang Tagalog para ikompara ang dalawang wika, at pahinain ang mithing Filipino para sa ikalalakas ng Ingles.[13]

Sa nasabing tindig ni Pang. Quezon, apektado kahit ang pagbubuo ng kurikulum sa elementarya at sekundaryang antas. Ang buong sistema ng edukasyon noon ay sumandig sa Ingles, habang isinasaalang-alang ang humihinang Espanyol bilang kurso. Iuutos ng pangulo sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263, na sa simula ng 19 Hunyo 1940, “ituturo ang pambansang wika sa lahat ng publiko at pribadong paaralan sa bansa.”[14] Tutugon sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 1, s. 1940 ang Kalihim ng Publikong Pagtuturo Jorge Bocobo na “ituro ang Pambansang Wika simula ng 19 Hunyo 1940 sa ikaapat na taon ng lahat ng publiko at pribadong paaralan at pribadong pasanayang panggurong institusyon.”

Noong 3 Mayo 1940, nagpalabas ng Sirkular Blg. 26, s. 1940 si Celedonio Salvador ng Kawanihan ng Edukasyon na nag-aatas na ituro ang pambansang wika sa mga paaralang sekundaryo at normal. Ang introduksiyon sa “Pambansang Wikang Filipino” ay paghubog sa kasanayan ng mga guro, gaya ng pagpapalabas ng “mga unang leksiyon sa pambansang wika.”[15] Nakatuon ito sa mga gurong hindi bihasa sa Tagalog. Sesegundahan ito ng pagbubukod ng mga klase para sa maalam sa Tagalog at di-Tagalog.[16]

Ang Filipino ay hindi lamang ituturo bilang wika, at maihahalimbawa ang Babasahin ng Mamamayan (1950) na koleksiyon ng maiikling kuwento at nakatuon sa edukasyon ng mga tigulang [adult education]. Inendoso ito ni Benito Pangilinan, ang direktor ng mga publikong paaralan, dahil sa pagtataglay ng mga birtud ng pagsisikap, dangal sa paggawa, pag-unawa ng tao, pagkamakabayan, pananampalataya sa Diyos, pakikipagkapuwa, atbp. Higit pa rito’y iminungkahi niya na isalin sa iba pang wika ang mga kuwento upang maiangkop sa mga pangkat ng tigulang.[17] Sa ganitong pangyayari, ang pagpapalusog ng Filipino ay kaugnay ng pagpapalusog ng mga wikang panrehiyon.

Ang unang balangkas sa kursong Pambansang Wika 1 ng Normal na Kurikulum ay lumabas noong 1950.[18] Ang balangkas ay nakabatay sa Balarila ng Wikang Pambansa. Magbabago pa ito habang lumalaon, at maidaragdag ang mga kasabihan, idyoma, at panuntunan sa pagtuturo ng panitikan.[19] Noong 1956, binigyan ng awtoridad ang bawat superbisor ng dibisyon ng Wikang Filipino “na pangasiwaan ang pagtuturo ng [Filipino] sa mga pambansang paaralang pang-agrikultura at pangkabuhayan” na may sariling superintendente.[20] Inilahok din ang Filipino sa edukasyon at kultura noong 1956, ngunit kaugnay lamang sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Pinakamalawak ang naging saklaw ng SWP nang magsahimpapawid ito ng mga impormasyon  sa DZHF, tuwing Miyerkoles, alas 8:00 ng gabi.

Maselan ang pagpapalaganap ng Filipino, at kinakailangang magpalabas ng memorandum ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan noong 1957 para sa pagpapalaganap at popularisasyon ng wikang Filipino.[21] Kalakip nito ang ilang mungkahi sa nagagamit at interesanteng pagtuturo, ang pagpapalago ng bokabularyo sa pamamagitan ng panghihiram ng banyagang salita, ang pagkakaroon ng pitak sa Filipino sa mga pahayagang pampaaralan, at ang paghikayat sa mga opisyal at guro ng mga paaralan na gamitin ang mass media at ang pagpapahatid ng mga balita at patalastas sa pamamagitan nito hinggil sa mga proyekto at gawain ng mga paaralan.

Hindi makokontento ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at magsasagawa ito ng eksperimento sa paggamit ng Filipino at Ingles bilang tulay ng pagtuturo sa mga Grado III, IV, at V noong 1956-1957 sa limang rehiyong di-Tagalog. Batay sa resulta ng eksperimento, ang Pilipino [Filipino] ay higit na epektibong midyum ng pagtuturo kaysa Ingles sa mga sabjek na pagbasa, wika, aritmetika, at araling panlipunan sa tatlong gradong nabanggit. Gayunman, mahahanggahan ang paggamit ng Filipino sa mga asignaturang gaya ng araling panlipunan, edukasyong pangkalusugan at pagpapalakas ng katawan, edukasyon sa wastong pag-uugali, at edukasyong panggawain.[22] Kung babalikan ang Resolusyon Bilang 73-7 ng National Board of Education noong 7 Agosto 1973, “ang Ingles at Pilipino ay magsisilbing tulay ng pagtuturo at ituturo bilang asignatura sa kurikulum mulang unang grado hangang antas unibersidad sa lahat ng paaralan, publiko man o pribado….” Nagkatotoo ang nasabing pahayag sa panig ng Ingles subalit nanatiling pangarap lamang magpahangga ngayon sa panig ng Filipino.

