Paniki, ni Roberto T. Añonuevo

Paniki

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

A
Lumulukob na dilim ang balita ng kamatayan, at gaya sa henétika ng asuwang ay hindi maunawaan kayâ kinatatakutan—na waring pagkasangkapan sa estadistika upang ilihim ang kabulaanan.

B
Walang tao sa lansangan, at kahit ang mga bayakan ay hindi dinalaw ngayong gabi ang punong tsiko sa aming bakuran.

C
Kumakain ka ng mga prutas at kulisap, at malimit, nalulunod sa tuba doon sa niyugan, at kung paano ka nagkakasakit ay isasalaysay ng lason sa mga ugat at balát na kami rin ang may kagagawan.

D
Mapanghi ang simoy? Nabibilaukan sa tae ang yungib? Matutulog ka, kasama ang iba pa, nang nakatiwarik, at dikit-dikit, na parang tinuturuan kami kung paano sisinupin ang init kapag mahaba ang taglamig.

E
Manghihiram ng mukha sa iyo si Batman, para sa kaligtasan ng bayan, at para sa aming nagiging libangan ang halina ng dilim. Gayunman, hihintayin namin kung kailan mo hihiramin ang aming pagmumukha—na parang tubigang inaangkin ng mga banyaga.

F
Sisisihin ka sapagkat ikaw ang ugat ng pandemikong trangkaso, at parang naririnig namin ang umaalunignig mong ik-ik-ik sa eksotikong kusina para sa mga gutóm na panauhin na ikaw ang pulutan.

At mayayanig sa halakhak ang paligid.

G
Alas-onse ng gabi, at parang di-mapakaling kabág ang mag-anak na walang makain sa hapag. At ang ultrasonikong alon ng bituka ang magtuturo sa lahat kung paano makararaos sa pamamagitan ng pagninilay at tumpak na paghinga.

F
Salamat sa iyo, at naunawaan namin kung paano kami mahalin ng mga politiko. Salamat sa iyo, at nakita namin kung gaano kagulo magpaliwanag ang pangulo. Salamat sa iyo, at nadama namin kung gaano kasalimuot ang pagpapatakbo ng gobyerno. Salamat sa iyo, at aliwan namin ngayon ang pakikinig sa radyo—na ang lahat yata ng nagsasalita ay eksperto sa kani-kaniyang kuwentong barbero.

G
Lumalayo ka, sampu ng iyong kalahi, tuwing papalapit nang papalapit kami sa iyong kinaroroonan. Ngunit ikaw at ikaw ang dapat sisihin, sakali’t wala kaming matagpuang gamot mula man sa basag na págang o kalbong bundok.

H
Pambihira ang iyong pandinig at pambihira ang paswit, at kung naririnig namin ang litanya ng iyong reklamo at hinihingi, masuwerte ka na kung maging palasyo mo ang maalinsangang bilibid.

I
Sa laboratoryo ng agham, isa kang halimbawa kung paano matutuklas ang homolohiya ng aming sakít. Ngunit ang sákit mo’y hindi kami ineeksperimento para sa lunas laban sa taglay na bigat ng iyong ilong at pakpak.

J
Pampatigas sa impotenteng libog, ikaw ang mahiwagang sopas upang humaba at lumawig ang aming salinlahi. O sadyang napakaikli ng aming titi para sa gayong kalaking pagkakamali.

K
Pumapasok ka sa aming panaginip, at ang eskarlata mong hulagway ang inaabangan naming kasaganahan o kabaitan o kapanatagan sa oras ng pagpanaw. Na kakatwang kabaligtaran ngayong nagbibilang kami ng mga agaw-buhay.

L
Ikaw ang bampira sa antigong kastilyo ng aming guniguni. Ngunit sa oras na kami’y mapukaw, asahan mong bangungot ang pagtugis sa iyo para maitanghal ka sa aming kayliwanag na museo.

M
Ano kung uminom ka ng dugo mula sa sugatang kambing o kalabaw? Higit na marami kaming napapatay araw-araw, at tumutungga ng mapupulang alak sa ngalan ng Negosyo at Digmaan.

