Elehiya sa aking kamatayan, ni José María Valverde

Salin ng “Elegía para mi muerte,” ni José María Valverde ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Elehiya sa aking kamatayan

Ikaw, Kamatayan, ay nasa aking katauhan.
Lamig mo ang naghahari sa aking puso
at ikaw ang hantungan ng mga hakbang.
Saan ako patutungo, kung ang lahat ng landas
ay magwawakas sa iyong panganorin?

Ngayon ko biglang naramdamang
ang ulo’y sapupo ng mesa.
Sariwang lupa ang pumasok sa nakabuka kong bibig.
Ang katawan ko’y hinihigop ng gutóm na sahig.
.  .  . Oo, mamamatay ako; marahan,
malayo mula sa ginagawa ng aking búhay ngayon,
at pinananatili, sa pakikipagtuos sa kamatayan,
ang tanging akin lamang.
At nararamdaman ko ang iyong batóng
pinagyeyelo nang dahan-dahan ang aking laman.
At nadarama ko ang kamay mong bumibigkis sa akin.
.  .  . At pagdaka, o kamatayan, ang kabilang panig!
Iiwan ko ang katawan gaya ng sugatang kabayo.
Oo, nahihindik akong iwan ito, makabalik man ako.
Natatakot ako sa pagwawakas ng mga bagay,
sa banging tinalikdan at kalulugmukan ng lahat.
Maraming hangin ang nanunuot sa bangkay,
at upang lusawin ito’y kailangan ang libong ulan!
Ang mga paa kong napakalayo ay wala nang bigkis
at magiging gaya ng dalawang bato
na ipinukol sa hungkag na hukay.
At lahat ng aking kasama’y titindig, gusgusin, maangas,
gaya ng mga tore ng simoy
na tumitistis sa loob nang walang sinusunod na batas
ng búhay,
at mag-uunahang tangayin ang lawas kong naaagnas.

II
Maraming pag-aari ko ang magtataka sa aking paglalaho.
Na magpapatuloy sa aking kalungkutang naglalakad
sa mga sulok ng anino.
Sa paborito kong silya at mesang nasa gilid ng bintana
ay magpapatuloy ang parehong mga okasyon,
At ang hardin ng naga, na lumago sa paningin ko,
ay mamamatáy at muling mabubuhay gaya noon.
Banayad uusal ang mga tula ko sa labis na panlulumo.
Unti-unting matutuyot ang mga aklat kong
may samyo wari ng huklubang prutas.
Mga munting relikya ng aking búhay
—bulaklak na nakasipit sa aklat, isang tula kung kanino—
ang susunod, gaya ng mga batong ipinukol,
at pawang sisinop ng aking lakas sa daigdig na ito
kapag ganap na naglaho na ako.
.  .  . At mananatili kayo, mga babae, ngunit isang araw
ay magsisialisan din ngunit sa dagat ng kamatayan
ay matatagpuan ang ating mga alon.
Maglalaho ang inyong mga labì, balát, at lamán.
Ngunit palaging mananatili kayo gaya noong dati.
Hindi ba sapat ang pag-iral sa isang pagkakataon lámang?
Mananatili ang inyong mga puwang sa haba ng espasyo,
samantalang tatangayin ng dayaray ang inyong halimuyak.
.  .  . Isang araw iyon na pipirmi ang inyong pag-iral.

III.
Ginoo, Ginoo, ang kamatayan!
Napapangiwi ako kapag binigkas ito,
kaypait ng aking dila, at kaydilim ng paningin. . .
Mabuti’t walang nakakikita sa kaniya nang harap-harapan
maliban kung hinahanap niya tayo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Katulad lamang ito ng panaginip.
Higit na makapangyarihan ang kamatayan sa ating hukbo.
Kung mahina ka lamang!
Kung hindi ka tumawid sa bangin ng iyong mga yakap.  .  . !

Ngunit walang silbi ang anuman; natatakot ako!
Aso akong bahag ang buntot sa tabi ng isang tao,
dahil hindi kailanman mauunawaan ang nais ng amo!
Tákot ito sa di-mababatid,
tákot sa bayang wala ni isang nakababalik.  .  .
Natatakot ako sa gayong hungkag na hukay,
sa walang hanggahang gabi, kahit nasa likod ang Diyos!
Taglay ang malakas, madilim na kutob
ng hayop, ng punongkahoy, ng bato,
natatakot akong mamatay.  .  .
O, Ginoo, pamanhirin ang aking kamatayan
gaya sa maraming pinaggagawa mo sa buhay.

Piraso ng Liham, Jaroslav Seifert

salin ng “Fragment of a Letter,” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Piraso ng Liham

Magdamag humalihaw ang ulan
sa mga bintana. Hindi ako makatulog.
Kaya binuksan ko ang ilaw
at sumulat ng liham.

Kung makalilipad ang pag-ibig,
na siyempre ay hindi nito magagawa,
at hindi malimit lalapit sa lupa,

kasiya-siyang mabalot ng dayaray nito.

Ngunit gaya ng napopoot na bubuyog
ang mga selosong halik ay sumasalakay
pabulusok sa tamis ng katawan ng babae
at ang di-makaling kamay ay dumadakma
sa anumang maabot nito,
at walang hinto ang apoy ng  pagnanasa.

Kahit ang kamatayan ay hindi nakasisindak
sa yugto ng nakababaliw na tagumpay.

Sino ang nakapagkalkula
kung paanong pumapaloob ang pag-ibig
sa pares ng bisig na yumayapos!