Sa mga probisyon ng Saligang Batas 1987, hindi limitado ang Filipino sa ilang sabjek, gaya ng HeKaSi (Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika) at Filipino, bagkus maaaring gamitin din sa agham at matematika. Ngunit iba ang interpretasyon ng DepEd, kaya marahil nananatiling Ingles ang midyum ng pagtuturo sa agham at matematika magpahangga ngayon.  Noon pa mang 1985, iminungkahi na ni Direktor Pineda na “pahintulutan ang paggamit ng Pilipino sa agham at matematika.”[23] Sa patakarang bilingguwal na nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing noong 1987, pananatilihin ang Ingles bilang internasyonal na wika para sa Filipinas at di-esklusibong wika ng agham at teknolohiya.[24] Bukod dito, layon din ng Patakarang Bilingguwal na Edukasyon ang pagpapalaganap ng Filipino bilang wika ng literasi. May puwang nang binubuksan si Kalihim Quisumbing. Patutunayan naman ng UP Sentro ng Wikang Filipino noong dekada 1990 na kaya nitong lumikha ng mga teksbuk sa agham at matematika sa abanseng antas, ngunit nang mapalitan ang pamunuan ng UP ay nagbago rin ang tangkilik na inilalaan sa pagbubuo ng mga teksbuk sa Filipino.

Sa gitna ng maiinit na debate hinggil sa bilingguwalismo, at ngayon ay multilingguwalismo at Filipinong kurikulum, sangkot palagi ang KWF dahil ito ang ahensiya ng pamahalaang direktang bumubuo ng mga patakarang pangwikang ipinapasa sa pangulo ng bansa upang pagtibayin, o kung hindi man ay nagmumungkahing isabatas ng mga mambabatas bago pagtibayin ng pangulo.

May karapatang makialam ang KWF sa mga patakaran ng DepEd sapagkat nakapahiyas sa titik e, Sek. 5 ng “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Bilang 7104” ang tungkulin ng KWF na:

ganyakin at itaguyod, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo, mga [sic] grant at award, ang pagsulat at pagpapalathala sa Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas, ng mga obrang orihinal, pati na mga teksbuk at mga [sic] materyales na reperens[i]ya sa iba-ibang disiplina.[25]

Sineseryoso ng KWF ang pagrepaso noon ng mga teksbuk at iba pang babasahin para sa mga paaralan. Ngunit habang lumilipas ang panahon, naglaho ang naturang gawain ng KWF, at marahil ay may kaugnayan dito ang pagbabago ng administrasyon, pagsasaayos ng estruktura ng tanggapan, at paghahanay ng priyoridad na mga programa o proyekto, bukod sa pagkaunti ng badyet na taunang inilalaan ng gobyerno. Kailangan pang pag-isipan ngayon sa KWF kung paano makagaganyak at makapagtataguyod ng pagsulat at pagpapalathala ng teksbuk kung ang estado ng nasabing mga gawain ay  kulang sa mga tauhang sapat ang karanasan o kaalaman sa isang tiyak na larang o disiplina, bukod sa nalagasan pa ng sangay na dapat sanang magpapalakas sa panitikan at iba pang wika ng bansa.

Pagsasaayos ng Estruktura

May maitutulong ang KWF sa pagpapanibago ng kurikulum ng DepEd, at kahit sa CHED. Ang KWF, kung gagabayan nang matalino at matuwid ng mga komisyoner na kumakatawan sa iba’t ibang wika at disiplina, ay makapag-aambag ng sariwang kaisipan hinggil sa Filipinong kurikulum, at marahil ay maisusulong ang adyenda ng edukasyon ng administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Hindi ko sinasabing magagawa ito nang kisapmata. Ngunit magagawa ito. Magagawa ito sa tulong din ng mga organisasyong pangwika (gaya ng Kasugufil) at indibidwal na kinakailangang makilahok sa mga programa at proyekto ng KWF. Ang aktibong pakikilahok ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pampaaralan, pambayan, at pangmanunulat ay nararapat lamang dahil ito ang manipestasyon ng “Lakas ng Bayan” [People Power] na ginugunita ngayong taon ang ika-25 taon ng anibersaryo. Nakapahiyas sa Saligang Batas ng 1987 ang pagkilala sa pagkikilahok ng taumbayan sa mga gawaing pampamahalaan.[26]

Hindi dapat maging bukod ang KWF sa madla. Sa halip, ang KWF ay dapat maging bukás sa mga mungkahi ng madla at eksperto, nang sa gayon ay makapagbuo ng mga hakbang para sa wika.

Noong mga unang taon ng administrasyon ni Direktor Pineda, kabilang sa priyoridad ang pagsasagawa ng mga sosyolingguwistikong pananaliksik. Aniya, “kailangan ang ganitong mga saliksik upang maging batayan ng mga patakarang pangwika.”[27] Kabilang sa mga sarbey na kaniyang isinagawa ang una, sarbey sa diyalekto ng Maynila; ikalawa, sarbey sa alpabeto; ikatlo, wika at sosyo-ekonomikong pag-unlad ng kanayunan; ikaapat, paggamit sa mga terminolohiya ng SWP; at higit sa lahat, sarbey sa kalagayan ng implementasyon ng edukasyong bilingguwal. May iba pang saliksik ang administrasyon ni Pineda, at ang ganitong programa ay maglalaho sa panahon ng administrasyon ni Punong Komisyoner Nita Buenaobra, aangat nang bahagya sa administrasyon ni Nolasco, at sinisikap na buhayin sa panahong ito.

Kung ipagpapatuloy ang mandato ng KWF, na isulong ang pananaliksik upang makabuo ng mga programa at proyektong makapagpapasigla sa paggamit ng wikang Filipino, ay tiyak na malayo ang mararating nito. Makapagrerekomenda ang KWF hinggil sa mga tumpak na hakbang, halimbawa sa multilingguwalismo na nagtataguyod ng pambansang wikang Filipino, o kaya’y makapaglalahok ng diwain hinggil sa pagbubuo ng mga sangguniang aklat na malusog ang panitikan, kasaysayan, at kultura, bukod sa bukás sa mga pagbabagong hatid ng impormasyon at teknolohiya.