N
Lumulusog ang aming pananim mula sa iyong dumi. At ang dumi mo’y nagpapakapal sa aming bulsa. Bilang pagkilala, iuukit ka namin sa mga alahas, itatampok na fatek sa dibdib, ibuburda sa sablay, ipapalamuti sa setro, at hahaba nang hahaba ang salaysay kung hindi ka namin wawakasan.

O
Ligaya kung tanawin ka namin, at tatangayin kami ng suwerte sa mga pook na hindi inaasahan. Hindi mo ba itatanong kung bakit nagluluksa ang mga bata’t matanda?

Huwag akong kaawaan, ni Aimé Césaire

Salin ng “N’ayez point pitié de moi,” ni Aimé Césaire ng Martinique, France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag akong kaawaan

Umusok latian

ang mga imaheng yungib ng walang nakababatid
ay ibinabalikwas sa akin ang tahimik na takipsilim
ng mga halakhak nito

Umusok o latian tayom puso
mga patay na bituing pinakalma ng kahanga-hangang
mga kamay ay sumirit sa himaymay ng aking paningin

Umusok umusok
ang babasaging karimlan ng tinig ko’y nagkalansingan
sa nangagliliyab na lungsod
at ang di-matatakasang lantay ng kamay ko’y tinatawagan
mula sa malayo, sa napakalayo, mula sa minanang lahi
ang matagumpay na sigasig ng asido sa balát
ng búhay—ang latian—

gaya ng ulupong na iniluwal mula sa bulawang lakas
ng karilagan

Aimbukad: Poetry unstoppable

 

Pasimula, ni Silvio Giussani

Salin ng tulang tuluyan ni Silvio Giussani.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PASIMULA

Tinahak ng mga tren ang nagmamadaling mga tulay na ang hangin ay nilalabanan ang antok sa karimlan, patungo sa tahol ng mga aso na ang pahiwatig ng kisapmatang pangalan ay umiiral. Nakapagkit ang nomena sa mga puwang na waring mga anino sa aking isipan.

Sumilang ang luma’t marupok na awit kung saan-saan. Matamang naghintay ang mga bahayan ng tiyak na sandaling darating o lilipas. Ngayon, sa pagitan ng mga sanga, ang simoy ay sumisipol ng mga heograpiya ng sarili at tinatangay ang mga kaluluwa sa hanggahan ng panginorin.

Ako’y nasa labas ng anumang isipan na pinaniniwalaang angkin ko, at nang higit sa lahat nitong gawi. Napangiti habang nakaupo ang aking ama sa kaniyang ataul. Sumalpok ang baha-bahagdang tikatik laban sa panahong pinabagal—ang yungib na pinapasok namin sa pagbabalik.

Mga nimpa sa yungib ng unos, ni Edward John Poynter

Mga nimpa sa yungib ng unos, ni Edward John Poynter

Santa Rosalia

Nakahimlay sa matarik na yungib ang pag-ibig, at ang pag-ibig na ito ang aking tagapagligtas. Naulinig iyon ng babaeng maysakit, at napasigaw ng Hesus ko! ngunit inakala marahil na bungang-isip sa mga gabi ng deliryo. Mauulinig muli iyon ng mangangaso isang araw, at hahanapin nito ang kakatwang tinig na iniluluwal ng bunganga ng bundok. Hahalimuyak ang mga buto ng dalagang banal, gaya ng laksang rosal, alinsunod sa utos ng Maykapal. Susundan ng ginoo ang mga sariwang talulot sa bagnos, hanggang matuklasan ang pagmamahal na nakasaplot sa hiwaga ng dasal ang lastag na kalansay. Maaaring napaluha ang mangangaso, at ibababa niya ang mga buto mula sa yungib upang pagparangalan ng lungsod. Uurong ang salot na hatid ng mga pulgas at daga, uurong palayo sa nilalagnat na bayan, at ito ang paniniwalang maghahari sa kalooban ng madla. Hanggang ang likidong alamat ay maisalin sa iyong aklat at gunita. Magkakatawang tao muli ang alamat sa sandaling hindi mo inaasahan. At sa isang mabangong silid na bubukál ang dula ng paulit-ulit na pagpasok ng mangangaso sa madulas, masikip, madilim na lagusan—na naglilihim ng pag-ibig na mananatiling inmortal.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 26 Enero 2010.