Palagi kong ipinahahatid sa kalapating
kartero ang mga liham sa mga babae.
Malinis ang aking budhi.
Hindi ko kailanman ipinagkatiwala iyon
sa mga lawin o banóg.

Hindi na sumasayaw sa ilalim ng panulat ko
ang mga tula, at gaya ng luha sa gilid
ng mata’y bumibitin pabalik ang salita.
Ang buong buhay ko ngayon, sa dulo nito,
ay humahagunot na biyahe sa tren:

Nakatayo ako sa tabi ng bintana ng karwahe
at araw-araw ay humahagibis pabalik
sa kahapon upang makipagtipan
sa makukutim na ulop ng dalamhati.
Kung minsan ay hindi ko mapigil humawak
sa prenong laan sa emerhensiya.

Marahil ay muli kong masisilayan
ang ngiti ng isang babae
na nabihag gaya ng niligis na bulaklak
sa mga pilik ng kaniyang paningin.
Marahil ay mapahihintulutan pa rin ako
na ipadala sa gayong mga mata
kahit ang isang halik bago tuluyang
lamunin ng karimlan ang titig nito.

Marahil ay minsan ko pang makikita
ang maliit na sakong
na tinabas tulad ng alahas
mula sa mainit na kalambutan,
upang muli akong masamid sa pag-asam.

Anong halaga ang natitira at dapat iwan ng tao
habang paparating ang di-mapipigil na tren
sa Estasyon Lethe
na may mga taniman ng kumikinang na gamón
na ang gitna’y may pabangong makapagpapalimot
sa lahat. Kabilang ang pag-ibig ng tao.

Iyan ang pangwakas na hinto:
hindi, hindi na makauusad pa ang tren.

Lagalag at Katawan, ni Alissa Leigh

salin ng mga tula Alissa Leigh.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LAGALAGIYA

Sa simula, lumitaw ang salitang, kumilos;
saka ang plano at ang mga dahilan,
na hindi ko lubos na matandaan.
Tanging natatandaan ko ang mga damit
na ibinigay sa amin para sa paglalakbay,
at ang pangwakas, ang pagkain
nang tahimik na aming pinagsaluhan.
Nilisan namin nang magaan ang pook,
gaya ng aming pagdating, maraming
taon na ang nakalilipas.

Sa tanglaw ng lagay ng kamuslakang
pinagsampayan ng mapuputing sapin
upang matuyong tila ulap sa paraiso;
mula sa ewkaliptong-simoy ng lupain,
isang pulang bahay na may bakurang
humahapay sa nananaginip na mga burol,
dinambong ng mga rakun, ikinahon ng liryo,
gaya ng mga trumpeta ng mga arkanghel,

lumisan kami: paloob sa kasaysayan, ilog
na bumabagal dahil maraming pasikot-sikot,
isang nayon ng mga paboreal na sandaan
ang mata; munting kubol sa mga bukirin,
na may kalang bakal, dambana sa taglamig;
isang dapugang pinaitim ng panahon,
maseselang buto ng mga langay-langayang
nanigas sa anyo na animo’y lumilipad.

Nang patugtugin ni ama ang trombon niya
sa atiko, humagikgik ang mga paslit
sa kalye. Pagsapit ng dapithapon, nagtipon
ang mga baka sa tarangkahan, aanga-anga
at hinihintay ang anak ng magsasaka.
Sa bahay, pinapantig ng mga bata
ang mga pandiwa, tinutuklas ang mga salik,
gumuguhit ng mga dayagram ng puso ng tao.

Pagsapit ng gabi, ang bilugang hapag-kainan
na may lamparang Olandes ay tinatawag
ang mga makata, manlalaro, magdarambong
para tumagay ng jenever. Marahang aangat
ang insenso ng mga tsismis na magpapaitim
sa mga dingding. Sa labas, ang mga kabayo
ay kakahig sa karimlan, sisingasing ng yelong
tila balahibo. Magsusumamo kami sa hiwatig
ng gagamba, daga, at hayop na naglulungga.

Lumiliit ang aming mga salita at numinipis
gaya ng mga buto, at umuungol ang aming
mga kumpas dahil sa panlalamig. Tinuruan
kami ng walang-bait na daigdig ng tubig,
kahoy, at bato kung kailan dapat sumuko.
Kapag panahon na para muling lumisan,
kami ay apat na estrangherong kumakaway
sa bawat isa, sa paraan at kilos na marahan,
sa kabila ng nakatutulig na lawak ng karagatan.

KATAWAN

Mapa ng sindak at lugod,
marubdob na sampan, maalab na kongresong
hitik sa mga argumento ng mga kemikal,

silid ng Alingawngaw para sa panatikong sigaw
ng sutil na salinlahi, lahat ng kakatwang lingid
na pinagtubuan ng balbas ng kamatayan,
laberinto ng mithi, palaruan ng silakbo,

pabrikang pinapasukan ng tahimik na hukbo
ng pagkaagnas, pilosopo-payasong nagtotorotot
sa bawat epipanya.

Pinaliguan ng mabagsik na nars ng umaga,
inihatid sa ward ng dapithapon,
pinakain, nagpasalamat, sa malinamnam
na sabaw ng takipsilim.

Binasa ang paiba-ibang baraha ng panaginip,
binuksan ang salansanan ng insomnia,
ninakaw ang dalawang-katiting na pag-idlip.

Naiwala ang ngalan sa mga banyagang yakap,
lumikha ng pasaporte sa bansa ng kayumian,
nagmuwestra gaya ng bata sa anumang nais nito,
halumigmig sa salaming binughan ng hininga.