Marahil ay hindi alam ng nakararami na ang dating pamunuan KWF ay listahan ng mga dakilang manunulat, kritiko, dalubwika, edukador, at makabayan. Jaime C. de Veyra. Lope K. Santos. Julian Cruz Balmaseda. Cirio H. Panganiban. Cecilio Lopez. Jose Villa Panganiban. Ponciano BP Pineda. Nakapag-ambag sila ng mahahalagang patakarang pangwika sa paglipas ng panahon, at ngayon ay kinakailangang iangat sa higit na abanse’t matalisik na pagkilos. Nawa’y madagdagan pa ang nasabing listahan ng iba pang dakilang tao, na handang magtaya nang malaki para sa wikang Filipino at mga wikang panrehiyon sa Filipinas. Hinihingi ng panahon ang sariwang pagbabago, at pagbabagong magpapatayog sa simulain at bisyon ng wikang Filipino.

At magagawa ang lahat ng ito sa tulong ninyo.

[*Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Ikalawang Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino, na may temang “Ang Kurikulum Tungo sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino at Kalidad ng Edukasyon sa Antas Elementarya at Sekundarya” na ginanap sa Teachers’ Camp, Lungsod Baguio noong 17 Abril 2011 at inorganisa ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino). Si Añonuevo ay matinik na makata, kritiko, editor, at tagasalin. Nakapagpalathala na siya ng tatlong aklat ng tula, at ang ikaapat na kalipunan ay ilalathala ngayong taon ng Ateneo de Manila University Press. Naging editor ng mahigit 30 aklat pampanitikan, nakapagsalin ng mga aklat sa kasaysayan, panitikan, pagbabagong-klima, agham pampolitika, kalusugan, at ng mga teksto sa pelikula at pahayagan mulang ibayong dagat. Isa siya sa mga pundador ng Oragon Poets Circle, ang samahan ng mga pili’t premyadong makata ng Filipinas, dating pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), naging pangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT) at Wika ng Kultura at Agham Inc (WIKA Inc). Kabilang sa mga tinamo niyang parangal ang Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, SEAWrite Award sa Thailand, Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Grand Prize Sawikaan, National Book Award mula sa Manila Critics Circle, at maraming iba pa. Si Añonuevo ang bagong talagang Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino sa administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III.]

Dulong Tala


[1] “Message of His Excellency, Manuel L. Quezon, President of the Philippines to the First National Assembly on the Creation of an Institute of National Language,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 2.

[2] Ibid.

[3] Balikan ang “Mga Publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Ang Wikang Filipino bilang Wikang Panlahat, ni Sheilee Boras-Vega. Komisyon sa Wikang Filipino: Maynila, mp. 66-67. May iba pang hindi nakalahok dito.

[4] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas ng [sic] Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 73. Nakapagtataka na hindi ito nakalahok sa Philippine Gazette, at hindi rin makita ang mga pahayagang kinalathalaan nito. Isang obserbasyon ng Direktor Heneral na kailangang baguhin na ito upang umayon sa pagbabago ng panahon, ngunit wala pang aksiyon ang kasalukuyang Lupon ng mga Komisyoner.

[5] Malaking tanong ito sa KWF dahil ang Sangay ng Panitikan at Iba pang Wika sa Pilipinas ay nakapaloob sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.” Hindi maaaring baguhin ang naturang mga tuntunin at regulasyon hangga’t walang opisyal na pagsusog saka pagpapatibay na ginawa ang Lupon ng mga Komisyoner. Isang parikala rin na tinanggal ng administrasyong Nolasco ang sangay na sumusuporta sa mga panrehiyong wika, gayong isinusulong ng nasabing punong komisyoner ang multilingguwal na edukasyon.

[6] Basahin ang Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987), ni Aurora E. Batnag, at batay sa saliksik ni Candelaria Cui-Acas. Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 12.

[7] Basahin ang “Spelling of the Dipthongs IA, IE, IO and the non-dipthongs IA, IE, IO in the Filipino National Language,” Bulletin No. 8, s. 1946, Nobyembre 9, 1946 at nilagdaan ni Esteban R. Abada na direktor ng edukasyon.  Tumutukoy ito sa lingguwistikong tala na inihanda ng Surian ng Wikang Pambansa. Maiuugnay din sa naturang ortograpiya ang “Scope and Uses of the Verbal Affixes UM- and Mag-” Bulletin No. 2, s. 1950, at “Correct Spelling of Proper Names in Writing in the National Language,” Memorandum No. 73, s. 1950, Disyembre 6, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan na Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[8] Basahin ang “The National Language in School Papers,” Bureau of Education, Bulletin No. 26, s. 1940, Nobyembre 15, 1940, at nilagdaan ni Celedonio Salvador, Direktor ng Edukasyon.

[9] Basahin ang “Separate National Language Classes for Tagalog and non-Tagalog” Memorandum No. 9, s. 1946,” na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Setyembre 20, 1946.

[10] “Seksiyon 6, Artikulo XIV ng Konstitusyon ng Republika ng Filipinas ng 1987,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 490.

[11] Tingnan ang Seksiyon 7, Artikulo XIV, Konstitusyong 1987.

[12] Quezon, ibid., p. 2.

