Mga Buhay, ni Arthur Rimbaud

Salin ng “Vies,” ni Arthur Rimbaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Búhay

I
. . . . . . . O, mga dambuhalang abenida ng sagradong lupain, mga terasa ng templo! Ano ang nangyari sa Brahmin na minsang nagturo ng Kawikaan? Ngayon, doon sa ibaba, nakakikita pa rin ako ng matatandang babae! Natatandaan ko ang mga pinilakang oras, at ang araw sa gilid ng mga ilog, at ang kamay ng aking sinta sa aking balikat, at ang aming mga haplos habang nakatindig sa palumpungang tigmak sa ambon. Umalingawngaw sa aking utak ang lipad ng mga eskarlatang kalapati. —Dinestiyero dito, mayroon akong entablado na pinagtatanghalan ng mga obra maestrang panitikan ng buong mundo. Maituturo ko sa iyo ang mga kahanga-hangang yaman. Sinusundan ko ang kasaysayan ng mga yaman na maaari mong matuklasan—at alam mo na ang kasunod! Binalewala ang aking dunong bilang kaguluhan. Ano ang aking kahungkagan kung ihahambing sa sorpresang naghihintay sa iyo?

II
. . . . . . . Ako ang imbentor na karapat-dapat pag-ukulan ng pansin ng lahat ng nauna sa akin; isang musiko na nakatuklas ng kung anong bagay na gaya ng teklado ng pag-ibig. Ngayong eskudero sa nayon na may tigang na lupain sa lilim ng panatag na langit, ako’y magsisikap na palisin ang katamaran sa pamamagitan ng paggunita sa pagkapulubi noong kabataan ko, ang ilang taon ng pag-aaral o ang pagdating ko nang suot ang sapatos na kahoy, ang aking polemika, ang lima o anim na pagkabalo, at ang ilang pagkakataon ng paglalasing kapag ang katinuan ko’y pumipigil sa aking tularan ang kagaguhan ng mga kasama. Hindi ko hinahanap ang dáting pakikibahagi sa dibinong kasiyahan. Ang katahimikan ng malupit na nayong ito ang nagpapalusog nang labis sa aking nakahihindik na pagdududa. Ngunit dahil hindi ko na magagamit ang pagdududa, bukod sa ipinako ang pansin sa bagong alalahanin, paniwala ko’y magwawakas ako bilang peligrosong siraulo.

III
. . . . . . . Natuklasan ko ang mundo sa loob ng átiko na pinagkulungan sa akin noong edad dose pa lamang ako. Natutuhan ko ang kasaysayan sa pabrika ng hinebra. At sa ilang kasiyahan kapag gabi, doon sa hilagang lungsod, nakatagpo ko ang lahat ng babae ng Matatandang Maestro. Sa sinaunang arkada ng Paris ay natutuhan ko ang mga klasikong agham. Sa kagila-gilalas na mansiyon, na may halimuyak ng ringal ng silangan, natapos ko ang nakapapagod na mga gawain at ginugol doon ang maluhong pamamahinga. Sinaid ko ang lakas. Tinumbasan ang aking pagpapagal at nakamit ko ang gantimpala. Ngunit ang gayong pangangailangan ay hindi na mahalaga sa atin. Lumalampas ako sa maitatakda ng libingan, at hindi na muling tatanggap pa ng mga kompromiso.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Hinhin at Sining

Salin ng sinaunang tula sa Sanskrit ni Kṣitīśa ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pulang Marka

Kailan makikita ang mapagparaya niyang mga hita,
na ikinubli nang mahigpit sa labis na kahinhinan,
ngunit bumubuka kapag napukaw ng pagnanasa
na magbubunyag, kapag nalaglag ang suot na seda,
ng mga pinong lilang marka ng aking mga kukong
tulad ng pulang selyong lagda sa lihim na yaman?

Salin ng sinaunang tula sa Sanskrit ni Māgha ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sining ng Pagtula

Pinakakain ba ng gramatika ang nagugutom?
Tinitighaw ba ng nektar ng tula ang nauuhaw?
Hindi makabubuhay ng pamilya ang pagsisid
sa mga lihim na karunungan ng mga aklat.
Magpakayaman ka’t ang sining ay iyong iwan.

“Ang Pulubing Babae ng Nápoles,” ni Max Jacob

Salin ng tulang tuluyan mula sa koleksiyong Le Cornet a Des ni Max Jacob ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Pulubing Babae ng Nápoles

Nang mamuhay ako sa Nápoles, malimit naroon sa gilid ng pintuan ng aking palasyo ang pulubing babae, na aking hinahagisan ng barya bago ako pumasok ng kotse. Isang araw, dahil sa pagtataka na hindi man lámang ako nakatanggap ng anumang pasasalamat mula sa kaniya’y tiningnan ko ang pulubi. Nang suriin ko nang mabuti’y ang inakala kong pulubing babae ay isa palang kahon na yari sa kahoy na pinintahan ng lungti, at nagtataglay ng kaunting pulang luad at ilang bulok na saging.

 

_____________
*Batay sa saling Ingles ni John Welch, at kabilang sa koleksiyong Le Cornet a Des ang orihinal na tula sa Frances ni Max Jacob.

2K Mall

Salamangka ng dila, pasukin ang laberinto ng pahiwatig na ang kanan ay kaliwa, at ang kaliwa ay mananatiling kaliwa. Ilabas ang mga salita mula sa bulsa, pagtagni-tagniin, ilatag sa sahig, at hayaang ang tanikala ng mga pakahulugan ay kusang magpundar ng mga batas at pamantayan. Masdan ang bahaghari ng mga damit, ulam, at laruan. Maglaro sa katauhan at ikubli ang hulagway sa kurtina ng mga anino. Lumakad upang tumuklas; lumakad upang maligaw. Tagpuan ng inaapi, ito rin ang tambayan ng tarantado’t sungyaw. Anuman ang piliin, lumakad kahit nakapikit at lumayo sa ekosistema ng panaginip. Banatin ang mga buto at litid habang umaandar ang elektronikong salawal, umulinig sa mga tinig na nasa eskaparate at tindahan, tumugon sa mga tanong, umiling o tumango ayon sa itinitibok ng layaw o libog, humandang matalisod at madapa, at kung sakali’t mapangudngod ay ingatan ang dila. Sapagkat ang dila ang magliligtas sa iyo, at magsasabi: Ako ang Simula at Ako ang Wakas! Ikaw na nagtataglay ng katotohanan ay malayang maghain ng kasinungalingan, gaya ng itinatadhana ng demokrasya at posmodernong sining, upang kahit paano, kahit sandali, ay maunawaan ko mula sa magagarang pasilyo at pader, ang diskurso ng tuwid, dalisay, at apoy.

“2K Mall,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 13 Pebrero 2012.