[13] Nakasaad halimbawa sa artikulong nalathala sa Bagong Buhay, Abril 11, 1955, ang pamagat na “Gamitin ang Tagalog sa lahat ng pagkakataon—RM” ngunit ang talumpati ni Pang. Ramon Magsasaysay ay tumutukoy sa “Wikang Pilipino” [Filipino language] at “Wikang Pambansa.” Ang ganitong detalye, gaano man kaliit, ay nagpapantay sa “Tagalog” at “Pilipino” na isang malaking pagkakamali.

[14] Mula sa Executive Order No. 263 na pinamagatang “Authorizing the Printing of the Dictionary and Grammar of the National Language, and Fixing the Day from which said Language shall be Used and Taught in Public and Private Schools of the Philippines,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 11.

[15] Pinamagatang “First Lessons in the Filipino National Language,” Bulletin No. 9, s. 1946, Nobyembre 21, 1946, na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Direktor ng Edukasyon at ipinadala sa mga superintendente ng dibisyon.

[16] Tinutukoy dito ang “Separate National Language Classes for Tagalog and Non-Tagalog,” Memorandum No. 9, s. 1946, Setyembre 20, 1946, at nilagdaan ni Esteban R. Abada na Direktor ng Edukasyon.

[17] Basahin ang “Citizens Reader for Adult Education Classes,” Bulletin No. 6, s. 1950, Abril 5, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.”

[18] Basahin ang “Outline of the Course in National Language I of the Normal Curriculum,” Memorandum No. 33, s. 1950, Hulyo 25, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.

[19] Basahin ang “Distribution of Panuntunan sa Pagtuturo sa Wikang Pilipino para sa Mataas na Paaralan,” Memorandum No. 43, s. 1955, Abril 16, 1955, at nilagdaan ni Venancio Trinidad na nanunungkulang direktor ng Kawanihan ng Edukasyon.

[20] Basahin ang “Supervision of Filipino Language Classes in National Agricultural and Trade Schools,” Bulletin No. 81, s. 1956, Hulyo 27, 1956, at nilagdaan ni Venancio Trinidad, Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[21] Basahin ang “Propagation and Popularization of Filipino Language,” Memorandum Bilang 56, s. 1957 ng Kagawaran ng Edukasyon, Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at nilagdaan ni Benigno Aldana.

[22] Basahin ang “Mga Panuntunan sa Pagpapatupad ng Patakarang Edukasyong Bilingguwal,” Kautusang Pangkagawaran Bilang 25, s. 1974, Hunyo 19, 1974, at nilagdaan ni Kalihim Juan L. Manuel.

[23] Basahin ang “Edukasyong Bilinggwal sa Pilipinas: Nasasabi’y Di Rasal,” ni Ponciano BP Pineda. Panayam na binasa sa seminar ng KAPPIL (Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino), sa Pablo Nicolas Awditoryum, Pamantasang De La Salle, 17 Mayo 1985. Inilathala sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huli’t Kalahating Dekada (1970-1987), Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 45.

[24] Basahin ang “The 1987 Policy on Bilingual Education,” DECS Order No. 52, s. 1987, Mayo 21, 1987, at nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing.

[25] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino (Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7104 Creating the Commission on the Filipino Language),  na nalathala sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 68.

[26] Basahin ang Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIII, Seksiyon 15-16 na pinamagatang “Ang Bahaging Ginagampanan at mga Karapatan ng mga Organisasyon ng Sambayanan.” Kailangan umanong igalang ng estado ang mga malayang organisasyon upang matamo at mapangalagaan ng mga tao. . . ang kanilang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng mapayapang paraan at alinsunod sa batas.  Ngunit higit pa rito, “hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng antas na pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.”

[27] Basahin ang “Huling Isa’t Kalahating Dekada ng SWP,” mp. 6-12, nakapaloob sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987).

Tula, Wika, at Nasyonalismo

Wika ang isa sa mga paksang pinagbuhusan ng pansin ng mga makatang Tagalog noong bungad ng siglo 20. Ito ay dahil tanging Ingles at Espanyol lamang ang mga opisyal na wika sa Filipinas, na isang paraan ng pagsasabing “mga wikang pambansa,” na pawang ginagamit upang paikutin ang pamahalaan, edukasyon, negosyo, hukuman, militar, simbahan, at iba pang kaugnay na sangay, kahit matiwalag ang mga karaniwang mamamayan sa kani-kanilang sarili. Hindi rin totoo na pinangibabawan ng Tagalog ang mga taal na wika sa Filipinas upang pagkaraan ay patayin. Ang totoo, Tagalog ang lantarang lumaban sa kapuwa Ingles at Espanyol—na mga wika ng kolonisasyon—at naging halimbawa ng iba pang taal na wika sa Filipinas hinggil sa produksiyon ng panitikan at iba pang lathalain.

Nililingon ng mga makatang Tagalog ang kanilang pakikihamok sa ginawang halimbawa ng wika, diwain, bisyon, anyo, at kabaguhan ng ginawa ni Francisco Balagtas na ibang-iba ang testura ng wika kung ihahambing sa iba pa niyang kapanahon. Bukod kay Balagtas, kinikilala rin nila ang mga ambag na akda ng gaya nina Andres Bonifacio, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto at iba pang kababayan. Halos lahat yata ng makata ay tumula ukol sa kanilang wika o kaya’y kay Balagtas, at marahil may kaugnayan ito sa iba’t ibang samahang pampanitikan, gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik. Sa mga nobelang Tagalog, maibibilang sa pangunang hanay ang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos na naglantad ng Thomasite na nagtuturo sa mga Tagalog at kung paano ibig palitan ng Ingles ang Espanyol bilang wika ng hukuman. Gumamit din ng mga tauhan si Santos upang lokohin ang usapan sa Ingles, na ngayon ay tatawaging “Taglish.” Ang ganitong taktika ni Santos ay mababasa rin sa kaniyang  tulang gaya ng “Let us go, Teacher” na tungkol sa personang estudyanteng tinuturuan ng gurong Amerikano na pangit ang itsura, ngunit makikilala pagkaraan ang Filipina na maganda na yayaing magtanan sa pamamagitan ng balu-baluktot na Ingles.

Sa tulang “Ang Wikang Tagalog” ni Ruperto S. Cristobal na nalathala noong 2 Abril 1919 sa Ang Mithi, inilahad ng persona ang pangyayaring “parang sinusubok kung aling wika” ng sandaigdigan ang “lalong matamis” at “napakainam.” Nagmayabang ang Kastila, sumunod ang Ingles, humirit ang Pranses, at nakisali pa ang Intsik (Tsino) kung aling wika ang dapat mangibabaw sa Dulong Silangang Asya sa kabuuan, at sa Filipinas sa partikular. Sa ikatlong saknong, inilarawan ang Maynila bilang lunan ng mga wikang dayuhan na ibig akitin ang mga walang kibong mamamayan:

Dito sa Maynilang pook na tagpuan ng lahat ng bayan
mga wikang ito’y siyang laging bigkas ng mga dayuhan,
ibig na akitin ng buong paggiliw
itong walang kibong mamamayan natin;
ang unang tinungo’y ang lalong malaking bahay ng kalakal
na may akala pang ipasok na pati ng mga dayuhan,
pinapamayani ang kanilang diwa sa lahat ng bagay
hanggang mapilitang pati kabataa’y mangagsipag-aral
pagka’t siyang tanging kinakailangan
sa maraming yari ditong pagawaan;
nguni’t ngayon pa ma’y di rin nalilimot ang lalong mainam
na wikang Tagalog na sa ganda’t ganda’y di na uunahan.

Ang kakatwa’y kahit anong pang-aakit ng mga banyagang wika ay hindi pa rin malimot ang Tagalog. Inilahad sa sumunod na saknong kung bakit matamis ang Tagalog na puno ng pag-ibig at pangarap na pawang ipinamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa pangwakas ng saknong, isasaad naman kung bakit nabigo ang pagpapalago ng wikang dayuhan:

Hindi nanagumpay ang pagpapalago ng wikang dayuhan
ang lahat ng wikang dayo sa bayan ko’y hindi kailangan
dito’y may wika ring kabigha-bighani,
dito’y may diwa ring pagkatangi-tangi. . .
Kaya’t nang tangkaing ang wikang Tagalog ay ipagbaunan
sa hukay ng limot, ay nangagsibangon tanang kabataan,
pinigil ang mga masasamang nais at di-wastong pakay
at pinanatiling maglaro sa dila ang wika ng bayan
hanggang kilalanin itong wika natin
na wikang dalisay at lubhang butihin,
kaya ngayon dito’y maraming totoo ang nag-aawita’t
pinupunong lagi ang himpapawirin ng kaligayahan.

Sa naturang saknong, ang wikang Tagalog ay hindi lamang nais patayin bagkus ipagbaunan pa sa limot, at ginagawa ito lalo na ng mga tagapamansag ng Ingles at Espanyol. Ngunit hindi pumayag ang mga kabataan, at sumalungat at lumaban sa nais o patakaran ng mga wikang dayuhan.

Noong 6 Enero 1923, nalathala sa Taliba ang tulang pinamagatang “Imperyalismo” ni Jose Corazon de Jesus. May epigrape ang tula hinggil sa ulat na maraming pahayagan sa Estados Unidos ang nagsasabing hindi dapat palayain ang mga Filipino dahil hindi pa edukado at walang katiyakan ang independensiya hangga’t hindi marunong umingles ang lahat ng Filipino. Heto ang ilang saknong ng tula, at ispesimen kung ano-anong deskriminasyon at pang-aaglahi ang ginawa noon sa mga Filipino upang kaligtaan ang sariling wika:

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng Wikang katutubo’t mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya’y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukasyon tayong parang gagong bata.
Ito’y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami’y mayro’n niyan,
noong araw baga’y may sistemang ganyan?
Iya’y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito’y dumatal!

Maraming hinaing ang persona ng tula. Ngunit nahuhulaan na niya noon pa man na kaya ipinatutupad ng Amerika ang gayong patakaran sa Filipinas ay upang panatilihin ang imperyalistang interes nito sa larangan ng kalakalan. Iniugnay ng persona ang usapin ng wika sa pagsakop sa kamalayan ng mga mamamayan. Magwawakas ang tula sa pagsasabing walang katwiran ang Amerika na sakupin ang Filipinas, at umaasa ang Filipinas na hindi bansang sakim ang Amerika. Ngunit kabulaanan ito, dahil ang Amerika ay nananatiling sakim at patuloy nitong igigiit ang pamamayani ng Ingles sa buong kapuluan.

Wala akong nabasang tula sa Ilokano, Bisaya, Bikol, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas na may lakas ng loob na pumaksa sa imperyalismo at tuligsain ang patakarang panaigin ang banyagang wikang Ingles sa Filipinas bago pa man lumitaw ang tula ni De Jesus. Ang ginawa ni De Jesus ay nakayayanig sa mambabasa, at gumigising sa taumbayan na tuklasin muli nila ang kanilang “Inang Wika.” Noong 29 Marso 1921, inilathala ang tulang “Inang Wika” ni De Jesus. Pumapaksa iyon sa isang inang naghahanap sa nawawalang anak, at ang inang ito ay hindi tumugon sa Espanyol at Ingles na pawang nakasalubong patungong gubat bagkus tumugon lamang sa kaniyang anak na Tagalog. Sa naturang tula, maláy na maláy ang makata sa halaga ng wika na maiuugnay kahit sa pagkamamamayan, at ang pagkamamamayang iyon ay lumalampas sa legalidad at umaabot sa lahi at personal na ugnayan.

Marami pang maihahalimbawa na tula at ibang akda na pumapaksa sa wikang Tagalog, at ang wikang ito ay ilalaban nang patayan ng mga manunulat na Tagalog kahit sa harap ng Ingles, Espanyol, at Nihonggo. Magiging halimbawa noon ang Tagalog sa iba pang wika, dahil pambihira ang sigasig ng mga manunulat na itampok itong maging pambansang wika, may digmaan man o pananakop, at ang paligid ay nababalot ng lagim, ligalig, at tagsalat. Isang masaklap na parikala sa panahong ito na pinararatangan ang Tagalog na pinangingibabawan ang iba pang taal na wika sa Filipinas, at nagpapasimuno ng termino at diwaing “Tagalogization,” Tagalogism,” at “Tagalism” na pawang ibig pausuhin nina Aurelio Agcaoili, Ricardo Nolasco, at Jose Dacudao.  Ang Tagalog na magiging batayan ng pambansang wikang Filipino ay hindi na masisilayan pa ng mga manunulat na Tagalog na isa-isang namatay at nilimot ng panahon. Gayunman, naniniwala akong mananatili ang kanilang pambihirang pamana para sa bagong henerasyon ng mga Filipino ipilit mang ibaon sila sa limot, at limutin ng sambayanang Filipino.

Baguio ng mga Manunulat

Mahalumigmig sa Camp John Hay nang magtungo ang mga piling manunulat at sumailalim sa mahigpit na palihang ibinunsod ng Institute of Creative Writing noong 6-13 Abril 2008 kaugnay ng Sentenyal ng Unibersidad sa Pilipinas. Gayunman, umaasó ang talakayan, gaya ng kapeng barako na bagong hango sa lutuan.

Kabilang sa mga kalahok, ayon sa paalpabetong pagkakasunod-sunod, ay sina Roberto T. Añonuevo, Abdon Balde Jr., Rica Bolipata-Santos, Ian Rosales Casocot, Frank Cimatu, Allan Derain, Ana Maria Katigbak, Luis Katigbak, Rodolfo Lana Jr., Nicolas B. Pichay, Tara F.T. Sering, at Vincenz Serrano. Walang itulak-kabigin sa pangkat na ito, at ang maituturing na pinakamahuhusay na manunulat sa kanilang piniling lárang, gaya ng dula, kuwento, nobela, sanaysay, at tula.

Tutumbasan ang nasabing pangkat ng mga batikang panelistang gaya nina Gémino H. Abad, Virgilio S. Almario, Jose Dalisay Jr., Cristina Pantoja Hidalgo, Bienvenido Lumbera, V.E. Carmelo D. Nadera, Charlson L. Ong, at Jun Cruz Reyes. Inimbitahan naman si Karina Bolasco ng Anvil Publishing Inc. upang magbigay ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga aklat na kinakagat sa merkado.

Mataas ang inaasahan ng mga panelista sa mga fellow. Kabilang dito ang kadalubhasaan sa anyo at nilalaman ng akda; ang taas ng ambisyon ng likha at kung paano iyon isinulat; ang kahusayan sa paggamit ng wika; ang talas ng diwain sa akda; at ang pagtatangkang mag-ambag sa pagbuo ng kabansaan sa pamamagitan ng malikhaing paraan.

Inilahad ng mga kalahok ang kani-kaniyang proyekto, at lumitaw sa talakayan ang dalawang mahalagang aspekto. Una, may ganap na kontrol ang manunulat sa kaniyang akda, at maihahalimbawa ang mga kuwento, nobela, at tulang isinaaklat. At ikalawa, may mga bagay na nakaaapekto sa akda, gaya sa dulang panteatro at pampelikula, na ang piyesa’y malimit pakialaman ng direktor, prodyuser, at artista. Sa ibang pagkakataon, ang akda’y maaaring maapektuhan ng kung ano ang hinihingi ng pabliser o tagapagbenta ng libro. Sinipat din sa talakayan ang papel ng makabagong teknolohiya at pangyayari, gaya sa cyberspace, at kung ano ang mga posibleng epekto nito sa dating sakop ng panitikang pasulat at de-papel, lalo sa proyekto ng mga manunulat.

Pinag-usapan din ang aspekto ng pag-abot sa malawak na mambabasa, kung hindi man manonood. Hindi umano makatatagal ang manunulat sa kaniyang pedestal, at kailangan niyang kausapin ang kaniyang mambabasa sa higit na malinaw subalit masining na paraan alinsunod sa wikang nagkakaunawaan ang magkabilang panig. Sa naturang pananaw, ipinapalagay na nakauungos ang diskurso ng manunulat kaysa pangkalahatang mambabasa kaya kinakailangang hatakin ng manunulat ang mga mambabasa upang makasabay sa diskurso.

Ang kahusayan sa pagsusulat ay hindi rin nangangahulugang dapat mabigat palagi ang akda, mapawika man o mapadiwa. Kahit ang matatayog na diwain ay mapagagaan, alinsunod sa kombinasyon ng mga salita at paraan ng pagsasabi. Idiniin ni Virgilio Almario na mabilis na namamatay ang wika at ang pinakaepektibong paraan upang mapanatili ang pag-iral nito ay gamitin sa panitikan. Ang pagtataya ay masisilayan sa ginagawa nina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo, na lumilihis sa nauusong ngangayunin at balbal na wika ng midya.

Nang pag-usapan ang pagpapalathala at pagbebenta ng aklat, mataas ang bentaha ng koleksiyon ng mga kuwento o kaya’y serye ng nobela o nobeleta, ani Karina Bolasco. Ito ang puwang na mapagkakakitaan ng mga manunulat. Samantala’y madilim ang tagpo sa gaya ng tula at dula, na pawang may kahirapan ang pagbebenta ng mga aklat maliban na lamang sa ilang sitwasyong nakalikha ang awtor—gaya nina Ricky Lee, Boy Noriega, at Rene O. Villanueva—ng masusugid na tagasubaybay na handang maglabas ng salapi. Iba  ang sitwasyon sa panig ng dulang pantelebisyon o pampelikula na ang manunulat ay malaki ang pagkakataong kumita kapag nagkahalo ang talento, tumpak na panahon, at oportunidad.

Ang maganda sa talakayan ay nabigyan ng pagkakataon ang mga manunulat na ipakilala ang kanilang binubuong aklat o proyekto. Bukod dito’y nailabas din nila ang kani-kaniyang itinatagong pananaw ukol sa estetika at poetika, na pawang kaugnay ng kanilang paglago bilang manunulat. Malaking tulong sa talakayan ang pagbibigay ng mungkahi mula sa mga nakatatandang manunulat o kritiko at siyang tutumbasan ng matatalim na obserbasyon at tugon ng mga kalahok. Ang proyekto, kung gayon, ay lumalampas sa teksto bagkus umaabot hanggang sa buong pagkatao ng manunulat.

Maaaring sina Tara Sering, Luis Katigbak, Rica Bolipata-Santos, at Ian Casocot ang bagong mukha ng katha sa Ingles, samantalang sina Jun Balde at Allan Derain ang maghahawan ng landas sa kasalukuyang yugto ng katha sa Filipino. Nagbabanta sina Tara at Jun na maglabas na mahigit 500 pahinang nobela; nakakasa na ang maiikling kuwento ni Luis para sa bagong koleksiyon; at pakasaysayan naman ang pagdulog nina Rica at Ian sa pagbuo ng mga personalidad mulang Zambales hanggang Dumaguete.

Matitiyak na paghaharian ni Jun Lana ang pelikula at telebisyon, hindi lamang bilang premyadong mandudula o iskriprayter, bagkus bilang batikang direktor. Na kay Jun ang sensibilidad ng matinik na manunulat na maalam sa nakaraan at ang lakas ng loob na lumihis na nakagisnan. Aasahan din ang malaking papel ni Nick Pichay sa teatro at sining-pagtatanghal upang mapanumbalik ang halina nito sa kasalukuyang manonood na pihikan ang panlasa.

Samantala’y pambato sina Vinz Serrano at Mookie Katigbak sa panulaang Ingles, habang tahimik lamang sina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo na pawang nagbabantang magsilang ng mga aklat ng tula sa Filipino—na maipagyayabang hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba pang panig ng daigdig. Ipinamalas ng apat na makata na hindi lamang sila marunong sumulat ng tula. Matinik din silang sumuri at bumuo ng teorya ng pagbasa sa tula na dapat mabatid ng iba pang kritiko o guro.

Pambihira ang talakayan sa Baguio dahil sumapit na sa pagkatigulang ang mga kalahok. Matatalim ang pukol ng mga diwain, ngunit kataka-takang ni wala man lamang nagsaksakan, nagmurahan, o nagbatuhan ng silya. Mapapansin ang paggalang sa isa’t isa, at walang may hangin sa ulo. At gaya ng winika ni Tara, kalmante man ang pangkat ng mga kumag sa palihan, maaasahan naman na lilikha sila ng nakayayanig na bagyo pagsapit sa larangan ng panitikan ngayon at sa mga darating na araw. 

KWF, niloloko ang Kongreso?

Makabubuting pag-aralan ng Kongreso kung karapat-dapat pakinggan si Kgg. Ricardo Nolasco, ang kasalukuyang tumatayong punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Sa websayt nitong Komisyon sa Wikang Filipino, iniulat na naninidigan umano ang nasabing ahensiya  “ng opisyal na posisyon sa pagkakaroon ng bagong patakarang pangwika sa ilalim ng Panukalang Batas” na magkakahiwalay na ipinanukala nina Luis Villafuerte (PB Blg. 230), Eduardo Gullas (PB Blg. 305), Raul del Mar (PB Blg. 446), at Lisa Maza (PB Blg. 1138).

Kung paniniwalaan ng mga butihing mambabatas ang gaya ni Nolasco ay hindi lamang sila lilitaw na katanga-tanga sa paningin ng taumbayan, kundi nalinlang nang hindi inaasahan ng nasabing pansamantalang punong komisyoner ng KWF.  Bakit? Dahil ang “multilingguwalismong programa” ng KWF ay walang kaukulang resolusyon na pinagtibay ng buong lupon ng KWF.  At kahit hindi pa opisyal yaong posisyon ng KWF ay patuloy na itong pinagbubuhusan ng salapi na labag sa Saligang Batas, ayon sa aking impormante. Ibig sabihin, ang “multilingguwalismong programa ng KWF” ay likhang-isip lamang ni Nolasco at binuo upang sumikat siya nang wala sa lugar.

Dapat ding isaisip ng mga mambabatas na umiiral pa ang “bilingguwal” na patakaran ng pamahalaan at siya ngayong ipinatutupad sa buong bansa.

Ang dapat inaatupag ng KWF ay ang pagsusulong at pagpapayaman ng isang wikang pambansa (i.e., Filipino), imbes na biyakin ito sa pamamagitan ng “multilingguwalismo”.  Kung nais igiit ni Nolasco ang kaniyang pansariling programa, iminumungkahing palitan o buwagin ang KWF at pangalanan na lamang itong Komisyon ng Multilingguwalismo sa Filipinas (KMF).

Sa apat na panukalang batas sa Kongreso, tatlo ang pabor sa pagpapalakas ng paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong Filipinas, kompara sa isa lamang na panukalang batas na nagtatakda sa Filipino bilang opisyal na wika ng pagtuturo sa mga paaralan. Heto ang nasabing mga panukalang batas:

1. Panukalang Batas Bilang 230—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Villafuerte);

2. Panukalang Batas Bilang 305—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Gullas);

3. Panukalang Batas Bilang 446—An Act to Strengthen the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Del Mar);

4. Panukalang Batas Bilang 1138—Batas na Nagtatakda ng Filipino bilang Opisyal na Wika ng Pagtuturo sa mga Paaralan (ni Maza).

Tanging ang panukala lamang ni Kinatawan Maza ang may kabuluhan sa nasabing mga panukalang batas. Ang panukalang batas ni Maza ay hindi lamang magpapalakas sa wikang pambansang Filipino, bagkus makatutulong pa ito upang pagbuklurin ang mga Filipino sa pamamagitan ng sama-samang paglinang sa isang wikang pambansang pinayayaman ng sari-saring wika mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Estratehiko ang posisyon ni Nolasco hinggil sa multilingguwalismo, dahil kahit sa unang malas ay pinalalakas nito ang paggamit ng wikang kinamulatan ng bata doon sa elementarya, hindi naman ito natutumbasan ng kaukulang pinansiyal na taguyod mula sa pamahalaan. Ibig sabihin, nakatakda iyong mabigo dahil wala sa priyoridad ng pamahalaan. Napakagastos ng nasabing multilingguwalismo, bukod sa tinatabunan nito ang orihinal na layon ng Kongreso na magpasa ng mga batas na magpapayabong sa isang wikang pambansa, alinsunod sa itinatadhana ng saligang batas ng 1987.

Inihain naman ni Magtanggol Gunigundo I ang Panukalang Batas Bilang 3719 na nagtatatag ng programa sa “Edukasyong Multilingguwal”. Ang nasabing panukala ay magpapataas umano “ng kalidad ng programa sa literasiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtuturo ng wika ng bata sa ika-anim [sic] na baitang.” Sa nasabing panukala, ang “unang wika,” ang “Ingles” at ang “Filipino” ay ituturo bilang magkahiwalay na asignatura sa antas elementarya.

Ginagago ba ng mga mambabatas ang ating wika, o seryoso talaga silang paunlarin ang ating wika? Ano ba ang gusto nila sa bata? Na lumaki siyang bihasa sa mga wika, gaya ng lingguwistang hindi mo alam kung saan nagmula? May hinuha ako na hindi talaga napag-aralan ni Gunigundo ang kaniyang panukala, at tila suntok sa buwan.

Nakapagtataka na isang boses lamang, at boses pa ng babae,  sa ngalan ni Maza ang nagsusulong ng makabuluhang panukalang batas sa wikang pambansa. Pambihira ang ginagawa ni Maza na handang sumalunga sa agos upang sumilay ang ating kabansaan. Makabubuti sa mga kasama niya sa Kongreso na tangkilikin ang PB 1138, at nang mapaunlad pa ito nang lubos.

Hindi ko nais harangin ang pagpapayaman ng mga lalawiganing wika. Ang Ingles ay dapat ituring na gaya lamang ng iba pang wika sa Filipinas at hindi dapat maging dominanteng wika bilang midyum ng pagtuturo. Samantala, nakasaad sa batas na ang wikang pambansa ay Filipino at kailangang patuloy na linangin iyon para sa kapakanan ng taumbayan.

Madaling pagtawanan ang gaya ni Miss World at ni Mister Boksingero kung balu-baluktot ang kanilang Ingles, at maraming handang magturo sa kanila ng tumpak na Ingles. Ngunit bakit hindi pinagtatawanan o nililibak kung kahit sa wikang Filipino ay mali ang gramatika at palaugnayan ng ilang ipinahahayag ng gaya ng pangulo at ikalawang pangulo ng Filipinas, pangulo ng senado o kongreso, at brodkaster na gaya ng sa ABS-CBN at GMA 7? Masyado tayong mapagkunwari.  Kailangang turuan ang nasabing mga tao na magsalita at magpahayag sa sariling wika, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles.

Kailangang mag-usap ang mga Filipino sa wikang Filipino upang maunawaan ng nakararaming Filipino. Bakit, halimbawa, Ingles ang gagamitin sa kongreso at hukuman, gayong makatutulong nang malaki sa pagmumulat ng madla ang paggamit ng Filipino na mauunawan ng mga Filipino? Natitiwalag ang mga Filipino sa kanilang kaisipan, dahil iba ang lumalabas sa kanilang bibig, at iba naman ang laman ng kanilang puso at utak. 

Panahon na para palitan ng bagong punong komisyoner ang KWF. Kailangang patalsikin sa puwesto si Nolasco dahil wala siyang naitutulong sa Filipino bagkus pinababahaw pa niya ang kalagayan ng ating pambansang wika. Ang kailangan ng KWF ay isang tunay na alagad ng wikang pambansa at tunay na alagad ng sining. Alam na ninyo marahil kung sino ang aking tinutukoy.